You are on page 1of 7

WORKSHEET SA FILIPINO 6

Paksa: Pagsagot ang mga tanong tungkol sa mga napakinggang pabula.


( F6PN-Ia-g-3.1 )
 
 

Ano ang dapat kong alamin?

Gamit ang modyul , maipamamalas ang kakayahan sa mapanuring pakikinig at pag-


unawa sa napakinggan. Pagkatapos nang araling ito, inaasahan na makasasagot ng
mga tanong tungkol sa mga napakinggang pabula.
 

Subukin:
 Panuto: Iugnay ang tamang sagot sa hanay A patungo sa hanay B.

  A B
 
1. pabula A. ang panahon lugar o pook kung saan
naganap ang pangyayari sa kwento
2. tagpuan B. magandang ugali o asal na mapupulot
mula sa kwento
3. tauhan C. tumutukoy sa pagkakasunod-sunod ng
mga pangyayari sa pabula
4. banghay D. uri ng panitikan  kung saan ang mga
hayop ang gumaganap na tauhan
5. aral E. ang mga bida o gumaganap sa kwento

 
Tuklasin:
 Kailan mo masasabi na tunay ang pagkakaibigan?
 Paano maipakikita ang pagmamahal at pagpapahalaga sa isang kaibigan
lalo’t higit sa panahon ng kalamidad o sakuna?
 
Sa kwentong ito ay matutuklasan natin kung paano pinatunayan ni Tipaklong
at Paruparo ang kanilang pagkakaibigan.
 
Ang Tipaklong at ang Paruparo
 
Ang katapatan ng isang kaibigan ay masusukat sa panahon ng
pangangailangan.
 
Kaylakas ng ulan! Kaylakas din ng hangin! May bagyo nang umagang iyon.
Nagsasayawan ang mga puno maging ang mga halaman at bulaklak.
“Ginaw na ginaw na ako,” ang sabi ni Tipaklong kay Paruparo. “Nakalabas pa
kasi ako sa aking pinagtataguang kahoy”.
“Tiyak na giginawin ka rin kahit nakatago ka na sa kahoy. Wala namang
tumatakip sa katawan mo. Bakit sisisihin mo ang paglabas mo sa iyong
pinagtataguan?” ang tanong ng kanyang kaibigang Paruparo.
“Hindi nga ako mababasa kung ako ay nakakubli,” ang malumanay na sagot
ni Tipaklong.
“Hindi mo naman makikita ang ganda ng paligid kung hindi ka lumabas sa
pinagtaguan mo. Ang lamig ng hangin ay hindi mo madarama. Hindi mo maaamoy
ang halimuyak ng mga nababasang bulaklak. Ang dulas ng mga dahon at halaman
ay hindi mo mahahawakan,” ang sagot ni Paruparo.
“Oo nga, ano?” ang sagot ni Tipaklong na may pagsang-ayon. “Higit
kang mapalad kaysa sa akin kaibigang Tipaklong,” ang sabi ni Paruparo.
“Bakit mo naman nasabi iyan?” ang tanong ni Tipaklong.
“Ang katawan mo ay mahaba. Matibay pa. Bakit giniginaw ka pa?
Samantalang ako, ang nipis-nipis ng aking katawan. Kapag nagpatuloy ang paghihip
ng malakas na hangin at pagbagsak ng malalaking tipak ng ulan, ang pakpak ko ay
matatangay,” ang sabi ni Paruparo.
“Makukulay ang mga pakpak mo ngunit may kanipisan. Hindi ba’t takot ang ulan sa
nakasisilaw mong kulay? Huwag kang mag-alala. Ang mga pakpak mo ay hindi
liliparin ng hangin,” ang sabi ni Tipaklong. “Saka, e ano kung liparin ang mga pakpak
mo? Ang mahalaga’y buhay ka.”
“Kung wala na akong ganda, aanhin ko pa ang buhay? Paano na ako
makalalapit kay bulaklak kung wala na akong mga pakpak?” ang malungkot na
tanong ni Paruparo.
“Kung sabagay, tama ang sinasabi mo, kaibigang Paruparo. Ako man ay
natatakot na kapag hindi tumigil ang bagyo, dahil sa sobrang ginaw mababali ang
aking mga paa na kahit anong pagpigil ay ayaw huminto sa panginginig,” ang sabi ni
Tipaklong.
“Upang makaiwas tayo sa bagyong ito, ano kaya ang mabuti nating gawin
para maligtas ang ating buhay?” ang tanong ni Paruparo. “Alam ko na, may paraan
akong naisip”, ang sabi ni Tipaklong. “Paano?” ang tanong ni Paruparo.
“Sa ilalim ka ng mga bulaklak magtago,” ang mungkahi ni Tipaklong.
“At ikaw naman, paano ka?” ang tanong ni Paruparo.
“Habang nakakapit ako at nagtatago sa sanga ng puno ay babantayan ko ang
bulaklak na pagtataguan mo para hindi malaglag,” ang sagot ni Tipaklong.
At sabay na kumapit sa bulaklak ang magkaibigang si Paruparo at si Tipaklong.

Suriin:

Sagutin ang sumusunod na tanong tungkol sa pabula:


1. Sino ang mga tauhan sa kwento? Ilarawan ang katangian ng bawat isa.
2. Bakit nag-aalala ang magkaibigan ng umagang iyon?
3. Ano kaya ang maaaring mangyari kung hindi lumabas ng pinagtataguan niyang
puno si Tipaklong.
4. Paano naprotektahan ni Tipaklong at Paruparo ang isa’t isa sa panahon ng unos?
5. Paano mo patutunayan ang pagpapahalaga sa isang kaibigan?
 
Pagyamanin:

Gawain 1
 
Matapos mong mabasa ang kwento, aling bahagi nito ang nagustuhan mo?
Ipaliwanag.
 

Gawain 2
 
Pumili ng isang tauhan sa pabula at iguhit ito. Anong katangian ang
hinangaan mo sa kaniya? Bakit mo nasabi?

Gawain 3
 
Anong aral ang natutuhan mo mula sa kwento? Itala sa loob ng kahon ang
iyong kasagutan.

Gawain 4
 
Gumawa ng isang tula o awit ukol sa iyong paboritong hayop. Itala sa ibaba ang
magagandang katangian nito.

 
 
Gawain 5
Basahin ang kwento ng “Ang Sakim na Aso”.Pagkatapos ay sagutan ang mga
tanong.

Ang Sakim na Aso


May isang sakim na Aso na lagi nang nagnanakaw ng mga pagkain ng mga
inosenteng Tuta. Isang araw ay gala nang gala ang Aso sa paghahanap ng
magugulangang Tuta. Masuwerte ang ganid sapagkat isang Tutang may sakmalna
pata ang makakasalubong nito sa daan. Nagkunwaring hindi pandin ng bruskong
Aso ang Tuta pero nang mapalapit ay bigla nitong inagaw ang taba at nagtatakbong
papalayo.
Nang mapagod sa katatakbo ang Aso ay nagpalinga-linga ito. Nag-aalala ang
ganid na baka may higit na malaki pang Aso ang gustong agawin sa kanya ang
masarap na pata ng baboy. Upang masiguro, hindi siya nagdaan sa kasukalan kundi
sa makitid na tulay.
Habang naglalakad na sakmal ang inagaw na pata ay nasalamin niya sa
malinaw na tubig ang sarili. Sa pag-aakalang higit na malaki ang patang sakmal
sakmal ng higit na maliit na Asong nasasalamin sa tubig, tinakot ng ganid ang anino
sa pagtahol nito. Nabitawan ng Aso ang pata na lumubog sa malinaw na tubig.
Sisinghap-singhap ang ganid na Aso sa panghihinayang.

Sagutin ang mga tanong:


1. Sino ang tauhan sa pabula?
2. Ano ang sakmal ng tuta na inagaw ng aso?
3. Saan nagdaan ang aso upang masigurong walang makakaagaw ng
sakmal niyang pata?
4. Bakit nahulog sa malinaw na tubig ang sakmal niyang pata?
5. Kung ikaw ang tuta, paano mo ipagtatanggol ang iyong sarili laban sa
malaking aso?

Gawain 6

Basahin ang kwento ng “Ang Unggoy at ang Pagong”.Pagkatapos ay sagutan ang


mga tanong.

Ang Unggoy at ang Pagong

Noong una pa man kahit laging magkasama ay palagi nang nagtatalo ang
magkaibigang Unggoy at Pagong. Maliit man o malaking bagay ay palagi nilang
pinagtatalunan subalit di naman dumarating sa puntong talagang nag-aaway na sila.
Kilala ang isa’t-isa. Masyado kasing mataas ang pagkakilala ni Unggoy sa kanyang
sarili. Tingin niya’y angat siya kay Pagong kung katalinuhan din lang ang pag-
uusapan. Madalas namang nagsasawalang kibo na lang si Pagong na kilala sa
pagiging mapagpakumbaba.
Dumating ang araw na naging napakasama ng panahon. “Tila babagyo!” ani Pagong
habang kumukubli sa dahon ng isang puno ng saging upang di mabasa.
“Napakanerbiyoso mo naman!” sagot ni Unggoy. “Umulan lang nang bahagya’y
parang katapusan nang mundo mo. Umusod ka nga nang kaunti at nababasa na ako
rito, “ ang dugtong na pang-uuyam ni Unggoy.
Nagsawalang kibo na lang ang Pagong at pinagbigyan ang Unggoy. Patuloy
na lumalakas ang ulan at humahagupit na ang hangin. Natatakot na rin ang Unggoy
ngunit di siya nagpahalata sa kasama.
“ Lilipas din agad iyan, makikita mo……” wika ng nagtatapang-tapangang
Unggoy.
Subalit ang bagyo’y sadyang lumakas pa hanggang matagpuan na lang ng dalawa
ang kanilang mga sariling palutang-lutang sa bumahang ilog sakay sa puno ng
saging na kanina lang ay nakatayo at kanilang sinisilungan.
Sa pagkakaanod sakay sa balsang puno ng saging ay di pa rin nawala ang
pagkamataasin ni Unggoy.
“Wag ka ngang malikot, Pagong baka mahulog ako. Ayokong mabasa ng pagkaitim-
itim na tubig na ito. Napakabaho na’y andami pang mga basura. Hay naku, ang mga
tao talaga! Ginagawang basurahan ang Ilog Parang ayokong tanggaping sila’y
galing sa aming lahi,” tuloy-tuloy na wika ni Unggoy.
“ Di nagtagal, inanod sila sa gilid ng isang gumuhong bundok. Upang di mahalata
ang pagkatakot ay nag-umpisa na lang uli ang Unggoy na magsalita. “Tingnan mo
ang bundok na ito, gumuho dahil walang punong nakatanim.Pinutol lahat ng mga tao
at naiwang nakatiwangwang. Hayun, ginawang kaingin ng mga magsasaka, sinunog
ang mga naiwang maliliit na puno. Itong baha ang bunga ng kanilang
kalapastanganan,” ang malamang wika ni Unggoy.
Tumango lang ang Pagong at nagwika; “Nakikita mob a ang mga kawawang ibong
‘yon? Wala silang madapuan kaya sila’y nangangatog sa lamig.”
“Aba, Pagong,’ pakli ni Unggoy, sila’y kinaawaan mo. Hindi mo ba nakikita ang
kalagayan natin? Para tayong mga yagit na di alam kung saan dadalhin ng baha.
Ang mga ibong iyon ay maaaring lumipad at humanap ng masisilungan kung
gugustuhin nila. Ikaw, hindi ka ba naaawa sa sarili mo?”
Napailing na lang ang Pagong at sabay sabi, “kung gugustuhin ko’y kanina pa ako
tumalon dito at lumangoy papunta sa ligtas na lugar. Nakalimutan mo yatang maaari
akong mabuhay sa tubig o sa kati man. Ayoko lang na iwan kang mag-isa sa puno
ng saging na ito.’
Biglang namutla at parang binuhusan ng malamig na tubig ang palalong Unggoy.

Sagutin ang mga tanong:


1. Bakit hindi iniwan ni Pagong ang kaibigang Unggoy sa pagkaanod nila sa baha?
2. Sino sino ang mga tauhan sa pabulang pinakinggan?
3. Ano ano ang mga katangiang ipinakita nina Pagong at Unggoy? Ilarawan.
4. .Bakit daw nagkaroon ng pagbaha ayon kay Unggoy?
5. Bilang isang mag-aaral sa Ikaanim na baitang, paano ka makatutulong sa
pangangalaga ng ating kapaligiran?
6. Ano ang inyong nadama matapos mabasa ang pabula?
ISAISIP 

Ang pabula ay isang uri ng panitikan kung saan ang mga tauhan sa kwento ay mga
hayop na kumikilos at nag-aasal tao.
 
Tauhan - tawag sa mga gumaganap sa kwento.
Tagpuan- ang panahon lugar o pook kung saan naganap ang pangyayari
sa kwento
Banghay- tumutukoy sa pagkakasunod-sunod ng mga pangyayari sa
pabula
Aral- magandang asal o kaugalian na mapupulot sa kwneto
 
Mahalaga ang mabuting pakikinig upang masagot ang mga tanong tungkol sa
napakinggang kwento o pabula.
 
Tandaan ang mga tauhan, mahahalagang pangyayari at aral na mapupulot sa
kwento.

 
Tayahin:

Panuto: Pakinggang mabuti ang pabula mula sa isang recorder, pagkatapos ay


sagutin ang sumusunod na tanong. Sundin ang panuto upang mapakinggan ang
pabula.
 
Kuwento ng Magkapatid na Daga: Si Kiko at Si Tomas
 
Ang kuwentong ito ay tungkol sa magkapatid na daga.
 
Tagaprobinsiya si Kiko habang tagasiyudad naman si Tomas. Kahit
magkalayo sila’y malapit sila sa isa’t isa. Sa katunayan, madalas silang
nagsusulatan para ayain ang isa’t isang bumisita sa
kani-kaniyang tirahan.
Isang araw, naisip ni Tomas na bisitahin si Kiko. Tuwang-tuwa si Kiko at
agad-agad ay naghanda sa pagdating ng kapatid.
Pagkatapos ng dalawang mahabang araw ng paglalakbay, nakarating din si
Tomas sa bahay ni Kiko sa probinsiya.
“Kumusta ang biyahe mo?” tanong ni Kiko.
“Napakatagal ng biyahe ko! Kinailangan kong sumakay ng barko nang isang
araw, at pagkatapos ay sumakay ng bus nang napakatagal para makarating dito.
Natutuwa akong nakarating din dito pero sobra akong napagod at nagutom,” sagot ni
Tomas. “Halika’t kumain ka’t magpahinga,” aya ni Kiko.
Nagsalo sa hapunan sina Tomas at Kiko. “Ito lang ba ang kinakain mo, Kiko?
Mais at munggo?” tanong ni Tomas.
“Ayaw mo ba ng mais at munggo? Puwede rin kitang ipaghanda ng iba’t ibang uri ng
gulay o di kaya prutas.” sagot ni Kiko.
“Wala bang keso? Sa siyudad, napakaraming uri ng keso ang puwedeng
kainin. Napakasarap ng mga kesong natikman ko at nanggaling pa ang mga iyon sa
ibang mga bansa,” pagmamalaki ni Tomas.
“Talaga? Parang gusto ko nang pumunta sa siyudad para lang matikman ang
mga kesong sinasabi mo,” sabi ni Kiko.
“Bakit hindi? Bisitahin mo ako minsan,” aya ni Tomas. Napakasaya ng mag-
kapatid na nagkasama silang muli.
Kinabukasan, madilim pa lang ay gising na si Kiko at handa nang mag-
trabaho.
“Ang aga mo naman gumising!” sabi ni Tomas na humihikab pa.
“Maaga talaga akong gumigising para marami akong matapos na trabaho
bago magtanghali,” sagot ni Kiko. “Mas mainit kasi ang araw kapag magtatanghali
na.” Kinabukasan, madilim pa lang ay gising na si Kiko at handa nang magtrabaho.
“Ang aga mo naman gumising!” sabi ni Tomas na humihikab pa.
“Maaga talaga akong gumigising para marami akong matapos na trabaho
bago magtanghali,” sagot ni Kiko. “Mas mainit kasi ang araw kapag magtatanghali
na.”
“Sa bagay, maaga rin kaming gumising sa siyudad para makaiwas sa trapik,”
sabi ni Tomas. “Ay, hindi namin problema ang trapik dito sa probinsiya,” sabi ni Kiko.
“Halika, samahan mo ako sa bukid.”
Bumangon si Tomas para samahan ang kapatid.
 
Sagutin ang mga tanong:
1. Sino ang mga tauhan sa kwento?
2. Anong uri ng pamumuhay mayroon ang magkapatid na daga?
3. Ilarawan ang naging paglalakbay ni Tomas bago makarating sa
tahanan ni Kiko.
4. Kung ikaw ay papipiliin, saan mo gustong manirahan sa probinsya o
siyudad? Ipaliwanag ang iyong sagot.
5. Anong uri ng kaugalian ang ipinakita ni Kiko sa kwento?

PAGNINILAY

Magsusulat ang mga bata sa kanilang kwaderno, journal o portfolio ng kanilang


nararamdaman o realisasyon gamit ang mga sumusunod :

Nauunawaan ko na ____________________________.
Nabatid ko na _________________________________.

You might also like