You are on page 1of 57

PURGADO

Cleansed ni Sarah Kane


salin ni Guelan Varela-Luarca

MGA TALA NG MANUNULAT

Kapag may bantas na palihis (/), marka iyon ng pagpapatong ng diyalogo.

Ang mga panutong nakapanaklong ay magsisilbi bilang mga linya.

Kapag kapos sa bantas, indikasiyon iyon ng kung paano dapat bigkasin ang
linya.

Tagpo 1

Sa loob ng bakod ng isang pamantasan.


Umuulan ng niyebe.

Nag-iinit ng droga si Tinker sa isang kutsarang pilak.


Papasok si Graham.

Graham Tinker.

Tinker Nagluluto ako.

Graham Aalis na ‘ko.

Tinker (titingin sa kaniya)

Katahimikan.

Tinker Bawal.
PURGADO (Cleansed) ni Sarah Kane

Graham Akin ba 'yan?

Tinker 'Di ako naggaganito.

Graham Dagdagan mo.

Tinker Ayoko.

Graham Kulang 'yan.

Tinker Pusher ako, hindi doktor.

Graham Para kang hindi kaibigan.

Tinker Hindi nga.

Graham 'Yun naman pala e.

Tinker Mamimihasa ka.

Graham Hindi. 'Yung kapatid ko kasing babae --

Tinker Ayokong marinig.

Graham 'Di ako aabuso. Sige na.

Tinker Alam mo kung ano'ng mangyayari sa 'kin, 'di ba?

Graham Oo.

Tinker Umpisa lang 'yon.

Graham Oo.

Tinker Hahayaan mong mangyari sa 'kin 'yon?

Graham 'Di naman tayo magkaibigan, a.

2
PURGADO (Cleansed) ni Sarah Kane

Puwang.

Tinker Ayoko.

Graham ‘Wag kang mag-alala.

Tinker (mag-iisip. Saka magdadagdag ng isang malaking dakot ng droga


sa kutsara)

Graham Sige pa.

Tinker (titingin sa kaniya. Saka magdaragdag ng isa pang dakot.


Papatakan niya ng limon saka paiinitin ito. Pupunuin niya ang
hiringgilya)

Graham (nahihirapang maghanap ng ugat)

Tinker (tuturukan ang gilid ng mata ni Graham)


Magbilang ka pabaliktad mula sampu.

Graham Sampu. Siyam. Walo.

Tinker Bumibigat ang mga paa mo.

Graham Pito. Anim. Lima.

Tinker Gumagaan ang ulo mo.

Graham Apat. Apat. Lima.

Tinker Ang sarap ng buhay.

Graham Heto na ‘yon.

Magkakatinginan sila.

3
PURGADO (Cleansed) ni Sarah Kane

Graham (ngingiti)

Tinker (titingin palayo)

Graham Salamat, dok.


(Mapapahandusay.)

Tinker Graham?

Katahimikan.

Tinker Apat.
Tatlo.
Dalawa.
Isa
Wala na.

Tagpo 2

Nakaupo sa damuhan sina Rod at Carl sa loob ng bakod ng pamantasan.

Gitna ng tag-init -- nakatirik ang araw.


Maririnig sa kabilang dako ng bakod ang ingay ng isang partida ng kriket.

Maghuhubad ng singsing si Carl.

Carl Akin na'ng singsing mo.

Rod Ayokong pakasal sa 'yo, Carl.

Carl Malay mo.

Rod Ayokong pakasal sa kahit kanino.

Carl Sa 'yo na'ng singsing ko.

4
PURGADO (Cleansed) ni Sarah Kane

Rod Bakit?

Carl Simbolo.

Rod Ng ano?

Carl Ng panata ko.

Rod Tatlong buwan pa lang tayong magkakilala. Nagpapakamatay ka ba?

Carl Parang awa mo na.

Rod Mamamatay ka para sa 'kin?

Carl Oo.

Rod (iaabot ang kamay niya) Ayoko nito.

Carl (pipikit saka isusuot ang singsing sa daliri ni Rod)

Rod Ano'ng iniisip mo?

Carl Na mamahalin kita habambuhay.

Rod (tatawa)

Carl Na hindi ako magtataksil sa 'yo.

Rod (lalong matatawa)

Carl Na hindi ako magsisinungaling sa 'yo.

Rod Kagagawa mo lang.

Carl Mahal --

5
PURGADO (Cleansed) ni Sarah Kane

Rod Sinta mahal giliw may pangalan ako. Kung mahal mo talaga 'ko ba't hindi
mo maalala'ng pangalan ko?

Carl Rod.

Rod Rod. Rod.

Carl Puwede bang akin na ang singsing mo?

Rod Ayoko.

Carl Bakit?

Rod Hindi ko kayang mamatay para sa 'yo.

Carl Ayos lang.

Rod Wala akong maipapangako sa 'yo.

Carl Walang kaso sa 'kin.

Rod Sa 'kin, meron.

Carl Parang awa mo na.

Rod (maghuhubad ng singsing saka ibibigay ito kay Carl)

Carl Isuot mo sa 'kin.

Rod Ayoko.

Carl Parang awa mo na.

Rod Ayoko.

Carl Wala akong inaasahan.

6
PURGADO (Cleansed) ni Sarah Kane

Rod Meron.

Carl Wala kang kailangang sabihin.

Rod Meron.

Carl Sige na, Mahal.

Rod Putang / ina --

Carl Rod, Rod, patawad. Parang awa mo na.

Rod (kukunin ang singsing saka ang kamay ni Carl)

Makinig ka sa 'kin. Minsan ko lang 'tong sasabihin.

(Isusuot ang singsing sa daliri ni Carl.)

Mahal kita ngayon.


Kasama kita ngayon.
Susubukin ko ang lahat, unti-unti sa bawat sandali, para huwag kang
pagtaksilan.
Sa ngayon.
'Yun lang. Wala nang higit pa ro’n. Huwag mo 'kong piliting
magsinungaling sa 'yo.

Carl Hindi ako nagsisinungaling sa 'yo.

Rod Para kang bata.

Carl Hinding-hindi kita tatalikuran.

Rod Carl. Lahat ng tao, may kung-sino sa kung-saan na nagsasawa na silang


kakantutan.

Carl Ba't ang sama ng tingin mo sa mundo?

7
PURGADO (Cleansed) ni Sarah Kane

Rod Matanda na 'ko.

Carl Trentay-kuwatro ka pa lang.

Rod Trentay-nuwebe. Nagsinungaling ako.

Carl Kahit pa.

Rod Huwag kang magtiwala sa 'kin.

Puwang.

Carl Nagtitiwala ako.

Maghahalikan sila.
Nakamasid si Tinker.

Tagpo 3

Sa Puting Kuwarto – and sanatoryo ng pamantasan.

Mag-isang nakatayo si Grace, naghihintay.


Papasok si Tinker, pinupurbahan ang isang dokumento.

Tinker Anim na buwan na siyang patay. Hindi namin madalas na tinatago


ang damit nang ganito katagal.

Grace Ano’ng ginagawa ni’yo sa damit?

Tinker Nireresaykel. O kaya sinusunog.

Grace Nireresaykel?

Tinker Mas madalas sinusunog, pero –

8
PURGADO (Cleansed) ni Sarah Kane

Grace Binibigay ni’yo sa iba?

Tinker Oo.

Grace Hindi ba delikado sa kalusugan ‘yon?

Tinker Namatay siya sa overdose.

Grace Ba’t ni’yo sinunog ‘yung katawan?

Tinker Adik siya, e.

Grace Para namang walang nagluksa.

Tinker Hindi ko mababantayan.

Grace Kailangan kong makita ang damit niya.

Tinker Patawad.

Grace Pinamigay ni’yo na’ng damit ng kapatid ko, hindi ako aalis hanggang
makita ko.

Tinker (hindi tutugon)

Grace Ano pa ba’ng pakelam ni’yo? Akin na’ng damit niya.

Tinker Hindi ako puwedeng pumayag na may mailabas sa lugar na ‘to.

Grace Kailangan ko lang makita.

Tinker (mag-iisip. Saka tutungo sa pinto at tatawag)

Robin.

Maghihintay sila. May lalaking disinuwebe anyos na papasok.

9
PURGADO (Cleansed) ni Sarah Kane

Tinker Ayan.

Grace (kay Robin) Hubarin mo’ng damit mo.

Robin Ano ho?

Grace Ako si Grace.

Tinker Sumunod ka.

Robin (maghuhubad, hanggang sa brip niya)

Grace Lahat.

Robin (titingin kay Tinker)

Tinker (tatango)

Maghuhubad ng brip si Robin saka tatayo nang nangingigkig, nakatakip ang


kamay sa kaniyang ari.
Maghuhubo’t hubad din si Grace.
Manonood si Robin, takot na takot.
Titingin sa sahig si Tinker.
Susuotin ni Grace ang damit ni Robin/Graham.
Pagtapos niyang suotin ito, tatayo siya nang ilang saglit, walang kaimik-imik.
Bigla siyang manginginig.
Malulupasay siya sa pagluluksa at mananaghoy.
Mahihimatay siya.
Dadalhin siya ni Tinker sa may kama.
Magwawala siya – ipoposas ni Tinker ang dalawa niyang kamay sa barandilya
ng kama.
Tuturukan siya. Mapapaamo siya nito.
Hihipu-hipuin ni Tinker ang buhok niya.

Grace Hindi ako aalis.

Tinker Aalis ka. Wala na siya rito.

10
PURGADO (Cleansed) ni Sarah Kane

Grace Dito lang ako.

Tinker Hindi tama ‘to.

Grace ‘Di ako aalis.

Tinker Ililipat ka nila.

Grace Kamukha ko siya. Sabihin mo, akala mo lalaki ako.

Tinker ‘Di kita mapoprotektahan.

Grace Ayokong protektahan mo ‘ko.

Tinker Hindi ka puwede rito. Wala ka sa tamang lagay.

Grace Isipin ni’yo na lang, pasiyente ni’yo ‘ko.

Tinker (mag-iisip nang tahimik.


Saka maglalabas ng isang bote ng mga tableta mula sa kaniyang
bulsa)
Ilabas mo’ng dila mo.

Grace (ilalabas ang dila niya)

Tinker (maglalagay ng isang tableta sa dila niya)

Lunok.

Grace (susunod)

Tinker Ayokong managot dito, Grace.

Aalis.
Magkakatinginan sina Grace at Robin, habang ang huli’y hubo’t hubad,
nakatakip pa rin ang kamay sa kaniyang ari.

11
PURGADO (Cleansed) ni Sarah Kane

Grace Magdamit ka.

Robin (titingnan ang mga damit ni Grace sa sahig.


Susuotin niya)

Grace Magsulat ka para sa ‘kin.

Robin (pipikit)

Grace Sabihin mo sa tatay ko na dito muna ako.

Puwang.

Robin ‘Alis na ‘ko. Punta ‘ko kay Mama.

Grace (tititig)

Robin Kung ‘di ako pasaway.


Punta ‘ko kay Mama, nagpapagaling ako kaya –
Nagpapagaling ako.

Grace (tititig)

Robin Ba’t ka dito, walang babae dito.


‘Tingin ka sa ‘kin.

Grace Magsulat ka para sa ‘kin. (Kakalagin ang posas niya.)

Robin Sabi n’ung boses, ‘pakamatay na daw ako.

Grace (tititig)

Robin Ligtas na. Walang nagpapakamatay dito.

Grace (tititig)

12
PURGADO (Cleansed) ni Sarah Kane

Robin Wala dito gustong mamatay.

Grace (tititig)

Robin Ayoko mamatay gusto mo mamatay?

Grace (tititig)

Robin Malapit na siguro, pag-alis ko.


Baka trenta, sabi ni Tinker.
Baka –

Grace ‘Di ka marunong magsulat, ‘no.

Robin (bubuksan ang bibig upang sumagot pero walang maisip na sabihin)

Grace Hindi naman gugunaw ang mundo kung hindi ka marunong.

Robin (susubuking magsalita. Wala pa rin)

Tagpo 4

Ang Pulang Kuwarto – bulwagang pampalakasan ng pamantasan.

Kinukuyog ng bugbog si Carl ng grupo ng mga kalalakihang hindi nakikita.


Naririnig natin ang hambalos ng suntok at kikislot ang katawan ni Carl bilang
reaksiyon sa mga iniinda niyang dagok.
Iaangat ni Tinker ang kaniyang kamay at titigil ang pambubugbog.
Ibababa niya ang kaniyang kamay. Magsisimula uli ang bugbugan.

Carl Parang awa mo na. Dok. Parang awa mo na.

Iaangat ni Tinker ang kaniyang kamay. Hihinto ang pambubugbog.

Tinker Ano?

13
PURGADO (Cleansed) ni Sarah Kane

Carl Hindi na –
‘Di ko na kaya.

Ibababa ni Tinker ang kamay niya.


Magpapatuloy ang pambubugbog kay Carl, metodikal, hangga’t sa mawalan na
ito ng malay.
Iaangat ni Tinker ang kaniyang kamay. Hihinto ang bugbugan.

Tinker ‘Wag ni’yo siyang patayin.


Saklolohan ni’yo.

(Maamo niyang hahalikan ang mukha ni Carl)

Carl (didilat ang mga mata)

Tinker May diretsong linyang tagos sa katawan ng tao na puwedeng


daanan ng isang bagay nang hindi ka ka’gad pinapatay. Nag-
uumpisa dito.

(Hihipuin niya ang butas ng puwet ni Carl.)

Carl (maninigas sa takot)

Tinker Puwedeng saksakan ng tubo, pataas, nang iilag sa lahat ng


maseselang lamang-loob, at lilitaw uli rito.

(Hihipuin niya ang kanang balikat ni Carl.)

Mamamatay ka rin paglaon. Sa gutom, kung ‘di ka matuluyan sa


ibang bagay.

Ibababa ang pantalon ni Carl at sasaksakan ng ilang pulgadang tubo ang butas
ng kaniyang puwet.

Carl Diyos ko ‘wag po

14
PURGADO (Cleansed) ni Sarah Kane

Tinker Ano’ng pangalan ng boypren mo?

Carl Diyos ko

Tinker Ilarawan mo nga ang ari niya.

Carl Huwag

Tinker Kelan mo siya huling tsinupa?

Carl A

Tinker Nagpapatira ka ba sa puwet?

Carl Parang awa ni’yo na

Tinker Kahit ‘wag mong sagutin, mukha naman.

Carl Hindi

Tinker Pumikit ka, isipin mo siya.

Carl Parang awa mo na Diyos ko hindi

Tinker Rodney Rodney wasakin mo ‘ko.

Carl Huwag ni’yo ‘kong patayin tangina Diyos ko

Tinker Mahal kita Rod handa akong mamatay para sa ‘yo.

Carl Huwag po huwag ni’yo ‘kong patayin huwag ni’yo ‘kong


patayin Si Rod huwag ako huwag ni’yo ‘kong patayin
SI ROD HUWAG AKO SI ROD HUWAG AKO

Tatanggalin ang tubo.


Babagsak mula sa itaas si Rod saka lalanding sa tabi ni Carl.
Katahimikan.

15
PURGADO (Cleansed) ni Sarah Kane

Tinker Hindi ko kayo papatayin pareho.

Carl Wala akong nagawa, Rod, nasabi ko na bago ko –

Tinker Shh shh shh.


‘Wag kang makonsensiya.
(Hihipuin niya ang buhok ni Carl.)

Ilabas mo’ng dila mo.

Ilalabas ito ni Carl.


Maglalabas ng malaking gunting si Tinker saka puputulin ang dila ni Carl.
Magkakampay-kampay ng mga kamay si Carl, bukas ang bunganga, puno ng
dugo, walang katunog-tunog.
Kukunin ni Tinker ang singsing niya mula sa daliri ni Rod saka ito ipapasok sa
bibig ni Carl.

Tinker Lunok.

Carl (lulunukin niya ang singsing)

Tagpo 5

Sa Puting Kuwarto.

Nakahiga si Grace sa kama.


Magigising siya saka tititig sa kisame.
Ilalabas niya ang kamay niya mula sa ilalim ng kumot saka titingnan ito – wala
nang gapos.
Hihilutin niya ang mga pulso niya.
Titindig siya ng upo.
Nakaupo si Graham sa paanan ng kama.
Ngingitian siya nito.

16
PURGADO (Cleansed) ni Sarah Kane

Graham Hello, Sunshine.

Katahimikan.
Tititigan siya ni Grace.
Sasampalin niya ito nang pagkalakas-lakas sa mukha, saka yayakapin nang
mahigpit na mahigpit.
Hahawakan niya ang mukha nito saka titingnan nang maigi.

Grace Ang linis mo.

Graham (ngingiti)

Grace ‘Wag na ‘wag mo ‘kong iiwanan ulit.

Graham Hindi na.

Grace Mangako ka.

Graham Mamatay man ako.

Puwang. Magkakatinginan sila nang tahimik.

Graham Mas ako ka pa kaysa sa ‘kin.

Grace Turuan mo ‘ko kung paano.

Sasayaw si Graham – isang sayaw ng pagmamahal para kay Grace.


Sasayaw rin sa tapat niya si Grace, ginagaya ang kilos nito.
Unti-unti, makukuha niya ang panlalaki niyang kilos, pati ang ekspresiyon sa
kaniyang mukha. Hangga’t sa hindi na niya ito kailangang panoorin – eksaktong-
eksakto na ang pananalamin niya sa pagsayaw ni Graham.
Kapag magsasalita, halos katunog na ng boses niya ang kay Graham.

Graham Ang galing mo.

Grace Galing mo.

17
PURGADO (Cleansed) ni Sarah Kane

Graham Ang husay.

Grace Ang husay.

Graham Sobrang / husay, napakahusay.

Grace Husay, napakahusay.

Graham (hihinto, upang masdan siya)

Hindi ko nakilala’ng sarili ko, Grace.

Grace (hindi na siya ginagagad, nalilito)

Ikaw ang anghel ng buhay ko.

Graham Hindi. Maganda lang talaga ang mukha ko.

(Ngingitian ang kalituhan ni Grace saka siya yayakapin.)

‘Wag kang seryoso. Mas maganda ka ‘pag nakangiti.

Dahan-dahan silang sasayaw, malapit sa isa’t isa.

Kakantahin nila ang unang saknong ng ‘You Are My Sunshine.’

Magmamaliw ang mga tinig nila at tatayo sila sa harap ng isa’t isa.

Grace Sinunog nila’ng katawan mo.

Graham Nandito ako. Umalis nga ako pero bumalik na ‘ko ngayon at ‘yon
lang ang mahalaga.

Magkakatitigan sila.
Hihipuin ni Grace ang mukha ni Graham.

Grace Kung –

18
PURGADO (Cleansed) ni Sarah Kane

(Hahawakan niya ang labi nito.)

Ipasok ko –

(Ipapasok niya ang daliri niya sa bibig nito.)

Magkakatitigan sila, takot na takot.


Dahan-dahan niyang hahalikan si Graham sa labi.

Grace Mahalin mo ‘ko, Graham, kundi’y patayin mo ‘ko.

Mag-aalangan si Graham.
Saka siya hahalikan, mabagal at marahan sa simula, ngunit gagaslaw at lalalim
pagdaka.

Graham Dati . . . iniisip kita n’on tapos . . .


Dati . . . iniisip ko sana ikaw na lang kapag . . .
Dati . . .

Grace Hindi na mahalaga. Umalis ka nga pero nagbalik ka na at ‘yon lang


ang mahalaga.

Maghuhubad ng pantaas si Graham saka tititigan ang dibdib ni Grace.

Graham Hindi na ‘yon mahalaga ngayon.

Susupsupin niya ang kanang dibdib ni Grace.


Bubuksan ni Grace ang pantalon ni Graham at hihipuin ang ari nito.
Maghuhubad na sila ng damit, pinanonood ang isa’t isa.
Tatayo sila nang hubo’t hubad, nakatitig sa katawan ng isa’t isa.
Dahan-dahan silang magyayakap.
Uumpisahan nilang magtalik, mabagal sa una, saka gagaslaw, bibilis,
nanunukdol, nagkakatiyap ang ritmo ng isa’t isa.
Sabay silang rururok.
Isasakbibi nila ang isa’t isa, magkadugtong pa rin sa ari, walang kislot.
Bubulas mula sa lupa ang isang marisol, yayabong hangga’t umabot sa itaas ng
kanilang mga ulo.

19
PURGADO (Cleansed) ni Sarah Kane

Kapag ganap nang namunga, ilalapit ito ni Graham sa kaniya upang samyuin.

Graham Anong sarap.

Tagpo 6

Sa Itim na Kuwarto – ang paliguan sa bulwagang pampalaruan ng pamantasan,


ngayo’y ginawang mga peep-show booth.

Papasok si Tinker.
Mauupo siya sa loob ng isang booth.
Maghuhubad siya ng tsaketa at ilalatag ito sa kaniyang kandungan.
Magkakalas siya ng pantalon saka magpapasak ng isang kamay sa loob.
Gamit ang isa pang kamay, maghuhulog siya ng barya sa slot.
Bubukas ang isang takip at panonoorin niya ito.
May isang Babaeng nagsasayaw.
Manonood si Tinker nang ilang sandali, nagsasalsal.
Titigil siya saka titingin sa sahig.

Tinker Tama na. Pu –


Puwede kong makita ang mukha mo?

Hihinto sa pagsayaw ang Babae saka mag-iisip.


Paglipas ng ilang saglit, mauupo siya.

Tinker (hindi siya matingnan)

Babae (maghihintay)

Tinker Ano’ng ginagawa mo rito?

Babae Gusto ko rito.

Tinker Hindi tama ‘to.

20
PURGADO (Cleansed) ni Sarah Kane

Babae Alam ko.

Tinker Puwede ba tayong magkaibigan?

Sasara ang takip.


Maghuhulog ng dalawa pang barya si Tinker.
Bubukas ang takip.
Nagsasayaw ang Babae.

Tinker ‘Wag, ‘yung –


Mukha mo.

Babae (mauupo)

Tinker (hindi siya matingnan)

Ba’t ka nandito?

Babae Ewan ko.

Tinker Hindi ka dapat nandito. Hindi tama.

Babae Alam ko.

Tinker Puwede kitang tulungan.

Babae Pa’no?

Tinker Doktor ako.

Babae (hindi sasagot)

Tinker Alam mo’ng ibig sabihin n’on?

Babae Oo.

Tinker Puwede ba tayong magkaibigan?

21
PURGADO (Cleansed) ni Sarah Kane

Babae Hindi yata.

Tinker Pero –

Babae Hindi.

Tinker Kahit ano’ng kailangan mo, kaya ko.

Babae Hindi puwede.

Tinker Oo.

Babae Masiyado nang huli.

Tinker Susubukan ko.

Babae Hindi.

Tinker Sige na. Hindi kita bibiguin.

Babae (tatawa)

Tinker Magtiwala ka.

Babae Bakit?

Tinker Hindi kita tatalikuran.

Babae Hindi mo rin ako haharapin.

Tinker Kahit ano’ng gusto mo, ibibigay ko, Grace.

Babae (hindi sasagot)

Tinker (titingnan ang mukha niya sa unang pagkakataon) Pangako.

22
PURGADO (Cleansed) ni Sarah Kane

Sasara ang takip.


Naubusan na siya ng barya.

Tagpo 7

Sa Bilog na Kuwarto – ang silid-aklatan ng pamantasan.

Magkatabing nakaupo sina Grace at Robin, nakatingin sa isang pirasong papel.


Suot pa rin nila ang damit ng isa't isa.
May hawak na lapis si Robin.
Nakamasid si Graham.

Grace Para ka lang nakikipag-usap nang walang boses. Pareho lang yung
mga gagamitin mong salita. Bawat letra, may katumbas na tunog.
'Pag kabisado mo na yung tamang tunog sa tamang letra,
makakabuo ka na ng salita.

Robin 'Di naman kamukha n'ung letrang 'yan yung tunog, e.

Grace R.

Robin Yung isa oo / pero 'yan, hindi.

Grace O. Alam mo kung ano 'yang / salitang 'yan?

Robin Robin, pangalan ko 'yan. Sabi / mo e.

Grace Sige, gusto ko, magsulat ka ng salita –

Robin Grace.

Grace Yung letra sa pangalan ko, tingin mo ba kamukha n’ung tunog?

23
PURGADO (Cleansed) ni Sarah Kane

Robin (titingnan siya at mag-iisip. Ngingiti siya at magsisimulang magsulat,


parang bata ang pagkakahawak sa lapis, nakalabas ang dila habang
nagko-concentrate)

Graham Mga lalaki talaga.

Grace (ngingiti kay Graham)

Robin Miss?

Grace May pangalan ako.

Robin Grace, nagkaboypren ka na ba?

Grace Oo.

Robin ‘Musta?

Grace Binilhan niya 'ko ng tsokolate tapos sinubukan niya 'kong sakalin.

Robin Tsokolate?

Graham Yung itim na 'yon?

Robin Ba’t may pink ba?

Grace Wala naman sa kulay 'yon. Hindi 'yon mahalaga.

Robin Ano'ng pangalan niya?

Grace Graham.

Robin } ‘Yung boypren mo.


Graham }

Grace Paul.
Mag-concentrate ka.

24
PURGADO (Cleansed) ni Sarah Kane

Robin } Mahal mo pa ba siya?


Graham }

Grace D'yusko naman.

Robin Hindi nga?

Grace A–
Hindi.
Kahit naman noon.

Robin Inano mo ba –

Graham Tangina.

Grace Oo.
Nag-ano kami.
Nag-ano kami.

Robin A.

Katahimikan.
Magsusulat si Robin.

Robin } Gracie.
Graham }

Grace Ano?

Robin Kung may babaguhin kang isang bagay sa buhay mo, ano iyon?

Grace Yung buhay ko.

Robin Hindi. Isang bagay, sa buhay mo.

Grace Ewan.

25
PURGADO (Cleansed) ni Sarah Kane

Robin Isa lang.

Grace Ang dami e.

Robin } Mamili ka ng isa.


Graham }

Grace Kalokohan 'to.

Robin Ayaw mo bang bumalik yung kapatid mo?

Grace Ano?

Robin Ayaw mo bang mabuhay si Graham?

Graham } (tatawa)
Grace }

Grace Hindi. Ayoko.


Sa isip ko naman, hindi pa patay si Graham.
Hindi gano'n ang tingin ko sa kanya.

Robin Naniniwala ka ba sa heaven?

Grace Hindi.

Robin Kung walang heaven e 'di wala ring hell.

Grace 'Di ko naman makita ang heaven.

Robin Kung may isa 'kong wish, sana mabuhay uli si Graham.

Grace Sabi mo, magbago ng isang bagay sa buhay mo, hindi magkaro'n ng
isang wish.

Robin E di babaguhin ko si Graham para buhay na siya, hindi patay.

26
PURGADO (Cleansed) ni Sarah Kane

Grace Hindi mo naman mababago basta si Graham. Tsaka hindi naman


siya parte ng buhay mo.

Robin Oo 'no.

Grace Pa'no?

Robin Sa 'kin nila binigay yung damit niya.

Nakamasid si Tinker.

Grace 'Di naman kailangan, Robin. Hindi naman siya patay.

Graham } De ano'ng babaguhin mo?


Robin }

Grace Yung katawan ko. Para magtumbas yung itsura ko sa


nararamdaman ko.
Graham sa labas tulad ng Graham sa loob.

Robin } Maganda naman 'yang katawan mo, a.


Graham }

Grace Ayos. Sige na, isulat mo yung salita.

Robin Kung hindi ko Mama si Mama ta's mamimili ako ng iba, pipiliin ko
ikaw.

Grace Ang sweet mo naman.

Robin Kung –
Kung ikakasal ako, gusto ko sa 'yo.

Grace Wala namang gustong magpakasal sa 'kin.

27
PURGADO (Cleansed) ni Sarah Kane

Robin } Ako.
Graham }

Grace Imposible.

Robin Hindi pa 'ko nakakahalik ng babae.

Grace Makakahalik ka rin.

Robin Hindi dito. Puwede kung ikaw.

Grace Hindi ako gano'n -- babae. Hindi.

Robin Okey lang sa 'kin.

Grace } Ayoko.
Graham }

Robin Okay lang talaga.

Grace Makinig ka. Kung may hahalikan ako rito, wala talaga ha, pero kung
meron, ikaw na 'yun.

Robin } Talaga?
Graham }

Grace Oo naman.
Kung.
Kaso.

Robin (tuwang-tuwa, babalik sa pagsusulat)

Mahabang puwang.

Robin Gracie.

Grace Hmmn.

28
PURGADO (Cleansed) ni Sarah Kane

Robin } Mahal kita.


Graham }

Grace A --
Mahal din kita. Pero, ano ha --

Robin Talaga?

Grace Robin --

Robin Puwede bang --

Grace } Hindi.
Graham }

Robin Gelprenin kita?

Grace Okay ka lang naman sana --

Robin Hindi kita sasakalin.

Grace Tsaka mabuti kang kaibigan pero --

Robin Mahal kita, e.

Grace Pa’no?

Robin Basta.
Kilala kita --

Grace Kilala rin ako ni Tinker.

Robin Ta's mahal kita.

Grace Maraming may kilala sa 'kin, pero hindi nila 'ko mahal.

29
PURGADO (Cleansed) ni Sarah Kane

Robin } Ako, oo.


Graham }

Grace Naguguluhan naman ako sa 'yo e.

Robin Gusto lang naman kitang halikan, 'di kita sasaktan, pramis.

Grace E ‘pag umalis ka na --

Robin } 'Di ako aalis.


Graham }

Grace Ano?

Robin Ayoko.

Grace Pero --

Robin Gusto kitang makasama.

Grace Ano'ng sinasabi mo?

Robin Gusto ko dito.

Papasok si Tinker at sisilip mula sa balikat ni Robin.


Pupulutin niya ang pirasong papel at pupurbahan ito.

Tinker An'to?

Robin Bulaklak.

Tinker (sisindihan ang papel hanggang sa matupok ito)

Robin Amoy siya bulaklak.

30
PURGADO (Cleansed) ni Sarah Kane

Tagpo 8

Sa isang patse ng putik sa loob ng binakurang perimeter ng unibersidad.


Umuulan.
Rinig mula sa kabilang panig ng bakuran ang isang partida ng putbol.
May isang dagang patakbu-takbo sa pagitan nina Rod at Carl.

Rod Mahal.

Carl (titingin kay Rod.


Magbubukas ng bibig. Walang tunog na lalabas.)

Rod Napanood mo sana kung pa’no nila ‘ko pinako.

Carl (susubuking magsalita. Wala.


Hahampasin niya ang lupa sa galit.
Kakala-kalahig siya sa putikan saka magsusulat.
Magsasalita si Rod.)

Rod Ta’s kinain ng mga daga yung mukha ko. E ano. Gagawin ko rin
naman yung ginawa mo, ang kaibahan lang, hindi ako nangakong
hindi ko ‘yon gagawin. Bata ka pa. Hindi kita masisisi. ‘Wag mong
sisihin ang sarili mo. Walang dapat sisihin.

Nanonood si Tinker.
Hahayaan niyang tapusin ni Carl ang kaniyang sinusulat, saka lalapit upang
basahin ito.
Hahawakan niya ang kamay ni Carl saka ito puputulin.
Aalis si Tinker.
Susubukin ni Carl damputin ang mga kamay niya – pero hindi niya kaya, wala na
siyang mga kamay.
Lalapit si Rod kay Carl.
Pupulutin niya ang putol na kaliwang kamay saka tatanggalin ang singsing na
isinuot niya roon.
Babasahin niya ang mensaheng nakasulat sa putik.

Rod Sabihin mong pinapatawad mo na ‘ko.

31
PURGADO (Cleansed) ni Sarah Kane

(Susuotin niya ang singsing.)


Hindi ako magsisinungaling sa ‘yo, Carl.

Sisimulang kainin ng daga ang kanang kamay ni Carl.

Tagpo 9

Sa Itim na Kuwarto.

Tutungo si Tinker sa kaniyang booth.


Mauupo.
Maglalagay siya ng barya.
Bubukas ang takip.
Nagsasayaw ang Babae.
Ilang sandaling manonood si Tinker.

Babae Hello, Dok.

Tinker Grace –
Yung mukha mo.

Mauupo ang Babae.


Magtitinginan sila.

Tinker Magkaibigan ba tayo?

Babae Tutulungan mo ba ‘ko?

Tinker Sinabi ko na.

Babae De oo.

Tinker Ano’ng dapat kong gawin?

32
PURGADO (Cleansed) ni Sarah Kane

Babae Iligtas mo ‘ko.

Magsasara ang takip.


Wala na siyang barya.

Tagpo 10

Ang Pulang Silid.

Ginugulpi si Grace ng mga lalaking di-nakikita, ngunit maririnig natin ang


kanilang Mga Boses.
Maririnig natin ang paghambalos ng mga baseball bat sa katawan ni Grace at
umaarte siyang tila iniinda niya ang mga ito.
Nahihilahil na nakamasid si Graham.
Madadagok si Grace.

Grace Graham.

Mga Boses Mamatay ka, puta


Kumakantot ng kapatid
‘Di ba bakla ‘yon?
Tangina kang adik ka
Sabog ka na naman
Kingina oo
Kingina hindi
Bato bato bato

Hahambalusin si Grace sa bawat ‘bato.’

Grace Graham Diyos ko saklolo Panginoon

Mga Boses Kailanman hinding (Hataw) hinding (Hataw) hinding


(Hataw) hinding (Hataw) hinding (Hataw) hinding
(Hataw) hinding (Hataw) hinding (Hataw) hinding
(Hataw) hinding (Hataw) hindi (Hataw) ka niya

33
PURGADO (Cleansed) ni Sarah Kane

Ililigtas (Hataw)

Graham Grace.

Mga Boses Hindi (Hataw)

Kapayapaan.
Walang-kurap si Grace, takot na mahataw uli.

Graham Kausapin mo ‘ko.

Grace (ayaw kumislot ni magsalita)

Graham ‘Di ka nila masasaktan, Grace. O mahahawakan.

Grace (ayaw kumislot ni magsalita)

Graham Hinding-hindi.

May biglang lalatay na hataw mula sa kung-saan at mapapasigaw si Grace.

Mga Boses May buhay pa am’puta

Graham Isara mo ang utak mo. ‘Yun ang ginawa ko. Batak pa, pikit bago
magnuot ang hapdi. Naisip kita.

May sunod-sunod na paghataw na lalatay sa katawan ni Grace ngunit wala na


siyang maibugang tunog.

Graham Sinasawsaw ko noon ang kutsara sa tsaa tapos iinitin ko. ‘Pag hindi
ka nakatingin saka ko ‘to ididikit sa balat ng kamay mo tapos
(Hataw) sisigaw ka tapos tatawa ako. Sasabihin ko gawin mo rin sa
‘kin.

Grace Gawin mo sa ‘kin.

34
PURGADO (Cleansed) ni Sarah Kane

Graham Magdidikit ka ng mainit na kutsara sa balat ko pero wala akong


maramdaman.
Alam ko na kasi.
‘Pag alam mo’ng paparating, handa ka na.
‘Pag alam mo’ng paparating –

Grace Darating na.

Lalatay ang mga hataw.


Kikislot ang katawan ni Grace – hindi dahil sa kirot, kundi dahil lamang sa
puwersa ng mga hambalos.

Graham Indahin mo lang.

Mga Boses Gawin mo sa ‘kin


Pukpukin ang pokpok

Gagahasain ng isa sa Mga Boses si Grace.


Sa buong oras na ito’y tititig si Grace sa mata ni Graham.
Hahawakan siya ng mga kamay ni Graham.

Mga Boses Hayok na hayok


Giyang na giyang
Libog na libog
Gutom na gutom
Sabik na sabik
Wala na ba?
Ni tira-tira

Idadampi ni Graham ang kaniyang mga kamay kay Grace at mamumula ang
bahagi ng telang mahahawakan niya, tumatagas na dugo.
Kasabay niyon ay magdurugo rin siya sa parehong mga parte.

Graham Mahal mahal mahal.

Mga Boses Ubusin

35
PURGADO (Cleansed) ni Sarah Kane

Puwang.
Pagkuwan, sunod-sunod na putukan ng automatic gunfire.
Susukuban ni Graham ang katawan ni Grace gamit ang kaniyang mga kamay,
saka hahawakan ang kaniyang ulo.
Magpapatuloy ang putukan.
Matatadtad sa tama ng bala ang pader, at habang patuloy ang putukan,
mababakbak mula sa pader ang malalaking kimpal ng plaster at laryo.
Nadudurog na halos ang pader at natitilamsikan ng dugo.
Pagkuwan, titigil ang putukan.
Aalisin ni Graham ang pagkakatalukbong niya sa mukha ni Grace, at titingnan
ito.
Didilat siya at titingin sa kaniya.

Graham Maski sino. O ano. Hinding-hindi.

Biglang bubukad sa lupa ang narsiso.


Bubulas pataas, pupunuin sa pagkadilaw ang buong entablado.
Papasok si Tinker. Makikita niya si Grace.

Mga Boses Ubos lahat?

Tinker Siya, hindi.

Tutungo kay Grace saka maluluhod sa tabi nito.


Kukunin ang kaniyang kamay.

Tinker Narito ako para iligtas ka.

Pipitas ng bulaklak si Graham at aamuyin ito.


Ngingiti.

Graham Anong ganda.

36
PURGADO (Cleansed) ni Sarah Kane

Tagpo 11

Sa Kuwartong Itim.

Papasok si Robin sa booth na pinupuntahan ni Tinker.


Mauupo siya.
Ikakasa niya ang nag-iisa niyang barya.
Bubukas ang takip.
Sumasayaw ang Babae.
Manonood si Robin – sa una’y inosente’t masigasig, tapos malilito, saka
mababalisa.
Sasayaw ang Babae sa loob ng animnapung minuto.
Magsasara ang takip.
Mauupo si Robin at mananaghoy.

Tagpo 12

Sa Kuwartong Puti.

Nagpapabilad si Grace sa maliit na patse ng sinag-araw na lumalagos mula sa


bitak sa kisame.
Nasa tabi niya si Graham, habang si Tinker ay nasa kabila.

Tinker Kahit anong gusto mo.

Grace Araw.

Graham ‘Di papantay ‘yang tan mo.

Tinker P’wede kitang dalhin do’n.

Grace Alam ko.

Mga Boses Tutupukin ka

37
PURGADO (Cleansed) ni Sarah Kane

Grace Hawakan mo’ng kamay ko.

Graham Sinag ng araw.

Kukunin ni Graham ang isang kamay, si Tinker yung isa pa.

Grace Ang sakit ng bayag ko.

Tinker Babae ka.

Mga Boses Grace Luka-luka

Grace Gusto kitang maramdaman dito.

Graham Lagi akong nandito.


At dito.
At dito.

Grace (tatawa. Saka biglang seryo.)


Lagi nila ‘kong tinatawag.

Tinker ‘Yon nga’ng sinasabi ko.

Graham Mahalin mo ‘ko o patayin mo ‘ko.

Tinker Aayusin kita.

Grace Mamahalin.

Graham Mangako ka.

Tinker Oo.

Grace Mamatay man ako.

Graham Huwag mo ‘kong itaboy.

38
PURGADO (Cleansed) ni Sarah Kane

Grace Graham.

Mga Boses Pagurin mo hanggang maubos.

Tinker Tinker.

Mga Boses Sunugin mo hanggang mawala.

Graham Mahal.

Mga Boses Hanggang masimot –

Tinker Magtiwala ka sa ‘kin.

Mga Boses Oras na

Bibitawan ni Tinker ang kamay ni Grace.


May bubuhaying daloy ng kuryente.
Maninigas ang katawan ni Grace habang natutusta ang mga bahagi ng utak
niya.
Lalaki ang patse ng liwanag hanggang masaklaw silang lahat.
Nakakabulag.

Tagpo 13

Sa putikan sa may bakuran.

Umuulan.
Kasama nina Rod at Carl ang isang dosenang daga.

Rod Kung sinabi mo ‘Ako,’ ano kaya’ng nangyari? Kung sinabi niyang ‘Ikaw o si
Rod’ at sinabi mo ‘Ako’, papatayin ka kaya niya? Kung ako tanungin niya
sasabihin ko ‘Ako. Sa akin mo gawin. ‘Wag kay Carl, ‘wag sa mahal ko,
‘wag sa kaibigan ko, sa akin na lang.’ Walang duda, despatsado na ‘ko.
Hindi naman pagpatay ang pinakamasama nilang magagawa sa ‘yo. Si

39
PURGADO (Cleansed) ni Sarah Kane

Tinker, inutusan yung isang lalaki na ngatain yung bayag ng kasama niya
hanggang matanggal ito. Puwede pa rin nilang bawiin ang buhay mo kahit
‘di ka nila patayin.

Mula sa kabilang panig ng bakuran, maririnig ang awitin ng isang bata – ang
‘Things We Said Today’ nina Lennon at McCartney.
Mananainga sina Carl at Rod, wiling-wili.
Titigil ang awitin.
At muling magsisimula.
Tatayo si Carl, pahapay-hapay.
Magsisimula siyang magsayaw – isang sayaw ng pagmamahal para kay Rod.
Liligalig ang sayaw, gigil, at magsisimulang umungol-umungol si Carl, sumasaliw
sa pag-awit ng bata.
Mababasag na ang kumpas ng sayaw – kekendeng-kendeng at gigiwang-giwang
si Carl nang wala sa kumpas, nababalaho ang mga paa sa putik, isang papitik-
pitik na sayaw ng taos-pusong pagsisisi.
Nanonood si Tinker.
Pupuwersahin niya sa sahig si Carl sa puputulin ang mga paa nito.
Aalis.
Tatawa si Rod.
Bubuhatin paalis ng mga daga ang mga paa ni Carl.

Tagpo 14

Sa Kuwartong Itim.

Tutungo si Tinker sa booth.


Magbubukas ng pantalon saka babaliktarin ang pagkakaharap ng silyon bago ito
upuan nang nakapatong ang kamay sa sandalan.
Magpapasok siya ng mangilan-ngilang barya.
Bubukas ang takip. Nagsasayaw ang Babae.
Magbabate nang matindi si Tinker hanggang sa magsalita ang Babae.

Babae Dok.

40
PURGADO (Cleansed) ni Sarah Kane

Tinker ‘Wag mong sayangin ang oras ko.


Upo.

Babae (uupo sa harap ni Tinker)

Tinker Bukaka.

Babae Nalilito ako.

Tinker TANGINA BUKAKA SABI.

Babae (susunod)

Tinker Tingin.

Babae (susunod)

Tinker Hawak.

Babae (maiiyak)

Tinker TANGINA HAWAK SABI HAWAK

Babae ‘Wag mong gawin ‘to.

Tinker GUSTO MONG TULUNGAN KITA?

Babae OO

Tinker DI GAWIN MO

Babae Ayokong ganito.

Tinker Babae ka.

Babae Ang gusto ko –

41
PURGADO (Cleansed) ni Sarah Kane

Tinker ‘Wag mong sabihin.

Babae Sabi mo –

Tinker Nagsinungaling ako. Ganyan kang klaseng tao. ‘Wag mong


pagsisihan.

Babae Kahit anong gusto ko.

Tinker Hindi ako’ng may kasalanan, Grace.

Babae Pinagkatiwalaan kita.

Tinker Oo.

Babae Magkaibigan tayo.

Tinker Hindi.

Babae Kaya kong magbago.

Tinker Babae ka.

Babae Doktor ka. Tulungan mo ‘ko.

Tinker Ayoko.

Babae May iba ba?

Tinker Wala.

Babae Mahal kita.

Tinker Parang awa mo na.

Babae Akala ko mahal mo ‘ko.

42
PURGADO (Cleansed) ni Sarah Kane

Tinker ‘Pag ganyan ka.

Babae Pues mahalin mo ‘ko, tangina, mahalin mo ‘ko

Tinker Grace

Babae ‘Wag mo ‘kong talikuran

Magsasara ang takip.

Tinker Kung alam ko lang –


Kung alam ko lang.
Alam ko naman, noon pa.

Tagpo 15

Ang Kuwartong Bilog.

Tulog si Robin habang pinalilibutan ng mga bunton ng libro, papel at mga


abakus.
May hawak pa rin siyang lapis.
May kahon ng mga tsokolate malapit sa kaniyang uluhan.
Papasok si Tinker at tatayo nang nakatitig sa kaniya.
Sasabunutan niya si Robin upang hilahin ito pataas.
Hihiyaw si Robin at tututukan siya ni Tinker ng kutsilyo sa leeg.

Tinker Kinantot mo ba siya?


Kinantot mo hanggang magdugo ang ilong?
Anak ng puke nga ako pero hindi ako tanga.
(Makikita ang mga tsokolate.)
Sa’n galing ‘yan?
Ha?
Ha?

Robin Para kay Grace.

Tinker Sa’n mo nakuha?

43
PURGADO (Cleansed) ni Sarah Kane

Robin Binili ko.

Tinker Paano? Nilako mo’ng puwet mo?

Robin (hindi sasagot)

Bibitiwan ni Tinker si Robin.


Bubuksan niya ang mga tsokolate.
Kukuha ng isa saka ibabato ito kay Robin.

Tinker Kain.

Robin (titingnan ang tsokolate.


Maiiyak)
Para kay Gracie ‘yan, e.

Tinker Kainin mo.

Kakainin ni Robin ang tsokolate, nasasamid sa sarili niyang mga luha.


Pagkakain, babatuhan siya ni Tinker ng isa pa.
Kakainin iyon ni Robin, umiiyak.
Babatuhan siya ni Tinker ng isa pa.
Kakainin ni Robin.
Babatuhan siya ni Tinker ng isa pa.
Kakainin ni Robin.
Babatuhan siya ni Tinker ng isa pa.
Kakainin ni Robin.
Babatuhan siya ni Tinker ng isa pa.
Kakainin ni Robin.
Babatuhan siya ni Tinker ng isa pa.
Kakainin ni Robin.
Babatuhan siya ni Tinker ng isa pa.
Kakainin ni Robin.
Babatuhan siya ni Tinker ng isa pa.
Kakainin ni Robin.
Babatuhan siya ni Tinker ng isa pa.

44
PURGADO (Cleansed) ni Sarah Kane

Kakainin ni Robin.
Babatuhan siya ni Tinker ng isa pa.
Kakainin ni Robin.
Ibabato sa kaniya ni Tinker ang huling tsokolate.
Masusuka si Robin.Saka kakainin ang tsokolate.
Ibabato sa kaniya ni Tinker ang walang lamang kahon, saka mapapansin naihi si
Robin.

Tinker Kadiri kang baboy ka, linisin mo ‘yan.

Tatayo si Robin sa basa, nagugulumihanan.


Darakmain ni Tinker ang ulo ni Robin saka puwersahan itong iduduldol sa sarili
nitong ihi.

Tinker Linisin mo ‘yan, babae.

Lilinga-linga sa pagkataranta si Robin.


Susubukin niyang gamitin ang walang lamang kahon upang linisin ang ihi, ngunit
kumakalat lamang ito.
Magpupunit siya ng ilang libro upang masipsip ng dahon ang ihi.
Titingnan niya ang mga libro, nagugulumihanan.

Robin Gracie.

Tinker (babatuhin si Robin ng isang kahon ng posporo)

Robin (titingin kay Tinker)

Tinker (tatango)

Robin (itatalaksan ang mga libro saka ito susunugin)

Tinker Lahat.

Magsusunog si Robin ng maraming libro hangga’t sa makakaya niya saka tatayo


upang panoorin itong matupok ng apoy.
Papasok si Grace, tuliro at bangag, kasama si Graham.

45
PURGADO (Cleansed) ni Sarah Kane

Manonood siya.
Kabadong mangingiti si Robin.

Robin Patawad. Nilamig ako.

Aakayin ni Graham si Grace tungo sa apoy.


Magpapainit siya ng kamay sa siga.

Grace Anong ganda.

Tagpo 16

Sa putikan sa bakuran.

Nakadadarang na init.
Tunog ng apoy.
Patay na ang karamihan sa mga daga.
Ang ilang natitira, tarantang nagsisipagtakbuhan sa kung saan-saan.

Rod Ang meron lang ay ang ngayon.

(Maiiyak.)

Carl (yayakapin siya)

Rod Iyon lamang kahit noon pa.

Hahalikan siya ni Carl.


Magtatalik sila.

Rod Mamahalin kita kailan pa man.


Hindi ako magsisinungaling sa iyo.
Hindi kita pagtataksilan.
Mamatay man ako.

46
PURGADO (Cleansed) ni Sarah Kane

Lalabasan sila.
Maghuhubad ng singsing si Rod at isusubo ito sa bibig ni Carl.
Lulunukin ito ni Carl. Maiiyak siya.
Magyayakapan silang mahigpit, saka mahihimbing nang magkasakbibi sa piling
ng isa’t isa.
Nanonood si Tinker.
Hihilahin niya si Rod papalayo kay Carl.

Tinker Siya o ikaw, Rod, mamili ka.

Rod Ako. ‘Wag si Carl. Ako.

Tinker (gigilitan ang leeg ni Rod)

Carl (maghihikahos upang abutin si Rod. Mahahadlangan siya)

Rod Hindi puwedeng ganito.

(Mamamatay.)

Tinker Sunugin siya.

Tagpo 17

Sa Bilog na Kuwarto.

Nasa tabi ng mga abo sina Robin, Grace at Graham.


Dahan-dahan pa ring nagkikiskis ng mga kamay si Grace, inaangat ito na para
bang nag-aalab pa rin.
Mahahango ni Robin mula sa mga abo ang kaniyang abakus.
Ibibida niya ito kay Grace.
Wala itong tugon.

Robin Pinapraktis kong magbilang. Nakuha ko na yata.

47
PURGADO (Cleansed) ni Sarah Kane

Grace (walang tugon)

Robin Gusto mo makita?

Grace (walang tugon)

Robin Sige –
Natitira pang mga araw. ‘Bukan ko ‘yon.
(Magbibilang ng mga bead sa iisang hanay.)
Isa. Dalawa. Tatlo. Apat. Lima. Anim. Pito.
(Tititigan ang pitong beads, saka dahan-dahang iuusog ang isang
bead sa susunod na hanay.)
Isa.
(Bibilangin ang mga bead sa ikatlo hanggang ikawalong hanay.)
Isa. Dalawa. Tatlo. Apat. Lima. Anim. Pito. Walo. Siyam. Sampu.
Labing-isa. Labindalawa. Labintatlo. Labing-apat. Labinlima. Labing-
anim. Labimpito. Labingwalo. Labinsiyam. Dalawampu. Dalawampu’t
isa. Dalawampu’t dalawa. Dalawampu’t tatlo. Dalawampu’t apat.
Dalawampu’t lima. Dalawampu’t anim. Dalawampu’t pito.
Dalawampu’t walo. Dalawampu’t siyam. Tatlumpu. Tatlumpu’s isa.
Tatlumpu’t dalawa. Tatlumpu’t tatlo. Tatlumpu’t apat. Tatlumpu’t
lima. Tatlumpu’t anim. Tatlumpu’t pito. Tatlumpu’t walo. Tatlumpu’t
siyam. Apatnapu. Apatnapu’t isa. Apatnapu’t dalawa. Apatnapu’t
tatlo. Apatnapu’t apat. Apatnapu’t lima. Apatnapu’t anim. Apatnapu’t
pito. Apatnapu’t walo. Apatnapu’t siyam. Limampu. Limampu’t isa.
Limampu’t dalawa.
(Tititigan ang mga bead.)
Limampu’t dalawang pito.
(Dahan-dahang mag-uusog ng isang bead sa kasunod na hanay.)
Isa.
(Bibilangin niya ang mga bead sa huling tatlong hanay.)
Isa. Dalawa. Tatlo. Apat. Lima. Anim. Pito. Walo. Siyam. Sampu.
Labing-isa. Labindalawa. Labintatlo. Labing-apat. Labinlima. Labing-
anim. Labimpito. Labingwalo. Labinsiyam. Dalawampu. Dalawampu’t
isa. Dalawampu’t dalawa. Dalawampu’t tatlo. Dalawampu’t apat.
Dalawampu’t lima. Dalawampu’t anim. Dalawampu’t pito.
Dalawampu’t walo. Dalawampu’t siyam. Tatlumpu.

48
PURGADO (Cleansed) ni Sarah Kane

Tatlumpung limampu’t dalawang pito.


(Titingnan si Grace.)
Tatlumpung limampu’t dalawang pito.
Gracie?

Grace (walang tugon)

Maghuhubad si Robin ng tights (yung dating kay Grace) at gagawin itong


pambigti.
Kukuha siya ng upuan at tutungtungan ito.
Ijajabit niya ang pambigti sa kisame saka isusuot doon ang kaniyang ulo.
Tatayo siya nang ilang saglit nang tahimik.

Robin Grace.
Grace.
Grace.
Grace.
Grace.
Grace.
Parang awa mo na, Miss.

Mahahatak ang upuang tinutungtungan ni Robin.


Pipiglas siya.
Nanonood si Tinker.

Graham Namamatay siya, Grace.

Grace (hindi tutugon)

Titingnan ni Graham si Robin.


Titingnan ni Robin si Graham – makikita niya siya.
Habang nasasakal, iaabot ni Robin kay Graham ang kaniyang kamay.
Kukunin ito ni Graham.
Saka aakap sa mga paa ni Robin at hihila.
Mamamatay si Robin.
Mauupo si Graham sa ilalim ng nakalambiting mga paa ni Robin.
Tutungo si Tinker kay Grace saka kukunin ang kamay nito.

49
PURGADO (Cleansed) ni Sarah Kane

Tinker Mag-good night ka na sa kanila, Gracie.

Aakayin niya siya paalis.


Mauupo nang walang-kilos si Graham sa ilalim ng umuugoy na katawan ni
Robin.

Tagpo 18

Sa Puting Kuwarto.

Nakahiga nang walang-malay si Gracie sa isang kama.


Nakahubad siya liban sa masikip na strapping sa kaniyang ari at dibdib, at dugo
kung saan dapat ang kaniyang mga suso.
Sa tabi niya, nakahiga nang walang-malay si Carl. Nakahubad siya liban sa
naduguang bendang nakabalot sa kaniyang bayag.
Nakatayo si Tinker sa pagitan nilang dalawa.
Tatanggalin ni Tinker ang benda ni Grace saka pupurbahan ang ari niya.
Kikislot si Grace.

Grace N–N–

Tinker ‘Yan ang gusto mo, ‘di ba? Sana –

Grace N–N–N–

Tutulungan ni Tinker si Grace bumangon saka aakayin siya sa harap ng


salamin.
Papasok si Graham.
Tutuon si Grace sa salamin.
Magbubukas siya ng bibig.

Graham Tapos na.

Tinker Ang pogi.

50
PURGADO (Cleansed) ni Sarah Kane

Para kang kapatid mo.


Sana e –
‘Yan ang gusto mo ‘di ba?

Grace (hahawakan ang tinahi niyang uten)


N–N–

Tinker Nagustuhan mo ba?

Grace N–

Tinker Masasanay ka rin d’yan.


‘Di na kita puwedeng tawaging Grace,
Tatawagin kitang...Graham. Graham na ang tawag ko sa ‘yo.
(Akmang aalis.)

Graham Tinker.

Tinker (pipihit at titingin kay Grace)

Grace } Naramdaman ko.


Graham }

Tinker Patawad. Hindi ako doktor.

(Hahalikan niya nang malamyos.)

Tinker } Paalam, Grace.


Graham }

Parehong tatalikod paalis sina Tinker at Graham.


Aalis na nga sila.
Tititig sa salamin si Grace.
Magtutuwid ng upo si Carl at magbubuka ng bibig.
Titingnan niya si Grace. Titingnan naman siya nito.
Itatangis ni Carl ang isang piping hiyaw.

51
PURGADO (Cleansed) ni Sarah Kane

Tagpo 19

Sa Kuwartong Itim.

Papasok si Tinker at uupo.


Ikakasa niya ang mekanismo.
Bubukas ang takip.
Nagsasayaw ang Babae.
Titigil siya at uupo.

Babae Hello, Tinker.

Tinker Hello, my love.

Babae Kamusta ka?

Tinker Wala na siya.

Babae Sino?

Katahimikan.

Babae Puwede ba kitang halikan?

Tinker (ngingiti)

Bubuksan ng Babae ang partisyon saka tatawid sa kinalalagyan ni Tinker.


Hahalikan niya ito.
Mag-aatubili si Tinker.
Hahalikan niya muli.
Hahalikan din siya ni Tinker.
Tutungo si Tinker.

Tinker Nalilito ako.

52
PURGADO (Cleansed) ni Sarah Kane

Babae Alam ko.

Tinker Parang –
‘Di ko yata naintindihan.

Babae Alam ko. Ang ganda mo.

Tinker Si Grace –

Babae Alam ko. Mahal kita.

Magkakatinginan sila.
Hahalikan siya ng Babae.
Tutumbasan niya ito.
Maghuhubad ng pang-itaas ang Babae.
Titingnan niya ang mga suso ng Babae.
Isusubo niya ang kanang dede ng Babae.

Babae Iniisip kita tuwing...


At sana ikaw na lang nung...

Tinker (aatras at titingin sa kaniya)


Ito na’ng pinakamasarap na dyogang nakilala ko.

Babae Magtalik tayo, Tinker.

Tinker Sigurado ka?

Babae Magtalik tayo.

Pareho silang maghuhubad, nakamasid sa isa’t isa.


Tatayo silang nakahubo at pupurbahan ang katawan ng isa’t isa.
Dahan-dahan silang magyayakap.
Magsisimulang silang magtalik nang mabagal na mabagal.

Babae (maiiyak)

53
PURGADO (Cleansed) ni Sarah Kane

Tinker (titigil) Ayos ka lang? Puwede namang –

Babae Hindi, hindi –

Tinker Masakit ba gusto mo itigil ko?

Huhugot siya – ngunit kakapit sa kaniya ang Babae.

Babae Dito ka lang. Dito.


Mahal kita.

Magtatalik silang muli, malumanay na malumanay.


Maiiyak si Tinker.
Didilaan ng Babae ang mga luha niya.

Babae Ang sarap ng titi mo, Tinker


Ang sarap ng titi mo sa loob ko, Tinker
Kantutin mo ‘ko, Tinker
Sige pa, sige pa, sige pa
Iputok mo sa loob
Mahal kita, Tinker

Tinker (makakaraos)
Patawad.

Babae Hindi.

Tinker ‘Di ko kayang –

Babae Alam ko.

Tinker Kantutin mo ‘ko Kantutin mo ‘ko Kantutin mo ‘ko Mahal kita Mahal
kita Mahal kita bakit ka dumating?

Babae (tatawa) Alam ko. Kasalanan ko.

54
PURGADO (Cleansed) ni Sarah Kane

Tinker Hindi –

Babae Ayos lang.


Mahal kita.
Marami pang oras.

Magkakahawak sila, nakapasok si Tinker sa loob ng Babae, walang gumagalaw.

Babae Nandito ka ba?

Tinker Oo.

Babae Ngayon.

Tinker Oo.

Babae Kasama ko.

Tinker Oo.

Puwang.

Tinker Ano’ng pangalan mo?

Babae Grace.

Tinker Hindi, ibig kong sabihin –

Babae Alam ko. Grace nga.

Tinker (ngingiti) Mahal kita, Grace.

Tagpo 20

Sa putikan sa may bakuran.

55
PURGADO (Cleansed) ni Sarah Kane

Umuulan.
Magkatabing nakaupo sina Carl at Grace.
Ngayon, kamukhang-kamukha at katunog na katunog ni Grace si Graham. Suot
niya ang damit ni Graham.
Suot ni Carl ang damit ni Robin, ibig sabihin yung (pambabaeng) damit ni
Grace.
May dalawang daga, isang ngumangatngat sa mga sugat ni Grace/Graham, at
yung isa sa mga sugat ni Carl.

Grace/Graham Perpektong katawan.


Buong araw akong tambutso sa paninigarilyo pero ang ganda ng
sayaw ko ‘di mo akalain.
Ginawa na ba nila?
Namatay.
Sinunog.
Kimpal ng karneng sunog na hinubaran ng damit.
Nabuhay mag-uli.
Ba’t ba wala kang imik?
Minahal
Ako
Marinig ang boses o mahuli ang ngiti pagkabaling sa salamin Hayop
ka ba’t mo ‘ko iniwan nang ganito
Naramdaman ko.
Dito. Sa loob. Dito.
At ‘pag hindi ko maramdaman, walang kuwenta.
Iniisip kong bumangon walang kuwenta.
Iniisip kong kumain walang kuwenta.
Iniisip kong magdamit walang kuwenta.
Iniisip kong magsalita walang kuwenta.
Iniisip kong mamatay tangina walang kakuwenta-kuwenta.
Dito ngayon.
Ligtas sa kabilang dako at dito.
Graham.
(Mahabang katahimikan.)
Dito ka lang lagi.
Salamat, Dok.

56
PURGADO (Cleansed) ni Sarah Kane

Titingnan nina Grace/Graham si Carl.


Umiiyak si Carl.

Grace/Graham Tulungan mo ‘ko.

Iaabot ni Carl ang kaniyang kamay.


Hahawakan nina Grace/Graham ang kaniyang pinagputulan ng kamay.
Titingalain nila ang langit, iiyak si Carl.
Titigil ang ulan.
Susungaw ang araw.
Ngingiti sina Grace/Graham.
Liliwanag at liliwanag ang sikat ng araw, lalakas at lalakas ang langitngit ng mga
daga, hangga’t sa nakakabulag na ang ilaw at nakakabingi ng ingay.
Kadiliman.

WAKAS

3/9/17
Ateneo Senior High School,
Katipunan, Lungsod Quezon

57

You might also like