You are on page 1of 4

Ang Lohika ng mga Bula ng Sabon Luna Sicat Dumarating ang sandaling iyon, di inaasahan, di hinihingi, basta na lang

sumusulpot, parang isang bisita, isang bisitang hindi ko maitaboy, patutuluyin ko lang, pakakapehin, hindi niya iinumin ang kape, hahaplusin niya lamang niya ang tenga ng tasa, at tititigan niya ako, mula ulo hanggang paa, parang bata siya kung makatitig, at alam kong tinitimbang niya ako dahil ako may naninimbang rin, titingin siya sa bintana at may ibubulong siya tungkol sa panahon, tatango ako, kunway narinig ko ang kanyang ibinulong kahit hindi, matagal na akong nabingi, hindi ko alam kung ano ang narinig kong ingay, hindi ko na alam kung kumakanta pa ang ibon tuwing umaga, kung ano mang ingay ang aking narinig, sigurado akong nabasag na ang aking bahay-luga, tumagos hanggang sa aking utak, ngunit nakatatawa, alam ko pa rin ang tunog ng aking pangalan, at ditoy nabibigyan ako ng pag-asa, delikado ang pag-asa, sabi nila ito ang naguttulak sa tao sa kabaliwan, at nang tawagin ng bisita ang aking pangalan, hindi ko alam kung akoy nananaginip, iniangat ko ang aking ulo at akoy ngumiti, may sasabihin sana ako tungkol sa panahon, o sa timbang namin, kung kami bay pumayat o tumaba, kaya lang nakalimutan ko na ang aking sasabihin nang pisilin niya ang aking palad, doon sa may pulso, kung saan humimlay ang latay ng blade, at ibinulong niya: tumakas ka, tumakas ka, at mauunawaan ko ang ibig niyang mangyari, gusto na naman niyang sumiping, hindi ako tututol, ako pa nga ang aakay sa kanya sa kama, at nararamdaman ko ang kanyang panginginig, huhubarin ko ang kanyang damit at gagayahin niya ako at uumpisahan na namin ang aming paglalayag, ganoon ang tingin ko sa aming pagsiping, isang paglalayag, hindi ako tututol, pipilitin kong hindi mag-isip, hahayaan ko lang, babalik siya bukas, bukas ang aking pinto, hindi ako umaangal, pagkat gusto kong mapuno ng aming supling ang buong mundo, ang buong sansinukob, para hindi ko na maramdaman ang pag-iisa, hindi ba, Sandali, pagkat iyon ang kanyang pangalan, Sandali, wala siyang mga magulang o kapatid, wala rin siyang permanenteng tirahan o trabaho, hindi siya nakatali sa kahit ano, kahit sa panahon. Sandali, hindi bagay sa kanya and pangalang iyon, marahil hindi ko na siya dapat pang bigyan ng pangalan, katulad siya ng isang tula, walang pangalan ang tula, kapag binansagan na ng tao na ang tula ay tula, nawawala ito, naglalahong parang bula, hindi mahahawakan kailanman. Madalas kong iniisip kung ang lahat ng taoy binibisita ni Sandali, hindi ako sigurado, gusto ko sanang ihinga sa ibang tao ang tungkol sa kanya, kaya lang, hindi ko alam kung maiintindihan nila ako, naalala ko tuloy ang aking kaibigan na nagpari, hindi daw niya maintindihan kung bakit katahimikan ang aking hiniling nang minsang dalawin namin ang Monasteryo ng Sta. Clara, maaari ko naman daw hilingin ang iba pang bagay, isang kumportableng buhay sa piling ng isang responsableng asawa, dalawang maganda at normal na anak, at isang bahay na malinis at tahimik na lugar, hindi ko nakikita ang aking sarili sa ganoong sitwasyon, sagot ko sa kanya, hanggang sa kamiy magkahiwalay ng aking kaibigan, isang araw, sa telepono, ibinalita niya sa akin na nahanap na niya ang katahimikan, at ngayon lang daw niya naintindihan ang pag-uukilkil ko sa aking sarili, ayaw ko sanang isipin niya na akoy nagmamalinis, hindi ko pa natitikman ang lahat, hindi ko pa nararanasan ang lahat, marami pa akong hindi nauunawaan, akala ko noon, nakilala ko na ang lahat ng dapat kong kilalanin, ang Diyos, ang katahimikan, ang pang-unawa, inakala kong may nalalaman ako pero wala naman pala, isa pa rin akong mangmang. Siyanga pala, walang nakakaalam tungkol sa aking bisitang si Sandali, matagal na akong namumuhay mag-isa, sa isang apartment sa Quezon City, maliit, masikip, maraming agiw, walang tubig at kailangan mong buhusan ng tubig ang inidoro tuwin gagamitin mo, bumibili na lang ako ng ulam sa labas dahil hindi ako marunong magluto, nasubukan ko nang mabuhay sa de-lata at Skyflakes, kung minsan dinadalaw ko pa ang aking mga magulang at kapatid, pero kaagad akong umaalis kapag

naghahain na sila pagkat ayokong sumabay sa kanila, hindi ko alam kung bakit, binibigyan ko ang aking ina ng pera mula sa aking sweldo, panggastos sa grocery, naidaing niyang matataas ang presyo ng bilihin at habang nagtatalumpati ang announcer sa tunog-lata niyang AM radio, gusto ko na itong ihagis sa bintana, nagbabasa ng diyaryo ang aking ama, ni hindi siya lumingon nang sinabi kong aalis na ko, tinitigan kong muli ang bote ng vitamins na nakatanghod, pampalakas, panlaban sa pagtanda, tuwing itatanong ng aking ina kung kalian ako muling dadalaw, sasabihin kong sa susunod na linggo, kahit hindi totoo, dahil matagal ko nang binura ang konsepto ng lingguhang bisita, basta na lang akong susulpot sa bahay, tulad ni Sandali. Kung minsan tuloy, naiisip kong mas madalas kong nakakasama si Sandali kaysa sa ibang tao, ni hindi ko alam kung tao nga ba siya o kathang-isip ko lamang, kung ibang tao siguro ang makakaalam tungkol dito, sasabihin siguro nila na kailangan ko nang magpatingin, noong bata ako, mayroon akong kaibigan na ako lamang ang nakakakita, si Eugene, nagtatago siya sa likod ng kurtina, nawala si Eugene, hindi ko alam kung bakit, baka nagtampo, hindi naman ako nauubusan ng mga ganoong kaibigan, mga imaginary friends, kung tutuusin, mas naging kumplikado ngayon dahil nagkaroon na ako ng mga kathang-isip na kaaway at kalaguyo. Ganoon si Sandali, imaginary friend, lover and enemy, ang tindi ano, hindi naman ako drug addict pero ganito ako mag-isip, bangag, maraming natatakot sa akin dahil weird daw ako, sa tingin ko karaniwang sakit ito ng mga taong makikitid mag-isip, katulad lang sila ng mga taong nagsasabing mabubuntis ka kapag umihi ka sa inidorong inihian ng lalaki, hindi lang ako sumasabay sa kanila, ang utak ko pitik lang ng pitik, parang isang kamera, basta na lang kumukuha ng litrato, hindi na nagpapaalam, kaya naiinis sila sa akin, masyado daw akong candid, kung totoo, minsan isa akong anarkista, napakabayolente ko kung mag-isip, nang minsang makakita ako ng lalaking tumatawid ng kalye iniisip ko kung ano kaya kung masagasaan siya ng isang trak at gumulung-gulong ang kanyang ulo na parang barya, hindi lang ako nagpapahalata na ganito ako mag-isip, kunwari, nasa isip ko ang dagat, ang bibilhin kong damit, tumitingin ako sa kalawakan, nagkukunwang umiibig. Wala akong boyfriend, maliban kay Sandali, siya lang ang nakakaalam ng aking amoy, ang bawat tao ay may amoy, ang nanay ko amoy gatas na hinaluan ng ihi, ang tatay ko amoy langka na inaanay, si Bituin amoy ng dahong malapit na isiga, ang amoy koy alam ng lahat ngunit hindi matukoy, ewan ko kung bakit, hindi ako kagaya ng mga babae na amoy baby powder o amoy pabangong kulay-luya, kung minsan ka-amoy ko ang bagong tabas na damo, ang mumo sa lamesang nilalangaw, ang malalansang isda sa palengke, lalo na tuwing may regla ako, sana hindi na lang nagreregla ang babae para tipid sa gastos sa napkin, si Sandali may regla din, hindi nga lang siya gumagamit ng napkin, kasi wala namang dugo, alam ko lang na nireregla siya kapag hinahawakan niya ang kanyang kamay, na parang hinuhugasan, nagtatatanggal ng di makitang dumi doon, parang may hinuhugasang kasalanan, wala akong mortal na kasalanan, hindi ako nakiapid sa lalaking may asawa, hindi rin ako nagnakaw o pumatay, hindi ko rin sinuway ang aking mga magulang, siguro ang pinakamabigat na kasalanang maiisip kong ginawa ko at ginagawa ko ay ang hindi ko paglimot sa mga kasalanan ng iba sak akin, ayokong magmalinis, pero heto ako, ginagawa ko ang ritwal na pagmamalinis. Kasalanan kaya ang pagsiping ko kay Sandali, hindi naman niya ako pinapasukan, ni hindi pa ako nabibiyak, katulad ako ng isang dalanghitang lamog pero hindi pa nababalatan, paano naman niya papasukan, e hindi ko naman siya talaga nahahawakan o nakikita o naaamoy sa kumbensyunal na paraan, ihahambing ko siya sa hangin, ang hanging malaswa, na humahaplos sa buhok at binti at dibdib, malaswa ba talaga ang hangin, hindi siguro, hanging mapusok, hanging malambing, tayo ang malaswa, tayo naman ang nagbibigay ng kulay sa lahat, ang kulay mismoy walang kulay, ang pula ay hindi simbolo

ng gamit, ang bughaw ay hindi kalmado at misteryoso, ang dilaw ay hindi duwag, tayo ang gumagawa ng kulay, kung minsan hindi ko alam kung naaawa si Sandali sa akin, dahil akoy hinahalikan niya sa noo, dilat ang kanyang mga mata, hindi niya ipinipikit, masarap humalik si Sandali, para kang kumakagat ng isang bagong pitas na bayabas, isang bayabas na ninakaw mo mula sa bubong ng inyong kapitbahay, na sinusuputan ng inyong pinsan para hindi pitasin ng iba pero pinipitas mo pa rin para maasar siya, at maiisip mo na lang, bakit kaya niya sinusuputan ang bayabas, at para mo na ring tinanong, bakit may mga taong gustong angkinin ang lahat, pati ang hangin? Kung minsan gusto ko na lang sumama sa hangin, hindi ko nga alam kung makakayanan ng hangin ang aking bigat, siguro pwede akong sumama sa ipoipo, alam kong sa dulo ng ipoipo may lugar na maari kong bagsakan, mabuti na lang hindi ako magaan dahil kung magaan ako, tiyak na sasama ako sa ipoipong iyon habambuhay, gusto ko lang munang maglakbay at kumawala, katulad ni Sandali, naiinggit ako sa kanya, marunong siyang makisama sa lahat, kaya niyang magparami kahit wala ako, maghahanap lang siya ng ibang kaluluwang gaya ko, nagkalat naman daw kami sa buong mundo, hindi ko lang daw alam iyon, dahil masyado akong nakatira sa alapaap, doon ako natatakot, nakakatakot ang pagkilos ni Sandali, takot ako sa lahat, sino ba ang kumportable sa mga sandali, ang mga guru, Zan Roshis, siguro yinayakap nila ang mga sandal, katulad ng pagyakap nila sa mga ataul na walang laman, kanser, makalimuting mga kaibigan, selda, sobinismo at sopistikasyon ng mga taong marunong umunawa ng mga masaya dahil sila mismoy masaya. Kung kumilos si Sandali, para siyang daga, lalo na kapag kasama niya ang aming supling, para silang mga dagang naghahabulan sa kisame, sa kisame ng aking utak, at pinamumukha nila sa aking hindi ko sila matatakasan, na ang bawat isa sa kanilay kailangan kong pakapehin, patuluyin sa akong loob, hanggang silay dumami, sinusunod lang nila ang bilin ng Testamento, humayo kayo at magparami, at hindi ako dapat tumutol, hahanapin nila ako kahit saan ako magpunta, at sisisihin ko naman ang aking sarili, ang aking libog, alipin ako ng libog sa Sandali, kaya hindi na ako masaya dahil palagi ko siyang hinahanap-hanap, gusto kong tapalan ang lahat ng puwerta sa aking loob, mula sa aking mga mata, tenga, bibig hanggang sa aking dakilang butas, pero walang silbi ang tapal, talaga namang wala akong alam sa vulcanizing kahit noon pa man, isa lamang akong bulok na gulong, sarhan ko kaya ang mga pinto at bintana, tapalan ko na kaya ang butas ng lumulundong kisame, tapalan ko kaya ang simento ng pader, saan naman ako hahagilap ng simento, wala rin akong alam sa konstruksyon ng mga guni-guni at panaginip at bangungot at multo, wala akong alam sa konstruksyon, nandiyan na sila, pabilis nang pabilis ang kanilang mga kilos, hindi, wala, walang mangyayari, makakahanap pa rin sila ng malulusutan, ang masaklap, naging kamukha ko silang lahat, at ako mismoy nalilito sa among repleksyon sa salamin, punung-puno ng aking mga kawangis ang buong silid, ang buong apartment, ang buong kalye, ang buong siyudad, ang buong planeta, ang buong sansinukob, nandoon sila sa kusina, nagluluto, gumagawa ng omelette, may nagbubukas ng refrigerator at kumukuha ng isang pitsel ng tubig, may naghuhugas ng plato, may nagta-tumbling sa sahig, may naliligo sa banyo, may nagpapatugtog ng lumang plaka, may nagsasayaw, may humahalakhak, wala, kahit saan ako magpunta, nandoon ang mga anak namin ni Sandali, hindi ako magtataka kung bukas (umaasa pa rin akong isang bangungot lamang ito) kasabay ko sila sad yip, at kaharap ko sila sa aking klase, at matatanaw ko sila mula sa bintana ng aking klasrum, at kasabay ko silang muli sa dyip pagkatapos ng trabaho, at kasabay ko sila sa aking pagtulog, kung akoy makakatulog, palaki nang palaki ang mga bilog ng aking mga mata, mga itim na bilog, tanda ng aming pagsisiping ni Sandali, kailangang gawan ko ng paraan ang kanilang pagdami, ngayon ko lang naiintindihan kung bakit kailangan ng population control, noon nakokornihan ako sa mga taong nagdedemo ng contraceptives, dahil mukha silang tanga, pero sana may contraceptives para dito, para hindi na dumami ang mga supling namin ni Sandali, kailangan kong magdesisyon, kailangan ko silang patayin, ngunit natatakot akong pumatay, hindi ko rin alam kung kinikilala nila ang kamatayan, dahil

hindi naman nila kinikilala ang panahon, naiinis ako sa sarili ko tuwing akoy nagiging pilosopo, sana nagaral na lang ako sa isang catholic school, baka-sakaling may maiambag sila sa akin tungkol sa kabanalan ng buhay, ano kaya ang ibig sabihin non, marami namang kolehiyalang nabubuntis, laglag belo na ang panahon ngayon, naalala ko ang I Believe in God, may bahagi doon na sasabihin mong I belive in the communion of saints, isang santo lamang ang aking hinahangaan, si St. Francis of Assisi, siya yung santong marunong magpaamo ng mga mabangis na hayop, baka pwede akong humingi ng tulog mula sa kanya para maigpawan ko na ang problema ko kay Sandali, pero hindi naman sila mababangis na hayop, mababangis lamang sila kung kumilos, parang mga daga, dagang ngumangatngat ng kisame ng aking utak. Gawin mo akong alagad ng iyong katahimikan, ang sabi ng aming mga anak ni Sandali, kung saan may kumakaluskos, magkakaroon ng kapayapaan, o kung hindi man ito magkatotoo, pag-ibig, pagibig ang solusyon, sa bawat mukha ng damdaming itoy naroroon ang kakayahan nitong magpahupa ng mga kaluskos na bumabagabag at lumiligalig sa puso ng tao, bigyan niyo na ako ng katahimikan, sigaw ko sa kanila, parang wala silang narinig, mas matindi ang kanilang pagkabingi kaysa sa akin, minura ko silang lahat, tang-ina niyo, natawa sila dahil sarili ko ang aking minumura, natauhan ako, huminga ako nang malalim, nasaan ang iyong sense of humor, tanong nila, hindi k aba marunong tumawa, natatawa ako, aaminin ko sa kanila, kahawig lang ng tawa na lumalabas sa aking bibig, linilipsync ko na lang ang tawam katulad ng mga taong hindi marunong kumanta pero napipilitang kumanta, aalis kami basta kumanta ka, sagot nila, peks man, mamatay man kami, kutya nila, wala akong maisip na kanta, kundi yung mais na mais na kanta ni Paul Williams, You and Me Against the World, pinaligirian nila ako, nasa gitna ako ng kanilang bilog, paos ang aking tinig sa umpisa pero sa bandang huli na, bigay na bigay, mapait pa rin ang lasa ng himig, paborito naming kanta iyon ni Bituin, kinakanta namin pagkatapos kaming paluin ng tatay ko tuwing tanghaling tapat pag ayaw naming matulog, at hindi ko namamalayan, nakakatulog na ang mga anak namin ni Sandali, isa-isa silang nahiga, kanya-kanya ng puwesto, hanggang kami na lang ni Sandali ang naiwan sa silid, at may inabot sa aking flashlight ang aking kalaguyo, maglalaro daw kami ng mga anino, kumuha ako ng kumot, pinatay ko ang ilaw, naglaro kami ng mga anino, ginamit namin ang aming buong katawan, ginuhitan ni Sandali ang mga iniwang bakas ng anino, nagsimula siya sa mga walang-buhay na bagay at huminto siya sa akin, may inabot siya sa aking isang tabo, isang tabong may tubig na hinaluan ng sabon at isang alambreng may bilog sa dulo, sa kanyang kanang kamay may dinurog siyang mga talulot ng gumamela na hinalo niya sa tubig at sabon sa tabo, at hinipan niya ang alambre at nagpabula, at isa-isang inakay ang mga bula, ang mga supling namin ni Sandali. Ito ang paraiso, bulong ko sa aking sarili, ang paraisoy isang babaeng naglalaro ng mga bula ng sabon, kapiling ang kanyang mga anino, at kapiling ang kanyang Sandali.

You might also like