You are on page 1of 4

ANG ILOG BAKAS

Isa sa pinaka maipagmamalaki ko bilang isang Bulakenyo ay ang mga ilog sa iba’t-ibang
parte ng munisipalidad sa aking lalawigan. Isa na nga ang Ilog Bakas o Bakas River sa mga ito.
Kilalang-kilala ang Bakas river bilang isa sa mga pinaka kauna-unahang nadiskubreng yamang
ilog sa Bulacan. Ito ay matatagpuan sa munisipalidad ng Norzagaray, hindi gaanong kalayuan
mula sa amin. Mula pa lamang sa pangalan nitong Bakas, talagang maitatanong na kung bakit at
saan nagmula ang pangalan nito. Sa aking pagtatanong-tanong, tatlong bersyon ang nakuha ko--
kuwento mula sa aking papa, kay kuya Rey na aming kapitbahay at kay lola Loreto na kalapit
bahay namin. Ang mga susunod na istorya ay ang bersyon na ibinahagi ng mga taong aking
nabanggit sa kung ano nga ba ang alam ng bayan tungkol sa misteryo sa likod ng pangalan ng
Ilog ng Bakas.

(Ang mga sumusunod na kuwento ay hindi nilalaman eksaktong mga salitang ginamit ng
mga taong aking pinagtanungan. Ang mga kuwentong ibinahagi sa akin ay ginawaan ko lamang
ng masining na paglalahad, ngunit ang mga saluting ginamit ko ay pawing tapat at makatarungan
din naman.)

Mula sa kuwento ni Papa:

Noong unang panahon, may isang bayani na nagtangkang hulihin ang kidlat. Siya si
Bernardo Carpio. Dahil sa kaniyang ambisyon na paghuli sa kidlat, umaasa siyang maabutan ito
sa pamamagitan ng paglalakabay nang mabilis at malayong-malayo sa iba’t’-ibang lugar. Sa
kaniyang paglalakbay, hindi niya namalayan na bawat
lugar pala niyang napuntahan ay may naiwan siyang
bakas ng kaniyang mga paa. Ayon sa mga tao, nakita
ang mga bakas ng kaniyang paa sa mga lugar gaya ng
San Miguel at ilog sa Norzagaray parehong sa lalawigan
ng Bulacan. Dahil dito, ang ilog na nakitaan ng bakas ng
paa ni Bernardo Carpio ay tinawag na ring “Bakas”.
Sinasabi rin na sa ilog na ito muntikang nahuli ng bayani
ang kidlat.

Samantala, sa labis na panghihinayang ay


nagpatuloy si Bernardo na habulin ang kidlat. Ayon sa
mga tao nakasaksi, huling nakita si Bernardo na
nakarating sa Montalban (Rizal) at dito niya nakitang
tumama ang kidlat sa pagitan ng dalawang bato sa loob
ng isang kuweba. Pinilit itong pasukin ni Bernardo kahit
na alam niyang delikado, at simula nga noon ay hindi na siya nakitang nakalabas mula sa
kuweba. Sinasabi na ang bayani ay nakulong sa kuweba at tuwing nga raw lumilindol ay
pinaniniwalaang gawa ito ni Bernardo Carpio bilang pagtatangkang makalabas mula sa
pagkakakulong sa kuweba.

Mula sa kuwento ni Kuya Rey (aming kapitbahay)

Si Samuel Bilibit ay sinasabing ang


lalaking isinumpang habambuhay na
maglakbay sa mundo upang pagbayaran
ang kaniyang kasalanan. Ayon sa kuwento,
pinarusahan ng Panginoon si Samuel sa
pamamagitan ng pagpapataw ng sumpa na
habambuhay na libutin ang mundo upang
hanapin ang kapatawaran sa kaniyang
kasalanan. Hindi ginawang madali ng Panginoon ang parusa sa kaniya at inatasan pa niya itong
maglakbay habang dala-dala ang malaki at mabigat na kadenang nakakabit sa kaniyang binti.
Dahil sa mabibigat na kadenang hila-hila ni Samuel habang naglalakabay, ang bawat
hakbang niya ay nag-iwan ng mga bakas sa bawat lugar kung saan man siya nakapunta. Ayon sa
kuwento ng maraming matatanda, paborito raw ni Samuel Bilibit ang isang partikular na ilog
upang pagpahingahan. Ang ilog na ito diumano ay ang ilog na matatagpuan sa Norzagaray,
Bulacan ngayon. Isang malaking tila hugis bakas ng paa ang naka imprinta sa malaking bato sa
gitna ng ilog, at sinasabing bakas nga ito ng paa ng isinumpang si Samuel Bilibit. Kalaunan,
naging tanyag nga ang ilog sa palatandaan nitong bakas, dito na rin nga raw isinunod ang
pangalan ng ilog.

Mula sa kuwento ni Lola Loreto (isa sa aming kalapit bahay)

Isa sa pinaka matandang kuwentong tanyag


sa mga taong naunang nanirahan sa kalapit lugar
ng Norzagaray sa Bulacan, ay ang alamat
tungkol sa Ilog ng Bakas. Ayon sa alamat, ang
bakas daw na nakikita sa batuhan sa ilog ay
mula sa paa ng isang higanteng nagngangalang
Cristobal. Si Cristobal daw ay mabait at
matulungin sa mga tao, kahit pa nga kadalasan
ay inaabuso na siya ng mga ito.

Isang araw, naisipan ni Hesus na subukin ang


kabaitan ng higante. Bumaba siya mula sa langit
at nagkatawan bilang isang batang lalaki.
Sumabay siya sa mga taong nakapila upang
ihatid mula sa bukana ng ilog patungo sa dulo nito. Matapos paunahin ang lahat ng tao, inilabas
ni Hesus ang isang mundo at hinawakan ito sa kaniyang kamay at naghanda na sa pagsampa sa
likuran ng higante. Nang maipasampa ang huling tao, si Cristobal ay nagtaka kung bakit labis
ang bigat nito gayong isa lamang itong bata na may hawak na bola. Naitawid na niya ang lahat
ng mga tao matanda man o bata, lalaki man o babae ngunit wala pang kasing bigat ng batang
nakasampa sa kaniyang likuran ngayon.

Labis mang nabibigatan at nahihirapan, nagpatuloy si Cristobal sa paghakbang upang


maitawid ang bata. Sa bawat hakbang na kaniyang ginagawa ay nag-iiwan siya ng bakas sa mga
batong tinatapakan hanggang sa maitawid ang huling tao. Nabilib si Hesus sa determinasyon at
natural na kabaitan ng higante, at sa huli ay ipnakita niya rito ang kaniyang tunay na hitsura at
ipinakilala ang sarili. Sa pagpanaw ng mabait na higante, ang bakas ng kaniyang mga paa na
tanda ng kaniyang pagiging mabuti ay nanatiling nakaukit sa mga bato sa ilog. Kalaunan, sa
pagdami ng tao ay kinilala ang ilog sa tawag na “Bakas” at hanggang ngayon nga raw, ay may
ilan-ilan pa rin na inaalayan ang mga bato kung saan matatagpuan ang mga bakas upang
alalahanin ang kabutihan ng higanteng si Cristobal.

Mula sa tatlong magkakaibang bersyong pumapatungkol sa pinagmulan ng pangalan ng Ilog


Bakas, makikita na mayroong mayamang kuwentong bayan o folklore na hanggang ngayon ay
patuloy na naipapasa hanggang sa kasalukuyang henerasyon, dahil hindi na naaalis ang mga
pagtatanong tuwing babanggitin ang Ilog Bakas. Ang mga bersyon ng bawat kuwentong aking
isinalaysay ay mayroong malaking gampanin o epekto para sa komunidad na aking ginagalawan
ngunit malabo itong gawan ng isang awtput na naka-angkla sa kasaysayan ngunit may potensyal
ang kuwentong aking nabanggit sa ibang larang katulad pagsulat ng isang akademikong papel na
naka-angkla naman sa Mitolohiya o Mythology dahil ang kuwentong patungkol sa aking
isinalaysay ay folkloric.

You might also like