You are on page 1of 4

ANG LOHIKA NG MGA BULA NG SABON

Luna Sicat-Cleto Dumarating ang sandaling iyon, di inaasahan, di hinihingi, basta na lang sumusulpot, parang isang bisita, isang bisitang hindi ko maitaboy, patutuluyin ko lang, pagkakapehin, hindi niya iinumin ang kape, hahaplusin lamang niya ang tenga ng tasa, at tititigan niya ako, mula ulo hanggang paa, parang bata siya kung makatitig at alam kong tinitimbang niya ako dahil ako may naninimbang rin, titingin siya sa bintana at may ibubulong siya tungkol sa panahon, tatango ako, kunway narinig ko ang kanyang ibinulong kahit hindi, matagal na akong nabingi, hindi ko alam kung ano ang narinig kong ingay, hindi ko na alam kung kumakanta pa ang ibon tuwing umaga, kung ano mang ingay ang aking narinig, sigurado akong nabasag na ang aking bahay-luga, tumagos hanggang sa aking utak ngunit nakatatawa, alam ko pa rin ang tunog ng aking pangalan, at ditoy nabigyan ako ng pag-asa, delikado ang pag-asa, sabi nila ito ang nagtutulak sa tao sa kabaliwan, at nang tawagin ng bisita ang aking pangalan, hindi ko alam kung akoy nananaginip, iniangat ko ang aking ulo at akoy ngumiti, may sasabihin sana ako tungkol sa panahon, o sa timbang namin, kung kami bay pumayat o tumaba, kaya lang nakalimutan ko ang aking sasabihin nang pisilin niya ang aking palad, doon sa may pulso, kung saan humimlay ang latay ng blade, at ibinulong niya: tumakas ka, tumakas ka, at mauunawan ko ang ibig niyang mangyari, gusto na naman niyang sumiping, hindi ako tututol, ako pa nga ang aakay sa kanya sa kama, at mararamdaman ko ang kanyang panginginig, huhubarin ko ang aking damit at gagayahin niya ako at uumpisahan namin ang aming paglalayag, ganoon ang tingin ko sa aming pagsiping, isang paglalayag, hindi ako tututol, pipilitin kong hindi mag-isip, hahayaan ko lang, babalik siya bukas, bukas ang aking pinto, hindi ako umaangal, pagkat gusto kong mapuno ng aming supling ang buong mundo, ang buong sansinukob, para hindi ko na maramdaman ang pag-iisa, hindi ba Sandali, pagkat iyon ang kanyang panagalan, Sandali, wala siyang mga magulang o kapatid, wala rin siyang permanenteng tirahan o trabaho, hindi siya nakatali sa kahit ano, kahit sa panahon. Sandali, hindi bagay sa kanya ang pangalang iyon, marahil hindi ko siya dapat pang bigyan ng pangalan, katulad siya ng isang tula, walang pangalan ang tula, kapag binansagan na ng tao na ang tula ay tula, nawawala ito, naglalahong parang bula, hindi mahahawakan kailanman. Madalas kong naiisip kung ang lahat ng taoy binibisita ni Sandali, hindi ako sigurado, gusto ko sanang ihinga sa ibang tao ang tungkol sa kanya, kaya lang, hindi ko alam kung maiintindihan nila ako, naalala ko tuloy ang aking kaibigan na nag-pari, hindi daw niya maintindihan kung bakit katahimikan ang aking hiniling ng minsang dalawin namin ang Monasterio ng Sta. Clara, maaari ko naman daw hilingin ang iba pang bagay, isang kumportableng buhay sa piling ng isang responsableng asawa, dalawang maganda at normal na anak, at isang bahay sa malinis at tahimik na lugar, hindi ko nakikita ang aking sarili sa ganoong sitwasyon, sagot ko sa kanya, hanggang sa kamiy magkahiwalay ng aking kaibigan, isang araw sa telepono, ibinalita niya sa akin na nahanap na niya ang katahimikan, at ngayon lang daw niya naintindihan ang pag-uukilkil ko sa aking sarili, ayaw ko sanang isipin niya na akoy nagmamalinis, hindi ko pa natitikman ang lahat, hindi ko pa nararanasan ang lahat, marami pa akong hindi nauunawaan, akala ko noon, nakilala ko na ang lahat ng dapat kong kilalanin, ang Diyos, ang katahimikan, ang pang-unawa, inakala kong may nalalaman ako pero wala naman pala, isa pa rin akong mangmang. Siyanga pala, walang nakaalam tungkol sa aking bisitang si Sandali, matagal na akong namumuhay mag-isa, sa isang apartment sa Quezon City, maliit, masikip, maraming agiw, walang tubig at kailangan mong buhusan ang inidoro tuwing gagamitin mo, bumibili na lang ako ng ulam sa labas dahil hindi ako marunong magluto, nasubukan ko ng mabuhay sa de-lata at Skyflakes, kung minsan dinadalaw ko pa ang aking mga magulang at kapatid, pero kaagad akong umaalis kapag naghahain na sila pagkat ayokong sumabay sa kanila, hindi ko alam kung bakit, binibigyan ko ang aking ina ng pera mula sa aking suweldo, panggastos sa grocery, naidaing niyang matataas na ang presyo ng bilihin at habang nagtatalumpati ang announcer sa tunog-lata niyang AM radio, gusto ko na itong ihagis sa bintana, nagbabasa ng diyaryo ang aking ama, ni hindi siya lumingon nang sinabi kong aalis na ako, tinitigan kong muli ang bote ng vitamins na nakatanghod, pampalakas, panlaban sa pagtanda, tuwing itatanong ng aking ina sa akin kung kailan ako muling dadalaw, sasabihin ko sa

susunod na linggo, kahit hindi totoo, dahil matagal ko ng binura ang knsepto ng lingguhang bisita, basta na lang ako sumsulpot sa bahay, katulad ni Sandali. Kung minsan tuloy, naisip kong mas madalas kong nakakasama si Sandali kaysa sa ibang tao, ni hindi ko alam kung tao nga ba siya o kathang-isip ko lamang, kung ibang tao siguro ang makakaalam tungkol dito, sasabihin siguro nila na kailangan ko nang magpatingin, noong bata ako, mayroon akong kaibigan na ako lamang ang nakakakita, si Eugene, nagtatago siya sa likod ng kurtina, nawala si Eugene, hindi ko alam kung bakit, baka nagtampo, hindi naman ako nauubusan ng mga ganoong kaibigan, mga imaginary friends, kung tutuusin, mas naging kumplikado ngayon dahil nagkaroon na ako ng mga kathang-isip na kaaway at kalaguyo. Ganoon si Sandali, imaginary friend, lover and enemy, ang tindi ano, hindi naman ako drug addict pero ganito ako mag-isip, bangag, maraming natatakot sa akin dahil weird daw ako, sa tingin ko karaniwang sakit ito ng mga taong makikitid mag-isip, katulad lang sila ng mga taong nagsasabing mabubuntis ka kapag umihi ka sa inidorong inihian ng lalaki, hindi lang ako sumasabay sa kanila, ang utak ko, pitik lang nang pitik, parang isang kamera, basta na lang kumukuha ng litrato, hindi nagpapaalam, kaya naiinis sila sa akin, masyado daw akong candid, ang totoo, kung minsan isa akong anarkista, napakabiyolente ko kung mag-isip, nang minsang makakita ako ng lalaking tumatawid ng kalye iniisip ko kung ano kaya kung masagasaan siya ng isang trak at gumulong-gulong ang kanyang utak na parang barya, hindi lang ako nagpapahalata na ganito ako mag-isip, kunwari, nasa isip ko ang dagat, ang bibilhin kong damit, tumingin ako sa kalawakan, nagkunwang umiibig. Wala akong boyfriend, maliban kay Sandali, siya lang ang nakakaalam ng aking amoy, ang bawat tao ay may amoy, ang nanay ko amoy gatas na hinaluan ng ihi, ang tatay ko amoy langka na inaanay, si Bituin amoy ng dahong malapit ng isiga, ang amoy koy alam ng lahat ngunit hindi matukoy, ewan ko kung bakit, hindi ako kagaya ng ibang babae na amoy baby powder o amoy pabangong kulay-luya, kung minsan ka amoy ko ang bagong tabas na damo, ang mumo sa lamesang nilalangaw, ang malalansang isda sa palengke, lalo na tuwing may regla ako, sana hindi na lang nireregla ang babae para tipid sa gastos sa napkin, si Sandali, may regla din, hindi nga lang siya gumagamit ng ng napkin, kasi walang dugo, alam ko lang na nireregla siya kapag hinhawakan niya ang kanyang mga kamay, na parang may hinuhugasan, nagtatanggal ng di makitang dumi doon, parang may hinuhugasang kasalanan, pagkat iyon ang simbolo daw ng regla, paghuhugas ng kasalanan at pagbabayad ng kasalanan, wala akong mortal na kasalanan, hindi ako nakiapid sa lalaking may asawa, hindi rin ako nagnakaw o pumatay, hindi ko rin sinuway ang aking mga magulang, siguro ang pinakamabigat na kasalanang maiisip kong ginawa ko at ginagawa ko ay ang hindi ko paglimot sa mga kasalanan ng iba sa akin, ayokong nagmamalinis, pero heto ako, ginagawa ko ang ritwal ng pagmamalinis. Kasalanan kaya ang pagsiping ko kay Sandali, hindi naman niya ako pinapasukan, ni hindi pa ako nabibiyak, katulad ako ng isang dalanghitang lamog pero hindi pa nababalatan, paano naman niya ako papasukan, e hindi naman siya talaga nahahawakan o nakikita o naamoy sa kumbensyunal na paraan, ihahamabing ko siya sa hangin, ang hanging malaswa, na humahaplos sa buhok at dibdib, malaswa ba talaga ang hangin, hindi siguro, hanging mapusok, hanging malambing, tayo ang malaswa, tayo naman ang nagbibigay kulay sa lahat, ang kulay mismoy walang kulay, ang pula ay hindi simbulo ng galit, ang bughaw ay hindi kalmado o misteryosa, ang dilaw ay hindi duwag, tayo ang gumagawa ng kulay, kung minsan hindi ko alam kung naaawa si Sandali sa akin, dahil akoy hinahalikan niya sa noo, dilat ang kanyang mga mata, hindi niya ipinipikit, masarap humalik si Sandali, para kang kumakagat sa isang bagong pitas na bayabas, isang bayabas na ninakaw mo mula sa bubong ng inyong kapitbahay, na sinusuputan ng inyong pinsan para hindi pitasin ng iba pero pinipitas mo pa rin para maasar siya, at maiisip mo na lang, bakit kaya niya sinusuputan ang bayabas, at para mo na ring itinanong, bakit may mga taong gustong angkinin ang lahat, pati ang hangin? Kung minsan gusto ko na lang sumama sa hangin, hindi ko nga lang alam kung makakayanan ng hangin ang aking bigat, siguro pwede akong sumama sa ipoipo, alam kong sa dulo ng ipoipo may lugar na maari kong bagsakan, mabuti na lang hindi ako magaan dahil kung magaan ako, tiyak na sasama ako sa ipoipong iyong habambuhay, gusto ko lang munang maglakbay at kumawala, katulad ni Sandali, naiingit ako sa kanya, marunong siyang makisama sa lahat, kaya niyang magparami kahit wala ako, naghahanap lang siya ng ibang kaluluwang kagaya ko, nagkalat naman daw kami sa buong

mundo, hindi ko lang daw alam iyon, dahil masyado akong nakatira sa alapaap, doon ako natatakot, nakakatakot ang pagkilos ni Sandali, takot ako sa lahat, sino ba ang kumportable sa mga sandali, ang mga guru, Zan Roshis, siguro niyayakap nila ang Sandali, katulad nang pagyakap nila sa ataul na walang laman, kanser, makalimutang mga kaibigan, selda, Sobinismo at sopistikasyon, ang sopistikasyon ng mga taong marunong umunawa ng mga masaya dahil sila mismoy masaya. Kung kumilos si Sandali, para siyang daga, lalo na kapag kasama niya ang aming mga supling, para silang mga daga na naghahabulan sa kisame, sa kisame ng aking utak, at pinamumukha nila sa aking hindi ko sila matatakasan, na ang bawat isay kailangan kong pakapehin, patuluyin sa aking loob, hanggang sa silay dumami, sinusunod lang nila ang bilin ng Testamento, humayo kayo at magparami, at hindi ako dapat tumutol, hahanapin nila ako kahit saan ako magpunta, at sisisihin ko naman ang aking sarili, ang aking libog, alipin ako ng libog sa Sandali, kaya hindi ako masaya kasi palagi ko siyang hinahanap-hanap, gusto kong tapalan ang lahat ng puwerta sa aking loob, mula sa aking mata, tenga, bibig hanggang sa aking dakilang butas, pero walang silbi ang tapal, talaga namang wala akong alam sa vulcanizing kahit noon pa man, isa lamang akong bulok na gulong, sarhan ko kaya ang mga pinto at bintana, tapalan ko na kaya ang butas ng lumulundong kisame, tapalan ko kaya ng simento ang pader, saan naman ako hahagilap ng simento, wala rin akong alam sa konstruksyon, ang tangi kong alam na konstruksyon ay ang konstruksyon ng mga guni-guni at panaginip at bangungot at multo, wala akong alam sa konstruksyon, nandiyan na sila, pabilis nang pabilis ang kanilang mga kilos, hindi, wala, walang magyayari, makakahanap pa rin sila ng lulusutan, ang masaklap, naging kamukha ko silang lahat, at ako mismoy nalilito sa aming repleksyon sa salamin, punong-puno ng aking kawangis ang buong silid, ang buong siyudad, ang buong planeta, ang buong sansinukob, nandoon sila sa kusina, nagluluto, gumagawa ng egg omelette, may nagbubukas ng refrigerator at kumukuha ng isang pitsel ng tubig, may naghuhugas ng plato, may nagtutumbling sa sahig, may naliligo sa banyo, may nanonood ng T.V., may bumubunot ng libro mula sa shelf, may nagpapatugtog ng lumang plaka, may nagsasayaw, may humahalakhak, wala, kahit saan ako magpunta, nandoon ang mga anak naming ni Sandali, hindi ako magtataka kung bukas (umaasa pa rin akong isang bangungot lang ito) kasabay ko sila sa dyip, at kaharap ko sila sa aking klase, at matatanaw ko sila mula sa bintana ng aking klasrum, at kasabay ko silang muli sa dyip, pagkatapos ng trabaho, at kasabay ko silang kumain ng hapunan, at kasabay ko silang magtoothbrush, palaki nang palaki ang mga bilog sa aking mga mata, mga itim na bilog, tanda ng aming pagsiping ni Sandali, kailangang gawan ko na ng paraan ang kanilang pagdami, ngayon ko lang naiintindihankung bakit kailangan ng population control, noon nakokornihan ako sa mga taong nagdedemo ng contraceptives, dahil mukha silang tanga, pero sana may contraceptive para dito, para hindi na dumami ang mga supling naming ni Sandali, kailangan kong magdesisyon, kailangan ko silang patayin ngunit natatakot akong pumatay, hindi ko rin alam kung kinikilala nila ang kamatayan, dahil hindi naman nila kinikilala ang panahon, naiinis ako sa sarili ko tuwing akoy nagiging pilosopo, sana nag-aral na lang ako sa isang Catholic school, baka-sakaling may maiambag sila sa akin tungkol sa kabanalan ng buhay, natulungan kaya nila ako para pigilan ang sobrang pag-iisip, kabanalan ng buhay, ano kaya ang ibig sabihin non, marami namang kolehiyalang nabubuntis, laglag beybi ang panahon ngayon, naalala ko ang I Believe in God, may bahagi doon na sasabihin mong I believe in the communion of saints, isang santo lamang talaga ang aking hinahangaan, si St. Francis of Assisi, siya yung santong marunong magpaamo ng mga mababangis na hayop, baka puwede akong humingi ng tulong mula sa kanya para maigpawan ko na ang problema ko sa Sandali, pero hindi naman sila mababangis na hayop, mababangis lamang silang kumilos, parang mga daga, dagang ngumangatngat ng kisame ng aking utak. Gawin mo akong alagad ng iyong katahimikan, ang sabi ng mga anak naming ni Sandali, kung saan may kumakaluskos, magkakaroon ng kapayapaan, kung hindi man ito magkakatotoo, pagibig, pag-ibig ang solusyon, sa bawat mukha ng damdaming itoy naroroon ang kakayahan nitong magpahupa ng mga kaluskos na bumabagabag at lumiligalig sa puso ng tao, bigyan niyo na ako ng katahimikan, sigaw ko sa kanila, parang wala silang narinig, mas matindi ang kanilang pagkabingi kaysa sa akin, minura ko silang lahat, tang-ina ninyo, natawa sila dahil sarili ko ang aking minumura, natauhan ako, huminga ako nang malalim, nasaan ang iyong sense of humor, tanong nila, hindi ka ba marunong tumawa, natatawa ako, aaminin ko sa kanila, kahawig lang ng tawa ang lumalabas sa aking

bibig, linilipsynch ko lang ang tawa, katulad ng mga taong hindi marunong kumanta, pero napipilitang kumanta, aalis kami basta kumanta ka, sagot nila, peks man, mamatay man kami, kutya nila, wala akong maisip na kanta, kundi yung mais na mais na kanta ni Paul Williams, You and Me Against the World, pinaligiran nila ako, nasa gitna ako ng kanilang bilog, paos ang aking tinig sa umpisa pero sa bandang huli na, bigay na bigay, mapait pa rin ang lasa ng himig, paborito naming kanta iyon ni Bituin, kinakanta naming pagkatapos kaming paluin ng tatay ko tuwing tanghaling tapat pag ayaw naming matulog, at hindi ko namamalayan, nakakatulog na ang mga anak namin ni Sandali, isa-isa silang nahiga, kanya-kanya ng puwesto, hanggang kami na lang ni Sandali ang naiwan sa silid, at may inabot sa aking flashlight ang aking kalaguyo, maglalaro daw kami ng anino, kumuha ako ng kumot, pinatay ko ang ilaw, naglaro kami ng mga anino, kumuha ako ng kumot, ginamit namin ang aming buong katawan, ginuhitan ni Sandali ang naiwang bakas ng anino, nagsimula siya sa mga walang-buhay na bagay at huminto siya sa akin, may iniabot siya sa aking isang tabo, isang tabong my tubig na hinaluan ng sabon at isang alambreng may bilog sa dulo, sa kanyang kanang kamay may dinurog siyang mga talulot ng gumamela na hinalo niya sa tubig at sabon sa tabo, at hinipan niya ang alambre at nagpabula, at isa-isang inakay ng mga bula ang mga supling namin ni Sandali. Ito ang paraiso, bulong ko sa aking sarili, ang paraisoy isang babaeng naglalaro ng mga bula ng sabon, kapiling ang kanyang mga anino, at kapiling ang kanyang Sandali.

You might also like