You are on page 1of 8

LLONA JR., Roderick M.

MAIKLING KWENTO at NOBELA

BSED FL 3-1N Ma’am Felices

PAGSUSURI SA MAIKLING KWENTO

“ULAHING” ni Rowena P. Festin, 1989

TEMA: Pananakop ng mga Dayuhan sa Lupang Tinubuan.

NILALAMAN:

Ang kwento ng “Ulahing” ay patungkol sa isang katutubong tribo na nasa kabundukan


naninirahan. Ang pinuno ng pangkat na si Datu Ampatulid ay namatay. Hindi siya pumayag na bilhin
ng mga dayuhan ang kanilang lupain upang pagtamnan ng pinya. At dahil sa pangyayaring iyon,
pinatay siya ng mga ito habang siya ay nangangaso sa gitna ng kagubatan. Natagpuan na lamang ng
mga katribo ang pinuno na walang ng buhay at ang kamatayan ni Datu Ampatulid ay kababakasan ng
pagmamalupit ng mga dayuhan. Si Dayao, ang anak ng datu ay nakaharap sa bangkay ng ama;
umiiyak at nangungusap. Hinihingi ang basbas ng kaluluwan ng amang yumao na bigyan siya ng
katapangan at kapatawaran sa karuwagang inasal. Hiniling din niya na pagtibayin ng prinsipiyo at
kaluwalhatian ni Datu Ampatulid ang buong tribo.

Ang dating lupain at ang ulahing na ipinaglaban ng ama na marangya at masagana ay nasira
na. Ang matatandang puno ay putol na; ang mga bundok ay nakakalbo na. Ang dating awitan ng mga
ibon at iba pang mga hayup sa gubat ay napalitan ng ingay ng malalaking makina. Naging
masalimuot ang buhay ng mga katutubo sa kamay ng mga mananakop. Maraming pinaslang na
kalalakihan, maraming kababaihang ginahasa at dinungisan ang puri, maraming mga bata ang
nawalan ng mga magulang… nawasak ang tribo. Dahil sa labis na takot at pangangamba,
napagpasyahan ng mga natitirang katutubo at ni Dayao na lisanin ang ulahing. Nananatili sila sa
ginta ng malayong kagubatan. Natatakot silang maparusahan ng mga diwata ng ulahing at ng bathala
sa kanilang pagpapabaya sa lupain. Dumating ang panibagong pag-asa, sumikat na ang haring araw
at nakatakda nang ialay si Dayao sa mga bathala upang pamunuan ang katutubo. Nanindigan siyang
babangong muli mula sa pagkasadlak; kaisa ng buong pangkat, at titindig na babawiin nila ang
ulahing.

MGA TAUHAN:

 Datu Ampatulid – pinuno ng tribo


 Dayao – anak ng datu
 Dayuhang Mananakop

TEORYANG PAMPANITIKAN:

 Teoryang Kultural – tumutukoy sa mga kwento batay sa isang kulturang pinaghanguan ng


kwento o tula.

Sa aking pagsusuri, ang kwento ng “ulahing” ay batay sa kultura at kasaysayan ng Pilipinas.


Inilalarawan sa akda na ito ang mga pangyayaring naganap sa bansa nang sakupin tayo ng mga
Kastila.

ANALISIS:

Sinisimbolo lamang ng ulahing ang Pilipinas. Ang kagandahan at yaman ng ating bansa.
Dahil sa yumi at ganda ng ating bayan, maraming mga bansa sumakop. Pinahirapan tayo, kinamkam
nila ang ating mga likas na yaman. Sinira nila ang kapaligiran para sa pera. Ang akdang ito ay talaga
namang napakaganda.
“TAGUAN” ni Rolando Bernales, 1995

TEMA: Kinasangkutang krimen ng isang batang paslit.

NILALAMAN:

Ang kwento ay nagsimula sa panaginip ng isang bata. Masayang naglalaro sina Openg at
nakababatang kapatid na si Kristal ng taguan sa paaralan. Nagtago si Openg sa banyo sa dulo ng
pasilyo at mula roon at natatanaw niya ang kapatid na lilinga-linga kahit wala pang bilang na sampu.
Hindi siya makikita ng kapatid dahil takot ito sa dilim at iiyak ito para lapitan at sa ganoong paraan,
matataya si Openg. Bigla nagising ang bata mula sa panaginip dahil sa ingay ng amang lasenggo.
Maaga pa lamang ay nasa kalye na si Openg upang magbenta ng sigarilyo. Palipat-lipat siya sa mga
bus at jeep para maubos ang paninda, samantalang ang ama naman nila ay nakatihaya lang sa bahay
dahil sa labis na kalasingan. Baon na sa utang ang pamilya ni Openg dahil sa alak. At ang kinita pa
ng batang paslit ay kulang pa dahil nagkulang ng isang kaha ng sigarilyo ang kanyang paninda dahil
kinuha ito ni Mang Castor. Dahil sa pangyayaring iyon, walang maibigay na tubo si Openg sa
kanyang ina na nagtitinda ng karne at isda sa palengke. Hindi magawang sisihin ni Openg ang ama sa
pagkawala ng isang kaha ng sigarilyo dahil sakit ng katawan ang aabutin niya.

Si Aling Beth ay sumugod sa tahanan nila Openg dahil nagsumbong ang anak niyang si
Milet na inaway daw ito ni Openg at nagsalita pa ng di maganda kay Aling Beth. Ngunit ang depensa
naman ng bata na inaway ni Milet ang kapatid niyang si Kristal at sinabing bakla raw ang kuya nito.
Dahil doon, nakatikim ng gulpi ng ama si Openg at Kristal dahil nagsumbong ang ale kay Mang
Castor. Isang bayarang babae si Aling Beth sa kanilang lugar. Iniwan siya ng dating kasintahan na
anak ng Konsehal nang malamang buntis siya. At simula noon, napariwara na ang kanyang buhay.
Nasa ika-anim na baitang na sana si Openg at ikalawang baitang naman ang kapatid niyang si
Kristal, ngunit nahinto dahil sa kahirapan. Pangarap ni Openg na maging titser ngunit tutol ang
kanyang ama dahil bakla raw ito at nararapat lang na mag-palor na lang daw ito at araw-araw pa ang
kita. Si Noknok naman, kaibigan ng magkapatid at ni Milet, ay maligalig na bata. Nahuling
namboboso ng mga ka-eskwela sa paaralan. Kung kaya’t laging napapatawag ang ina. Iniwan sila ng
kanilang amang pulis at ipinagpalit sa isang Japayuki sa Pasay. Minsan, naisip ni Openg na sana wala
na rin silang ama tulad nina Milet at Noknok.
Isang araw, sinadya ni Openg ang kanilang ina sa palengke upang sabihin ang kanyang
nalaman mula sa kapatid. Minsan daw ay naglalaro sila Kristal at ang amang si Mang Castor ng
bahay-bahayan. Hubo’t hubad daw silang pareho at binibigyan daw siya ng ama ng limang piso.
Gitla ang ina at ‘di makapaniwala sa narinig. Dali-dali silang umuwi galing sa pagtitinda. Pagpasok
sa barung-barong na tahanan, laking gulat ang ina sa kanyang nasaksihan; walang saplot ang asawa
at nakaibabaw sa bunsong anak hanbang sapung-sapo ang bibig nito. Sa labis nag alit, sinugod ng ina
ni Openg ang asawa at pinagsususuntok sa dibdib. Gumanti ng sapak at tadyak si Mang Castor sa
asawa at tinulak ng malakas. Dahil sa nasaksihan ni Openg, lalong nandilim ang paningin ng bata sa
ama at bumunot ng kutsilyo sa bayong at inundayan ng saksak sa likod ang ama. Hindi pa siya
nadala, inundayan muli ng saksak sa dibdib ang ama para daw sa kaibigan niyang si Noknok na
iniwan ng amang pulis. Naalala niya ang tatay ni Milet na umabandona sa kanila; isa pang saksak sa
tiyan. Nakita niya ang ina. Naalala niya ang pasakit at pang-aabusong dinanas nito mula sa ama. Isa
pang saksak sa tagiliran. Isa ring saksak sa tagiliran para sa kanya. Naalala niya ang panggugulpi ng
ama sa kanilang magkapatid at ang panghahamak nito sa kanya bilang bakla. At ang huling saksak ay
para naman kay Kristal. Na sinira ang kapurihan at dinungisan ang pagkababae ng kapatid. Para sa
kapatid na inagawan ng kamusmusan; kahinaang sinamantala ng kanilang ama.

Nanaginip muli si Openg. Nakita niya sa dulo ng pasilyo si Kristal. Inilibot niya ang kanyang
paningin. Nakita niya ang silid kung saan sila dati masayang naglalaro ng aral-aralan. Mapapansing
wala nang linga-linga ang nakababatang kapatid. Nagsimula ng maghanap si Kristal sa mga mesa’t
upuan. Hindi na pangalan ni Openg ang ang tinatawag niya kundi ang ina. Lumapit si Openg sa
kapatid at marahang hinaplos ang buhok nito, tinitigan ang maamong mukha ng batang kapatid at
sinabing, “huwag ka ng mag-alala, bukas dadalawin natin ang nanay sa presinto.”

MGA TAUHAN:

 Ina
 Mang Castor – ama ng magkapatid
 Magkapatid na Openg at Kristal
 Noknok at Milet – kaibigan ng magkapatid
 Aling Beth – ina ni Milet
TEORYANG PAMPANITIKAN:

 Teoryang Realismo – Ipinaglalaban ng teoryang ito ang katotohanan kaysa kagandahan.


Sinumang tao, anumang bagay at lipunan ayon sa mag realista, ay dapat maging
makatotohanan ang paglalarawan o paglalahad. Karaniwang nakapokus ito sa sosyo-politikal,
lipunan, at katarungan para sa mga naaapi.

Ipinakita sa akda ang totoong nangyayari sa lipunan. Isa sa mga suliraning kinahaharap ay ang
pagdami ng mga kababaihang nabibiktima ng sekswal na pang-aabuso. At binigyang-diin sa akda
ang kahirapan. Dahil dito, maraming mga bata ang di nakakapag-aral. Sa halip na sila ay naglalaro at
nag-aaral, dahil sa kahirapan ay napipilitan silang magbanat ng buto sa murang edad pa lamang.

ANALISIS:

Ang akdang “Taguan” ni Rolando Bernales ay kahanga-hanga sapagkat sinasalamin nito ang
isa sa mga lumalaking problema sa sa lipunan, ito ay ang paglapastangan sa kahinaan ng mga
kababaihan. Marami ang nabibiktima ng sekswal na pang-aabuso sa kababaihan at ang madalas pa na
may sanhi nito ay mismong mga kamag-anak pa. Batay sa aking pagsusuri sa akda. Kakikitaan din
ito ng di matatawarang pagmamahal ng isang ina. Na kahit ano gagawin niya para sa mga anak.
Kung mapapansin sa kwento, ang sumaksak sa ama ay si Openg. Ngunit sa dulo ng kwento.. sinabi
nakakulong ang ina nila sa presinto. Sa medaling sabi, mahihinuha sa akda na inako ng ina ni Openg
ang krimen dahil ayaw niyang makulong ang anak.
“SI INDA, ANG MANOK, AT ANG MGA LAMANG-LUPA”

ni Christian Tordecillas, 2011

TEMA: Ang misteryo ng mga lamang-lupa.

NILALAMAN:

Sa isang malayong lugar, sa gitna ng kagubatan ay may naninirahang mag-asawa, si Inda at


Nono. Tanging puno ng mangga at santol lamang mayroon ang mag-asawa. Ang kanilang bukirin ay
natutuyot na kasabay ng mga dahong nalalaglag sa mga puno at iba pang mga halaman sa gubat.
Unti-unti na ring nangamatay ang mga alaga nilang manok. Tanging asin na lamang ang kanilang
inuulam araw-araw. Isang araw, nagtungo si Inda sa punso – di kalayuan sa kanilang tahanan habang
ang asawang si Nono ay nasa bukid. Sa unang tingin, aakalain mo lamang isa lamang itong
pangkaraniwang bahay ng mga langgam o anay. Ngunit sa kanyang pagmamasid, nakakita siya ng
isang malaking butas sa punso kung kaya naman lumakas ang paniniwala niyang bahay ito ng mga
lamang-lupa. Paulit-ulit na sumigaw si Inda sa butas upang kausapin ang mga naninirahan doon,
ngunit nabigo siya sapagkat walang nagpakita sa kanyang lamang-lupa. Sumigaw muli siya, ngunit
walang lumabas mula roon sa butas at inakala niyang bingi siguro ang mga naninirahan sa punso.
Muli siyang sumigaw, at sa pagkakataong iyon, umihip ang hangin ng malakas, at ilang sandali pa’y
nakarinig siya ng malakas na tunog sa lupa. Natakot si Inda at lumayo sa punso. May nalaglag
lamang pala na bunga ng santol. Dinampot ito ng babae at tinali ang tangkay. Sinubukan niyang
ihulog ang santol sa butas at nang makaabot na ito sa malalim na bahagi, bigla itong bumigat. Hinila
ni Inda ang tali at laking-gulat sa kaniyang nakita. Isang bilog ng ginto ang nasa tali!

Agad na ipinakita ng babae ang ginto sa asawa, tuwang-tuwa si Nono at agad na nagtungo sa
bayan upang ipagbili ang ginto. Muling nagtali ng santol Inda at sinamahan na rin niya ito ng asin.
Naglagay rin siya ng papel na may nakasulat na “Masarap” at nagguhit rin siya ng santol. Nais ni
Inda na magkaintindihan sila ng mga lamang-lupa. Inihulog na niya ang santol na may asin, kalakip
ang papel at panulat. Muling bumigat ang tali at agad naman itong hinila ni Inda. Isang malaking
tipak ng ginto ang kapalit! Kasama ng ginto ang papel at ito’y binasa ni Inda. Tuwang-tuwa ang
babae sa nakita. Sinulatan pabalik ng mga naninirahan sa punso si Inda at sinabig, “Santol. Masarap.”
Naiintindihan pala siya ng mga lamang-lupa. Bumalik si Inda sa bahay at nagtungo sa kanilang
kusina. Hindi niya alam kung ano ang iaalay niya sa mga lamang-lupa kapalit ng ginto. Wala nang
santol at ubos na rin ang asin. Narinig niya ang tilaok ng kanilang manok sa bubungan ng bahay.
Kinuha niya ito at itinali kasama ng papel na may nakasulat na “Manok.” Hinatak muli ni Inda ang
tali at binasa ang papel na nakabalot sa ginto at ang nakasaad ay, “Masarap. Manok.” Tuwang-tuwa
siya dahil mabilis na natututo ang mga lamang-lupa. Ilang sandal pa’y dumating na ang asawa sakay
ng kalabaw at may dala-dalang maraming sako ng santol at ilang malalaking lubid. Binili raw niya sa
bayan kapalit ng ginto. Itinago niya ang nakuhang ginto mula sa asawa at lumayo sa punso. Itinali ni
Nono ang isang sakong santol at ibinababa sa butas. Biglang bumigat ang sako at inikalang isang
sakong ginto rin ang ipapalit ng mga lamang-lupa, dali-dali niya itong hinatak pataas. Hindi ginto
ang laman; puro putik at nabubulok na santol ang laman ng sako. Nagulat sila sa kanilang nabasa,
higit sa sandaan ang nakasulat sa sako; “Manok. Manok. Manok.” Sa labis na galit, hinukay ni Nono
ang butas at sinira ang punso. Lalong lumaki ang butas sa lupa. Walang magawa si Inda kundi ang
panoorin ang nagngangalit na asawa. Kumuha si Nono ng lubid at itinali ang sarili, samantalang ang
kabilang dulo ay nakatali sa puno ng santol. Kumuha ng mga sakong walang laman at nagtungo sa
loob ng butas. Maya-maya pa’y narinig ni Inda ang pagsigaw ng kalabaw. Hintak niya ang lubid;
mabigat ang sako at sa sobrang bigat nito ay mabubuwal na ang puno sa lupa. Buti na lamang
nakayanan ng kalabaw ang bigat. Limpak-limpak na ginto ang laman ng mga sako. Naghulog si Inda
ng lubid upang paahunin ang asawa dahil mayaman na sila! Matagal na nag-antay si Inda sa butas,
‘di pa umaahon si Nono. Sinilip niya ang butas, ngunit wala siyang makita sa sobrang dilim.
Sinubukan rin niyang pakinggan ngunit wala siyang marinig. Ilang saglit pa ay napansin ni Inda ang
papel na natapakan niya. Nahulog ito mula sa sako ng mga ginto. Binasa niya, bigla na lamang
namuti ang kanyang mga mata. At ang nakasulat ay, “Manok. Masarap.”

MGA TAUHAN:

 Mag-asawang Inda at Nono


 Mga Lamang-lupa
TEORYANG PAMPANITIKAN:

 Teoryang Imahismo – naipapahayag ang mga imaheng biswal, eksaktong paglalarawan


opagbibigay anyo sa mga ideya.

Malinaw na ipinakita sa akda ang mga biswal na imahen sa pamamagitan ng paglalarawan sa mga
tauhan, uri ng pamumuhay mayroon ang pangunahing tauhan, tagpuan, at ang mga mahahalagang
pangyayari sa kwento.

ANALISIS:

Ang akda “SI INDA, ANG MANOK, AT MGA LAMANG-LUPA” ni Christian Tordecillas ay isang
maikling kwentong pambata. Upang maging kaakit-akit ang kaniyang kwento, gumamit siya ng mga
salitang angkop sa mambabasa. At dahil bata ang kaniyang mambabasa, inilarawan niya ng maayos
ang mga tauhan sa akda, gayundin ang tagpuan at iba pa. Nang sa gayon, mapadali na lang sa mga
babasa ng akda ang pagbuo ng mga kaisipan at mga larawan sa kanilang isipan.

PAGHAHAMBING SA MGA MAIKLING KWENTO (‘80s, ‘90s, hangang sa Kasalukuyan)

 Ang akda mula sa dekada ’80 ay kakikitaan ng lalim ng mga salita. Pormal ang paraan ng
pagsulat at paglalahad. At ang tema ng mga akda sa panahong ito ay patungkol sa digmaan at
pananakop ng mga dayuhan.
 Ang akda naman sa dekada ’90 ay kakikitaan din ng lalim ng mga salita. Pormal din ang
estilo sa paglalahad. Madalas ang paksain sa akda ay patungkol sa isyung panlipunan. Tulad
ng kahirapan, prostitusyon, korapsyon at iba pa.
 Samantalang ang mga akda sa kasalukuyang panahon ay may kababawan ang paggamit ng
mga salita. Madaling basahin at unawain ang mga akda sa panahong ito. Iba’t iba na rin ang
estilo ng paglalahad sa mga kwento. Madalas ang tema naman sa mga akda ay patungkol sa
pag-ibig.

You might also like