You are on page 1of 2

PRIVILEGE SPEECH PARA SA PAGTATALAGA NG MARCH 22 BILANG MARIANO PONCE DAY AT SPECIAL WORKING (NO SCHOOL) HOLIDAY SA BULACAN

By: Atty. Enrique BUKO dela Cruz, Jr. Board Member, 2nd District of Bulacan Session of the Sanggunian Panlalawigan of Bulacan held on 30 July 2013 at Malolos City Kagalang-galang na taga-pangulo, mga kapwa ko kasangguni, mga kababayan, magandang hapon po sa inyong lahat. Ako po ay tumindig para sa isang malayang pagsasalita ukol sa ika-150 anibersaryo ng kapanganakan ng dakilang bayani mula sa bayan ng Baliwag na si Gat. Mariano Ponce. Si Gat. Mariano Ponce ay ipinanganak sa Baliwag, Bulacan noong Marso 22, 1863. Ang kanyang mga magulang ay sina Don Mariano Ponce at Maria delos Santos. Siya ay nag-aral ng Elementarya sa Baliwag at sa Colegio de San Juan de Letran siya nagtapos ng Bachiller en Artes. Nag-aral siya ng medisina sa Unibersidad ng Santo Tomas at nagpaka dalubhasa sa Universidad Sentral ng Madrid. Nakilala siya bilang propagandista, manunulat, manggagamot at tanyag na repormista sa panahon ng propaganda. Pinamatnugutan niya ang pahayagang La Solidaridad at aktibong kasapi ng Asosacion Hispano-Filipino. Noong panahon ng Propaganda, gumamit siya ng sagisag na Tikbalang, Nanding at Kalipulako sa kanyang pagsusulat. Kilala siya bilang aktibong \ mananaliksik ng mga propagandista. Siya ang nagsumikap magsalin sa tagalog ng mga akda ng Pambansang Bayani na si Gat. Jose Rizal na El Filibusterismo at Noli Me Tangere na noon ay naka sulat lamang sa espanol. Ito ay upang lubos na maunawaan ng mga ordinaryong Pilipino ang mga nilalaman nito. Gumawa pa sya ng komiks ukol dito at tiniyak nyang maiintindihan ng masa ang ipinaglalaban ng mga rebolusyonaryo laban sa mga kastila. Siya ang tunay na propagandista. At marahil, kung hindi dahil sa kanya ay hindi mauunawaan ng ordinaryong Pilipino ang nga mensaheng nais iparating ng iba pang mga bayaning Pilipino ng kanyang panahon. Naglakbay siya sa iba't ibang Lugar tulad ng Canton, Hong Kong at Handow. Sa Hong Kong niya nakilala si Heneral Emilio Aguinaldo at sa Indo-China at Shanghai naman niya nakilala ang nagtatag at ang unang Pangulo ng Republika ng China na si Dr. Sun Yat Sen, noong 1898 nang ipadala siya sa bansang Hapon upang makipagugnayan sa mga opisyales ng pamahalaan doon. Doon din niya napangasawa si Akiyo Undangawa. Nagkaroon sila ng apat na anak. Naglingkod siya bilang isang mambabatas sa Pambansang Asemblea, at kinatawan ng ikalawang distrito ng Bulacan. Bilang manunulat, siya ay nakasulat ng mga akdang pampanitikan sa wikang Kastila, Tagalog at Ingles. Bilang tagapag-ambag sa Panitikang Pilipino, mula sa kanyang panulat ang Ang Alamat ng Bulacan, isang katipunan ng mga alamat; Mga Kuwentong Bayan sa Lalawigan ng Bulacan ; Ang Pagpugot kay Longhinos, isang dulang itinanghal sa Liwasang Bayan ng Malolos; Ang Panitikan ng Kilusang Propaganda; Ang Makasaysayang Pag-aaral Tungkol sa Pilipinas , at marami pang iba. Namatay siya sa sakit na tuberculosis sa Hong Kong noong Mayo 23, 1918.

Tunay nga na malaki ang kontribusyon sa ating kultura, sining, at kasaysayan ni Gat. Mariano Ponce. Sa bansang Japan, pinasinayaan kamakailan ang isang Historical Marker para kay Gat. Mariano Ponce sa Yokohama kaugnay ng kanyang ika-150 taong kapanganakan. Nakakahiya namang isipin na ang ang ating bayani ay higit pang pinpapa-purihan ng mga dayuhan kaysa ng kanyang sariling mga kababayan. Kung kayat ako po ay tumindig upang hilingin sa kagalang-galang na sangguniang ito na bigyang pagkilala natin ang kontribusyon ni Gat. Mariano Ponce sa ating kultura, sining, at kasaysayan sa lalawigan ng Bulakan, at maging sa kasaysayan at kasarinlan ng buong Pilipinas. Ito ay sa pamamagitan ng pagdedeklara ng March 22 (ang araw ng kapanganakan ni Gat. Mariano Ponce) bilang Mariano Ponce Day at special working at no school holiday sa lalawigan ng Bulakan. Isang araw lamang po ito ng pagdiriwang at pakikiisa para bigyang pagkilala ang isang tunay na bayani ng lalawigan ng Bulakan. Muli, ako po ay nakikiusap at humihiling sa kagalang-galang na sangguniang ito na bigyang pagkilala natin ang kontribusyon ni Gat. Mariano Ponce sa ating kultura, sining, at kasaysayan sa lalawigan ng Bulakan, at maging sa kasaysayan at kasarinlan ng buong Pilipinas. Ito ay sa pamamagitan ng pagdedeklara ng March 22 (ang araw ng kapanganakan ni Gat. Mariano Ponce) bilang Mariano Ponce Day at special working at no school holiday sa lalawigan ng Bulakan. Sa pamamagitan lamang nito natin maipapakita ang ating pasasalamat, pagkilala, at pagbubunyi sa mabuting gawain at napakalaking kontribusyon ni Gat. Mariano Ponce sa ating kalinangan bilang Bulakenyo, sa ating kultura, sining, kasaysayan, at pagiging isang malayang bansa. Maraming Salamat po.

You might also like