You are on page 1of 2

RUBIO, Doriel Jake

4SE-BSECE
HILING SA PAMAMAALAM

Sa ating mahal na guro, nais kong bumati ng magandang hapon. Sa aking


mga kaklase na litaw ang kagandahan at kagwapuhan, marahil sa bakas ng kaba sa
kanilang mga mukha, pagbigyan niyo sana akong makapagsalita sa inyong harapan.
Sa maiksing panahon natin sa ating munting unibersidad, ganun naman ang
dami ng naranasan nating pagpapaalam. Sa ating mga dating kaklase, na
nagpasyang humanap ng ibang daan kaiba sa atin. Sa ating mga dating guro, na
nagpahinga na mula sa pagtuturo. Sa ating naging unang mahal na tagapayo, na
maswerte tayong ating naabutan bago magretiro, na nasa langit na ngayon. Ang
pait at tamis ng paalam. Sa mabilis na ilang buwan, tayo naman ang magbibigay
nito sa ating naging pangalawang tahanan. Bago dumating ang araw na yon,
hayaan niyo sana akong maglatag ng ilang kahilingan.
Aking mga mahal na kaklase, napakabilis ng panahon. Halos ang paglubog ng
araw, na sobrang inaasam habang naka-upo sa mga pinaka-paborito nating klase,
ngayon ay kay bilis ng narating. Sa sandaling napapikit ka sa silaw ng unang sulyap
ng araw, pag dilat mo, ang siya namang pagdating ng buwan. Tila nga napakabilis,
at magiging mas mabilis pa ito. Kapwa ko mag-aaral, nais kong sulitin niyo ang
natitirang patak ng mga araw, dahil hindi na ito maibabalik. Ang iyong mga
nakikitang mukha sa paligid ngayon, ay mapapalipatan na ng panibago. Nais kong
lasapin natin ang sarap ng ating pagsasama, na para bang ating paburitong ulam.
Gumawa ng mga masasayang ala-ala, pagtibayin ang pagkakakilala sa isat isa. Yan
ang aking unang hiling.
Sa aking pangalawang hiling, gusto kong tahakin natin ang ulap. Sa paglabas
natin sa unibersidad, tatapak tayo sa lugar na bago sa atin. Tutubuan tayo ng
pakiramdam ng pangangamba, dala ng mga alanganin at mga bagay na di natin
sigurado kung ano ang gagawin. Sa panahong matatagpuan natin ang ating sarili sa
gitna ng kawalan, gusto kong tayo ay tumingin sa langit. Ibuka natin ang mga
pakpak na hinulma mula sa ating mga natutunan. Kahit ano pa man ang iharap sa
atin, gusto kong hindi tayo mag-aalangang ibuhos ang lahat ng ating makakaya.
Binigyan tayo ng paraan para lumipad, kaya atin itong gamitin. Yan ang aking
pangalawang kahilingan.
Ngunit kahit gaano man kataas ang ating liliparin, wag sana tayong
makalimot. Bago pa natin matikman ang lambot ng ulap, nagsimula tayo sa lupa.
Nagsimula tayo dito sa ating unibersidad. Sila ang nagpunla sa ating mga lupang
uhaw sa sustansya. Kasama dito ang ating mga kaklase, na bagamat ay may
kanya-kanyang daan, pinagpalang nagtagpo dito isang punto sa kanilanang buhay.
Alalahanin natin ang isat isa. Alalahanin natin ang ating naging pangalawang
tahanan. Bagamat masakit isipin na kung sino pa ang nagbigay sa atin ng pakpak
ay siya pang ating unang lilisanin, bukas lagi ang daan pabalik. Sa aking huling
kahilingan, nais kong habangbuhay maging bahagi ng ating storya ang lugar na ito,
kasama ang mga taong ating nakilala dito. Ika nga sa lumang kasabihan, Ang hindi
lumingon sa pinaggalingan, ay hindi makakarating sa paroroonan. Hindi ko nais
ang maligaw ang sino man sa atin, pero hindi naman tayo masasaktan sa sandaling
sulyap sa ating unang pinanggalingan, hindi ba?

RUBIO, Doriel Jake

4SE-BSECE

Aking mga kaklase, salamat sa inyong panahong inilaan para pakinggan ang
aking kaunting kahilingan. Sandali man ang ating pagsasama, kayo ay akin na ring
naging pamilya. At dahil doon, nais kong makita ang inyong pag-unlad. Nais kong
makita kung gaano kataas ang kaya niyong ilipad.
Sa aking mga kaklase, sa ating mahal na guro, salamat sa pakikinig sa aking
Hiling sa Pamamaalam.

You might also like