Professional Documents
Culture Documents
James Padua
1 KALIGTASAN?
Sinabi ni Pablo sa mga taga-Efeso: “At kayo'y binuhay niya, nang kayo'y mga patay dahil
sa inyong mga pagsalansang” (Efeso 2:1). Noong tayo ay hiwalay sa Diyos at mga patay
dahil sa pagkakasala, hindi natin alam na tayo ay nasa kapahamakan. Gaya ng isang patay
sa pisikal hindi niya alam na siya ay patay, gayundin ang isang patay sa espiritwal ay hindi
niya alam na siya’y patay. Dahil tayo ay patay sa harap ng Diyos tayo ay pawang mga nasa
kapahamakan, kaya't nangangailangan tayo ng kaligtasan.
Ano ba ang kapahamakan na naghihintay sa atin? Walang iba kundi ang impiyerno. Lahat
ng tao’y nararapat doon magtutungo dahil ang lahat ay nagkasala. Walang sinuman ang
nararapat sa atin sa langit dahil banal lamang ang nararapat doon. Dahil dito ang Diyos ay
gumawa ng paraan upang ang tao ay makarating sa langit. Gumawa Siya ng paraan at ito
ang kaligtasan. Kapag ang tao ay walang kaligtasan siya’y nasa kapahamakan.
Ano naman ang ibig sabihin ng kapahamakan? Una, ang kapahamakang tinutukoy ng
Bibliya ay espirituwal, ito ay ang maranasan natin ang galit ng Diyos. Huwag nating isipin na
kakayanin natin ang galit ng Diyos dahil sa katotohanan hindi natin ito mababata.
Mararanasan ng tao ang galit na iyan sa itinakda Niyang panahon o kaya ay sa kamatayan
ng tao. Ang magpapatikim ng sakit ng kaparusahan sa tao ay ang impiyerno na nilikha ng
Diyos para sa kanyang mga anghel na magkakasala.
Ipinaaalam ng Diyos sa mga tao na may naghihintay na kaparusahan sa kanila kung hindi
sila magsisisi. Ito ay ipinakita na ng Diyos sa Kanyang mga salita na ipinagkaloob sa atin.
Ang Bibliya ay nararapat na maging batayan ng tao sa mga bagay na nararapat niyang
paniwalaan tungkol sa Diyos. Walang nalalaman ang tao tungkol sa dapat niyang
paniwalaan maliban na ito ay sinabi ng ibang tao o kaya ay kanya ng nakagisnan. Tanging
Bibliya ang may kapamahalaan sa nararapat paniwalaan ng tao, kung hindi, ang
paniniwalaan niya ay mga kathang-isip lang.
Kung hindi paniniwalaan ng tao ang Bibliya, magkakaroon kaya siya ng kaligtasan? Kung
hindi niya ito paniniwalaan, kapahamakan ang patutunguhan niya. Ano ba naman ang
magiging batayan natin upang hindi ito paniwalaan? Wala, dahil sa lahat ng bagay ang
Bibliya ay matapat. Kaya’t kung nais ng tao na maligtas, maniwala siya at sumunod sa mga
sinasabi ng Bibliya.
-o-
Hindi natin ginawa ang ating kaligtasan kundi ito ay biyaya ng Diyos. “Sapagkat sa
biyaya kayo'y nangaligtas sa pamamagitan ng pananampalataya: at ito'y hindi dahil sa
inyong sarili, ito'y kaloob ng Dios”. (Efe. 2:8). Ano ba ang ibig sabihin ng salitang BIYAYA?
Unang ginamit ng Bibliya ang salita biyaya sa Genesis 6:8 na sinasabi, “Datapwat si Noe ay
nakasumpong ng biyaya sa mga mata ng Panginoon”.
Ang salitang biyaya sa Hebreo ay chanan na ayon sa Strong’s Exhaustive Concordance:
“a primitive root (compare 'chanah' (2583)); properly, to bend or stoop in kindness to an
inferior; to favor, bestow; causatively to implore (i.e. move to favor by petition):--beseech,
fair, (be, find, shew) favour(-able), be (deal, give, grant (gracious(-ly), intreat, (be) merciful,
have (shew) mercy (on, upon), have pity upon, pray, make supplication…”
Sa panahong iyon tanging si Noe lang ang nakapasa sa paningin ng Diyos. Dahil sa
kanyang paglakad na matuwid nakuha niya ang pabor ng Diyos at hindi siya napahamak sa
paggunaw. Sa dami ng mga tao noong kanyang kapanahunan, tanging siya lang ang
sinabing nakasumpong ng biyaya sa Diyos. Nangangahulugan na ang pagsiyasat na
ginagawa ng Diyos sa bawat tao ay personal. Isa-isa Niyang kinikilatis at tanging si Noe lang
ang nakapasa sa pamantayan Niya. Bilang ganti ng Diyos sa kanya ay nagpakita Ito ng
katapatan sa kanyang buong sambahayan.
Kaya’t sinasabi sa susunod na talata: “Ito ang mga lahi ni Noe. Si Noe ay lalaking
matuwid at sakdal noong kapanahunan niya: si Noe ay lumakad na kasama ng Dios” (Gen.
6:9). Sa kapanahunang iyon lahat ng tao ay tatanggap ng kagalitan ng Diyos. Tanging si Noe
ang makakaligtas sa galit na ibubuhos ng Diyos sa mundo.
Nangangahulugan na ang biyaya ay ang kabutihang-loob o pabor na ating natatanggap
sa iba na hindi natin kayang bayaran. Halimbawa ay gaya ng nangyari kay Jose ng mapunta
siya sa bahay ni Potiphar, sinasabi, “At nakasumpong si Jose ng biyaya sa kanyang paningin,
na ang Panginoon ay sumasakanya, at ang lahat ng kanyang ginagawa ay pinagpapala ng
Panginoon sa kanyang kamay” (Gen. 39:4). Kung tayo ay nakasumpong ng biyaya tayo ay
mapagkakatiwalaan. Ito ay nagbabadya ng pananagutan sa nagbigay sa atin ng biyaya.
Si Noe ay nakasumpong ng biyaya sa Diyos kaya ipinagkatiwala sa kanya ang pagbibigay
babala sa buong mundo. Si Jose naman ay nakasumpong ng biyaya kay Potiphar, kaya’t
ipinagkatiwala naman sa kanya ni Potiphar ang lahat ng kanyang kabuhayan. Lahat ng
nakatanggap ng biyaya nasa kanilang kamay ang malaking responsibilidad.
Lahat ng mga tumatanggap ng biyaya ng Diyos ay pinagkakatiwalaan ng Diyos ng
Kanyang hiwaga. Hiniling ni Moises na makita ang Diyos at dahil siya ay tumanggap ng
mataas na biyaya ay ipinakita sa kanya ng Diyos ang Kanyang likod (Ex. 33:13,17). Nang
iwan ni Pablo ang pamumuhay niya at sumunod sa Panginoong Jesus, ang malalim na
hiwaga ng Diyos ay nahayag sa kanya (Rom. 16:25; Eph. 6:19). Dahil sa mga kapahayagang
iyan, hindi nila mapigilang ipahayag ang kabutihan ng Diyos. Gaya ng nangyari kay Moises
ng makita niya ang kabutihan ng Diyos ay nasabi niya, “At ang Panginoo'y nagdaan sa
harap niya, na itinanyag, Ang Panginoon, ang Panginoong Dios na puspos ng kahabagan at
mapagkaloob, banayad sa pagkagalit, at sagana sa kaawaan at katotohanan; na gumagamit
ng kaawaan sa libo libo, na nagpapatawad ng kasamaan, at ng pagsalansang, at ng
kasalanan: at sa anomang paraan ay hindi aariing walang sala ang salarin; na dinadalaw ang
kasamaan ng mga ama sa mga anak, at sa mga anak ng mga anak, hanggang sa ikatlo at
ikaapat na salin” (Ex. 34:6-8).
Nahahayag ang biyaya ng Diyos sa Kanyang kabutihan, pagmamahal, pagkalinga,
pagpapala at marami pang iba. Ito ang mga bagay na ating natatanggap na benepisyo sa
Diyos ngayon. Gaya ng nangyari kay Moises kikilalanin natin at ipapahayag ang hindi
mapapantayang kabutihan ng Diyos.
Isa sa mga ilustrasyon ng biyaya ng Panginoon ay ang ginawa Niyang pagpapatawad sa
dalawang alipin na walang maibayad sa Kanya (Lucas 7:42). Kung magta-trabaho ang mga
alipin kahit buong buhay ang ipagtrabaho nila ay wala silang maipambabayad. Sa
pagbabayad ay gugugol ka ng maraming kalakasan at masusumpungan mo ang lahat ay
kulang pa. Dahil sa pagpapakumbaba at paghingi ng awa, biyayang kaloob na sila ay wala
ng pagbabayarang pagkaka-utang.
Hindi natin magagawang bayaran ang Diyos kahit na hanggang sa kahuli-hulihang
hininga ng pagta-trabaho natin. Ang tanging magagawa natin upang hindi na tayo maghirap
pa, hingin natin ang Kanyang biyaya. Libre naman itong ipinagkakaloob sa lahat ng
humihingi. Sa gayon makakasumpong tayo ng kapahingahan sa lahat ng ating mga gawa.
Ito ang hinahanap natin hindi ba? Kaya’t anong klase ng buhay ang hahangarin ng tao: ang
mabuhay para sa Diyos o ang mabuhay ng malayo sa Diyos?
Ano ang nagawa ng mga aliping iyon? Kahit na anong kabutihan ang nagawa nila ay hindi
naging sapat upang makamit nila ang biyaya ng Diyos. Ito ang katotohanan, hindi tayo
gumagawa upang umani ng biyaya ng Panginoon. Kaya wala tayong maipagmamalaking
kabutihan na nagawa natin upang tumanggap ng biyaya.
Kung ang biyaya ay nakakamit sa pamamagitan ng gawa, ang pinagka-mabuting tao ay
gagawa lamang ng kaunti. Ang pinaka-masamang tao ay kakailanganin namang gumawa ng
malaki upang magkamit ng biyaya. Kapag hindi niya naabot ang tamang pamantayan at
bayad sa pagkakautang niya, hindi siya maliligtas.
Ito ang dahilan kung bakit kinakailangang ipagkaloob ng Diyos ang biyaya ng walang
bayad: upang ang mga makasalanan na nakakadama ng pangangailangan ng biyaya ay
maligtas, at upang ang mabubuting tao na hindi nangangailangan ng Diyos ay huwag
maligtas. Dahil ang biyaya ay ipinagkakaloob ng Diyos sa lahat lamang ng mga
nangangailangan nito: mabuti ka man o ubod ng sama ay maliligtas ka dahil sa biyaya ng
Diyos.
Walang maikakatwiran ang mga mabubuting-tao kung makita nilang maligtas ang isang
makasalanan. Ito ay gawa ng Diyos sa Kanyang malayang kalooban. Kapag aking pinag-
iisipan ito ay namamangha ako dahil ang isang makasalanang tulad ko ay iniligtas ng biyaya
na hindi ko kayang bayaran. Sino ang nagbayad para sa akin? Ang Panginoong Jesus ayon
sa Kanyang mayamang kaawaan at hindi ko malirip na mga daan ay iniligtas Niya ako. Hindi
ba’t kamangha-mangha iyan?
Ito ngayon ang pakiramdam ko: mula sa kawalang pag-asa ako ngayon ay may pag-asa.
Marami akong sugat mula sa pagkabata at lahat ng iyan ay gumaling. Tinanggap ko ang
Kanyang awa hindi dahil sa aking kabutihan, kundi dahil ipinagkaloob Niya ito ng walang
bayad. Kaya’t sa buhay kong ito ay wala akong aalalahanin kundi magpapakagalak sa
Kanyang awa at kabutihan. Nasa akin ang kapahingahang hinahanap ng marami. Ako nga
ay ligtas dahil sa biyaya ng Diyos.
May-Akda ng Biyaya
Walang may-ibig na tayo ay maligtas maliban sa Diyos. Mayroon bang nakakaalam sa
atin na tayo ay patungo sa kapahamakan? Wala. Dahil wala tayong kaalaman tungkol sa
kapahamakan at kaligtasan. Dahil sa mayamang biyaya ng Diyos, gumawa Siya ng paraan
upang malaman natin ang ating pinatutunguhan ay kapahamakan at nais Niyang tayo ay
maligtas. Hindi maikakaila na ang pagkakaroon natin ng kaalaman sa kaligtasan ay isa na
namang biyaya.
Ang sabi ni Apostol Pablo: “Na siyang sa atin ay nagligtas, at sa atin ay tumawag ng
isang banal na pagtawag, hindi ayon sa ating mga gawa, kundi ayon sa Kanyang sariling
akala at biyaya, na ibinigay sa atin kay Cristo Jesus buhat pa ng mga panahong walang
hanggan” (2 Tim. 1:9). Tinawag Niya tayo ng banal na pagtawag hindi sa dahilang tayo ay
mabuti kundi dahil sa Kanyang biyaya. Isa sa kalikasan ng Diyos ay ang pagiging
mapagbiyaya. Kasama ng biyayang iyon ay sa ang layunin para sa walang hanggan na
Kanya ng binuo bago pa man nilikha ang mundong ito. At ang layunin na iyon ay para sa
Panginoong JesuCristo.
Dahil sa ito ay nagawa na noong una pa man bago nilikha ang tao, kaya’t ang
kaligtasang ito ay may kasiguruhan. Nalalaman ng Diyos ang lahat ng bagay mula sa
pasimula hanggang sa wakas, kaya’t alam Niya kung sino ang mga maliligtas. Kaya’t sa
araw na ang tao ay tumanggap ng kaligtasan, hindi na daw mawawala pa ang kaligtasang
iyon. Bakit? Dahil sa paunang-kaalaman ng Diyos ay nagawa na Niya ang kaligtasan mo
kaya’t hindi na ito maiaalis sa iyo.
Tutoong sa paunang-kaalaman ng Diyos ay nakita na Niya ang lahat ng mga ligtas. Ang
tanong ay, nakita mo ba ang sarili mo na isa sa mga nakita ng Diyos na ligtas? Maitutulad
natin ang kaligtasan sa pagsakay ng bus papuntang destinasyon niya. Halimbawang nasa
Cavite ka at sumakay ka ng bus papuntang Maynila. Habang nasa bus o jeep ka at walang
disgrasyang mangyayari ay siguradong makararating ka sa Maynila. Pero kung sumakay ka
at agad kang bumaba ay hindi ka na makakarating sa Maynila.
Hindi perpekto ang halimbawang ito subalit magagamit natin upang maipakita ang
katotohanan. Kung pilosopo ang tao ay marami ang maaaring sabihin, kaya’t ipagpapauna
na nating hindi ito perpektong halimbawa. Walang disgrasya sa Diyos para sa lahat ng
pupunta sa langit. Hindi Siya gaya ng drayber na maaari kang mapahamak sa kawalan ng
pag-iingat. Ang kaligtasan natin ay maingat ng naiplano ng Diyos bago pa sinimulan ang
sanlibutan.
Habang nakasakay ka sa bus na biyaheng langit, siguradong ang tungo mo ay langit.
Kapag bumaba ka sa bus na papuntang langit, hindi ka na kasama sa mga ihahatid doon.
Makakasiguro tayo ng kaligtasan habang nasa piling tayo ng Diyos, kapag umalis na tayo sa
piling Niya paano pa nating masasabing tayo ay ligtas? Magagawang bumaba ng tao sa
biyaheng langit na sinasakyan niya, sa pagbaba niya ay huwag na siyang umasang ligtas at
iyan ay ipapakita natin.
Iniligtas tayo ng Diyos dahil tinawag tayo ng Espiritu Santo sa pangangaral ng
ebanghelyo upang magpaligtas. Kaya't masasabi nating ang kaligtasan ay biyaya ng Diyos
dahil Siya ang nagpasimula nito.
Ang Diyos na nagligtas sa atin ay dinadala naman tayo sa pananampalataya sa
Panginoong Jesus. Kinakailangang ang gawa ng Panginoon ay maibigay sa atin dahil kung sa
ating sarili ay wala tayong sariling katwiran. Ang masarap na samyo sa harapan ng Diyos ay
ang pagaalay ng Panginoon ng Kanyang buhay para sa atin. Kapag ito ay ating tinanggap at
sinampalatayanan tayo ay nagiging kalugud-lugod sa harap ng Diyos. Wala na tayong
kasalanang pagbabayaran dahil ang lahat ay binayaran na ng Panginoong Jesus sa atin.
Ibinigay sa atin ang kaligtasan dahil hindi natin ito kayang bayaran. Higit sa lahat hindi
tayo mga karapat-dapat magtamo nito dahil sa ating kasuwailan. Dahil napakayaman ng
Diyos sa awa, tayong mga hindi nararapat sa Kanyang kaharian ay nagkaroon ng mana dahil
sa Panginoong Jesus. Ano ang malaking benepisyo nito sa atin? “Tunay na ang kabutihan at
kaawaan ay susunod sa akin sa lahat ng mga kaarawan ng aking buhay: at ako'y tatahan sa
bahay ng Panginoon magpakailan man” (Awit 23:6). Lahat ng iyan ay pawang biyaya sa
ating ng Diyos.
-o-
3 NALIGTAS SA PANANAMPALATAYA
Sa mahabang panahon ay hinahanap ko ang kasagutan sa kung ano ang ibig sabihin ng
pananampalataya. Hinahanap ko ang kasagutan sa mga aklat, dictionary, mga komentaryo
at iba pang makapagbibigay impormasyon. Walang nakapag-bigay sa akin ng sapat na
kalinawan.
Maraming mangangaral ang napakinggan ko, sa halip na malinawan ko kung ano ang
pananampalataya ay lalo lang nagpalito sa akin. Itinatago nila ang kamangmangan nila sa
paggamit ng kung anu-anong termino. Kaya't sa halip na malinawan ng nakikinig, lalo lang
itong nakakapag-pagulo. Sa katapusan ng sermon tanungin mo kung ano ang natutunan ng
mga nakikinig, wala silang maisagot.
Kahit na ang mga manggagawang kasabayan ko na mga marurunong sa Bibliya ay
minsan ko na ring natanong kung ano ang pananampalataya. Kukuha sila ng sintas sa
Bibliya, babasahin at pagkatapos ay hindi din makapag-paliwanag ng maayos. Marami ang
nalilito sa kung ano ang isasagot kung ano ang pananampalataya.
Antas ng Pananampalataya
Gaano kalaki ang pananampalatayang hinihingi sa ating ng Diyos? Mahalagang
maunawaan natin na ang Diyos ay hindi humuhingi ng malaking pananampalataya. Ang
hinahanap sa atin ng Diyos ay maliit na pananampalataya na walang pagaalinlangan (Mateo
21:21). “At ang lahat ng bagay na inyong hihingin sa panalangin, na may pananampalataya,
ay inyong tatanggapin” (Mateo 21:22). Kung ang tao ay may malaking pananampalataya ay
malaki ang magagawa nito sa kaniya. Kung ang maliit na pananampalatayang kasing laki
lang ng binhi ng mostasa ay makapagpapasubasob ng bundok sa dagat, gaano pa kaya ang
magagawa nito sa mga taong may malaking pananampalataya.
Sa mga pagpapagaling ng Panginoong Jesus ay madalas Niyang sinasabi sa tao, “Ayon sa
iyong pananampalataya…” (Marcos 10:52; Lucas 7:50; 17:19; 18:42). Ito ay sa dahilang
nakikita Niya kung gaano kaliit o kalaki ang pananampalataya ng tao. Kung ang tao ay
walang pagaalinlangan ay magagawa ng Diyos sa kanyang buhay ang ayon sa nais niya.
Nais mong gumaling, kung mayroon kang pananampalataya ay gagaling ka. Nais mong
tanggapin ang Espiritu Santo, kung may pananampalataya ka ay tatanggapin mo ang kaloob
ng Espiritu Santo. Ngunit kung ang tao ay nagaalinlangan, ang natitirang pananampalataya
sa taong iyon ay wala nang kabuluhan.
May mga taong malaki ang pananampalatay at ang mga ito ay labis na hinangaan ng
Panginoong Jesus. Isang halimbawa ay ang babaing Cananea na humihiling na pagalingin
ang kanyang anak. Hindi agad ibinigay ng Panginoon ang kanyang kahilingan kundi dumaan
muna siya sa isang pagsubok. Nang mapasahan niya ang pagsubok ay sinabi sa kanya ng
Panginoon, “…malaki ang pananampalataya mo, mangyari sa iyo ang ibig mo…” (Mateo
15:28).
Isa pa sa labis Niyang hinangaan ay ang pananampalataya ng sundalong senturion na
humihiling na pagalingin ang kaniyang alipin. Habang nangangaral ang Panginoon ay
lumapit ang senturion at sumang-ayon ang Panginoon na lumakad kasama niya upang
pagalingin ang katulong niya. Subalit pinigil Sya ng senturion at sinabi, “…sabihin mo
lamang ang salita at gagaling ang aking alila. Sapagkat ako rin naman ay taong nasa ilalim
ng kapamahalaan, na may nasasakupan akong mga kawal: at sinasabi ko rito, Yumaon ka,
at siya’y yumayaon: at sa isa, Halika, at siya’y lumalapit; at sa aking alipin, Gawin mo ito, at
kaniyang ginagawa.”
“At nang marinig ito ni Jesus, ay nagtaka Siya, at sinabi sa nagsisisunod, katotohanang
sinabi ko sa inyo, na kahit sa Israel man, ay hindi ako nakasumpong ng ganitong kalaking
pananampalataya” (Mateo 8:8,10). May tinitingnang antas ng pananampalataya ang
Panginoong Jesus. Habang lumalaki ang pananampalataya ito ay lalong nakalulugod sa
Kanyang paningin.
Matutularan kaya natin ang mga taong ito sa laki ng mga tinataglay nilang
pananampalataya? Sila ay hindi naiiba sa atin; mga tao din silang gaya natin. Kung sila ay
may pananampalataya ay magagawa din nila ang magalinlangan na gaya ng ginagawa ng
mga karaniwang tao. Higit nilang pinili ang manampalataya kaysa magalinlangan sa
magagawa ng Diyos, at iniligtas sila ng kanilang pananampalataya.
Batas ng Pananampalataya
Sasabihin naman ng iba, “Mahirap manampalataya sa hindi mo nakikita, dahil ano ang
katunayang ito ay tutoo. Makita ko muna bago ako manampalataya.” Iyan ang katuwiran ng
mundong ito: “To see is to believe!” Bagaman iyan ang naging salawikain ng mga
matatanda, sa mundong ito ay hindi pa rin nagiging makatotohanan ang kasabihang iyan.
Maraming hindi pangkaraniwang bagay ang nakikita ng mundong ito subalit hindi nila
mapaniwalaan kahit na tutoo. Marami namang bagay na makatotohanan sa mundong ito na
bagaman hindi nakikita at hindi maipaliwanag ay masasabing higit na tutoo kaysa mga
hindi nakikita. Kaya nga ang kasabihang “To see is to believe” ay hindi pa rin
makatotohanan sa kanila. Iisa lang ang nalalaman kong dahilan , dahil pinili nila ang hindi
maniwala. Kaya nga hindi makatotohanan ang salitang “To see is to believe” dahil higit na
maraming bagay ang mapandaya sa nakikita.
Ang paglakad natin ng ayon sa dikta ng mga bagay na ating nakikita ay patunay na ang
tao ay nasa karnalidad pang kalagayan. Ito ang nagiging kaibahan natin sa mundong ito,
tayo ay lumalakad sa pamamagitan ng pananampalataya at hindi ng paningin (II Corinto
5:7). Hindi natin kailangang makita muna ang isang bagay na katunayan sa Diyos upang
manampalataya. Ang batas na itinakda sa atin ng Diyos ay manampalataya muna, at
pagkatapos ay doon makikita at mahahayag ang kabutihan at kapangyarihan ng Diyos.
Ibinalita ni Felipe kay Nataniel na nasumpungan nila ang Mesias na kanilang hinihintay.
Nang makaharap ni Nataniel ang Panginoong Jesus ay sinabi Nito sa kanya kung nasaan siya
at anong pinaguusapan nila. Agad ay nanampalataya si Nataniel, at ng makita ng Panginoon
ang kaniyang pananampalataya ay sinabi Niya: “…makikita mo ang mga bagay na lalong
dakila kaysa rito” (Juan 1:50).
Bago manampalataya ang tao sa Diyos ay may ginagawa na Siyang kapahayagan dito sa
pamamagitan ng pagbabalita ng iba. Sa araw na magpahayag ang tao ng pananampalataya
ay doon pa lamang niya makikita ang mga gawang himala ng Diyos, pati na ang mga
katuparan sa kanyang mga panalangin.
-o-
Halimbawa ni Cristo
Nais kong ipakita ang kahalagahan ng pagsunod sa pamamagitan ng mga halimbawang
ipinakita ng Panginoong Jesus noong Siya ay nasa lupa. “Sapagkat bumaba akong mula sa
langit, hindi upang gawin ko ang aking sariling kalooban, kundi ang kalooban ng nagsugo sa
akin” (Juan 6:38). Ang pagiging katulad ni Cristo ay hindi sa anyo kundi sa pagsunod sa
Diyos. Ang pagsunod ng Panginoon ay walang reserbasyon kundi lubusan. Ang kaligayahan
Niya ay ang kaluguran sa Kanya ng Ama. Ito din ang Kanyang pinaka-pagkain na nagbibigay
kalakasan sa Kanya (Juan 4:34).
Tinangkang iligaw ni Satanas ang Panginoon noong Siya ay tuksuhin nito. Lahat ng
isinagot ng Panginoong Jesus ay ang mga nasusulat. Dahil sa ito ay nasusulat na mga salita
ng Diyos, hindi Niya itinuturing na magaang ang isang salita at ang iba ay mabigat.
Ang mga mangangaral ngayon ay sumusunod sa landas ni Satanas. Inaalisan nila ng
halaga ang isang salita ng Diyos maging kumportable lamang sa pangangaral nila. Inaalis
nila ang kahalagahan ng pagsunod na sa katotohanan ay napaka-halagang bagay sa
Panginoong Jesus.
Lubusan ang ginawang pagsunod ng Panginoong Jesus sa kalooban ng Ama. Kahit na ang
buhay Niya ay ipagkakaloob Niya sa pagsunod dahil alam Niyang sa pamamagitan nito
maluluwalhati ang Ama (Juan 21:19). Gaya din naman sa atin kung tayo’y susunod sa
kalooban ng Diyos ay maluluwalhati ang Panginoon. Mahirap ang pagsunod kung ang tao ay
nakahilig sa kasamaan.
Kaya tayo dinadala ng Diyos sa iba’t-ibang klase ng pagsubok, upang mapatunayan natin
sa ating sarili kung hanggang saan ang ating pagsunod. Sa kaisipan ng Diyos ay alam Niya
kung tayo ay magiging tapat o hindi. Mapapatunayan natin sa ating sarili na tayo ay tapat
sa Diyos kapag dinala na tayo ng Diyos sa mga pagsubok. Kung tayo ay makapasa sa
pagsubok, magmamana tayo ng buhay na walang hanggan. Kung masusumpungan tayong
masuwayin, natural na wala tayong magiging buhay na walang hanggan.
Halimbawang isa sa mga pasiya ng Diyos ang hindi nasunod ng Panginoong Jesus, sa
palagay ba ninyo may kaligtasan tayo? Dahil nasunod ng Panginoon ang buong kalooban ng
Ama kaya’t tayo ngayon ay magmamana ng buhay na walang hanggan; sa pamamagitan
din naman ng pagsunod sa Kanya.
Maliwanag sa Bibliya na ang mga masuwayin ay tatanggap ng kaparusahan (2 Cor. 10:6;
Tito 1:16; Heb. 2:2). Nalalaman ng tao na mahalaga ang pagsunod, sa halip na sundin ang
kalooban ng Panginoon ay sumuway pa siya, natural na siya ay tatanggap ng kaparusahang
ayon sa kanyang nagawa. Iba ang ang intensyon na pagsuway sa hindi mo sinasadya. Kung
sakali mang sinasadya ng tao ang pagsuway, dapat niya itong pagsisihan agad upang hindi
siya mapahamak.
Sundin natin ang payo ni Pablo: “Huwag kayong madaya ng sinoman ng mga salitang
walang kabuluhan: sapagkat dahil sa mga bagay na ito'y dumarating ang galit ng Dios sa
mga anak ng pagsuway” (Ef. 5:6). Ano ang mga salitang walang kabuluhan na iyon? Iyon ay
ang mga tao na nagsasabing ang pagsunod ay hindi talagang mahalaga dahil ang nagligtas
daw sa atin ay ang pananampalataya. Kapag sinabing pananampalataya hindi na daw
kasama ang mabuting-gawa. Maliwanag ang salita ni Pablo, dumarating ang galit ng Diyos
sa mga taong sumusunod sa mga nagsasalita ng mga bagay na walang kabuluhan. Ang
turing sa kanila ng Diyos ay mga manunuway. Sa kanila dumarating ang galit ng Diyos.
Humiwalay tayo sa kanila.
Upang huwag nating gawing maliit na bagay ang pagsunod, ginamit ni Pedro ang
Panginoong Jesus na halimbawa. Ang sabi niya: “Sapagkat sa ganitong bagay kayo'y
tinawag: sapagkat si Cristo man ay nagbata dahil sa inyo, na kayo'y iniwanan ng halimbawa,
upang kayo'y magsisunod sa mga hakbang niya” (I Pedro 2:21). Ang tunay na pagsunod ay
wala ng halo pang pagtatanong at pagsalungat.
Ano ang Susundin?
Kinakailangang malaman muna natin kung ano ang batas na dapat nating sundin. Sa
dami ng mga batas na nasusulat sa Bibliya, baka may magkamali na ang akala ay
ipinapatupad ko ang lahat ng mga batas na iyon. Alamin muna natin kung ano ang mga
batas na iyon at pagkatapos ay alamin natin kung ano ang dapat sundin.
3. Batas pang-moral
Ang dalawang naunang batas ay pawang isinulat ni Moises sa aklat ng kautusan. Ang
batas pang-moral ay ang sampung kautusan na isinulat mismo ng Panginoong Diyos.
Walang sinuman ang nakatupad ng kautusang ito. Kahit na si Moises na pinagbigyan ay
hindi natupad ang sampung kautusan. Ang tanging nakatupad nito ay walang iba kundi ang
Panginoong Jesus. Sa pamamagitan ng batas na ito, ang makasalanan ay lalo pang naging
makasalanan.
4. Bagong batas
Sa sampung kautusan ay walang laman ang aariing-ganap kundi ang lahat ay
mapaparusahan. Dito ay walang kapatawaran kaya’t ang Diyos ay gumawa ng paraan
upang ang tao ay maligtas sa nagbabantang sumpa ng kautusan. Ibinigay Niya ang isang
bagong kautusan na hindi na nasusulat sa pamamagitan ng titik.
Kung ang tao ay nasa ilalim ng bagong kautusan ay wala siya sa ilalim ng sumpa ng
unang kautusan. Sa unang kautusan ay naroon ang galit sa ikalawa naman ay biyaya. Ang
unang kautusan ay Diyos ang nagbigay sa pamamagitan ni Moises, ang ikalawang kautusan
naman ay si Cristo mismo. Ito ang salita ng Panginoong Jesus: “Isang bagong utos ang sa
inyo'y ibinibigay ko, na kayo'y mangagibigan sa isa't-isa: kung paanong iniibig ko kayo, ay
mangagibigan naman kayo sa isa't-isa” (Juan 13:34). Pag-ibig ang siyang bagong kautusan
ni Cristo.
Sa Lumang Tipan bagaman hindi ka pumapatay kahit galit ka sa iyong kapwa ay hindi ka
nagkakasala. Sa Bagong Tipan magalit ka lang sa kapatid mo ay nagkasala ka na ng
pagpatay at nasa kadiliman ka pa (1 Juan 2:9-11).
Dito mapapatunayan ng tao kung hanggang saan ang pagsunod niya sa Diyos. Noong
una bagaman hindi ka nakikitang nangangalunya ay hindi ka nagkakasala. Ngayon ay
sinasabing “ang bawat tumingin sa isang babae na taglay ang masamang hangad ay
nagkakasala na ng pangangalunya sa kanyang puso” (Mat. 5:28). Sa katotohanan ang
mundong ito ay punung-puno ng makalamang paghahangad. “Sapagkat ang lahat na
nangasa sanglibutan, ang masamang pita ng laman at ang masamang pita ng mga mata at
ang kapalaluan sa buhay, ay hindi sa Ama, kundi sa sanglibutan.” Kung sa lahat ng ito ay
mayroon ang tao, paano niyang maipapakita ang pag-ibig niya sa Diyos?
Lahat ng mga magnanakaw, walang pagmamahal sa Diyos, mapagnasa ng iba’t-ibang
mga bagay ay pawag hindi magmamana ng kaharian ng Diyos. Kaya’t imposible ang
sinasabi ng ibang tao na hindi mahalaga ang pagsunod. “At sa ganito’y nalalaman natin na
siya’y ating nakikilala, kung tinutupad natin ang kanyang mga utos. Ang nagsasabing,
Nakikilala ko siya at hindi tumutupad ng Kanyang mga utos, ay sinungaling, at ang
katotohanan ay wala sa kanya. Datapwat ang sinomang tumutupad ng Kanyang mga salita,
tunay na sa kanya ay naging sakdal ang pagibig ng Diyos. Dahil dito’y nalalaman nating
tayo’y nasa Kaniya” (1 Juan 2:3-5).
Ito ang batayan ng tao upang magkaroon ng kasiguruhan na siya ay nasa Diyos: ang
tumupad ng kanyang utos. Kaya mayroon ka ng direksyon dahil nakikilala mo Siya at sa
pamamagitan niyan ay nagiging sakdal sa iyo ang pag-ibig ng Diyos. Paano naman ang mga
taong hindi nagbigay halaga sa utos ng Diyos? Sila’y nasa kadiliman at hindi pa
nakakakilalang tunay sa Diyos. Kaya’t ang mga nagsasabing ang pagsunod sa anyo ng mga
kautusan ni Moises ay walang kapakinabangan, sa katotohanan, hindi tayo nasasalig sa
kautusan ni Moises kundi ng Panginoong Jesus: ang pag-ibig.
Ang pagsunod sa utos na ibinigay ng Panginoon ang maghuhubog sa atin sa kabanalan.
Dahil kung may pag-ibig ka sa Diyos iibigin mo Siya ng buong puso. Lalayo ka sa anumang
anyo ng kasamaan. Hindi mo iibigin ang sanglibutan pati na ang masasamang-pita nito. Ano
ang resulta nito? Kabanalan. Sa pamamagitan ng ating pagsunod makakasiguro tayo ng
kaligtasan. Kung walang pagsunod, wala din ang kabanalan.
-o-
5 NALIGTAS SA BAUTISMO
Ano ba ang ibig sabihin ng salitang bautismo at saan ba ito nanggaling? Kinakailangan
ba na ang tao ay mabautismuhan? Ang argumento ng maraming nagsasabing sila ay
Kristiyano, hindi daw mahalaga ang bautismo upang ang tao’y maligtas. Ang magnanakaw
na nakapako sa krus ay hindi naman nabautismuhan subalit siguradong siya’y ligtas. Kaya't
hindi kasama ang bautismo upang maligtas ang tao, ang sabi nila. Tingnan natin kung ano
ang sinasabi ng Bibliya tungkol dito.
Nais kong linawin na ang bautismong tinutukoy ko ay ang bautismo sa tubig. Hindi ako
tumutukoy sa bautismo sa espiritu at apoy kundi ang aralin na ito ay para lang sa bautismo
sa tubig. Mahaba ang pag-aaral na ito subalit makapagbibigay kaaliwan sa mga mambabasa
at maipapakita natin ang malalim na kahulugan ng bautismo.
Unang makikita natin sa Bagong Tipan na bumabautismo ay si Juan Bautista. Lahat ng
mga taong naniniwala sa pangangaral niya ay binabautismuhan niya sa pagsisisi. Kasunod
na makikita nating bumabautismo ay ang Panginoong Jesus. Higit na marami ang Kanyang
nababautismuhan kaysa kay Juan. Hindi naman direktang bumabautismo ang Panginoong
Jesus kundi ang mga alagad ang bumabautismo para sa Kanya. Kaya't kung ang Panginoong
Jesus ay nagpa-bautimo at nagbautismo, marapat lamang na ang bawat sumusunod ay
magpabautismo.
Marcos 16:9-20
Sa talatang ito ng aklat ni Marcos ay maraming nag-aalinlangan. Sinasabi ng marami na
ito ay hindi bahagi ng Kasulatan kundi isiningit lamang. Sa New International Version ay
makikita pa natin ang salita: “The most reliable early manuscripts and other ancient
witnesses do not have Mark 16:9-20.” Ang iba pang salin ng Bibliya ay may ganito ding
kahawig na paunang salita. Ibig nilang sabihin, maaaring hindi ito bahagi ng salita ng Diyos
dahil raw sa pinaka-matandang manukristo ng Kasulatan ay wala ito. Subalit tayong mga
Apostoliko ay naniniwalang bahagi ito ng Kasulatan. Tingnan natin ang mga pagaalinlangan
nila at ang katunayan na ito ay bahagi ng ebanghelyo.
Isa sa mga dahilang sinasabi ng hindi ito bahagi ng ebanghelyo ay dahil hindi ito
matatagpuan sa mas lumang mga kasulatan gaya ng Codex Vaticanus at Codex Sinaiticus.
Matatagpuan lamang daw ito sa mas makabagong kasulatan ng Bibliya gaya ng Textus
Receptus. Ito ang mga kasulatang hindi naglalaman ng mga talatang ito. Kaya't kung
mayroon man silang paniniwalaan, higit na paniniwalaan daw nila ang mas naunang mga
kasulatan.
Si Eusebius (340A.D.) na kilalang historyador ay nagpahayag ng pagaalinlangan sa
talatang ito ni Marcos. Sa patotoo din ni Jerome, hindi niya nakita sa mga kasulatang hawak
niya ang talatang ito ni Marcos subalit isinama pa rin niya sa kanyang Latin Vulgate. May iba
pang Church Fathers gaya ni Origen at Clemente ng Alexandria ay walang binanggit sa mga
huling talatang ng aklat ni Marcos.
Sa website ni Pastor Jim Snapp, (http://www.curtisvillechristian.org/MarkOne.html),
ipinakita niya na ito ay talagang bahagi ng ebanghelyo. Sa pagsusuring ginawa niya, mula
Marcos 16:8 hanggang Lucas 1:1 ay wala nga sa Codex Vaticanus subalit doon ay nag-iwan
ng blangkong espasyo. Maaaring ang sumulat ng codex na ito ayon sa kanya: “This may
suggest that the reason why Vaticanus looks the way it does at the end of Markis that (a)
the exemplar of Vaticanus contained the Short Ending, and (b) the copyist of Vaticanus
rejected the Short Ending, and (c) the copyist guessed -- incorrectly, but off by only four
lines -- that the remaining blank space in the second column, plus all of column three, would
be adequate for the Long Ending. Thus the copyist formatted the text in such a way that
either ending could be adopted by the manuscript's eventual owner.” Sa madaling salita ang
espasyong iniwan ng sumulat ng Codex Vaticanus ay nakalaan para sa Marcos 16:9-20.
Pinatunayan rin ni Dean John William Burgon na ang huling labing dalawang talata ng
aklat ni Marcos ay bahagi ng Kasulatan. Pinag-aralan niya ang lahat ng mga Church Fathers
at nakita niya ang maraming katunayan dahil ito ay ginamit rin nila. Naisulat niya ang aklat
na pinamagatang The Last Twelve Verse of Mark na may pahinang 350 bilang pagpapatunay
na ito ay bahagi ng kasulatan.
Walang batayan ang mga nagsasabing ito ay idinagdag na lang sa makabagong sulat ng
Bibliya. Sa katotohanan ito ay matatagpuan pa sa mga mas matatandang kodigo gaya ng
Codex Washingtonensis, Codex Alexandrinus, and Codex Ephraemi na mga kasulatan noong
ika-200 siglo.
Ilan pa sa mga taong kinakitaan ng huling talata ni Marcos ay sina Justin Martyr (165
A.D.) sa kanyang First Apology Chapter 45. Si Tatian (172 A.D.) sa kanyang Diatessaron. Si
Iraneus (180 A.D.) sa kanyang aklat na Against Heresies, Book III, 10:5-6 . Napakaraming
katunayan na kung iisa-isahin natin ang lahat ay hindi magkakasya ang pahina ng aklat na
ito.
Alisin natin ang pag-aalinlangan sa mga huling talatang ito ng aklat ni Marcos. Ito ay
bahagi ng salita ng Diyos. Ito ay nagpapatunay na ang bautismo ay mahalagang bahagi ng
kaligtasan.
Juan Bautista
Isa pang nagpapatunay na ang bautismo sa tubig ay sa kapatawaran ng mga kasalanan
ay si Juan Bautista. Ayon sa kanya: “Dumating si Juan, na nagbabautismo sa ilang at
ipinangangaral ang bautismo ng pagsisisi sa ikapagpapatawad ng mga kasalanan” (Mar.
1:4). Maliwanag ang sinabi na ang bautismo sa pagsisisi ay sa ikapagpapatawad ng mga
kasalanan. Nakuha daw ni Juan Bautista ang sistema ng pagbabautismong ito sa mga Essen.
Hindi ko alam kung ganoon nga subalit sa nakikita ko ay hindi. Patunayan natin.
Ang mga Essen ay may ritwal na paghuhugas ng tubig na hawig ng bautismo.
Kinakailangan daw ito dahil sa araw-araw na pakikihalubilo nila sa mga pamilihan at iba
pang mataong lugar ay nahahawahan raw sila ng karumihan. Sa pamamagitan ng paglilinis
sa tubig muli silang nadadalisay sa espiritu, kaluluwa at katawan.
Malaki ang kaibahan ng gawa ng mga Essen sa ginampanan ni Juan. Ang kanyang
pagbabautismo ay paghahanda para sa darating na Mesias ng Israel. Ang pangangaral ni
Juan para sa lahat ay pagsisisi at manampalataya sa darating sa kanyang likuran.
Samantalang ang mga Essen ay ihihiwalay ang mga tao sa disyerto kapag sumapi sa kanila.
Hangad ng mga Essen na ang ideolohiya nila ang maghari, samantalang si Juan ay ang
pagdating ng kaharian ng Diyos ang ipinapangaral.
Ayon kay Juan bumabautismo siya ng bautismo sa pagsisi, kaya't ang bautismo na kung
hiwalay sa pagsisisi ay walang kapatawaran ng mga kasalanan. Kung may pagsisisi nga at
wala namang pag-asa sa Panginoong Jesus, ito ay walang kabuluhan. Matapos bautismuhan
ni Juan ang mga tao ay pinaghihintay niya sa Panginoong Jesus na sinasabi niyang darating
sa aking likuran ang sa inyo'y magbabautismo sa apoy at espiritu. Iba ang bautismo ni Juan
sa bautismo ng mga Kristiyano, subalit ito ay hindi magkasalungatan.
Dugo at Tubig
Hindi kaya ang mga pahayag natin sa Bibliya ay pawang pagsasalungatan? Sa paanong
paraan nga ba tayo napatawad sa ating mga kasalanan: sa dugo, sa bautismo ba, o sa
pagsisisi? Walang salungatan sa mga pahayag ng Bibliya, ang kailangan lamang ay
kaunawaang galing sa Espiritu Santo. Ang kapatawaran sa pagsisisi ay sasagutin natin
pagkatapos ng artikulong ito, sa ngayon ay sagutin muna natin ang tila salungatan sa dugo
at tubig.
Ito ang katotohanan, hindi natin maaaring paghiwalayin ang dugo at tubig. Noong
namatay ang Panginoong Jesus ay tumagas ang Kanyang dugo para sa lahat. Ang
kapangyarihan ng dugong iyon ay nananatili sa lahat ng mga sumasampalataya sa Kanya.
Kapag tinanggap natin ang Panginoon sa pamamagitan ng bautismo sa tubig ay tinanggap
rin natin ang Kanyang dugo. Ito ang sinabi ni Juan sa kanyang sulat: “Ito yaong naparito sa
pamamagitan ng tubig at dugo, samakatuwid ay si Jesucristo; hindi sa tubig lamang, kundi
sa tubig at sa dugo” (1 Juan 5:6).
Dahil dito hindi maaaring tanggapin ng sinuman ang dugo ng Panginoon ng hindi
tinatanggap ang tubig. Bago siya magkaroon ng bahagi sa dugo ay kailangang dumaan
muna ang tao sa tubig ng bautismo. Sa pagtanggap niya ng tubig ay kasabay niyang
tinanggap ang dugo ng Panginoon.
Kaya't kung papansinin natin naroon ang kaisahan ng tubig at dugo. Napatawad tayo sa
ating mga kasalanan sa pamamagitan ng bautismo at ng dugo (Mat. 26:28; Gawa 2:38).
Nahugasan tayo sa ating mga kasalanan ng bautismo at ng dugo (Apoc. 1:5; Gawa 22:16).
Malinis rin ang ating mga budhi sa pamamagitan ng bautismo at ng dugo (Heb. 9:14; 1
Pedro 3:21).
Bautismo ni Moises
Paanong nangyayari na tayo ay nagiging mga bagong nilalang pagkatapos ng bautismo?
Tingnan natin ang halimbawang ibinigay ni Pablo na nangyari sa Israel. Ganito ang sinasabi
sa 1 Corinto 10:1-2, “Sapagkat hindi ko ibig mga kapatid , na di ninyo maalaman, na ang
ating mga magulang ay nangapasa ilalim ng alapaap, at ang lahat ay nagsitawid sa dagat;
at ang lahat ay nangabautismuhan kay Moises sa alapaap at sa dagat.”
Noong lumisan ang Israel sa bansang Egipto, sa kanilang paglalakbay ay dumating sila sa
dagat na pula. Noon ay hinahabol sila ng hukbo ni Faraon at sa pagkakataong iyon ay wala
na silang matatakbuhan dahil nasa hangganan na sila ng dagat. Inutusan ng Panginoong
Diyos si Moises na itaas ang tungkod at paluin ang dagat, sa gayon nahati ang dagat na
pula. Lumakad ang Israel sa gitna ng dagat sa tuyong lupa; sumunod rin sa kanila ang
hukbo ng Egipto upang ibalik silang bihag sa Egipto. Nang makaahon na ang Israel, inutusan
ng Panginoong Diyos si Moises na muling ibalik ang tubig. Ang mga hukbo ni Faraon na
humahabol ay pawang natabunan ng tubig at doon sila nangamatay.
Kahawig nito ang nagaganap sa atin sa araw na tayo ay bautismuhan: ang mga bagay na
umaalipin sa atin ay namatay na at nalibing sa pamamagitan ng bautismo. Noong tayo ay
umahon, iniwan na natin sa tubig ang lumang pagkatao at ang umaahon ay isang bagong
tao na sa harap ng Diyos. Kaya't kung may nakikita pa tayong kasalanan sa ating katauhan,
sundin natin ang sinabi ni Pablo: “Gayon din naman kayo, ibilang ninyong kayo'y tunay na
mga patay na sa kasalanan, ngunit mga buhay sa Dios kay Cristo Jesus” (Roma 6:11). Hindi
na nararapat pang maghari sa isang namatay ang kasalanan.
Hayagang Pagtanggap
Tinanggap na natin ang Panginoong Jesus sa pamamagitan ng panalangin at ang bagay
na iyan ay sa iyo at sa Diyos lamang. Paano ako makasisiguro sa iyo na handa kang
sumunod sa Diyos sa lahat ng naisin Niya at handa kang ihayag ang pagtanggap sa Kanya?
Iyan ay magagawa sa pamamagitan ng bautismo sa tubig. Sa pamamagitan nito ay
ipinapakita mo sa lahat ng nakakasaksi ang hayagang pagtanggap sa Panginoong Jesus.
Hindi pag-anib sa relihiyon ang ipinapakita sa pagbabautismo kundi ang paglakip kay
Cristo. Kaya't hindi nararapat magmalaki ang tao na siya ay nabautismuhan sa Iglesia ni
Cristo o sa Protestante: ang maipagmamalaki ng tao ay nasa kanya na si Cristo.
Nang tayo ay mabautismuhan ay hinubad natin ang lumang pagkatao. Sa pag-ahon natin
sa tubig, tayo ay binibihisan naman ng isang panibagong pagkatao: ang ibinibihis natin ay
walang iba kundi si Cristo na. Kaisa na tayo ni Cristo at hindi mga kaaway. Ang nakikita ng
Panginoong Diyos sa atin ngayon ay hindi na ang pagiging makasalanan, kundi si Cristo na
ating Panginoon.
Ito ang sabi ni Pablo: “Sapagkat ang lahat na sa inyo ay binautismuhan kay Cristo ay
ibinihis si Cristo” (Gal. 3:27). Dahil ang dugo ni Cristo ay nasa atin na kaya't Siya ang ibinihis
natin. Hindi na tayong mga makasalanan ang nakikita ng Diyos kundi ang gawa ni Cristo sa
atin.
Sa Kapamahalaan o sa Pangalan?
Ang bautismong gingawa daw ng mga apostol ay hindi naman sa pangalan ng
Panginoong Jesus kundi sa kapamahalaan. Ipinapangaral daw ni Pedro na magpabautismo
sa pangalan ng Panginoon subalit kapag babautismuhan na nila ang tao ay sa pangalan raw
ng Ama, Anak at Espiritu Santo ang kanilang sinasambitla.
Ito ang katotohanan, kapag ang tao ay binabautismuhan sa ibang pangalan, halimbawa
ay sa pangalan ni Juan, nagiging alagad ni Juan ang taong iyon. Sa wikang Griego, ang
salitang pangalan ay hindi lamang basta pangalan ang ipinapahayag, kundi pati na ang
kapamahalaan nito. Kaya't ang mga alagad ni Juan Bautista ay hindi alagad ng Panginoong
Jesus ay dahil bautismo ni Juan ang tinanggap ng mga ito.
Noong binautismuhan ng Panginoon ang Kanyang mga alagad, hindi na Niya sinabing,
“Binabautismuhan ko kayo sa aking pangalang Jesus,” dahil Siya na mismo ang
nagbautismo sa mga ito. Naniniwala akong binautismuhan sila ng Panginoon subalit hindi na
nasulat. Sa pagbabautismo ng mga apostol sa pangalan ng Panginoon, ang tumatayong
bumabautismo kahalili ng Panginoon ay ang tao, gaya ng sinasabi sa Juan 4:1-2. Kaya't ang
taong nabautismuhan ay hindi magiging alagad ng taong nagbautismo o ng iglesiang
kinabibilangan niya, kundi nagiging alagad ito ng Panginoong Jesus. Kung may
binautismuhan si Pablo sa kanyang pangalan, ang taong iyon ay alagad niya; subalit ang
bautismo ni Pablo ay sa pangalan ng Panginoong Jesus, kaya't ang mga tao ay alagad ng
Panginoon.
Kung babautismuhan natin ang tao sa pangalan ng Ama, Anak at Espiritu Santo, nasaan
ang kapamahalaan nito? Kaya natin binabautismuhan ang tao sa pangalan ni Cristo dahil
doon may kapamahalaan. Ganoong kahalaga ang salita sa panahon ng pagbabautismo.
Halimbawang binautismuhan natin ang tao ng walang ginamit na pangalan, magiging
alagad ng nagbautismo ang taong iyon at hindi alagad ng Panginoon. Kaya natin ginagamit
ang pangalan ay upang maging kakaiba ang bautismo natin: bautismo na ayon sa Bibliya.
Noong pinagaling ni Pedro ang lumpo sa pintuang maganda ng templo, hindi ba't
pangalan ng Panginoong Jesus ang sinambit niya? (Gawa 3:6) Noong tinanong ng senadrin si
Pedro kung sa kaninong pangalan ang ginamit niya sa paggawa ng himala, ang sagot niya
ay kay JesuCristo (Gawa 4:7,10,12). Sinasambitla ng mga alagad ang pangalan ng
Panginoong JesusCristo sa kanilang pangangaral, pagpapagaling ng mga may-sakit at sa
pagbabautismo. Tanging pangalan ng Panginoong Jesus ang nararapat gamitin upang
maging katanggap-tanggap ang pagbabautismo. Tinanggap ng mga apostol ang
kapamahalaan sa Panginoon, kaya’t pangalan ng Panginoong ang kanilang ginagamit sa
pagbabautismo.
Bautismo ni Cristo
Sinabi natin na kung ang kandidato sa bautismo ay bautismuhan ng tao sa kanyang
pangalan ay nagiging alagad niya ito. Dahil ang ating Panginoong Jesus ay binautismuhan ni
Juan, nangangahulugan ba na ito ay kanyang alagad? Iba ang bautismong tinanggap ng
Panginoong Jesus kay sa bautismong ginagawa ni Juan sa kanyang mga naging alagad. Hindi
nagpabautismo ang Panginoon upang maging alagad ni Juan kundi ito ay sa tatlong
kadahilanan:
Una, kinakailangang makita ni Juan kung sino ang pinapatotohanan niya. Kung hindi
magpapabautismo ang Panginoon kay Juan ay hindi nito makikita kung sino talaga ang
Panginoon. Ganito ang sabi ni Juan Bautista: “At nagpatotoo si Juan, na nagsasabi, Nakita ko
ang Espiritu na bumababang tulad sa isang kalapati na buhat sa langit; at dumapo sa
kaniya. At siya'y hindi ko nakikilala: datapwat ang nagsugo sa akin upang bumautismo sa
tubig, ay siyang nagsabi sa akin, Ang makita mong babaan ng Espiritu, at manahan sa
kaniya, ay siya nga ang bumabautismo sa Espiritu Santo. At aking nakita at pinatotohanan
kong ito ang Anak ng Diyos” (Juan 1:32-34)
Ikalawa, ayon sa Panginoong Jesus: “Payagan mo ngayon: sapagkat ganyan ang
nararapat sa atin, ang pagganap ng buong katwiran” (Mateo 3:15). Hindi sa dahilang Siya ay
may kasalanan kaya't kailangang Siya ay bautismuhan, hindi iyon ang dahilan. Kundi ang
kinakailangan ay tuparin Niya ang buong katwiran ng Diyos. Walang sinabi kung paano at
ano ang katwiran na iyon kaya't ang interpretasyong ibibigay natin ay base na lamang sa
Kanyang ministeryo.
Ang kinakailangan ay sumailalim Siya sa kundisyon ng Diyos na tila baga may kasalanan
upang pasanin ang kasalanan ng sanlibutan. Ito ang magiging pasimula upang maranasan
Niya ang sakit at gagawin Niyang pagtubos sa buong sanlibutan. Kapag napagtagumpayan
Niya ang pagtupad sa utos ng Diyos, natupad Niya ang buong katwiran ng Diyos. Iyon nga
ang nangyari: nagtagumpay Siya.
Pangatlo, upang makapag-iwan ng halimbawang susundan ng lahat. Ang paalala ni
Pedro: “Sapagkat sa ganitong bagay kayo'y tinawag: sapagkat si Cristo man ay nagbata
dahil sa inyo, na kayo'y iniwanan ng halimbawa, upang kayo'y mangagsisunod sa mga
hakbang niya” (1 Pedro 2:21). Kung ang Panginoong Jesus ay nanalangin, kailangang tayo
ay manalangin; kung Siya ay nag-ayuno, kailangang tayo ay mag-ayuno; kung Siya ay
nagpabautismo, kailangang tayo ay magpabautismo. Marami Siyang halimbawang iniwan sa
atin na dapat nating lakaran.
Sa bibig mismo ng Panginoon makikita natin ang kahalagahan ng bautismo: “At sinabi
nila sa kaniya, Kaya namin. At sinabi sa kanila ni Jesus, Ang sarong aking iinuman ay
iinuman ninyo; at sa bautismo na ibinautismo sa akin ay babautismuhan kayo” (Marcos
10:39). Kung ano ang bautismong tinanggap ng Panginoon ay babautismuhan tayo. Kaya't
hindi natin nararapat maliitin ang pagtanggap ng bautismo sa tubig. Sa bautismong
tinanggap ng Panginoon ay kailangang bautismuhan din tayo.
Napakahalaga sa Kaligtasan
Pagkatapos nating makita ang pagpapahalaga ng Panginoong Jesus sa bautismo, iisa ang
magiging konklusyon natin: ito ay mahalaga sa kaligtasan. Sino ang paniniwalaan natin: ang
Bibliya o ang mga taong nangangaral ng sarili nilang aral? Kung hindi sana natin nakita ang
kahalagahan nito, maniniwala tayo sa kanila. Subalit nakita natin bukod sa Panginoon, ang
mga apostol mismo ay nagbigay rin ng halaga, kaya't sino tayo upang hindi magbigay ng
halaga?
Hindi lamang napakahalaga ng bautismo bilang ating pagsunod, napakahalaga rin nito sa
ating kalitasan. Iyan ay nasusulat sa Bibliya sa Marcos 16:16 at 1 Pedro 3:20-21.
Ginagamit natin ang talata sa aklat ni Pedro, ang sabi ng maraming mangangaral, hindi
naman tubig ang nagligtas kay Noah kundi ang arkong sinakyan nila. Kung babalikan natin
ang talata ay ganito ang sinasabi: “Na ng unang panahon ay mga suwail na ang
pagpapahinuhod ng Dios, ay nananatili noong mga araw ni Noe, samantalang inihahanda
ang daong, na sa loob nito'y kakaunti, sa makatuwid ay walong kaluluwa, ang nangaligtas sa
pamamagitan ng tubig: na ayon sa tunay na kahawig ngayo'y nagligtas, sa nakatuwid
baga'y ang bautismo, hindi sa pagaalis ng karumihan ng laman, kundi sa paghiling ng isang
mabuting budhi sa Dios, sa pamamagitan ng pagkabuhay na maguli ni JesuCristo.”
Maliwanag ang sinasabi na tubig ang nagligtas sa kanila at ang nangyari sa kanila ay ka-tipo
ng bautismo na ating tinanggap ngayon.
Paanong nangyari? Noong tumaas ang tubig ay namatay ang lahat ng mga masasamang
tao. Tubig ang pumatay sa unang sanlibutan, tubig rin ang nagligtas sa buong pamilya ni
Noe. Kahawig nito, kapag dumaan tayo sa tubig ng bautismo, iniiwan na natin ang
sanlibutan at lumalakad tayo sa panibagong buhay.
Gaya ng lumisan ang Israel sa bansang Egipto, kung hindi sila dumaan sa bautismo ni
Moises ay mabibihag silang muli ng Egipcio. Pagka-ahon nila sa tubig, ang mga Egipcio na
humahabol sa kanila ay natabunan ng tubig at doon nangamatay: sila naman ay ganap ng
malaya sa pagka-alipin. Ang umaalipin sa kanila ay wala na at sila ay nasa lakbayin na
patungo sa lupang pangako. Tayong mga nabautismuhan na sa Kanyang pangalan ay
malaya na sa pagkaka-alipin ng sanlibutan. Ang ating tinatahak ngayon ay ang lupang
ipinangako ng Diyos sa lahat ng nagsisiibig sa Kanya. Isang araw ay tatanggapin natin ang
gantimpalang naghihintay sa atin.
-o-
Aliping di Tapat
Hindi natin maikakaila na tayo ay pawang mga alipin ng Diyos. Bilang mga alipin
anumang oras na naisin ng Panginoon na palayasin tayo sa Kanyang tahanan ay magagawa
Niya. Hindi mapapalayas ng alipin ang Kanyang Panginoon dahil hindi naman sa kanya ang
tahanan. Ang tanging magagawa ng alipin ay sumunod sa mga sinasabi ng Kanyang
Panginoon.
Sa parabulang ibinigay ng Panginoon sa Mateo 24:45-51, ipinapakita dito ang isang
aliping pinagkatiwalaan ng panginoon ng lahat ng kanyang pag-aari. Nang umalis ang
kanyang panginoon, nagpasimula maghari-harian ang alipin sa bahay ng kanyang
panginoon: binubugbog ang kapwa niya katiwala, walang ginawa kundi ang kumain, uminom
at maglasing. Ang akala niya matagal pang magbabalik ang kanyang panginoon. Dahil sa
hindi niya alam ang araw ng pagbabalik ng kanyang panginoon, inabutan siya sa ganoong
kalagayan. Ano ang gagawin ng panginoon: “At siya'y babaakin, at isasama ang kanyang
bahagi sa mga mapagpaimbabaw: doon na nga ang pagtangis at pagngangalit ng mga
ngipin.”
Ito ang isa sa mga nakalimutan ng naniniwala sa OSAS: tayo ay alipin pa rin ng Diyos.
Kaya't bilang mga alipin, kailangan nating maglingkod sa Diyos, hanggang mangyari ang
Kanyang ikalawang pagbabalik. Ang Panginoong Jesus mismo ang nagsabi na kung hindi
tayo maabutang ginagawa ang ating mga tungkulin, ang magiging bahagi natin ay ang lugar
ng kahirapan. Ang gusto ng tao laging pahinga kahit hindi pagod, ayaw nila ng trabahong
ibinibigay ng Panginoon. Ang katwiran nila, ligtas pa rin sila kahit hindi nila magawa ang
mga bagay para sa Panginoon. Kaso ang makikita nating sinabi ng Panginoon ay
kabaligtaran ng paniniwala nila: “Siya'y babaakin at isasama ang kanyang bahagi sa mga
mapagpaimbabawa: doon na nga ang pagtatangis at pagngangalit ng mga nginpin.”
Upang hindi tayo magkaroon ng bahagi sa mga ito: kailangang gawin natin ang ating
mga katungkulan bilang mga alipin. Magtiyaga tayo sa pagtatapat habang hinihintay natin
Siya, dahil ang sabi Niya: “Ang magtiis hanggang sa wakas ay maliligtas.”
("Holy") show that the scribe decided to delete this word after he wrote it
— giving the reading "[the] Spirit was not yet," as opposed to "[the] Holy Spirit was not yet."
(John 7:39).
Ang mga tao ngayon ay nalilito sa paghahanap kung nasaan ang tunay na salita ng
Diyos. Wala ng mapagkatiwalaan dahil ang bawat isa ay patuloy na nagsisiraan. Kung sa
mga iskolar ito ay problem, sa ating mga karaniwang tao ay hindi ito talagang problem.
Ayon sa ipinangako ng Panginoon: “Kung ang sinomang tao ay nagiibig gumawa ng Kanyang
kalooban, ay makikilala niya ang turo, kung ito'y sa Dios, o kung ako'y nagsasalita na mula
sa aking sarili” (Juan 7:17). Hindi pa rin maikakaila na mahalagang may malaman tayo sa
orihinal na wika ng Bibliya, subalit hindi ito maipanghahalili kung tayo ay lalakad sa
kalooban ng Diyos. Kapag ginawa natin ang Kanyang kalooban ng walang pagtutol,
malalaman natin ang tunay na doktrina Niya. Sa gayon, anumang salin ang gamitin natin,
mapagkikilala natin kung ito ba'y sa Diyos o hindi.
Magtiis Tayo
Magtiis tayo hanggang sa wakas. Tanging ang mga taong nakatiis hanggang sa wakasa
lamang ang maliligtas. Lahat ng Israel na napahamak sa panahon ng kanilang paglalakbay
ay mga hindi ligtas. Subalit ang lahat ng mga nagtiis hanggang sa ibigay ng Diyos ang
lupain ipinangako sa kanila, iyon lamang ang nangligtas.
Itong kapanahunan natin ay nakikita natin ang mga palatandaan ng mga huling araw:
ang mga tao'y maibigin sa salapi, mga walang paggalang, ang masama ay nagpapakasama
pa, at ang mabuti at nagpapakabuti pa. Ito ang panahon na higit tayong nangangailangan
ng pagtitiis. Nawa ay bigyan pa tayo ng Diyos ng mahabang pagtitiis, upang kung dumating
na ang Kanyang itinakdang kawakasan, tayo ay maligtas.
-o-
7. KALIGTASAN SA PAGSISISI
Pangako ng Dios
Maraming ulit nating mababasa sa pahina ng mga Kasulatan na ang Diyos ay
magpapatawad ng sagana. Sinabi ni Juan na minamahal: “Kung ipinahahayag natin ang
ating mga kasalanan, ay tapat at banal siya na tayo’y patatawarin sa ating mga kasalanan,
at tayo’y lilinisin sa lahat ng kalikuan. Kaya’t kung ang tao ay tunay na nagsisisi,
mapanghahawakan niya ang mga pangakong ito ng Diyos: mayroong nakalaan na
kapatawaran sa kaniya.
Kahit na gaano karami ang kasamaang nagawa ng tao hindi naliligayahan ang Diyos sa
kamatayan ng mga taong ganito. Ang tao ay nagiging maligaya kapag ang kaaway nila’y
namatay na, subalit ang Diyos gaano man ang naging pagkakasala ng tao, kapag ito’y
nagsisi ay Kaniyang pinatatawad.
Hindi maitutumbas ang mga kayamanan ng sanlibutang ito upang tubusin ang tao sa
pagkakasala. Kaya’t ang hinihingi na ng Diyos sa mga kaluluwa ay magsisi. Mayroong biyaya
na nakatago ang Diyos sa lahat ng nagsisisi. Sapat ang biyaya ng Diyos upang malampasan
ng tao ang lahat nilang pagkakasala sa tulong ng Diyos, ang kailangan lang ay magsisi.
Hindi natin maaaring sabihin, dahil marami at mabigat ang ating mga kasalanan kaya’t hindi
tayo mapapatawad ng Diyos, ang Diyos ay sagana na magpapatawad sa atin. Kung hindi
natin panghahawakan ang mga pangako ng Diyos, ito ang magpapahamak sa tao. Sa hindi
paniniwala ng tao sa mga pangakong ito ay ginagawa niyang sinungaling ang Diyos.
Kailangan mong magsisi subalit hindi mo matanggap ang kapatawaran ng Dios, hindi ka
mapapatawad ng Dios, kung hindi mo sasampalatayan ang kabutihan Niya.
May Kaligtasan sa Pagsisisi
Tingnan natin ang napakasarap na pangako ng Dios: “Ngunit kung ang masama ay
humiwalay sa kanyang lahat na kasalanan na kanyang nagawa, at ingatan ang lahat ng
aking mga palatuntunan, at gumawa ng tapat at matuwid, siya’y walang pagsalang
mabubuhay, siya’y hindi mamamatay. Wala sa kanyang mga pagsalansang na nagawa niya
na aalalahanin laban sa kanya: sa kanyang katuwiran na kaniyang ginawa ay mabubuhay
siya” (Ezekiel 18:21-22). Maliwanag ang mga pangakong ito ng Dios. Bakit mamamatay ang
tao, gayong may pagkakataon na siya’y mabuhay?
Hindi ang lahat ng taong nagbabago ay nangangahulugang nasisisi May mga taong
matapos mabilanggo at humiwalay sa kanilang kasamaan ay mga walang pagsisisi sa
kalooban sa nagawa nilang kasamaan. Nagbago ang mga gawa ng mga taong ito subalit ang
kasamaan ay naroon pa rin. Kahit na gaano pa sila naging kabuti sa kanilang pagbabago,
wala silang kaligtasan.
Kinakailangan na ang tao ay magsisi, humiwalay sa lahat niya kasamaan at ingatan ang
mga palatuntunan o kautusan ng Diyos. Kapag ginawa niya ito, gaano man kalaki ang
nagawa niyang kasamaan sa nagdaan ay hindi na aalalahanin pa ng Diyos. Ganyan ang
kabutihan ng Diyos. Ang pangako ng Diyos: hindi na siya mamamatay kundi siya ay
magmamana na ng buhay na walang hanggan. Hindi nalulugod ang Diyos sa kamatayan ng
taong masama. Ang kaluguran ng Diyos, makita Niya na ang taong masama ay nagsisisi
upang magkaroon ng buhay na walang hanggan.
May Kapahamakan sa mga Tumalikod at hindi Nagsisi
Ang babala naman sa mga taong tumanggap na ng kaligtasan: “Ngunit pagka ang
matuwid ay humiwalay sa kaniyang katuwiran, at gumawa ng kasamaan, at gumawa ng
ayon sa lahat ng kasuklamsuklam na ginagawa ng masamang tao, mabubuhay baga siya?
Walang aalalahanin sa kaniyang mga matuwid na gawa na kaniyang ginawa: sa kaniyang
pagsalangsang na isinalangsang, at sa kaniyang mga kasalanan na ipinagkasala, sa mga
yaon mamamatay siya” (tal. 24). Kaya nga, yamang ang buhay natin ay ibinigay na sa
Panginoong Diyos, mabuhay na tayo ng ayon sa katuwiran ng Diyos at huwag ng lumayo pa.
Napakahalaga ng ating kaligtasan kaya’t ngayon pa lamang tayo ay magsisi na. Kung hindi
natin ito gagawin ngayon pagkatapos ng kamatayan ay walang hanggan na ang ating
magiging pagsisisi.
Halimbawang ang tao ay nagsisi noong tanggapin niya ang Diyos, mananatili bang ligtas
ang taong ito sa habang panahon? Oo, habang nananatili siya sa pananampalataya. Paano
kung siya ay tumalikod? Ang ipinapakita ng doktrinang once saved always saved (o OSAS):
ang tao ay mananatiling ligtas sakali mang siya ay mapalayo at magkasala sa Diyos. Ano
ang sinabi ng Diyos sa nagdaang talata na kinuha natin? “Walang aalalahanin sa kanyang
mga matuwid na gawa na kanyang ginawa, ...sa mga yaon mamamatay siya.” Kung gayon
ang doktrina ng OSAS ay sumasalungat sa salita ng Diyos.
Sakali mang ang tao ay magkasala subalit nananatili ang kanyang pananampalataya sa
Diyos, naniniwala akong maliligtas ang tao kung magsisisi siya. Magkasala man siya ng apat
na raan at siyam na pung beses sa isang araw, may nakalaang apat na raan at siyam na
pung beses na kapatawaran sa kanya kung siya ay magsisisi. Subalit wala namang tao na
magkakasala ng ganyang karami sa loob ng isang araw. Sa katotohanan ang tunay na
Kristiyano ay nakikipagbaka sa laban sa kasalanan. Kaya't dumaraan ang isang araw, ang
kristiyano ay may pagkakataong hindi nakakagawa ng anumang kasalanan. Nariyan ang
Espiritu Santo upang sa kanya ay gumabay, inilalayo nito ang kasamaan sa Kristiyano.
Napakahalaga ng pagsisisi sa ating kaligtasan. Sa pamamagitan nito'y inaamin mo ang
iyong kasalanan at nakahanda kang ito ay talikuran na. Subalit kung ang Kristiyano ay
nagsisi at pagkatapos ay muling nagbalik sa kasalanan, hindi na anak ang turing sa kanya
ng Diyos: gaya na siya ng isang baboy na matapos hugasan ay muling nagbabalik sa
putikan; gaya siya ng isang aso na matapos isuka ang kinain ay muli pang kakainin. Ang
naghihintay sa kanya ay isang kahindik-hindik na paghuhukom dahil mabuti pang hindi niya
nakilala ang katotohanan.
Pagkadama ng Kalungkutan
Maraming tao ang nagsasabing sila ay nagsisisi sa mga nagawa nilang pagkakasala. Ano
kaya ang katunayan nilang maipapakita? Sa mga panahon ng aking paglilingkod sa Diyos,
may dalawang klase ng tao akong nasumpungan na naging palatandaan ko kung sino ang
magiging matibay at kung sino ang mahihiwalay pagdating ng araw. May mga taong
nagpapatoo na matapos nilang tanggapin ang Diyos ay napuno sila ng kasiyahan at para
bang hindi na sila daratnan ng mga problema; nagkaroon ng kaluwagan sa kanilang
damdamin at naging na matahimik sila. Ang ikalawang klase ng mga tao na nakita ko ay
ang mga nagpapatotoo, na noong makilala nila ang Panginoong Jesus ay doon nila nalaman
na ang kanilang mga gawa ay hindi nakalulugod sa Kaniyang paningin.
Maraming tao ang nagiging maligaya dahil sa pagtanggap sa Panginoong Jesus. Ang
kaligayahang ito kailan man ay hindi makakapagpatatag sa ating pananampalataya. Kung
sino pa ang mga naging maligaya sa kanilang pagtanggap, kadalasan ay siya pang kauna-
unahang nawawala pagdating ng mga pagsubok. Walang kapahayagan sa kaligayahan, ang
kailangan ay makilala natin ang ating sarili at kung Sino ang paglilingkuran natin. Malibang
darating ang kapahayagan sa mga taong ito ay hindi sila magiging matibay sa
pananampalataya. Hindi nila nakikita ang kakulangan, kundi ang nakikita nila ay ang mga
benepisyo lamang.
Higit akong humahanga sa mga taong na matapos tanggapin ang Panginoong Jesus ay
nagsabi na nasumpungan nilang hindi sila nakalulugod sa paningin ng Diyos. Ito ay isang
kapahayagan: nakita agad ng tao ang kaniyang pagiging makasalanan. Siya’y hindi karapat-
dapat sa Diyos subalit nakita niya ang biyaya at pagpapatawad ng Diyos. Ito ang mga tao na
kadalasang nagiging matatag sa kanilang pananampalataya.
Dumarating sa tao ang pagkahiya sa sarili sa araw na makita nila ang pagiging
makasalanan nila. Ang pagkahiyang ito ay nagdadala ng kalumbayan at ang kalumbayang
ito ay patunay na tinatanggap ng tao na siya’y nagkasala laban sa Diyos.
Naging karanasan ng mga taga-Corinto ang pagkahiya sa kanilang mga kasalanan, ng
sila’y sawayin ni Pablo sa pamamagitan ng kanyang mga sulat. Sa halip na ang mga taga-
Corinto ay magrebelde sa ginawang pagsaway sa kanila, tinanggap nila na sila’y mga
nagkamali sa kanilang mga gawa. Ang naging resulta, sila ay nagkaroon ng kalumbayan. Sa
ikalawang sulat ni Pablo sa kanila ay kanyang sinabi: “Ngayo’y nagagalak ako, hindi dahil sa
inyong pagkalumbay, kundi dahil sa inyong mga pagkalumbay na ikapagsisisi; sapagkat
kayo’y pinalumbay sa paraang ukol sa Dios, upang sa anoman ay huwag kayong
mangagkaroon ng kalugihan dahil sa amin. Sapagkat ang kalumbayang mula sa Dios, ay
gumagawa ng pagsisisi sa ikaliligtas, na hindi ikalulungkot: dapatwat ang kalumbayang ayon
sa sanglibutan ay ikamamatay” (II Corinto 7: 9-10).
Dalawang klase ang kalumbayang sinabi ni Pablo: una ay ang kalumbayang ukol sa Dios,
ikalawa ay ang ukol sa sanlibutan. Ang kalumbayang ukol sa Dios ay nagdadala sa tao sa
ikapagsisisi tungo sa kaligtasan; ang kalumbayang ukol naman sa sanlibutan ay nagda-dala
sa tao sa kamatayan.
Ang halimbawa ng kalumbayang ukol sa Diyos ay ang nangyari kay Pedro. Bago ipako sa
krus ang Panginoon, nangako si Pedro na hindi Niya ito iiwan mangahulugan man ng
kanyang kamatayan (Lucas 22:33). Sinabi ng Panginoong Jesus, “Sinasabi ko sa iyo Pedro,
na hindi titilaok ngayon ang manok, hanggang sa ikaila mong makaitlo na ako’y hindi mo
nakikilala.” Matapos niyang ipagkaila ng tatlong beses ang Panginoong Jesus, “ay tumilaok
ang manok. At lumingon ang Panginoon, at tinitigan si Pedro. At naalala ni Pedro ang salita
ng Panginoon, kung paanong sinabi niya sa kaniya, Bago tumilaok ang manok ngayon, ay
ikakaila mo akong makaitlo. At siya’y lumabas at nanangis ng kapait-paitan” (tal. 60-62).
Labis ang naging pagsisisi ni Pedro dahil sa ginawa niyang pagkakaila sa Panginoon, subalit
ng sila ay muling magkita ng Panginoong Jesus, nanampalataya siya na ang kapatawaran ay
iginawad sa kanya. Sa gayon ang pagsisisi ni Pedro ay naging sa ikaliligtas.
Ang halimbawa naman ng kalumbayang nanggagaling sa sanlibutan ay ang nangyari kay
Judas Iscariote. Alam natin na sa kasaysayan ay ipinagkanulo niya ang Panginoong Jesus sa
pamamagitan ng tatlong pung piraso ng pilak. Akala niya ay huhulihin lang ang Panginoon
at pagkatapos ay pawawalan, ang hindi niya alam ito pala ay papatayin na pala pagkahuli.
Nakakita lamang sila ng tamang pagkakataon sa pamamagitan niya. Sinasabi ng Kasulatan,
“Nang magkagayo’y si Judas, na nagkanula sa kaniyo, pagkakitang siya’y nahatulan na, ay
nagsisi, at isinauli ang tatlongpung putol na pilak sa mga pangulong saserdote at sa
matatanda, na sinasabi, Nagkasala ako sa aking pagkakanulo sa dugong walang kasalanan.
Datapwat kanilang sinabi, Ano sa amin? Ikaw ang bahala niyan. At kaniyang ibinulaksak sa
santuario ang mga putol na pilak, at umalis; at siya’y yumaon at nagbigti” (Mateo 27:3-5).
Hindi matanggap ni Judas na mayroon pang kapatawaran sa kaniyang mga kasalanan. Sa
labis niyang kalungkutan ay hindi niya natagalan ang paguusig ng budhi dahil sa Panginoon
na walang kasalanan at hinatulan ng kamatayan. Siya ay nagpakamatay ng makita niya ang
sitwasyon ng Panginoon.
Mainan na magkaroon ng kalumbayan ang tao bilang pagtanggap sa kanyang sarili na
siya ay nagsisisi. Subalit ang kalumbayang ito ay huwag maging dahilan ng labis na
kalungkutan dahil kung hindi, baka ito ay maging sa ikamamatay. Tanggapin natin ang ating
mga kasalanan at panampalatayanan natin na ang Diyos ay magpapatawad ng sagana sa
lahat ng may tunay na pagsisisi at pananampalataya sa Kanya.
Ang pagpapakita ng kalumbayan ay palatandaan na tayo mismo ay namumuhi sa
kasalanan na ating nagawa. Walang sinumang tao na nagkasala ang maligaya pa rin habang
humihingi ng kapatawaran, dahil kung ganito ang gawa ng isang tao, malinaw na hindi siya
seryoso sa kanyang pagsisisi. Kaya nalulungkot ang tao habang nagsisisi, ito ay dahil
nasusuklam siya sa kanyang ginawa. Ang paghingi ng tawad ay tanda na hindi na natin
muling gagawin ang kasalanang ipinagkasala natin. Dumarating lamang ang kaligayahan
pagkatapos na ating matanggap ang kapatawaran.
Wala tayong maririnig sa Diyos na salitang, “Pinapatawad na kita.” Ang patawad ay
kailangang panampalatayanan nating tinanggap natin sa panahon ng ating paghingi ng
kapatawaran. Hindi na natin kailangan pang marinig ang tinig ng Diyos, ang kailangan natin
ay pananampalataya sa pagpapatawad Niya.
Batayan ng Pagsisisi
Tayo ngayon ay nasa panahon ng biyaya. Habang hindi pa nangyayari ang ikalawang
pagbabalik ng Panginoong Jesus ang tao ay may pagkakataon pa upang magsisi, kapag
siya’y nagsisi ang Diyos ay may nakalaang kapatawaran sa kanya. Paanong nangyayari na
sa araw na kanilang marinig ang pangangaral ng pagsisi ay sumusunod sila at nagsisisi?
Kung pagbubulayin natin, sa ganang ating sarili ay wala tayong dapat pagsisihan dahil
bulag tayo sa sarili nating mga gawa. Hindi natin kinikilala na ang mga masasamang gawa
natin ay masama talaga. Makikita natin ang mga magulang na kung magmura sa kaniyang
kapuwa ay balewala, subalit kapag narinig niyang nagmura ang kanyang anak ay nagagalit
sila. Kung ganoon alam ng mga magulang na masama talaga ang magmura subalit hindi nila
pinipigilan ang sarili nila; hindi sila nagsisisi sa mga masamang nasabi nila.
Dumarating ang pagsisisi sa tao sa araw na sila’y maliwanagan ng ebanghelyo. Hindi
tinitingnan ng tao ang kanilang masamang gawa dahil sila’y nasa kadiliman pa. Namumulat
lamang ang tao sa kanilang masamang gawa dahil sa kaliwanagan na ibinibigay ng
ebanghelyo ni Cristo. Ano ang maitatawag natin dito? Ito ay biyaya na nanggagaling sa
Diyos. Hindi magagawa ng tao na magpakumbaba sa harap ng Diyos kung sa kaniyang sarili
lamang. Kung hindi dahil sa biyaya ng Diyos na dumating sa kaniya sa pamamagitan ng
pangangaral ay hindi niya matututunan ang pagsisisi.
Ilang situwasyon ang ginagamit ng Diyos upang ang tao ay akayin? Hindi natin ito
mabibilang. Maraming ulit na ang Diyos ay tumatawag sa tao sa pamamagitan ng iba’t-
ibang pangyayari subalit hindi tumutugon ang tao. At habang hindi nangyayari ang takdang
panahon ng paghatol sa lahat ng tao, ang Diyos ay patuloy na magsusugo ng Kaniyang mga
lingkod upang akayin ang marami sa tunay na pagsisisi. Tama si Pablo sa pagsasabi na “ang
mga kayamanan ng kaniyang kabutihan at pagtitiis at pagpapahinuhod, ng Dios ay siyang
umaakay sa iyo sa pagsisisi” (Roma 2:4). Subalit ano ang ginagawang tugon ng tao?
Hinahamak niya ang lahat ng ito.
Hindi tayo titigilan ng Diyos na tawagin upang magsisi. Sa Kanyang labis na pagmamahal
ayaw Niya na ang sinoman ay mapahamak. Malaki ang tiniis sa atin ng Diyos sa panahon na
tayo ay hindi tumugon sa Kanyang mga tawag. Mabuti na lamang at ang Diyos ay mayaman
sa pagtitiis. Kaya nga, kung mayroon mang dahilan kung bakit tayo ay natutong magsisi ay
dahil sa kabutihan, pagtitiis, at pagpapahinuhod sa atin ng Diyos. Wala tayong
maipagmamalaki kundi ibaba natin ang ating sarili at ating idalangin, “Patawarin mo ako
Panginoon dahil ako’y naging bulag sa aking mga gawa. Ngayong nakita ko na ang
kaliwanagan ay nais kong manatili dito. Hawakan mo ako ng mahigpit at huwag ng pawalan
pa.” Tayo din ang magpapatotoo sa bandang huli na napakainam ng tayo’y nasa Dios.
Gumawa ng Pagsasauli
Maipapakita nating lubusan ang ating pagsisisi sa pamamagitan ng pagsasauli o
pagbabayad. Halimbawa nito, kung may nakuha tayong pagaari ng iba, kailangang ibalik
natin ito sa talagang nagmamay-ari. Ang pagbabayad sa ating mga nagawa ay utos ng
Panginoong Diyos sa panahon pa lamang ni Moises. Sa Exodo 22:1-15 ay makikita natin ang
mga karampatang kabayaran sa mga bagay na kinuha.
Ang batas na ito ay hindi inalis ng Panginoong Jesus sa Bagong Tipan kundi Kanya pang
sinang-ayunan. Nang magtungo siya sa bahay ni Zaqueo na isang maniningil ng buwis ay
sinabi sa Kanya nito, “Narito, Panginoon, ang kalahati ng aking mga pagaari ay ibinibigay ko
sa mga dukha; at kung sakali'’t nakasingil akong may daya sa kanino mang tao, ay isasauli
kong makaapat” (Lucas 19:8). Ang gawang ito ay hayagang pagpapakita ng tunay na
pagsisisi. Kung nagkasala tayo sa ating kapwa tayo ay nagkasala na rin sa Diyos.
May pagkakasalang tayong nagagawa laban sa Diyos na maaaring hindi laban sa ating
kapwa, subalit ang mga kasalanang nagawa natin sa ating kapwa ay kasalanang nagawa
natin sa Diyos. Kaya’t kung tayo ay magbabayad sa ating kapuwa na naging kasalanan natin
sa kanila, nararapat na magbayad din tayo sa Dios. Hindi ko ibig sabihin na ang nakuha
nating piso sa ating kapuwa ay babayaran nating ng apat na piso sa Diyos, kundi ang
tanging kabayaran na maibibigay natin sa Diyos ay ang bunga ng ating pagsisisi. Mayaman
ang Diyos at hindi Siya nangangailangan ng anumang materyal na bagay na manggagaling
sa atin. Ang buong mundong ito ay pagaari Niya, kaya’t hindi natin maaaring ibayad sa
Diyos ang sarili Niyang pagaari. Ang tanging kabayaran na Kaniyang hinihingi ay ang bunga
ng ating ginawang pagsisisi.
Babala
Tungkol sa mga nagsisising hindi nagsisipagbunga, ang babala ni Juan Bautista: “At
ngayon pa’y nakalagay na ang palakol sa ugat ng mga punong kahoy: ang bawat punong
kahoy nga na hindi nagbubunga ng mabuti ay pinuputol at hinahagis sa apoy” (Mateo 3:10).
Kung sa pagkarinig ng mga mensaheng ito at ginawa agad upang isapamuhay, tayo nga ay
magkakaroon ng kaligtasan; kung sakali mang narinig natin ang mensaheng ito at hindi tayo
nagpakababa sa harap ng Diyos, gaya ng sinasabi, tayo ay puputulin at ihahagis sa apoy.
Ano ang ibig sabihin kung ipagpapaliban natin ang pagsisisi matapos nating marinig ito?
Nangangahulugan ito na ang tao ay nagmamalaki sa Diyos. Sa mga taong hindi
nagsisipamunga sa kanilang pagsisisi, at sa mga taong hindi nagsisisi, hindi natin maaaring
pagmalakihan ang Diyos dahil anumang oras ay maaari Niyang putulin ang ating buhay.
Dapat tayong matakot dahil ngayon pa lang ay sinasabing “nakalagay na ang palakol sa
ugat.” Anumang oras na Kaniyang selyuhan ang ating buhay upang ipadala sa kabilang-
buhay, wala tayong magagawa dahil Siya ang may hawak ng palakol.
Kaya nga, ngayon pa lang ay sinasabi ko: magsisi tayo sa ating mga kasalanan at talikuran
ang lahat ng mga masasamang gawa. Ito ay unang hakbang pa lamang tungo sa kaligtasan.
Ang mundo natin ay maraming tinitingnan na tagapag-ligtas. Ang tanong ay, sino kaya sa
kanila ang karapat-dapat na kilalaning tagapag-ligtas? Ito ay mahalaga dahil dito
nakasalalay ang ating magiging kalalagayan pagkatapos ng buhay sa mundong ito. Tayo
ang mga nangangailangan ng kaligtasan, mapagkakatiwalaan ba natin ang Panginoong
Jesus upang maging ating Tagapag-ligtas?
Para sa akin hindi ko mapagaalinlanganan kailan man ang Panginoong Jesus bilang
Tagapag-ligtas. Ito ay sa dahilang hindi siya maikukumpara sa kanino mang tagapag-ligtas
ng mga relihiyon sa mundong ito.
Kahit na sabihing ikaw ay may pananampalataya, sumusunod sa Diyos, nabautismuhan,
at nananatili sa pananampalataya ay hindi mga sapat upang ang tao ay maligtas. Ang
Juadismo ay may pananampalataya, bautismo, at sila ay nananatili, subalit sila ay mga hindi
ligtas: ang dahilan ay wala silang JesuCristo. Ganito rin ang mga Muslim mayroon silang
pananampalataya, nagpapakamatay pa sila sa idelohiya at doktrina nila, at may ritwal silang
ginagawa upang ang tao ay maging kaanib nila, subalit sila ay mga hindi ligtas. Ang dahilan
ay wala silang JesuCristo. Kahit na sinong tao, gaano man kalaki ang pananampalataya nila
sa diyos nila ay walang kabuluhan kung wala ang Panginoong JesuCristo sa buhay nila.
Ito ang kaibahan ng Kristiyanismo sa lahat ng relihiyon sa mundong ito: hindi ito isang
relihiyon. Ang Islam, Budismo, Shinto, at iba pa ay pawang mga relihiyon. Samantalang ang
Kristiyanismo ay relasyon sa Diyos. Gaya ng itinuro ng Panginoon, kung tao ay
mananalangin sa Diyos ay ating Siyang tatawaging “Ama”. Kaya't hindi ito isang relihiyon,
kundi ito ay pakikipag-relasyon natin sa Diyos: tayo bilang Kanyang mga anak at Siya bilang
ating Ama.