You are on page 1of 6

Habang narito pa tayo sa daigdig at naglalakbay patungo sa tunay nating bayan na ipinangako ng Diyos,

hindi natin maiiwasang pagdaanan ang iba’t ibang uri ng pagsubok.  Kailangan nating matutuhan kung
paano pakikitunguhan ang mga pagsubok na ito.  Kung itinutulot man ng Diyos na dumaan tayo sa
mahihigpit na pagsubok, nangangahulugan ba na tayo ay pinababayaan Niya upang mag-isa nating
harapin ang mga pagsubok?  Wala ba tayong maaasahang tulong mula sa Kaniya upang
mapagtagumpayan ang mga ito nang sa gayon ay hindi makasira sa pagtatamo natin ng kaligtasan?
Ano ang ipinagpauna na ng Biblia sa magiging kalagayan ng daigdig sa mga huling araw?
II Timoteo 3:1 NPV
“Tandaan ninyo ito: Nakapangingilabot ang mga huling araw.”
  Bakit sinabi ng Biblia na nakapangingilabot ang magiging kalagayan ng mga huling araw?
II Timoteo 3:1-5 MB
“Tandaan mo ito: mababatbat ng kahirapan ang mga huling araw.  Ang mga tao’y magiging
makasarili, gahaman sa salapi, palalo, mayabang, mapang-alipusta, suwail sa magulang,
walang utang na loob at lapastangan sa Diyos.  Bukod dito, magiging malupit sila, walang
habag, mapanirang-puri, mapusok, marahas, at mamumuhi sa mabuti.  Hindi lamang iyan,
sila’y magiging taksil, walang taros, palalo, at mahilig sa kalayawan sa halip na sa mga bagay
na ukol sa Diyos.  Sila’y magkukunwang may pananampalataya ngunit hindi naman makikita sa
buhay nila ang kapangyarihan nito. Iwasan mo ang mga ganitong tao.”
 Mababatbat ng kahirapan ang mga huling araw at lalaganap ang kasamaan. Kaya hindi natin
dapat ipagtaka ang nangyayari sa kasalukuyan sapagkat ipinagpauna na ito ng Banal na
Kasulatan.  Hindi rin natin dapat ipagtaka kung bakit sa kabila ng pagdagsa ng maraming
relihiyon at tagapangaral ay patuloy pang sumasama ang kalagayan ng mundo sapagkat ibinabala
rin ng Biblia ang tungkol sa mga hindi tunay na relihiyon na nagkukunwa lamang na totoo.
  Ano pa ang ipinagpauna ng Biblia na mangyayari sa mga huling araw na ito?
Ezekiel 7:5-7, 15 MB
“Ipinasasabi pa ni Yahweh: “Hindi na magtatagal at sunud-sunod na kasawian ang aabot sa
inyo.  Dumating na ang wakas!  Ito na ang inyong hangganan.  Dumating na ang inyong
katapusan, mga mamamayan ng lupain.  Dumating na ang panahon, malapit na ang araw ng
kaguluhan.  Tapos na ang masasayang araw sa ituktok ng bundok.”
“Nasa labas ng bayan ang tabak, nasa loob naman ang salot at taggutom.  Ang nasa bukid ay
namamatay sa tabak.  Ang nasa loob ng bayan ay nauubos sa salot at taggutom.”
  Ito ang nasasaksihan nating nangyayari sa ating paligid sa kasalukuyan: mga kaguluhan sa iba’t
ibang panig ng daigdig, sunud-sunod na kasawian, patayan, taggutom, at mga salot.
  Ano rin ang ipinagpauna ng ating Panginoong Jesucristo na mangyayari kapag malapit na ang
wakas o ang kaniyang ikalawang pagparito?
Lukas 21:11, 27 MB
“Magkakaroon ng malalakas na lindol, magkakagutom at magkakasalot sa iba’t ibang dako. 
May lilitaw na mga kakilakilabot na bagay at mga kagila-gilalas na tanda buhat sa langit.”
“Sa panahong iyon, ang Anak ng Tao’y makikita nilang dumarating na nasa alapaap, may
dakilang kapangyarihan at malaking karangalan.”
 
 
Laganap ang kagutom sa iba’t ibang panig ng mundo:  natupad na ang mga babala na nasa hula,
ang mga paglindol ay natupad na at natutupad pa.  Mga kalamidad at salot, ang iba’t ibang uri ng
di malunasang mga sakit gaya ng HIV, AIDS, Cancer, Ebola Virus, SARS, atbp.  at mga
kakilakilabot na pangyayari.
 
 
Bakit sa mga huling araw na ito ay magiging napakasama ng daigdig at nakapangingilabot ang
kaniyang kalagayan?
Apocalipsis 12:12 MB
“Kaya’t magalak kayo, kalangitan, at lahat ng naninirahan diyan!  Subalit kalagim-lagim ang
daranasin ninyo, lupa at
dagat!  Sapagkat ang matinding poot ng Diyablo ay babagsak sa inyo.  Alam niyang kaunting
panahon na lamang ang nalalabi sa kanya.”
 
 
Alam ng diyablo na kakaunting panahon na lamang ang nalalabi sa kaniya sa mga huling araw
kaya lalong tumitindi ang kaniyang poot.  Mas higit ang poot ng diablo sa atin na mga Iglesia ni
Cristo.  Nais ng diablo na agawin ang ating karapatan sa pagmamana ng buhay na walang
hanggan.  Kaya lahat ng kaparaanan ay gagawin niya maagaw lang niya tayo sa ating
Panginoong Jesucristo.  Gagamit ang diablo ng iba’t ibang mga  paraan upang madaya tayo.
Nais niya tayong maitulak sa kasamaan at panghinain ang ating kalooban upang tayo ay
maihiwalay niya sa Diyos.  Kaya dapat nating ingatan ang ating pananampalataya, tayo ay
maging matatag at mapagbantay upang magtagumpay tayo sa lahat ng lalang ng diablong ating
kaaway.
 
 
Bakit kahit ang bayan ang Diyos sa mga huling araw ay pinararanas rin Niya ng malulubhang
kaganapang ito?
Zacarias 13:9
“At aking dadalhin ang ikatlong bahagi sa apoy, at sila’y dadalisayin ko na parang pilak na
dalisay, at sila’y susubukin ko na parang pagsubok sa ginto.  Sila’y magsisitawag sa aking
pangalan, at akin silang didinggin: aking sasabihin, Siya’y bayan ko; at kanilang sasabihin, Ang
Panginoon ay aking Dios.”
 
 
Ang ikatlong bahagi na tinutukoy sa hula ay tayong mga Iglesia ni Cristo sa mga huling araw na
ito.  Ipinagpauna na ng Diyos na tayo ay dadalhin sa apoy upang subukin at dalisayin.  Kaya
huwag tayong magtaka sa nararanasan nating mga pagsubok.  Ang mga pagsubok ngayon sa
loob ng Iglesia ang ginagamit ng Diyos upang tayo ay dalisayin.  Ano ang dapat ibunga sa atin
ng mga pagsubok na ating pinagdaraanan?  Hindi ang panlalamig at pagkainip, at lalong hindi
ang paglayo sa Diyos, manapa’y ito ang dapat umakay sa atin upang lalong lumapit sa Diyos. 
Ang taimtim na panalangin sa ating Panginoong Diyos ang magbibigay sa atin ng lakas para
tayo’y maging matatag at matibay sa bawat pagsubok na ating nasasagupa.
 
 
Ano ang dapat nating mapatunayan sa Diyos kung tayo ay pinararaan Niya sa mga pagsubok?
I Pedro 1:6-7 MB
“Ito’y dapat ninyong ikagalak, bagamat maaaring magdanas muna kayo ng iba’t ibang
pagsubok sa loob maikling panahon.   Ang ginto, na nasisira, ay pinararaan sa apoy upang
malaman kung talagang dalisay.  Gayon din naman, ang inyong pananampalataya, na higit
kaysa ginto, ay pinararaan sa pagsubok upang malaman kung talagang tapat.  Sa gayon, kayo’y
papupurihan, dadakilain, at pararangalan sa Araw na mahayag si Jesu-Cristo.”
 
 
Nais ng Panginoong Diyos na patunayan natin ang katapatan ng ating pananampalataya sa
Kaniya.  Hindi pala dapat ikahapis o ikapanghina ang mga pagsubok, sapagkat dito dinadalisay
ang ating pananampalataya at ito ay maikling panahon lamang.  Ito ang layunin ng Diyos kaya
tayo na Kaniyang mga hinirang ay pinararaan Niya sa mga pagsubok.  Dito makikilala kung sino
ang tapat sa Diyos at tunay na kay Cristo at kung sino naman ang nagpapanggap lamang.  Kaya
sa pagdalisay na ito sa loob ng Iglesia ay mahahayag ang nanghahawak at sumusunod sa mga
utos ng Diyos.  Ang mga ipinasok na lihim ng diablo sa loob ng Iglesia ay makikila rin. 
Makikilala sila sa kanilang mga gawa, sapagkat hindi naman sila totoong namumuhay ayon sa
mga aral at utos ng Diyos.
 
 
Ano naman ang biyayang inilalaan ng Diyos sa mga lingkod Niya na nakapasa sa pagsubok?
I Pedro 1:3-4 MB
“Purihin natin ang Diyos at Ama ng ating Panginoong Jesu-Cristo.  Dahil sa laki ng habag niya
sa atin, tayo’y isinilang sa isang panibagong buhay sa pamamagitan ng muling pagkabuhay ni
Jesu-Cristo.  Ang bagong buhay na iyan ang nagbigay sa atin ng malaking pag-asa na
kakamtan natin ang isang kayamanang walang kapintasan, di masisira, at di kukupas.  Ang
kayamanang iya’y nakalaan sa inyo doon sa langit.”
 
Napakapalad ng mga makakapasa sa pagsubok sapagkat ang nakalaan sa kanila ay ang
kayamanang naroon sa langit.  Isang kayamanang walang kapintasan, di masisira, at di kukupas.
 
 
Ano ang pangako ng Diyos sa atin upang makapagtagumpay tayo sa mga pagsubok at magkamit
ng kaligtasang inilalaan Niya sa atin?
I Pedro 1:5 MB
“Sapagkat kayo’y sumampalataya, iingatan kayo ng kapangyarihan ng Diyos samantalang
hinihintay ninyo ang kaligtasang nakalaang ihayag sa katapusan ng mga panahon.”
 
 
Ang Diyos ang mag-iingat sa atin kung iingatan din natin ang ating pananampalataya.  Kaya
matitiyak natin na tayo ay makapagtatagumpay sa mga pagsubok sa atin.  Ito ang Kaniyang
pangako at dapat nating panaligan.
 
 
Paano tayo makatitiyak na tayo ay kasamang madadalisay at makakapasa sa mga pagsubok?
Job 23:10-12 NPV
“Ngunit alam niya ang landas na aking dinadaanan; pagkatapos niya akong subukin, lalabas
akong tulad ng ginto.  Ang mga hakbang niya’y maingat kong sinusundan; nanatili ako sa
Kanyang daan, hindi ako lumihis bahagya man.  Hindi ako lumayo sa Kanyang mga utos; ang
mga salita niya’y higit kong pinahalagahan kaysa pagkain ko araw-araw.”
 
 
Ang makapapasa ay ang katulad ni Job na hindi lumilihis sa Kaniyang mga daan at nananatili sa
pagsunod sa Kaniyang mga utos.  Napakatindi ng mga pagsubok na pinagdaanan ni Job subalit
sa kabila nito ay pinatunayan niya ang kaniyang katapatan sa Diyos.  Pinahalagahan niya ang
mga kautusan ng Diyos nang higit kaysa kailangan niyang pagkain.   Mabigat ang naging
karanasan ni Job kaysa atin ngunit napagtagumpayan niya ang mga ito.  Sana ay
mapagtagumpayan din natin ang mga lalang ng diablong kaaway sapagkat gumagamit siya
ngayon ng ibang pamamaraan.
 
 
Maaring may mga kaanib na panatag ang kalooban sapagkat ang nasa isipan niya ay nakatala
naman siya sa Iglesia.  Ngunit, tama pa kaya ang kaniyang pagtrato sa mga aral ng Diyos?  Ang
Diyos kaya ang tunay nating sinusunod at pinaglilingkuran?  Taglay ba natin sa ating puso ang
banal na takot sa Diyos?  Baka sa tao lang tayo natatakot at naglilingkod?  Baka wala na tayong
pakialam kung tayo man ay nailalayo na sa mga dalisay na aral na tinanggap natin sa Sugo at kay
kapatid na Eraño G. Manalo.
 
 
Itinagubilin sa atin ng Sugo at ng kapatid na Eraño G. Manalo na patuloy tayong magsuri at
magsiyasat sa mga aral na ating itinataguyod.  Kapag nangangasiwa ang Sugo, sinasabihan niya
ang mga kapatid na, “Itala ninyo ang mga talatang aking babasahin upang masiyasat ninyo sa
Biblia pag-uwi ninyo.”   Ganito rin ang diwa ng Ka Erdy ng sabihin niyang, “Magsuri kayo sa
mga aral at tuntunin na ating itinataguyod sa loob ng Iglesia – kung mayroon kayong makikita
kahit isa lang, isa lamang na hindi naaayon sa itinuturo ng Biblia … panahon na para tayo
maghiwa-hiwalay!”
 
Kailangan ay mapagbantay tayo hindi kampante lang na sumusunod.  Itanong natin sa sarili,
wasto ba ang paggamit at pagbibigay ng kahulugan sa mga talatang nakasulat?   Baka pinipilipit
na ang Biblia para lamang tumugma sa nais na ipakahulugan?  Kapag ganito ay
magkakasalungatan ang mga aral na nakasulat.  Makita sana sa atin ng Panginoong Diyos ang
paninindigan kahit ano pa ang banta sa atin.  Nais ng Diyos na makita tayong naninindigan sa
panig ng Kaniyang mga Katotohanan at Katuwiran.
 
 
Ano ang inaasahan ng Panginoong Diyos sa mga lingkod Niya na nagdaranas ng matinding
kahirapan o pagsubok?
Job 4:5-6 MB
“Bakit ngayong dumaranas ng matinding kahirapan, Ay tila ka nanghihina, wari’y ibig
mabuwal?   Ikaw ay matapat at may takot sa Diyos, Dapat sana’y manatiling matatag ang iyong
loob.”
 
 
Sa harap ng mga pagsubok dapat nating tatagan ang ating loob.  Patunayan natin sa Diyos ang
ating katapatan sa paraang mamalagi tayong nasa pagsunod ng Kaniyang mga utos anuman ang
dumating sa ating buhay.  Ang sabi ay dapat maging tapat sa Diyos. Samakatuwid, sa Diyos ang
katapatan at hindi sa tao lamang.  Baka ang higit nating pinahahalagahan, sinusunod, at
kinatatakutan ay ang tao kahit na nilalabag na natin ang mga kalooban ng ating Panginoong
Diyos.  Ang ganito ay tapat lamang sa tao ngunit hindi na tapat sa Diyos.
 
 
Ngayon ay  sinusubok at dinadalisay tayong lahat bago humarap sa ating Panginoong Jesucristo. 
Patunayan natin sa ating Panginoong Diyos at Panginoong Jesucristo na hindi tayo tatalikod at
lilimot sa mga aral na ibinigay sa atin.  Sa kabila ng mga pagbabanta at mga pag-uusig, ay
patuloy pa rin tayong susunod.
 
 
Ano ang sagot ng Biblia sa mga nagsasabing hindi niya makakaya ang pagsubok na dinaranas
niya?
I Corinto 10:13 MB
“Wala pang pagsubok na dumating sa inyo na di dinanas ng lahat ng tao. Tapat ang Diyos, at
hindi niya ipahihintulot na kayo’y subukin nang higit sa inyong makakaya. Sa halip, pagdating
ng pagsubok, bibigyan niya kayo ng lakas upang mapagtagumpayan iyon.”
 
Makakaya natin ang mga pagsubok sapagkat hindi Niya tayo ipahihintulot sa hindi natin
makakaya.  Iba’t iba man ang antas ng pagsubok na ibinibigay sa bawat isa sa atin ngunit may
pangako ang Diyos na Siya ang magbibigay sa atin ng lakas upang malampasan natin ang mga
iyon.
 
 
Bakit tayo makaaasa na hindi tayo pababayaan kundi palalakasin tayo ng Diyos sa panahon ng
mga pagsubok?  Ano ba ang katangian ng Iglesiang ito na ating kinabibilangan?
Isaias 62:11-12
“Narito, ang Panginoon ay nagtanyag hanggang sa wakas ng lupa, Inyong sabihin sa anak na
babae ng Sion, Narito, ang iyong kaligtasan ay dumarating; narito, ang kaniyang kagantihan ay
nasa kaniya, at ang kaniyang ganti ay nasa harap niya.  At tatawagin nila sila Ang banal na
bayan, Ang tinubos ng Panginoon: at ikaw ay tatawagin Hinanap, Bayang hindi pinabayaan.”
 
 
Tayo ang tinutukoy ng hula na bayang ‘hindi pinabayaan’ kaya wala tayong dapat ipangamba
dumating man ang mga pagsubok sa ating buhay.  Lagi nating alalahanin na tapat ang Diyos na
nangako sa atin.
 
 
Sa halip na magreklamo dahil sa mga tiisin, ano ang hinahanap ng Diyos sa atin?
Isaias 40:27,31 MB
“Israel, bakit ikaw ay nagrereklamo na tila di alintana ni Yahweh ang kabalisahan mo, at tila di
pansin ang iyong kaapihan?
“Ngunit ang nagtitiwala kay Yahweh ay magpapanibagong sigla.  Ang lakas nila’y matutulad sa
walang pagod na pakpak ng agila.  Sila’y tatakbo nang tatakbo ngunit di manghihina, lalakad
nang lalakad ngunit hindi mapapagod.”
 
 
Huwag nating sisisihin ang ating pagka-Iglesia Ni Cristo kung tayo ay nagdaranas ng mga
pagsubok at iba’t ibang suliranin sa buhay na ito.  Huwag din tayong mag-isip na pinabayaan na
tayo ng ating Panginoong Diyos.  Huwag tayong mainip kung bakit hanggang ngayon ay hindi
pa sinasagot ang ating panalangin.  At higit sa lahat, huwag nating iisipin na wala namang
Diyos.  Lalo tayong mapapasama at mapapahamak kapag hindi na tayo nagtitiwala sa magagawa
ng Panginoong Diyos.  Magtiwala tayo at patunayan natin ito sa paraang mamalagi tayo sa
kasiglahan ng ating mga paglilingkod.  Maging tapat tayo sa pagsunod ng Kaniyang mga utos.
 
 
Ano ang hinihintay ng Diyos na dapat nating gawin kung tayo ay nagdaranas ng mga kahirapan
at iba’t ibang suliranin sa buhay?
Isaias 30:18,20-21 MB
“Ngunit ang Diyos ay naghihintay upang tulungan kayo at kahabagan, Diyos na makatarungan
itong si Yahweh, mapalad ang lahat ng nagtitiwala sa kanya.
“Kung ipahintulot man ni Yahweh na kayoy magkasakit o magdanas ng hirap, siya na inyong
guro, ay hindi magtatago sa inyo.  Maririnig ninyo ang Kaniyang tinig at Siya ang laging
kaalakbay ninyo upang ituro ang inyong daraanan.”
 
 
Tuwing pagsamba ay hinihintay tayo ng ating Panginoong Diyos na idulog natin ang lahat ng
ating suliranin at bagabag.  Hilingin natin sa Kaniya na pagkalooban tayo ng lakas na makasulit
sa lahat ng pagsubok.  Nangako Siya na hindi Niya tayo pababayaan manapa’y Kaniya tayong
palalakasin at aalalayan.  Patunayan naman natin sa Kaniya ang ating katapatan.  Mangako rin
tayo na anuman ang dumating sa ating buhay ay mamamalagi tayong tapat sa Kaniya at sa lahat
ng Kaniyang utos.
 
 
Kaya habang may panahon pang nalalabi, habang nagpapahinuhod pa ang ating Panginoong
Diyos, ay magbago na ang mga nasa katiwalian, ang mga nasa kalikuan, at ang mga nasa
paglabag.  Huwag nating sayangin ang ating karapatan na makapagmana ng buhay na walang
hanggan.  Huwag nating ipagpalit sa karangyaan at kapangyarihan ang pangakong kaligtasan na
ating tatamuhin.

You might also like