You are on page 1of 36

Kuwento ni: Guhit ni:

CHARITO M. NAZ JHUCEL A. DEL ROSARIO


Para kina

Cade Wilson at Celestine Winona


Kagawaran ng Edukasyon

AYAW KO SA KAKLASE KO
KARAPATANG-SIPI 2018

RESERBADO ANG LAHAT NG KARAPATAN.


ANG ANUMANG BAHAGI NG MAIKLING
KWENTO NA ITO AY HINDI MAAARING
ILATHALA O ILABAS SA ANUMANG ANYO
NANG WALANG NAKASULAT NA PAHINTULOT
NG MAY AKDA.

KWENTO NI: CHARITO M. NAZ


GUHIT NI: JHUCEL DEL ROSARIO
Kuwento ni:
CHARITO M. NAZ

Guhit ni:
JHUCEL A. DEL ROSARIO
“Hi…hi…hi…” “Ssshhh….”
“Ha…ha…ha…” “Hi…hi…hi…”
Paa? May paa nga!
“Lloyd!” nagulat ako sa sigaw ni Teacher
Nora. Lumakas bigla ang tawanan.

6
“Ano ka ba namang bata ka, pwede ka
namang pumasok nang maayos
gumapang ka pa! Maupo ka na!” wika ni
Teacher Nora sabay taas sa salamin niya sa
matang nalaglag na sa ilong niya. Hindi
naman galit si teacher, malakas lang ang
boses niya. Paano kaya niya nalaman na
may gumagapang hindi naman siya
nakatingin? May third eye kaya siya?

7
Sinundan ko siya ng tingin. Naupo siya sa
likod. Isang notbuk at isang lapis lang ang
laman ng bag niya na may malaking mukha
ng kandidato. Ang lukot niyang polo, puti
ba o dilaw? Puro putik pa ang sapatos.
Baha ba sa kanila?
Ayaw ko sa kanya!
Ayaw ko siyang kaibigan!

8
Unang araw pa lang ng pasukan late na
siya. Ang dumi pa ng damit. Hindi pa binati
si teacher. Hindi rin nag-sorry. Tumingin ako
ulit. Bilog na bilog at masasayang mga
mata ang nakatingin sa akin. Gusto kong
ngumiti pero di ko gagawin.
Ayaw ko talaga sa kanya!

9
Kamusta ang unang araw mo sa paaralan,
Justin?” Tanong ni Lola Nena pag-uwi ko
galing sa eskwelahan.
“May mga bago ka na bang mga
kaibigan?”
Sa Dubai nagtatrabaho sina mama at
papa kaya dito muna ako kay lola nakatira.
Nalungkot talaga ako noon.

10
Pero okay na ako ngayon. Masaya
naman akong si lola lang ang kasama ko.
Inaalagaan niya ako at alam kong mahal
niya ako. Meron siyang kasama sa bahay, si
Ate Me Ann. Siya ang nagluluto, naglilinis ng
bahay, naglalaba, nagpaplantsa at kung
ano ano pa. Pero ang mga damit ko si lola
ang naglalaba at nagpaplantsa.

11
“Gusto kong ako ang naglalaba at
namamalantsa ng damit ni Justin. Lalo na
ang mga uniporme niya.” Narinig kong sabi
ni lola noong nag-video call si mama.
Ayaw ni mama na naglalaba at
namamalantsa si lola.
Matanda na kasi siya.

12
“Ang bata ay dapat na laging malinis
ang katawan at damit. Walang
makikipagkaibigan sayo at hindi ka
kagigiliwan ng tao kung madumi ka.”
Sermon ni lola sa akin noong pumunta siya
sa bahay namin sa Laguna. Nahuli niya
akong naglalaro ng lupa sa labas ng
bahay. Lagi na akong malinis. Ayokong
magalit si Lola Nena. Mahal ko kasi siya.

13
Nakita ko si Lloyd kaninang uwian.
Nakatingin sa mga kaklase naming
naghahabulan. Nakatayo sa may puno at
nakangiti. Gusto niya yatang sumali. Pero
hindi naman siya isinasali ng mga kaklase
namin. Madumi nga kasi siya. Kaya wala
siyang kaibigan.

14
Kung makikipagkaibigan ako sa kanya,
sigurado akong lalayuan na rin ako ng mga
kaklase namin. Nakita ko siyang tumakbo
palabas ng gate ng eskwelahan. Sayang
mukha pa naman siyang mabait at
masayahin. Nakita ko iyon sa bilog na bilog
niyang mga mata.
15
“Lloyd, Lloyd, gising na uwian na!” ang
lakas na naman ng tawa ng mga kaklase
namin. Biyernes na ngayon. Sa isang
linggo, dalawang beses nang nakatulog si
Lloyd sa klase namin. Hindi naman siya
nahihiya talaga.
“Lloyd, gising ka na uuwi na tayo!”
tinapik-tapik na ni Teacher Nora ang balikat
ni Lloyd para magising.

16
Napakamot na lang si Lloyd sa batok.
Pagdilat niya kasi mukha ni Teacher ang
nakita niya.
Lalong lumakas ang tawanan ng mga
kaklase ko.
Natatawa na rin ako.
Hindi ko na pinigil ang sarili ko.
Tumawa na rin ako ng malakas.

17
Birthday na ni Lola Nena sa Linggo.
Madami siyang dadating na bisita.
Sinamahan ko siya sa palengke. Namili
kami ng ihahanda niya. Madami na
kaming pinuntahang tindahan. Pero bakit
wala kaming bitbit?
“Lola, nasaan po ang mga binili natin?”
“Kukunin na lang ang mga iyon ng aking
kargador.

18
“Dumaan muna tayo sa damitan apo,
may bibilhin lang ako”, yaya ni lola sa akin.
Bibili siguro ng damit niya si lola.
“Doon na natin hintayin ang maghahakot
ng binili natin sa lugawan. Kumain muna
tayo. Nasabihan ko na siya noong isang
araw.” Patalon-talon akong sumunod kay
lola. Kakain kami ng lugaw!

19
Ang sarap ng lugaw na may itlog! Busog
na busog ako!
“Aling Nena! Kanina pa po ba kayo?”
“Hindi, katatapos lang naming kumain ng
apo ko.” Sagot ni lola,
Napatingin ako sa batang may dala ng
maliit na kariton.
Nakangiti siya sa akin. Tuwang-tuwa siya
na makita ako.

20
Kitang kita ko iyon
sa bilog na bilog at
masasaya niyang mga
mata.

“Ito nga pala si Justin, ang apo ko.


Doon din siya pumapasok sa paaralan
na pinapasukan mo. Nagkikita ba kayo
roon? 21
“Opo! Magkaklase po kami.” masayang
tugon ni Lloyd kay Lola Nena.
“Talaga! Mabuti naman kung ganoon.
Binili nga pala kita ng bagong uniporme. Ito
na ang gagamitin mo mula ngayon.”
“Salamat po Aling Nena.” Nahihiyang
tinanggap ni Lloyd ang bago niyang
uniporme.

22
Hindi pala para kay lola ang damit na
binili niya, para pala kay Lloyd.
“Walang anuman anak, basta kung may
kailangan ka huwag kang mahihiya na
sabihin sa akin. O kaya ipasabi mo nalang
sa aking apo tutal naman pala ay
magkaklase pala kayo. Paano tara na at
tanghali na baka may ihahatid ka pa,”
yaya ni lola.

23
“Birthday ni lola bukas. Punta ka!”
“Sige pag wala ng masyadong tao dito
sa palengke. Maraming tao kapag Linggo,
mas malaki ang kinikita ko. Ibibili ko si lola
ng gamot niya saka pagkain namin
hanggang Lunes” puno ng siglang kwento
ni Lloyd.

24
Ngunit bakit nalungkot ako bigla?
Nalungkot ako para sa kanya. Nakita ko
ang sagot sa bilog na bilog niyang mga
mata. Wala ang saya na lagi kong nakikita.
Nalulungkot din pala siya. Kagaya rin ng
lungkot ko noong naglalakad na palayo
sina mama at papa. Palayo sa amin ni lola.
Palayo sa akin.

25
Binigyan ni lola si Lloyd ng pera.
Nakangiti na ulit ang bilog na bilog niyang
mga mata. “Pumunta ka sa bahay bukas
para makapag-uwi ka ng ulam para sa lola
mo.”
“Ang laki po nito Aling Nena, ibibili ko po
ng gamot ni lola. Salamat po!”

26
Mabagal ang takbo ng tricycle. Hindi
masyadong makaabante sa dami ng
nagtitinda sa eskinita. Kaway pa rin ng
kaway si Lloyd sa akin. Hindi ko naman
maalis ang tingin ko sa kanya. Ayaw ko pa
rin ba kay Lloyd? Ayaw ko pa rin ba siyang
maging kaibigan?
27
Bumibilis na ang takbo ng tricycle.
Palabo na nang palabo si Lloyd sa paningin
ko. Palinaw naman nang palinaw sa akin
kung bakit madumi ang kanyang uniporme.
Kung bakit nahuhuli siya sa pagpasok sa
eskwelahan. Kung bakit nakatutulog siya sa
klase. Kung bakit hindi siya nakikipaglaro
kahit gusto niya.
28
Nandoon pa rin si Lloyd. Nakatayo.
Nakatanaw. Kumakaway.
Paliit na nang paliit si Lloyd. Palaki
naman nang palaki ang ginawa kong
pagkaway at pagngiti sa kanya. Sana lang
makita pa niya.
Ayaw ko pa rin ba kay Lloyd? Ayaw ko
pa rin ba siyang maging kaibigan?

29
Maaga akong gigising bukas. Maaga
kong aabangan ang pagdating ng batang
dati kong inaayawan. Aabangan ko ang
pagdating ng bago kong kaibigan. Isang
bagong kaibigan na may bilog na bilog at
masasayang mga mata.

30
MT3G-IVa-b-1.4 – Identifies and uses
adjectives appropriate for the grade
level
F3WG-IIIe-f5 – Nakakagamit ng tamang
salitang kilos/pandiwa sa pagsasalaysay
ng mga personal na karanasan.

Sagutin ang mga tanong.


1. Ano ang pamagat ng kwento?
2. Sino-sino ang tauhan?
3. Saan naganap ang kuwento?
4. Ano ang naging problema sa
kuwento?
5. Paano nasolusyonan ang problema?

31
Panuto: Gamit ang venn diagram.
Itala ang mga magkaibang katangian
nina Justin at Lloyd. Itala naman sa
gitnang bilog ang kanilang pagkakatulad.

Justin Lloyd

32
Panuto: Tulungan natin sina Justin at Lloyd
na mahanap ang mga pandiwa o
salitang kilos na ginamit sa kwento.

1. “Ano ka ba namang bata ka, pwede


ka namang pumasok nang maayos
gumapang ka pa!”
2. Sa Dubai nagtatrabaho sina mama at
papa kaya dito muna ako kay lola
nakatira.
3. Bumibilis na ang takbo ng tricycle.
Palabo na nang palabo si Lloyd sa
paningin ko.

33
34
Bata pa lamang ay pangarap na ng
may akda ang umulat ng kwento.
Subalit hindi ito nabigyan ng katuparan. Sa
halip ay nagtapos siya ng kursong
Bachelor of Arts in Accountancy. Sa pagnanais na
maiba ang takbo ng kanyang buhay, nagdesisyon
siyang kumuha ng earning units sa Education.
Nasa ikalawang taon pa lamang siya ng kanyang
pagtuturo sa San Gabriel III Elementary School. Hindi niya
inasahan na sa pamamagitan nito ay magkakaroon ng
katuparan ang kanyang munting pangarap noong siya
ay bata pa…ang makapagsulat ng isang kwento.

Pangarap niya noong una na kumuha


ng kursong Fine Arts sa halip ay nagtapos
siya ng Bachelor of Elementary Education.
Ipinanganak siya at lumaki sa Naic, Cavite.
Sa ngayon siya ay guro sa Paaralang Elementarya ng
Malainen Bago.
Sa pamamagitan ng kanyang pagtuturo ay
nabibigyang katuparan ang kanyang naunang
pangarap. Lalo pa itong napaigting sa pamamagitan ng
isang facebook group na Guhit Pinas.
Ayaw ko sa kanya! Ayaw ko
siyang kaibigan! Isang notbuk
at isang lapis lang ang laman ng bag
niya. Ang lukot niyang polo, puti ba o
dilaw? Puro putik pa ang sapatos. Baha
ba sa kanila? Sinundan ko siya ng tingin,
bilog na bilog at masasayahing mga mata
ang napatingin sa akin. Gusto kong
ngumiti pero hindi ko gagawin.
Ayaw ko talaga sa kanya!

You might also like