You are on page 1of 25

MODYUL SA FILIPINO 1

RETORIKA: MASINING NA PAGPAPAHAYAG


(Modyul 7)

Raquel R. Alaman, PhD


Asst. Prof. 4

PAMANTASAN NG SILANGANING PILIPINAS


Pamantasang Bayan, Hilagang Samar
Linggo
APAT NA PARAAN NG PAGPAPAHAYAG: PAGSASALAYSAY,
13-15
PAGLALARAWAN, PAGLALAHAD, PANGANGATWIRAN

Binabati kita sapagkat maluwalhati mong natapos ang nakaraang modyul. Ngayon
naman, panibagong modyul ang iyong haharapin na siyang gagabay sa iyong
pagkatuto. Makababasa ka ng mga tekstong hahamon sa iyong kakayahang mag-isip,
magsuri at magsulat/kumatha. Huwag kang mabahala sapagkat ang modyul na ito ay
sadyang inihanda para sa iyong pagkatuto kaya simulan mo na!

Ano ang matututunan mo?

Game ka na ba?
Magkasama na naman tayo sa modyul na ito!
Pumalakpak ka muna ng 3 beses bago magsimula.
Ngayon ay handa ka na sa mga bagong aralin. Sa
modyul na ito inaasahang:
1. Mabatid ang apat na paraan ng pagpapahayag.
2. Matukoy ang mga uri ng pagsasalaysay,
paglalarawan, paglalahad at pangangatwiran.
3. Masuri ang mga pahayag/talata ayon sa apat na
paraan ng pagpapahayag.
4. Mailahad ang pagkakaiba ng sanaysay na pormal at
di-pormal, karaniwan at masining na paglalarawan.
5. Makasulat ng isang sanaysay na di-pormal at
sulating naglalarawan .
6. Mapahalagahan ang apat na paraan ng
pagpapahayag.

1
Ngunit bago mo simulan ang mga gawain sa modyul na ito, gusto ko munang alamin
ang iyong kaalaman sa pamamagitan ng pang-unang pagsusulit. Huwag kang mag-
alala kung mababa man ang iyong makuha. Ang layunin ko lamang ay masukat ang
iyong kaalaman sa mga araling iyong kakaharapin sa modyul na ito. Kaya‟t maging
matapat ka sana sa iyong pagsagot.
Maaari ka nang magsimula.

Ano na ang alam mo?

Ipaliwanag:
a. Layunin ng pagsasalaysay
b. Layunin ng paglalarawan
c. Layunin ng paglalahad
d. Layunin ng pangangatwiran

P▪agsasalaysay, Dalawang Uri ng Salaysay,


ARALIN 1

ARALIN 1. Pagsasalaysay
●Isang uri ng pagpapahayag o diskors na ang layon ay magkwento. Ito ay
pagpapahayag nang magkakasunod at magkakaugnay na mga pangyayaring
pinagagalaw nang paunlad tungo sa isang tiyak na katapusan. Ang pagsasalaysay
ay ang pinakamatandang anyo ng pagpapahayag. Nagsimula ito mula pa sa mga
unang araw na natutong magkwento ang isang bata. Sinundan ito ng mga
kwentong-bayan, awiting-bayan, alamat, epiko at marami pang iba.
●Ang batayan nito‟y maaaring mga sariling karanasan, mga pangyayaring
napakinggan, narinig, nakita, nasaksihan, napanood, nabasa, natunghan o
nabalitaan. Maaari ring magkwento ng mga likhang-isip lamang.
Katangian ng Mahusay na Salaysay
1. Mabuting pamagat
a. maikli
b. kawili-wili o kapana-panabik
c. nagtatago ng lihim o hindi nagbubunyag ng wakas
d. orihinal o hindi palasak
e. hindi katawa-tawa, kung ang komposisyon ay wala namang layuning
magpatawa
f. may kaugnayan o naaangkop sa paksang-diwa ng komposisyon.
2
2. Mahalagang paksa
3. Wastong pagkakasunod-sunod ng mga pangyayari
a. Simula
b. Gitna
c. Wakas

Ang iba naman ay gumagamit ng flashback o ang paraang pabalik na tulad


nito:

a. Gitna o dakong wakas


b. Nagbabalik sa simula sa pamamagitan ng paggunita o pag-aalala
c. Wakas
4. Mabuting simula
Ang simula, upang maging mabuti ay kinakailangang maging kawili-wili. Bukod
sa pamagat, ito ay pang-akit din sa mga mambabasa. Nagsisilbi itong pwersang
tumutulak sa mga mambabasa upang ipagpatuloy ang pagbabasa.
Ang simula ay nararapat lamang na maging tiyak at tuwiran. Simulan sa
simula, ang payo ng maraming manunulat. Aksyon agad, ika nga. Hindi na kailangan
ang mga maliligoy na introduksyon tulad ng Noong unang panahon… Isang araw,
habang…, Minsan, may isang… at Ang kwentong ito ay tungkol sa…, Ang mga
ganitong simula ay paso na!
5. Mabuting wakas
Iwasan ang mga prediktabol na wakas. Hangga‟t magagawa, lagyan ng twist
na makatwiran ang narasyon. Iwasan din ang maligoy na wakas. Pagkatapos na
pagkatapos ng kasukdulan o klaymaks, kailangang isunod na agad ang wakas. Hindi
na rin kailangan ng paliwanag sa pagwawakas.
Iwasan din ang pangangaral sa wakas. Hindi na napapanahon ang ganitong
istilo. Makabubuti kung ipinapahiwatig na lamang ang pangyayari sa wakas.
Magagawa ito sa pamamagitan ng matalino at maingat na paggamit ng mga
simbolismo at pahiwatig.

Dalawang Uri ng Salaysay

1. Salaysay na Nagpapabatid
Salaysay ito na isinusulat upang maghatid ng kaalaman sa mga mambabasa.
A. Salaysay na nagpapaliwanag – Ito ay nagpapaliwanag sa paraang
nagkukwento.
Halimbawa nito ang pag-uusap ng isang mag-aaral at isang negosyante na
nagkukulay ng mga sisiw o ibon upang ibenta. Ipinaliliwanag ng negosyante ang
mga paraan sa pagkukulay ng mga sisiw at ibon na parang nagkukwento lamang.
B. Salaysay ng Nakaraan – Ito ay mga karanasang napatangi dahil kakaiba at
hindi malilimutan. Halimbawa nito ang hindi inaasahang baha na dulot ni Habagat
na nagbunga ng malaking pinsala sa maraming lugar.
C. Salaysay ng Pangyayari – Ito ay mga pangyayari sa buhay natin sa araw-
araw na maaaring nakatutuwa, nakalulungkot, nakaaasar, nakatatakot at iba pa.

3
D. Salaysay ng Pakikipagsapalaran – Ito ay maaaring magbunga ng
kapahamakan sa tauhan. Ang mga pangyayari rito ay nakagugulat at lubhang
mapanganib subalit kaakibat nito ang katagumpayan o kasawian. Halimbawa nito
ang salaysay ng mga kababayan natin na nangingibang-bansa.
E. Salaysay na Patalambuhay – Ito ay tungkol sa mga pangyayari sa buhay ng
isang tao mula sa pagkasilang hanggang sa kanyang pagpanaw. Ang mga
nagawa niya na naging daan ng kanyang tagumpay o kasawian ay malinaw na
ihahayag. Halimbawa nito ang buhay ng ating pambansang bayaning si Dr. Jose
Rizal.
F. Kathang Salaysay – Kabaligtaran ito ng anekdota na kung saan nasa tauhan,
tagpuan at himig ang kawilihan ng salaysay na ito.
G. Salaysay ng Paglalakbay – Ito ay mga pangyayari sa napuntahang lugar.
Halimbawa nito ang mga karanasan sa mga lakbay-aral.
H. Salaysay na Pangkasaysayan –Kailangang tiyak ang mga detalye ng
salaysay na ito. Marami sa ating kasaysayan ang maaaring piliin upang maging
paksa ng salaysay na ito.
2. Masining na salaysay
Salaysay ito na isinusulat upang makaaliw ng mambabasa. Tinatawag din itong
maikling kwento.
Mga Uri ng Maikling Kwento

A. Kwento ng Pag-ibig – Ito ay pag-iibigan ng mga pangunahing tauhan.


B. Kwento ng Katatakutan – Ito ay kakikitaan ng mga nakakatakot na mga
pangyayari o nakakatakot na mga nilalang.
C. Kwento ng Talino – Sinisikap nitong pasukin ang isip ng mambabasa upang
makaisip ng solusyon sa problemang inihayag sa kwento.
D. Kwento ng Pagkakataon – mga kwentong napapanahon katulad ng Pasko,
Bagong Taon, Araw ng mga Puso, Araw ng mga Patay at Mahal na Araw.
E. Kwento ng Katatawanan – magaan ang mga pangyayari sa kwentong ito.
Nagdudulot ito ng labis-labis na tuwa sa mambabasa na nakagaan
sa pakiramdam.
F. Kwento ng Kababalaghan – kwento ng mga hindi kapani-paniwalang
pangyayari.
G. Kwento ng Madulang Pangyayari – kwento ito ng mga madudulang
pangyayari nang iyakan, tawanan at aksyon.
H. Kwento ng Tauhan – Ukol ito sa pangunahing tauhan kung paano
niya mabibigyang solusyon ang suliraning kinakaharap.
I. Kwento ng Katutubong Kulay – Ito ay mga pangyayari tungkol sa isang lugar
at ang paraan ng pamumuhay ng mga tao rito.
J. Kwento ng Kapaligiran – kwento ng mga pangyayari sa ating komunidad
at pamahalaan.

Ngayong nabatid mo ang tungkol sa kahulugan ng pagsasalaysay at dalawang


uri ng pagsasalaysay at mga uri nito, handa ka na bang sagutin ang susunod na
gawain? Isaalang-alang mo ang iyong natutunan. Masasagot mo iyan!

4
Aralin 1. Mga Pagsasanay
Gawain 1
A. Isulat sa patlang kung anong uri ng maikling kwento ang mga sumusunod:

_______1. Isinalaysay ni Arnel sa kanyang asawa ang mga kaibigan niyang


duwende.
_______2. Naguluhan si Tom Sheen sa binasang kwento dahil sa magkahalong
suliraning inilahad nito. Sa kabila nito ay sinikap niya itong tapusin
at bigyan ng sariling solusyon ang mga suliraning inilahad.
_______3. Inihalintulad ni G. Rosales ang pamamaraan ng pamumuhay at
paniniwala
wala ng mga tao sa Amerika at Pilipinas bilang bahagi ng kanyang
pananaliksik.
_______4. Binihisan at pinamukhang kabayo si Roderick Paulate sa kanyang
pagganap sa isang pelikula.
_______5. Ninais ng pamilya Cruz na makapunta sa Canada dahil sa walang tigil na
korapsyon, bangayan at hindi magandang sistema ng pamamahala.

B. Kilalanin kung anong uri ng salaysay na nagpapabatid ang mga sumusunod:

_______1. Isinalaysay ng mga OFW ang hindi kanais-nais na sinapit sa loob


ng dalawang taon sa ibayong - dagat.
_______2. Masayang nagsalaysay si Mara sa kaniyang mga magulang tungkol sa
kanilang lakbay-aral sa Calbayog at Tacloban.
_______3. Ipinaliwanag ng guro ang mga paraan sa paggawa ng ipapasang
proyekto
ng mga mag-aaral na paraang nagkukwento lamang.
_______4. Hindi matiis na hindi sabihin ni Elena sa kanyang ina ang nangyari
ng pagpapahiya sa kanya ng kanyang boss.
_______5. Sinariwa ni Lolo Jose ang mga pangyayari noong panahon ng mga
hapon hanggang sa makamit ng bansa ang kalayaan.

C. Basahin ang pagsasalaysay na pinamagatang “Budol-Budol” at sagutin ang mga


katanungan sa ibaba.
BUDOL-BUDOL

Si Lyn, ang aking kaibigan ay kasalukuyang nagpapaayos ng kanilang


tahanan kaya siya ay abalang-abala.

Isang araw, nasalubong niya ang isang babaeng nagpakilalang dati niyang
estudyante, Si Alma. Sa kanilang pag-uusap, sa hindi malamang dahilan isinama
niya si Alma sa kanilang tahanan. Ibinigay niya kay Alma ang isang balumbong ng
alahas. Hindi pa siya nasiyahan, isinama pa niya si Alma sa bangko, naglabas ng
pera at ibinigay kay Alma. Bilang kapalit, binigyan siya ni Alma ng isang supot na
papel na punong-puno ng pera.
5
Pag-uwi niya ng tahanan, nagluto pa siya ng asadong manok para kay Alma
at mga kasama nito, sa pangakong babalik. Subalit dumilim na ay hindi pa
dumadating ang kinasasabikang kaibigan.

Nakatulog siya nang gabing iyon, mahimbing na mahimbing at may ngiti pa sa


labi. Pagkagising kinaumagahan, madali niyang binuksan ang supot. Ganoon na
lamang ang kanyang panlalambot nang makitang puno ng bato ang supot na ang
alam niya ay puno ng pera. Doon niya nalamang siya ay nabudul-budol.

Sagutin nang buo ang mga sumusunod:

1. Ano ang ibig sabihin ng Budol-Budol? Mabisa ba ang pamagat? Bakit? (5 puntos)
2. May aral ka bang napulot dito? Ipaliwanag. (5 puntos)

ARALIN 2 Paglalarawan, Uri ng Paglalarawan

ARALIN 2. Paglalarawan

●Isang uri ng pagpapahayag na may layuning bumuo ng isang hugis o anyo ng tao,
pook, pangyayari sa pamamagitan ng mga angkop at piling-piling salita. Tulad
ng pintor, lumilikha ang manunulat ng larawan sa pamamagitan ng salita.

Dalawang Uri ng Paglalarawan

1. Karaniwang Paglalarawan – Ito‟y paglalarawan na ayon lamang sa nakikitang


pisikal na anyo ng tao, bagay, pook o pangyayari.

Halimbawa: matandang babae


malamig na panahon
pulang payong
matamis na kakanin

Halimbawa ng Karaniwang Paglalarawan

a. Lugar
Bayan ng San Pedro

Ang bayan ng San Pedro ay maunlad. Maluwang at sementadong daan ang


bubungad sa pagpasok sa bayang ito. Malalaking pagawaan ang nasimulan sa lugar
na ito. Maraming trabaho ang maaaring pasukan ng mga mamamayan. Masipag na
kapitan ang namumuno sa kanila. May pagkakaisa ang mga tao dahil nakikita nila
ang magandang halimbawa sa punong barangay. Masisipag sila sa lahat ng mga
gawain. Ang kanilang mga naipundar na bahay ay malalaki at matitiba

6
Titser Chona

Maraming magagaling na guro sa aming lugar. Iba‟t ibang asignatura ang


kanilang itinuturo. Si titser Chona ay nagtuturo ng Ingles, si Titser Gelita ay
Edukasyong Pagpapahalaga, si Titser Alma ay Matematika, at si Titser Adeline ay
Araling Panlipunan. Sa kanilang lahat, si titser Chona ay higit na kilala at natatangi.
Isa siyang huwarang guro.

Mahusay at matalino si Titser Chona. Nakatapos siya ng kursong pagkaguro


sa isa sa pinakakilalang dalubhasaan sa bansa. Siya pa ang nakakuha ng
pinakamataas na karangalan sa kanilang pagtataposkaya masaganang salu-salo
ang inihanda para sa kanya ng kanyang natutuwang mga magulang. Natutuwa rin
ang mga nakisalo sa munting handaan.

Mapalad si Titser Chona dahil unang taon pa lamang ng kanyang pagtuturo ay


kinilala na siya bilang pinakamahusay na tagasanay ng mga mag-aaral na
lumalahok sa iba‟t ibang pamantasan sa larangan ng pagbigkas. Masipag siya sa
kanyang pagtuturo. Matapat niyang ginagawa ang kanyang mga tungkulin.

Bukod sa mga nabanggit na katangian ni Titser Chona, mahusay rin siyang


makisama sa mga kapwa niya guro at maging sa mga mag-aaral. Madali siyang
pakiusapan at hingian ng tulong. Ito marahil ay dahil pinalaki siyang may takot sa
Diyos.

Higit sa lahat, si Titser Chona ay ulirang asawa at mapagmahal na ina sa


kanyang apat na mababait at matatalinong mga anak.

2. Masining na Paglalarawan
●Ginagamitan ng mga idyoma at tayutay na ang layunin ay mapukaw ang guniguni
ng mambabasa o tagapakinig.

Halimbawa:
hugis-pusong mukha
mala-makopang kutis
kidlat sa bilis

Halimbawa ng Masining na Paglalarawan ng Damdamin

Para akong nasa ikapitong langit nang sumapit ang araw ng aking pakikipag-
isang dibdib. Natitiyak kong kaloob siya ng Poong Maykapal sa aking buhay.
Matagal naming hinintay at pinaghandaan ang mahalagang araw na ito ng aking
kabiyak. Sa mahabang panahon ng aming pagsasama ay dumanas kami ng iba‟t
ibang dagok ng kapalaran. Subalit ito‟y aming napagtagumpayan dahil sa mahigpit
na bigkis ng aming pagmamahalan.

7
At ngayon nga ay biniyayaan kami ng isang malusog na anghel. Tila musika
sa aking pandinig ang kanyang halakhak. Sadyang hindi mapapantayan ang
kaligayahang aming nararamdaman.

Ngayong nabatid mo ang tungkol sa kahulugan ng paglalarawan at dalawang


uri ng paglalarawan at mga uri nito, handa ka na bang sagutin ang susunod na
gawain? Isaalang-alang mo ang iyong natutunan. Masasagot mo iyan!

Aralin 2 Mga Pagsasanay


Gawain 2

A. Sagutin ang mga sumusunod na tanong.

1. Anong uri ng guro si Titser Chona?


2. Ano-ano ang mga katangian ni Titser Chona?
3. Isa-isahin ang mga salitang ginamit sa paglalarawan sa bayan ng San Pedro.
4. Anong uri ng mamamayan ang mga naninirahan sa bayan ng San Pedro?

B. Sumulat ng isang paglalarawan ng isang mahalagang tao sa iyong buhay.10-15


pangungusap.

ARALIN 3 Paglalahad, Uri ng Paglalahad

ARALIN 3. Paglalahad
●Ito ay paraan ng pagpapahayag na naglalayong gumawa ng isang malinaw, tiyak at
walang kinikilingang pagpapaliwanag sa ano mang bagay sa mundo. Ito‟y
pagpapaliwanag sa kahulugan ng isang salita, paraan kung paano gagawin ang
isang bagay, ano ang simulain ng isang samahan at tungkol saan ang teorya.
●Sa mga aklat, peryodiko, artikulo sa magasin na ating nababasa at ensayklopedya,
paglalahad ang malimit gamiting paraan ng pagpapahayag.
Uri ng Paglalahad
1. Pagbibigay Katuturan o Kahulugan – Ito ang pinakakaraniwan at pinakamadalas
gamiting uri ng paglalahad.

A. Katuturang Maanyo – ito ay may tatlong sangkap upang mabigyang


kahulugan
ang isang salita:

a. Pananalita – salitang bibigyang kahulugan


b. Kaurian ng bagay – ito ang kinabibilangan ng salita
c. Kaibahan – ito ang katangiang ikinaiba ng bagay sa mga kauri nito.

8
Halimbawa:
1. Ano ang singsing?
Ang singsing (pananalita) ay isang alahas (kaurian) na isinusuot
sa daliri.
(kaibahan/katangiang ikinaiba sa mga kauri nito).

2. Pagsunod sa Panuto – Ito ay pagbibigay patnubay sa isang paraang


malinaw, payak, maikli at madaling maunawaan. Angkop na angkop ito
sa paggawa ng isang bagay.

3. Pangulong Tudling o Editoryal – ito ay nagsasaad ng kuru-kuro o


damdamin ng patnugot ng pahayagan o magasin. Mababakas ang
katalasan ng isip at damdamin ng editor sa kanyang pangulong tudling.

Mga Uri ng Editoryal

a. Nagpapabatid – nililinaw at ipinaliliwanag nito ang isang isyu.


b. Umaamuki – tinatawagan nito ang suporta ng mambabasa para sa
isang programa, balak o kilos.
c. Nagpapahalaga – ito ay pumupuri o nagpapahalaga sa isang tao, gawain
o institusyon.
d. Nangangatwiran – pumapanig ito sa isang mukha ng isyu at pinaninindigan
iyon sa pamamagitan ng lohikal na pangangatwiran.
e. Komentaryo – ipinaliliwanag nito ang kahulugan ng isang balita kaugnay ng iba
pang mga balita.
f. Pamumuna – pinag-aaralan nito ang kamalian sa pangyayari o kalagayan,
nagmumungkahi ng solusyon at kadalasa‟y nagwawakas sa pagtatanong
ng nararapat na gawin.
g. Nagbabalita – buod ito ng mga pangyayari ukol sa isang paksa. Nagsasaad
ng opinyon ng editor na maaaring hayagan o pahiwatig.
h. Nanlilibang – nagmumungkahi ng isang bagay habang nang-aaliw sa mga
mambabasa
i. Sumasalungat – sinasalungat nito ang opinyon na inihayag ng ibang peryodiko.

Mga Bahagi ng Editoryal

1. Panimula o Introduksyon. Ito ay tinatawag ding news peg. Sa bahaging ito


ipinakikilala ng editor o ng may-akda ang isyung nais niyang talakayin sa buong
editoryal. May mga pagkakataong gumagamit ang manunulat ng mga saligan o
kaligirang pangkasaysayan, mga suliranin, o kaya ay mga proposisyong kanyang
lulutasin sa buong artikulo gamit ang makabuluhan at timbang na mga katwiran.

2. Katawan. Dito nakapaloob ang mahahalagang kuro-kuro ng manunulat na


timbang niyang inilalarawan sa introduksyon. Madalas ay inilalahad sa bahaging ito
ang dalawang panig batay sa paniniwala ng manunulat. Sa katawan binabanggit ang

9
mga katotohanan o facts, mga pigura, istatistika at mga aktwal na pangyayaring
sinusuportahan ng mainam na opinyon, paniniwala, at argumento ng sumulat.

Konklusyon. Sa bahaging ito pinagtitibay ang argumento ng sumulat. Nandito ang


mga pahayag, mungkahi, at ideya ng manunulat na maaaring gumabay sa
mambabasa.

Mga Gabay sa Pagsulat ng Editoryal


a. Gawing maikli, payak at tuwiran ang pagsulat ng editoryal.
b. Sikaping maging matapat sa pagpapahayag.
c. Maging malinaw sa pagpapaliwanag.
d. Hangga‟t maaari ay maglahad ng mga katunayan at hindi puro opinyon lamang.

Halimbawa ng Editoryal

Cybercrime Law, Dapat Amyendahin

Ayon sa Saligang Batas partikular na sa Artikulo 3, Seksyon 4, walang batas


na dapat ipatupad na hahadlang sa kalayaan ng bawat mamamayan sa larangan ng
pamamahayag. Ito ay nararapat sundin at huwag bababuyin sa pamamagitan ng
pagpapasa ng panukalang batas. O kung may naipasa na batas na sasalungat sa
pinakamataas na tuntunin sa bansa na nararapat lamang na amyendahin ito ng mga
mambabatas.

Republic Act No. 10175 o Cybercrime Prevention Act of 2012 kung saan ito ay
naghahayag na iwasan ang paninirang-puri na nagbubunga ng sama ng loob sa
kapwa tao. Ito ay may kinalaman sa pang-aabuso ng tao sa larangan ng
pamamahayag. Bilang kaparusahan nito sa mga lumalabag, sila ay makukulong ng
anim na buwan.

Ito ay patok na isyu lalo na sa facebook kung saan marami ang nabibiktima.
Kahit simpleng gawain tulad ng paglike, pag-comment at pag-share ng isang post ng
iyong kaibigan ay pinagbabawal na. Sapagkat sa pamamaraang ito maiiwasan na
ang masasakit na pahayag at ng hindi maaapektuhan ang kalooban ng tao. Katulad
na rin ito ng pag hack ng isang account, cyber sex maging ang online child
pornography.

Ayon kay Teodoro “Teddy Boy” Lacson, problema ito sapagkat ang pagiging
mahigpit sa paggamit ng kompyuter ay magiging mahirap para sa mga tao sapagkat
iba na ang kanilang nakasanayan at mahirap na sa kanila na mag-adjust para
lamang magawa o matupad ang nasabing batas.

Ngunit ito ay hindi madali sa mga tao upang masunod ang batas sapagkat
ito‟y nagwawalang bahala sa kalayaan nila upang mahayag ang damdamin. Mahirap
man ngunit kailangang isipin na para lamang ito sa kabutihan ng lahat.

10
Ang cyberbulliying ay masasabi na nating ito ay nangyayari ng hindi sa oras.
Sa larangan ng mga text messages, emails at mga account, pwede naman itong
maiwasan sa ibang paraan kung saan mayroon pa ring kalayaan ang tao sa
pagpapahayag kayat mas mainam na ibasura ang panukalang batas na ito at pailtan
na lang ng panibago.
Anumang batas ang ipinatutupad ng pamahalaan ay nararapat
makapagbibigay ng benepisyo sa karamihan. Ito ay hindi dapat mapabilang sa
kapritso ng ilan. Kung ang cybercrime law ay may layuning protektahan ang
mamamayan laban sa paninirang-puri, nararapat lamang na ito ay ipatupad. Subalit,
kung mayroon mang probisyon na hindi kaaya-aya ang maidudulot kailangan itong
amyendahin sa mas lalong madaling panahon.

5. Balita – ito ang mga pangyayari sa loob at labas ng bansa sa mga nakalipas
na oras at araw o sa kasalukuyang panahon.

Mga Paalala sa Pagsulat ng Balita

a. Pagkakuha ng mga tala ay isulat agad ang balita.


b. Bigyang halaga ang mahahalagang paksa.
c. Maging tiyak sa mga pangalan, petsa, lugar at mga pangyayari.
d. Iwasan ang pagbibigay ng kuru-kuro.
e. Banggitin ang awtoridad o kinauukulang pinagkunan ng impormasyon tungkol sa
balita.
f. Ilahad ng pantay at patas ang mga pangyayari.
g. Isulat ang mga pangyayari ayon sa tamang pagkakasunod-sunod.

Mga Uri ng Balita

1. Pampulitika
2. Pang-edukasyon
3. Panrelihiyon
4. Pang-agham
5. Pampalakasan/Isports
6. Panteknolohiya
7. Pang-artista
8. Pangkultura
9. Pang-ekonomiya
10. Panlibangan
11. Panlipunan

Halimbawa ng Balita

Singil ng mga doktor, abogado ipaskil--- BIR

MANILA, Philippines – Sa mga darating na araw ay makikita na ng mga

11
pasyente sa mga opisina at klinika ng mga doktor ang rates ng kanilang singilan sa
mga pasyente nito.

Ito ay dahil aatasan na ni Internal Revenue Commissioner Kim Henares ang


mga doktor at abogado na ipaskil sa kanilang mga opisina at klinika ang halaga ng
serbisyo ng mga ito sa publiko.

Ayon kay Henares, layunin ng hakbang na matiyak na nagbabayad ng tamang


buwis ang mga nabanggit.

Sa sistemang ito ng BIR, sa rates ng mga doktor ay dapat kasama sa


ipapaskil nito ang VAT sa singil sa bawat serbisyo at sa abogado at accountant
naman ay ang per rate nito ang ipapaskil sa opisina nito depende sa serbisyo.

Niliwanag ni Henares na dapat ang listahan ng rates ay ipapaskil sa lugar na


madaling makikita ng mga kliyente at pasyente.

Pinag-aaralan naman aniya ng tanggapan ang maaaring parusa sa sinumang


lalabag dito.

6. Sanaysay – ito ay nagpapahayag ng sariling palagay, reaksyon, paniniwala


at opinyon ng isang tao tungkol sa isang paksa. Ayon kay Alejandro G. Abadilla
ang “sanaysay” ay nagmula sa pariralang “sanay sa salaysay” sapagkat
inihahayag ng may-akda ang kanyang sariling karanasan o pananaw tungkol sa
paksa. Sanay o may kabatiran sa kahit anong paksa. Ang lahat ng bagay sa paligid
ay maaaring maging paksa ng sanaysay. Ito ay dapat na kayang unawain ng
damdamin at kayang ipaliwanag ng isip.

Uri ng Sanaysay

1. Maanyo o Pormal na Sanaysay

Ang paglalahad dito ay maayos, mabisa at maingat. Pinipiling mabuti ang


mga pananalitang ginagamit sa pormal na sanaysay. Ang paksa nito ay pinag-
uukulan ng masusing pag-aaral at pagsusuri. Layunin nitong magpaliwanag at
magturo para sa kagalingang isip ng mambabasa.

Halimbawa ng Maanyo o Pormal na Sanaysay

TAKOT, TUNAY NA KAAWAY NG TAO


Ni Rose Lynn D. Villanueva

Sa larangan ng sikolohiya, itinuturing na ang takot ang siyang


pinakakaraniwang sakit ng tao. Ayon sa mga sikolohista, may dalawang uri ng takot-
normal na takot at di-normal na takot.

12
Ang normal na takot ay natural lamang sa bawat isa bilang sangkap ng isang
may kanais-nais na personalidad. Ito ay nagsisilbing kalasag ng tao upang umiwas
sa kapahamakan at kasawian. Dahil sa takot, mag-iisip muna ang taong ilang beses
bago gumawa ng isang hakbang na maaaring magdala sa kanyang buhay ng
pagsisisi sa habang panahon.
Ang ikalawang uri ng pagkatakot ay tulad sa isang lasong pumapatay sa isip
na malusog at malaya. Ang abnormal na pagkatakot ay napakalakas, na nasa isip at
damdamin. Ang sinumang mayroon nito ay karaniwang nagbubunga ng mga
kinatatakutang kabiguan sa buhay.
Ang abnormal na pagkatakot ay isang dilusyon, ang taong may ganitong
isip/damdamin ay naniniwalang may nais gumawa ng masama sa kanya. Kaya ang
lahat ng tao sa kanyang paligid ay kanyang pinagdududahan.
Kahinaan, kawalang tiwala sa sarili at sa Dakilang Lumikha ay
nakapangyayari sa buhay ng may abnormal na takot.
Ang mga ideya at kaisipang negatibo ay laging nasa kanilang isip/damdamin.
Ang bunga tuloy nito ay pawang negatibo ang dumarating sa kanyang buhay. Kung
ang isip at damdamin mo ay negatibo, lahat ng negatibong bagay ay darating sa iyo.
Iyan ay ayon sa aklat na The Secret ni Rhonda Byrne.
Ang mundo ay may gabi at araw, kaya ang buhay ay may dilim at liwanag.
Dito umiikot ang buhay ng tao sa kanyang pang-araw-araw na pakikibaka sa buhay.
Paano mo malalasap ang tamis ng tagumpay kung hindi ka pa nakararanas
ng pait ng kabiguan? Hindi ka ba mapapalundag nang mataas makakuha ka ng 3.0
sa Calculus kung ito ay ikaapat mo ng pag-ulit sa nasabing asignatura.
Walang taong gustong mabigo, subalit tanggapin natin ang katotohanang ang
suliranin at kabiguan ay sangkap ng buhay. Maging ang ulam kapag kulang ng isang
sangkap ay kulang o hindi masarap. Samakatwid, pampasarap ng buhay ang
suliranin pagkatapos na ito ay malulutas.
Ang taong takot mabigo ay mahihirapan sa daigdig ng pagsubok sapagkat
totoong maalon ang dagat ng buhay. Dapat ay lagi tayong handang lumaban at
humarap sa katotohanan ng buhay kahit mapait at masakit ito. Lagi rin nating
tandaan na walang mahirap na bagay kung ating isasaisip na ang lahat ng ito ay
madali at makakaya nating gawin.
Bukod sa lahat, huwag nating kalimutan na ang tapat na pagtitiwala sa sarili at
sa Panginoon ay hindi madadaig kailanman ng anumang uri ng takot.

2. Malaya o Di- Pormal

Uri ng sanaysay na may pagkamalapit sa mambabasa sapagkat karaniwan


nang ang himig ay parang nakikipag-usap lamang. Tinatawag itong personal na

sanaysay. Salitang karaniwan o pang-araw-araw ang ginagamit dito kaya mas


madaling unawain.

Halimbawa ng Malaya o Di-Pormal na Sanaysay

13
MGA I.D

Tahimik na nakaupo at nagbubulungan ang magkaibigang sina Gemma at


Marites. “Napansin mo ba ang pitaka ni Ma‟am?” ani Gemma sa kaibigan. “Bakit?
Ano ba iyon?” sagot ni Marites. “Tingnan mo pag nagbukas si Ma‟am ng pitaka niya
at makikita mo ang sandamakmak na I.D.” sabi ng kaibigan. Tamang-tama naman
binuksan ng guro ang pitaka. Nakita ng magkaibigan na halos hindi na masara ang
pitaka sa kapal nito, hindi dahil sa pera kundi dahil sa napakaraming I.D

Totoo ang napansin ng magkaibigan, mayroon nga naman tayong I.D sa


paaralan, sa G.S.I.S. o S.S.S., sa Pag-ibig, sa barangay, sa pagboto, sa mga
asosasyong kinaaaniban, sa pagamutan, sa B.I.R., sa Philhealth, mayroon pang
S.M. Advantage Card bukod pa sa Cedula.

Naku! sa dami ng mga I.D. natin sa Pilipinas baka malimutan nating tayo‟y
nasa Pilipinas. Sana gumawa na lamang ang ating pamahalaan ng isang
PAMBANSANG I.D. na tatanggapin sa apat na sulok ng Pilipinas.

7. Ulat

Maaaring pasulat o pasalita na paglalahad ng mga kaisipan o kaalamang


nakuha, natutunan o nasaliksik mula sa binasa, narinig, nakita o naranasan.

8. Balangkas

Ito ay nagsisilbing patnubay ng isang manunulat. Tinatawag itong “kalansay


ng ano mang akda” o “sanaysay sa isang sulyap”. Kapag nakita ang isang
balangkas ng sulatin ay mahihinuha kung tungkol saan ang akda at ang nilalaman
nito.

Halimbawa:

Mga Espesyal na Pagkain ng Pampanga

I. Pang-ulam
A. Longganisa
B. Tocino
II. Panghimagas
A. Kalamay
1. Biko
2. Kutsinta
3. Bibingka

4. Puto Bumbong

14
B. Matatamis
1. Torones de Kasoy ng Sta. Rita
2. Delikasis ng Sasmuan
3. Halo-halo ng Razon sa Guagua

Mga Uri ng Balangkas

1. Balangkas na Papaksa – dito‟y sapat nang isang salita o parirala


ang ginagamit sa paggawa ng balangkas.
2. Balangkas na Papangungusap – ipinahahayag ang mga kaisipan sa buong
pangungusap. Ginagamit dito ang mahahalagang kaisipan at inaayos ayon sa
kinalalagyan sa akda.
3. Balangkas sa Talataan – katulad din ito ng balangkas sa pangungusap, dito‟y
halos buong talata na ang ginagamit sa gagawing balangkas.

Ngayong nabatid mo ang tungkol sa kahulugan ng paglalahad at mga uri ng


paglalahad, handa ka na bang sagutin ang susunod na gawain? Isaalang-alang mo
ang iyong natutunan. Masasagot mo iyan!

Aralin 3. Mga Pagsasanay

Gawain 3

A. Pagtapat-tapatin. Isulat sa patlang ang titik ng tamang sagot.

A B
___1. takot a. ito ay hindi madadaig kailanman ng anumang
uri ng takot
___2. Rhonda Byrne b. ito ay sangkap ng buhay
___3. abnormal na takot c. ito ay kalasag ng tao upang umiwas sa
kasawian
___4. tiwala sa sarili at sa d. matatanggap sa apat na sulok ng bansa
Panginoon e. may-akda ng The Secret
___5. Pambansang I.D. f. Ito ay laging nasa isip/damdamin ng may
___6. normal na takot abnormal na takot
___7. sanaysay g. may himig na nakikipag-usap
___8. malayang sanaysay h. pinakakaraniwang sakit ng tao
___9. suliranin i. mula sa salitang sanay magsalaysay
___10. kaisipang negatibo j. ito ay lasong pumapatay sa isip na malusog
at malaya

15
B. Isulat sa patlang kung ano o sino ang tinutukoy ng mga sumusunod.

______1. Ito ay may layuning magbigay ng kaalaman, magpaliwanag at tumutugon


sa pangangailangang pangkarunungan.
______2. Ito ay isang anyo ng paglalahad na itinuturing na pinakakaraniwan.
______3. Ito ay isang anyo ng paglalahad na kung saan ang pang-unawa sa dam-
damin at karanasan ng sumulat ay makikilatis mo.
______4. Ang paglalahad dito ay maayos, mabisa at maingat.
______5. Tinatawag itong “kalansay ng ano mang akda” o “sanaysay sa isang
sulyap”.

C. Sumulat ng isang sanaysay na di-pormal na may kinalaman sa pagiging buhay-


estudyante sa panahon ng pandemya. Lapatan ng magandang pamagat. Bumuo ng
tatlong talata.

ARALIN 4 Pangangatwiran, Uri ng Pangangatwiran

ARALIN 4. Pangangatwiran

●Ito ay paraan ng komunikasyon na ginagamitan ng lohika upang makaimpluwensya


o makahikayat. Nagmamatuwid tayo upang mapaniwala natin ang iba sa
katotohanan ng ating pananalig at kaalaman. Dito‟y nararapat na maging kapani-
paniwala ang ating mga katwiran.

Mahalaga sa pagmamatuwid ang pagkakaroon ng katibayan o ebidensya na siyang


magpapatunay ng katotohanan.

Uri ng Pangangatwiran

1. Pangangatwirang Pabuod (Inductive Reasoning) – Nagsisimula ito sa isang


maliit na halimbawa o katotohanan at nagwawakas sa isang panlahat na simulain.

Uri ng Pangangatwirang Pabuod

A. Pag-uugnay ng pangyayari sa sanhi (Paugnay) – ito ay isang pahayag na


ang
pangyayari ay bunga ng isa pang pangyayari.

Halimbawa:

a. Ang pagmamatuwid na kaya napabayaan ang mga anak ay dahil irespon-


sable ang kanilang ama.
b. Naging matagumpay si Leah sapagkat nagsikap siya sa buhay.
c. Nahulog ang bata mula sa sanga ng puno dahil hindi nakakapit na mabuti.

16
B. Paggamit ng Pagtutulad (Patulad) – inilalahad dito ang magkaparehong

katangian ng dalawang tao, bagay, lugar at pangyayari.

Halimbawa:

a. Ang pagmamatuwid na si Bb. Basiloy ay mahusay na guro sapagkat ang


kanyang ina ay isa ring mahusay na guro.
b. Ang pagmamatuwid na si Alexis ay gwapo ay dahil gwapo rin
ang kanyang ama noong kabataan niya.
c. Magtatayo ng kooperatiba ang ating unibersidad sapagkat matagumpay
kooperatiba ng ibang unibersidad.

C. Paggamit ng katibayan (Patibay) - ito‟y naglalahad ng mga katibayan at


patunay tungkol sa isang tao, bagay, o pangyayari. Kailangang sapat ang
mga katibayang babanggitin.

Halimbawa:

a. Nangako si Noel. Hindi siya mapakali habang nagsusulit. Sulat-kamay


niya ang kodigong Nakita sa ilalim ng silyang kanyang inuupuan.
May mga nakakita kay Noel na binuksan niya ang kodigo bago itinapon.
b. Adik si Rodman. Laging namumula ang kanyang mga mata. Sa tuwing
kausap siya ay malayo ang kanyang isinasagot na tila wala sa kanyang
sarili. Natagpuan sa kanyang silid ang mga kagamitan na ginagamit sa
kanyang bisyo

2. Pangangatwirang Pasaklaw (Deductive Reasoning)

Ang ganitong uri ng pangangatwiran ay tinatawag ding “silohismo” na kung


saan ang isang katotohanan ay iniuugnay sa isang tiyak na pangyayari. Ang
silohismo ay binubuo ng PB – Pangunahing Batayan, pb – pangalawang batayan,
K – Kongklusyon.

Uri ng Silohismo

1. Tiyakang Silohismo – binubuo ito ng mga tiyakang proposisyon.

Halimbawa: a. PB – Ang lahat ng guro ay nagtuturo.


pb – Si Alfe ay guro.
K – Si Alfe ay nagtuturo.

b. PB – Ang mga kahoy ay nasusunog.


pb – Ang Narra ay puno.
K – Ang Narra ay nasusunog.

17
2. Silohismong Kundisyunal – Ito ay nahaharap sa isang kundisyon at hinuhulaan
ang mangyayari kung sakaling ang kundisyon ay matutupad.

Halimbawa: a. PB – Kung mag-aaral siyang mabuti, ibibili siya ng kompyuter.


pb – Nag-aral siyang mabuti.
K – Ibibili siya ng kompyuter.

b. PB – Kung magiging mabait na bata si Angela


ipaghahanda siya sa kanyang kaarawan.
Pb – Naging mabait na bata si Angela.
K – Ipaghahanda siya sa kanyang kaarawan.

3. Silohismong pamilian – may pamimilian sa punong batayan (PB). Sa


pangalawang batayan (pb) ay isang proposisyong tiyakan na nagpapatunay o
nagpapabulaan sa isa sa dalawang pamilian.

Halimbawa: PB – Alin sa dalawa, siya ay masipag o siya ay tamad?


pb – Siya ay masipag.
K – Siya ay hindi tamad.

(Patunayan na siya ay masipag)

PB – Alin sa dalawa, siya ay masipag o siya ay tamad?


Pb – Siya ay hindi masipag.
K – Siya ay tamad.

(Patunayan na siya ay tamad)

4. Silohismong Entimeme – tinatawag itong pinaikling silohismo.

Halimbawa: PB – Ang lahat ng aso ay tumatahol.


pb – Si Bantay ay aso.
K – Si Bantay ay tumatahol.

(Kahit alin sa mga bahagi ang aalisin ay mahihinuha pa rin ang bahaging
nawawala)

PB – Ang lahat ng aso ay tumatahol.


pb – Si Bantay ay aso.
(Inalis ang konklusyon)

PB – Ang lahat ng aso ay tumatahol.


K – Si Bantay ay tumatahol.
(Inalis ang pangalawang batayan)

18
PB – Si Bantay ay aso.
K – Si Bantay ay tumatahol.
(Inalis ang Pangunahing Batayan)

Ngayong nabatid mo ang tungkol sa kahulugan ng pangangatwiran at mga uri


ng pangangatwiran, handa ka na bang sagutin ang susunod na gawain? Isaalang-
alang mo ang iyong natutunan. Masasagot mo iyan!

Aralin 4. Mga Pagsasanay

Gawain 4

A. Isulat sa patlang ang uri ng silohismo.

________1. Ang mga nag-aaral sa UEP ay mababait at matatalino.


Si Jasper ay nag-aaral sa UEP.
Si Jasper ay mabait at matalino.
________2. Kung pagtutulungan ang lahat ng gawain, madali itong matatapos.
Pinagtulungan ang lahat ng gawain.
Madaling natapos ang gawain.
________3. Kung ang lahat ng bata ay maayos na pinalaki, magiging mabuting
mamamayan sila.
Lahat ng bata ay maayos na pinalaki.
________4. Siya ay maaaring masungit o palakaibigan.
Siya ay hindi masungit.
Siya ay palakaibigan.
________5. Lahat ng tao ay mahal ng Diyos.
Si Donnabel ay tao.
Si Donnabel ay mahal ng Diyos.

B. Kilalanin kung anong uri ng Pangangatwirang Pabuod ang mga sumusunod.


Isulat sa patlang ang sagot. Nasa kahon ang pagpipiliang sagot.

Paugnay Patulad Patibay

______1. Masarap pakinggan ang tinig ni Jessa. Mang-aawit din ang kanyang ina.
______2. Hindi ako sasali sa sayawan. Hindi kasi sumali ang matalik kong kaibigan.
______3. Pinalo si Joseph ng kanyang ama. Makikita pa ang mga bakas ng pamalo
sa kanyang hita. Hindi pa siya halos makalakad dahil sa mga pasa.
______4. Walang makain ang mga anak ni Mang Berto dahil sa kanyang katamaran.
______5. Sakitin si Lena. Halata ang panghihina ng kanyang katawan.
Marami siyang gamot sa bag. Lagi rin siya sa kanyang doktor.

19
Nasagot mo ba ang mga gawain? Pumunta sa pahina na may susing sagot. Iwasto
kung tama ang iyong sagot. Kung hindi nakuha ang lahat ng sagot, pakaisipin na
kahit mababa ang iskor ay „‟ok. lang‟‟ bumawi na lamang sa sunod na gawain.
Kaya mo yan!

BUOD

Ang pagsasalaysay, paglalarawan, paglalahad at pangangatwiran ay mga uri


ng pagpapahayag. Ang pagsasalaysay ay may layuning magkwento. Ito ang
pinakamatandang anyo ng pagpapahayag. May dalawang uri ng pagsasalaysay,
salaysay na nagpapabatid at masining na salaysay. Samantala, ang paglalarawan
naman ay may layong bumuo ng isang hugis o anyo ng tao, pook, at pangyayari sa
pamamagitan ng mga angkop at piling-piling salita. Karaniwan at masining ang mga
uri nito. Ang Paglalahad ay may layuning magpaliwanag, magbigay ng kaalaman at
tumugon sa pangangailangang pangkarunungan. Pagbibigay- katuturan, pagsunod
sa panuto, editoryal, balita, suring-basa, ulat, sanaysay, at balangkas ang mga uri ng
paglalahad. Ang pangangatwiran ay ginagamitan ng lohika upang makaimpluwensya
o makahikayat. Mahalaga sa pagmamatuwid ang pagkakaroon ng katibayan o
ebidensya na siyang magpapatunay ng katotohanan. Pabuod at pasaklaw ang mga
uri nito.

Mga Mungkahing Babasahin

Arrogante, J. A. 2008. RETORIKA (Masining na Pagpapahayag). Mandaluyong City:


National Bookstore.
Cantre, M. C. 2013. Ang Masining na Pagpapahayag (RETORIKA). Quezon City:
Lorimar Publishing Inc.
Casanova, Arthur P. at Ligaya Tiamson Rubin. 2001. Retorikang Pangkolehiyo.
Rex Bookstore, INC: Quezon City.
Cruz, C. J. 2003. Pamahayagang Pangkampus sa Bagong Milenyo. Manila: Rex
Bookstore.

Sanggunian:
Alejo, Carmelita T. et al. 2005. Pagbasa At Pagsulat Tungo Sa Pananaliksik. Manila:
C & E Publishing Inc.
Author, Evelyn B. 2015. Masining na Pagpapahayag. Naga City: Ateneo De Naga
University Press.
Bendalan, Nilda. 2018. Retorika. Quezon City: Wiseman‟s Book Trading, Inc.
Bernales, Rolando A. et al. 2002. Mabisang Retorika sa Wikang Filipino. Valenzuela
City: Mega-Jesta Prints, Inc.
Deogracia DC Santos et al. 2015. Masining na Pagpapahayag. Intramuros Manila:
Mindshaper Co. Inc.
Komisyon sa Wikang Filipino. 2005. English-Tagalog Dictionary. Commission on the
Filipino Language. San Mateo Rizal: ERH Printing.
Lozano. Luz L. at Eloisa G. Mendoza. 2013. Retorika. Manila: Grandwater
Publishing.

20
Victoria Vasil. 2015. Masining na Pagpapahayag. Ateneo De Naga University.
Villafuerte Pat V. at Bernales Rolando A. 2008. Pagtuturo ng/sa Filipino: Mga Teorya
at Praktika. Valenzuela City: Mutya Publishing House Inc.

PANGWAKAS NA PAGTAYAYA

I. Piliin kung aling uri ng pagpapahayag ang tinutukoy ng mga sumusunod. Titik
lamang ang isagot.

A. Pagsasalaysay B. Paglalarawan C. Paglalahad D. Pangangatwiran

___1. Naglalayong bumuo ng malinaw na larawan sa isipan ng mga mambabasa.


___2. Naglalayong makakumbinsi ng pagsang-ayon hinggil sa isang opinyon
o katwiran.
___3. May layuning magsalaysay o magkwento ng mga magkakaugnay-ugnay na
pangyayari.
___4. Tinatawag na ekspositori sa maraming aklat sa Filipino.
___5. Layuning gumawa ng isang malinaw, sapat at walang pagkiling na pagpapa-
liwanag sa ano mang bagay na nasasaklaw ng kaalaman ng tao.
___6. Pabuod at pasaklaw ang dalawang uri nito.
___7. Sanaysay at editoryal ang mga mahuhusay na halimbawa nito.
___8. Ito ang nahuhuli sa apat na paraan ng pagpapahayag.
___9. Kailangan ng mabisang panghikayat at di-mapasusubaliang pagsisiwalat ng
mga prinsipyo o paninindigan.
___10. Katulad ng manunulat nito ang pintor na pumipili ng mga sangkap
na isasama sa pagguhit upang makalikha ng isang buhay na larawan.

II. Tukuyin kung anong uri ng pagpapahayag ang mga sumusunod na teksto.
Gamitin ang mga pagpipilian sa pagsusulit I. Titik lamang ang isagot. (2 puntos
bawat sagot)

_1. Dahil sa pagsulat, napapanatiling buhay ang kultura at hindi nababaon sa limot
ang kasaysayan ng isang bansa. Ang mga nasulat na tala ay mababasa ng
salin lahi kaya‟t malalaman nila ang pinagdaanan ng kanilang bansa.
_2. Bawat Pilipino ay may karapatang mabuhay…mabuhay nang mapayapa,
mabuhay nang marangal at mabuhay nang maunlad. Magagawa lamang natin
ito kung ang wikang ating ginagamit sa araw-araw ng ating buhay saan mang
larangan ay ang wikang Filipino. Naniniwala ako na ang wikang Filipino ang isa
sa mga susi upang di na makawala pa sa ating mga kamay ang mga karapatang
ito.
_3. Isang araw, di maipaliwanag ang pangyayaring nasaksihan ng lalaki sa labas
ng kanilang maliit na dampa. Namatay ang mga halaman. Natuyo ang lupa at

21
walang tubig sa batis at ilog. Lumaganap ang tag-gutom. Dumating ang panahon
na nagluwal ng sanggol ang babae kaya‟t napilitan silang maghanap ng pagkain
Nilibot nila ang kagubatan, pinasyal ang burol at inakyat ang tuktok ng bundok.

Sa kanilang pagkagulat ng makakita sila roon ng isang kakaibang halaman.


May manipis na dahon at may maliit na bunga iyon. Ngayon lamang sila nakakita
ng ganoon.
_4. Si Atty. Cardenas ay ulirang asawa at mapagmahal na ina sa kanyang bugtong
na anak. Kahit matalino at mataas na ang naabot sa buhay ay nananatili pa ring
nakaapak sa lupa ang kaniyang mga paa. Isang tapat na kaibigan at madaling
lapitan.
_5. Ang taong takot mabigo ay mahihirapan sa daigdig ng pagsubok sapagkat
totoong maalon ang dagat ng buhay. Dapat ay lagi tayong handang lumaban
at humarap sa katotohanan ng buhay kahit mapait at masakit ito. Lagi rin nating
tandaan na walang mahirap na bagay kung ating isasaisip na ang lahat ng ito
ay madali at makakaya nating gawin.

III. Sabihin kung anong uri ng Salaysay na Nagpapabatid ang mga sumusunod.

_____1. Isinalaysay ni Leah kay Jesusa ang mga masasaya, masasakit


at malulungkot na nangyayari sa kanya sa araw-araw ng kanyang buhay.
_____2. Kailangang magtrabaho sa malayo ni Nelda kahit alam niyang mapanganib
sa lugar na pupuntahan dahil walang mapagkikitaan sa kanilang lugar.
_____3. Tinalakay sa klase ang lahat ng detalye sa buhay ni Andres Bonifacio
mula sa kanyang pagsilang hanggang sa kanyang pagkamatay.
_____4. Isinalaysay ni Jessa sa kanyang pinakamatalik na kaibigan ang tuwa
ng nadama sa natatanging araw ng kanyang pagtatapos dahil siya
ang nagkamit ng pinakamataas na karangalan.
_____5. Ibinahagi ni Joseph sa kanyang ama ang mga masasalimuot na pangyayari
sa buhay ni Indio sa kanyang pakikipaglaban sa mga dayuhan.

IV. Isulat sa patlang kung anong uri/anyo ng paglalahad ang mga sumusunod. Nasa
kahon ang pagpipiliang sagot.

Editoryal, Balita, Sanaysay, Pagsunod sa Panuto, Pagbibigay-Katuturan

____1. Utak Kolonyal- hanggang ngayon, mas mainam ang produkto ng ibang
bansa. Kailan natin pahahalagahan ang sariling atin?
____2. Ilagay lamang ang pang-asim tulad ng sampalok kung ang karne
ay malambot na.
____3. Ang komunikasyon ay pagbibigay kabatiran, pakikipag-usap, pakikipag-
unawaan o pagbibigay kaalaman.
____4. Hindi nagpahuli ng buhay ang pumatay sa mga estudyanteng Amerikano.
Bago nakapasok ang mga pulis ay binarily na niya ang kanyang sarili.
____5. Sa ating mga puso ay maraming nakasarang pinto. Mga puso na isinara ng

22
ating kayabangan at kataasan. Mga pinto na isinara ng ating karamutan. Mga
pinto na isinara ng ating katamaran. Mabubuksan natin ang nakasarang pinto
ng ating puso kung tayo‟y marunong magmalasakit sa kapakanan ng mga
tao kahit hindi natin kaanu-ano.

23

You might also like