Professional Documents
Culture Documents
College Department
Malikhaing Pagsulat
III-BSEd Filipino
Abril 12, 2023
Ang pagkatuklas ko kay Aesop na kinikilala bilang “Ama ng mga Sinaunang Pabula” ay hindi
aksidente sapagkat minsan ko na siyang namataang naglalakbay sa mga kuwentong sinulat niya at
sa bibig ng aking guro noong nasa elementarya hanggang landasin niya ang aking isipan. Sinadya
kong magkita kami, tiniyak ko na ang rutang tinatahak niya ay katulad din sa akin dahil nais ko
siyang makilala sa pamamagitan ng kaniyang mga kuwento. Nagkatagpo kami sa isa niyang
kuwento tungkol sa isang mangangahoy na nahulog ang palakol sa ilog. Narinig ng diyos ng
Romano na si Mercury ang taghoy nito kaya tinulungan niyang maibalik ang palakol ng
mangangahoy. Noong una ay iniahon ng diyos ang isang gintong palakol ngunit inamin ng
mangangahoy na hindi niya iyon pag-aari dahil isang ordinaryong kagamitan lamang ang sa kaniya.
Nagpakita pa ang diyos ng pilak na palakol ngunit hindi niya pa rin iyon kinuha hanggang naibalik
din sa kaniya ang tunay at ordinaryong palakol na ginagamit niya. Natuwa ang diyos sa pagiging
totoo ng mangangahoy kaya ginantimpalaan niya ito. Katulad sa tipikal na wakas ng kuwento, lagi’t
laging may leksiyon at kakintalang iniiwan sa mambabasa. Ang pagsasalaysay ni Aesop sa kuwento
ng mangangahoy ay nagbigay sa akin ng depinisyon ng kaasalan, at kabutihang nananaig o
maaaring manaig sa bawat indibidwal.
Masasabing noong bata pa lamang tayo, hindi pa ganap ang pagtukoy natin kung tama o
mali ba ang kilos na ginagawa dahil sa labas ng tahanan ay nakatatagpo pa tayo ng mga salik na
maaaring makaimpluwensiya sa pag-iisip at pagdedesisyon natin. Minsan pa ay nagiging impulsibo
tayo sa ating mga aksyon na nagreresulta ng mga konsekwens, at pagkatuto. Sa pagbibinata at
pagdadalaga, at transisyon ng pagtanda, dito higit na nasusubok ang paraan ng ating pag-iisip at
pagdedesisyon. Kaya sa edad kong ito, marami pa akong makikilalang katulad ko na malayang
lumalalayag sa kompleks na anyo ng buhay. Kaugnay nito ay ang paghahalintulad ko sa aking
isipan sa sisidlan na maraming mga tanong. Mga tanong na may kaugnayan sa pagiging totoo ko sa
aking kapuwa na bumabagabag sa akin na marahil ay matatamo lamang ang kalutasan kung
maglalaan ng oras sa pag-obserba, pag-unawa, at pagtatanong (3Ps). Sa ilang mga sitwasyon ng
aking pagmumuni-muni, umiiral ang aking metakognisyon. Napatanong ako sa sarili ko, hanggang
kailan ba dapat tayo maging totoo sa ating kapuwa? Sa lahat ba ng pagkakataon ay dapat maging
totoo tayo sa taong kausap natin? Ang pagiging totoo ba sa kapuwa ay parte ng ating prinsipyong
dala-dala na tila siglo nating pinangangalagaan na bumubuo sa ating sarili upang masabing mabuti
tayong tao?
Sabi nila ay lahat naman ng tao sa mundo ay may posibilidad na maging isang santo kaya
naman ilalagak ko rito ang pinagninilayan kong 3Ps tungo sa pagiging totoo sa kapuwa, at ilang
mga realisasyon sa buhay nang sa gayon kapag ako ay naging alikabok o kung papalarin ay
mahirang bilang santo o magiting na indibidwal sa aking panahon ay magkakaroon ng batayan sa
pagiging mabuting tao ang aking mga apo.
PAG-OBSERBA. Ayon kay Mili (n.d.), ang taong tapat ay nakatatanggap ng paggalang mula sa
ibang tao, at siya ay ginagalang kahit saanmang lugar. Ang puntong ito ay nagsasaad ng maaaring
positibong resulta ng pagsasabi ng totoo. Nakalulugod nga namang isipin na kinawiwilihan ako ng
mga tao dahil kilala ako sa taguring “Mr. Truthfully” dahil sa pagiging totoo ko. Makikilala rin ako
sa pagkakaroon ko ng sinseridad sa aking mga pahayag. Sino ba namang may gusto sa
kasinungalingan? Wala sa atin ang nais magkaroon ng katotong panatiko ng pagsisinungaling, at
umiidolo sa sinungaling. Ayaw natin ng mga politikong hindi tapat at totoo sa mga salita at gawa.
Nakikibaka tayo sa paglaban sa katotohanan. Sa pakikibaka nating iyon, tinitiyak din natin na ang
pagiging totoo ay magsisimula sa ating mga sarili. Lahat tayo ay nananabik at natatakam sa
matamis lasa ng katotohanan, ngunit sa realidad, may kaunting alat at pait na dulot nito.
Alat at pait ng katotohanan. Muli nating balasahin ang mga baraha. Nakalulugod nga
namang isipin na nagsasabi tayo ng totoo ngunit higit na nakalulugod kung mapoprotektahan
natin ang ating sarili mula sa mga taong ipapahamak tayo. Ayon kay Orwell (2016), ang labis na
pagsasabi ng totoo sa ating kapuwa lalo na ang mga personal nating karanasan ay maaaring mauwi
sa isang aktong rebolusyonaryo. Sa pagkakataong ito, nais kong pagnilayan nating muli ang tanong
na “hanggang kailan ba dapat tayo maging totoo sa ating kapuwa?”. Ang sagot ay mag-obserba.
Magsasabi tayo ng totoo dahil iyon ang nararapat na matanggap ng iba, at isinasaalang-alang pa rin
ang etiko – ang moralidad. Magsasabi tayo ng totoo dahil hindi naman natin hinahangad na
manloko ng ibang tao, at lokohin ang sarili. Mag-obserba. Hindi sa lahat ng pagkakataon ay
kailangang isiwalat ang katotohanan, may limitasyon pa rin. Malay mo, umabot sa Malaysia ang
kinuwento mo sa iyong kaibigan na dapat ay dalawa lamang kayo ang nakaaalam. Malay natin
lumalayo na sa katotohanan ang mga pahayag na naisiwalat sa iba. Kaya hindi lahat ng totoo ay
kailangan kong masabi, magiging matalino pa ako sa pag-obserba at pagkilala para proteksyunan
ang sarili.
“Alam ba ninyo mga anak, noong bata ako, magaling akong magpalipad ng guryon. Mataas
ang naaabot nito, mas mataas pa nga sa pangarap ko. At saka sa totoo lang, walang halong biro,
madali lang ang pag-asembol ng guryon.”
Eh? Kahit hindi ako marunong magpalipad at mag-asembol ng saranggola noong bata ako?
Ang nais ko lamang puntohin ay sa bawat pahayag na sinasabi natin, totoo man o hindi,
higit na mainam siguro kung hindi ito nakasasama sa ibang tao. Nasa pagpapasya mo na bilang
ispiker kung paano mo pagaganahin ang mekanismo ng iyong pagsasalita at pagiging totoo sa
kapuwa na isinasaalang-alang pa rin ang kabutihan ng iba at higit sa lahat – ng iyong sarili.
PAGTATANONG. Ang huli ay pagtatanong. Usisain nang maigi ang mga kilos na ginagawa at
salitang lumalabas sa bibig. Sa pag-uusisa natin, naglalapat tayo ng magkakabuklod-buklod na
tanong tungkol sa ating indibidwalidad at eksistensiya sa daigdig. Pinahihintulutan natin ang
sariling isip na tanungin ang sarili upang maunawaan ang anatomiya ng isip. Hinihimay-himay ang
isip upang maunawaan ang mga kasulukuyang danas na magiging kaliwanagan tungo sa pagiging
totoo natin sa kapuwa.
(Halimbawa nababasa mo ang isip ko.) “Teka, jowa ng kaibigan ko ‘yon ah, bakit may
kasama siyang ibang babae? Nagyayapusan pa sila sa Jollibee. Sasabihin ko ba sa kaniya na niloloko
siya ng jowa niya? Hindi, huwag, baka kapatid lang ng jowa niya ‘yung babae. Ano kayang
mangyayari kapag sinabi ko ang totoo? Ah, sasabihin ko kung ano ang nakita ko lang sa maayos na
paraan, at no side comments. Tama naman ‘yon ‘di ba, self?”
Sa mga ganoong sitwasyon, mabuting tanungin muna ang sariling isip. Makapangyarihan na
ang salita sa panahon ngayon, at malaki ang epektong maaaring maidulot nito sa iba.
Binusalan ng pulang tela ang bibig. Humahagulgol. Niyayapos ng dilim at kawalang pag-asa
ang buong sistema. Naglalakad nang nakayapak habang hinahalikan ng talampakan ang marumi’t
puno ng putik na sementadong kalsada. Nagkalat sa mga kalye ang mga nagdurugong kandila.
Umapaw rin sa Ilog Pasig ang mga palahaw na palihim na itinapon ng mababangis na buwitre.
Ganito kung mailalarawan ang isang nilalang na ninakawan ng dangal at karapatan sa kaniyang
bayan mismo. Kasalukuyan tayong nakikipaglaban. Ang Pilipinas ay lumalaban. Sandaling tumigil
sa pag-inog ang daigdig nang mag-alay si Allan Popa ng isang berso,
Noon pa man ay laganap na ang inhustisya. Isinilang na ito sa iba’t ibang panahon, at
nailimbag na sa maraming mga aklat. Lagi’t laging idinidiin na ang karalitaan ang sentro nito, at
ang mga nilalang na may kapangyarihan at superyor sa lipunan ang nagpapalakas sa mga puwersa
ng inhustisya. Samantala, ang mga dukha at nakararanas ng kasalatan sa pera ang laging biktima.
Ang kahirapan naman ng mga tao noong panahong Medieval ay maiuugnay sa mga krimen.
Dahil sa kakulangan ng makakain at pagpapataw ng mataas na buwis, nagbunsod ito ng pag-aalsa
ng mga tao sa mga makapangyarihan. Ang panahong ito ay maituturing ding Dark Ages sapagkat sa
kabila ng pag-unlad ng kaalaman at iba pang aspetong panlipunan katulad ng arkitektura at
pamahalaan, hindi maipagkakailang ang pamumuno ng hari at reyna ang sumubok sa kakayahan
ng mga tao noon. Sumusunod sa itinuturing na diyos sa kabila ng pang-iipit sa kanilang karapatan.
Kasabay nito ay ang pag-usbong ng iba’t ibang anyo ng rebolusyon. Ang pagkilos ng iba’t
ibang grupo sa lipunan ay hudyat ng unti-unting pagkamulat ng ating kamalayan. Nagsisilbing
ilaw-dagitab ang mga boses ng nakikibaka upang magsilbing liwanag sa inhustisyang nararanasan,
at sa paghahangad ng reporma. Bagaman lugmok sa putikan ang ilan, may patuloy na lumalaban at
hindi nagpapabusal ng tela sa bibig sapagkat sila ay may ipinaglalaban. Ang paghahangad natin ng
pagbabago ay hindi naman malabo lalo na’t may mga umiiral ng mga batas, programa at
adbokasiya, at mga kakampi sa labanang ito.
Libre lamang ang pagpunta namin dito, ang binayaran lamang namin ay ang parking fee at
nirentahang cottage upang pagtatambayan panandali kung nagsawa nang makipaghabulan sa
malalaking alon. Napananatili rin ang kaligtasan ng mga turistang kasama namin dahil hindi
tumitigil ang mga pamunuan ng mga resort at awtoridad sa pagpapaalala na mag-iingat.
Nang magkayayaan na ang aking mga pinsan na lumangoy (kahit hindi naman ako marunong
lumangoy), nagsimula na akong maglakad, sumisid, at piliting hulihin ang maliliit na isda gamit
lamang ang aking kamay. Hindi ko alintana ang init na dala ng tirik na tirik na araw dahil ramdam
ko naman ang lamig ng tubig-dagat na hinuhugasan hindi lamang ang dumi ng aking katawan, pati
na rin ang pagod na nararamdaman noong school year na yaon. Ang buhangin ng dagat ay kulay
cream at naramdaman ng aking mga paa ang pagiging pinong-pino nito.
Tunay na nakahahalina ang Patar Beach. Tila hinuhubaran nito ang kaniyang sarili upang
ipakita sa amin ang kaniyang ganda, iparamdam ang init ng summer at ang preskong hangin, at
siyempre painumin kami ng libre at unli na maalat na tubig. Sa kabila niyon, batay sa aking naging
karanasan, maging maingat sa paglangoy dahil may mga nakatagong sea urchin sa kasuluksukan ng
mga bato, at kahit sabihin kong nasa ibabaw na parte ako ng dagat at hindi kalayuan sa baybayin,
may malalalim pa ring parte na nanggugulat sa akin. Isa rin sa dapat pairalin ng mga turistang
tulad ko ay ang pagkakaroon ng disiplina sapagkat napansin kong may ilang mga plastic bottle at
balat ng tsitsirya na lumulutang sa beach.
Marso noong taong iyon, naramdaman ko ang pagiging isa at pagsasama-sama naming
magkakapamilya. Napuno kami ng halakhakan habang pinagsasaluhan ang aming mga baong
pagkain. Sa totoo lamang, bukod sa tanawin ng dagat na bumusog sa aking mga mata ay nasilayan
ko rin ang mga nakaukit na ngiti sa labi ng mga turista. Hindi nakasasawang pagmasdan ang
ganoong klase ng tanawin dahil lagi’t laging may espasyo sa aking puso ang mga larawang hindi
lamang nakukuhanan ng lente ng kamera kundi nakikita ng mga mata. Nagpapasalamat ako dahil
naramdaman ko ang pagiging maligaya ng aking puso noong panahong iyon, at pagkasabik na
tulad ng isang musmos na bata dahil sa sumunod na taon, binago ng pandemya ang buhay namin.
Gerona Junior College, Inc
College Department
Malikhaing Pagsulat
Teorya Patunay
1. Feminismo “Ayaw niya na maging katulad ni Felix ang
nakatatandang kapatid nito na dahil sa labis na
oras na ginugugol sa pag-aaral at pagbabasa
ng mga aklat, pagkatapos makatungtong ng
kolehiyo ay naging kasapi ng organisasyong
may kaugnayan sa aktibismo. Nakikibaka si
Roselle. Nakikibaka para sa reporma at
pagbabago sa bayan at sistema ng
pamamalakad ng kanilang alkalde.”
Ang bahaging ito ng kuwento ay may
makafeministang pananaw sapagkat hindi
nilimitahan ng may-akda ang karakterisasyon
ng katauhan ni Roselle bilang isang babae. Ang
ganitong mga pahayag ay nagpapakita ng
kakayahan ng babae na ipaglaban ang dangal
ng kaniyang bayan.
2. Realismo “Matagal na niya itong guro. Matagal na ring
pinagsasamantalahan ang kaniyang
pagkainosente. Magmula noong tumungtong
siya ng sekondarya ay naging guro na niya si
Mr. Guzman. Kaya nananatili siyang tahimik ay
dahil natatakot siya sa maaaring higit na
magawa ng guro sa kaniya.”
Walang pagroromantisang ginawa ang
may-akda sa pagsasalaysay sa kalagayan ni
Felix. Ang dapat sanang ligtas na pook-
linangan para sa mga mag-aaral ngunit pugad
ng ilang mapang-abusong mga guro. Totoo ring
nangyayari ang ganitong uri ng pang-aabuso
na naiulat na sa mga balita.
3. Imahismo “Malayang humihiwalay ang pulang likidong
inilalabas ng katawan ng binata na sinasalo
naman ng kalsadang ilang beses nang naging
saksi sa mga trahedyang naganap at sa
kasaysayan ng kanilang lugar.”
Ang pagiging epektibo ng panitikan ay
makikita rin sa kasiningang taglay ng akda.
Ikinonsidera ng akda ang mga pahayag na
nagtataglay ng imahen upang higit na
maipakita ang ideya at maipaunawa sa
mambabasa ang kuwento.
4. Naturalismo (Konteksto: Nakita ng mga kapitbahay na patay
na si Felix)
“Dapat makita ng FB friends ko ito.”
“Kaawa-awang bata, guwapo pa naman.”
“Naku, baka naman nahulihan ng droga ‘yan.”
“Droga? Eh, ang pagkakaalam ko, mabait ang
batang ‘yan.”
Naturalismo ang bahaging ito ng kuwento
sapagkat likas na sa ilang mga Pilipino na
makiusyoso sa isang insidente at magbitiw ng
kung ano-anong pahayag na wala namang
kaugnayan sa pangyayari. Ang reaksyon lagi ng
mga tsismoso’t tsismosa sa stimuli na nakahain
sa kanilang harapan ay wala namang
maidudulot na maganda sa kapuwa.
5. Sosyolohikal “Nasa ganoon pa ring eksena ang mga tao na
tila may shooting ng mga artista para sa isang
teleserye ngunit sa totoo ay isang shoot to kill
ang naganap nang magtungo sa pinangyarihan
ng insidente si Kagawad Domeng upang
tangkaing usisain ang pangyayari.”
Maihahalintulad ang bahagi ng kuwentong
ito sa “giyera kontra droga” na higit na umiral
noong administrasyong Duterte kung saan may
mga inosenteng pinapatay. Inilalagay ng
awtoridad o ng mga armadong tao ang batas sa
kanilang kamay upang protektahan ang mga
pansariling interes.
Gerona Junior College, Inc
College Department
Malikhaing Pagsulat
V. BUOD
Ang kuwento ay nagsimula sa diskusyon ng magkakapatid kabilang ang panganay na si
Pedring at bunsong si Marsing tungkol sa magiging hatian nila sa kanilang mga mana kapag
mamamatay na ang kanilang ina. Pinabulaanan naman ni Marsing ang tungkol dito dahil tila
inuunahan na ng kaniyang kuya ang mangyayari sa kanilang ina. Hindi naging maganda ang trato
ni Pedring sa kanilang ina, itinuring niya ito bilang pabigat sa kanilang mag-asawa, ang tanging
hinahangad lamang naman niya ay ang pamanang makukuha niya.
Nang bisitahin ni Marsing ang ina, natuklasan niya rin mula sa kanilang kapitbahay ang
hindi magandang pagtrato ng kaniyang kapatid sa ina. Kinompronta niya ito ngunit nangyari na
ang hindi niya inaasahan, namatay na ang ina dahil sa malubha na ang sakit nito. Tila
pinagsakluban ng langit at lupa si Marsing dahil sa nangyari, nawalan na rin siya ng gana sa lahat
ng bagay. Sinusubukan naman siyang patahanin ng kababatang si Perla ngunit hindi pa rin
nawawala ang bigat na kaniyang nadarama.
Sa pagkamatay ng ina, ibinenta na ni Pedring ang lupang pag-aari nila at kinuha ang pera.
Sumabay pa ito sa mga problemang iniisip ni Marsing. Nawala na ang kaniyang ina, at labis-labis
naman ang kasakiman ng kaniyang kuya. Hanggang sa isang araw, natagpuan na lamang na wala ng
buhay si Marsing dahil siya ay nagpakamatay marahil ay dulot na rin ng sunod-sunod na
problemang dumating sa kaniya.
VII. TAYUTAY
1. Pahayag: hinihintay ni Pedring na pumuti ang uwak (Pagmamalabis)
Paliwanag: Sa konteksto ng kuwento, ngangahulugan itong paghihintay sa bagay na imposible
mangyari dahil hindi na makapaghintay si Pedring na makuha ang kaniyang mana, inaasahan na
rin niyang mapapadali ito dahil karamdaman ng ina.
2. Pahayag: Tila huminto ang mundo ni Marsing sa kaniyang mga narinig at nandilim ang paningin
nito. (Paglulumanay o eupenismo)
Paliwanag: Ang pandidilim ng paningin ay katumbas ng galit na nararamdaman ng isang tao.
Pinalumanay ng may-akda ang pahayag upang mapanatili ang kasiningan at hindi maging bulgar.
3. Pahayag: Hindi lubos maisip ni Marsing na ang kaniyang pagdating ay mismong araw ng
kamatayan ng kaniyang ina. (Pasukdol)
Paliwanag: Sa pahayag, mapapansin ang papataas na antas ng kaisipan na may pinakamasidhing
damdaming ipinakita.
X. BISA
1. Bisa sa Isip.
Ang akda ay naging daan upang higit kong maunawaan na ang mga sitwasyon katulad kina
Pedring at Marsing ay mahalagang magkaroon ng maayos na komunikasyon upang mapanatili ang
relasyon.
Bukod sa kaisipang naikintal sa akin, mahalaga ring representasyon ang tauhang si Marsing
upang ipaunawa sa akin ang kahalagahan ng hindi pagkikimkim ng mga problema at paghahanap
ng makakasama upang maibsan ang sakit at bigat ng bagaheng dala-dala.
2. Bisa sa Damdamin.
Nakuha ng simula ng kuwento ang aking damdamin lalo na noong dumalaw si Marsing sa
inang may sakit dahil ang maliliit na bagay ng pagkalugod natin sa ating mga magulang ay
nagpapakita ng pagmamahal natin sa kanila.
Ipinaramdam din ng may-akda na hindi sa lahat ng pagkakataon ay makikita lamang ang
suliraning ikinahaharap ng tao sa labas nitong anyo sapagkat higit na mabigat ang ginagawang
pagkikimkim ng nadarama. Pinaalalahanan ako ng akda na hangga't maaari, kung may
mapagkakatiwalaan akong tao, maaari akong humingi ng gabay nang maibsan ang sakit sa aking
loob.
3. Bisa sa kaasalan.
Ang ginawang pagsasalaysay ng may-akda sa karakterisasyon ni Pedring ay
nagpapahintulot sa ating indibidwalidad na piliin ang maging mabuti anumang oras. Ang
kasakiman sa anumang anyo nito ay walang maidudulot na maganda sa kapuwa maging sa sarili.
4. Bisa sa Lipunan.
Bahagi na ng lipunang Pilipino ang ganitong kulturang namamayani sa bawat pamilya —
ang tunggalian sa lupa sa pagitan ng magkakapatid na nagreresulta ng hidwaan. Mahalagang
mabasa ng mga Pilipinong mambabasa ang akdang sumasalamin sa realidad ngayon sapagkat
magsisilbi itong batayan tungo sa pagbuo ng mga desisyong makabubuti sa lahat.
Mahalagang mapanatili ang pundasyon ng isang pamilya dahil dito lamang tayo unang
nakatatanggap ng kalinga, sa mga sitwasyon katulad ng kina Pedring at Marsing, isipin ang
kabutihan ng lahat at huwag magpadala sa kasakiman.
PANUNURING
PAMPANITIKAN
Ipinasa ni:
John Vincent D. Vasquez
Ipinasa kay:
G. Ian R. Dela Pasion