You are on page 1of 2

Gonzales, John Rave M.

Gawain 3
BSIE 1 - 4

Gawain 3

PRESYO IBABA, SAHOD ITAAS!

Disyembre na naman at nalalapit na ang pagsisimula ng bagong taon, ngunit patuloy pa rin
ang masalimuot na pakikipagsapalaran ng mamamayang Pilipino laban sa matinding kahirapan at
kagutuman. Hindi na yan bago sa atin. Ang walang tigil na mga hamon dulot ng mga kalamidad sanhi
ng climate change, kasabay ng pagtama ng pandemya at mga isyu sa ekonomiya, ay nagdulot ng ‘di
mabilang na krisis sa bansa. Dagdag pa, ang mabilis na pagtaas presyo ng mga bilihin at ang
nanatiling mababang sahod ay naguudyok sa mas mahirap na buhay para sa mga manggagawang
Pilipino. Kaya nga siguro nagbabala ang World Bank na nananatili pa ring mataas ang inequality o
agwat ng mahirap sa mayaman sa Pilipinas.
Bilang isang probinsyano na naglakbay patungo sa Maynila upang mag-aral, mas napagtanto
ko ang mga hamon na kinakaharap ng mga Pilipino, lalo na ang mga nasa laylayan, sa pagtugon sa
mataas na presyo ng mga bilihin. Ang limitadong kita o allowance ay laging nasa harap ng aming
mga mata, at ang tanong ay paano nga ba ito maipagkakasya para sa mga pangunahing
pangangailangan. Ang madalas na tugon ng pamahaalan sa ganitong sitwasyon ay "nasa
kaniya-kaniyang diskarte lang iyan." Hindi ko na napigilan ang bugso ng damdamin nang mabasa ko
ito sa Facebook kaya siguro walang patumpik na tumpik na inilabas ko ang aking naglalagablab na
emosyon sa comment section. Noong nakaraang taon, bago ang Pasko, nadagdagan pa lalo ang
bigat ng buhay ng mga Pilipino dahil sa aksyon ng Department of Trade and Industry o DTI. Ayon
kasi kay DTI Undersecretary Ruth Castelo, kasyang kasya ang Php500.00 para sa Pasko dahil
"dapat kung magluluto, mayroon ka namang bawang, sibuyas, at mantika na." Tiyak ako na ang
kanilang paglabas ng "price guide" para sa Noche Buena ay nagdulot rin ng panggigipit at sakit sa
ulo sa maraming tao. Nitong mga nagdaang buwan nga lamang ay nagbigay na ng malaking hamon
para sa karaniwang Pilipino dahil sa sunud-sunod na pagtaas ng presyo ng mga bilihin, langis,
pamasahe, kuryente, at tubig. Ang pagkawala ng sapat na kita at buwanang sweldo, kasabay ng
tumataas na bilang ng walang trabaho, ay nagdudulot ng kawalan ng kabuhayan at nagiging sanhi ng
pagbagsak ng piso kontra dolyar at paghina ng ekonomiya sa kabuuan. Hindi maaaring itanggi na
ang mga suliranin sa ekonomiya ay hindi lang dulot ng pandaigdigang krisis kundi resulta rin ng mga
internal na kondisyon sa Pilipinas. Hindi maaaring sabihin na wala tayong magagawa at kailangan
lang magtiis hanggang sa lumipas ang krisis, dahil mismong mga patakaran sa ekonomiya natin ang
nagiging sanhi ng paghihirap sa ating mga kababayan.
Tuwing pumupunta nga ako palengke, mas pinipili kong bumili ng karneng baboy, prutas, at
gulay nang mauntian lamang, ngunit hindi kailanman magiging kasama sa mga opsyon ko ang bumili
ng mas mamahaling karne ng baka. Napansin ako na ang ganitong paraan ng pamimili ay isang
kaugalian na paniguradong hindi lamang ako ang gumagawa kundi isang malawakang gawi pala ito
sa lipunan. Kaya naiintindihan ko nang buong puso kung ang pangunahing daing ng nakararami ay
ang pangangailangan para sa pagbaba ng presyo ng mga pangunahing bilihin at ang pagtaas ng
sahod. Kung maisasakatuparan ito, ang buhay ng bawat Pilipino ay magiging mas maginhawa, at
ang pinaghirapan ng mga manggagawa ay hindi lamang mapupunta sa mga pangunahing
pangangailangan tulad ng pagkain, kuryente, tubig, gasolina, at iba pa. Bilang isang mag-aaral
ngayon at isang manggagawa sa hinaharap, higit na mahalaga sa akin ang pagsuporta sa mga
adbokasiyang ito. Sa gitna ng mga hamong ito, napipilitan ang mga Pilipino na gamitin ang kanilang
diskarte para mairaos ang pang-araw-araw na buhay. Ngunit kailangan natin tandaan na ito ay
resulta ng hindi pagkakapantay-pantay sa lipunan at ito mismo ay umusbong dahil sa kapitalismo.
Habang ang mga mamamayan ay kinakailangang magpatuloy sa pagpapakahirap, kung anu-ano ang
ginagawa at pinagkakakitaan upang maitaguyod ang sarili at pamilya, ang mga kapitalista naman ay
mas lalong umuunlad. Sa kabila ng diskarteng ito, ang mga dambuhalang negosyante, korap na
politiko, at panginoong may lupa ay nananatiling malaya sa kanilang pang-aabuso. Pinaparatangan
ang mga manggagawa na kulang o wala silang diskarte sa buhay, iniiwasan nila ang sariling
pananagutan sa sistemang siyang nagdadala ng pang-aapi at kahirapan sa mga nasa laylayan.
Nakagagalit na itinatak nila sa isipan ng mga Pilipino na ang mga mahihirap ay tamad kaya't ito ang
dahilan kung bakit hindi sila umuunlad. Ang katotohanan nga niyan ay ang gobyerno naman ang
dapat mangunang dumiskarte upang bigyan ng solusyon ang intergenerational poverty. Hindi sapat
ang simpleng pagturo sa mga mamamayan na maging matiyaga at magkaruon ng diskarte.
Kailangan ng makatarungan at makatarungan na sistema na nagbibigay proteksyon at oportunidad
sa lahat. Sa kalaunan, isa sa aking pinaniniwalaan na kailangan panagutin ang mga kapitalista sa
kanilang mga pagsasamantala. Mahalaga ang patuloy na pagtutol sa mapagsamatala at pasistang
awtoridad. Panahon na para sa gobyerno na magtaguyod ng konkretong solusyon at tunay na tulong
sa mga manggagawang Pilipino at sa mahihirap. Sa ganitong paraan, maaaring magkaruon ng tayo
ng makatarungan na lipunan kung saan ang bawat Pilipino ay may kakayahang umunlad at mabuhay
ng maayos.
Sa pagpasok ko lamang sa paaralan, ilang serbisyo na ang aking natatamo mula sa mga
manggagawang Pilipino. Sa bawat oras ng paggising nila sa umaga, bawat hakbang patungo sa
trabaho, at bawat pagod na nararamdaman sa pagbagsak ng araw, lahat ito ay may halaga at may
katumbas na inaasahan na sweldo. Ngunit, sa kabila ng mga pagod at sakripisyo, tila ba ang kinikita
ng maraming manggagawa at kawani ay hindi sapat at hindi nakabubuhay. Nakapanlulumo na
hanggang sa kasalukuyan, wala pa ring aksyon ang gobyerno upang bigyang ginhawa ang buhay ng
mga mamamayan. Sa lahat ng ito, ang kampanya para sa pagtaas ng sahod ay lumalabas na hindi
lamang simpleng paksa kundi isang hakbang na dapat maisakatuparan. Ito ay hindi lang tungkol sa
pag-angat ng kita kundi pati na rin sa pag-aangat ng kalagayan ng mamamayan sa kabuuan. Sa
gitna ng lumalalang krisis pang-ekonomiya, ito ay nagiging isang mahalagang hakbang patungo sa
mas maayos na kinabukasan. Sa pagtutulungan at sama-samang pagkilos kasama kaming mga
estudyante, maaaring ipaglaban ng mamamayan ang kanilang karapatan sa nakabubuhay na sahod
at makataong trabaho. Ang pagkakaisa ng sambayanan, ang pagtutol sa kontraktwalisasyon, at ang
panawagan para sa mas mataas na sahod ay hindi lamang laban para sa sarili kundi para sa
dignidad at karapatan ng bawat manggagawa.

You might also like