You are on page 1of 7

Wikang Filipino sa batas at legal na mga dokumento

Dalawang usapin hinggil sa wika ang maugong sa unang buwan ng bagong administrasyon at pagbubukas ng ika-19
na Kongreso, at sa pagpasok ng Buwan ng Wikang Pambansa: ang una ay hinggil sa wika sa pamahalaan,
samantalang ang ikalawa ay hinggil sa wikang panturo.

Ang unang isyu ang nais kong pagtuunan ng talakay. Ito ay bunga ng mga pahayag, at panukalang batas ni Senador
Robin Padilla, na naglalayong isalin sa Filipino ang mga batas at legal na dokumento. Umani ng panlilibak sa mundo
ng social media ang mga pahayag ng baguhang senador. At mapapansin sa social media na ginawang batayan ng mga
tao ang pagiging hindi matatas ni Sen. Padilla sa Ingles para sabihing hindi maalam sa lehislatura ang senador, bagay
na hindi makatuwirang sabihin. (Sapagkat hindi naman kinakailangang maging matatas sa Ingles para maging
mahusay na mambabatas sa gobyerno ng Pilipinas, dahil ang aakdain na mga batas ay para naman sa mga Pilipino.)

Makatuwiran lamang ang mga punto ni Sen. Padilla. Para sa ano pa ang batas kung hindi ito nauunawaan ng
kalakhan ng mga Pilipino? Salik kaya laksang Pilipino ang bumoboto pa rin sa mga trapo dahil hindi malinaw sa
marami ang naging kontribusyon nila sa pag-akda sa anti-mamamayang mga batas, dulot ng patuloy na paggamit sa
Ingles sa pamahalaan.

Malinaw ang nakasaad sa Artikulo XIV Seksyon 7 ng Saligang Batas ng Pilipinas, “Ukol sa mga layunin ng
komunikasyon at pagtuturo, ang mga wikang opisyal ng Pilipinas ay Filipino at, hangga’t walang ibang itinatadhana
ang batas, Ingles. Ang mga wikang panrehyon ay pantulong na mga wikang opisyal sa mga rehyon at magsisilbi na
mga wikang panturo roon.” Ibig sabihin, Filipino ang wikang prayoridad sa komunikasyon, hindi lamang sa paaralan,
kundi maging sa pamahalaan. Hindi dapat makahigit sa Filipino ang Ingles. Ngunit malinaw, salungat ito sa
nangyayari.

Primaryang salik sa katatasan sa Ingles ang estado sa lipunan. Kadalasang mas matatas sa Ingles ang mga nasa
gitnang uri at mas mataas pang estado sapagkat sila ang may akses sa pormal na edukasyon. Sa kaso ng mga nasa
mga pambansang pamahalaan — sa alinman sa tatlong sangay ng gobyerno — Ingles ang mas ginagamit dahil ang
karamihan sa kanila ay mula sa naghaharing-uri. Mangilan-ngilan lamang sa kasaysayan ng gobyerno ng Pilipinas ang
mula sa mga marhinalisado. Sa maiksing sabi, ang mga opisyal ng gobyerno na nagsasalita sa Ingles ang dapat na
magpalit ng wika sa pagganap sa kanilang tungkulin.

Usapin ng kapangyarihan ang usapin ng wika. Malaking salik ang paggamit sa wikang Ingles sa pamahalaan kaya hindi
nagiging malalim ang pag-unawa ng mga Pilipino sa mga usaping panlipunan, sanhi upang hindi magawang
makisangkot ng marami sa mga patakarang nakakaapekto sa pang-araw-araw nating buhay, bagay na gustung-gusto
ng naghaharing-uri. Magpatupad man ng hindi makatuwirang sistema ng pagbubuwis gaya ng TRAIN Law, at labag sa
Konstitusyon na patakaran gaya ng anti-terrorism law, ay hindi kikibo ang marami, dahil ni hindi man lang
nauunawaan ang nasabing mga batas. Hindi gaya kung nasa Filipino at katutubong wika ang mga panukalang batas at
pagdulog sa mga ito, na inihahain pa lamang sa Kongreso ang panukalang batas ay makakatanggap na ng matinding
suporta o protesta, depende sa magiging epekto nito sa taumbayan.

Sang-ayon kay Sen. Padilla, kailangang maging pantay ang pagtrato sa Ingles at Filipino. Kung ibabatay sa nabanggit
na probisyon sa Saligang Batas, masasabing mahina pa nga ang pahayag ni Sen. Padilla. Dahil ang batas at mga legal
na dokumento ay hindi na dapat isinasalin sa Filipino, sa halip, ang mga ito ay direkta na dapat na isinusulat sa
Filipino.

Hindi ganap na makapagsisilbi sa mamamayang Pilipino ang gobyerno ng Pilipinas kung magpapatuloy ito sa
paggamit sa wikang hindi nagagagap ng mayorya ng kanyang mga mamamayan.

Hindi nakakatawa ang hangarin ni Sen. Padilla na ilapit sa sambayanang Pilipino ang mga legal na usapin. Kung may
nakakatawa man dito — at ito ay higit na nakakalungkot — ito ay ang mababaw at napakaproblematikong pagtingin
ng marami sa atin hinggil sa papel ng wika sa lipunan. – Rappler.com

Nagtapos ng Masterado sa Malikhaing Pagsulat sa Unibersidad ng Pilipinas Diliman, kasalukuyang kumukuha ng


Doktorado sa Pilosopiya sa Panitikan ng Pilipinas sa nasabing unibersidad si Mark Anthony S. Salvador. Kasapi siya ng
Alliance of Concerned Teachers-Private Schools at Tanggol Wika. Kasalukuyan siyang assistant professorial lecturer 2
sa Departamento ng Filipino ng Pamantasang De La Salle Maynila.
https://www.rappler.com/voices/ispeak/opinion-filipino-language-law-legal-documents/
REAKSYON

Sumasang-ayon ako dito sa batas na isinusulong ni Senador Robin Padilla na sinasabing lahat ng mga opisyal
na dokumento ay dapat isalin sa wikang Filpino. Dahil hindi naman lahat ng mga Pilipino nakakaunawa ng wikang
ingles o yung mga ibang Pilipino ay hindi bihasa sa wikang ingles. At isa pa, tayo ay mga Pilipino. Dapat tangkilikin
natin ang ating sariling wika dahil dito tayo ay nagkakaunawaan. Nakasaad nga sa isang Artikulo na: Filipino ang
wikang prayoridad sa komunikasyon, hindi lamang sa paaralan, kundi maging sa pamahalaan. Hindi dapat makahigit
sa Filipino ang Ingles.

REPLEKSYON

Dahil sa batas na isinulong ni Senador Robin Padilla. Maraming taong bumatikos sa social media. Ang mga
taong bumabatikos na ito ay ginagawang batayan ang pagiging mababa ni Senador Robin Padilla sa Ingles para
sabihing ito ang dahilan na isinusulong niya ang batas na ito. Ngunit kung tutuusin, tama lamang na isalin sa wikang
Filipino ang mga batas at mga legal na dokumento upang magkaunawaan ang mga tao at magkaisa. Dahil din sa
artikulong ito, napagtanto ko na, karamihan sa mga Pilipino ngayon nanghuhusga na agad sa mga taong mahihina sa
Ingles. Kumbaga nagkamali lang sa gramatika, huhusgahan ka na agad. Dapat ang mga tao ngayon ay unawain muna
ang sitwasyon bago magbigay ng kanya-kanyang opinion. At dapat tayong mga Pilipino ay tangkilikin ang sariling atin:
ang kultura, tradisyon at ang ating wika.

REKOMENDASYON

Ang aking rekomendasyon lamang ay sana maaaring isalin din nila sa mga dialekto kung saan mang lugar.
Halimbawa na lang dito sa Negros Occidental. Mayroon din mga taong nakatira sa malalayong lugar na hindi
nakapag-aral o malayo sa edukasyon at malayo din sa urban na lugar. Pwede nilang isalin sa Hiligaynon ang opisyal
na dokumento o batas para sa mga magsasaka na masasabi nating hindi marunong bumasa at sumulat. Malaking
tulong ito lalo na sa ating matatanda, kung saan sila ay pumipirma ng dokumento na hindi mn lang nauunawan.
Filipino: ‘Pambansang wika, pero hindi wikang opisyal’
PANGASINAN, Pilipinas – Halos 3 dekada na ang nakalilipas nang iniutos ng dating pangulong Corazon Aquino na
gamitin ng mga kagawaran at ahensya ng pamahalaan ang wikang Filipino sa lahat ng uri ng komunikasyon.

Iniutos din ng Atas Tagapagpaganap Blg 217 na isalin sa Filipino ang mga pangalan ng mga opisina, maging ang
panunumpa sa katungkulan ng mga opisyal sa gobyerno.

Nguni’t sa kasalukuyan, inamin ni Celso Santiago Jr, assistant secretary ng Presidential Communications Operations
Office, na hindi pa rin wikang opisyal ang Filipino, bagama’t tanggap na ito ng nakararami bilang pambansang wika.

“Hangga’t hindi nauunawaan ng karaniwang masa ang wika ng batas polisiya, pangagasiwa, at pamamahala, hindi
natin naibibigay sa kanila ang kapangyarihang maging mga aktibong mamamayang may pakikisangkot sa
pamamahala at pagpapatakbo ng bansa,” sabi ni Santiago sa mga kalahok sa Pambansang Kongreso sa Pagpaplanong
Wika.

Ginanap ang kongreso noong Agosto 5-7 sa Lingayen, Pangasinan.

Masasabing opisyal ang wika kung ito ang gamit sa mga opisyal na talastasan sa pamahalaan, paliwanag ni Santiago.
Aniya, sinimulan na rin kahit papaano ng kasalukuyang pamahalaan na dalasan ang paggamit ng Filipino bilang
wikang opisyal:

Ang paggamit ni Pangulong Benigno Aquino III ng Filipino sa karamihan ng kanyang mga talumpati na tinatalakay ang
mga isyu ng lipunan.

Ang pagtatangkang gamitin ang wikang Filipino noong impeachment ng dating Punong Mahistrado Renato Corona,
“bagama’t naging katawa-tawa ang ilang bahagi ng pagtatangkang ito.”

Ang paggamit ng Filipino ni Communications Secretary Sonny Coloma, na siyang unang tagapag-salitang gumagamit
ng Filipino sa talumpati, briefing, at pagsagot sa katanungan ng media.

“Sinikap naming gamitin ang wikang Filipino upang makaabot ang mga programa ng pamahalaan sa mas
nakararami,” wika ni Santiago.

Papel ng edukasyon

Sa kabila ng mga pagtatangkang ito, marami pa ring balakid sa pagiging opisyal na wika ang Filipino. Una rito, ayon
kay Santiago, ang kahirapang isalin ang mga opisyal na terminolohiya na kadalasang ginagamit sa pamamalakad,
pangangasiwa, at sa usaping batas.

“Kapansin-pansin na wikang Ingles pa rin ang siyang pangunahing wikang ginagamit ng lehislatura at hudikatura,”
aniya.

Dagdag niya, mas magiging “inclusive” lang ang pamahalaan kung naiintindihan na ng ordinaryong tao ang mga batas
ng bansa.

Kaya para kay Santiago, babalik at babalik pa rin ang usapin sa sektor ng edukasyon, lalo na sa kolehiyo, kung saan
mas madalas pa ring naipapasa ang karunungan at kaalaman sa pamamagitan ng wikang Ingles.

Hinikayat niya ang mga guro at iba pang nasa sektor ng edukasyon na ipalaganap ang Filipino bilang wika ng
pananaliksik at diskurso. (BASAHIN: Mga guro, maging malikhain sa pagtuturo ng Filipino)

“Ang wikang opisyal ay nakatali sa wikang ginagamit sa pagtuturo. Paano nga ba aasahang makipagtalastasan sa
wikang Filipino kung 12 taong sinanay sa pag-aaral gamit ang wikang Ingles?”

Inudyok din ni Santiago ang susunod na pangulong ipagpatuloy ang nasimulan na ni Aquino pagdating sa wikang
Filipino, at magsabatas pa ng mga polisiya upang lalong umunlad ang wikang ito.

“Ang wikang opisyal ang pangunahing magdidikta sa kapangyarihan ng isang wika at lalo itong mapaiigting sa
paggamit at pagsasalin nito sa pang-araw araw.” – Rappler.com
https://r3.rappler.com/nation/101966-filipino-wikang-opisyal

REAKSYON

Marami ang nahihirapan sa paggamit ng purong Filipino lalo na pagdating sa pag-angkop ng mga teknikal na
ideya at salitang hiram mula sa Ingles. Hindi man bago ito dahil palagi ko naman itong napapansin na kahit mga
kaklase ko ay hirap na hirap sa pagsasalita ng Filipino. Bagaman, umuunlad ang wikang Filipino sa pagdami ng mga
akdang nasusulat dito, nananatili pa ring problema ang paggamit nito at ang pangingibabaw ng wikang Ingles na
lumalabas maging sa paggamit ng Taglish o paghalo ng Filipino at Ingles. Marami din ang hindi alam ang kasaysayan
ng wikang pambansa, opisyal at panturo ng Pilipinas at kung paano ito nagsimula at paano napagyabong.

REPLEKSYON

Sa aking pagbabasa, napagtanto ko na maraming paraan upang masasabi na opisyal ang wika kung ito ay
ginagamit ng ating Pangulo, kapag karamihan ng kanyang mga talumpati ay Filipino. Matagal na dapat itong
naisulong na gamiting opisyal na wika ang Wikang Filipino. Isa rin sa dahilan kung bakit di pa opisyal na wika ang
Filipino dahil sa kahirapang isalin ang mga opisyal na terminolohiya ang mga batas at mga legal na dokumento. Ang
wikang opisyal ang pangunahing magdidikta sa kapangyarihan ng isang wika at lalo itong mapaiigting sa paggamit at
pagsasalin nito sa pang-araw araw.

REKOMENDASYON

Ang tanging mairerekomenda ko lamang ay dapat ang ating wikang opisyal ay magsisimula sa ating mga
Pilipino. Simulan natin sa pagsasalita ng Filipino sa bahay man o sa paaralan. Gabayan ang mga bat ana naonood ng
youtube na hindi puro Ingles ang kanilang panoorin kasi kahit na kanilang lenggwahe na ginagamit sa bahay ay
nakalimutan na at nahihirapan silang umintindi. Tayo na mas nakakatanda ay may malaking gampanin upang
buhayin ang wikang Filipino sa puso at diwa ng mga kabataan na ayon kay Dr. Jose Rizal sila ang pag-asa ng bayan.
Sapagkat ito ang ating tanging pambansang wika at magiging wikang opisyal. Sabi nga nila “Ang wikang opisyal ang
pangunahing magdidikta sa kapangyarihan ng isang wika at lalo itong mapaiigting sa paggamit at pagsasalin nito sa
pang-araw araw.”
Almario: Sana mas maraming artikulo ang nakasulat sa Filipino
Hinikayat ni Pambansang Alagad ng Sining Virgilio S. Almario ang mga mamamahayag na mas sumulat ng mga
artikulo na nasa wikang Filipino upang mas maintindihan ito ng mga tao.

“Ito ang aking laging sinasabi sa media na sana kung mas nag ko-communicate lang kayo sa wika na mas alam ng
mga tao, epektibo siyempre ‘yun na naiintindihan nila ang sinasabi ninyo,” sabi ni Almario sa isang Rappler Talk
episode noong Huwebes, ika-19 ng Agosto.

Dagdag ni Almario, maaaring ang isa sa mga dahilan kung bakit marami ang naniniwala sa fake news ay dahil sa
nakasulat ito sa mas naiintidihan nilang wika – ang Filipino.

“Hindi naman kailangan na nasa langit ang scientific language. Mayroon naman paraan para ibaba ‘yan,” sabi ni
Almario.

Isang halimbawa na rito ang pandemyang nararanasan ng buong mundo. “‘Yang salitang COVID-19. Naipaliwanag na
ba ‘yan sa Filipino kung bakit COVID-19?” tanong niya.

“Ang dami nating mga scientists na magaganda ang mga natuklasan, hindi nakakababa sa sambayanan, kaya ‘yung
science natin walang silbi sa taumbayan – palagi kasi ang sinusulat nila ay nasa English,” wika ni Almario.

aano ang mga salitang walang katumbas sa wikang Filipino? Hindi raw dapat ipilit na isalin ang mga salitang ito kung
wala naman katumbas na salita sa wikang Filipino, bagkus dapat hanapan ito ng paraan ng mga manunulat na
maipaliwanag sa mas maiitindihan ng mga tao.

“Huwag ninyong isipin kung paano isasalin ang technical terms. Ang isipin ninyo kung paano ipapaliwanag ang
technical terms,” dagdag ni Almario.

https://www.rappler.com/nation/virgilio-almario-wishes-more-articles-written-in-filipino/
REAKSYON

Ako’y nagtataka kung bakit karamihan sa mga artikulo ay nakasulat sa wikang Ingles kahit halos lahat sa atin
ay nahihirapan umintindi ng wikang ito. Bakit kaya hindi na lang isalin ito sa wikang Filipino upang maunawaan din
naman ng mga kababayan nating mga Pilipino na nasa laylayan. Sabi nga ni Virgilio Almario, mas nakikipagtalastasan
ang tao kapag tayo ay gumagamit ng wikang alam natin.

REPLEKSYON

Napagtanto ko na, dahil karamihan sa mga artikulo hindi naisalin sa wikang Filipino, maraming kumakalat na
fake news. Yung mga taong bumabasa nito ay nagkakamali ng pag-unawa kaya kumakalat ang mga fake news. Kung
nais man isalin ng manunulat ang kanyang artikulo, hindi niya pwede ipilit na isalin ang isang salita kung wala na man
itong katumbas. Ngunit pwede niya ito hanapan ng paraan na maipaliwanag itong salita upang maunawaan ng
magbabasa.

REKOMENDASYON

Ang aking suhestiyon lamang ay sana may salin sa wikang Filipino ang mga artikulong nakasulat sa Ingles
upang madaling maunawaan kahit ng simpleng tao. At dahil dito, maaari ding maiwasan ang pagkalat ng fake news.
At tama rin ang sabi ni Almario, na huwag ipilit isalin ang salita kung wala naman itong katumbas sa Filipino, bagkus
dapat bigyan ito ng paraan upang maunawaan ng magbabasa. Lahat ng ito ay nakasalalay sa manunulat.

You might also like