You are on page 1of 11

AP REVIEWER

ARALIN 1 – DEMAND

● Ang DEMAND ay tumutukoy sa dami ng produkto at serbisyo na nais at kayang bilhin ng isang
konsyumer sa isang takdang panahon.

Halimbawa, ang isang apa ng ice cream ay nagkakahalagang 5 PhP. Binigyan ka ng iyong nanay ng 20 PhP
para bumili ng ice cream. Ilang ice cream ang kaya mong mabili sa 20 PhP?

KONSEPTO NG DEMAND

Sakaling tumaas ang halaga ng isang apa ng ice cream sa 8 PhP, ilang ice cream na lang ang mabibili mo
sa 20 PhP? Paano kung ang isang apa ng ice cream ay maging 12 PhP ang isa? Kumpletuhin natin ang
talahanayan sa ibaba.

Habang tumataas ang presyo ng isang produkto o serbisyo, bumababa naman ang demand nito. Sa
pagtaas ng presyo ng isang produkto, mas kaunti na lamang ang kaya at gustong bilhin ng isang
konsyumer. Ang tawag sa konseptong ito ay Batas ng Demand.

DEMAND SCHEDULE

● Ang DEMAND SCHEDULE naman ay isang talahanayan na nagpapakita ng pagbabago sa dami ng


produkto na kayang bilhin ng isang konsyumer habang nagbabago ang presyo nito.

Makikita rin natin sa demand schedule ang konsepto ng Batas ng Demand, habang tumataas ang presyo,
mas kakaunting ice cream na lang ang kayang mabili sa 20 PhP.
MGA IBANG SALIK NA NAKAKAAPEKTO SA DEMAND:

 KITA
o Habang tumataas ang kita ng isang tao ay mas marami na ang kaya niyang bilhin. Balikan
ang halimbawa ng ice cream sa talakayan kanina. Nakadepende ang dami ng ice cream
na mabibili sa badyet na 20 PhP. Sakaling taasan natin ang “kita” o pera na natanggap
mo para bumili ng ice cream, mas maraming ice cream ang kaya mong mabili.
 Normal Goods. Ito ay uri ng mga produkto na tumataas ang demand habang
tumataas ang kita ng tao. Dito kabilang ang mga kagustuhan at luho ng tao.
Halimbawa nito ay kotse, alahas at iba pang luxury items.
 Inferior Goods. Ito ay uri ng mga produkto na bumababa o hindi nagbabago ang
demand kahit na tumataas ang kita ng isang tao. Halimbawa nito ay bigas at
noodles
 BIGAS: Hindi magbabago ang demand ng bigas kahit na tumaas ang kita
ng isang tao dahil kung kumukonsumo siya ng 1/2 kilo ng bigas sa isang
araw, hindi magbabago ang dami ng pagkonsumo ng bigas sa
pagbabago ng kanyang kita.
 INSTANT NOODLES: Ang isang tao na kumikita nang mas malaki ay hindi
na muna bibili ng instant noodles dahil kaya niya nang bumili ng mas
masarap na pagkain.
 PANLASA
o Nakadepende rin ang demand sa panlasa o taste ng isang tao. Isang halimbawa ang
sapatos.
 SAPATOS: Maraming mga rubber shoes ang ibinebenta sa pamilihan tulad ng
Nike, Adidas, Under Armour, Fila at iba pa. Nakadepende ang pagnanais na
bumili ng tao ng sapatos sa kanyang panlasa sa disenyo, kulay o gamit sa
sapatos na kanyang bibilhin.
 DAMI NG MAMIMILI
o Nakaaapekto rin ang dami ng mamimili sa demand ng isang produkto. Kadalasan kung
ano ang usong produkto, ito ang may mataas na demand.
 PRESYO NG KAUGNAY NA PRODUKTO
o Substitute Goods. Mga produkto na pareho ang gamit at pakinabang ng tao. Kapag
nagtaas ang presyo ng isang produkto, bababa ang demand nito at tataas naman ang
demand ng kanyang substitute goods.
 Butter (Mantikilya) at Margarine (Margarina): Kapag tumaas ang presyo ng
butter, mas pipiliin ng konsyumer na bumili na lamang ng margarine kaya tataas
ang demand ng margarine
o Complementary goods. mga produkto na palaging binibili nang magkasama. Kapag tumaas
ang demand ng isang produkto, tataas din ang demand ng complementary good nito.
 Halimbawa ay Shampoo at Conditioner.
 EKSPEKTASYON
o Ang ekspektasyon o inaasahan ng tao na mangyari ay nakakaapekto rin sa demand.
Kabilang sa ekspektasyon ang panahon at resulta ng isang pangyayari. Isang halimbawa
ang taas ng demand ng bulaklak at tsokolate kapag Valentine’s Day

BATAS NG DEMAND:

Presyo Demand

ARALIN 2 – SUPPLY

Ang SUPPLY ay ang dami ng produkto at serbisyong handang ipagbili ng prodyuser sa loob ng takdang
panahon.

Halimbawa, ang isang apa ng ice cream ay nagkakahalagang 5 piso. Kung ikaw ay isang prodyuser, ilang
apa ng ice cream ang nais mong ibenta sa halagang ito?

Habang tumataas ang presyo ng ice cream ay tumataas din ang bilang ng apa ng ice cream na nais ibenta
ng prodyuser dahil lumalaki rin ang kanyang kita. Hangarin ng prodyuser na malaki palagi ang kanyang
kita
BATAS NG SUPPLY

Habang tumataas ang presyo ng isang produkto o serbisyo ay tumataas rin ang supply nito sa pamilihan.
Ito ang Batas ng Supply. Maraming prodyuser ang nais magtinda ng mga produkto at serbisyo na mataas
ang presyo dahil alam nilang malaki ang kanilang kikitain.

PRESYO/QUANTITY SUPPLIED (Dami ng Supply)

Alalahanin na ang batas ng supply ay umiiral ceteris paribus na nangangahulugang hindi nagbabago ang
ibang salik na maaaring makaapekto sa dami ng supply maliban sa presyo. Maaaring sabihin na mas nais
magbenta ng prodyuser ng isang produkto sa mas mababang halaga dahil mas marami ang magnanais
bumili nito.

Ang ideya na ito ay aplikasyon ng parehong batas ng supply at demand na tatalakayin sa susunod na
aralin. Dagdag pa rito, ang presyo sa batas ng supply ay dinidikta ng pamilihan at hindi ng prodyuser.
Para sa araling ito, ang saklaw lamang natin ay ang batas ng supply, ceteris paribus.

SUPPLY SCHEDULE

Ang supply schedule naman ay isang talahanayan na nagpapakita ng pagbabago sa dami ng produkto na
nais ibenta ng isang prodyuser habang nagbabago ang presyo nito. Makikita rin natin sa talahanayan ang
aplikasyon ng Batas ng Supply.
MGA SALIK NA NAKAKAAPEKTO SA SUPPLY

 TEKNOLOHIYA
o Napabibilis ng makabagong teknolohiya ang produksyon ng isang produkto kung kaya
tumataas ang supply nito sa mas maikling panahon
o Hal. Ang paggamit ng gilingan ng palay ay nakatulong upang mas mapabilis ang pagiging
bigas ng palay kumpara sa manomanong pagbayo dito. Dahil dito ay mas mabilis
nakakapagprodyus ng bigas.
Ang pagpapatayo ng magandang daanan ay isa ring halimbawa nang paggamit ng
teknolohiya upang mapataas ang supply ng palay. Dahil sa mga bago at sementadong
daan, mas mabilis at mas marami ang nakakarating na bigas sa pamilihan.
 HALAGA NG SALIK NG PRODUKSYON
o Kapag nagbabago ang presyo ng salik ng produksyon ng isang produkto (lupa, paggawa
at kapital) ay magbabago rin ang supply nito.
o Hal. Ang pagtaas ng presyo ng karne ay makaaapekto sa dami ng ulam na maaaring
ihanda ng isang may-ari ng karinderya.
Dahil sa pagtaas ng presyo ng karne, mas kaunti ang mabibili niyang ibang sangkap lalo
na kung limitado lamang ang kanyang badyet at malilimitahan rin ang dami ng ulam na
maaari niyang maluto.
 BILANG NG NAGTITINDA
o Kung mas marami ang nagtitinda ng isang produkto ay mas marami ang supply nito.
o Hal. Ang mga produktong ube cheese pandesal ay nauuso online. Dahil sa kasikatan ng
produkto na ito ay maraming online sellers ang nais magbenta nito na nagreresulta sa
pagtaas ng supply nito. Kadalasan ay nababawasan rin ang bilang ng nagtitinda kapag
hindi na sikat sa pamilihan ang isang produkto.
 EKSPEKTASYON
o Magkaugnay ang ekspektasyon sa salik na bilang ng nagtitinda. Kapag may mahalagang
pangyayari o espesyal na okasyon, asahan na tataas ang supply ng mga produktong may
kaugnayan sa pangyayaring ito.
 Kadalasan kapag nalalapit na ang Valentine’s day ay mas marami ang nagtitinda
ng bulaklak at mga stuffed toy kahit saang lugar kung kaya mataas ang supply ng
bulaklak at stuffed toy kapag Valentine’s day.
 Mapapansin sa mga shopping mall na kapag panahon ng tagulan ay kakaunti na
lamang ang nagbebenta ng mga kagamitang para sa tag-init tulad ng swimsuit at
maninipis na damit.
 PRESYO NG KAUGNAY NA PRODUKTO
o Kung ang dalawang produkto ay substitute goods, mas nanaisin ng prodyuser na taasan
ang supply ng produkto na may mas mataas na presyo.
o Halimbawa: Ang isang nagtitinda ng prutas ay mas ma-eengganyo na taasan ang supply
ng mansanas dahil mataas ang presyo nito sa pamilihan, kahit na marami namang iba
pang prutas na maaaring itinda
ARALIN 3 – INTERAKSYONG NG DEMAND AT SUPPLY

EKWILIBRIYO

 Nicholas Gregory Mankiw (2012)


o Nagaganap ang ekwilibriyo kapag nagtatamo ng kasiyahan ang parehong konsyumer at
produsyer.
o Isang kalagayan sa pamilihan na ang dami ng handa at kayang bilhing produkto o
serbisyo ng mga konsyumer (QD) at ang handa at kayang ipagbiling produkto at
serbisyo ng mga prodyuser (QS) ay pareho ayon sa presyong kanilang pinagkasunduan.
 EKWILIBRIYONG PRESYO
o Pinagkasunduang presyo ng konsyumer at produsyer
 EKWILIBRIYONG DAMI
o Napagkasunduang bilang ng mga produkto o serbisyo

DISEKWILIBRIYO

 Anumang sitwasyon o kalagayan na hindi pareho ang Quantity Demanded (Qd) at Quantity
Supplied (Qs) sa isang presyo.
 SHORTAGE (Kakulangan)
o Mas mataas ang Quantity Demanded kaysa sa Quantity Supplied (QD>QS)
 SURPLUS (Kalabisan)
o Mas mataas ang Quantity Supplied kaysa sa Quantity Demanded (QS>QD)

ARALIN 5 – ISTRUKTURA NG PAMILIHAN

PAMILIHAN

 Ang pamilihan ay ang transaksyon o palitan ng produkto at serbisyo sa pagitan ng prodyuser at


konsyumer. Hindi kinakailangan na magkaroon ng pisikal ng lugar ang isang pamilihan. Ang
pamilihan ay maaaring lokal, panrehiyon o internasyunal.
 Ayon kay Adam Smith, ang pamilihan ay isang mahusay na paraan para maisaayos ang mga
gawaing pang-ekonomiko. Ang presyo ay naitatakda sa pamilihan na siyang nagiging batayan ng
nais bilhin ng konsyumer at nais ibenta ng prodyuser.
MGA URI NG ISTRUKTURA NG PAMILIHAN

 Dami ng Produsyer at Konsyumer


 Nagtatakda ng presyo
 Uri ng produkto
 Kalayaan sa pagpasok at paglabas sa pamilihan

KUMPETISYON

 Nakabatay ang pagbuo ng isang pamilihan mula sa kompetisyon. Ito ang pagtutunggalian ng isa
o higit pang tao para sa kita mula sa pagbebenta o pamimili ng mga produkto.
 Nangyayari ang isang kompetisyon tuwing may nagaganap na pagtutuos sa supply at demand ng
isang produkto o serbisyo sa pagitan ng dalawa o higit pang tao.

GANAP NA KUMPETISYON

 Marami ang prodyuser at konsyumer.


 Ang presyo ay naitatakda batay sa demand at supply na mapagkakasunduan ng prodyuser at
konsyumer
 Marami at pare-pareho lamang ang mga produkto o serbisyo na binebenta
 Ang sinuman na nagnanais na magbenta ng produkto o serbisyo ay maaaring pumasok at
lumabas sa pamilihan kahit anong oras
 Halimbawa ng isang pamilihan na may ganap na kumpetisyon ay ang palengke. Kahit sinong
konsyumer ay maaaring pumunta sa palengke para bumili. Ang mga gulay o karne na ibinebenta
sa palengke ay magkakaparehpo. mapapansin pa nga sa isang palengke na magkakatabi ang mga
tindahan na magkakapareho ang ibinebenta.
 Ganap ang kumpetisyon sa pagitan ng mga nagtitindang ito sapagkat walang pagkakaiba ang
kanilang tinitinda at nakadepende na lamang sa konsyumer kung ano ang kanyang bibilhin
 Ganap ang kumpetisyon sa pagitan ng mga nagtitindang ito sapagkat walang pagkakaiba ang
kanilang tinitinda at nakadepende na lamang sa konsyumer kung ano ang kanyang bibilhin.
Sakaling magsara ang isang tindahan ng isda sa palengke ay hindi ito makakaapekto sa pamilihan
sapagkat marami pang ibang maaaring mabilhan ng isda.

ESTRUKTURA

 Dahil malaya ang ganitong uri ng pamilihan, ang estruktura nito ay iisa at patuloy na nagbabago
dahil sa ilalim ng sistemang ito, walang pahintulot mula sa iisang kapangyarihan na baguhin ang
takbo ng kalakalan.
 Ang Sistema ng produksiyon ay nagtatakda ng estruktura nito kung saan ang pangunahing
nagpapatakbo nito ay ang mga negosyo at ang mga manggagawa.
DI GANAP NA KUMPETISYON

 Ang Sistema ng di-ganap na kumpetisyon ay isang estado ng kompetisyon na mayroong iilang


negosyong namumuno sa kalakalan. Ito ay isang pamilihang may kaunti o walang Kalayaan sa
kalakalan at kadalasan ay pinamumunuan ng isa o maraming uri ng negosyo. Di-ganap ang
kumpetisyon sa pamilihang ito dahil may mga kumokontrol sa produksiyon ng mga produkto o
serbisyo.
 MONOPOLYO
o Iisa lamang ang produkto.
o Ang sinuman na nais maging prodyuser ay hindi madaling makakapasok o makakalabas
sa pamilihan.
o Madaling naiidikta ng mga prodyuser sa monopolyo ang presyo ng produkto sapagkat
sila lamang ang mapagkukunan ng ganitong produkto. Ang halimbawa ng isang
monopolyo ay ang pamilihan ng kuryente. kuryente.
o Ang kuryente na ating ginagamit at binabayaran ay makukuha lamang natin sa isang
kompanya. Para sa karamihan sa Luzon, ang kuryente ay binibili o binabayaran sa
kumpanyang MERALCO. Ang ibang mga probinsya sa Pilipinas ay may sariling Electric
Company na nagsu-supply ng kuryente.
 OLIGOPOLYO
o Iilan lamang ang prodyuser at marami ang konsyumer
o Ang prodyuser ang nagtatakda ng presyo.
o Iisa lamang ang produkto
o Ang sinuman na nais maging prodyuser ay hindi madaling makakapasok o makakalabas
sa pamilihan.
o Ang pinagkaiba lamang ng oligopolyo sa monopolyo ay ang dami ng prodyuser. Sa
oligopolyo, may iilang kompanya lamang ang may kakayahan na magprodyus ng isang
partikular na produkto.
o Ang pamilihan ng petrolyo ay halimbawa ng isang oligopolyo sa ating bansa. Ang tatlong
pangunahing kumpanya na pinagmumulan ng petrolyo sa bansa ay ang Petron, Caltex at
Shell (Chevron)
o Kahit na may mga maliliit na kompanya na nagbebenta ng gasolina, hindi pa rin sila
maituturing na kakumpitensya ng tatlong malalaking kumpanyang ito dahil sa dami ng
petrolyo na kaya nilang i-supply.
o Ayon sa datos ng Department of Energy noong 2019, 50.2 porsyento ng pamilihan ng
petrolyo ay kontrolado ng Petron, Caltex at Shell (Chevron). Samantalang ang natitirang
49.8 porsyento ay pinaghahatian ng ibang kumpanya tulad ng Seaoil, Unioil, Total,
Phoenix at iba pa.
o Ang collusion ay ang pagsasabwatan ng mga oligopolyo upang mapataas ang presyo ng
kanilang produkto at mapalaki ang kanilang kita. Maaari ring bahagi ng collusion ang
hindi pagpapapasok ng ibang prodyuser sa pamilihan.
o Dahil dito ay nawawala ang kumpetisyon sa pagitan ng mga oligopolyo sapagkat sila ay
umaarteng monopolyo. Ito ay labag sa batas sapagkat hindi nito isinasaalang-alang ang
kalagayan ng mga mamimili na siyang magdadala ng dagdag sa presyo ng mga produkto
at serbisyo.

o Maliban sa pagkakaroon ng iisa o iilang prodyuser, nag-iiba rin ang bilang ng konsyumer
sa mga pamilihang may diganap na kumpetisyon.

 MONOPSONYO
o Maraming prodyuser at iisa ang konsyumer
o Konsyumer ang nagtatakda ng presyo.
o Maraming produkto o serbisyo.
o Ang nais maging prodyuser ay may kakayahan na makapasok sa pamilihan ngunit
walang kasiguraduhan
o Ang isang halimbawa ng monopsonyo ay ang pamilihan ng paggawa o labor markets.
Ang naghahanap ng trabaho ay ang prodyuser ng mga serbisyo samantalang ang
kompanya na naghahanap ng manggagawa ay ang nag-iisang konsyumer.
o Madalas, dahil maraming naghahanap ng trabaho, nasa mga kompanya ang desisyon ng
laki ng sweldo ng mga manggagawa.
o Ang mga prodyuser ng serbisyo ay madaling makakalahok sa pamilihan ng paggawa
ngunit walang kasiguraduhan kung sila ay matatanggap sa trabaho o pipiliin ng
konsyumer.
o Nagiging hindi rin ganap ang kumpetisyon dahil sa uri ng produkto.
 MONOPOLISTIKONG KUMPETISYON
o Maraming prodyuser at konsyumer.
o Prodyuser ang nagtatakda ng presyo.
o Magkakapareho ang mga produkto ngunit may pagkakaiba.
o Ang prodyuser ay madaling makakapasok sa pamilihan.
o Isang halimbawa ng monopolistikong kumpetisyon ay ang pamilihan ng mga produkto
na may iba’t ibang brands. Marami ang nagtitinda ng pare-parehong produkto katulad
ng sabon ngunit marami itong iba’t ibang brands.
o May kanya-kanya ring promotions na ginagawa ang mga prodyuser ng sabon upang mas
tangkilikin ng mamimili ang kanilang produkto tulad nang pagdadagdag ng vitamins,
essential oils at magandang packaging.
o Kahit sinong nais na maging prodyuser ng sabon ay madaling makakapasok sa pamilihan.
Hindi niya kailangan ng pisikal na tindahan at maaaring magbenta ng sabon kahit online
ARALIN 5 – PAMAHALAAN AT PAMILIHAN

ANG PAMAHALAAN AT PAMILIHAN

 Ayon kay Adam Smith sa kanyang aklat na Wealth of Nations, may “invisible hand” na
nagtatakda ng mga pangyayari sa pamilihan kung kaya hindi kailangan makialam ng pamahalaan
dito. Ang presyo at dami ng produkto at serbisyo sa pamilihan ay naitatakda bilang resulta ng
mga desisyon ng tao batay sa kanilang pansariling interes.
 Ang konsyumer ay nagnanais na bumili sa mas mababang presyo samantalang ang mga
prodyuser naman ay nais na magbenta sa mas mataas na presyo.Kusang magbabago ng presyo
at dami ng produkto o serbisyo ang pamilihan batay sa kung ano ang mapagkakasunduan ng
prodyuser at konsyumer. Ngunit may mga pagkakataon na ang mapagkakasunduang presyo sa
pamilihan ay hindi makakabuti sa konsyumer o prodyuser. Sa pagkakataong ito pumapasok o
nakikialam ang pamahalaan sa pamilihan upang maprotektahan ang kapakanan ng konsyumer at
prodyuser. Ang tawag dito ay price control o ang pagkontrol ng pamahalaan sa presyo ng mga
produkto at serbisyo sa pamilihan.

PRICE CEILING

 Ang price ceiling ay ang pinakamataas na presyo na maaaring ibenta ng prodyuser ang isang
produkto o serbisyo. Kadalasang itinatakda ang price ceiling kapag masyadong mataas ang mga
presyo ng produkto sa pamilihan.
 Ang price ceiling ay dapat na mas mababa sa ekilibriyong presyo upang magkaroon ng
kabuluhan sa pamilihan

PRICE FLOOR

 Ang price floor ay ang pinakamababang presyo na maaaring ibenta ang isang produkto o
serbisyo. Kadalasang itinatakda ang price floor kapag masyadong mababa ang presyo ng
produkto o serbisyo sa pamilihan.
 Ang price floor ay dapat na mas mataas sa ekilibriyong presyo. Ang pagtatakda ng price floor na
mas mababa sa ekilibriyong presyo ay walang kabuluhan sapagkat nangangahulugan na maaari
pang maibenta ang produkto o serbisyo na mas mura sa ekilibriyong presyo.

IBA PANG GAMPANIN NG PAMAHALAAN

 Maliban sa pagtatakda ng price control, ang pamahalaan ay maaari ring makatulong sa


pamamagitan ng pagbabalik ng ekilibriyo sa pamilihan na idinulot ng price control. Sakaling
magkaroon ng shortage, maaaring magbigay ang pamahalaan ng subsidy o tulong sa mga
prodyuser upang makapagprodyus ng karagdagang produkto at matugunan ang mataas na
demand. Kung mayroon namang surplus, maaaring magsilbing konsyumer ang pamahalaan at
bilhin ang sobra sa mga produktong ibinebenta ng prodyuser.
SANGAY NG PAMILIHAN

 Sa Pilipinas, inatasan ang ilang sangay ng pamahalaan upang pangasiwaan ang Sistema ng
pamilihan sa bansa. Ang mga ito ay:
o Department of Trade and Industry (DTI) – nangangasiwa sa kalakalan, industriya at
pamumuhunan ng mga negosyo sa bansa.
o Department of Labor and Employment (DOLE) – namamahala sa kabuuang sector ng
mga manggagawa at iba pang nagtatrabaho sa loob ng bansa.
o Securities and Exchange Commission (SEC) – nangangasiwa sa pagrerehistro ng iba’t
ibang negosyo sa loob ng bansa.
o Department of Finance (DOF) – namamahala sa pagpapatupad ng mga patakaran ukol
sa paglikha ng kita ng pamahalaan.

You might also like