You are on page 1of 8

GUARDIANO, ANGELICA ROSARY MAE B.

A. Pagsusuri sa kuwento gamit ang bisa at paraan ng pagtalakay. Sundin ang hulwarang
pormat sa pagsusuri.

WALANG PANGINOON
Ni Deogracias Rosario

MAIKLING BUOD NG KWENTO

Ayaw marinig ni Marcos ang animas sapagkat naalala niya ang mga taong mahal niya sa
buhay, lalong-lalo na si Anita na namayapa na dahil kay Don Teong. Si Don Teong ang
kasalukuyang nagmamay-ari ng lupang sinasaka ni Marcos at ng kanyang ina, nais nito na
paalisin na sa lupain ang mag-ina. Noon pa lang ay malaki na ang galit ni Marcos kay Don
Teong dahil bukod sa pinapabuwisan nito at inangkin ang lupang dapat sa kanila, si Don Teong
ang naging dahilan ng pagkawala ni Anita, ang kanyang anak , na siya namang iniibig ni
Marcos. Sa galit, ay binalak ni Marcos na paslangin si Don Teong kasabay ng paborito niyang
kalabaw ngunit pinigilan siya ng kanyang ina. Nakinig si Marcos sa kanyang ina at itinigil ang
masamang balak ngunit kinabukasan ay laking gulat ng lahat nang nabalitaan sa bayan na
namatay si Don Teong buhat ng pagkakasuwag ng kalabaw na pagmamay-ari ni Marcos.

PAGSUSURI AYON SA BISA:

a. Bisa sa Isip

Mula sa nabasang akda, naikintal sa aking isipan ang isang mensahe patungkol sa kahit gaano
kasama, kalupit at kawalang hustisya ang ginawa sa atin ng isang tao, wala tayong karapatan
na ilagay sa ating mga kamay ang batas. Tanging diyos lamang ang may karapatang magpataw
sa atin ng parusa. Walang kasalanan ang matatakasan. Sa huli, mangyayari rin na darating ang
paraan ng diyos upang maipataw ang hustisya sa mga na-api.

b. Bisa sa Damdamin

Galit at awa ang nanaig sa aking damdamin habang binabasa ko ang kwento. Galit para sa
pang-aaping ginawa ni Don Teong sa pamilya ni Marcos at maging sa kanyang anak na si Anita
na pumanaw dahil sa kanyanv kalupitan. Awa , para kay Marcos at sa kanyang pamilya dahil
naranasan nila ang pangigipit na hindi naman nararapat para sa kanila. Dahil sa kahirapan,
hindi nila magawang ipagtanggol ang kanilang sarili laban sa mapang-aping tao na katulad ni
Don Teong.
c. Bisa sa Kaasalan

Wala sa kamay ng tao ang hustisya. Nasa panginoon ang tunay na batas. Magkaroon tayo ng
mas malawak at malaking pananalig sa panginoon sapagkat may inilalaan siyang plano para sa
ating lahat sa kabila ng hirap na ating nararanasan.

d. Bisa sa Panlipunan

Mula pa noon ay masyadong mababa ang pagtingin ng pamahalaan sa pagbibigay ng


karampatang pagkakataon sa mga mahihirap upang maipagtanggol ang kanilang mga katwiran
at karapatan. Ang hustisya ay para lang sa mga mayayaman at palaging api ang mga
mahihirap. Kung minsan ay ang mga mahihirap ang siyang nagtitiis sa mga kasalanang ginawa
ng mga may-kaya o mayayaman. Sa madaling sabi, madalas hindi pantay ang pagpataw ng
hustisya sa ating lipunan.

PAGTALAKAY SA MGA AKDANG PANLITERATURA:

PANLIPUNAN

Mula sa maikling kwentong “ Walang Panginoon” ni Deogracias Rosario, mapapansin ang tunay
na pangyayari sa buhay ng isang ordinaryong tao kagaya ni Marcos, na kung saan, ang
kanyang estado sa buhay, ang pagiging mahirap ang isa sa dahilan kung bakit sobra-sobra ang
kanyang nararanasang pagmamalupit mula sa taong kagaya ni Don Teong na isang maykaya
at mayaman. Mahihinuha sa kwento na walang pagpapahalaga ang pamahalaan sa pagbibigay
ng pagkakataon sa mga mahihirap na makamit ang hustisyang kanilang inaasam. Ito ay
patunay lamang na ang hustisya ay para lang sa mga mayayaman at ang mga dukhang kagaya
ni Marcos at ng kanyang ina ay patuloy na magtitiis sa paghihirap at pagka-uhaw sa hustisyang
ninanais.

Sa tingin ko, marahil hindi maka-usad si Marcos sa buhay sapagkat uhaw siya sa hustisya ng
pagkamatay ng kanyang ama, kapatid at maging ng kanyang iniibig na si Anita. Mapaoansin ito
mismo sa kilos si Marcos na kung saan ipinakita sa unang parte ng kwento na hindi gusto ni
Marcos ang tunog ng kampana sapagkat naaalala niya ang kaluluwa ng mga namayapang
mahal sa buhay. Ang kawalan ng hustisya ang nagpanatili sa kanya sa estadong
kinasasadlakan. Ang patuloy na pang-aaping ginawa ni Don Teong ang mas lalong nagpa-isip
kay Marcos na gawin ang hindi kanais-nais na bagay at ito ay ang gawing batas ang sariling
mga kamay. Hindi maikakailang kung tayo rin sa lagay ni Marcos ay makakapag-isip din tayo ng
ganoong bagay bunga ng walang awang pangigipit ng ating kapwa tao. Ngunit kagaya ng ina ni
Marcos sa kwento, may mga tao sa ating paligid na kahit papaano’y may malasakit sa atin at
pinipigilan tayong gawin ang masasamang bagay na ating iniisip. Ang ganitong klaseng mga tao
ang nagpapamulat sa atin sa realidad kung ano ang dapat o mabuting gawin.

Sa huli, kapansin-pansin sa kwento na kahit anong paghihirap ang naranasan ng taong inapi,
ang taong nang-api pa rin ang parurusahan ng diyos. Hindi man ngayon, hindi man bukas
subalit darating ang panahon na may araw din ang mga taong minsang nagpahirap sa ating
buhay. Sa ibang pagkakataon at paraan ibibigay ng diyos ang hustisya. Magiging matagal man
ang pagdurusa subalit bilog ang mundo at maaaring mag-iba ang takbo ng buhay. Kapag
nangyari, hindi na natin malalaman kung sa papaanong paraan ipapataw ng diyos ang parusa
sa mga makasalanan. Kagaya ng pagkakamatay ni Don Teong bunga ng pagkakasuwag ng
kalabaw, sa pinaka-kakaiba at hindi kapansin-pansin ang paraan ng panginoon sa pagpataw ng
batas.

B. Suriin ang kwento ayon sa ibinigay na pormat.

I. PANIMULA/ INTRODUKSYON

II. PAGSUSURING PANGNILALAMAN

A. TAUHAN
B. TAGPUAN
C. BANGHAY
D. MGA PAHIWATIG SA KUWENTO
E. SIMBOLO
F. MGA MAGAGANDANG PAHAYAG SA KUWENTO

III. PAGSUSURING PANGKAISIPAN

WALANG PANGINOON
Ni Deogracias Rosario

I. Panimula/Introduksyon

Ang maikling kwentong pinamagatang “ Walang Panginoon” ay isang akdang panliteratura na


isinulat ni Deogracias Rosario na siyang kinilala bilang “ Ama ng makabagong maikling
kwentong tagalog. Isinulat niya ito taong 1933 na may temang patungkol sa marxismo na kung
saan binibigyang diin ang estado o katayuan sa buhay ng mga tauhan sa pagitan ng mahirap at
mayaman. Ang pamagat ng kwento ay kakaiba sapagkat malalaman lamang ang kahalagahan
nito pagkatapos mabasa ang kabuuang kwento. Ang walang panginoon ay sumasalamin sa
katotohanang dinaranas ng mga kapatid nating nasa laylayan pagdating sa kanilang karapatang
makamit ang hustisya. Marami sa mga mahihirap ang patuloy na nagdurusa sa kawalan ng
hustisyang nararapat para sa kanila bunga ng mapag-aping pagkakataon at kalagayan ng ating
lipunan, Masusulyapan sa kabuuang kwento kung paano binigay ng panginoon ang nararapat
na batas para sa mga taong mapang-api sa kanilang kapwa. Ipinahiwatig sa kwento na kahit
gaanong hirap man ang ating nararanasan mula sa ating kapwa, wala sa ating mga kamay ang
batas at tanging panginoon lamang ang makapagbibigay nito.

II. Pagsusuring Pangnilalaman

A. Tauhan

1. Marcos – Isang binatang hindi gustong makinig sa kampana sapagkat na-aalala niya ang
mga mahal sa buhay na pumanaw na lalong-lalo na si Anita na kanyang iniibig. Siya ang
maituturing na pangunahing tauhan sa kwento na may poot at galit sa asenderong si Don
Teong. Sinisisi niya ito sa pagkamatay ng kanyang ama, kapatid at ni Anita.

2. Ina ni Marcos – Isang mapagmahal na ina ni Marcos na may nag-uumapaw na malasakit sa


anak. Siya ang parating nagpapakalma kay Marcos sa tuwing nagagalit ito kay Don Teong.

3. Don Teong – Siya ang mayamang asenderong mahilig mang-gipit sa kanyang nasasakupan.
Siya ang ama ni Anita ang ang sinisisi ni Marcos sa pagkawala ng kanyang mga mahal sa
buhay.

4. Anita – Anak ni Don Teong na naging kasintahan ni Marcos. Siya ay namatay bunga ng
kalupitan ng sariling ama.

B. Tagpuan

1. Bahay ni Marcos at ng kanyang ina – Ang unang tagpuan na mapapansin sa kwento ay


ang bahay ni Marcos at ng kanyang ina na marahil malapit sa may simbahan. Ito ang lugar
kung saan naganap ang usapan ni Marcos at ng kanyang ina patungkol sa dahilan kung bakit
hanggang ngayon ay ayaw niya pa ring pakinggan ang tunog ng kampana para sa mga
kaluluwa. Sa tagpuan ring ito naalala ni Marcos ang kanyang galit kay Don Teong na sa tingin
niya ang dahilan kung bakit namatay ang kanyang ama, kapatid at ang pinakamamahal na si
Anita.

2. Ilog – Ito ang lugar kung saan iniligtas ni Marcos ang buhay ni Anita. Muntik nang
malunod si Anita sa ilog dahil gumiwang ang kanyang bangka at siya’y nahulog. Buti na lang na
nanngyaring nandoon si Marcos at sinagip siya nito. Ito ang naging simula ng pag-iibigan ng
dalawa.

3. Kabukiran na lupain ni Don Teong–Ito ang lugar kung saan namatay si Don Teong
bunga ng pagkakasuwag ng kalabaw. Tuwing hapon, palaging nililibot ni Don Teong ang
kanyang lupain upang tingnan ito. Samantala, nangyari namang iniwan ni Marcos ang kanyang
kalabaw sa bukid at lupain kung saan palaging naglilibot si Don Teong. Sa huli, tila sumanib
ang galit ni Marcos sa kanyang kalabaw dahilan kung bakit tuluyan nitong sinuwag si Don
Teong sa kanyang sariling bukid at lupaing angkin.

C. Banghay

1.Sa tuwing papalapit na ang tunog ng kampana, hindi mapakali at pinipilit ni Marcos na takpan
ang kanyang mga tainga dahil sa ayaw niyang makinig sa tunog nitong alay sa mga taong
namayapa na. Sa tuwing tumutunog kasi ang kampana ay na-aalala muli ni Marcos ang sinapit
na pagkamatay ng kanyang ama, kapatid at ni Anita na kanyang irog sa kamay ng malupit na
asenderong sj Don Teong.

2.Nagpadala ng ng isang utusan ang bahay pampaaaralan kasabay ang liham na taglay ang
utos ng hukom na paalisin si Marcos at ang kanyang ina sa lupang kinatatayuan at sinasakahan
na kasalukuyang sinasamsam ni Don Teong.

3.Tinanong ni Marcos ang ina kung matalim ba ang kanyang itak, subalit pinigilan siya ng ina at
pina-aalahanan na sila na lamang dalawa ang natitira sa daigdig. Bumalik ang ala-ala ni
Marcos noong siya’y bata pa lang na kung saan noong nabubuhay pa ang kanyang ama ay
isang salapi lamang sa loob ng isang taon ang buwis na kanilang binabayad ngunit noong
naglaon ay unti-unti nang nagmahal. Ito ang dahilan kung bakit wala silang pambayad at
tuluyang nabaon sa pagkaka-utang. Bunga nito ang pagkamatay ng ama ni Marcos na puno ng
sama ng loob. Higit pa riyan ay ang pagkamatay din ni Anita buhat ng pagmamalupit ng ama.

4.Kay Marcos, naging maluwag nga ang kanyang dibdib sa pang-aapi ng may lupa, hanggang
noong bago mamatay si Anita. Akala niya ay maaari pa siyang makalunok ng bagong pag-
upasala ng itinuturing na panginoon. Datapuwat noong tanggapin niya ang utos ng hukuman na
pinaalis siya roon, talagang nandilim ang kanyang isip. Noon pa’y naisip na niyang gawing
batas ang kanyang kamay, yamang hindi na niya matatamo ang karunungan sa hukuman ng
tao. Ngunit, si Marcos ay pinigilan ng kanyang ina sabay sabing “ huminahon ka anak ko. Hindi
natutulog ang bathala sa mga maliliit. Mag-tiis tayo. “

5. Sinakyan ni Marcos ang kanyang kalabaw na pinakakamamahal niya sa lahat ng limang


alaga. Nagpunta siya sa bukid at tinanaw ito. Nakaramdam siya ng oanghihinayang sa kanyang
puso. Gaanong pawis ang nawala sa kanya upang masaka ang naturang bukid? Gaanong
pagod ang kanyang pinuhunan upang ang palay nilay magbungang mabuti? Saka ngayon ay
pakikinabangan at magtutungo sa ibang kamay? Dalawang linggo na lamang ang kanilang
taning sabi ng kanyang ina. Ang binatang si Marcos ay tumugon, “nalalaglag po ang dahon sa
kanyang kapanahunan”. Ayaw niyang gumamit ng dahas subalit ito’y hinihingi ng pagkakataon.
Ang sabi pa nga ni Rizal, “walang alipin, kung walang magpapa-alipin”. Ang totoo, ang naturang
kalabaw ni Marcos ay nakapugal sa hangganan ng lupain ni Don Teong. Noong takip silim ay
isusuot na lahat ni Marcos ang pulinas, gora , switer at sako dala ang latigong tulad ng kay Don
Teong. Pagdating sa pook ay aasbaran niya ng palo ang kalabaw hanngang sa ito’y umungol at
ang alingawngaw nito ay abot sa bayan. Kung hindi lang niya nakita ang apoy sa mga mata ng
kalabaw ay hindi rin niya ito titigilan. Kung sa gayon, matulin siyang nagtago at umuwi sa
bahay. Pagkarating niya roon ay nakita niya ang kanyang ina na nakaluhod sa harap ng maiting
santo ni Cristo.

6. Tuwing hapon, nakaugalian ni Don Teong ang pagpunta sa kanyang lupain. Sa lupang ding
iyon nakalagay ang kabayo ni Marcos. Kinabukasan, naging usap-usapan sa bayan na
pumanaw na si Don Teong bunga ng pagkaka-suwag ng kalabaw. Lasog lasog ang katawan
niya , wasak ang katawan at saka pulinas. Tila ang poot ni Marcos kay Don Teong ay nagpunta
sa alaga niyang hayop. Sa huli, nang sumapit ang ika-8 ng gabi at tumugtog ang animas, sa
halip na isipin ang namayapang kaluluwa, naisipi ni Marcos ang kanyang kalabaw sabay sambit
ng mga katagang, “ mapalad na hayop na walang panginoon”.

D. Mga Pahiwatig sa Kwento

1. “ Ayaw niyang mapakinggan ang malungkot na palo na palo ng bakal sa malaking


kampanang tanso sa kampanaryo ng simbahan sa kanilang bayan. “

Ang ibig sabhihin nito ay ayaw ni Marcos na mapakinggan ang kampana dahil palagi niyang na-
aalaa ang kanyang mga mahal sa buhay na pumanaw na. Ang kanyang ama, kapatid, at iniiibig
na si Anita.

2. “ Bakit ka mag-iisip ng gayon, sa tayo na lamang dalawa ang nabubuhay sa daigdig? “

Ang pahiwatig na ito ay galing sa ina ni Marcos na ang ibig sabihin ay bakit pa siya mag-iisip ng
iba kung sila na lamang dalawa ang natitira sa kanilang pamilya at ang isa’t isa na lamang ang
tanging mayroon sila.

3. “ Palibhasa’y wala silang maibayad sa manananggol, ang pamahalaan ay nagkulang ng


malasakit sa kanilang karalitaan upang tangkilin ang kanilang karalitaan, tangkilin ang kanilang
katwiran at karapatan.

Ang ibig sabihin nito ay dahil walang pambayad ang pamahalaan sa pampublikong
tagapagtanggol ng batas kagaya ng mga abogado ay dahil ang kanilang pamahalaan ay walang
pagpapahalaga sa mga mahihirap lalong-lalo na sa mga katwiran at karapatan ng mga
mahihirap.

4. “ ang katapat ng langit ay pusalian”.

Ibig sabihin, ang katapat ng langit ay putikan. Ito ay nangangahulugang magkasalungat at


malayo sa isa’t isa ang pagiging mayaman at mahirap.
E. Simbolo

1. Kampana – ang sinisimbolo ng kampana ay ang mga kaluluwa ng pumanaw.


2. Kalabaw – ang sinisimbolo ng kalabaw ay ang batas mula sa panginoon.
3. Itak – ang sinisimbolo ng itak ay kaharasan.
4. Lupa – ang sinisimbolo ng lupa ay kayamanan.
5. Nobela – ang sinisimbolo ng nobela ay kaalaman.
6. Dahon – sinisimbolo nito ang swerte.
7. Manok – sinisimbolo nito ang mga biktima.
8. Maitim na Santo Kristo – sinsisimbolo ang pananampalataya.
9. Rebolber – sinisimbolo nito ang kapangyarihan.

F. Mga Magagandang pahayag sa Kuwento

1.“Hindi natutulog ang bathala sa nga maliliit, magtiis tayo”.


Ang panginoon sa itaas ay may awa sa mga taong dukha. Lalong-lalo na yung mga taong
marunong magtiis sapagkat ang pagtitiis at pagiging matatag ay may kaakibat na gantimpala sa
huli.

2. “ Nalaglag po ang dahon sa kanyang kapanahunan”.


Lahat ng bagay ay may hangganan. Kung anong meron sa isang tao ngayon,kagaya ni Don
Teong ay mawawala at lilipas din.

3. “ Walang alipin, kung walang nagpapa-alipin” ayon kay Rizal.


Minsan sa buhay, dapat matuto tayong ipaglaban ang mga tamang bagay na ating
pinaniniwalaan sapagkat kapag hindi natin ito gagawin, maaaring maliitin tayo ng ibang tao sa
ating paligid. Magiging madali lamang sa kanilang apak-apakan tayo kung kaya’t nararapat
lamang na tayo ay maging matapang at hindi ituring ang sarili natin bilang mga alipin dahil
walang alipin, kung walang magpapa-alipin. “

4. “ Mapalad na hayop na walang panginoon”.


Kung minsan ay mas matapang pa ang hayop kaysa sa tao. Walang tinatanaw na nakakataas
ang mga hayop. Malaya sila sa kanilang ginagawa sapagkat wala silang pinaniniwalaan. Ang
katagang ito ang isinambit ni Marcos sa huli ng kwento sapagkat naniniwala siyang
napakapalad ng hayop niyang kalabaw sapagkat wala itong panginoon. Hindi kagaya ni Marcos
na panginoon ang pagtingin kay Don Teong kung kaya’t palagi silang ginigipit nito.
III. Pagsusuring Pangkaisipan

Tunay na napakaganda ng kwentong pinamagatang “ Walang Panginoon” ni Deogracias


Rosario. Ang kabuuang konsepto ay kakaiba sapagkat hindi nahulaan ng mambabasa kung ano
ang magiging wakas ng kwento. Higit pa rito, sa kabila ng pagiging luma ng kwentong ito ay
napapanahon pa rin ang mga aral na makukuha mula rito.

Maraming parte ng kwento ang talaga namang nagustuhan ko. Subalit para sa akin, ang
pinakamagandang nangyari sa kwento na nakapukaw sa aking isip ay ang pangyayari na kung
saan napatay si Don Teong mula sa pagkakasuwag ng kalabaw na tila may poot at galit itong
kagaya ni Marcos. Hindi man ito kapani-paniwala ngunit napakagandang mensahe ang ipinakita
ng manunulat mula sa pangyayaring ito na mas nagbigay ng kulay sa kabuuang kwento.

Narito ang ilan sa mga sumusunod na mensaheng aking napagtanto mula sa kwento lalong-lalo
na pagkatapos naganap ang pagkamatay ni Don Teong sa kamay ng mga kalabaw: (1) Walang
tao ang maituturing na panginoon. Tanging ang diyos lamang ang ating panginoon , ang may
kakayahang kumuha at magbigay. (2). Kahit gaano kasakit, kahirap at kawalan ng hustisya ang
ating mga nararanasan sa buhay mula sa mga mapang-aping tao sa ating paligid, huwag
tayong magpapadala sa emosyon. Wala sa ating mga kamay ang hustisya. Diyos lamang ang
may kakayahang magpataw ng hustisya. (3) Kahit kailan, hindi magtatagumpay ang mga taong
sakim at mahilig mang-apak ng kapwa. Ang bawat masamang kilos at gawi na ating naibibigay
sa kapwa natin ay may kaakibat na parusa, (4) Matutong maghintay sa mga bagay-bagay
sapagkat may panahon at oras na inilalaan ang diyos para sa lahat at (5) sa halip na isiping
maghiganti sa mga ginawa ng ibang tao sa atin ay mas lalong higpitan na lamang ang
pananalig sa panginoon.

You might also like