You are on page 1of 1

Silang mga Manggagawa

Sa pagmamasid ng mga nagtataasang gusaling bumabago sa ating tanawin, naihahambing natin ang
isang karaniwang manggagawa sa isang ladrilyo sa construction site.

Isang kabalintunaan na gawa ng ating pagkakaabala sa trabaho ay hindi natin masuri ang mismong
trabaho natin. Bawat sandali ng ating araw ay nakalaan na para sa ating mga gagawin. Magkaminsan pa
nga ay halos wala na rin tayong panahon upang gawin nang maayos ang dapat nating gawin, ano pa
kaya't pagmuni-munian kung bakit natin ginagawa ang ginagawa natin? Tila baga ipinagtutulakan na
lamang tayo ng mga kamay ng orasa, isang kalupitang tinatanggap na natin (nang hindi natin
namamalayan) bilang bahagi ng ating buhay.

Isang kawalang-katarungan na pahintulutan nating ganito ang maging takbo ng ating buhay. At tulad ng
anumang uri ng kawalang-katarungan, ito ay kumikilos na tila isang lasong kumakalat sa ating sistema
hanggang sa pagmulan ito ng mga sugat sa ating katawan, mga sakit na di natin matunton ang
pinanggalingan. Sa ating gawain, ang mga sugat na ito ay ang mga nakakainis na bagay na pinagmumulan
ng kawalan ng kasiyahan sa tarbaho.

Sapagkat ipinagkakait natin sa ating trabaho ang pagsusuring nararapat dito, di lumalaon nakakalimutan
na natin ang dahilan kung bakit tayo naroroon, pati na ang halaga noon sa lipunan at sa sarili. Lumalala
pa kung ginagamit lamang natin ito upang busugin ang sarili, at kung dahil sa hindi natin magawa iyon sa
atin ay nayayamot tayo, sinisisi natin ang lahat maliban sa ating sarili.

Sa ating pagtatrabaho, dumarating ang mga sandaling pakiramdam natin ay walang kuwenta ang gawain
natin. Walang sinasanto ang pakiramdam na ito, mula lakansugo hanggang sa magtataho. Maaaring
mawasak tayo nito kung hindi natin ugaling huminto paminsan-minsan upang ikalugod ang mga
gantimpalang dala ng ating gawain, ngunit kung ipinagsasalamat natin ang kahit na pinakamaliit na
kabutihang dulot ng trabaho, hindi man lamang natin ikapanglulumo ito.

Para doon sa mga nag-aabala upang hanapin ang kagandahan, ito ay matatagpuan sa animo'y kawalan
ng saysay ng ating gawain. Kahit n walang kilig,kinang at kayamanan sa ating gawain, maipagmamalaki pa
rin natin na kung wala ang tulong na ating trabaho, hindi uunlad ang ating bansa. Kahit ito nakakaantok,
karaniwan at kubli, ang trabaho natin ay nagsisilbing pundasyong bato na tinatayuan ng ekonomiya ng
ating bansa.

Ang mga manggagawa ay maaaring mga hamak na ladrilyo lamang sa construction site, ngunit paano
tatayo ang mga gusaling iyon kung wala sila?

(mula sa Blue Collar Magazine,Abril 1997)

You might also like