You are on page 1of 5

Republic of the Philippines

UNIVERSITY OF EASTERN PHILIPPINES


University Town, Northern Samar
Web: http://uep.edu.ph; Email: uepnsofficial@gmail.com

KOLEHIYO NG SINING AT KOMUNIKASYON

Subject Code: FILIPINO 1


Subject Name: Masining na Pagpapahayag/Retorika
School Year: Ikalawang Semester, Taong Pasukan 2022-2023
Professor: MILDRED L. CARPIO, EdD

MODYUL 3

Ang Tayutay

Ang tayutay ay isang pahayag na pahiwatig o patalinghagang pagpapahayag.


Ito ay nakapaghahamong-isip din dahil kinakailangang unawain itong mabuti para
maunawaan ang diwang hindi tuwirang tinutukoy.

1. Pagtutulad (simile) - naghahambing ng dalawang magkaiba o di magkauring bagay,


tao, kaisipan o pangyayari. Ito ay ginagamitan ng mga salita at pariralang
pahambing: tulad ng, gaya ng, animo’y, kawangis, kagaya, tila, parang, mistula,
wari at iba pa.
Halimbawa: Ang kaniyang ngipin ay tila perlas sa kaputian.
(tila perlas sa kaputian - mapupuitng ngipin)

Ang buhay ng tao ay parang gulong.


(parang gulong - umiikot o hindi permanente)

1
2. Pagwawangis (metaphor) - isang tuwirang paghahambing at hindi ito ginagamitan
mga salita o pariralang pahambing.
Halimbawa: Ang kaniyang pisngi ay talulot ng rosas na ibig kong hagkan.
(talulot ng rosas - mamula-mulang pisngi)

Para sa mga magulang, ang anak ay anghel ng tahanan.


(anghel ng tahanan - kasiyahan o inspirasyon)

3. Pagbibigay-katauhan (personification) - pagsasalin ng mga katangiang pantao sa


isang bagay. Ito ay naipapahayag sa pamamagitan ng paggamit ng mga
salitang nagsasaad ng kilos.
Halimbawa: Hinaplos ng hangin ang nagpupuyos niyang damdamin.
(hinaplos ng hangin - pinawi ang sama ng loob)
Ngumiti ang kapalaran nang magpunta siya sa ibang bansa.
(ngumiti ang kapalaran - nagkaroon ng maginhawang buhay)

4. Pagtawag (apostrophe) - isang pabulalas na pagkausap sa isang tao na karaniwang


hindi kaharap, nasa malayo o kaya’y patay na. Maaari ring sa isang bagay o
bahagi ng kalikasan na binigyan ng katangiang pantao.
Halimbawa: Pag-ibig, masdan mo ang iyong ginawa sa dalagang ito!
(nagpapahiwatig ng pagpipighati o labis na kabiguan)

O buwan, ikaw ang saksi ng aking pagluha!


(nangangahulugang palihim na pag-iyak)

5. Pagpapalit-saklaw (synechdoche) - naisasagawa sa pamamagitan ng pagbanggit


sa bahagi bilang pagtukoy sa kabuuan. Maaari ring ang nag-iisang tao
ay kumakatawan sa isang pangkat.
Halimbawa: Nagpapakain siya ng maraming bibig.
(maraming bibig - maraming tao)

Isang kayumanggi ang pinarangalan sa pandaigdigang larangan


ng boksing.
(isang kayumanggi - isang Filipino)
2
6. Pagpapalit-tawag (metonymy) - ang pangalan ng isang bagay na tinutukoy ay
pinapalitan ng ibang katawagan o ngalan.
Halimbawa: Mapait na luha ang naging bunga ng kanyang kapangahasan.
(mapait na luha - kalungkutan o kabiguan)

Nagiging pulahan na ang iba nating kababayan dahil sa maling


sistema ng ating lipunan.
(nagiging pulahan - nagrerebelde o nag-aaklas)

7. Pagmamalabis (hyperbole) - isang pahayag na eksaherado o labis sa katotohanan.


Nagpapahayag ito nang higit sa tunay na kalagayan ng tao, bagay o pangyayari
Halimbawa: Muntik na akong matupok sa taas ng lagnat ko.
(muntik nang matupok - sobrang init ng katawan)

Para akong matutunaw sa labis na kahihiyan.


(parang matutunaw - nanliliit ang pakiramdam)

8. Pag-uyam (sarcasm) - ginagamitan ng pananalitang nangungutya o nanunudyo sa


pamamagitan ng mga salita na kung pakikinggan ay tila kapuri-puring mga
pahayag.
Halimbawa: Mahusay talagang magpalaki ng anak ang iyong mga
magulang, nasasagot-sagot mo sila!
(mahusay magpalaki - hindi marunong magdisiplina ng anak)

Napakasipag mong mag-aral, halos bagsak lahat ang grado mo!


(napakasipag mag-aral - tamad o hindi nag-aaral nang mabuti)

9. Pagtanggi (litotes) - karaniwang ginagamitan ng salitang pananggi na “hindi” upang


bigyang-diin ang makahulugang pagsang-ayon sa sinasabi.
Halimbawa: Hindi ko sinasabing tamad ka, ngunit napakarumi ng bahay
gayong wala ka namang ginagawa.
(hindi ko sinasabing tamad ka - nangangahulugang tamad
talaga)

3
Hindi sa pinangungunahan kita, pero malaki ka na kaya sana’y
tigilan mo na ang pagbabarkada.
(hindi sa pinangungunahan kita - pinagsasabihang tumigil na)

10. Paghahalintulad (analogy) - ginagamit sa tuwirang paghahambing sa mga bagay


na magkaugnay o may relasyon.
Halimbawa: Ang magkapatid na iyan ay parang aso’t pusa, bati ngayon at
mamaya’y magkakalmutan na.
(aso’t pusa - laging nag-aaway)

Nakakainggit sila, parang asukal at langgam ang kanilang


pagtitinginan.
(asukal at langgam - matamis na pagtitinginan o hindi
mahiwalay sa isa’t isa)

11. Pagsalungat (epigram) - ang mga salitang pinag-uugnay rito ay pinagsasalungat


sa kahulugan.
Halimbawa: Sa panahong ito, ang masama ang siyang mariwasa at ang
mabuti ang siyang maralita.
(masama-mariwasa - ang mga taong sakim o oportunista ang
siyang yumayaman;
mabuti-maralita - ang mga taong matatapat at gumagawa ng
kabutihan ang siyang naghihirap)

Kung sino ang gumawa ng batas, siya ang unang lumalabag.


(gumawa ng batas-siyang lumalabag - mga taong nasa
katungkulan na ginagamit ang posisyon para sa pansariling
kapakanan)

12. Paghihimig (onomatopeia) - isang pagpapahayag sa pamamagitan ng tunog o himig


ng mga salita ay naipapahiwatig ang kahulugan.
Halimbawa: Nakailang kiriring din ang kabilang linya bago ito sagutin.
(kiriring - tumatawag sa telepono)
4
Nagngingiyaw ang pusa sa bubungan dahil sa ginaw.
(nagngingiyaw - nagpapahiwatig na may dinaramdam ang pusa)

13. Pagtatanong (rhetorical question) - ang pagpapahayag na ito ay ginagamit upang


tanggapin o di-tanggapin ang isang bagay. Ito ay naglalayong magbunga ng
bisa ang pahayag at hindi upang magtamo ng kasagutan.
Halimbawa: Tayo’y nilikhang may tainga, siya ba ay bingi?
(ibig-sabihin ay nagbibingi-bingihan)

Maibabalik pa kaya ang dahong nalagas sa tangkay ng


panahon?
(ibig-sabihin ay hindi na maibabalik ang nakalipas na o
nagdaang panahon)

Sanggunian

Arrogante, Jose A. 2007. Retorika: Masining na Pagpapahayag. Manila: National Book


Store.

Sauco, Consolacion P. et al. 2004. Retorika Para sa Antas Tersyaryo. Makati City:
Katha Publishing Co. Inc.

Tanawan, Dolores S. et al. 2003. Retorika: Mabisang Pagpapahayag sa Kolehiyo.


Trinitas Publishing Inc.

You might also like