You are on page 1of 2

“Teacher Sara”

Ni: Dolores Z. Zapanta

“Good morning, guys! C u l8r sa Gmeet natin at 1pm. W8 nu lng ang link ha?”,
mensaheng ipinahatid ng guro sa group chat ng kanyang mga estudyante.

“Happy Teacher’s Day, Ma’am!”, bating-tugon ng isang mag-aaral.

Sumilay ang ngiti sa bilugan at maamong mukha ni Teacher Sara. Nawala sa


isipan niya na Araw ng mga Guro nga pala ang saktong pagbubukas ng klase. Buong
linggo kasi siyang naging abala sa paghahanda ng mga gagamitin para sa araw na ito.
Mula sa make-over na ginawa niya sa isang sulok ng kanyang kuwarto para naman
maging kaaya-aya ito sa kanyang online class hanggang sa paghahanda ng
powerpoint presentation para sa oryentasyon na ilalahad niya. Hindi maikubli ng nilagay
niyang manipis na make-up ang pangangalumata sa ilang araw na pagpupuyat.

“Maraming salamat sa pagbati”, nilagyan niya ng emojing puso ang kanyang tugon.

“Ma’am, kayo po ba ang titser namin sa Filipino?”

“Ma’am, Grade 11 na po kami.”

“Miss u, Ma’am!”, sunod-sunod na sagot ng mga mag-aaral.

“Naku! Sorry, sorry. Wrong send ako. Ha,ha,ha! Bye, guys.”

Ang araw na ito ay simula ng bagong hamon para sa gurong puno ng dedikasyon
at malasakit sa mga bata. Mula sa ordinaryo at tradisyunal na pagtuturo, kailangan
niyang aralin ang makabagong teknolohiya na napakahirap matutunan sa isang kagaya
niyang hindi nabibilang sa milenyal na henerasyon subalit handa siya sa anumang
bagay na susubok sa kanyang kakayahan bilang isang guro.

Ilang linggo pa lang ang nakakaraan, habang abala si Teacher Sara sa pagpi-print
ng mga modyul na ipamimigay sa susunod na araw, isang tawag ang kanyang
natanggap.

“Magandang umaga po, Ma’am. Nakisuyo lang ako sa aking kapitbahay para
makatawag sa inyo. Gusto ko sanang patigilin na ang aking apo sa pag-aaral. Hindi ko
kasi siya kayang turuan. Ay! wala naman akong kaalam-alam sa mga modyul na ‘yan.
Ni hindi nga ako nakapagtapos ng elementarya.”, bakas ang kalungkutan sa tinig ng
nasa kabilang linya.

“Naku, Lola, sayang naman ho kung patitigilin ninyo si Marco. Huwag po kayong
mag-alala at gagawa po ako ng paraan kung paano masasagutan ng inyong apo ang
kanyang mga aralin.”, paniniyak ng nag-aalalang guro.

Hindi lang ang tawag na iyon ang sumubok sa dedikasyon ng butihing guro.
Nasundan pa ito ng patong-patong na Learning Activity Sheets at Weekly Home
Learning Plan na hindi kinukuha ng mga magulang. Kaya para masiguradong walang
babagsak sa kanyang mga estudyante, siya na mismo ang naghahatid nito sa kani-
kanilang tahanan.
“Tao po! Tao po!”. Kumatok ang guro sa pinto ng isang maliit na barong-barong na
nakatirik malapit sa kanal na dinadaluyan ng nangangamoy at nangingitim nang tubig.
Isang maputla at nanghihinang babae ang nagbukas ng pinto. Nang mapagsino ang
tumatawag ay nagsuot ito ng face mask at saka lumabas.

“Kayo pala, Ma’am. Ano pong sadya ninyo?”

“Ah, eh, Misis, ibibigay ko lang po itong mga modyul ni Michael at gusto ko sanang
kumustahin ang anak ninyo dahil hindi niya gaanong nasasagutan ang kanyang mga
gawain sa modyul. Ilang Performance Task din ang hindi niya naipasa.”, agad na
paliwanag ni Teacher Sara.

“Ma’am, pasensiya na po pero wala po ngayon dito ang anak ko kasi pinasama ko
sa tiyuhin niya para umekstra-ekstra muna sa panaderya. Ilang linggo na kasi akong
hindi nakakapaglabada dahil masama ang pakiramdam ko.”, humihingal na sagot ng ina
ni Michael. “Saka nawalan kasi ng trabaho ang asawa ko simula nang mag- ECQ.
Kapag gumaling na ako, Ma’am pauuwiin ko na ho si Michael para masagutan na niya
ang kanyang mga modyul.”, dugtong pa nito.

Parang hiniwa ang puso ni Teacher Sara. Naawa siya sa kalagayan ng kanyang
estudyante. Ilan pa ba sa kanila ang nakararanas ng ganitong kahirapan na dulot ng
pandemya? Ang alalahaning ito ay nagpabigat sa pakiramdam ng guro.

Ilang araw na ring iniinda ni Teacher Sara ang lagnat at pananakit ng kanyang
lalamunan mula nang umuwi siya galing kina Michael. Nang sumunod na araw,
isinugod na siya sa ospital dahil sa paninikip ng dibdib at hindi na halos ito makahinga.
Tinamaan siya ng kinatatakutang virus na Covid-19. Labis na nag-alala ang kanyang
pamilya at mga kasamahan. Malaking halaga ang kakailanganin. Nang makarating
ang balitang ito sa magulang ng kanyang mga mag-aaral, nag-ambag-ambag ang mga
ito upang makapagbigay ng konting tulong. Nagpadala din ng donasyon para sa
pinakamamahal nilang guro ang mga dati niyang estudyante na ngayon ay
nagtatrabaho na. Mabait ang Diyos at dininig Niya ang panalangin ng mga nagmamahal
kay Teacher Sara. Nalampasan ng guro ang pinakamalaking hamon sa kanyang
buhay.

Naging mas positibo sa kilos at pananaw si Teacher Sara. Kailanman ay hindi


naging madali ang pagtuturo lalo na ngayon sa panibagong kabanata ng “bagong
normal” ngunit ang bayanihan at pagkakaisa ng mga guro, magulang, paaralan at
komunidad ang siyang magiging lakas ng bansa na dudurog sa kalabang hindi nakikita.
Naging banta man ito sa kanyang buhay ay mananatili ang pag-ibig niya sa mga batang
nangangailangan ng kanyang paglilingkod sa tawag ng propesyon.

You might also like