Ang Pag-ibig ni Emilio Jacinto (Ugnay sa Sanaysay)
Mula sa pagbabasa at mariing pagsusuri sa matalinghaga ngunit mulat na
sanaysay ni Emilio Jacinto, ‘Ang pag-ibig’, isinasaad ng kabuuang nilalaman ng akda kung saan nais nitong ipabatid sa mga mambabasa na sa lahat ng damdamin ng puso ng tao, wala nang mahal at hihigit pa sa dakila na gaya ng pag-ibig. Malinaw na diniin ni Emilio sa kaniyang sanaysay na makakamit lamang ang tunay na pag-ibig kung nagdudulot ito ng ligaya at kaginhawaang panlahat. At sa ganitong paraan, aangat ang pagkakaisa at pagmamahalan sa bawat isa na siyang magdudulot ng sukdulang paraiso at papawi sa kasamaan at pang-aapi sa ating mga kapwa. Kung ating susumamuin, ang pag-ibig ang siyang bumubuo sa atin, katulad na lamang ng pagmamahal natin sa ating mga kapatid, kapwa, kapamilya, maykapal, at lalong-lalo na sa bayang hinirang. Nang dahil sa pag-ibig marami tayong nagagawa na labas sa ating kakayahan, pero huwag nating maliitin ang mga maliliit na bagay na siyang nagpapahiwatig ng ating pag-ibig sa iba. Sa pang-araw-araw na pagiging mabuting anak at hindi sakit sa ulo ating mga magulang at kapamilya, ang pagtulong sa ating kapwa, ang ating pananampalataya sa diyos, pagmamalasakit at paglilingkod sa ating lipunan ay ilan lamang sa mga nagpapatunay na totoo at tunay ang ating pag-ibig. Pero, nang dahil din sa pag-ibig, lumulutang ang kasamaan at pagiging makasarili ng isang tao, pag-ibig na nagbabalat-kayo at nag-aanyong pag-ibig lamang. Katulad na lamang noong ikaw ay pumasok sa politika at naglalayong pagaanin at puksain ang mga problemang nararanasan ng sambayanan sa mabuting paraan, pinagkatiwalaan ka ng mga tao dahil sa maganda mong plataporma ngunit ng dumaan na ang iyong pagkanapanalo, oo, pinupuksa mo ang kasamaan pero sa madugong pamamaraan. Gusto mo siyang solusyonan pero tutol ang karamihan, makailang beses mo ng sinasabi na para ito sa kaligtasan ng mga tao, para sa bayan, pero ang totoo para ito sa sarili mo. Dahil dito nakikita ko na hindi pag-ibig ang nangingibabaw kundi ang pangsariling kagustuhan lamang. Ni hindi niya inisip ang mga pamilyang mawawalan, mga katawang nakatip na lang na may paratang “adik po ako”, totoo bang pag-ibig ito? Marahil totoo ngang maraming nadudulot sa atin ang pag-ibig, mabuti man ‘yan o masama, pero kahit ano pa man ‘yan, nangingibabaw parin na kailan man ay hindi tayo humintong magmahal. Na nabubuhay tayo dahil nandyan pa ang pag-ibig. Ating masasabi na hindi limitado at malawak ang usaping pag-ibig, maari natin ‘tong tignan sa anumang anggulo. Sa pagsusuri ng sanaysay, binigyan tayo nito ng mabuting kamalayan at malalim na aral sa konspeto ng pag-ibig na siyang mababaon natin upang lubos na gamitin ito sa mas makabuluhang pamamaraan.