You are on page 1of 3

Pagbabago Sa Gitna ng

Kalamidad
ni: Margie M. Macaraig
Batid ng lahat na may paparating na bagyo sa kanilang lugar, ayon pa sa balita ito raw
ang magiging pinakamalakas na bagyo na papasok sa bansa kaya naman si Miya ay makikitang
abalang-abala sa paghahanda samantalang ang kanyang kapatid na si Odette ay nakaupo
lamang habang naglalaro sa kanyang cellphone.

Si Miya at Odette ay kambal. Sila ay ulila na sa kanilang mga magulang. Nasa edad 18 na
ang dalawa. Bagaman kambal, magkaibang magkaiba ang ugali ang dalawa, si Miya ay masipag
at maasikaso, lagi rin siyang handa sa lahat ng bagay lalo na tuwing mababalitaan niyang may
mga kalamidad na paparating sapagkat ito ang naging sanhi ng pagkamatay ng kanilang mga
magulang kaya naman mula noon ay pinangako niya sa sarili na hindi na siya magpapabaya. Sa
kabilang banda naman ay talagang kabaligtaran ng ugali ni Miya ang ugali ng kanyang kakambal
na si Odette. Tamad ito, walang paghahanda at walang ibang ginagawa sa bahay kundi ang
maglaro sa cellphone. Ang magkapatid ay kasalukuyang naninirahan sa isang iskwater area sa
Maynila. Hindi ganoong katibay ang kanilang tirahan, gawa ito sa tagpi-tagping yero na
madaling malipad ng hangin kaya naman kahit hirap sap ag-akyat sa bubong ay nagpumilit si
Miya para malagyan ng pampabigat upang hindi matangay ng hangin. “Odette, maaari mob a
akong tulungan? Pakiabot naman ng gulong ilalagay ko lamang dito sa taas”.utos niya sa
kapatid na ngayon ay abalang-abala sa kanyang cellphone. “Odette, naririnig mo ba ako?” ang
ulit niya sa kapatid subalit tila wala pa ring naririnig ang tamad niyang kapatid kaya wala siyang
ibang nagawa kundi ang bumaba at kumusang kuhanin ang mga gulong. Sa wakas ay maayos
niyang nailagay ang mga gulong sa kanilang bubong.

Pagkatapos nang maghapong pag-aayos ng bahay ay pagod na naupo si Miya at tila


napansin siya ng kanyang kakambal” Miya, alam mo wag mong masyadong takutin ang sarili
mo, bagyo lang yun. Huwag kang magpapaniwala sa mga balitang nababasa at naririnig mo.
Baka mapagaya na naman iyan noong nakaraan, sinabi mo na malakas ang paparating na
bagyo subalit napakataas naman ng araw noon”.Napatingin si Miya sa kapatid na ngayon ay
hawak pa rin ang cellphone. “Odette, hindi ka man lamang ba nadadala sa nangyari sa ating
mga magulang? Namatay sila dahil sa malakas na bagyo na tumama sa lugar natin noon. Ayoko
lamang maulit ang mga ganoong pangyayari sa ating dalawa”. Natigilan si Odette , tumayo at
tinungga ang kapeng nasa lamesa “ Natatandaan ko ang lahat ng mga pangyayaring iyon subalit
nakaraan na ang lahat Miya, hindi na mauulit iyon at hindi na rin maibabalik pa ang buhay ng
ating mga magulang” ani Odette habang tumutulo ang luha sa kanyang mga mata na tila
nagugunita ang nakaraan. Matapos ang pag-uusap na iyon ay nanaig ang katahimikan sa buong
bahay. Tumayo si Miya at binuksan ang telebisyon upang sumagap ng mga bagong balita
hinggil sa bagyo.
“ Mag-ingat po tayong lahat sapagkat nakataas na ang tropical cyclone signal no. 4 sa
buong Maynila sa mga oras na ito, inaasahan ang pag-landfall ng bagyong ito bukas”, ito ang
nabungaran ni Miya pagkabukas niya ng telebisyon. Kakaibang kaba ang kanyang nadama na
waring tinatambol ang kanyang dibdib sa hindi niya maipaliwanag na dahilan samantalang ang
kanyang kapatid na si Odette ay napatingin sa pinapanood ng kapatid at ipinagkibit balikat
lamang ang narinig. Pumasok ito sa kanyang silid at natulog habang si Miya ay dali-daling
inayos ang mga damit at ano mang oras na sila ay palilikasin ay handa siya.

Kalagitnaan ng gabi habang mahimbing na natutulog ang lahat ng mamamayan sa


Maynila ay biglang bumuhos ang ulan na may kasabay na hangin. Kinakalampag ng hangin ang
bubong ng tirahan ng kambal kaya naman nagising si Miya.” Odette, gising ! lumalakas na ang
ulan at anumang oras ay maaaring liparin na rin an gating bubong. Bumangon ka at ihanda ang
iyong mga damit at tayo ay pupunta sa evacuation center”. Hindi naman nabigo si Miya at
nagising si Odette. “ Ano ba naman Miya, napakahimbing ng tulog ko ginising mo ako. Kung
gusto mong umalis ay ikaw na lamang, ayokong mag-ayos ng mga damit ko at hindi naman
lalakas ang ulan na iyan, narinig ko kanina sa pinapanood mon a bukas pa darating ang sinasabi
mong bagyo.” ang pagmamatigas ni Odette. Maya-maya pa ay dumating ang mga taga
barangay at sinundo ang mga residente sa lugar ng kambal. Nagbahay-bahay ang mga ito at
pinalilikas na ang mga residente dahil sa parating na bagyo na maglalandafall sa kanilang lugar.
“Odette, sumama ka na sa akin kailangan na nating lumikas papalakas na ang hangin at
ulan”muling pagpupumilit ng kapatid kay Odette subalit nagmamatigas pa rin ito kaya naman
walang nagawa si Miya kundi ang iwan ang kapatid sa kanilang bahay.

Bumalik sa pagtulog si Odette nang makaalis ang kapatid na si Miya. Maya-maya’y


umihip ang malakas na hangin at biglang nawalan ng suplay ng kuryente kaya naman nagising
si Odette. Naghanap siya ng kandila subalit wala siyang makita. Ginamit niya ang kanyang
cellphone para magbigay liwanag subalit paubos na rin ang baterya nito dahil ginamit niya sa
paglalaro at nakalimutang i-charge. “Tila tama ang sinabi ni Miya na lalakas ang ulan at hangin
ngayong gabi” ang nasambit niya sa sarili ng biglang bumuhos ang napakalakas na ulan.
Kinakalampag ng hangin ang kanilang bubong at nagsisimula na rin ang pagpasok ng tubig-
baha sa kanilang bahay. Hindi na alam ni Odette ang kanyang gagawin kaya naman dali-dali
siyang nag-ayos ng kanyang mga damit subalit basa na ang lahat ng mga ito. Lumilipad na ang
ilang bahagi ng bubong ng kanilang bahay na hindi nalagyan ni Miya ng pampabigat. Doon ay
naisip niya na kung tinulungan niya ang kapatid marahil ay nalagyan lahat ng pampabigat na
gulong ang kanilang bubong.Basang-basa na siya at wala siyang ibang magawa kundi panoorin
ang pagtaas ng tubig na pumapasok sa loob ng bahay at ang paglipad ng mga bubong. Umiiyak
siya at nagbalik sa kanyang alaala ang sinapit ng kanyang mga magulang dahil din sa bagyo.
Bata pa lamang sila ni Miya noong nangyari iyon, ibinalita sa telebisyon na may malakas na
bagyong paparating subalit hindi nakapaghanda ang kanilang pamilya kaya naman noong
lumakas ang ulan ay nadala ng baha ang kanilang mga magulang na nagging sanhi ng
kamatayan ng mga ito. “ Tama nga si Miya, hindi ako natututo sa mga naranasan naming noon,
buti na lamang at lumikas na siya kundi ay kasama ko siya ngayon na nagdurusa rito dahil sa
hindi pagiging handa at pagiging tamad”, usal ni Odette habang patuloy ang pagtulo ng luha sa
mga mata.Despereda na siya at hindi na alam ang gagawin . Umusal siya ng panalangin.
“Panginoon, makaligtas lamang po ako sa kalamidad na ito pinapangako kop o sa inyo na
magbabago na ako”. Dahil sa sobrang lamig, ay nawalan ng malay si Odette subalit bago iyon ay
may naaninag siyang ilaw at anino na papalapit sa kanya.

Nagising si Odette sa malakas na busina,iginala niya ang kanyang mga mata sa lugar na
kinaroroonan niya. “ Parang pamilyar ang lugar na ito, nasa paaralan ba ako ?Anong ginagawa
ko rito ? Paano ako nakapunta rito?” sunod na sunod na tanong niya sa sarili. Ilang sandali pa ay
lumapit sa kanyang ang kakambal na si Miya na may dalang mainit na sopas. “Heto Odette,
kumain ka muna” sabay abot sa dalang mangkok. “ Paano ako nakarating ditto Miya? Sa
pagkakatanda ko ay naiwan ako sa bahay at halos kalahati na ng katawan ko ang baha , paano
nangyaring narito ako ngayon?”. Nakangiting sumagot si Miya “ sa tingin mo ba ay pababayaan
kita? Sumama ako sa evacuation center na ito subalit noong lumakas ang hangin at ulan ay
hindi ako mapakali kaya humingi ako ng tulong kay kapitan, hindi naman ako nabigo at
sinamahan nila ako pabalik sa bahay at doon ay nakita ka naming, buti na lamang daw ay sakto
ang aming dating sapagkat nawalan ka na ng malay at kung hindi agad kami nakarating
malamang ay inanod ka na ng tubig-baha”. Bakas sa mukha ni Odette ang pasasalamat sa
kapatid, hindi na siya umimik pa at niyakap na lamang ng mahigpit si Miya.

Makaraan ang isang linggo,nabalitaan ni Odette na may paparating na naming bagyo.


“ Miya, halika maghanap tayo ng gulong at bumili ng pagkain, nabalitaan kong may paparating
na bagyo” wika ni Odette na ikinabigla ni Miya subalit sa kaibuturan ng kanyang puso ay
nagagalak siya sapagkat ang kanyang kapatid ay tila natuto na sa kahalagahan ng pagiging
handa lalo sa panahon ng kalamidad. “ O sige Odette,halika at mamili muna tayo ng
pagkain”masayang sagot ni Miya sa kapatid. At nang dumating ang bagyo, hindi napinsala ang
bahay ng kambal at mula noon ay lagi na nilang pinaghahandaang magkapatid ang anumang
kalamidad na dumarating.

You might also like