You are on page 1of 11

Sugat ng Kahapon

“ Buti pa yung sugat ko kahapon at naghilom, pero yung sugat sa puso ko hindi ko na mabilang kung
ilang kahapon na ang dumaan at hanggang ngayon hindi pa rin naghihilom.”

KABANATA 1- Unang Sulyap


Si Tricia o mas kilala sa tawag na Tisay ay isang dalagang nangangarap na maiahon ang kanyang ama
sa kahirapan. Naniniwala siyang ang kanyang talino at kagandahan ay nararapat lamang sa isang
mayamang binata na mag-aahon sa kanilang mag-ama sa putik na kanilang kinasasadlakan. Kaya
naman kahit suntok sa buwan, umasa siyang balang araw mapapansin rin siya ng anak ng amo na
pinagsisilbihan ng kanyang ama. Si Levi, ang nag-iisang tagapagmana ng mga Salvacion. Isang
prominenteng pamilya sa kanilang bayan. Kilala ang pamilyang ito dahil sa kanilang ekta-ektaryang
palayan at malawak na lupain na kung saan ang kanyang ama ang isa sa mga nakatalaga sa
pagmimintina ng mga palayan. Bukod pa roon, kilala rin ang pamilya sa larangan ng politika. Ang
yumaong si Don Allejandro ang dating gobernador ng kanilang lalawigan. Pagkatapos, sumunod sa
yapak nito ang kanyang anak na si Fidelino Salvacion. Malapit nang matapos ang termino nito at
umaasa silang ang nag-iisa nitong anak na si Leandro Salvacion o mas kilala sa tawag na Levi ay ang
siyang susunod na magpapatuloy sa kanilang yapak. Ngunit, salungat sa inaasahan ng lahat dahil ang
binata ay tila walang interes sa politika. Sa tuwing umuuwi ito sa mula sa pag-aaral sa manila, sa
hacienda ito tumutuloy at nananatili hanggang matapos ang bakasyon. Kaya naman, sa tuwing
naroon ang binata ay labis na kaligayahan ang nararamdaman ni Tisay. Nakontento na siyang kahit
sa malayo, natatanaw niya ito.
Isang tanghali, dinalhan niya ng pananghalian ang kanyang ama. Hindi niya inaakala na naroon ang
binita. Huli na nang maisip niyang bumalik na lang sa kanilang bahay dahil nakita na siya nito.
Nahihiya man, wala na siyang magawa kundi ang lumapit sa kinaroroonan ng mga ito. Panay ang
tukso ng mga naroong mga trabahador sa kanilang dalawa na siyang dahilan kung bakit hindi siya
makatingin sa binata. Tila naman balewala lang dito ang mga sinasabi sa kanila dahil hindi ito
apektado. Naisip tuloy ni Tisay na dahil siguro sa malayong agwat ng kanilang pamumuhay kaya ni
walang katiting na interes ito sa kanya. Matalino at alam niya ring maganda siya, ngunit para sa
binata isa lamang siyang ordinaryong dalaga kumpara sa mga dalaga na nakikita nito sa siyudad.
Gusto niyang manlumo at manliit sa sarili. Hindi maiwasang makaramdam ng hinanakit sapagkat tila
wala na siyang pag-asang mapansin ng binata. Kaya naman, dali-dali na siyang nagpaalam sa mga ito
at umalis na lamang. Nang makauwi sa kanilang bahay, napagtanto niyang kalimutan na lamang ang
nararamdaman para sa binata. Isa lamang itong pangarap na malabong maabot. Ang kanilang buhay
ay hindi isang telenobela na gaya ng kanyang pinapanood. Malabong sa tunay na buhay ay
magkakagusto ang isang mayaman na binata sa katulad niyang isang dukha lamang. Muli niya
naalala niya ang sinabi sa kanya ng kanyang ama.
“ Anak, hindi naman masama ang magkaroon ng pagtingin kay senorito. Halos lahat ng kaedad mo ay
umaasa ring mapansin siya ng binata. Ngunit, gaya ng lagi kong pinapaalala sayo, ang katulad natin
ay nararapat lang sa katulad natin. “
“ Tay, naman. Hindi naman porket mahirap lang tayo wala na tayong karapatang magustuhan o
mahalin din ng taong gusto natin. “ Ang nagtatampong sabi ko sa aking itay.
Ngumiti ito at niyakap ako. “ Ayoko lang na masaktan ka, bata ka pa at malayo pa ang mararating mo
sa buhay. Maganda at matalino ka, bakit hindi mo na lang pagtuunan ng mabuti ang pag-aaral mo at
tiyak lilipas din ang nararamdaman mo. “
Taliwas sa sinabi ng ama, mas lalo pang umusbong ang nararamdaman niya sa binata. Habang
lumilipas ang mga araw, mas lalo siyang nananabik na makita muli ang binata. Matanaw ito kahit sa
malayo lamang at mangarap na balang araw ay mapapansin rin siya nito. Musmos pa lamang siya ng
una niya itong makita sa mansion ng mga Salvacion nang minsang isama siya ng kanyang ama.
Habang nakikipag-usap ang kanyang ama kay Don Allejandro, naroon siya sa malawak na hardin ng
mga ito. Naaaliw niyang pinagmamasdan ang mga nag gagandahang mga bulaklak na tanim ng
Donya. Ang maybahay ng don. Hanggang sa hindi niya namalayang napadpad na siya sa likod ng
mansion at makita ang isang bata tila nahihirapang umahon sa tubig mula sa malaking swimming
pool ng mansion. Nakaramdam agad siya ng takot at agad sumigaw ng malakas habang pilit niyang
inaabot ang kamay ng bata. Marahil, dahil sa lakas ng kanyang sigaw at iyak ay patakbong hinanap
siya ng kanyang ama at nakita ang nalulunod na batang lalaki. Tumalon ang kanyang ama at inahon
mula sa tubig ang bata. Sa unang pagkakataon, nasilayan nila ang nag-iisang apo ng mga Salvacion, si
Levi. Mula noon, ang kanyang ama na ang ginawang tagapangasiwa sa malawak na palayan ng mga
ito. Si Donya Camilla, ang lola ni Levi ang siyang nagmungkahing sasagutin ng mga ito ang kanyang
pag-aaral bilang pasasalamat ng mga ito sa pagligtas nila sa buhay ng nag-iisang apo. Kaya naman,
hanggang ngayon, sa isang mamahaling eskwelahan siya nag-aaral. Pinagbubutihan niyang mabuti
upang mayroong maipagmamalaki sa pamilya na tumulong sa kanilang mag-ama.

IKALAWANG KABANATA- Ang Katuparan ng mga Panaginip


Nang gabing iyon, nakapagdesisyon na si Tisay na pagtuunan na lang ng mabuti ang kanyang pag-
aaral at mga pangarap. Isasantabi muna niya ang anumang nararamdaman sa binata at baka nga
tama ang kanyang itay. Lilipas at lilipas rin ang panahon, at baka magbago rin ang kanyang pagtingin
sa binata. Ngunit, kinaumagahan hindi niya inaasahang magigisnan ang binata sa kanilang tahanan.
Kausap nito ang kanyang ama at tila may mahalagang pinag-uusapan. Tumungo siya sa maliit na
kusina at naghanda ng almusal. Sumilip pa siya sa labas at naisip siyang baka magtagal ang binata
base na rin sa kaseryosohan ng pag-uusap ng mga ito. Nang mahanda ang makakain, tinawag niya
ang mga ito upang sila’y kumain. Tahimik lamang siya at hindi makatingin sa binata kahit
nararamdaman niyang panay ang sulyap sa kanya ng binata.
“ Anak, may lakad o gagawin ka ba ngayong araw. “ Narinig kong tanong sa akin ni Itay. Nag-angat
ako ng tingin at umiling.
“ Wala naman ho itay. “ mahina kong sagot.
Tumango ito at tumingin kay Levi. “ Kung gayon, ikaw na ang sumama kay senyorita Levi sa palayan.
Anihan ng palay ngayon at ikaw na ang magluluto ng panghalian ng mga mag-aani. “ Napatingin ako
sa binata at tila hinihintay ang sagot ko.
“ Sige po itay. “ Hindi ko sanang tumanggi, kaso nahihiya naman ako sa binata. Siya pa rin ang anak
ng may-ari ng lupain na pinagtratrabahuan ng aking ama. Ayokong mapahiya si itay kung sakaling
hindi magustuhan ng binata ang pagtanggi ko. Nang matapos kaming kumain, niyaya akong samahan
siya patungong bayan upang mamili ng iluluto. Tahimik lang kami sa buong biyahe, hanggang sa
marinig ko siyang magsalita.
“ Dalawang taon na lang magtatapos ka na sa pag-aaral mo, hindi ba? “
Nagulat ako sa kanyang tanong. Kaya hindi agad ako nakasagot, tahimik lang akong nakatingin sa
labas ng kanyang sasakyan. Hanggang muli siyang magtanong.
“ Magtatapos na ako ngayong taon, gusto ko sanang hintayin kang makapagtapos muna kaso naiisip
kong matagal pa ang dalawang taon. “ Bumaling ang tingin ko sa kanya. Naguguluhan sa kanyang
mga sinabi.
“ Ano hong ibig niyong sabihin, senyorito? “
Ngumiti ito at hinawakan ang aking mga kamay na siyang ikinagulat ko. “ Nagpaalam na ako sa iyong
itay na liligawan na kita, Tisay. “ Ang seryosong sabi niya sa akin.
Nanlaki ang mga mata ko at agad umiwas ng tingin. Naramdaman kong namulala ang aking pisngi at
nanlalamig ang aking kamay.
“ Senyorito, ano ho bang sinasabi niyo? “ Hindi ko maiwasang itanong sa kanya.
Hininto niya ang sasakyan sa gilid bago tumingin sa akin. “ Bakit, ayaw mo ba? May iba ka bang
nagugustuhan? Sabihin mo sa akin. “ Ang malungkot niyang tanong.
Umiling-iling ako. “ Pero, senyorito bakit ho ako? Batid kong madami na ho kayong nakilalang
magagandang dalaga sa manila. At isa pa po, mahirap lang po kami. Ang layo-layo po ng agwat ng
buhay natin. “ Ang naguguluhan kong sabi sa kanya. Alam ko, umaasa ako na balang araw
mapapansin niya ako pero hindi ko ito inaasahan. Si Levi, manliligaw sa akin? Si Levi na mula ng
magkaisip ako siya na yung lalaking pinapangarap kong makasama. Gusto kong makaramdaman ng
tuwa sapagkat natupad na rin ang pinapangarap ko. Pero, bakit ganito yung nararamdaman ko? Ang
hirap pa lang paniwalaan ng mga pangyayaring ito.
“ Alam kong alam mo na mula umpisa pa lamang hindi ko itinuring na iba kayo sa amin. Lalo ka na.
Hindi batayan ang estado ng buhay sa kung paano makisalamuha sa kapwa. Mahalaga ang mga
trabahador sa amin, dahil sila ang dahilan kung ano mang mayroon kami. Ang tapat na paglilingkod
nila sa amin sa loob ng ilang mga taon ang nagpatunay na iisa lang ang mundo na tinatapakan natin.

“ Ngunit, magkaiba ang pananaw natin sa buhay. Ano na lang sasabihin ng mga tao sa atin, ang mga
magulang mo. Ang pamilya mo. Senyorito, natatakot akong mahusgahan at mapagbintangan ng
isang social-climber. “ Ang malungkot kong saad. Ngumiti ito at niyakap ako. “ Alam mo ba si lolo, isa
lang siyang mahirap na magsasaka, ngunit minahal siya ng aking lola. Pinaglaban niya ito sa kanyang
pamilya at kahit alam ng lola ko na baka itakwil siya ng mga magulang nito, sumugal pa rin siya.
Tisay, hindi ko na kailangan pang sumugal dahil alam kong matatanggap ka ng pamilya ko.
Pinapangako ko sayo, tanggapin mo lang ang pagmamahal ko. “
Tumango ako at niyakap siya ng mahigpit. Tama si Levi, ang pag-ibig ay isang sugal na kailangan
mong subukan. Anuman ang magiging kalalabasan, marahil iyon na ang aking kapalaran.

IKATLONG KABANATA- Mga Pangako ng Pag-ibig


Mula ng araw na iyon, sa kabuuan ng nalalabing araw ng bakasyon nila Levi, halos magkasama kami.
Lagi niya akong pinapasyal sa burol, sa kanilang mga lupain at tinuturan niya rin ako mangabayo. Ang
mga sumunod pang mga araw ay halos hindi na namin namamalayan. Gaya ngayong hapon, naroon
kami sa burol at nakatanaw sa malawak na lupain ng mga Salvacion. Bukas aalis na siya patungong
manila at ilang buwan pa bago makakauwi. Nakaramdam ako ng lungkot at pangungulila. Sa halos
dalawang lingo naming magkasintahan, wala siyang ginawa kundi iparamdam sa akin kung gaano
niya ako kamahal. Naalala ko pa noong isang araw, sinabi niya akin na masyado daw ako suplada. Na
sa tuwing tatangkain niya ako lapitan at kausapin, umiiwas daw ako. Natatawa na lang din ako.
Inamin ko sa kanya na nahihiya lang ako sa kanya.
“ Tisay, sa pagbabalik ko ipapakilala na kita sa pamilya ko. Gusto kong malaman nila ang relasyon
natin at kapag nakapagtapos kana, magpapakasal na tayo. “ Napatingin ako kay Levi dahil sa sinabi
niya, nagbibiro lang ba ito?
“ Levi, seryoso ka ba? “ hindi makapaniwalang tanong ko.
Natawa ito at hinawakan ang aking kamay. “ Tricia Montes Alvares, pumapayag ka bang pakasal sa
akin kapag bumalik na ako? Pangako, ito na ang huling pagkakataon na magkakalayo tayo. Hindi na
ako aalis, at dito sa burol na ito ang siyang magiging saksi ng lahat ng mga pangako ko sayo. Na
mamahalin kita at aalagaan hanggang sa ating pagtanda. “
Napaiyak na lang ako sa sobrang saya na nararamdaman, totoo ba ito? o isa na naman sa mga
panaginip ko? Hindi ako makapaniwala sa mga pangyayari. Noong isang araw lang sinabi niya sa akin
na gusto niya akong ligawan, ngayon naman pinapangakuan niya na ako ng kasal. Gusto kong
maniwala at umasa na ang lahat ng ito ay hindi magbabago. Ayokong magising isang araw, na ang
lahat pala ay panaginip lang. Na isa lamang ito ilusyon sa mga katulad kong nangangarap na
magustuhan at mahalin sa kabila ng katayuan sa buhay. Walang gabi na hindi ako humihiling na sana
ay makabalik na si Levi. Na tuparin ang kanyang mga ipinangako.
Ngunit, lumipas ng ilang buwan mula ng umalis siya wala pa rin akong balita sa kanya. Hindi niya
sinasagot ang mga tawag at sulat ko. Tuwing napapadaan ako sa mansion nila, walang bakas na
umuwi ito. Ang aking itay, alam kong madami siyang gustong itanong. Lalo pa at nagsimula na akong
pag-usapan ng mga tao. Kung ano na daw ang relasyon namin ni Levi? Bakit hindi pa raw ito umuuwi
gayong noong isang buwan pa nagtapos. Nagsimula na akong makaramdam ng takot at pag-aalala.
Ano kaya ang nangyari sa kanya? Bakit hindi pa ito nagpaparamdam? Buong gabi akong umiiyak lalo
pa’t naririnig kong may mga babaeng napapaugnay sa kanya. Nagbago na ba ang nararamdaman
niya para sa akin? Dumating na ba ang araw na kinakatakutan ko? Na mapagtanto niyang hindi ako
ang babaeng nararapat sa kanya? Ano bang dapat kong isipin? Ayokong mag-isip ng masama lalo
pa’t si Levi yun. Mula pagkabata, kilala ko na siya at kahit kalian wala itong ipinakitang maling pag-
uugali. Siguro, maniwala lang ako kung makakausap ko na siya. Sa ngayon, kailangan kong mas lalong
magpursige sa pag-aaral para sa aking itay at sa mga pangarap ko. Nangako siya sa akin, at
panghahawakan ko lahat ng kanyang mga pangako.

IKAAPAT NA KABANATA- Ang Kasawian


Matuling lumipas ang isang taon. Isang taon na din akong nangangapa sa dilim. Walang araw na
hindi ako umasa na magigisnan ko muli ang binata. Ngunit, totoo pala ang sabi nila. Kung gaano
natin inaasam na matupad ang mga hinihiling natin, iyon pa yung malabong mangyari. Ang mga
ilusyon sa buhay ay hindi maaaring magkatotoo. Patunay lamang ang aking nararanasan ngayon. Ang
pagmamahal na inukol ko para sa nag-iisang lalaking minahal ko, ay mananatili lamang isang
panaginip na kahit magising tayo at pilitin man nating alalahanin, unti-unting lumalabo sa ating
isipan. Isang taon na ang nagdaan, unti-unti ko nang tinatanggap ang kinalabasan ng aking pagsugal.
Talo na ako, ngunit ang hirap palang tanggapin.
Hanggang sa isang araw, nabalitaan ko na lang na bumalik na si Levi. At magdadaos ang pamilya nito
ng isang marangyang pagdiriwang bilang pagpupugay sa pagtatapos nito. Ang lahat ng mga kaibigan
at kakilala ng pamilyang Salvacion ay imbitado sa gaganaping okasyon. Bukod sa mga mayayaman at
matataas ang katayuan sa buhay, ang lahat din ng mga manggagawa sa kanilang lupain at
inaanyayahang makipagdiwang sa kanila. Nakaramdam ako ng tuwa at sa wakas ay bumalik na ito.
Ngunit, takot at pangamba ang siyang mas nanaig. Ito na ba ang hinihintay kong kasagutan sa lahat
ng mga katanungan ko sa nakalipas na isang taon? At ito kaya ang siyang magiging katapusan ng
kung anumang namagitan sa amin? Masasagot lamang ito kung makakausap ko na siya.
Mapakinggan ang kanyang mga dahilan kung bakit sa loob ng isang taon, hindi man lang nito
magawang magparamdam.
“ Anak, talaga bang gusto mong dumalo sa kanilang paanyaya? “ Ang nag-aalalang tanong sa akin ni
Itay. Ngumiti ako ng tipid. “ Opo, gusto ko nang matapos na ang lahat ng ito. Madami po akong
tanong at siya lamang ang tanging makakasagot. “
Tumango ito. “ Kung anuman ang mangyayari, nandito lang ako. Ipagpapatuloy natin ang buhay sa
kabila ng lahat ng mga problema at suliranin na ating haharapin. “ Lubos akong nagpapasalamat at
mayroon akong ama na katulad ni Itay. Maaga mang kaming iniwan ni Inay, hindi pa rin nagkulang sa
pagpaparamdam sa akin ng kanyang pagmamahal.
Sumapit na ang gabi ng pagdiriwang, ang malaking mansion ng pamilyang Salvacion ay kumikinang
sa bawat liwanag ng mga iba’t ibang mga palamuti at disenyo na lalong nang-aakit sa mga mata ng
bawat mga bisitang dumalo. Bumaha ng mga masasarap na pagkain at mayroong pang banda ng
mga musikero na siyang mas lalo nagpaingay ng gabing ito. Tahimik akong nakaupo sa isang sulok
habang tinatanaw ang mga nagkakatuwaang mga tao. Lahat ay halos ipagmalaki ang kanikanilang
mga katayuan sa buhay. Mga mga binita at kadalagahan na masayang nagsasayaw sa gitna ng
kasiyahan. Naroon rin ang mga kasamahan ni itay, ilang mga trabahador na masayang kumakain
habang pinapanood ang banda ng mga musikero. Ang pamliya Salvacion, pinanguhan ng Donya
Cammila, ang anak nitong gobernadora na si Don Fidel kasama ang asawa nitong si Donya Celestina
ay masayang nakikipag-usap sa ilang mga kakilala. Halos isang oras na akong naroroonan at nakaupo
lamang. Ilang mga binata ang lumapit sa akin upang ayain akong sumayaw na magalang kong
tinanggihan. Naroon ako upang masilayan si Levi at makausap ito. Ngunit, hanggang ngayon hindi ko
pa rin siya nakikita.
Lumipas pa ang isang oras nang marinig kong magsalita si Don Fidel.
“ Lubos akong nagpapasalamat sa lahat ng mga dumalo sa pagdiriwang na ito. Sa aking pamilya, mga
kaibigan, at mga kababayan. Gusto kong kunin ang pagkakataong ito upang ibalita sa inyo na ang
aking nag-iisang anak na si Leandro ay matagumpay na nagtapos sa kanyang pag-aaral. “ Ang
nagmamalaking sabi nito.
Masigabong palakpakan ang iginawad ng mga bisita ng lumabas sa wakas ang nag-iisang
tagapagmana ng pamilyang Salvacion. Si Levi. Hindi maikakaila ang angkin nitong kaguwapuhan na
minana pa sa yumaong don Allejandro. Matikas ang tindig at masayang inakbayan ang ama. Lalong
umingay ang mga tao, lalo na ang mga kadalagahan ng magsalita ito. Nakaramdam ako ng
pagmamalaki para sa tagumpay ng binata.
“ Sasamantalahin ko na ang pagkakataong ito, upang ipaalam ang nalalapit na pag-iisang dibdib ng
aking anak sa anak ng aking kumpare at mahal nating bise-gobernador. “
Muling naghiyawan ang mga tao sa balita ng gobyernador. Nakatingin lang ako kay Levi na nakangiti
at tila hindi nagulat sa narinig. Ibig sabihin inaasahan na nito ang ibabalita ng kanyang ama. Lalong
sumikip ang aking dibdib nang makitang lumapit kay Levi ang isang magandang dalaga na marahil ay
ang babaeng siyang pakakasalan nito. Hindi ko na kayang pigilan ang nararamdaman ko. Bakit ganito
kasakit? Inaasahan ko naman ito pero bakit ang hirap tanggapin ang katotohanan. Totoo nga ang
sabi ng mga tao, isa akong ilusyunada. Nangangarap na makasungkit na mayaman. Isang gold-digger
at social climber. Napaiyak at naaawa ako sa sarili. Hindi ko inaakalang sa pagdala sa akin ni Levi sa
mga ulap noong panahong magkasama kaming nanganngarap, ay ganito pala kasakit ang magising sa
mga pangarap na iyon. Ang sakit ng pagkabagsak ko, tila ako isang lobo na nawalan ng hangin. Hindi
ko na makayanang makita pa siya. Sapat na itong narinig at nakita ko upang tuluyang magising sa
katotohan. Si Levi, isa lamang siyang bituin, nakakaakit at magandang titigan. Ngunit, malabong
maabot.

IKALIMANG KABANATA- Ang Masakit na Katotohanan


Mas lalo pa akong nakaramdam ng awa sa sarili ko nang malaman kong hindi umuwi si Itay at naroon
raw ito sa mansion ng Salvacion. Dali-dali akong bumalik at hindi ko inaasahan ang madadatnan ko.
“ Naging mabuti kami sa inyo ng anak mo, dahil sa utang na loob namin sa ginawa niyong pagligtas
sa buhay ng apo ko. Ngunit, tila hindi kayo marunong makontento sa buhay. Sa tingin mo ba
hahayaan ko ang apo kong magdala ng isang hampas-lupa sa tahanan ko? “ Ang nang iinsulto kong
sabi ng Donya sa aking ama. Halos mabingi ako sa sakit ng mga salitang binitawan ng Donya sa aking
ama.
“ Mawalang-galang na ho, ngunit ang apo niyo po ang lumapit sa amin. Nakiusap kung maaari niya
bang ligawan ang anak ko. Hindi ko ho inutusan ang anak ko na lapitan at landiin gaya siya ng mga
paratang niyo. “ Ang kalmadong sabi ni Itay.
Tumawa ang matandang Donya. “ Kung totoo nga ang mga sinasabi mo, puwes hinahamon kitang
patunayan na mali ang mga akala ko sa anak mo. Sabihan mo yang anak mo na tumigil sa kakalapit
sa apo ko. Kung maaari, huwag na siyang magpapakita sa apo. “ Ang maawtoridad sa pahayag ng
Donya.
Hindi ko na makayanan pang makita at marinig ang pang-iinsulto nila si Itay ko.
“ Huwag ho kayong mag-alala, aalis na po kami sa bayang ito. Lubos po akong nagpapasalamat sa
lahat ng mga ginawa niyo sa amin. Siguro, sapat na pong bayad ang mga insultong natanggap namin
upang mabayaran naming lahat ng pagkakautang namin sa inyo. “ Sabi ko sa walang emosyong tinig.
“ Aba’t totoo nga ang mga narinig ko tungkol sa iyo. Napakawalang galang na bata, huwag na huwag
ka nang magpapakita sa pamamahay ko. “ Ang malakas nitong sigaw.
Si Don Fidel at ang asawa nito at tahimik lamang, walang magawa upang pigilan ang Donya sa
pagsasalita ng mga masasakit na salita. Nakilala ko sila bilang isang mabait at mapagkumbabang tao.
Marahil ang Donya, ay iba ang pananaw sa buhay. At tanggap ko na iyon. May mga tao talagang
pinanganak upang tingalain at sundin, at mayroon din namang taong ipinanganak upang sumunod
lamang. At isa na kami doon.
Lalabas na sana kami ni Itay nang makita ko si Levi na kapapasok lang. Galit na galit itong lumapit sa
amin.
“ Ano ho bang ginagawa niyo dito? Umalis na po kayo at huwag na kayong babalik. “ Ang sabi niya sa
amin. Natawa na lang ako. Hindi makapaniwala na maririnig ko sa kanya ang mga salitang binitawan
niya.
“ Huwag kang mag-alala, ito na ang huling pagkakataon magkrukrus ang landas natin. Nagsisisi akong
mahalin ang isang katulad mo. Ano pala iyong sinabi mo? Na hindi mo na ako kailangang ipaglaban.
Ang lahat ng mga pinangako mo sa akin, ni isa hindi mo tinupad. Puwes, para malaman mo isa kang
duwag. Wala kang isang salita. “ Ang puno ng hinanakit kong sabi.
Umiwas ito ng tingin at binaling sa mga magulang at sa Donya. Bago pa kami tuluyang makalabas sa
kanilang tahanan, narinig ko ang kanyang sinabi.
“ Masaya na ba kayo? Siguro naman sapat na ito upang tumupad kayo sa ating usapan. “

IKA-ANIM NA KABANATA- Ang bagong landas


Tatlong taon na ang nakalipas buhat ng umalis kami sa lugar kung saan ako lumaki at nagkaisip. Kung
saan ako nangarap at umibig. Hanggang ngayon, patuloy pa rin akong nakikibalita kay Levi. Hindi ko
pa rin matanggap na ganoon na lamang kabilis magbago ang nararamdaman ni Levi sa akin.
Pinangakuan niya ako ng kasal bago siya umalis. Nangako siyang ako lamang ang babaeng kanyang
mamahalin at pinaniwalaan ko lahat ng iyon. Kaya, kahit tatlong taon na ang lumipas, nanatili pa rin
ang mga katanungan sa isipan ko. Ang mga agam-agam sa puso ko na hanggang ngayon dala-dala ko
pa rin. Mula ng umalis kami, nagsimula kami ulit ni Itay. Ang mga ipon namin ang siyang ginawa
naming pansimula ng maliit na negosyo. Pinagpatuloy ko ang aking pag-aaral hanggang sa
makatapos ako at nagkaroon ng trabaho. Isa na akong guro sa isang pampublikong paaralan at
masaya ako ginagawa ko. Ang pagtuturo ang dahilan upang maibsan ang lungkot na nararamdaman
ko. Ngunit, hindi ko pa rin maiwasan ang alamin ang kalagayan ni Levi. Minahal ko siya ng ilang taon
kaya malabo sigurong makalimutan ko siya.
Si Angel na aking kababata ang siyang nagsasabi sa akin na maayos na pinapamahalaan ni Levi ang
kanilang lupain. Hindi ito napilit ng pamilya na ipagpatuloy ang kanilang yapak sa politika. Bagkus,
hinayaan na lamang ang binata na mamahala sa mga negosyo ng pamilya. Nalaman ko din na ang
dating malit naming bahay na pagmamay-ari ng kanyang pamilya ay pinatayuan ni Levi ng isang may
kalakihang bahay. Hindi katulad ng bahay nila na sobrang laki, kundi isang simple lamang daw na
bahay na para sa isang ordinaryong pamilya. At doon na raw nakatira ang binata.
Masaya ako para sa kanya lalo at nalaman kong isang buwan na lang at magpapakasal na ito sa
kanyang Fiancee. Ang anak ngayon ng bagong gobernador ng lalawigan. Nakapagdesisyon naman
akong iuukol ko ang aking panahon sa aking pagtuturo. Hindi na ako iibig pang muli. Sapat na ang
mga sugat ko sa nakalipas na mga taon, ayoko nang madagdagan pa. Natakot na akong sumubok at
muling sumugal. Sabi nga nila, walang nananalo sa sugal. Mas lalo ka lang ibabaon sa hukay kung
patuloy kang umaasa na mananalo din balang araw. Ayokong dumating ang araw na iyon. Sa ngayon,
ang mahalaga ay masaya siya sa kanyang piniling desisyon sa buhay.
Hanggang sa lumipas ang isang lingo, nabalitaan ko kay Angel ang masamang balita.
“ Naku! Tisay, si senyorito Levi nahulog sa sinasakyang kabayo kaninang hapon pa daw. Pauwi sana
raw ito galing sa burol ng mangyari ang aksidente. Ngayon ko lang malaman ng makauwi si tatay
galing sa ospital. “
Nanlamig ako at hindi magawang magtanong pa. Puno ng takot at pag-aalala ang nararamdaman ko
para sa binata. Ano bang nangyari? Hindi ako makapaniwala na mahuhulog siya dahil mula pa
pagkabata ay sanay na sanay itong mangabayo?
“ Kumusta na ang kalagayan niya? Okay lang ba siya? Huh? Angel. “ Naiiyak kong tanong. Si Itay, nag-
aalala rin ng malaman niya ang nangyari.
Hindi makasagot si Angel sa tanong ko. Mas lalo tuloy akong kinakabahan sa kalagayan ni Levi.
“ Malala daw ang pinsala na natamo niya mula sa pagkakahulog. Dinala na siya sa manila upang
ipasuri. “
Buong gabi akong umiiyak sa pag-aalala. Kinabukasan, hindi ako pumasok dahil masama ang
pakiramdam ko. Buong araw akong nakatulala at naghihintay ng balita kay Angel. Lumipas ang
tatlong araw at umuwi na raw ito. Ayon sa kaibigan ko, hindi na raw makakalakad pa si Levi. Lagi na
raw itong nagkukulong sa loob ng silid at hindi kumakain ng maayos. Hindi na raw alam ng mga
magulang kung paano siya kakausapin at tila sarado na raw ang isipan nito. Ang balitang ito ang
siyang lalong nagpa-iyak sa akin. Hanggang sa makapagdesisyon na ako. Si Levi ang buhay ko. Siya
ang dahilan kung bakit pinipilit kong maging masama sa kabila ng kasawian at mga sakit na
pinagdaanan ko. Ang malaman kong masaya na ito, aymasaya na din ako. Kaya hindi ako maaaring
manatili lamang dito habang siya ay nahihirapan. Kinausap ko si itay at nagpapasalamat akong hindi
niya akong pinigilan. Muli akong bumalik sa lugar kung saan ko naiwan ang puso ko, ang buhay ko.

IKAPITONG KABANATA- Ang paghilom ng Sugat


Sa pagbabalik ko sa lugar na aking kinagisnan, isa lamang ang lugar na nais kong puntahan. Ang
mansion ng mga Salvacion kung saan nagtapos ang lahat ng sa amin ni Levi. Sa malaking bakal ng
mansion, halos magmakaawa akong papasukin nila ako upang makita ko lamang si Levi. Isang gabi
akong naroon, hindi nawalan ng pag-asa. Kinaumagahan, laking pasalamat ko nang papasukin na ako
ng Donya. Ang mag-asawang Don Fidel ay agad akong niyakap at nagmakaawang susubukan kong
kausapin ang anak nila. Samantala, ang Donya ay walang ginawa kundi ang patuloy akong insultuhin
ng kanyang mga salita. Ngunit, hindi ko ito alintana. Ang mahalaga sa akin ay ang makita ko si Levi.
Sa sumunod na mga araw, wala akong ibang ginagawa kundi ang kumatok sa pintuan ng kanyang
silid. Hindi niya ako kinakausap at lalong ayaw niya akong makita ang kanyang kalagayan. Kaya
ganoon, patuloy ko siyang kinakausap mula sa labas ng kanyang silid. Kinuwento ko sa kanya ang
naging buhay naming ni itay sa loob ng tatlong taong lumipas. Kung paano ako naging matatag at
pinagpatuloy ang buhay, sakabila ng mga sakit na ibinigay niya sa akin. Hanggang sa isang umaga,
hinayaan niya na akong pumasok sa kanyang silid. Halos umiyak lang ako ng umiyak habang
nakayakap sa kanya. Ang dami kong gustong sabihin sa kanya ngunit, ni isang salita walang lumabas
sa aking bibig. Ang mahalaga sa akin ng mga sandaling iyon ay ang makita ko siya at maramdaman.
Si Levi, nakahiga lang siya at hindi ako kinakausap mula ng dumating ako. Ako ang umalalay sa kanya
sa halos isang lingo kong pananatili sa mansion. Kaya, kahit hindi niya ako kinikibo, nararamdaman
ko namang ayaw niya akong umalis.
Isang araw, dumating ang gobyernador kasama ang pamilya nito at ang kanilang anak. Ang babaeng
nakatakdang pakasalan ni Levi sa susunod na araw. Ngunit, hindi ako nakaramdam ng anumang
lungkot at panibugho. Sapagkat, may mag-aalaga na kay Levi pag-aalis na ako. Marahil, ito na rin ang
huling pagkakataon na makikita ko siya. Tumingin ako kay Levi, nang maramdaman kong nakatingin
siya sa akin. Ngumiti ako sa kanya.
“ Naalala mo ba yung mga sinabi ko noon sa iyo? Na masaya na ako tuwing nakikita kita kahit sa
malayo lang. Sa tuwing napapadaan ka sa aming bahay noon. Kung paano ko pinanabikan ang mga
darating na araw, at hinihiling na sana ay bakasyon upang makita kita. Naalala mo ba lahat ng iyon? “
Naiiyak kong tanong.
Tumango siya. “ Bakit mo ginagawa ang lahat ng ito? Pagkatapos ng lahat ng mga pasakit na
naranasan mo dahil sa akin. Sa hindi ko pagtupad sa mga pangako ko noon sa iyo. Bakit sa kabila ng
lahat ng iyon, narito ka at pinapaalala mo sa akin kung gaano ako kaduwag at kawalang kuwentang
tao. “
Tuluyan na akong napaiyak sa kanyang mga tanong.
“ Dahil mahal kita, hanggang ngayon mahal pa rin kita. At handa akong magparaya, kapalit nito ang
kasiyahan mo. Kung mahal mo siya, tatanggapin ko ng buong puso. Dahil, Levi ganoon ang
pagmamahal. Handa nating ibigay at gawin ang mga bagay na magpapasaya sa ating mga
minamahal. Kaya, sana huwag ka nang maging duwag at harapin ang lahat ng mga ito. Dahil ako,
naniniwala ako sayo. Na makakaya mo itong malagpasan at muling ipagpapatuloy ang buhay. “
Hinawakan niya ang mga kamay ko habang nakatingin sa aking mga mata.
“ Kung sana lang puwede ko pang ibalik ang mga lumipas na taon. Sana masaya na tayo ngayong
nabubuhay at magkasamang tutuparin ang ating mga pangarap. Kung sana mas pinili ko ang puso at
sumugal sa ating kinabukasan hindi sana natin mararanasan ang anumang mga masasakit na ating
pinagdaanan. “
Mas lalo akong napangiti at mabilis na tumayo. “ Paalam, sana maging masaya na tayong dalawa sa
pipiliin nating bukas. “
Lumabas na ako hindi na lumingon pa.
Magpapaalam na sana ako sa pamilya Salvacion ng marinig ko ang kanilang usupan. Hindi ko
maiwasang lumapit sa kanila sapagkat tila ako sinasaksak ng patalim sa dibdib sa mga salitang
binibitawan ng pamilya ng bagong gobyernador.
“ Nakapagdesisyon na kami, hindi na maaaring itutuloy pa ang kasal. Pagpaumanhin niyo na ang
desisyon ng naming anak ukol sa kasalang ito. “ Ang nahihiyang sabi ng gobyernador.
Si Donya Camilla ay tinanong ang anak ng gobyernador.
“ Bakit, hija? Bakit nagbago ang isip mo? Sa halos tatlong taong lumipas, ikaw pa mismo ang
nagsasabing dapat na kayong magpakasal ng aking apo? “ Ang naguguluhan na tanong nito.
Napangiwi ang dalaga at umiwas ng tingin.
“ Iba na ang sitwasyon ngayon. Sa nangyaring ito, ayokong masira ang aking pangalan at pagtawanan
ng mga kaibigan ko sa pagkakaroon ng asawa na isang imbalyado. Ano na lang ang gagawin ko sa
buhay ko? Ang alagaan ang inutil niyo pong anak? Kahit maghirap pa kami sa buhay, hinding hindi
ako magpapakasal sa anak niyo. “
Natahimik ang lahat at halos hindi makapaniwala sa mga salitang binigkas ng dalaga. Ang ama ng
dalaga ay agad humingi ng paumanhin sa inasal ng anak ng mga ito.
“ Ngunit, hija? Maaari kayong kumuha nang mga kasambahay na aalalay sa inyong dalawa. Hindi ka
mahihirapan dahil may salapi kami at mabubuhay kayo ng marangya. Pinapangako ko iyan. “ Ang
nagmamakaawang sabi ng Donya.
Tumawa ang dalaga. “ Mas pipiliin ko pa pong mag-ulam ng asin kaysa ang magkaroon ng asawang
lumpo. Isa itong kahihiyan sa akin. Patawad, pero buo na ang aking pasya. “
Muli, natahimik ang paligid.
Hanggang sa magsalita si don Fidel. “ Marahil ito na siguro ang kapalaran ng aking anak. Kagaya ng
sinabi ng dalaga, wala ngang babae ang pipiliing matali sa isang lalaking may kapansanan. Kung buo
na ang iyong desisyon, tinatanggap na naming iyon. “ Nakipagkamay ito sa gobyernador.
“ Hindi maaari ito, kung kinakailangan kong gipitin ang pamilya niyo upang matuloy ang kasalang ito
gagawin ko. Hindi ako makakapayag na walang magpapakasal sa apo ko. “ Pagbabanta ng Donya.
Tuluyan na akong lumapit sa kanilang kinaroroonan.
“ Ako po, handa po akong pakasalan ang iyong apo. Kung papahintulutan niyo po ako, nangangako
akong mamahalin ko siya at magiging tapat at mabuting asawa. Hindi ako gagawa ng mga bagay na
ikakasama ng iyong anak. Donya Camilla, mahal ko po si Levi mula noon hanggang ngayon siya pa rin
ang lalaking pinapangarap kong makakasama sa buhay. “ Ang umiiyak kong pakiusap.
Natigilan silang lahat at napatingin sa akin.
Si Don Fidel ang lumapit sa akin at niyakap ako pati na ang kanyang asawa. Si Donya Camilla, tila
hindi pa rin naniniwala sa mga sinabi ko.
“ Sigurado ka ba sa mga sinabi mo? Handa mo bang tanggapin ang anumang kahihiyan at hirap na
maaari mong danasin sa piling ng apo ko. Isa siyang lumpo at magiging pabigat lamang sayo? “ Ang
pagbabanta niya sa akin. Ngumiti ako sa kanilang lahat.
“ Nakahanda na po ako, at ang pagmamahal ko sa kanya ay hindi isang kasalanan o krimen na
maaaring ikahiya ng sinuman. Ang tapat at tunay na pagmamahal ay hindi tumitingin sa panlabas na
anyo o tumitimbang sa estado ng katayuan sa buhay. Hindi isang pagkakamali na maaaring itago o
ilihim upang hindi magdulot ng kahihiyan. Mahal ko po ang apo niyo, at sapat na po sa akin na mahal
ko siya at mahal niya rin ako. “ Ang masaya kong sabi.
Katahimikan ang sumunod na sandali, hanggang sa basagin ng boses ni Levi.
“ Tapos na ang palabas. “ Ang sabi nito habang bumababa sa malaking hagdan ng mansion. Lahat
kami nakatingala sa kanya. Hindi makapaniwala sa nakikita. Si Levi, nakakapaglakad na siya at tila
walang anumang nangyari aksidente. Hanggang sa unti-unti kong nauunawaan ang mga pangyayari.
At nang makababa na siya, nakipagkamay siya sa gobyernador at asawa nito.
“ Huwag ho kayong mag-aalala, ang anumang desisyon hindi makakasira sa pagkakaibigan ng ating
pamilya. “ Pagkatapos, tumingin ito sa anak ng dalaga ng gobyernador.
“ Salamat, dahil sa iyo nakita at napatunayan ko sa pamilya ko kung gaano ako kamahal ng aking
mapapangasawa. Na hindi siya isang gold-digger o social climber gaya ng anumang maling akala ng
aking lola. Pinatunayan niya kung gaano kahalaga ang pag-ibig sa buhay kaysa ang anumang
karangyaan na siyang ating inaakalang magbibigay ng lubos na kasiyahan sa ating buhay. “
Umiiyak akong lumapit sa kanya at niyakap siya.
Pagkatapos ng pangyayaring ito, nagpaalam na ang pamilya ng gobyernador. Masaya sila sa
anumang kahihinatnan ng mga pangyayari. Ang anak ng mga ito, ay labis ang pagsisisi at kahihiyan.
Ngunit huli na ang lahat.

IKAWALONG KABANATA- Sa Pagsisimula ng bagong pahina


Sa araw ding iyon, sinagot lahat ni Levi ang mga katanungan ko. Kung bakit bigla na lamang itong
hindi umuwi. Iyon pala, nalaman ng Donya Camilla ang kanilang relasyon at pinagbawalan nito ang
binata na makipagkita sa kanya kapalit ng hindi pagtanggal sa trabaho ng kanyang ama at
pagpapatigil sa kanya sa pag-aaral. Inamin rin ni Levi na naging duwag ito at natakot sa maaaring
gawin ng kanyang lola lalo pa maimpluwenysa ang pamilya nito. Humingi naman ng paumanhin ang
Donya sapagkat naging mahirap ang ibinigay niyang pagsubok sa pag-iibigan namin ni Levi. Doon ko
naunawan ang mga pangyayari kung bakit bigla na lamang nagbago ang ugali ng Donya. Nakilala kasi
namin ito bilang isang mabuti at mapagbigay sa mga manggagawa ng kanilang lupain. Sa katunayan,
sila rin ang nagpapaaral sa mga anak ng mga magsasaka at nagbibigay ng mga trabaho dito.
Lumipas ang isang buwan, muli kaming bumalik sa aming bayan. Natanggap din akong guro sa
paaralan kung saan ako nagtapos. Nagkausap na din ang itay at ang Donya at ipinaliwanag din ng
Donya ang mga nagawa nito. Muling bumalik si itay sa kanyang tungkulin. Kami ni Levi, nagpakasal
din kaagad. Nagkaroon simpleng kasalan na siyang hiniling ko. Pagkatapos ng kasal, pumunta kami sa
burol kung saan kami nangako sa isa’t isa. Habang nakatanaw sa luntiang kapaligiran, hindi ko
maiwasang itanong kay Levi, kung ano ang naisip nito bakit nagpanggap na hindi makakalakad dahil
sa aksidente.
Ngumiti ito. “ Iyon lang kasi ang tanging paraan upang mapapabalik kita. Kung hindi ko ginawa iyon
at sabihin na lang na sana bumalik ka, baka magalit ka pa sa akin. At baka hindi mo ako paniwalaan
sa mga dahilan ko. “ Sumimangot ako.
“ Eh, bakit pinahirapan mo ako. Ilang araw akong kumakatok sa pintuan hindi moa ko pinapapasok?

Tinawanan niya ako. “ Naalala mo ba sabi mo dati, ang ating buhay ay hindi isang telenobela. At
malabo itong mangyari sa totoong buhay. Ngayon, alam mo na, na maaari itong mangyari. Iyon nga
lang, may kanya-kanya itong kuwento at wakas.
“ Sana nga, ang magiging katapusan ng ating kuwento ay tayo pa rin sa huli. Magkasamang tinutupad
ang ating mga pangako sa isa’t isa. “

WAKAS

ARAL NG NOBELA: Ang tunay at tapat na pag-ibig ay hindi tumitingin sa panlabas na anyo, hindi
tumitimbang sa estado sa buhay, lalong hindi isang kasalanan o krimen na maaaring ikahiya o ilihim.

REPLEKSYONG SANAYSAY: Sa pagsusulat ng isang nobela, napagtanto ko ang halaga ng pagkakaroon


ng malawak na kaalaman at karanasan sa buhay. Ang pagkakaroon ng interes sa anumang uri ng
babasahin upang mas mapaunlad pa ang ating kakayahan at mas matuto ng mga iba’t ibang
pamamaraan at teknik ng mga manunulat upang magkaroon tayo ng ideya kung paano maisusulat
ang ating mga iniisip o kaya ay nararamdaman sa malikhaing paraan. Sa pamamagitan ng pagbabasa,
pag-oobserba, at pagmamasid sa ating paligid, nagkakaroon ng mga ideya sa kung paano mabigyang
buhay ang ating mga nilikhang tauhan. Gayundin, sa kung paano natin ilarawan ang bawat tagpuan
sa aking kuwento.

You might also like