You are on page 1of 4

Week 1 Day 2- Sandosenang Sapatos

Isinulat ni Luis P. Gatmaitan, M.D.


Iginuhit ni Beth-Parrocha Doctolero

Sapatero si tatay. Kilalang-kilala ang mga likha niyang sapatos dito sa aming
bayan. Marami ang pumupunta sa amin para magpasadya. Ayon sa mga sabi-sabi,
tatalunin pa raw ng mga sapatos ni Tatay ang mga sapatos na gawang Marikina.
Matibay, pulido, at malikhain ang mga disenyo ng kanyang mga sapatos.

“Paano mo ba naiisip ang ganyang istilo? Kay ganda!? Siguro, dinadalaw ka ng musa
ng mga sapatos at suwelas? Parang may madyik ang iyong kamay!” Sa lahat ng papuri,
matipid na ngingiti lamang si Tatay. Tahimik na tao si Tatay. Bihirang magsalita.

Lumaki akong kapiling ang mga sapatos na gawa ni Tatay. Madalas ay kinaiinggitan
ako! ng mga kalaro at kaklase ko. Buti raw at sapatero ang Tatay ko. Lagi tuloy bago
ang sapatos ko kapag pasukan, kapag pasko, kapag bertdey ko, o kung nakatanggap ako
ng honors sa klase. Ginagawan pa niya ako ng ekstrang sapatos kapag may mga tira-
tirang balat at tela.

“Buti ka pa Karina, laging bago ang sapatos mo. Ako, lagi na lang pamana ng ate
ko. Sa ‘kin napupunta lahat ng pinagkaliitan nya,” himutok ng isang kaklase.

Nasa Grade II na ako nang muling magbuntis si Nanay. Kay tagal naming hinintay
na magkaroon ako ng kapatid. Sabi ng Lola ko, sinagot na raw ang matagal nilang dasal
na masundan ako. “Naku, magkakaroon na pala ako ng kahati sa mga sapatos! Pero di
bale, dalawa na kaming igagawa ni Tatay ng sapatos ngayon.”

Habang nasa tiyan pa si baby, narinig kong nag-uusap sina Tatay at Nanay.

“Nagpa-checkup ako kanina. Sabi ng doktora, babae raw ang magiging anak natin!”

“Talaga! Kung babae nga, pag-aralin natin ng ballet. Gusto kong magkaanak ng ballerina!
Ngayon pa lang ay pag-aaralan ko nang gumawa ng mga sapatos na pang-ballet.”

Pero hindi lahat ng pangarap ni Tatay ay natupad. Nagulat kaming lahat nang
makita ang bago kong kapatid. Wala itong paa. Ipinanganak na putol ang dalawang paa!
Nakarinig kami ng kung ano-anong tsismis dahil sa kapansanan ng kapatid ko. Siguro
raw ay binalak na ipalaglag ni Nanay ang kapatid ko kaya kulang-kulang ang parte ng
katawan. Nilusaw raw ng mga mapinsalang gamot ang kanyang mga paa. Isinumpa raw ng
mga diwata ng sapatos si Tatay dahil mahal na itong sumingil sa mga pasadyang
sapatos. O baka raw ipinaglihi si Susie sa manika.
“Nanay, bakit po ba walang paa si Susie?”

“Nagkaroon kasi ako ng impeksyon anak. Nahawa ako ng German measles habang
ipinagbubuntis ko pa lang ang kapatid mo. At iyon ang naging epekto,” malungkot na
kuwento ni Nanay. Hindi na magiging ballerina ang kapatid ko. Malulungkot si Tatay.
Araw-araw, ganun ang naiisip ko kapag nakikita ko ang mga paa ni Susie. Kaya pinilit ko
si Nanay na muling pag-aralin ako sa isang ballet school (dati kasi, ayaw kong
magballet).

“Pero, Misis, bakit hindi n’yo po subukang i-enrol si Karina sa piano, o sa painting,
o sa banduria class? Hindi yata talagang para sa kanya ang pagsasayaw,” sabi ng titser
ko sa Nanay ko. Nalungkot ako. Hindi para sa aking sarili, kundi para kina Tatay at
Susie, at sa mga pangarap na masyadong mailap. Saksi ako kung paanong minahal siya
nina Tatay at Nanay. Walang puwedeng manloko kay Bunso. Minsan, habang kami ay
nagpipiknik sa parke, may isang mama na nakakita kay Susie. “Tingnan nyo o, puwedeng
pang-karnabal yung bata!” turo nito kay Susie. Biglang namula si Tatay sa narinig.
Tumikom ang mga kamao. Noon ko lang nakitang nagsalubong ang mga kilay ni Tatay.
Muntik na niyang suntukin ito. “Ano’ng problema mo, ha?” Mabuti’t napigilan siya ni
Nanay.

Isang gabi, habang nakahiga kami sa kama, narinig kong kinakausap ni Tatay si
Susie. “Anak, hindi baleng kulang ang mga paa mo. Mas mahalaga sa amin ng Nanay mo
na lumaki kang mabuting tao at buo ang tiwala sa sarili.” Masuyo niya itong hinalikan.
Hindi tumigil si Tatay sa paglikha ng sapatos para sa akin. Pero napansin ko, kapag
sinusukatan niya ang paa ko, napapabuntung- hininga siya. Pagkatapos ay titingin sa
kuna. “Sayang, Bunso, di mo mararanasang isuot ang magagarang sapatos na gawa ni
Tatay,” bulong ko sa kanya.

Lumaki kami ni Susie na malapit ang loob sa isa’t isa. Hindi naging hadlang ang
kawalan niya ng paa para makapaglaro kami. Marami namang laro na di nangangailangan
ng paa. Lagi nga niya akong tinatalo sa sungka, jackstone, scrabble, at pitik-bulag. Ako
ang tagapagtanggol niya kapag may nanghaharot sa kanya. Ako ang tagatulak ng
wheelchair niya. Ako ang ate na alalay!

Noon ko natuklasan na marami kaming pagkakatulad. Parehong magaling ang aming


kamay kaysa aming mga paa. Ako, sa pagpipinta. Siya, sa pagsusulat ng mga kuwento. At
oo nga pala, si Tatay, kamay rin ang magaling sa kanya!

Minsan, ginising ako ni Susie. Sabi niya, nanaginip siya ng isang pambihirang
sapatos. Napakaganda raw nito sa kanyang mga paa. “May paa siya sa panaginip?” gulat
na tanong ko sa sarili. “Maniwala ka, Ate, kay ganda ng sapatos sa panaginip ko. Kulay
dilaw na tsarol na may dekorasyong sunflower sa harap!” Magbebertdey siya noon. At
napansin ko, tuwing nalalapit na ang kanyang kaarawan, nananaginip siya ng mga sapatos.
“Ate, nanaginip na naman ako ng sapatos. Kulay pula ito na velvet at may malaking
buckle sa tagiliran.” Binanggit din niya sa akin ang sapatos na kulay asul na bukas ang
dulo at litaw ang mga daliri niya. Ang sapatos na puti na may kaunting takong at may
ribbon na pula. Ang sapatos na yari sa maong na may burdang buwan at mga bituin. Ang
sandalyas na parang lambat. Ang kulay lilang sapatos na may nakadikit na bilog na
kristal sa harap. Manghang-mangha ako sa kung paanong natatandaan niya maski ang
pinakamaliliit na detalye ng mga sapatos, ang disenyong bulaklak, ribbon, butones,
sequins, beads, o buckle. Inaangkin niya ang mga sapatos na yon. “Ate, paglaki ko,
susulat ako ng mga kuwento tungkol sa mga sapatos na napapanaginipan ko. Ikaw ang
magdodrowing, ha?”

Paglipas pa ng ilang taon, namahinga na si Tatay sa paglikha ng mga sapatos.


Gumagawa na lamang siya ng sapatos para sa mga suking di matanggihan. Noong
nagdaos siya ng kaarawan, niregaluhan ko siya ng isa kong painting na may nakapintang
isang pares ng maugat na kamay na lumilikha ng sapatos. Binigyan naman siya ni Susie
ng isang music box na may sumasayaw na ballet dancer. “Pinasaya nyo ang Tatay nyo,”
sabi ni Nanay. Pagkatapos noon, naging masasakitin na siya. Labindalawang taon si Susie
nang pumanaw si Tatay.

Isang araw, hindi sinasadya’y napagawi ako sa bodega. Naghahalungkat ako ng


mga lumang sapatos na puwedeng ipamigay sa mga bata sa bahay ampunan. Sa
paghahalughog, nabuksan ko ang isang kahong mukhang matagal nang hindi nagagalaw.
Naglalaman ito ng maliliit na kahon. Mga kahon ng sapatos na maingat na nakasalansan!
“Para kanino ang mga sapatos? May umorder ba na hindi nai-deliver?” tanong ko sa
sarili. Pero nang masdan ko ang mga pares ng sapatos na ‘yon, nagulat ako. Taglay ng
mga sapatos ang pinakamahuhusay na disenyo ni Tatay. Iba-iba ang sukat nito. May
sapatos na pang-baby. May sapatos na pambinyag. May pang-first communion. May
pangpasyal. May pamasok sa eskuwelahan. May pangsimba. May sapatos na pang-
dalagita. Lalo akong nagulat nang mabasa ang kanyang dedication sa nakasabit na papel:
Para sa pinakamamahal kong si Susie, Alay sa kanyang unang kaarawan. Inisa-isa ko ang
mga kahon. Lahat ng sapatos na nandoon ay para kay Susie. Diyata’t iginagawa ni Tatay
si Susie ng mga sapatos? Para kay Susie, lugod ng aking buhay. Sa pagsapit niya ng
ikapitong kaarawan.Taon-taon, hindi pumalya si Tatay sa paglikha ng sapatos sa tuwing
magdaraos ng kaarawan si Susie! “Sandosenang sapatos lahat-lahat. Handog sa mahal
kong bunso .Sa kanyang ika-12 kaarawan.” Napaiyak ako nang makita ang mga sapatos.
Hindi ko akalaing ganun pala kalalim magmahal si Tatay. Binitbit ko ang sandosenang
sapatos at ipinakita ko kina Nanay at Susie. “H-Hindi ko alam na may ginawa siyang
sapatos para sayo, Susie.” Namuo ang luha sa mga mata ni Nanay. “Inilihim niya sa akin
ang mga sapatos…” “A-Ate, ito ang mga sapatos na napanaginipan ko…” Hindi
makapaniwalang sabi ni Susie habang isa-isang hinahaplos ang mga sapatos. “Ha?”
Noon ko lang naalala ang mga sapatos na ikinukuwento ni Susie. Dilaw na tsarol na
may dekorasyong sunflower sa harap. Kulay pulang velvet na may malaking buckle sa
tagiliran. Asul na sapatos na bukas ang dulo at litaw ang mga daliri. Kulay puti na may
kaunting takong at may ribbon na pula. Sapatos na yari sa maong na may burdang buwan
at mga bituin. Sandalyas na parang lambat. Kulay lilang sapatos na may nakadikit na
bilog na kristal sa harap.

Naisip ko, tinawid kaya ng pag-ibig ni Tatay ang mga panaginip ni Susie para
maipasuot sa kanya ang mga sapatos? Hindi ko tiyak.

Ang tiyak ko lang, hindi perpekto ang buhay na ito. Gaya ng hindi perpekto ang
pagkakalikha sa kapatid ko. Pero may mga perpektong sandali. Gaya ng mga sandaling
nilikha ni Tatay ang pinakamagagarang sapatos para kay Susie.

Basahin at unawain ang bawat katanungan. Isulat sa patlang ang letra ng


pinakatamang sagot.

_____1. Sino ang pangunahing tauhan sa kwento?


a. Carina b. Catrina c. Corina d. Cristina
_____2. Ano ang hanapbuhay ng tatay ni Carina?
a. Alahero b. Albularyo c. Sapatero d. Sastre

_____3. Ano ang pangarap ng Tatay ni Carina para sa anak?


a. Artista b. Balyerina c. Manganganta d. Piyanista
_____4. Bakit hindi na maaaring matupad ang pangarap ng tatay ni Carina para
sa kanyang
    nakababatang kapatid na si Suzy?
a. Dahil ayaw niya.
b. Dahil isa lang ang paa niya.
c. Dahil wala siyang mga paa.
d. Dahil wala siyang hilig sa pagsayaw.
______5. Kung ikaw ay may kapatid na may kapansanan, paano mo ipadarama ang
iyong
    pagpapahalaga sa kanya?
a. Aalagaan ko siyang mabuti at mamahalin.
b. Kaaawaan ko siya.
c. Kaiinisan ko siya.
d. Kagagalitan ko siya palagi.

You might also like