You are on page 1of 4

Balunsat, Catherine R.

BSE-Filipino 3

Di-Pormal na Sanaysay

1. Sino ba ako?

2. Pangarap

3. Pinalaki sa kasinungalingan

4. Pagkitil Sa Bagong Sibol

Sino ba ako?

Ang aking ina, ama, kapatid, tiyahin, tiyuhin, pinsan, at mga kaibigan. Silang lahat ay aking
nakasama sa luob ng mahabang panahon. Kilala ko ang bawat miyembro ng aking pamilya,
ganuon din naman ang aking mga kaibigan. Alam ko ang mga bagay na hilig nilang gawin at mga
lugar na lagi nilang pinupuntahan, pati mga pagkaing madalas nilang kinakain. Ganuon ko sila
kakilala, ngunit sapat na ba iyon upang malaman ko kung sino talaga sila? Gaya ng aking sarili.
Lubos ko na bang kilala kung sino talaga ako, bilang ako?

Ako, isang simpleng tao. Gaya ng iba mayroon din akong mga pangarap. Mga pangarap na
walang katapusan. Kapag mayroon na akong mga ninanais na bagay na aking nakamit ay
mayroon na namang bagong pangarap na uusbong sa aking puso at isip. Maiksi lamang ang
buhay at walang sandali ang dapat sayangin. Ako, sa aking pagkakakilala sa aking sarili, ay isang
tao na hinding hindi titigil sa isang bagay na aking nasimulan. Sa paaralan, tahanan, sa trabaho,
o saan mang lugar ako mapunta ay hinding -hindi ako mag-iiwan ng isang bagay na aking
sinimulan na hindi natatapos. Pagdating naman sa aming tahanan, kasama na sa aking pamilya
ay tunay kong maipagmamalaki ang tunay na ako. Maasahan ako sa mga gawaing bahay na
hindi na kinakailangan pang utusan upang kumilos. Sa mga suliraning pampamilya naman ay
mayroon na akong parte na buong puso kong ginagampanan upang malampasan ang mga
problemang iyon sa tulong ng iba pang miyembro ng aking pamilya. Pagdating sa ibang tao, sino
nga ba ako? Ako, bilang isang kaibigan, sa tingin ko ay sapat na ang tunay na ako, upang
matawag na isang mabuting kaibigan. Masaya sa oras ng tawanan, at malungkot naman sa mga
panahong may suliranin ang isa sa aking mga kasama. Marami na akong nakasama at
nakasalamuhang iba't ibang uri ng mga tao, ngunit walang nagtatagal sapagkat sa lahat ng
ayoko ay iyong mga taong may dalawang mukha o yung mga tinatawag nilang "plastic". Ako
kaya kong sumayaw at sumabay sa lahat ng uri ng tugtugin, upang makisama. Kaya kong
baguhin ang ang ilan sa mga bagay na aking nakaugalian upang magustuhan ng iba. Hindi ko
nais na maraming makikisama sa akin ngunit balatkayo naman ang aking pinapakita. Ang nais
ko'y tanggapin ako sa paraan ng kung sino talaga ako. Hindi na baleng ilan lamang ang aking
mga nakakasama, nakatitiyak naman akong tunay ang mga ito. Nariyan rin ang aking mga
pamilya na alam kong hinding-hindi tatalikod sa akin.

Sabi nila walang ibang nakakakilala sa atin ng lubusan kundi ang ating sarili lamang. Ako kilala
ko kung sino si " Ako" at kung ano ang tunay na"Ako". Ikaw kilala mo ba kung sino si "Ikaw"at
kung ano ang tunay na"Ikaw" .

Pangarap

Lahat tayo ay pamilyar sa tanong na "ano ang gusto mo maging paglaki at bakit?" Kasi bata pa
lamang tayo ay itinatanong na sa atin ang katanungang iyan. Minsan nga ay pinagawa pa tayo
ng sanysay tungkol sa ating mga pangarap sa ating eskwelahan. Pero kahit na napakasimple ng
tanong na iyan minsan ay ginugugol natin ang buo nating oras para maisip kung ano nga ba
talaga ang isasagot natin sa tanong na iyan. Ano nga ba talaga ang gusto natin? Ano nga ba
talaga ang gusto ko?

Sabi ng magulang ko, sa tuwing tinatanong daw sa akin yan ay ang dami-dami ko raw sinasabi.
Ang dami ko raw pinaplano, kitang-kita raw ang isang simpleng bata na punong-puno ng
pangarap at mithiin sa buhay. Libutin ang buong mundo, maging artista, maging mahusay na
mananayaw, magpatayo ng sariling kompanya, magkaroon ng maraming pera at damit, maging
guro, makabili ng maraming sasakyan, makapagpatayo ng malalaking bahay at marami pang
iba, yan ang madalas na pangarap ng isang bata. Pero habang lumalaki ako ay natutuklasan
kung ano nga ba talaga ang gusto ko, habang lumalaki ako ang mga pangarap ko noong bata
ako ay nababawasan, nadadagdagan at nababago. Sa palagay ko ang nais at tanging pangarap
ko ngayon ag mapagtagumpayan ko ang aking edukasiyon, magsipag, magsumikap, maging
matalino, magtiyaga, magtiis at makapagtapos. Dahil naniniwala ako na habang tinatanggap ko
ang iba`t-ibang kaalaman, na habang nasa paglalakbay ako ng paghahanap ng katotohanan ay
kasabay ng pagtuklas ko ng tunay na mithiin ko sa buhay.

Isang pangarap na may mukha ng ligaya, tamis ng ginhawa at mga taong masaya. Sa
pamamagitan ng hiling kong ito, sana`y matupad ang pangarap ko. Ikaw? Ano ang gusto mong
maging? Kung wala pa, pwede ka munang maging masaya!
Pinalaki sa kasinungalingan

Pinalaki tayo sa kasinungalingan. Bata pa lang tayo, sinanay na tayo sa mga nilalang na hindi
naman natin nakikita. Kapre, tikbalang, manananggal, tiyanak, multo at mangkukulam. Mga
lamang-lupa daw ang tawag dito. Nagtataka ako kung bakit hindi isinama ang kamote, sibuyas
at luya. Mga lamang-lupa din naman iyon.

Kapag nagkakasakit tayo, ipinipilit ng Nanay na masarap ang lasa ng gamot para sa sakit mo.
Kahit kalasa iyon ng tinta ng pentel pen o panis na mantika. Para mapainom ka, kailangang
pasinungalingang pagkasarap-sarap ng gamot kahit pati sila kapag umiinom nito ay
nagkakandangiwi na rin sa simangot. At may batok ka galing kay Tatay kapag nailuwa mo at
naisuka. Sayang ang ipinambili ng gamot. Ipapanood sa iyo sa TV ang mas lalong
pinakamalalaking kasinungalingan. Sesame Street na hindi mga totoong tao ang gumaganap.
Palakang nagsasalita, mag-partner na puppet na parehong lalaki (sino kaya ang bading?),
halimaw na mahilig sa biscuit, bampirang hanggang 10 lang ang kayang bilangin (minsan up to
12), ibon na kasing laki ng elephant at elepanteng balbon (saan ka nakakita ng elepanteng
pagkahahaba ng balahibo sa katawan?) at isang nilalang na mahilig mag-ipon ng basura at
nakatira sa basurahan. May tagalog version ito dito sa Pilipinas, ang Batibot. Ang problema, ang
pinakabida sa program na ito, isang tuso at isang tanga. Ililipat naman sa ibang channel na ang
tampok ay mga magkakaibigang superheroes. Marami sila sa istorya at lahat ay may angking
super powers. Ipinakikita lamang dito ang kanilang kahinaan, na hindi pala kaya ng isang
superhero lang ang problema ng mundo. Kailangan din ang tulong ng iba para masagip ang
daigdig. Kawawang Superman, walang sinabi. Hindi kayang tumayo sa sariling mga paa. Tapos
ka nang manood ng kasinungalingan este palabas pala sa TV. Gusto mong maglaro sa labas
kasama ng ibang mga bata sa kapitbahay. Pero narinig mo ang sinabi ni Nanay. May bumbay na
nangunguha ng bata sa kalsada. Tarantadong bumbay ito. Akalain mong pati mga batang
nananahimik ay gustong kidnapin. Pero ang totoo niyan, hindi ka pwedeng lumabas dahil
bagong paligo ka. At magkakalkal ka na naman ng dumi sa kalye kapag nakipaglaro ka.
Tinatamad na si Mommy na maglinis sa iyo. Ayaw mong matulog sa tanghali? Lagot ka, andiyan
ang “lizard”. Pikit ka na, bababa na yung “lizard”. Kaya, kasama sa paglaki ng bata na kahit ang
pinakamaliit na problemang kasing liit ng butiki ay hindi kayang masolusyunan dahil “lagot ka,
kayang-kaya ka ng lizard”. Sa hapunan, hindi pwedeng hindi mo uubusin ang pagkain.
Mabubulag ka. Kahit magkandasuka ka sa pagsubo, ubusin mo. Hindi dahil sayang ang inihanda
sa mesa. Kung hindi bahala ka, mabubulag ka. Isasama pa ba natin dito ang mga
kasinungalingan tungkol kay Santa Claus, ang tatlong hari, ang mga pamahiin ni Lolo at Lola, ang
pagiging “disente” (daw) ni Rizal, nakakabungang-araw ang pagkain ng sobra ng mangga at ang
tungkol sa mga alamat ng pinya at Olongapo?
Huwag na. Ayoko nang dagdagan ang mga kasinungalingan dito. Lumalaki ang bata sa
kasinungalingan. At sa kaniyang pagtanda, pag-aasawa at pagkakaroon ng sariling mga anak,
uulitin niyang muli ang istoryang ito ng mga kasinungalingan.

Pagkitil Sa Bagong Sibol

Ang buhay ay isang biyayang galing sa Poong Maykapal. Kaya naman kung mayroon mang
dapat bumawi ng buhay na ipinagkaloob sa sinumang nilalang, ang tanging panginoon lamang
ang siyang may karapatan patungkol dito. Ang sinumang tao dito sa mundo ay di dapat
hamaking kumitil ng buhay lalong- lalo na sa mga di pa naisisilang. Nasa sinapupunan pa lamang
ay babawian na ng buhay ng sariling dahilan kaya may bagong sibol na nabuo.

Ang ating mundo ay isang perpektong simbolo ng buhay. Buhay na kung saan lahat ay
kumpleto, lahat may karapatang maging malaya at lahat ay may karapatang mamuhay ng
payapa. Ang buhay na inihandog sa atin ay maituturing na isang regalo na karapat-dapat nating
itanaw na utang na loob at ipagpasalamat sa Maykapal. Dapat din natin ingatan sapagkat ang
Ama na siyang lumikha lamang ang may karapatan na bawiin ito. Ngunit nakakalungkot at
nakakatakot isipin na ang bagay at regalo na ipinagkaloob at ipinagkatiwalaaan sa atin ng
Maykapal ay walang awang nilalapastangan at binababoy ng iilan sa atin. Bangungot kung
ituring na tila kinatatakutan ng mga bagong sibol na binhi na nagtatangkang sirain o wakasan
ang kanilang karapatan at mga pangarap sa buhay. Ang nasabing halimaw o bangungot na
kitatakutan na mga bagong sibol na binhi ay ang Abortion o Aborsyon. Ano nga ba ito? Ano ang
mga kadahilanan o pinag-uugat nito? Ang pagpapalaglag, pagpapaagas o aborsyon ay ang
sinadyang pagtatanggal ng embryo o fetus sa loob ng matris, na nagsasanhi ng kamatayan nito.
Pwede itong mangyari ng biglaan tulad ng kapag ang babae ay nakunan, o ng artipisyal sa
pamamagitan ng kemikal, pagtistis at iba pa. Sa pangkalahatan, ang "pagpapalaglag" o abortion
sa Ingles ay tinutukoy sa inuudyokang pagpapalaglag sa panahon ng pagbubuntis; sa medikal na
pagtawag, tinatawag na nakunan ang babae kung ang pagpapalaglag ay nangyari bago ang ika-
dalawampung linggo ng pagbubuntis, kung saan ito ay tinuturing na hindi pa buhay.

Ang mga sanggol ay isang anghel at biyaya kung ituring. Nararapat lamang na sila ay mabigyang
karapatan na maisilang ng sa gayo'y masilayan ang ganda ng mundo na kanilang kinalalagyan.
Huwag kitilin ang buhay ng mga anghel na hindi pa naisisilang. Bigyan sila ng pagkakataon
upang maging isang nilalang na tatamasa ng buhay na matiwasay at may pagmamahal.

You might also like