You are on page 1of 4

Ang Tekstong Naratibo

“Tiyak na maraming aliw at saya para sa mga mahilig magbasa


Mga tekstong naratibo’y di lang nakalilibang kundi may aral pang dala.”

Ang tekstong naratibo ay pagsasalaysay o pagkukuwento ng mga pangyayari sa


isang tao o mga tauhan, nangyari sa isang lugar at panahon o sa isang tagpuan nang
may maayos na pagkakasunud-sunod mula simula hanggang katapusan. Pangunahing
layunin ng ganitong uri ng teksto ang makapagsalaysay ng mga pangyayaring
nakapanlilibang o nakapagbibigay-aliw o saya. Gayundin naman, ang naratibo ay
nakapagtuturo ng kabutihang-asal, mahahalagang aral, at mga pagpapahalagang
pangkatauhan tulad ng kahalagahan ng pagiging mabuti at tapat, na ang kasamaan ay
hindi magtatagumpay laban sa kabutihan, ang kasipagan at pagtitiyaga ay nagdudulot ng
tagumpay, at iba pa.

Ang mga mambabasa ay direktang isinasama ng manunulat ng isang tekstong


naratibo at nagiging saksi sa mga pangyayaring kanyang isinasalaysay. May iba’t ibang
uri ng naratibo tulad ng maikling kwento, nobela, kuwentong-bayan, mitolohiya,
alamat, tulang pasalaysay tulad ng epiko, dula, mga kuwento ng kababalaghan,
anekdota, parabola, science fiction, balita, rebyu ng pelikula, aklat o palabas at iba
pa. Iba’t ibang uri subalit may iisang pagkakapareho: ang bawat isa’y nagkukwento.

Mga Elemento ng Tekstong Naratibo

Ang isang katangiang taglay ng lahat ng tekstong naratibo ay ang pagkukwento


kaya naman taglay ng mga ito ang mahahalagang elementong lalong magbibigay-daan
sa nakalilibang, nakaaaliw at nakapagbibigay-aral na pagsasalaysay. Sa mga
elementong ito rin makikita kung paano naihahabi o pumapasok ang mga tekstong
deskriptibo.

1. Tauhan. Lahat ng tekstong naratibo ay nagtataglay ng mga tauhan. Ang dami o


bilang ng tauhan ay dapat umayon sa pangangailangan. Mahirap itakda ang bilang ng
tauhang magpapagalaw sa tekstong naratibo, ang pangangailangan lamang ang
maaaring magtakda nito. May dalawang paraan sa pagpapakilala ng tauhan – ang
expository at ang dramatiko. Expository kung ang tagapagsalaysay ang magpapakilala o
maglalarawan sa pagkato ng tauhan at dramatiko naman kung kusang mabubunyag ang
karakter dahil sa kanyang pagkilos o pagpapahayag.

Ang karaniwang tauhan sa mga akdang naratibo ay ang sumusunod:


a. Pangunahing Tauhan
Sa pangunahing tauhan o bida umiikot ang mga pangyayari sa kwento mula
simula hanggang sa katapusan. Karaniwang iisa lamang ang pangunahing
tauhan. Ang kanyang mga katangian ay ibinabatay sa tungkulin o papel na
kanyang gagampanan sa kabuoan ng akda.
b. Katunggaling Tauhan
Ang katunggaling tauhan o kontrabida ay siyang sumasalungat o kalaban
ng pangunahing tauhan. Mahalaga ang papel ng tauhang ito sapagkat sa mga
tunggaliang nangyayari sa pagitan nila, nabubuhay ang mga pangyayari sa kwento
ng pangunahing tauhan.

c. Kasamang Tauhan
Gaya ng ipinahihiwatig ng katawagan, ang kasamang tauhan ay
karaniwang kasama o kasangga ng pangunahing tauhan. Ang panguhaning papel
o tungkulin niya ay sumuporta, magsilbing hingahan, o kapalagayang-loob ng
pangunahing tauhan.

d. Ang May-akda
Sinasabing ang pangunahing tauhan at ang may-akda ay lagi nang
magkasama sa kabuoan ng akda. Bagama’t ang namamayani lamang ay ang kilos
at tinig ng tauhan, sa likod ay laging nakasubaybay ang kamalayan ng
makapangyarihang awtor.

Ayon kay E.M. Forster, isang Ingles na manunulat, may dalawang uri ng tauhan
ang maaaring makita sa isang tekstong naratibo tulad ng:

a. Tauhang Bilog (Round Character) – isang tauhang may multidimensional o


maraming saklaw ang personalidad. Tulad ng isang tunay na katauhan,
nagbabago ang kanyang pananaw, katangian, at damdamin ayon sa
pangangailangan. Ang isang tahimik at mapagtimping tauhan, halimbawa, ay
maaaring magalit o sumambulat kapag hinihingi ng sitwasyon o pangyayari sa
kwento at pangangailangng magbago ang taglay niyang katangian at lumutang
ang nararapat na emosyon o damdamin.

b. Tauhang Lapad (Flat Character) – ito ang tauhang nagtataglay ng iisa o


dadalawang katangiang madaling matukoy o predictable. Madaling mahulaan at
maiugnay sa kanyang katauhan ang kanyang mga ikinikilos at maituturing na
stereotype tulad ng mapang-aping madrasta, mapagmahal na ina, tin-edyer na
hindi sumusunod sa magulang, at iba pa. karaniwang hindi nagbabago o nag-iiba
ang katangian ng tauhang lapad sa kabuoan ng kuwento.
Sinasabi rin ni Forster na kinakailangang makita ang dalawang uring ito ng tauhan
sa tekstong naratibo. Bagama’t madaling matukoy o predictable ang tauhang lapad ay
hindi niya iminumungkahi ang pagtatanggal sa ganitong tauhan sa pagsulat ng akda
upang masalamin pa rin nito ang tunay na kalakaran ng mga tauhan sa ating mundo.

2. Tagpuan at Panahon. Ang tagpuan ay tumutukoy hindi lang sa lugar kung saan
naganap ang mga pangyayari sa akda kundi gayundin sa panahon (oras, petsa, taon) at
maging sa damdaming umiiral sa kapaligiran nang maganap ang mga pangyayari tulad
ng kasayahang dala ng pagdiriwang sa isang kaarawan, takot na umiiral dahil sa malakas
na hampas ng hangin at ulang dala ng bagyo, romantikong paligid sanhi ng maliwanag
na buwang nakatunghay sa magkasintahang naghahapunan sa isang hardin, matinding
pagod ng magsasakang nag-aararo sa ilalim ng tirik na tirik na araw, kalungkutan ng
pamilyang nakatunghay habang ibinababa sa kanyang huling hantungan ang isang
minamahal, at iba pa.

3. Banghay. Ito ang tawag sa maayos na daloy o pagkakasunod-sunod ng mga


pangyayari sa mga tekstong naratibo upang mabigyang-linaw ang temang taglay ng
akda.
Makikita sa ibaba ang karaniwang banghay o balangkas ng isang naratibo:
 Pagkakaroon ng isang epektibong simula kung saan maipakikilala ang mga
tauhan, tagpuan at tema (orientation/introduction/exposition)
 Pagpapakilala sa suliraning ihahanap ng kalutasan ng mga tauhan partikular
ang pangunahing tauhan (problem)
 Pagkakaroon ng saglit na kasiglahang hahantong sa pagpapakita ng aksiyong
gagawin ng tauhan tungo sa paglutas sa suliranin (rising action)
 Patuloy sa pagtaas ang pangyayaring humahantong sa isang kasukdulan
(climax)
 Pababang pangyayaring humahantong sa isang resolusyon o kakalasan
(falling action)
 Pagkakaroon ng isang makabuluhang wakas (ending)

Hindi lahat ng banghay ay sumusunod sa kumbensiyonal na simula-gitna-wakas.


May mga akdang hindi sumusunod sa ganitong kalakaran at tinatawag na anachrony o
mga pagsasalaysay na hindi nakaayos sa tamang pagkakasunod-sunod. Maaari ito sa
tatlo:
a. Analepsis (Flashback) – dito ipinapasok ang mga pangyayaring naganap sa
nakalipas.
b. Prolepsis (Flash-forward) – dito nama’y ipinapasok ang mga pangyayaring
magaganap pa lang sa hinaharap.
c. Ellipsis – may mga puwang o patlang sa pagkakasunod-sunod ng mga
pangyayari na nagpapakitang may bahagi sa pagsasalaysay na tinanggal o
hindi isinama.

4. Suliranin o Tunggalian. Ang bahaging nagpapakita ng suliranin at tunggalian sa


isang kwento ang pinakamadramang tagpo ng kwento at inaasahang may maidudulot na
mahalagang pagbabago patungo sa pagtatapos. Mula rito ay maaaring makakuha ng
kaisipan o mensahe na magsisilbing layunin ng tekstong naratibo. Wala yatang kuwento
na hindi nagtataglay ng suliranin. Kung magkakagayon, walang hamong ihaharap sa
mambabasa. Nakasalalay rito ang pagbabago ng daloy ng isang naratibo. Kung minsan
ay ang tauhan ang nagiging suliranin sa kwento. Minsan naman ay bunga ito ng mga
kalamidad at suliraning panlipunan. Maaari ding mag-ugat sa loob ng mga tauhan ang
suliranin.

5. Diyalogo. Kapag nagsasalita na ang tauhan sa isang kwento, siya ay nagiging


totoong tao, ngunit hindi lahat ng pagsasalaysay ay kailangang may diyalogo. Ginagamit
ang diyalogo upang gawing makatotohanan ang mga pangyayari sa pamamagitan ng
pag-uusap ng mga tauhan.

6. Paksa o Tema. Ito ang sentral na ideya kung saan umiikot ang mga pangyayari
sa tekstong naratibo. Mahalagang malinang ito nang husto sa kabuoan ng akda upang
mapalutang ng may-akda ang pinakamahalagang mensaheng nais niyang maiparating
sa kanyang mambabasa. Dito rin mahuhugot ang mga pagpapahalaga, mahahalagang
aral at iba pang pagpapahalagang pangkatauhang nagagamit sa mabuting pamumuhay
at pakikisalamuha sa kapwa.

Paghahanda para sa Pagsulat ng Tekstong Naratibo

Sa pagpaplano ng isusulat na tekstong naratibo, unang isipin kung ano ang


magiging paksa at layunin ng isusulat. Malinaw dapat kung paano magagamit ang
tekstong naratibo upang mapalutang ang layunin ng isusulat. Sunod ay piliin ang
itatampok na pangyayari sa pagsasalaysay. Hanapan ito ng kahalagahan o mga
bahaging kapupulutan ng bagong kaalaman o perspektiba. Kapag natukoy na ang
itatampok na pangyayari, isa-isahin ang mga detalye na bubuo rito kapag isinalaysay na,
piliin kung alin sa mga pangyayari ang dapat bigyang-pansin sa pamamagitan ng
detalyadong pagsasalaysay at paglalarawan o paglalahad bilang isang tagpo, at kung
alin ang maaaring iwan na lang bilang buod.
Kung susulat ng kwentong pampanitikan, kailangang sundin ang mga
kombensiyon at elemento sa pagsulat nito. Kung hindi naman, dapat pa rin itong
magkaroon ng tauhan, tagpuan, at banghay. Pinakamahalagang dapat isaalang-alang
ang banghay ng mga pangyayari. Maaaring gumamit ng iba-ibang teknik sa paglalahad
ng mga pangyayari (tulad ng pagbabalik-tanaw, pagsisimula sa gitna ng mga
pangyayari), basta madali pa ring matutukoy at malinaw ang sanhi at bunga ng mga
pangyayari na bubuo ng banghay. Maging organisado. Gamitin ang pagsasalaysay bilang
gabay na rin sa mambabasa tungo sa layunin ng isusulat na teksto.

Palaging isaisip ang mahusay na paggamit ng wika. Gumamit ng wasto at angkop


na mga salita. Isaalang-alang pa rin ang ugnayan ng mga ideya, ang diin at kalinawan ng
mga pahayag o pangungusap.

Mga Sanggunian:

Atanacio, H. C., Lingat, Y. S., Morales, R. D., (2016). Pagbasa at Pagsusuri ng Iba’t
ibang Teksto Tungo sa Pananaliksik. Quezon City. C & E Publishing, Inc.

Dayag, A. M., del Rosario, M. G., (2016). Pinagyamang Pluma: Pagbasa at Pagsuri ng
Iba’t ibang Teskto tungo sa Pananaliskik. Quezon City. Phoenix Publishing House

You might also like