Isang pabula hango sa “The Ant and the Grasshopper” ni Aesop.
Maganda ang panahon. Mainit ang sikat ng araw. Maaga pa lamang ay gising na gising na si Langgam. Nagluto siya at kumain. Ilang sandali pa, lumakad na siya. Gaya ng dati, naghanap siya ng pagkain. Isang butil ng bigas ang nakita niya. Pinasan niya ito at dinala sa kanyang bahay. Nakita siya ni Tipaklong. “Magandang umaga kaibigang Langgam,” bati ni Tipaklong. “Kay bigat ng iyong dala. Bakit ba wala kanang ginawa kundi maghanap at mag-ipon ng pagkain?” “Oo nga, nag-iipon ako ng pagkain habang maganda ang panahon,” sagot ni Langgam. “Tumulad ka sa akin, kaibigang Langgam,” wika ni Tipaklong. “Habang maganda ang panahon, tayo ay magsaya. Halika, tayo ay lumukso. Tayo ay kumanta.” “Ikaw na lang kaibigang Tipaklong,” sagot ni Langgam. “Gaya ng sinabi ko sa iyo, habang maganda ang panahon ako ay naghahanap ng pagkain. Ito’y aking iipunin para ako ay may makain pag sumama ang panahon.” Lumipas pa ang maraming araw, dumating na ang tag-ulan. Ulan sa umaga, ulan sa hapon at sa gabi umuulan pa rin. At dumating ang panahong kumidlat, kumulog at lumakas ang hangin kasabay ang pagbuhos ngmalakas na ulan. Ginaw na ginaw at gutom na gutom ang kaawa- awang Tipaklong. Naalala niyang puntahanang kaibigang si Langgam. Paglipas ng bagyo, pinilit ni Tipaklong na marating ang bahay ni Langgam. Bahagya na siyang makalukso. Wala na ang dating sigla ng masayahing si Tipaklong. “Tok! Tok! Tok!” Nang buksan ni Langgam ang pinto nagulat siya.”Aba! Ang aking kaibigan,” wika ni Langgam. “Tuloy ka Tipaklong.” Binigyan ni Langgam ng tuyong damit si Tipaklong. Mabilis na naghanda siya ng pagkain. Ilan pang sandali at magkasalong kumain ng mainit na pagkain ang magkaibigan. “Salamat, kaibigang Langgam,” wika ni Tipaklong. “Ngayon ako naniniwala sa iyo. Kailangan nga palang mag-ipon habang maganda ang panahon at nang may makain pagdating ng tag-gutom.” Mula noon, nagbago si Tipaklong. Pagdating ng tag-init at habang maganda ang panahon ay kasama nasiya ng kanyang kaibigang si Langgam. Natuto siyang gumawa at higit sa lahat natuto siyang mag-impok. ARAL: Mag-impok habang maganda ang sitwasyon upang maging handa sa anumang suliranin sa hinaharap. Si Paruparo at si Langgam Takang-taka si Paruparo habang minamasdan niya si Langgam na pabalik-balik sa paghahakot ng pagkain sa kanyang lungga sa ilalim ng puno. “Ano ba iyang ginagawa mo, kaibigang Langgam? Mukhang pagod na pagod ka ay di ka man lang magpahinga?” tanong ni Paruparo. “Bakit di ka magsaya na tulad ko? “Naku, mahirap na,” aniya. “Malapit na ang tag-ulan. Iba na ang may naipon na pagkain bago dumating ang tag-ulan.” “Kalokohan iyan. Tingnan mo ako. Hindi natitigatig,” pagmamalaki ni Paruparo. “Bakit nga ba?” Nagtataka si Langgam. “Ganito iyon, e. Nakikita mo ba ang kaibigan ko sa damuhan?” inginuso niya ang nasa di kalayuan. “Sino?’ tanong ni Langgam. “Si Tipaklong, kaibigan ko iyan, Alam mo, matapang ang kaibigan ko. Nabibigyan niya ako ng proteksyon. Baka akala mo, dahil sa kanya walang sigwang darating sa akin,” pagyayabang ni Paruparo. “A, ganoon ba?” sabi ni Langgam. “Utak lang, utol. O, di pakanta-kanta lang ako ngayon dito. Ikaw lang e,” sabi ni Paruparo. “Wala akong inaasahan kundi ang aking sarili. Kaya kayod dito, kayod doon,” mababa subalit madiin ang tinig ni Langgam. “O, sige, ipagpapatuloy ko muna ang aking gawain.” Pagkatapos ng usapang iyon nagkahiwalay ang dalawa. Ang mga sumusunod na araw ay maulan. Hindi lamang mahabang tag-ulan. May kasama pang bagyo at baha. Mahirap lumabas at kung makalabas man wala ring matagpuang pagkain. Lalong umapaw ang tubig. Walang madaanan ang tubig dahil malalim din ang mga ilog at dagat. Tumagal ang baha. Palubha nang palubha ang kalagayan dahil malakas pa rin ang pagbuhos ng ulan. Ano kaya ang nangyari kay Langgam? Naroon siya sa guwang ng puno. Namamahinga. Sagana siya sa pagkain. Naisipan ni Langgam ang dumungaw upang alamin ang kalagayan ng paligid. Aba, ano ba ang kanyang nakita? Nakita niya si Paruparo at Tipaklong na nakalutang sa tubig. Patay ang dalawa. Mayamaya’y dalawang mabilis na ibon ang mabilis na dumagit sa kanila. Napaurong sa takot si Langgam sa kanyang nakita. Subalit nasabi pa rin niya sa kanyang sarili: “Kung sino ang may tiyaga, siya ang magtatamong pala.” Si Kuneho at si Pagong Isang araw ay nagkasalubong sa dana ang Kuneho at ang Pagong. Ngingisi-ngising inaglahi ng Kuneho ang Pagong. “Hoy, Pagong,” sigaw ng Kuneho, “pagkaikli-ikli ng mga paa mo at pagkabagal-bagal mong lumakad.” Hindi ipinahalata ng Pagong na siya ay nagdamdam. Upang patunayang may maipagmamalaki din naman ay sinagot niya ang mayabang na kalaban. “Aba, Kuneho, maaaring mabagal nga akong maglakad pero nakasisiguro akong matatalo kita sa palakasan. Baka gusto mong pabilisan tayong makaakyat sa tuktok ng bundok pagsikat ng araw bukas. Tinatanggap mo ba ang hamon ko?” Tuwang-tuwa ang Kuneho sa hamon ng Pagong. Nakasisiguro siyang sa bagal ng Pagong ay tiyak na mananalo siya. Upang mapahiya ang Pagong ay pinagtatawag ng Kuneho ang lahat ng kamag-anak niya. Pinulong niya ang mga ito at inutusang palakpakan siya kapag matagumpay na naakyat na niya ang tuktok ng bundok. Iniutos din niyang kantiyawan sa mabagal na pag-usad ang kalaban. Maagang-maaga dumating sa paanan ng bundok ang maglalaban. Maaga ring dumating ang iba’t ibang hayop na tuwang-tuwang makasasaksi ng isang tunggalian. Kapansin-pansing kung maraming kamag-anak si Pagong ay higit na maraming kamag-anak ni Kuneho ang nagsulputan. Nang sumisikat na ang araw ay pinaghanda na ng Alamid ang maglalaban. Ang mabilis na pagbababa ng kaniyang kanang kamay ang hudyat na simula na ang laban. Sabay na gumalaw paakyat ng bundok ang magkalaban. Mabilis na tumalun-talon ang mayabang na Kuneho paitaas na parang hangin sa bilis. Nang marating na niya ang kalahatian ng bundok at lumingon paibaba ay natanawan niya ang umiisud-isod na kalaban. Maraming naawa sa mabagal na Pagong. “Kaya mo yan! Kaya mo yan!” pagpapalakas ng loob na sigaw ng kaniyang tatay, nanay, kuya, ate, at mga pinsan. “Talo na yan! Talo na yan! Pagkabagal-bagal!” sigaw na panunudyo ng mga kamag-anak ni Kuneho. Kahit kinukutya ay sumige pa rin si Pagong. Buong loob siyang nagpatuloy sa pag-isod.
Malayung-malayo na ang naakyat ni Kuneho. Nagpahinga ito ilang
sandali upang tanawin ang anino ng kalaban. Nang walang makitang anumang umuusad ay ngingisi-ngising sumandal ito sa isang puno at umidlip. Kahit na sabihing napakabagal umusad ay pinagsikapan ng Pagong na ibigay ang lahat ng lakas upang unti-unting makapanhik sa bundok. Nang matanawang himbing na himbing sa pagtulog ang katunggali ay lalong nagsikap umisud-isod pataas ang pawisang Pagong. Palabas na ang araw nang magising si Kuneho. Nanlaki ang mga mata nito nang matanawang isang dipa na lamang ang layo ng Pagong sa tuktok ng bundok. Litong nagtatalon paitaas ang Kuneho upang unahan si Pagong. Huli na ang lahat sapagkat narating na ng masikap na Pagong ang tuktok ng tagumpay. Ang Agila at ang Maya Isang Agila ang kasalukuyang lumilipad sa kalawakan, buong yabang niyang iniladlad at ibinuka ang kanyang malalapad na pakpak. Habang patuloy siya sa kanyang paglipad ay nakasalubong niya ang isang maliit na ibong Maya at hinamon niya ito. “Hoy Maya, baka gusto mong subukan kung sino sa ating dalawa ang mabilis lumipad?” buong kayabangan ni Agila. Kaya naipasya niyang tanggapin ang hamon nito para maturuan niya ng leksyon. “Sige! Tinatanggap ko ang hamon mo. Kailan mo gustong magsimula tayo?” Natuwa ang Agila, hindi niya akalain na tatanggapin nito ang hamon niya. “Aba, nasa sa iyon ‘yan. Kung kailan mo gusto,” buong kayabangang sagot ni Agila. Napatingin ang Maya sa kalawakan. Nakita niyang nagdidilim ang kalangitan, natitiyak niyang ang kasunod niyon ay malakas sa pag-ulan. “Sige Agila, gusto kong umpisahan na natin ang karera ngayon na. Pero, para lalong maging masaya ang paligsahan natin ay kailangang bawat isa sa atin ay magdadala ng kahit anong bagay. Halimbawa ang dadalhin ko ay asukal ikaw nman ay bulak.”