You are on page 1of 9

Antique National School

San Jose, Antique


EDUKASYON SA PAGPAPAKATAO 8
IKALAWANG MARKAHAN

GAWAING PAMPAGKATUTO 1
ANG PAKIKIPAGKAPWA
I. MGA KASANAYANG PAMPAGKATUTO AT KODA:
5.1 Natutukoy ang mga taong itinuturing niyang kapwa. (ESP8PIIa-5.1)
5.2 Nasusuri ang mga impluwensya ng kanyang kapwa sa aspektong intelektwal, panlipunan,
pangkabuhayan, at pulitikal. (ESP8PIIa-5.2)
5.3 Nahihinuha na:
a. Ang tao ay likas na panlipunang nilalang, kaya’t nakikipagugnayan siya sa kanyang kapwa
upang malinang siya sa aspektong intelektwal, panlipunan,
pangkabuhayan, at pulitikal.
b. Ang birtud ng katarungan (justice) at pagmamahal (charity) ay kailangan sa pagpapatatag ng
pakikipagkapwa
c. Ang pagiging ganap niyang tao ay matatamo sa paglilingkod sa kapwa – ang tunay na
indikasyon ng pagmamahal. (ESP8PIIa-5.3)
5.4 Naisasagawa ang isang gawaing tutugon sa pangangailangan ng mga mag-aaral o kabataan sa
paaralan o pamayanan sa aspektong intelektwal, panlipunan, pangkabuhayan, o pulitikal. (ESP8PIIa-
5.4)
II. ARALIN/KONSEPTO

"No man is an island, No man stands alone." Ito ay maituturing na lumang kasabihan ngunit
naaangkop pa rin sa lahat ng panahon at pagkakataon. Nangangahulugan ito na hindi tayo nabubuhay
para sa sarili lamang, kailangan natin ang ating kapwa. Kaya sa pangangailangang ito, mahalaga
naipamalas natin ang pagmamahal, paggalang, pagtulong at pagmamalasakit sa ating kapwa.
Ang tao ay likas na panlipunang, kaya't nakikipag-ugnayan siya sa kanyang kapwa upang malinang
siya sa aspetong intelektuwal, panlipunan, pangkabuhayan, at politikal. Ang pagiging ganap niyang tao ay
matatamo sa paglilingkod sa kapwa ang tunay na indikasyon ng pagmamahal. Niloob ng Diyos na ang tao
ay mamuhay nang may kasama at maging panlipunang nilalang o social being. Kaya’t ang panlipunang
aspektong pagkatao at ang kakayahan ng tao na makipag- ugnayan sa kaniyang kapwa ay likas sa
kanyang pagkatao o social nature of human beings.
Ang KAPWA ay taong labas sa iyong sarili, maaaring iyong magulang, kamag-anak, kaibigan, kaklase,
at pati na rin kaaaway (Agapay 1991). Ang pagtukoy at pagkilala sa mga tao na itinuturing mong kapwa
ang simula ng paglinang sa intelektwal, panlipunan, pangkabuhayan, at politikal na aspekto ng iyong
pagkatao.
Makakamit ng tao ang kanyang kaganapan sa pamamagitan ng makabuluhan at mabuting
pakikipagkapwa. Sa buong mundo, kinikilala ang kahalagahan ng mabuting pakikitungo sa kapwa
(Golden Rule). Marami sa mga rehiyon sa buong mundo ang naniniwala sa kahalagahan ng mabuting
pagtrato at pakikitungo sa kapwa. – “Huwag mong gawin sa kapwa mo ang ayaw mong gawin sa iyo,” “
Mahalin mo ang kapwa mo gaya ng pagmamahal mo sa iyong sarili, “ Makitungo ka sa kapwa sa paraang
gusto mo ring pakitunguhan ka.”Ang makabuluhang pakikipagkapwa ay pagtugon sa pangangailangan ng
iba nang may paggalang at pagmamahal.
Ang Katarungan (Justice) at Pagmamahal (Charity) ay kailangan sa pagpapatatag ng
pakikipagkapwa. Kaya nga, una munang kailangang matugunan ang pagbibigay ng nararapat sa kapwa
dahil sa paggalang sa kanyang dignidad. Subalit mayroong mga bagay na maaari nating ibigay nang higit
pa sa itinakda ng karapatan at katarungan, ito ay ang mga bagay na ayon sa ating pagmamalasakit at
pagmamahal sa ating kapwa (Dy, 2012).
Kung ang pakikipag-ugnayan mo sa iba ay nag-uudyok sa iyo upang ikaw ay maglingkod sa kapwa
nang walang hinihintay na kapalit at nahahanda kang ibahagi ang sarili sa iba, ito ay pagpapakita ng
pagmamalasakit at pagmamahal.
Ang isang makabuluhan at mabuting pakikipag-ugnayan sa kapwa ay nagbibigay ng kaligayahan at
kapanatagan sa tao. Napatunayan sa mga pag-aaral na ang isang taong may matatag na samahan ng
magkakaibigan ay madalang magkasakit, madaling gumaling, mahaba ang buhay, at may kaaya-ayang
1
disposisyon sa buhay. Kaya lahat ng pakikipag-ugnayan ay nangangailangan ng pagsisikap upang ito ay
mabuo, mapatatag, at mapanatiling makabuluhan at mabuti. Nakasalalay ang tagumpay nito sa
kakayahan ng taong ibahagi ang kaniyang sarili sa pamamagitan ng paglilingkod sa kapwa.

MGA PRINSIPYO SA PAGPAPAUNLAD NG PAKIKIPAG-UGNAYAN SA KAPWA:


1. Paggalang sa pagiging indibidwal ng kapwa.
2. Pagpapahayag ng mga damdamin.
3. Pagtanggap sa kapwa.
4. Pag-iingat sa mga bagay na ibinahagi ng kapwa (confidences)

III. PAGSASANAY
Gawain 1
Panuto: Sagutin ang mga sumusunod na tanong.

1. Sino-sino ang itinuturing mong kapwa? Gaano sila kahalaga at ano ang bahaging ginagampanan nila
sa buhay mo?
________________________________________________________________________________________________________
________________________________________________________________________________________________________
2. Kaya mo bang mabuhay na wala ang kapwa?
________________________________________________________________________________________________________
________________________________________________________________________________________________________
3. Bakit mahalaga ang paglilingkod sa kapwa?
________________________________________________________________________________________________________
________________________________________________________________________________________________________

Gawain 2

Panuto: Lagyan ng tsek (✓) kung ang isinasaad ay naglalarawan ng nararapat na pakikisalamuha sa
kapwa. Lagyan naman ng ekis (X) kung hindi ito nararapat. Gawin ito sa iyong sagutang papel.

___1. Buong tapat kong sinasabi ang aking nararamdaman sa aking kapwa upang ako ay kaniyang
maunawaan.
___2. Kung may magkagalit sa grupo na aking kinabibilangan, hinahayaan ko lang sila at hinihintay kung
kailan sila magkakaayos.
___3. Nakikilahok ako sa samahan ng mga kabataan sa aming lugar.
___4. Hindi ako nagsasabi ng mga negatibo at masasamang bagay sa aking kapwa.
___5. Nakangiti pa ring nakikipag-usap si Amity kahit na makulit at paulit- ulit na siyang sumasagot sa
mga katanungan ng kaibigan.

Gawain 3
Panuto: Unawain at suriin ang bawat paglalarawan. Isulat sa patlang ang P kung ito ay naglalarawan ng
PAGMAMAHAL at K kung ito naman ay KATARUNGAN.

______1. Nagbibigay ng tulong sa mga nangangailangan na hindi nagpapabatid ng kanyang


pagkakakilanlan.
______2. Pagbibigay ng sahod sa mga manggagawa sa tamang oras at binepisyo na dapat nilang
matanggap.
______3. Pag-aalaga ng ina sa kanyang mga anak upang maging maayos ang kanilang paglaki kahit
kulang ang pahinga para lang masiguro na maging maayos ang kalagayan ng anak.
______4. Pagbibigay ng mabuting serbisyo ng isang katulong sa pamilyang kanyang pinaglilingkuran.
______5. Pagbabayad ng tamang buwis sa ating gobyerno.

2
Antique National School
San Jose, Antique
EDUKASYON SA PAGPAPAKATAO 8
IKALAWANG MARKAHAN

GAWAING PAMPAGKATUTO 2
ANG PAKIKIPAGKAIBIGAN
I. MGA KASANAYANG PAMPAGKATUTO AT KODA:
6.1 Natutukoy ang mga taong itinuturing niyang kaibigan at ang mga natutuhan niya mula sa mga ito
(EsP8PIIc-6.1)
6.2 Nasusuri ang kanyang mga pakikipagkaibigan batay sa tatlong uri ng pakikipagkaibigan ayon kay
Aristotle (EsP8PIIc-6.2)
6.3 Nahihinuha na:
 Ang pakikipag-kaibigan ay nakatutulong sa paghubog ng matatag na pagkakakilanlan at
pakikisalamuha sa lipunan.
 Maraming kabutihang naidudulot ang pagpapanatili ng mabuting pakikipag-kaibigan: ang
pagpapaunlad ng pagkatao at pakikipagkapwa at pagtatamo ng mapayapang lipunan/pamayanan.
 Ang pagpapatawad ay palatandaan ng pakikipagkaibigang batay sa kabutihan at pagmamahal.
Nakatutulong ito sa pagtamo ng integrasyong pansarili at pagpapaunlad ng pakikipagkapwa.
(EsP8PIIb-6.3)
6.4 Naisasagawa ang mga angkop na kilos upang mapaunlad ang pakikipagkaibigan (hal.: pagpapatawad).
(EsP8PIId-6.4)

II. ARALIN/KONSEPTO

Sa panahon ngayon, nauuso sa mga kabataang tulad mo ang paggamit ng facebook at iba pang social
media platforms tulad ng twitter, WeChat, at instagram. Marahil ay marami ka ng friends at ang iba sa
kanila ay nasa iba’t ibang bahagi ng bansa. Marahil ang iba ay nagmula pa sa ibang bahagi ng mundo.
Ngunit, bilang isang mag-aaral dapat mong malaman na hindi lahat ng friend ay maituturing mong tunay
na kaibigan.

Ang pagkakaibigan ay nangangahulugan ng pagkakaroon ng ugnayan sa isang tao dahil sa


pagmamahal o pagpapahalaga. Mayroong mga kaibigan na nakapagbibigay ng positibo o negatibong
impluwensiya sa iyo. Mahalagang maunawaan na ang pagkakaibigan ay hindi isang damdamin, bagkus
isang pasiya dahil ito ay nangangailangan ng malinaw na hangarin. Hindi ito ibinabatay lamang sa
simpleng pagkagusto at sa kagalakan dahil sa presensya ng isang tao. Ang kaibigan ay hindi basta-basta
mahahanap, hindi maaaring pagkakita mo sa isang tao ay mararamdaman mo na magiging malapit kayo
sa isa’t isa. Dumadaan ito sa isang mahaba at masalimuot na proseso.

Mahalaga na bigyang-pansin ang tatlong uri ng pagkakaibigan ayon kay Aristotle, isang Griyegong
pilosopo. Makatutulong ito upang masuri ang uri ng pagkakaibigan na iyong iniaalay para sa iyong mga
piniling maging kaibigan.

1. Pakikipagkaibigang nakabatay sa pangangailangan- Ito ay pagkakaibigang inilalaan sa


isang tao dahil sa pangangailangan ng isang tao rito.
2. Pagkakaibigang nakabatay sa pansariling kasiyahan- Ang ganitong uri ng
pagkakaibigan ay nabubuo sa pagitan mo at ng isa o mahigit pang tao na masaya kang
kasama o kausap.
3. Pagkakaibigan na nakabatay sa kabutihan- Ang ganitong uri ng pagkakaibigan ay
nabubuo batay sa pagkagusto at paggalang sa isa’t isa. Hindi ito madaling mabuo,
nangangailangan ito ng mas mahabang panahon. Ngunit kung ihahalintulad sa mga
nauna, ito ay tumatagal at may kabuluhan.

Likas sa isang tao ang maghanap ng kaibigan na kaniyang makakaugnayan dahil siya ay likas na
panlipunang nilalang. Ang mga taong maasahan, masasandalan o takbuhan, maraming puwedeng
paglalarawan, maraming mapag-usapan at maraming hindi malilimutang karanasan mula sa inyong
pagsasama. Maliban sa ating pamilya ay mayroon tayong mga kaibigan na tinatawag nating tunay at

3
totoong kaibigan na humubog at nagdulot sa atin ng positibo, makatotohanan at matibay na pundasyon
ng ating pagkakilanlan.

Sa kabila ng panganib na dulot ng COVID-19 virus sa ating kalusugan ay mayroon naman itong hatid
na aral sa ating buhay na dapat nating matutunan sa panahon ng pandemyang ito. Ilan lamang dito ay
ang pagkakaisa, pagpapatawad, at ang halaga ng tunay na samahan o pagkakaibigan. Sa panahong ito,
dito natin masusukat kung sino ang ating tunay na kaibigan na handang tumulong sa kabila ng panganib
na hatid ng virus na ito.

Ang pakikipagkaibigan ay isang ugnayan ng dalawa o higit pang tao na dumadaan sa isang mahaba
at mahirap na proseso, maraming mga pagsubok ang daraan, maraming suliranin ang kailangang harapin
at maraming mga sakit na mararamdaman. Ang lahat ng malalim na pagkakaibigan ay nagsisimula sa
isang simpleng koneksyong interpersonal subalit ang pagpapanatili ng ugnayang ito ay hindi madali.
Bilang isang mag-aaral, kailangan mong matutunan kung paano panatilihin ang iyong mabuting ugnayan
sa iyong kaibigan.

III. PAGSASANAY
Gawain 1
Panuto: Basahing mabuti ang bawat pangungusap. Lagyan ng tsek (√) ang patlang kung ang
pangungusap ay nagpapakita ng mabuting impluwensiya sa pakikipagkaibigan at lagyan ng exis (X) kung
hindi.

_______ 1. Binigyan ni Jose si Mario ng kalahati ng kanyang baong sandwich dahil wala ito baong pagkain.

_______ 2. Niyaya ni Jasmine ang kanyang kaklase na si Nica na lumiban sa klase at pumunta sa mall.

_______ 3. Naghiwalay ang mga magulang ni David. Naging malungkot siya dahil dito. Ngunit sa gitna ng
kalungkutan, hindi siya pinabayaan ng kanyang kaibigan na si Nathan at lagi siyang binibisita
sa bahay na may dalang pagkain.

_______ 4. Nang malulong sa ipinagbabawal na gamot si Alvin, nawalan na ito ng direksyon sa buhay. Sa
kabutihang palad, nilapitan siya ng kanyang kaibigan na si Joe Mari upang itama ang kanyang
pagkakamali.

_______ 5. Dahil sa pandemiyang dala ng COVID-19 virus, bihira nang nakalalabas ng bahay si Lisa. Sa
kabila nito, hindi nakalilimot na mag-text o mag chat sa messenger ang kanyang kaibigang si
Nina. Napapasaya nila ang isa’t-isa sa kabila ng pandemiya.

Gawain 2
Panuto: Basahin ang bawat sitwasyon at tukuyin kung alin sa tatlong uri ng pakikipagkaibigan ayon kay
Aristotle ang ipinapakita. Piliin ang mga sagot mula sa ibaba. Isulat ang titik ng tamang sagot sa
patlang.

A. PAKIKIPAGKAIBIGANG NAKABATAY SA PANGANGAILANGAN


B. PAKIKIPAGKAIBIGANG NAKABATAY SA PANSARILING KASIYAHAN
C. PAKIKIPAGKAIBIGANG NAKABATAY SA KABUTIHAN

_____1. Dumadalo si Gary sa bawat okasyon sa bahay ng kanyang kaibigang si Luis.


Ngunit hindi ito pumunta sa libing nang kanyang ama.
_____2. Inalagaan ni Pepe ang kanyang matalik na kaibigang si Damian nang ma-ospital
dahil isa isang aksidente. Kahit na hindi sila magkadugo, naglaan siya ng oras sa pag-aalag sa
kaibigan.

_____3. Kinakaibigan ni Jake si Cyril na Top 1 sa klase upang may tumulong sa kanya
sa pagsagot ng mga takdang-aralin. Nang lumipat ng paaralan si Jake, hindi na sila nakapag-
uusap.
_____4. Muntik nang magpakamatay si Anna dahil sa depresyon. Sa kabutihang palad,
4
nakinig ito sa payo ng kanyang matalik na kaibigang si May na kumonsulta sa isang
espesyalista. Hindi niya pinabayaan si Anna hanggang gumaling ito.
_____5. Napilay si Justin dahil sa isang malubhang sakit. Dahil dito, lagi itong tinutukso
ng mga kaklase sa paaralan. Sa kabila ng kapansanan, naging tapat na kaibigan nitong si Paul
na laging nagtatanggol sa kanya sa panunukso ng iba.

Gawain 3
Panuto: Gamit ang salitang KAIBIGAN gumawa ng sariling sangkap ng pagkakaibigan na kailangan
upang maging malalim at makabuluhan ang pagkakaibigan.

K
A
I
B
I
G
A
N

Antique National School


San Jose, Antique
EDUKASYON SA PAGPAPAKATAO 8
IKALAWANG MARKAHAN

GAWAING PAMPAGKATUTO 3

EMOSYON
I. MGA KASANAYANG PAMPAGKATUTO AT KODA:
7.1 Natutukoy ang magiging epekto sa kilos at pagpapasiya ng wasto at hindi wastong pamamahala ng
pangunahing emosyon (EsP8PIIe-7.1)
7.2 Nasusuri kung paano naiimpluwensyahan ng isang emosyon ang pagpapasiya sa isang sitwasyon na
may krisis, suliranin o pagkalito (EsP8PIIe-7.2)
7.3 Napangangatwiranan na:
 Ang pamamahala ng emosyon sa pamamagitan ng pagtataglay ng mga birtud ay nakatutulong sa
pagpapaunlad ng sarili at pakikipagkapwa.
 Ang katatagan (fortitude) at kahinahunan (prudence) ay nakatutulong upang harapin ang
matinding pagkamuhi, matinding kalungkutan, takot at galit. (EsP8PIIf-7.3)
7.4 Naisasagawa ang mga angkop na kilos upang mapamahalaan nang wasto ang emosyon. (EsP8PIIf-7.4)

II. ARALIN/KONSEPTO

Ayon kay Das(2017), habang ang tao ay tumatanda, kasabay nitong nalilinang ang ating emosyon. Ito
ay lumalabas kapag napalakas o nabuyo o naudyok ang nasa loob at labas ng anumang bagay, (Andries,
2011). Kaya mas madaling matukoy ito sa pamamagitan ng pisikal “cues” tulad ng daloy ng dugo, tibok ng
puso, gawain ng utak, ekspresyon ng mukha at galaw ng katawan.(Mead, 2020).

Ang bawat emosyong ito ay may ginagampanang papel sa ating buhay:


1. Magdagdag, magbawas o magsaayos ng pagkapukaw ng damdamin;
2. Tuwirang isipan at kalinga
3. Kapangyahiran sa pagkatuto at pag-unawa;
4. Magtatag at malinang ang pag-uugali
5. Makisalamuha sa ibang tao. APA (2010)
5
Ang mga ito ay maaring mayroong epektong positibo o negatibo sa ating sarili. At kadalasan ang mga
negatibong emosyon ay mas makatutulong upang matukoy ang mga panganib(threats) sa ating buhay
upang tayo ay mas magiging handa at positibo sa pagharap sa mga panganib na ito. (Mead, 2020). Dagdag
ni Scott (2020) ang pagtanggap sa mga negatibong emosyon tulad ng galit, pagkabigo at takot ay mayroon
positibong dulot na magbibigay senyales sa atin na meron kailangang baguhin.

Sa kabilang dako, ayon sa mga Positive Psychologists kahit maraming benepisyo ang positibong
emosyon tulad ng pag-asa, pagkagalak at pagiging mapagpasalamat, meron din naman itong negatibong
epekto. (Scott, 2020). Dagdag pa niya ang mga negatibong emosyon ay dinisenyo upang tayo ay maging
ligtas at magganyak na mapaunlad ang ating buhay, tulad din ng mga positibong emosyon. (Scott, 2020).

May mga sitwasyon kung saan nasusubok ang ating pagkatao, lalo na sa panahon ngayon ng
pandemik Covid 19. Isa sa mga pagsubok na ito ay pagkakaroon ng kakayahang mapamahalaan at
mapagtagumpayan ang ating mga emosyon sa gitna ng madilim at nakatatakot na mga kaganapan
ngayon. Mahalagang malaman natin kung paano tayo magiging matatag at maging mahinahon upang
mapanatili ang positibong pananaw sa buhay.

Sa ganitong pagkakataon ay kailangan ang katatagan ng loob (fortitude) upang malampasan ang
hirap at takot na nararamdaman. Ang birtud na ito ay nagbibigay ng kakayahan sa tao na malampasan
ang kahirapan, labanan ang mga tukso at pagtagumpayan ang mga balakid tungo sa higit na maayos na
pamumuhay.
Mahalaga na maging mahinahon o kahinahunan (prudence), pagnilayan ang sitwasyon at pag-isipang
mabuti ang pinakamainam na gawin upang maiwasan ang pagsisisi sa huli. Ayon kay Sto. Tomas de
Aquino, ang matalinong paghusga ay hindi lamang tumutukoy sa kung ano ang dapat gawin ng tao sa
pagharap sa mga krisis sa buhay, kung hindi kakayahang makagawa ng pasiya sa napapanahong paraan.

Hindi lamang ang sarili ang nagiging biktima ng ating maling pamamahala ng ating emosyon.
Mahalagang maipahayag natin ito nang maayos upang mapanatili natin ang ating magandang ugnayan sa
ating kapwa.

Anumang emosyon ay mahalaga. Kilalanin mo ang iyong sarili sa mga sitwasyong iyong kinakaharap
araw-araw upang mapabuti mo pa ang iyong mga ginagawang kilos at desisyon tungo sa maayos na
pakikipagkapwa.

Ang tamang pamamahala ng emosyon sa pamamagitan ng pagtataglay ng katatagan at kahinahunan


ay nakatutulong sa pagpapaunlad ng iyong pagkatao at pagtamo ng mapayapang lipunan.

III. PAGSASANAY
Gawain 1
Panuto: Lagyan ng tsek (√) ang pangungusap kung ang epekto sa kilos at pagpapasiya ng emosyon ay
wastong pamamahala at ekis (x) naman kung hindi wastong pamamahala.

_____1. Sinorpresa ka ng iyong pamilya noong kaarawan mo kaya niyakap at pinasalamatan mo sila sa
kanilang ginawa.
_____2. Napagsabihan ka ng nanay nung sinaktan mo ang iyong bunsong kapatid dahil sa kakulitan,
dahil sa hindi ka makasagot sa kanya, nagdabog ka at tinignan siya ng masakit ang kapatid.
_____3. Nakwento nang isa mong kaibigan na ang crush mo ay may paghanga sa pinsan mo, sa inis mo,
pinost mo ang larawan ninyong dalawa sa social media.
_____4. Lumuwas nang ibang bansa ang tatay mo upang magtrabaho subalit makaraan ang ilang buwan
ay hindi niyo na ito makontak. Kayong mag- anak na naiwan ay naghanap nang paraan upang
siya ay makausap muli.
_____5. Gustong gusto mong bilhan ka ng mga magulang mo ng bagong labas na modelo ng cellphone,
pero alam mo na hindi kakayanin dahil sa madaming gastusin, upang ikaw ay mapansin at
makuha ang nais mo, nagkulong ka sa kwarto at hindi lumabas hanggang mabilhan ka nila.

6
Gawain 2
Panuto: Unawain at suriin ang kinakailangang taglayin sa bawat sitwasyon. Isulat sa patlang ang kung
ito ay nagtataglay ng KATATAGAN at kung ito naman ay KAHINAHUNAN.

____________1. Nasira ang bahay ninyo ng nagdaang bagyo at wala kayong masisilungan. Doble rin ang
hirap ng paghahanap ng matutuluyan dahil sa banta ng COVID-19.
____________2. Nabasa at nasira ng iyong nakababatang kapatid ang iyong modyul sa isang asignatura at
hindi na ito magagamit pa.
____________3. Naiwala ng pinsan mo ang perang ipinabibigay sa iyo ng Nanay mo para pambili ng gamot
ng lola mong may sakit.
____________4. Naaksidente sa motorsiklo si Juan kaya kinakailangan niyang tumigil muna sa kanyang
pag-aaral para magpagaling.
____________5. Sa hirap ng buhay kinakailangang mag-aral ni Jen sa buong araw at magtatrabaho sa gabi
para makapagtapos siya sa kanyang pag-aaral at mairaos sa hirap ng buhay ang kaniyang
pamilya.
Gawain 3
Panuto: Isulat ang salitang EDUKALIDAD kung ang pahayag ay BUNGA O KALALABASAN ng wastong
pamamahala ng emosyon at isulat naman ang salitang PANDEMYA kung HINDI.

____________1. Dumami ang mga kaibigan.


____________2. Naging lapitin sa gulo at away.
____________3. Naging matatag sa pagharap sa mga pagsubok.
____________4. Naging positibo ang pananaw sa buhay at pakikipagkapwa.
____________5. Tumatanggi sa mga ibinibigay na responsibilidad ng magulang.

Antique National School


San Jose, Antique
EDUKASYON SA PAGPAPAKATAO 8
IKALAWANG MARKAHAN

GAWAING PAMPAGKATUTO 4
Ang Mapanagutang Pamumuno at Pagiging Tagasunod
I. MGA KASANAYANG PAMPAGKATUTO AT KODA:
8.1 Natutukoy ang kahalagahan ng pagiging mapanagutang lider at tagasunod. (EsP8PIIg-8.1)
8.2 Nasusuri ang katangian ng mapanagutang lider at tagasunod na nakasama, naobserbahan o
napanood. (EsP8PIIg-8.2)
8.3 Nahihinuha na ang pagganap ng tao sa kanyang gampanin bilang lider at tagasunod ay nakatutulong
sa pagpapaunlad ng sarili tungo sa mapanagutang pakikipag- ugnayan sa kapwa at makabuluhang
buhay sa lipunan. (EsP8PIIh-8.3)
8.4 Naisasagawa ang mga angkop na kilos upang mapaunlad ang kakayahang maging mapanagutang
lider at tagasunod . (EsP8PIIh-8.4)

II. ARALIN/KONSEPTO

Lider. Siya ang tagapanguna sa isang samahan na naglalayon na payabungin ang bawat kakayahan ng
kaniyang kasapi na tumutugon sa adhikain ng grupo. Siya rin ay tagapamatnubay at nagsisilbing liwanag
sa kaniyang mga kasamahan. Siya ang namumuno sa mga programa, proyekto, at gawain ng grupo na
kaugnay ng pangarap o pangitain (vision) ng organisasyon.

7
Tagasunod. Sila ang mga nasasakupan o tagasunod na may layuning kamtin ang pangitain ng grupo
habang napauunlad ang kanilang mga kakayahan. Sila ang sama-samang nagtataguyod at gumaganap sa
iba’t ibang gawain at adhikain.

Maraming bansa, organisasyon o grupo ang nagtatagumpay dahil sa pagtutulungan ng lider at


tagasunod. Hindi lamang nakasalalay ang katuparan ng layunin ng pangkat sa lider o sa mga tagasunod
nito. Bawat isa ay kabahagi sa pagsusulong ng adhikain ng samahan. Bawat isa ay kailangan at
mahalaga.

Makatutulong ang mga katangiang nakasaad sa ibaba sa pagpapaunlad ng kakayahang maging lider:
1. Aktibo
2. May pangitain o nakikita ang hinaharap
3. Mapanuri
4. May kakayahang ayusin ang mga suliranin
5. May kakayahang manghikayat
6. May kakayahang makinig at umunawa sa mga suhestiyon at saloobin ng mga nasasakupan
7. May malakas at matibay na kalooban
8. May kakayahang magpasya
9. May kakayahan sa pakikipagusap
10. May malinis na hangaring maglingkod
Nagbigay si Dr. Eduardo Morato (2007) ng iba’t ibang uri ng pamumuno. Ito ay ang mga sumusunod:

1. Pamumunong Inspirasyonal. Ang uring ito ay tumutukoy sa pamumuno na nagbibigay ng mabuting


halimbawa sa kaniyang nasasakupan. Pinangungunahan niya ang layunin ng samahan na siya mismo
ang nagpapakita kung ano ang kanilang gagawin. Nagiging mabuti siyang halimbawa o modelo para sa
mga kasapi.

2. Pamumunong Transpormasyonal. Nagsisilbing tagapayo at tagapamatnubay ang pamumuno sa


ganitong uri. May kakayahan ang lider upang makapagsagawa ng mga pagbabago sa kaniyang
pinamumunuan. Mahusay siyang tagapagturo at nagagawa niyang maging kalakasan ang mga
kahinaan upang magamit sa pagkamit ng adhikain ng grupo. Layunin nito ang paghahatid ng mga
inobasyon at pagtuon ng pansin sa kabutihang panlahat.

3. Pamumunong Adaptibo. Ang uring ito ay nangangailangan ng isang pinuno na may mataas na
kakayahang emosyonal. Kilala niya ang kaniyang sarili, maging ang kaniyang mga kakayahan. Ang uri
ng kaniyang pamumuno ay nakabatay sa kung ano ang kasalukuyang nagaganap.

Ang mga kakayahan ng adaptibong lider:


A. pamunuan ang sarili
B. umangkop sa kasakalukuyang pangyayari
C. makitungo sa iba’t ibang uri ng tao
D. makisama sa iba’t ibang uri ng personalidad
Ang mabuting pinuno ay may mga pinanghahawakang panuntunan upang maging mahusay na
tagapanguna. Dahil ito ay isang mabigat na responsibilidad, nangangailangan ito ng paglalaan ng
panahon, atensiyon at kakayahan. Mainam na magkaroon ng mahusay na lider subalit mahalaga pa rin
ang papel ng mga kasapi. Lubos na matatamo ang katagumpayan ng layunin ng grupo kung alam ng
bawat kasapi ang kani-kaniyang tungkulin. Narito ang ilan sa mga tungkulin ng mga kasama:

1. aktibong makilahok sa programa ng samahan


2. paunlarin ang mga kasanayan at kakayahan tungo
3. magpakita ng kasigasigan o kasipagan na magbahagi ng kaalaman
4. kumilala at magpasakop sa namumuno
5. magkaroon ng malinis na interes sa pagsali sa samahan
Mas mabuti kung ikaw ay ulirang tagasunod sapagkat pauunlarin nito ang iyong pagkatao. Nagiging
bahagi ka rin ng pagsusulong ng layunin ng grupo. Makatutulong ang mga sumusunod na kasanayan
upang maging isang ulirang tagasunod (Kelly, 1992): 1. kakayahan sa trabaho (job skills); 2. kakayahang
mag-organisa (organizational skills); at 3. Mga pagpapahalaga (values component).

8
Anoman ang iyong katungkulan, ikaw man ay lider o tagasunod, ay mahalaga na taglayin ang mga
pagpapahalaga sa sarili at sa pakikipagkapwa. Sa pamamagitan nito ay matutupad mo ang iyong
tungkulin na mapabuti ang iyong sarili, ang kapwa at maging ang lipunan.

Ang tao ay nilikha ng Diyos na hindi lamang tagasunod kundi tagapangalaga rin ng iba pa niyang
nilikha. Dito pumapasok ang konspeto ng iyong pagiging lider o pinuno at kasapi o miyembro. Anoman
ang iyong tungkulin, mahalaga na maisaalang-alang mo ang mga adhikain ng pangkat. Hindi lamang
nakatuon sa pansariling layunin kundi sa ikauunlad ng sarili, kapwa at lipunan.

Maging bahagi ka ng mga samahang makatutulong sa mas higit na nangangailangan. Piliin mo ang
grupong sasalihan na magdudulot rin sa iyo ng personal na pag-unlad. Huwag sumali sa mga samahang
nakapagpapahamak o nagdadala sa maling landas ng buhay. Maging mapanuri at magkaroon ng malinis
na hangarin sa pakikilahok. Ilaan ang sarili para sa mabubuting gawain.

III. PAGSASANAY
Gawain 1
Panuto: Tukuyin kung ang nakasaad ay gampanin ng isang lider o tagasunod. Isulat ang salitang LIDER
kung ito ay patungkol sa tagapanguna. Isulat naman ang TAGASUNOD kung ito ay nagsasabi
ukol sa gawain ng kasapi. Isulat ang sagot sa iyong sagutang papel.

____________1. Gumagabay upang makamit ang pangarap o pangitain ng samahan.


____________2. Gumaganap ng tungkulin na iniaatas ng nakatataas.
____________3. Nakikiisa sa mga adhikain ng asosasyon tungo sa pagkamit ng layunin.
____________4. Nangunguna sa pagpapatupad ng mga programa, proyekto at mga gawain.
____________5. Nagpapatupad ng matalinong pagpapasya.

Gawain 2
Panuto: Punan ang talahanayan sa ibaba. Magtala ng pangalan ng lider na kilala mo na
nagpakita/nagpapakita ng pagiging mabuting pinuno. Maaring ito ay iyong nakasama,
naobserbahan o nabalitaan. Maaaring lagyan ng larawan kung may paraan.

Pangalan ng lider Larangan Katangian Mga Mabubuting Nagawa

Halimbawa Edukasyon May pangitain o vision, Nagpasimula ng “Kariton


may malasakit sa kapwa Classroom” na nakaabot
Efren Peñaflorida ng mga batang lansangan.

Gawain 3
Panuto: Isulat ang ML kung ang pahayag ay tumutukoy sa mabuting lider. Isulat naman ang DML kung
hindi ito nagpapakita ng pagiging mapanagutang pamumuno. Isulat ang sagot sa iyong sagutang
papel.

______1. Ibinabahagi ni Leo ang mga pangarap niya para sa samahan na kaniyang pinamumunuan upang
sama-sama nilang maabot ito.
______2. Kapag may mga biyayang para sa mga kasapi ay inuuna muna ni Jaime ang kaniyang mga
kaibigan.
______3. Sa tuwing nagkakaproblema sa grupo nila Carol ay agad niyang kinakausap ang mga kasapi na
hindi nagkakaunawaan.
______4. Tinuturuan ni Kiel ang mga kasapi ng grupo upang mapaunlad ng mga ito ang kanilang sariling
kakayahan.
______5. Hinahayaan lamang ni Zoren ang mga miyembro na magtrabaho. Bilang lider, ito ang tungkulin
niya na maging tagapagpasunod lamang.

You might also like