You are on page 1of 8

Halina't Magbasa ng

Pabula

Name
Ang Daga at ang Leon
Isang daga ang nakatuwaang maglaro sa ibabaw ng isang
natutulog na leon. Kanyang inaakyat ang likuran ng leon at
pagdating sa itaas ay nagpapadausdos siya paibaba.
Sa katuwaan ay di niya napansin na nagising ang leon.
Dinakma ng leon ang daga at hinawakan sa buntot na wari
bagang balak siyang isubo at kainin. Natakot at nagmakaawa
ang daga.
“Ipagpaumanhin mo kaibigan. Hindi ko sinasadyang
gambalain ka sa pagtulog mo. Wala akong masamang
hangarin. Nakatuwaan ko lang na maglaro sa iyong likuran.
Huwag mo akong kainin,” ang sabi ng daga.
Nabakas ng leon sa mukha ng daga ang tunay na
pagmamakaawa.
“Sige, pakakawalan kita pero sa susunod ay huwag mong
gambalain ang pagtulog ko,” sabi ng leon.
“Salamat kaibigan. Balang araw ay makagaganti rin ako sa
kabutihan mo,” sagot ng daga.
Lumipas ang maraming araw at minsan sa pamamasyal ng
daga sa kagubatan ay kanyang napansin ang isang lambat na
nakabitin sa puno. Lumapit siya upang mag-usisa at agad
niyang nakilala ang leon na nahuli sa loob ng lambat na
ginawang bitag ng nangagaso sa kagubatan.
Dali-daling inakyat ng daga ang puno at nginatngat ang
lubid na nakatali sa lambat. Agad namang naputol ang lubid at
bumagsak ang lambat kasama ang leon sa loob. Mabilis na
bumaba ang daga at tinulungan ang leon na nakawala sa
lambat.
“Utang ko sa iyo ang aking buhay,” laking pasasalamat na
sabi ng leon sa kaibigang daga.
Ang Kabayo at ang Kalabaw
Isang magsasaka ang nais manirahan sa ibang bayan kaya
isang araw ay inipon niya ang kanyang mga gamit at inilulan sa
kanyang alagang kabayo at kalabaw.
Maaga pa ay sinimulan na nila ang mahabang paglalakbay.
Makaraan ang ilang oras ay nakaramdam ng matinding pagod
at pang-hihina ang kalabaw dahil sa bigat ng kanyang pasang
gamit.
“Kaibigang kabayo, di hamak na mas mabigat ang pasan
kong gamit keysa sa iyo. Maaari bang tulungan mo ako at
pasanin mo yung iba?” pakiusap ng kalabaw.
“Aba, yan ang ipinataw sa iyong balikat ng ating amo kaya
pagtiisan mo,” anang kabayo na lalo pang binilisan ang
paglalakad.
“Parang awa mo na tulungan mo ako. Di ko na kakayanin
ang bigat ng dala ko. Nanghihina ako. Alam mo namang
kailangan kong magpalamig sa ilog kapag ganito katindi ang
init ng araw dahil madaling mag-init ang katawan ko,”
pakiusap pa rin ng kalabaw.
“Bahala ka sa buhay mo,” naiinis na sagot ng kabayo.
Makaraan pa ang isang oras at lalong tumindi ang init ng
araw. Hindi nagtagal at ang kalabaw ay iginupo ng bigat ng
kanyang dala at siya’y pumanaw. Nang makita ng magsasaka
ang nagyari ay kinuha niya ang lahat ng gamit na pasan ng
kalabaw at inilipat sa kabayo na bahagya namang makalakad
dahil sa naging napakabigat ng kanyang mga dalahin.
“Kung tinulungan ko sana si kasamang kalabaw ay hindi
naging ganito kabigat ang pasan ko ngayon,” may pagsisising
bulong ng kabayo sakanyang sarili.
Ang Aso at ang Uwak

May isang ibong uwak na nakakita ng karne


na nakabilad sa araw.
Tinangay niya ito at lumipad nang malayo.
Sa dulo ng sanga ng isang puno ay sinimulan
niyang kainin ang karne.
Ngunit narinig niya ang malakas na boses ng
isang aso na nagsabing, “sa lahat ng ibon, ang
uwak ang pinaka-magaling. Walang kakumpara!”
Natuwa ang uwak at binukas ang bibig para
humalakhak. Ang nangyari ay nalaglag ang karne
mula sa kanyang bibig. Nahulog ito sa lupa kung
saan kaagad sinunggaban ng aso.
Walang nagawa si uwak kundi tingnan ang
pagkain ng aso sa nahulog nyang karne.
Mula noon hindi na muling nagpalinlang si
Uwak kay Aso.
Si Paruparo at Si Langgam
Takang-taka si Paruparo habang minamasdan niya si Langgam na pabalik-
balik sa paghahakot ng pagkain sa kanyang lungga sa ilalim ng puno.
“Ano ba iyang ginagawa mo, kaibigang Langgam? Mukhang pagod na pagod
ka ay di ka man lang magpahinga?” tanong ni Paruparo. “Bakit di ka
magsaya na tulad ko?”
“Naku, mahirap na,” aniya. “Malapit na ang tag-ulan. Iba na ang may naipon
na pagkain bago dumating ang tag-ulan.”
“Kalokohan iyan. Tingnan mo ako. Hindi natitigatig,” pagmamalaki ni
Paruparo.
“Bakit nga ba?” Nagtataka si Langgam.
“Ganito iyon, e. Nakikita mo ba ang kaibigan ko sa damuhan?” inginuso niya
ang nasa di kalayuan.
“Sino?’ tanong ni Langgam.
“Si Tipaklong, kaibigan ko iyan, Alam mo, matapang ang kaibigan ko.
Nabibigyan niya ako ng proteksyon. Baka akala mo, dahil sa kanya walang
sigwang darating sa akin,” pagyayabang ni Paruparo.
“A, ganoon ba?” sabi ni Langgam.
“Utak lang, utol. O, di pakanta-kanta lang ako ngayon dito. Ikaw lang e,” sabi
ni Paruparo.
“Wala akong inaasahan kundi ang aking sarili. Kaya kayod dito, kayod doon,”
mababa subalit madiin ang tinig ni Langgam. “O, sige, ipagpapatuloy ko
muna ang aking gawain.”
Pagkatapos ng usapang iyon nagkahiwalay ang dalawa.
Ang mga sumusunod na araw ay maulan. Hindi lamang mahabang tag-ulan.
May kasama pang bagyo at baha. Mahirap lumabas at kung makalabas man
wala ring matagpuang pagkain.
Lalong umapaw ang tubig. Walang madaanan ang tubig dahil malalim din
ang mga ilog at dagat. Tumagal ang baha. Palubha nang palubha ang
kalagayan dahil malakas pa rin ang pagbuhos ng ulan.
Ano kaya ang nangyari kay Langgam? Naroon siya sa guwang ng puno.
Namamahinga. Sagana siya sa pagkain. Naisipan ni Langgam ang
dumungaw upang alamin ang kalagayan ng paligid. Aba, ano ba ang
kanyang nakita?
Nakita niya si Paruparo at Tipaklong na nakalutang sa tubig. Patay ang
dalawa. Mayamaya’y dalawang mabilis na ibon ang mabilis na dumagit sa
kanila.
Napaurong sa takot si Langgam sa kanyang nakita. Subalit nasabi pa rin niya
sa kanyang sarili: “Kung sino ang may tiyaga, siya ang magtatamong pala.”
Ang Lobo at ang Kambing
Isang lobo ang nahulog sa balon na walang tubig. Sinikap
niyang tumalon upang maka-ahong palabas ngunit lubhang
malalim ang balon na kanyang kinahulugan.
Noo’y dumating ang isang uhaw na uhaw na kambing.
Lumapit ito sa balon at narining ang tinig ng lobo.
“Marami bang tubig sa loob ng balon?” tanong nito sa lobo.
“Oo, napakarami!” ang pagsisinungaling na sagot naman ng
lobo.
Hindi na nagdalawang-isip pa ang kambing. Agad itong
tumalon sa balon. At nalaman ngang siya’y niloko lamang
ng lobo.
“Ngayo’y pareho na tayong bilanggo ng balon na ito,” ang
sabi ng lobo. “Mamamatay tayo sa uhaw at gutom dito,” ang
sabi ng kambing.
“Kung gusto mong makaalis dito, magtulungan tayo.
Mayroon akong naisip na paraan kung papaano nating
gagawin iyon.”
“Papaano?”
Noon ipinatong ng lobo ang mga paa sa katawan ng
kambing. “Ako muna ang lalabas. At kapag nakalabas na
ako, saka kita hahatakin palabas,” pangako nito. “Sige,” ang
sabi naman ng kambing.
Nakalabas nga ng balon ang lobo sa tulong ng kambing.
Ngunit noong pagkakataon na ng kambing para tulungan
nito’y agad iyong tumawa ng malakas. Pagkuwa’y sinabing,
“Walang lobong manloloko kung walang kambing na
magpapaloko.”
Si Langgam at Si Tipaklong

Maganda ang panahon. Mainit ang sikat ng araw. Maaga pa lamang ay


gising na si Langgam. Nagluto siya at kumain. Pagkatapos, lumakad na siya.
Gaya nang dati, naghanap siya ng pagkain. Isang butil ng bigas ang nakita
niya. Pinasan niya ito at dinala sa kanyang bahay. Nakita siya ni Tipaklong.
“Magandang umaga, kaibigang Langgam”, bati ni Tipaklong. “Kaybigat ng
iyong dala. Bakit ba wala ka nang ginawa kundi maghanap at mag-ipon ng
pagkain?”
“Oo nga. Nag-iipon ako ng pagkain habang maganda ang panahon”,
sagot ni Langgam.
“Tumulad ka sa akin, kaibigang Langgam”, wika ni Tipaklong. “Habang
maganda ang panahon tayo ay magsaya. Halika! Tayo ay lumukso, tayo ay
kumanta.”
“Ikaw na lang, kaibigang Tipaklong”, sagot ni Langgam. “Gaya nang sinabi
ko sa iyo, habang maganda ang panahon, ako ay maghahanap ng pagkain.
Ito’y aking iipunin para ako ay may makain pagsumama ang panahon.”
Lumipas pa ang maraming araw. Dumating ang tag-ulan. Ulan sa umaga,
ulan sa hapon at sa gabi ay umuulan pa rin. At dumating ang panahong
kumidlat, kumukulog at lumalakas ang hangin kasabay ang pagbuhos ng
malakas na ulan.
Ginaw na ginaw at gutom na gutom ang kawawang Tipaklong. Naalaala
nilang puntahan ang kaibigang si Langgam.
Paglipas ng bagyo, pinilit ni Tipaklong na marating ang bahay ni Langgam.
Bahagya na siyang makalukso. Wala na ang dating sigla ng masayahing si
Tipaklong.
Tok! Tok! Tok! Bumukas ang pinto.
“Aba! Ang aking kaibigan”, wika ni Langgam. “Tuloy ka. Halika at maupo.”
Binigyan ni Langgam ng tuyong damit si Tipaklong. Saka mabilis na
naghanda siya ng pagkain.
Ilan pang sandali at magkasalong kumain ng mainit na pagkain ang
magkaibigan.
“Salamat, kaibigang Langgam”, wika ni Tipaklong. “Ngayon ako naniwala
sa iyo. Kailangan nga pa lang mag-ipon habang maganda ang panahon at
nang may makain pagdating ng taggutom.”
Mula noon, nagbago si Tipaklong. Pagdating ng tag-init at habang
maganda ang panahon ay kasama na siya ng kanyang kaibigang si Langgam.
Natuto siyang gumawa at natuto siyang mag-impok.
Sino ang Magtatali ng Kuliling?
May isang malaking Pusa na lagi nang aali-aligid upang makahuli
ng Daga. Marami-rami na rin itong nabibiktima. Aabangan
niyang lumabas ang Daga at saka ito sasakmalin at gugutay-
gutayin.
Sa sobrang takot ng mga Daga ay nagpulung-pulong sila. Pinag-
usapan nila kung paano nila maiiwasan ang mapanganib na Pusa.
Naging sobra sa ingay ang mga Daga habang nagpupulong. Ang
ingay ay nauwi sa katahimikan nang wala isa mang makaisip ng
paraan kung paano maiiwasan ang Pusa. Sa pagkakataong iyon,
nagpakitang gilas ang mayabang na Daga. Tumindig ito at
mayabang na nagsalita.
“May suhestiyon ako upang maiwasan nating lahat ang Pusa.”
Umaatikabong bulungan ang naganap.
“Tumahimik kayo!” utos ng mayabang na Daga. “Maiiwasan lang
natin ang ating kaaway kung tatalian natin ito ng kuliling sa leeg.
Kung may kukuliling, alam nating ang Pusa ay papalapit sa atin.”
“Oo nga. Kung maririnig natin ang kalansing ay makalalayo tayo
sa kinatatakutan natin,” natutuwang sabat ng Dagang Lalawigan.
Kunwaring nakayuko ang mayabang na Daga.
“Pe… pero… sino ang magtatali ng kuliling?” tanong ng
Matandang Daga.
“Hindi ako!” gumagaralgal ang boses na sabi ng Dagang
Lungsod. “Tiyak na sasakmalin ako ng Pusa.”
“Lalo namang hindi ako,” nanginginig ang tuhod na sabi ng
Dagang Bukid. “Palapit pa lamang ako ay nangangalmot na ang
nasabing Pusa. Tiyak na papatayin ako noon kapag nilapitan ko!”
Sa katanungang sino ang magkukulyar sa Pusa ay walang
sinumang nangahas na sumagot at gumawa. Lahat ay nabingi sa
tawag ng kabayanihan. Pati na ang mayabang na Daga ay wala
ring narinig na anuman.

You might also like