You are on page 1of 1

Kapag Naiisahan Ako ng Aking Diyos

ni Raquel E. Sison-Buban

Madalas kong kontrolin ang mga bagay-bagay at pangyayari sa buhay ko dahil ayokong-
ayokong pumapalpak. Kasi takot akong mawala at mawalan. Takot akong mawala sa
sirkulasyon ng dati nang nakagawiang ritmo ng buhay. Takot din akong mawalan nang ini-enjoy
na pribilehiyo at istatus sa buhay. Kaya gusto kong kontrolado ko ang lahat ng bagay sa aking
buhay.

Madalas ko ring makita ang sarili kong walang kontrol lalo na kapag ginagawa ko ang
isang bagay na gustong-gusto kong gawin, o mga bagay na gustong-gusto kong mapasaakin;
maging materyal man o hindi. Bunga ng mga ito, madalas mangyari sa akin ang mga labis kong
kinatatakutan: ang pumalpak, ang mawala, at mawalan.

Madalas matuklasan na ang may pakana at may kagagawan ng lahat ng ito ay ang
aking Diyos. Sa likod ng lahat ng mga pangyayaring ito sa aking buhay ang aking Diyos ang
siyang nanggugulo sa akin sukat masira ang lahat ng plano ko sa buhay. Sa tuwing, akoy
madidismaya sa kapalpakan ng isang plano, madalas kong maisip na,
Naisahan na naman ako ng aking Diyos!

Madalas hinahanap ko sa aking sarili ang dahilan kung bakit sa kabila ng katotohanang
ito, hindi pa rin ako matuto-tuto. Plano pa rin nang plano kahit alam ko namang malaki ang
posibilidad na hindi naman ito matutuloy dahil guguluhin na naman ito ng aking Diyos. Pilit ko
pa ring kinokontrol ang mga bagay kahit alam kong hindi ito nakatutulong sa akin.

Simple lang naman ang gustong sabihin ng aking Diyos. Kailangan kong ibigay ang
lahat ng aking pananalig at pag-asa sa Kaniya. Kailangang hayaan ko ang Kaniyang kamay na
siyang magplano para sa akin. Kailangang ipaubaya ko sa Kaniya ang plano dahil ang totoo,
Siya ang pinakamahusay na arkitekto ng buhay.

Simple pero mahirap gawin. Gayunman, puwedeng gawin. Lalot hahayaan ko ang aking
sariling matakot sa mga dati ko nang kinatatakutan: ang mawala at mawalan. Eh, ano nga kaya
kung mawala ako at mawalan? Eh, ano nga kaya kung talagang hindi ko na makikilala ang
aking sarili dahil maiiba ang nakagawiang leybel sa akin na ikararangal ko? Eh, ano nga kaya
kung maging palpakin ako? Teka, lalo yata akong natatakot. Pero huhulihin ko ang aking sarili
at paalalahanan, hindi naman iyan ang ibig mangyari sa akin ng aking Diyos.

Hindi naman ibig ng Diyos na maging palpakin ako. Sa halip, ibig Niya akong
magtagumpay ibang depinisyon nga lamang siguro ng tagumpay. Tagumpay na di materyal.
Tagumpay na magpapalakas sa aking kahinaan. Tagumpay laban sa takot. Tagumpay laban sa
hindi maipaliwanag na pagkahumaling sa pagkontrol. Tagumpay na sa kabila ng kabiguan ay
makita ang sariling may bakas pa rin ng tagumpay. Tagumpay na kung kumawala sa dikta ng
nakagawiang ritmo ng buhay. Tagumpay na bukod-tanging ang aking Diyos lamang at ako ang
makauunawa.
Kaya madalas, iniimbitahan ko na ang aking Diyos na bulabugin ako sa aking buhay.

You might also like