You are on page 1of 12

SI ATO SA SANGMAGDAMAGANG PAGTAKAS SA KAWALANG-MALAY

ni Pat V. Villafuerte

Karangalang-Banggit sa Maikling Kuwento


Don Carlos Palanca Memorial Awards for Literature, 1991

ALAS DOS NG UMAGA

Isang napakalakas na dagok ang nagpahinto sa simpleng pangarap


na iyon ni Ato. Kanina, sa kanyang panaginip ay magkasama sila ni May sa
paghahabol ng mga alitaptap. Kay bilis niyang tumakbo. Hindi siya
maabut-abutan ni May, gayong madalas pa nga siyang huminto upang
maabutan ng kapatid. Una siyang nakahuhuli ng alitaptap. Dinadakma
niya ang mga iyon at pinaiikut-ikut sa kanyang mga palad. Hangang-hanga
si May sa kakaibang gilas na kanyang nagagawa. Ngunit sa tuwing
tatangkain ng kapatid na hipuin ang mga alitaptap ay pakakawalan niya
ang mga iyon sa kanyang mga palad. Kay laking panghihinayang ni May.
Magkakatinginan sila. Damang-dama niya ang malaking kalungkutan ng
kapatid. Ngunit siya man, sa kanyang sarili ay hindi niya maipaliwanag
kung bakit kailangang pakawalan niya ang mga alitaptap upang huwag
mahawakan ng kapatid na nang sumasandaling iyon ay may namumuong
luha sa mga mata. Binalak niyang manghuli uli ng kahit isang alitaptap.
Hindi lamang niya pahahawakan ito sa kapatid kundi siya mismo ang
maglalagay sa kanang palad nito upang ipaangkin nang buung-buo.
Ngunit…

“Hindi ba’t kabilin-bilinan ko sa iyo, Ato, ay salubungin mo ako sa


kanto at gagabihin ako ngayon? Tutulungan mo lang pala ako, tarantado
ka!” bulyaw ng babaing humawan sa kanyang pagbubungang-tulog,
kasabay ng isang napakariing dagok na halos kumawala sa kanyang
matinong pag-iisip.
Mabilis ang pagkakabangon ni Ato. Sa pakiwari niya, ang buong
alapaap na bahagi ng kanyang panaginip kanina ay bumagsak sa kanyang
hapong katawan. Hilung-hilo si Ato. Nagdodoble ang tingin niya sa
babaing mag-iisang taon na nilang kasama sa barung-barong na iyon. Si
Precy, ang kinakasama ng kanyang ama. Ang kanyang pangalawang ina.
Tandang-tanda pa ni Ato nang una niyang makilala si Precy.
Maghahatinggabi noon. Nagising siya sa malakas na pagsipa ng kanyang
ama sa pintong malapit sa kanyang kinahihigaan. Pasuray-suray ang
kanyang ama. Hawak ang isang bote ng alak habang ang isang kamay ay
malikot at paulit-ulit na humihimas sa iba’t ibang bahagi ng katawan ng
babaing noon lamang niya nakita.

Maliit na babae si Precy. Balingkinitan ang katawan. Hapit na hapit sa


katawan ang abot-hitang bestidong may matingkad na kulay.
Sa pag-angat ng mukha ni Ato ay saka lamang niya napagmasdan ang
mukha ng kanilang panauhin. Magaspang ang mga pisnging napipintahan
ng mamula-mulang kulay, at pinalalangis ng namumuong pawis. Walang
tigil sa katatawa ang babae, lalo’t may ibubulong ang kanyang ama. At
sabay silang magtatawanan.

Hindi alam ni Ato kung siya’y babangon o manantili sa pagkakahiga. Hindi


siya sanay makakita ng ganoong tagpo. Minsang lang siya nakakita ng
ganoong tagpo, nang umalis ang kanyang ama, at isinama niya si May sa
bahay ni Oyet upang makipanood ng telebisyon. Isang lumang pelikula
ang kanilang napanood. At nakita niya kung paano maghalikan ang mga
artista. Hindi nila tinapos ang tagpong iyon… Malakas ang hangin sa labas
ng bahay, ngunit para siyang pinagpapawisan. Umalsa nang bahgya ang
kanyang harapan. Hindi siya makakilos sa kinatatayuan. Hinawakan sa
kamay si May niyayang umuwi.
Ibig niyang matulong. Ayaw niyang makita ang susunod na pangyayring
maaaring maganap sa kanyang ama at sa babaing may balingkinitang
katawan. Ngunit hindi siya makakilos sa pagkakahiga. Walang dingding na
nkapagitan sa maliit na kabahayang ipinagawa ng kanyang ama. At saksi
siya sa mga pangyayaring naganap. Ang dalawang aninong iyon na
walang lubay sa kagagalaw – pag-upo, pagtayo, paghiga at pagyuko ay
nasaksihan niya nang buung-buo. Bigla niyang naalala si May. Nilingon
niya ang natutulog na kapatid. Saka lamang siya nakadama ng
katahimikan.
“Ilang taon kana bang iniwan ng misis mo?” narinig niyang tanong ng
babae sa kanyang ama. Alam niyang ang kanyang ina ang tinutukoy ng
babae.

“Magtatatlong taon na. Hindi ko nga alam kung buhay pa ang lintik.
Kabod na lang di umuwi pagkaraang magpaalam na dadalawin ang mga
magulang sa Mindoro,” sagot ng kanyang ama.
“Hindi mo man lang hinanap?”
“Sumulat ako sa mga biyenan ko. Hindi naman daw nagpupunta sa
Calapan. Ipinagtanong ko sa mga kaibigan at ilang kamag-anak. Wala
naming makapagsabi kung nasaan. Napuntahan ko na yata ang lahat ng
presinto at ospital, pero wala rin. Sa madaling salita, parang bulang
naglaho. ‘Tang (…) babaing ‘yan. Ngayon siya magbalik, pag hindi pinatay
ko ‘yan sa bugbog. Isipin mong iniwan sa akin ang dalawang bata. Iyang si
May, iyong batang babaing madalas kong maikuwento sa iyo ang anak
naming ni Nilda. Pero iyong batang lalaking nakita mo kanina, si Ato ay
anak ng misis ko sa kanyang unang boyfriend. May tagong landi ang
asawa ko, Precy. Hindi tulad mo, lantad.”

Hindi natigatig si Ato sa kanyang narinig. Matagal na niyang alam iyon. Sa


tuwing magsasagutan ang kanyang mga magulang ay laging binabanggit
ng kanyang ama ang pagkakasilang sa kanya. Ang pagkupkop nito sa
kanilang mag-ina. Saka lamang nabawasan ang madalas nilang
pagsasagutan nang isilang si May. Ngunit doon nagsimula ang kalbaryo sa
buhay ni Ato. Ang lahat ng galit ng kanyang ama ay sa kanya
naibubunton.
Sa isang pipitsuging restaurant sa Parañaque nagta-trabaho ang kanyang
ama. Instsik ang nagmamay-ari. Kaya’t nang paalisin sila sa Tatalon,
kasama ng ilan pang mga iskuwater ay nagpatulong ang kanyang ama sa
kanyang mga kaibigan na makapagpatayo ng isang barung-barong sa may
Coastal Road. Malapit ito sa pinapasukang restaurant ng kanyang ama.

Ibig mag-aral ni Ato. Inggit na inggit siya sa mga batang pumapasok sa


paaralan. Ngunit greyd tri lang ang kanyang natapos.

“Marunong ka naming bumasa at sumulat. Marunong ka nang


magkuwenta. Bakit mag-aaral ka pa? Bakit ako, hindi rin nakatapos mag-
aral pero nakapagtrabaho? Para sa may mga pera lang ang edukasyon,
loko!” Ito ang laging ikinakatuwiran ng kanyang ama. “Trese anyos ka na.
Dapat lang matuto ka nang maghanap-buhay. Hindi sa habang panahon
ay matutustusan ka ang pagpapakain sa iyo.”
Hanggang tanghaling naglalako ng mga diyaryo si Ato. Sinasalubong niya
ang mga humihintong sasakyan sa Coastal Road kapag humuhudyat na
ang pulang ilaw ng traffic lights.
Madalas na nalilimutang kumain ni Ato. Nalilibang siya sa oras. Nalilibang
siya sa katitingin sa mga naggagandahang kotseng nagdaraan sa
kahabaan ng Coastal Road. Kinalilibangan din niyang pagmasdan ang
ginagawang mga bagong condominium sa may Airport Road. Kay tataas
ng mga gusali. Kasabay nito’y maiisip niya ang mga taong maninirahan sa
mga gusaling iyon. De-kotse. Napag-aral. May matatag na hanapbuhay.
At siya?
Ibig kumita nang malaki si Ato. Ibig niyang makaipon. Ibig niyang makipon
upang makabili ng bagong t-shirt at maong. Tatlong luma’t nangingitim
na t-shirt ang pinagpapalit-palit siyang isuot. Isang masikp na luma’t
kupasing maong at isang gapok nang short ang halinhinan niyang
isinusuot.

Minsang nagkatabi sila ni Jhun sa pagsalubong sa mga sasakyan ay


dumating uli ang pulang kotse. Ibig niyang mapagsino ang mga taong
sakay nito. Ngunit pinaalis siya ni Jhun.

“Alis ka muna, Ato,” utos ni Jhun.

Sinundan ni Ato si Jhun pagkaalis ng pulang kotse. Sa likod ng ginagawang


gusali nagtuloy si Jhun.

Isang malaking lalaking nakasalamin nang may kulay ang sumalubong kay
Jhun. Limang plastic bag ang inabot ni Jhun sa kanya.
Binuksan ng lalaki ang isang plastic bag. Ipinasok ang hintuturo. Inamoy.
Dinilaan.

“Ano’ng sab?” tanong ng malaking lalaki.


“Bukas daw ng umaga ang dating ng marami. Tawagan mo raw siya
mamayang gabi,” sagot ni Jhun.
“Sigurado kang walang nakasunod sa iyo?” tanong ng malaking lalaki.
“Maingat ako. Sayang ang kaparti ko kung patitiklo ako sa mga parak,”
sagot ni Jhun.
“Sigurado ka talaga na walang nakasunod sa iyo?” ulit ng malaking lalaki.
“Leo, dalhin mo ang tarantadong ‘yan,” utos ng malaking lalaki.
“Ano? P………! Ano’ng ginagawa mo rito? Sinundan mo’ko, ‘no?” galit ang
tinig ni Jhun.
“Jhun, nabigla lang ako. Hindi na mauulit,” sabi ni Ato. “Walang
makakaalam, Jhun.”
“Talagang walang makakaalam dahil todas ka na ngayon,” sabi ng lalaking
pumipigil kay Jhun.

“Pare, awatin mo naman ang kasama mo. Sagot ko na si Ato. Hindi


magsusuplong ‘yan,” pakiusap ni Jhun.

“Paano ka nakatitiyak?” tanong ng malaking lalaki.


“Tahimik si Ato, Pare. Walang pakialam sa mundo. Matagal ko nang kilala
‘yan. Tulad ko ring laking Coastal ‘yan. Sige na, Pare. Sagot ko na ‘yan,”
sabi ni Jhun.

Kitang-kita ni Ato nang senyasan ng malaking lalaki ang lalaking pumipigil


sa kanya. Dalawang malakas na suntok ang sumablay sa kanyang mukha.
Napaupo siya sa nakatambak na buhangin. Nagging maagap si Jhun.
Noo’y papaalis na ang dalawang lalaki.
“Ikaw kasi, eh. Ikaw ang humanap ng sakit mo sa katawan. Anong
naisipan mo at sumunod ka sa akin?” tanong ni Jhun.
“Naiinggit ako sa iyo. Lagi kang nakabago. Lagi kang may kinakausap sa
kotse. Samantalang pareho lang tayong naglalako ng sigarilyo. Isama mo
naman ako sa saydlayn mo, o.,” sabi ni Aton a panay ang punas sa putok
na mga labi.
“Mapanganib, Ato. Ako nga, hindi ko alam kung sino ang mga taong
pangingilagan ko. Hindi ko kilala ang mga iyon. Basta’t ang alam ko’y
tagapamagitan nila ako. Kung baga sa boksing eh, ako ang naatasang
maging reperi. Saka, wala ako sa posisyon para ipasok kita rito. Sila ang
namimili. Tulad ng pamimili nila sa akin noon. kinaibigan ako. Panay ang
bili ng sigarilyo. Hanggang alukin ako ng ganitong trabaho. Sa una’y okey.
Pero itong mga huling araw ay parang kinkabahan na ako. Para bang
laging may mga taong sumusunod sa akin.”
“Makakaya ko siguro,” sagot ni Ato.
“Pag-iisipan ko,” sabi ni Jhun.

Iyon ang huling pag-uusap nila ni Jhun. Dahil kinbukasan, nang huminto
ang pulang kotse sa tapat ni Jhun ay isang lalaki ang bumaba ng owner-
type dyip. De-armas ang mga lalaki. Nagpakilalang mga pulis. Hindi
nakapalag si Jhun. Walang saysay ang ginawa niyang pakiusap. Nilapitan
ni Ato si Jhun. At habang papasok siya sa sasakyan ay narinig niya ang
bulong nito: “Mapanganib, di ba? Ngayo’y nakilala ko na ang mga taong
pinangingilagan ko noon.”

“MATULOG kana at bukas ng alas-nuebe ay sasamahan mo ako sa Santa


Monica,” sabi ni Precy.
“May trabaho ako,” sagot ni Ato.
“Alin, ang pagtitinda ng sigarilyo? Ayaw mo bang kumita nang
malakilaki?” tanong ni Precy.” Sabihin nating limang daang piso.”
“Limang daang piso?” nanlaki ang mga mata ni Ato. “Baka mahirap kaya
mahal ang kita”.
“Pa’ano ba’ng hihirap, eh sasamahan mo lang iyonng kakilala kong Hapon
sa hotel na tinutuluyan niya. Parang security guard, gano’n. Susunod ka
lang sa mga ipag-uutos niya sa iyo. Gano’n lang. O, ano ba’ng mahirap
doon?”

Takang-taka siya. Napakabait sa kanya ni Precy nang umagang iyon.


Pagkaalis ng kanyang ama ay inilabas ni Precy ang isang bagong t-shirt at
isang mumurahing pantalon sa plastic bag na may tatak ng isang di-
gaanong kilalang department store.
“Pagkapaligo mo’y ito ang isusuot mo, para naman kagiliwan ka ng
Hapon.”
Mamata-mata lamang si May habang pinagmamasdan ang ikinikilos ni
Ato.

“Kuya, pagkasahod mo, ibili mo ako ng bagong tsinelas, ha? Napatid na


kanina ‘yong tsinelas ko eh,” bilin ni May. “ Ako po, Tita Precy. Kailan mo
po ako ipapasok ng trabaho? Ibig ko po sa Hapon din ninyo ipasok ng
trabaho.”
“Ilang taon ka na ba? Tanong ni Precy.
“Maglalabing-isa po sa susunod na buwan,” sagot ni May.
“Itatanong ko sa Hapon kung puwede ka na. Kung puwede, babalikan kita
mamayang gabi,” sagot ni Precy.
May kakaibang kaba ang nadama ni Ato sa kanyang dibdib.
ALAS-NUEBE NG UMAGA
GANDANG-GANDA si Ato sa kuwarto ng Hapon. Maaliwalas at punong-
puno ng mga mamahaling kasangkapan. Sa pakiwari niya, parang
hinihigop ang kanyang mga paa sa tuwing ihahakbang niya ang kanyang
mga paa sa malambot na telang kanyang nilalakaran. At kaylamig ng
buong kuwarto. Ni sa pangarap ay di niya akalaing makakatuntong siya sa
ganoong kagandang kuwarto. Hindi ba’t mayayaman lamang ang
nakararating sa ganoong lugar? Saka sumagi sa kanyang isipan ang mga
nagtataasang gusali na ginagawa sa may Airport Road. Bukas, pagbabalik
niya sa lugar na iyon ay tiyak na titig na may halong pagmamalaki na ang
kanyang gagawin.
Nagpaalam na si Precy sa kaibigang Hapon. May isinilid na sobre si Precy
sa kanyang bag. Pagkaalis na pagkaalis ni Precy ay binuksan ng Hapon ang
Betamax. Napapakislot si Ato sa mga eksenang kanyang napapanood.
Sinenyasan ng Hapon si Ato na maghubad ng damit. Sumunod siya. Naisip
niyang magsisimula na siyang magtrabaho. Muli niyang pinanood ang
palabas sa telebisyon. Naghuhubad din ang binatilyong na sa pelikula.
Nang malingunan niya ang Hapon ay nakahubad na rin ito.
Muli siyang sinenyasan ng Hapon. Ipinahuhubad sa kanya ang kanyang
pantalon. Umiling siya. Muling sumenyas ang Hapon na waring
nagsusumamo. Naisip niya, baka bahagi iyon ng kanyang trabaho.
Nakatitig siya sa telebisyon habang hinuhubad niya ang kanyang
pantalon. Hiyang-hiya siya sa Hapon nang makita niyang nakaalsa ang
kanyang harap. Napangiti ang singkit na dayuhan.
Iniabot ng Hapon kay Ato ang isang baso ng pineapple juice. Damang-
dama ni Ato ang pag-aalala ng bagong kakilala. Ininom niya ang juice
nang tuloy-tuloy.

Itinuturo ng Hapon ang kamang sa tingin ni Ato ay kaysarap higaan.


Nauunawaan ni Ato ang ibig ipakahulugan ng Hapon. Nahiga siya sa
kama. Ngunit pagkahigang-pagkahiga ni Ato ay hinatak ng Hapon ang
kanyang brief nang pababa. Pinigil ni Ato ang kamay ng Hapon. Hanggang
sa unti-unting nanghihina ang kanyang katawan.
ALAS TRES NG HAPON
Hapong-hapo ang katawan ni Ato nang siya’y magkamalay. Masakit na
masakit ang kanyang buong katawan. Bahagyan siyang napaire sa sakit
nang di-sinasadya’y napatagilid siya’t nakapa ang puwit. May nakapa
siyang kung anong bagay na madulas. Tiningnan ang palad. Dugo!
Sariwang dugo!

“Hayop ka, Hapon ka! Ano’ng ginawamo sa akin?” galit si Ato.


Sa halip na sumagot ay parang nakakainsultong itinuro ng Hapon ang
palabas sa telebisyon.
“You eat,” alok ng Hapon.
Kaysarap ng pagkain para sa isang taong naghihirap.
“Put (…) mo! Bakla! Bakla!” sigaw ni Ato.

Sa halip na magalit, inilabas ng Hapon ang mga larawan. Mga kabataang


lalaking nakahubo’t hubad. Iba’t ibang posisyon. Ang iba’y mga solong
kuha. Ang ilan ay may mga kasama. Pares-pares. Lalaki’t babae. Lalaki’t
lalaki. Babae’t babae. May tatluhan. May apatan. Limahan.
Pinagpupunit ni Ato ang nahawakang larawan. Nagsalita ang Hapon sa
mga pangungusap na hindi niya maunawaan. Galit nag alit ang singkit na
dayuhan. Tatlong sunud-sunod na suntok ang tumama sa mukha ni Ato.
Ang bangis ng dayuhan ay pansamantalang nakatulugan ni Ato.

ALAS-DIYES NG GABI

Hindi matiis ni Ato ang pagkalam ng sikmura. Parang hayok sa pagkaing


sinibasib ang noo’y malamig nang pritong manok, tosino, longganisa,
sinangag, papaya at mansanas. Napatitig siya sa tinidor na kanyang
tangan-tangan. Naisip niyang itarak iyon sa kanyang dibdib upang
mawakasan na ang kanyang mga paghihirap. Wala nang nagmamahal sa
kanya. Tinalikuran na siya ng kanyang ina… Hindi anak ang turing sa kanya
ng kinagisnang ama… Ipinagbili siya ni Precy…Si May na lamang ang
tanging nagmamahal sa kanya… Si May…
Halos mangalahati ang laman ng pitsel sa dami ng kanyang nainom na
tubig.
Saka niya naisip ang Hapon na kanina’y pinagmumura niya sa matinding
galit. Wala sa kuwarto ang Hapon.
Mabilis siyang nagbangon. Isinuot niya ang brief at nagmamadaling
tinungo ang comfort room. Doon niya pinakawalan ang lahat ng kanyang
mga hinanakit. Ang kanyang pagkapoot sa Hapon. Ang lahat ng
kapunyetahang nangyayari sa kanyang buhay.
Sumilip siya sa sala. Naroon ang Hapong nagsasamantala sa kanya.
Muling namuo ang galit sa kanyang mukha. At lalong nag-init ang
kanyang buong katawan nang makita niya si Precy na kausap ng Hapon.
May kinakausap ang Hapon habang hinihimas-himas nito ang mukha ng
kausap.
“Kanino ka magsusumbong, sa Tatay mo na tulog na tulog sa
pagkakalasing? Sa Kuya Ato mo na hanggang ngayon ay walang malay?
tinig iyon ni Precy.
“Si May… Si May naman ngayon?... Hindi ako makakapayag…Hindi…!

Bumalik sa kuwarto si Ato. Binalikan niya ang tinidor na kanina’y tangan


niya. Babalikan sana niya ang Hapon nang mabosesan niya si May na
sumisigaw.
“Ayoko po… Tita Precy, maawa po kayo… Tatay… Kuya Ato… Maawa po
kayo sa akin…”
Nagtago si Ato sa likod ng pinto. Buong diing hinawakan ang tinidor.
Pagkabukas na pagkabukas ng pinto ay hinanap ng kanyang nanlilisik na
mga mata ang Hapon. Inundayan niya ito ng saksak sa dibdib. Sa braso. Sa
leeg. Sa batok. Sa noo. Sa mukha. Sa sikmura. At nang mapahiga ang
Hapon ay buong lakas na inundayan niyang muli ng saksak sa dibdib.
Sunud-sunod…Paulit-ulit… Hanggang sa mawalan na siya ng lakas.

ALAS-DOS NG UMAGA
Nasa loob ng presinto si Ato. Kinakausap ng mga pulis. Tinatanong ng
mga reporter. Naulinigan niya ang tinig ni Precy na waring isinasalaysay
ang buong pangyayari. Nasa harapan niya ang kanyang ama. At hindi
umaalis sa kanyang tabi si May.
Hinawakan ni Ato ang kamay ng kapatid. Saka niya naalala ang mga
itinatayong gusali sa may Airport Road. Matatagalan bago niya muling
makita ang mga iyon, o maaring hindi na nang maalala niya ang
napanaginipan niyang paghuli ng mga alitaptap ay niyakap niya si May
nang buong hapit. Saka lamang siya napahagulgol ng iyak.

You might also like