You are on page 1of 5

JEMINO, DANIELLE ANN T.

A. HULWARANG PAGSUSURI NG AKDA

Pagsusuri ng Kuwento

Isang Pagsusuri sa Kuwentong Bangkang Papel ni Genoveva Edroza-Matute na Gamit ang


Bisa at Paraan ng Pagtalakay

Maikling Buod ng Akda

Ang kuwento ay nagsimula sa pagbalik-tanaw ng tagapagsalaysay sapagkat sa tuwing makakakita


siya ng mga batang nagpapalutang ng bangkang papel ay nagbabalik sa kanyang gunita ang isang batang
lalake. Isang batang lalake ang nagising sa malalakas na dagundong at nakasisilaw na liwanag subalit
napagtanto niyang walang pumapatak sa kanilang bubungan. Hinanap niya ang kanyang ama sa kanyang
ina ngunit pinatulog lamang siya nito sapagkat magpapalutang pa siya ng bangkang papel bukas.

Subalit hindi niya napalutang ang mga bangkang papel dahil paggising niya kinabukasan ay nakita
niya ang kanyang inang nakalugmok sa sahig habang hinahaplos-haplos ang buhok ng kanyang kapatid
na si Miling. Napakaraming tao sa paligid at wala ni isa man sa kanila ang nagpaliwanag sa kanya sa
nangyayari. Ayon sa malakas na tinig, pinalilikas na ang mga residente sa ligtas na pook kasama si
Kapitan Isidro. Napag-alaman ng batang lalake na ang kanyang ama ay kasama sa labinlimang patay sa
sagupaan ng mga kawal at taong-bayan. Tinanong niya ang kanyang ina kung bakit pinatay ng mga
sundalo ang kanyang ama ngunit hindi rin alam ng kanyang ina ang sagot sa kanyang tanong dahil sa
parehas nilang hinahanap ang kasagutan.

Pagsusuri ayon sa Bisa

Bisa sa Isip

Ang natutunan ko sa maikling kwentong ito ay dapat maging bukas ang ating mga kaisipan sa
lahat ng posible o maaaring mangyayari sa hinaharap. May mga bagay na bigla na lang mawawala sa atin
nang hindi natin inaasahan katulad na lamang nang nangyare sa batang lalake na tuluyan nang nawalan ng
ama sa murang edad. Maging matatag, matapang at magpursigi tayo sa ating mga pangarap sapagkat may
mga hadlang na maaaring pumawi nito.

Bisa sa Damdamin

Ang maikling kwento na ito ay makapagdamdamin dahil musmos pa lamang ang batang lalaki ay
nawalan na siya ng ama. Isang batang lalaki ang gumawa ng tatlong malalaking bangkang papel na hindi
niya napalutang kailanman. Ang mga bangkang papel na ito ang nagsilbing mga pangarap niya. Simula
nang pangyayaring iyon ay alam niya na hindi na ito muling matutupad, ang mga bangkang papel na ito
ay hindi na muli lulutang.

Bisa sa Kaasalan
Ang masasabi ko ay hindi natin hawak ang kapalaran kaya mahalin at pahalagahan natin ang
ating mga magulang. Sila ang nagbigay buhay sa atin kung gayon ay huwag natin silang pabayaan at
patuloy na alalahanin. Hindi sa panghabang buhay ay sila ang ating kasama.

Bisang Panlipunan

Ang mga gyera at gulo ang nagiging sanhi ng pagkapawi ng buhay ng mga sundalong
nagtatanggol sa bayan. Ang sanhi naman ng gulo at gyera ay ang hindi pagkakaunawaan at
pagkakaintindihan ng mga tao sa gobyerno o sa kahit anong antas ng lipunan. Mas mainam na pairalin
ang kapayapaan at kaayusan ng lahat upang walang masaktan dahil sa pangungulila nila sa mahal nila sa
buhay.

Paraan ng Pagtalakay sa Akdang Panliteratura

Ang paraan ng pagtatalakay sa kuwentong Bangkang Papel ni Genoveva Edroza-Matute ay nasa


pang-anyo kung saan ang ginamit sa paglalahad ng mga pangyayari ay sa pamamagitan ng “flashback” o
pagbalik-tanaw na kung saan ginunita ng nagsasalaysay ang mga nangyari sa buhay ng batang lalaki at sa
kanyang pamilya. Pinatunayan ito ng mga pahayag na “Sa tuwing ako’y may makakikitang bangkang
papel ay nagbabalik sa aking gunita ang isang batang lalaki. Isang batang lalaking gumawa ng tatlong
malalaking bangkang papel na hindi niya napalutang sa tubig kailanman...”

B. I. PANIMULA/ INTRODUKSYON

Ang maikling kwentong pinamagatang "Bangkang Papel" ni Genoveva Edroza-Matute ay tungkol


sa batang lalaki na hinihintay ang pagdating ng kanyang ama, kasama na dito ang paghahangad niya na
palutangin ang mga bangkang papel na kanyang ginawa. Si Genoveva Edroza-Matute o mas kilala sa
tawag na “Aling Bebang,”ay isang bantog na kuwentistang Pilipino. Isa rin siyang guro at may-akda ng
aklat sa Balarilang Tagalog, na nagturo ng mga asignaturang Filipino at mga asignaturang pang-
edukasyon. Siya ay nagtapos sa University of Santo Tomas kung saan din siya nagkamit ng Ph. D at
nagturo siya ng apatnapu’t anim na taon sa mga paaralang bayan at nagretiro bilang dekana ng pagtuturo
sa Pamantasang Normal ng Pilipinas. Sa karera niya bilang isang manunulat, nakatanggap siya ng
maraming parangal mula sa Palanca, PNS/PNC, City of Manila, Quezon City, University of Santo Tomas
College of Education at marami pang iba. Ang akda niyang "Bangkang Papel" ay hindi lang tungkol sa
literal na paglalaro ng bata sa bangkang yari sa papel ngunit ito rin ay sumisimbolo sa pangarap ng bata
sa kwento na naudlot dahil sa pagkasawi ng kanyang ama. Isa lamang siya sa mga batang maagang
naulila dahil sa pangyayaring naganap sa kanyang ama na namatay sa kasagsagan ng giyera. Mahirap
mamuhay lalo na kung ang nasa paligid mo ay hindi payapa. Sa madaling salita, ipinapakita dito ang
masamang epekto ng giyera lalo na sa mga kaanak ng mga taong nasawi.

II. PAGSUSURING PANGNILALAMAN

A. TAUHAN

1. Tagapagsalaysay - siya ang nagsalaysay at nagbalik-tanaw sa tuwing nakakakita siya ng mga


batang nagpapalutang ng bangkang papel.
2. Batang Lalaki - siya ang gumawa ng tatlong malalaking bangkang papel na hindi niya
napalutang sa tubig kailanman.
3. Ina - ina ng batang lalaki at ni Miling.
4. Miling - kapatid ng batang lalaki.
5. Tatay - ama nina Miling at ng batang lalaki na napaslang ng mga kawal.
6. Mga Kapitbahay:
 Aling Berta
 Mang Pedring
 Aling Ading
 Feli
 Turing
 Pepe

B. TAGPUAN

1. Lansangan - ang lugar kung saan naglalaro ang mga bata.


2. Bahay - tahanan ng batang lalake kasama ang kanyang ina at kapatid na si Miling.

C. BANGHAY

1. Nagkatuwaan ang mga bata sa pagtatampisaw sa baha. Ito ang pinakahihintay nilang araw mula
nang magkasunud-sunod ang pag-ulan. Alam nilang kapag iyo’y nagpatuloy sa loob ng tatlong
araw ang lansangang patungo sa laruan ay lulubog. At ngayon, ay ikalimang araw nang walang
tigil ang pag-ulan. Ilang maliliit na bata ang magpapalutang ng mga bangkang papel, nariyang
tinatangay ng tubig, naroong sinasalpok at inilulubog, nariyang winawasak.
2. Isang batang lalaking nagising sa isang gabi, sa mag dagundong na nakagugulat. Sa loob ng ilang
saglit, ang akala niya’y Bagong Taon noon. Gayon ding malalakas na ugong ang natatandaan
niyang sumasalubong sa Bagong Taon. Ngunit pagkalipas ng ilan pang saglit, nagunita niyang
noon ay wala nang ingay na pumapatak mula sa kanilang bubungan.
3. Ang paghihintay ng batang lalaki sa pagbabalik ng kanyang ama. Patuloy na hinihintay at
hinahanap ng batang lalaki sa kanyang ina kung kailan babalik ang kanyang ama. Walang
kaalam-alam ang bata sa kung saan namamalagi ang kanyang ama sa tuwing wala ito sa kanilang
tahanan. Maraming katanungan ang sumasagi sa kanyang isipan kung bakit hindi pa umuuwi ang
kanyang ama at hindi ipinapaliwanag ng kanyang ina ang mga pangyayaring nagaganap sa
kanyang paligid.
4. Isang kamay ang dumantay sa kanyang balikat at nang magtaas ng paningin ay nakitang yao’y si
Aling Berta, ang kanilang kapitbahay. Hindi niya maunawaan ang tingin noong tila naaawa.
Biglang-biglang naparam ang nalalabi pang antok. Gising na gising ang kanyang ulirat. Naroon
ang asawa ni Aling Berta, gayon din sina Mang Pedring, si Aling Ading, si Feli, at si Turing, si
Pepe. Nakita niyang ang kanilang bahay ay halos mapuno ng tao.
5. Nagugulumihang lumapit ang bata kina Mang Pedring at Aling Feli. Ang pag-uusap nila’y
biglang natigil nang siya’y makita. Wala siyang narinig kundi...“Labinlimang lahat ang
nangapatay...” Hindi niya maunawaan ang lahat. Ang pagdami ng tao sa kanilang bahay. Ang
anasan. Ang ayos ng kanyang ina. Ang pag-iyak ni Aling Feli nang siya ay makita. Sa pagitan ng
mga hikbi, siya’y patuloy sa pagtatanong...“Bakit po? Ano po iyon?”
6. Sa bawat hakbang na palayo sa bahay na pawid at sa munting bukid na kanyang tahanan ay
nararagdagan ang agwat ng ulila sa kanyang kabataan. Ang gabing yaon ng mga dagundong at
sigwa, ng mga pangarap na kinabukasan at ng mga bangkang papel – ang gabing yaon ang
kahuli-hulihan sa kabataang sasansaglit lamang tumagal. Ang araw na humalili’y tigib ng
pangamba at ng mga katanungang inihahanap ng tugon. Kaya nga ba’t sa tuwi akong makakikita
ng bangkang papel ay nagbabalik sa aking gunita ang isang batang lalaki. Isang batang lalaking
gumawa ng tatlong malalaking bangkang papel na hindi niya napalutang kailanman.

D. MGA PAHIWATIG SA KUWENTO

1. "Walang maiiwan, isa man. Bago lumubog ang araw sila’y papasok dito... Kaya’t walang
maaaring maiwan.”
Ang ibig sabihin nito ay kailangan na nilang lahat lumikas sa lugar hangga't maaga pa dahil
lulusubin sila bago sumapit ang dapit-hapon.

E. SIMBOLO

1. Bangkang Papel - ang sinisimbolo ng bangkang papel ay ang pangarap ng bata sa akda. Malayang
dumadaloy sa agos ng tubig at unti-unting nababasa, maaaring sa isang malakas na hampas ng
alon ay bigla na lang ito lulubog. Mga pangarap ng bata na naiwan nang sila'y umalis sa kanilang
bayan upang iligtas ang knilang mga sarili mula sa panganib.
2. Batang Lalaki - ang sinisimbolo ng batang lalaki ay ang mga batang nawalan ng minamahal sa
buhay dahil sa naganap na gyera. Sa murang edad ay naulila na at masaklap ang sinapit nila kaya
namulat sila sa katotohanan at reyalidad ng buhay.
3. Ina - ang sinisimbolo ng ina ay ang mga ina na walang humpay ang pagmamahal, pag-aaruga at
pangangalaga sa kanyang mga anak.
4. Ama - ang sinisimbolo ng ama ay ang mga amang sundalo na isinakripisyo ang buhay nila. Hindi
man laging napapadama sa pamilya ang pag-aruga, ipinamalas naman ang pagmamahal sa bayan.
5. Ulan - ang sinisimbolo ng ulan ay luha ng mundo.

F. MGA MAGAGANDANG PAHAYAG SA KUWENTO

1. "Ilang maliliit na bata ang magpapalutang ng mga bangkang papel, nariyang tinatangay ng tubig,
naroong sinasalpok at inilulubog, nariyang winawasak.”
Isang malalim na pagpapakalugan ang pahayag na ito sa kwento. Ang kanilang pagkawalang
muwang sa mga kaganapan sa lipunan ay siyang naging kalasag nila sa mapait at mapanakit na
reyalidad.
2. "Magkakarerahan kami ng bangka ni Miling, ang aki’y malalaki’t matitibay…hindi masisira ng
tubig."
Isang napakagandang pahayag ngunit kabalintunaan ang ibig ipahiwatig nito sa kwento.
Masusukat ang katatagan ng isang tao tulad ng isang bangkang papel na kahit tinatangay man ng
agos ng problema, madadala ka man sa alon nito pero mas pipiliin mo na lamang maging malakas
at matibay.

III. PAGSUSURING PANGKAISIPAN


Ang akda ni Genoveva Edroza-Matute na Bangkang Papel ay isang kwento ng pag-ibig na wagas
ng isang anak sa kaniyang ama, gayundin ang ama sa kaniyang anak. Ang kwento ay maituturing na
klasiko dahil ito ay kinapupulutan ng aral tungkol sa pagmamahal sa pamilya.

Ang kwento ay nakakalungkot at may bahagi na nakakaantig ng puso lalo na't hindi inaasahan
ang pagkamatay ng ama ng batang lalake kasabay pa nito ang hindi niya pagpapalutang sa ginawa niyang
bangkang papel kailanman. Isininasalaysay lamang ang mga nakaraang pangyayari o pagbabalik-tanaw
ang ginamit sa paglalahad ng mga pangyayari.

Ang mahalagang mensahe ng kwento ay maging matatag at puno ng pag-asa. Pag-asa na minsan
sinakay natin ang ating munting pangarap. Ngunit dahil sa mga alon na dumarating sa ating buhay,
lumulubog ang bangka kasama ang mga pangarap natin pero dahil pursigido tayong magtagumpay,
gagawa at gagawa pa rin tayo ng bangkang papel at babaunan ng panalangin na malayo ang mararating
nito. Malayo ang mararating ng mga pangarap natin.

You might also like