You are on page 1of 2

Sipi mula sa Liham na Ipinadala ng Departamento ng Filipino

Sa Administrasyon ng Unibersidad ng Santo Tomas (UST)


Hinggil lsa Pagdaragdag ng Kursong Filipino
Sa Basic Education Curriculum (BEC)

Magalang na inihahapag ng Departamento ng Filipino sa inyong butihing tanggapan ang mga panukalang asignatura na nais naming mapabilang
na core course sa General Education Curriculum (GEC) sa kolehiyo, dagdag sa itinatadhana ng Commission on HIgher Education (CHED)
Memorandum Order No. 20, Series of 2013.

Kalakip nito ang borador ng silabus ng anim na yunit ng mga asignatura sa Filipino na may titulong WIKAFIL 101 - Pagsasalin sa iba’t ibang
Disiplina (Translation in Various Discipline) at WIKAFIL 102 - Mga Piling Babasahin sa Araling Pilipinas (Selected Readings in
Philippine Studies). Sa kabuuan, may mga katangian itong multi/interdisiplinaryo ay nakadisenyo sa lalong pagpapalalim ng mga pananaliksik
sa Filipino sa iba’t ibang disiplina, na sumusuhay sa mga pagpapahalagang Tomasino.

Narito ang siya, mahahalagang batayan kung bakit kailangang mapabilang sa GEC ang mga nabanggit na asignatura:

1. Dahil ito ay HINDI pag-uulit, bagkus ay lalong pagpapaunlad ng mga asignatura sa Grade 11 at Grade 12. Sa mga
asignaturang ito, lilinangin ang mga kaalaman at kakayahan ng mga mag-aaral sa pagsasalin at pananaliksik sa Filipino na mahalaga
sa mga tatahakin nilang disiplina. Mahalaga ang mga kakayahang nabanggit, bagay na pinatutunayan ng napakaraming mag-aaral ng
edukasyon, nursing, medisina, nutrisyon, siyensya, pagsasabatas, agham panlipunan, humanidades, literatura at iba pa, na lumalapit
sa mga guro sa Filipino upang magpatulong sa pagsasalin tuwing gumagawa ng thesis at pag-aaral sa kani-kanilang disiplina lalo na
kung ito ay community-based o nangangailangang makisalamuha sa karaniwang mamamayan.

2. Dahil malaki ang pakinabang ng mga mag-aaral sa mga kasanayang makukuha mula sa asignatura, hindi lamang sa
pag-aaral, kundi sa pagpapabuti ng kanilang propesyon. Dahil sa mga oportunidad na binubuksan ng internasyonalisasyon,
malaki na rin ang pangangailangan sa mga tagapagsalin at mananaliksik sa iba't ibang larang. Sa kasalukuyan, maraming guro na sa
Filipino ang napapabilang sa mga proyekto ng iba't ibang ahensya at organisasyon, sa loob at labas ng bansa, na nangangailangan ng
mga propesyonal na may kakayahan sa pagsasalin. Kung magkakaroon ang mga mag-aaral ng kakayahan sa pagsasalin, tiyak na
magagamit din nila ito sa pangangailangan ng kanilang propesyon. Halimbawa, magagamit ang pagsasalin sa mga batayang
serbisyong pangkalusugan sa komunidad at pagpapalaganap ng wastong nutrisyon para sa Health Sciences at Nutrition, integrasyon
ng community-based research at culture-based education para sa mga mag-aaral ng edukasyon, at mahalaga ang pampanitikang
pagsasalin (literary translation) para sa mga larang ng Literatura at mga kaugnay na Disiplina.

3. Dahil palalakasin nito ang mga Tomasinong pagpapahalaga na maglingkod sa Diyos, kapuwa at bayan. Sa nakaraang
pagbisita ni Papa Francisco, binigyang-diin nilya na ang pag-ibig sa Diyos ay pagmamalasakit at pag-ibig din sa kapuwa.
Maisasakonkreto ito sa pamamagitan ng iba’t ibang proyektong ekstensyon sa mga komunidad. Mahalaga sa mga gawaing ito ang
epektibong paggamit ng wika sapagkat Filipino ang wika ng karaniwang mamamayan at daluyan ng kanilang mithiin at
pagpapahalaga.

4. Dahil patatagin nito ang mga nasimulan nang mga proyekto ng Departamento na pag-ibayuhin ang pananaliksik,
akademikong publikasyon, at intelektwalisasyon ng wikang Filipino. Ang pananatili ng Departamento ng Filipino sa kolehiyo
ay magpapalakas sa mga proyekto gaya ng Hasaan Journal, Hasaan Conference, Saliksikan, at taunang Akademikong Panayam at ang
kabubukas pa lamang na major sa Filipino. Kinikilala na, hindi lamang sa loob ng unibersidad, kundi ng buong bansa ang mga
pagsisikap na ito.

5. Dahil may sapat na kaalaman at kasanayan ang mga guro sa Filipino na ituro ang mga kursong ito. Mayorya sa mga guro
ay patuloy na nananaliksik at nagpapakadalubhasa sa mga larangan ng araling Pilipinas at pagsasalin. Patutunayan ito ng umuunlad
na faculty profile ng departamento.

6. Dahil pagtalima ito sa itinatadhana ng Konstitusyong 1987 ng Pilipinas. Ayon sa Artikulo XIV, Seksyon 6 ng Konstitusyon,
kailangang "puspusang itaguyod ang paggamit ng Filipino bilang midyum ng opisyal na komunikasyon at bilang wika ng pagtuturo sa
sistemang pang-edukasyon.’

7. Dahil nararapat lamang na patibayin ang sariling wika, kultura, at identidad upang makapag- ambag ang mga ito sa
proyekto ng rehiyonal na integrasyong sosyo-kultural sa ASEAN. Ang ambag sa intelektwalisasyon at pagsulong ng
pananaliksik sa bansa ay kapaki pakinabang sa aspekto ng paghikayat sa iba pang mga mananaliksik sa buong mundo na pumunta sa
ating bansa bilang sentro ng pananaliksik hinggil sa wika at kultura ng Timog-Silangang Asya.

8. Dahil halos lahat ng malalaking unibersidad sa buong mundo ay may asignaturang Filipino at/o Philippine Studies
program at malaki ang potensyal na makabuo ng ugnayan sa mga institusyong ito. Wikang global na ang Filipino at
itinuturo bilang asignatura at/o programa sa mahigit isang daang unibersidad at kolehiyo sa buong mundo kabilang ang University of
Hawaii-Manoa, University of Michigan, Osaka University, Kyoto University, Sorbonne University (France), Beijing University, University
of Queensland (Australia), University of Malaya (Malaysia), Tokyo University of Foreign Studies, Stanford University, Moscow State
University at napakarami pang iba. Kung itinuturo bilang asignatura sa mga unibersidad na ito ang wika at kulturang Filipino, sa atin
pa kaya? Kung magiging sentro ang unibersidad ng pag-aaral ng wikang Filipino, hindi malayong makabuo rin tayo ng mga proyekto
at kasunduan sa mga malalaking unibersidad na ito gaya ng ginagawa na ng Unibersidad ng Pilipinas-Diliman.

9. Dahil kailangang ipagpatuloy at pagyamanin pa ang kasaysayan ng unibersidad sa pagsusulong nito ng wika at
panitikang Filipino. Iniluwal ng Unibersidad ng Santo Tomas ang mga iskolar at manunulat sa Filipino na kinilala at nakapag-ambag
nang malaki sa pag-unlad ng panitikan ng Pilipinas gaya nina Jose Villa Panganiban, Genoveva Edroza Matute, Bienvenido Lumbera,
Rogelio Sicat at marami pang iba. Mapapawalang-saysay ang lahat ng mga pagsisikap, tagumpay, at mayamang kasaysayan kung
hindi masusuportahan ang diwa ng Filipino bilang matatag na disiplina at larangan sa ating unibersidad.

Makikita mula sa halimbawang binasa na ang tekstong persuweysib ay naglalaman ng mga sumusunod:
1. Malalim na pananaliksik. Kailangan alam ng isang manunulat ang pasikot-sikot ng isyung tatalakayin sa pamamagitan ng
pananaliksik tungkol dito.
2. Kaalaman sa mga posibleng paniniwala ng mga mambabasa. Kailangang mulat at maalam ang manunulat ng tekstong
persuweysib sa iba’t ibang laganap na persepsiyon at paniniwala tungkol sa isyu.
3. Malalim na pagkaunawa sa dalawang panig ng isyu. Ito ay upang epektibong masagot ang laganap na paniniwala ng mga
mambabasa.

You might also like