You are on page 1of 7

MODYUL PARA SA ARALING PANLIPUNAN 8

MARSO 23, 2020

ARALIN 13 MGA IDEOLOHIYA, COLD WAR AT NEO-KOLONYALISMO

I PANIMULA
Sa pagitan ng 1920 at 1930, nagsimula ang “Great Depression” sa ekonomiya. Nagsara
ang mga pabrika at milyon -milyong tao ang nawalan ng trabaho. Tinanggap ng mga tao ang iba’t
ibang ideolohiya sa pag-asang ito ang magbibigay ng solusyon sa kanilang problema. May
pagtatalo kung demokrasya ba o diktaturya ang solusyon.

II PANGUNAHING PANG-UNAWA

Malaki ang impluwensiya ng mga ideolohiya , Cold War at Neokolonyalismo sa kalagayang


pampulitika at pang-ekonomiya ng mga bansa sa daigdig.

III IKA-21-SIGLONG KASANAYAN

➢ Napangangasiwaan ang impormasyon mula sa maraming sanggunian


➢ Nakakakalap ng impormasyon sa mabilis at mabisang paraan
➢ Nakapakikinig nang mabuti para malaman ang kahulugan, kabilang ang kaalaman,
kabutihan, saloobin at intension
➢ Nakagagamit ng malawak na pamamaraan ng pagbibigay-alam, pagganyak at paghimok

III PAGPAPAHALAGA

➢ Pagkamatapat
➢ Pagmakasandaigdigan
➢ Pagkamaunawain
➢ Pagkamatatag
➢ Pagkamakatao

IV KAALAMAN
➢ Mga iba’t ibang ideolohiya
➢ Ang Cold War
➢ Neo-Kolonyalismo
V PAUNLARIN
IBA’T IBANG IDEOLOHIYA
Ang ideolohiya ay galing sa salitang ugat na idea o kaisipan na tuwirang sinusunod ng mga tao.
Ito ang nagsisilbing kaisipan, panuntunan o pundasyon ng sistemang pang ekonomiya at
pampulitikal ng bansa. Gabay sa mga gawain na maaaring batayan ng panlipunang kaunlaran. Ito
rin ay impluwensiya ng kultura, kasaysayan, pangangailangan at mithiin ng mga bansa. Ito ang
nagbibigkis sa mamamayan upang maging isang nagkakaisang lakas.
PASISMO
➢ Unang ginamit ni Benito Mussolini ng Italy noong 1922.
➢ Nakabatay sa paniniwalang napapailalim ang kapakanan ng mamamayan sa tunguhin at
interes ng estado
➢ Isinusulong ng isang estadong pinamumunuan ng isang Partido
➢ Tutol sa anumang uri ng oposisyon
➢ Gumagamit ng iba’t ibang uri ng represyon o pagsupil sa mga hindi sumasang ayon sa
pamamalakad nito
➢ Kontrolado nila ang mass media at gumagamit ng propaganda
➢ Ang katayuan sa lipunan ay nakabatay sa lahi, etnisidad, lahi at nasyonalidad
➢ Ito ang katwiran ni Adolf Hitler nang iutos niya ang pagpuksa sa mga Jew noong Holocaust

NASISMO o National Socialism


➢ Ideolohiya at mga pagsasanay ng Partidong Nazi sa ilalim ni Adolf Hitler
➢ Mga patakaran na sinunod ng Alemanyang Nazi mula 1933 hanggang 1945
➢ Sumibol ito matapos matalo ang Alemanya sa Unang Digmaang Pandaigdig
KOMUNISMO
➢ Nag-ugat dahil sa hindi makatarungang sistema ng kapitalismo na sa pagnanais
magkaroon ng malaking tubo ay ginigipit niya ang mga manggagawa sa pamamagitan ng
mababang pagpapasahod
➢ Teorya ni Karl Marx at Friedrich Engels ang sinunod ng komunismo
➢ Sa ilalim nito, ang lahat ng uri ng produksiyon ay pag-aari ng pamahalaan
➢ Ang mga tao sa lipunan ay may pagkakapantay-pantay na paghahati ng gawain ayon sa
taglay na kakayahan at ang biyayang matatamo ay batay sa pangangailangan
KAPITALISMO
➢ Tumutukoy sa sistemang pang-ekonomiya
➢ Pag-iipon ng kapital upang higit na mapalago ang negosyo at mapalaki ang tubo ng mga
mamumuhunan
➢ Kompetisyon sa mga negosyante ang dahilan ng pagpapahusay ng kalidad ng produkto
➢ Naniniwala sa konsepto ng pribadong pagmamay-ari bilang karapatan ng mamamayan
DEMOKRASYA
➢ Nagmula sa salitang “demos” at “kratia” na nangangahulugan ng pamamahala
➢ Uri ng pamahalaan na mayroong pantay na karapatan
➢ Pinamumunuan ng isang kinatawan sa pamamagitan ng halalan
➢ Ang isang mamamayan ay maaaring bumoto, tumakbo bilang kandidato, at maluklok sa
posisyon
➢ May karapatang bumuo ng samahan, makapagpahayag ng saloobin, magkaroong ng ari-
arian at maipagtanggol ang sarili

ANG PANANAW SA COLD WAR


Cold War – ay matinding kompetensiya na naganap sa pagitan ng mga bansa pagkatapos ng
1945.
Ito ay tunggalian sa kapangyarihan at ideolohiya ng dalawang kinatawan ng bawat bansa

a. Demokrasya at Kapitalismo ay itinaguyod ng United States at


b. Komunismo ay itinaguyod ng Soviet Union

Kurtinang Bakal o Iron Curtain


Ginamit ito noong 1947 ni Punong Ministro Winston Churchill ng Britain sa paglalarawan niya sa
kalagayang pulitikal ng Europa at ang pagkakahati nito. Sakop ng Kurtinang Bakal ang mga
bansang Poland, Czechoslovakia, Bulgaria, Hungary, Romania at Silangang Germany.

Sa ilalim nito, ipinagbawal ang pakikipagkalakan sa mga bansang kanluranin. Sinikil din ang
relihiyon at iba pang karapatan tulad ng malayang pamamahayag.

Bamboo Curtain
Ang bamboo curtain ay paghihiwalay sa pagitan ng mga komunista estado at mga kapitalista at
di-komunista mga estado ng Silangang Asya, lalo na ang Republika ng Tsina. Ang termino ay mas
madalas na inilapat sa Korean Demilitarized Zone, paghahati ng North at South Korea at ang
kakayahang umangkop hangganan sa Timog Silangang Asya sa pagitan ng komunismo at ang
kanluranin.

Doktrinang Truman
Ito ay doktrinang pinatupad ni Pangulong Harry S. Truman ng Amerika. Sa simula ang
pangunahing layunin nito ay magpadala ng mga sundalong Amerikano sa Greece at Turkey upang
pigilan ang paglaganap ng komunismo. Subalit sa katagalan, pinaniwalaan ng ibang bansa na ang
Doktrinang Truman ay ginagamit lamang ng Amerika upang mapigilan ang paglaganap ng
komunismo sa buong mundo.
Marshall Plan
Bukod sa Greece at Turkey, maraming bansa ang humingi ng tulong. Si George Marshall, kalihim
ng estado ay nangatwiran na ang US ay dapat kumilos ng mabilis. Noong Hunyo 1947, kanyang
ipinakita ang Marshall Plan na tumulong sa mga bansa sa Europa na bumangon.

PAGBUO NG ALYANSA
Bumuo ng alyansa ang magkalabang panig noong Cold War.

A. US - NATO
Pinasimulan ito ng US nang buuin nito ang isang alyansang panseguridad, ang North Atlantic
Treaty Organization (NATO), noong Abril 1949. Layunin ng samahang ito na tulungan ang mga
kasaping bansa sa oras na lusubin ito ng ibang bansa at upang pigilan ang paglaganap ng
komunismo.

Ito ay binubuo ng 12 bansa kasama ang US, Great Britain, Denmark, Luxembourg, Belgium at
sumunod ang Kanlurang Germany

B. USSR – Warsaw Pact


Pagkalipas ng anim na taon, nagtatag ang USSR ng sarili nitong alyansang politikal at militar ang
Warsaw Pact.
Binubuo ito ng Poland, Czechoslovakia, Silangang Germany, Romania, Hungary, Albania at
Bulgaria.

EPEKTO NG COLD WAR


Ang Cold War ay nagkaroon ng magaganda at hindi magagandang bunga

1. Ang Kompetisyon sa Kalawakan (Space Race)


Naunahan ng USSR ang USA sa pagpapadala ng sasakyang pangkalawakan. Binuksan ng
Soviet Union ang Space Age sa pagpapalipad ng Sputnik I, ang unang artipisyal na satellite
na ipinadala sa kalawakan, noong Oktubre 1957. Una ring nagpadala ng tao sa kalawakan
ang USSR, si Yuri Gagarin ang unang cosmonaut na lumigid sa mundo, sakay ng Vostok
Inoong 1962.
Naabutan at nahigitan pa ng USA ang USSR nakaikot nang tatlong beses sa mundo si John
Glenn Jr. noong 1962, gamit ang sasakyang Friendship 7.
Ang Estados Unidos ay hindi nagpahuli sa mga imbensyon. Ipinadala nito si Allan B.
Shepard Jr. ang kauna-unahang Amerikanong astronaut na nakarating sa kalawakan.
Sinundan pa ng matagumpay na misyon noong Hulyo 20, 1969 nang unang makatapak sa
buwan ang mga Amerikanong astronauts na sina Michael Colins, Neil Armstrong at Edwin
Aldrin.
Naunahan din ng USA ang USSR sa paggamit ng puwersang atomika. Nakagawa ito ng
unang submarino na pinatatakbo ng puwersang nukleyar, ang USS Nautilus. Hindi lamang
sa gamit pandigma ginagamit ng USA ang lakas atomika kundi pati sa panahon ng
kapayapaan. Ginagamit ito sa medisina, agrikultura, transportasyon at komunikasyon.
Nong ika-10 ng Hulyo 1962, pinalipad sa kalawakan ang Telstar, isang pang-
komukinasyong satellite. Nagulat ang buong mundo sa nagawang ito ng USA. Sa
pamamagitan nito, maaari nang makatanggap ng tawag sa telepono at makakita ng
palabas sa telebisyon mula sa ibang bansa.

2. Détente
Bumuti ang ugnayan ng USA at USSR noong dekada 70 sa Détente, isang Pranses na
salitang nangagahulugang “relaxation” o pagluwag sa mga patakaran.
Nagkaroon ng détente sa ilalim ng administrasyon ni Richard Nixon ng United States at
Leonid Brezhnev ng Soviet Union. Nagkaroon ng usapan ang dalawang panig upang
limitahan at kontrolin ang pagdami ng mga armas simula 1969 na tinawag na Strategic
Arms Limitation Treaty Agreement (SALT)

ANG PAGWAWAKAS NG COLD WAR


Tunghayan natin ang timeline na nagpapakita ng mga pangyayaring nagbigay-daan sa
pagpapawalang saysay o pagwawakas ng Cold War:

1953 - Namatay si Marshal Joseph Stalin ng Soviet Union


Pinalitan siya ni Nikita Khruschev na nagtakda ng mga bagong patakaran.
Ito ang Peaceful Coexistence sa mga kanluranin.

1969 - Naging Pangulo ng United States si Richard Nixon


Pinaunlad niya ang relasyon ng US sa USSR sa pamamagitan ng Détente o
pagpapaluwag ng tension.
Inalis ang tropang Amerikano sa Vietnam

1972 - Nilagdaan ang SALT


Nakapagbigay ito ng malaking pag-asa na malimitahan ang panganib na
magkaroon ng digmaang nukleyar

1974 - Nagbitiw sa tungkulin si Richard Nixon dahil sa Watergate Scandal


Nagkaroon muli ng tensyon sa pagitan ng dalawang bansa

1985 - Naging pangulo ng Russia si Mikhail Gorbachev. Ipinatupad niya ang mga
bagong patakaran sa Russia tulad ng:
➢ Glastnost o openness, pagiging transparent ng pamahalaan
➢ Perestroika o muling pagsasaayos ng ekonomiya
➢ Democratization, pagboto ng mga mamamayan ng kanilang pinuno
Panghuling termino ni Ronald Reagan sa Amerika
1987 - Nilagdaan ni Gorbachev at Reagan ang Intermediate Range Nuclear Forces
(INF) sa Washington DC
Ito ang kauna-unahang kasunduan sa kasaysayan na nag-alis ng lahat ng
uri ng armas nukleyar

1989 - Binuwag ang Berlin Wall


1990 - Pinagsanib ang Silangan at Kanlurang Germany noong buwan ng Oktubre
Nobyembre 1990 – nilagdaan ang “Charter of Paris for a New Europe” na
may 34 estado. Sila ang kumakatawan sa Silangan at Kanlurang Europa.
Ito na rin ang naging hudyat ng pagwawakas ng Cold War.

1991 - Nawalan ng kontrol ang Soviet Communist Party sa pamahalaan na naging


Dahilan ng pagkabuwag ng Unyong Sobyet

ANG NEO-KOLONYALISMO
Ito ay nangangahulugan ng bago at ibang uri ng pagsasamantala sa mahihirap na bansa. Ito ay
isang uri ng suliraning pampulitika at pang-ekonomiya na ang lahat ng estado, mayaman at
mahirap, ay maaaring masangkot.

Neo-kolonyalismong Politikal
Ang dating kolonya ay may kalayaang politikal, pinamumunuan ng mga sariling lider at may
sariling pamahalaan na nagpapatupad ng sarili nitong batas.
Sa kabila nito, makikita pa rin ang impluwensiya ng mananakop na bansa sa dati nitong nasakop,
lalo na kung sinusunod pa rin ng huli ang pagdikta ng una.

Neo-kolonyalismong Pangmilitar
Ang isa sa kondisyon bago kilalanin ng bansang kolonyalista ang kalayaan ng dati nitong sakop ay
ang pagtatayo nito ng mga base militar. Sinasabi ng dati nitong mananakop na isa itong pantay
na relasyon ng dalawang malayang bansa. Madalas nananatili ang extraterritoriality sa mga base
militar. Sa ganitong sitwasyon, hindi maaaring kasuhan ng bansa ang sinumang dayuhang
sundalo o opisyal na gumawa ng pagkakasala sa loob ng teritoryo nito.

Neo-kolonyalismong Pangkabuhayan
Makikita rin ang impluwensiya ng mananakop sa aspektong pangkabuhayan. Bago palayain ng
mananakop ang dati nitong kolonya, nagpataw muna ito ng mga kondisyon na may kinalaman sa
ekonomiya.

MGA EPEKTO NG NEO-KOLONYALISMO

1. Over-dependece o Labis na Pagpapakandili


Malinaw na umasa nang labis ang mahihirap na bansa sa mayayamang bansa lalong-lalo
na sa may kaugnayan sa United States.

2. Loss of Identity o Kawalan ng Pagkakakilanlan


Ang isipan na “mabuti at magaling ang lahat ng bagay na nagmula sa Kanluran” ay
nahubog sa tao. Ang ganitong paniniwala o isipan ay tinawag na colonial mentality ay
nagdulot ng pagkawala ng interes sa sariling kultura at produkto.
3. Continued Enslavement o Patuloy na Pagkaalipin
Hindi ramdam ng mga umuunlad na bansa ang tunay na kahulugan ng salitang kalayaan.
Malaya lamang sila sa prinsipyo ngunit tali pa rin sila sa mga kolonyal at mayayamang
bansa. Hawak pa rin nila ang kabuhayan ng mga maliliit at mahihirap na bansa sa
pamamagitan ng mga tulong na ipinagkakaloob nila na may kaakibat na interes.

PAGLALAPAT

GAWAIN 1
Sumulat nang naibigan mong epekto ng Cold War. Ipaliwanag kung bakit mo naibigan ito.

GAWAIN 2
Gumawa ng isang sanaysay. PUMILI ng ISA sa paksang nasa ibaba:
1. Walang Bansa ang Makapag-iisa
2. Ang Sariling Pagkakakilanlan ay Nawawala Dahil sa Kulturang Dayuhan

INIHANDA NI:

Jennifer Reyes-Quion, LPT


AP Teacher

You might also like