You are on page 1of 9

SAINTS JOHN AND PAUL EDUCATIONAL FOUNDATION, INC.

Pamana Compound, National Highway, Brgy.Halang


Calamba City, Laguna, Philippines

K-12 BASIC EDUCATION CURRICULUM


SENIOR HIGH SCHOOL-CORE SUBJECT

Subject Title: Wika at Panitikang Filipino sa Makabagong Panahon


Grade: 9
Semester: 1st Semester
No. of Hours/Semester: 80hrs. (4 hrs. /week)

Subject Description: Naipamamalas ng mag-aaral ang kakayahang komunikatibo, mapanuring pag-iisip, at


pag-unawa at pagpapahalagang pampanitikan gamit ang teknolohiya at iba’t ibang uri ng teksto at mga akdang
pampanitikang rehiyunal, pambansa, saling-akdang Asyano at pandaigdig tungo sa pagtatamo ng kultural na
literasi.
Unang Linggo
October 05-09

Content Maikling Kuwento:


ANG AMA (Kuwentong Singaporian) salin ni Mauro R. Avena
Learning Objectives/Outcomes 1. Nakabubuo ka ng sariling paghatol o pagmamatuwid sa
mga ideyang nakapaloob sa akda.
2. Nabibigyang kahulugan mo ang malalim na salitang
ginamit sa akda batay sa denotatibo o konotatibong
kahulugan.
3. Naihahambing mo ang ilang piling pangyayari sa
napanood sa telenobela sa ilang piling kaganapan sa
lipunang Asyano sa kasalukuyan.
4. Nasusuri mo ang maikling kuwento batay sa:
-paksa
–Mga tauhan
– pagkakasunod-sunod ng mga pangyayari
– estilo ng awtor, at iba pa.
5. Nasusuri mo ang mga pangayari, at ang kaugnayan nito
sa kasalukuyan sa lipunang Asyano batay sa
napakinggang akda.
6. Napagsunod-sunod mo ang mga pangyayari gamit ang
angkop na mga pangugnay.
7. Napagsusunod-sunod mo ang mga pangyayari sa akda.
8. Nakabubuo ng isang web-organizer tungkol sa
kahalagahan ng isang Ama
Materials
• Lecture notes (3 pages)
• Activity Sheets (4 pages)
• Vsmart/Zoom para sa lingguhang lagumang diskusyon at
pagsusulit
Tasks • Pag-aralan ang tatlong(3) pahina ng modyul
• Sagutan ang mga post-test bago basahin ang lecture
notes. Ito ay ibibigay nang iyong gurong-takda bago
sumapit ang susunod na linggo.
• Makalipas ang isang linggo muling magbibigay ang
gurong-takda ng pagsusulit alinsunod sa buong linggong
tinalakay
• Nakabubuo ng isang web-organizer tungkol sa
kahalagahan ng isang Ama
Note • Unawain at basahing mabuti ang modyul na nakatakda sa
inyo. Maaaring humingi ng tulong sa magulang/guro kung
kuinakailangan ng paglilinaw
• Maaari din basahin ng advans ang inyong mga modyul
para sa ikakaganda ng inyong perpormans sa lektyur,
pagsusulit at mga aktibidades.
• Ipasa ang mga sagutang papel sa itinakdang araw ng
iyong guro.

Unang Markahan – Modyul 1:


Panitikang Asyano- Maikling Kuwento ng Singapore

Ang unang paksa na ating tatalakayin sa modyul na ito ay patungkol sa ating Ama. Bago tayo
tumungo ay magbigay muna tayo ng ilang katangian mula sa ating mahal na Ama. Ilagay sa
sagutang papel

Katangian ng Ama Bahagi/Pangyayaring nagpapatunay

1. 1.
2. 2.
3. 3.
4. 4.
5. 5.

ANG AMA
(Kuwentong Singaporian) salin ni Mauro R. Avena

Magkahalo lagi ang takot at pananabik kapag hinihintay ng mga bata ang kanilang ama. Ang takot ay sa
alaala ng isang lasing na suntok sa bibig na nagpapatulo ng dugo at nagpapamaga ng ilang araw sa labi. Ang
pananabik ay sa pagkain na paminsan-minsa'y inuuwi ng ama - malaking supot ng mainit na pansit na iginisa
sa itlog at gulay. Ang totoo, para sa sarili lang niya ang iniuuwing pagkain ng ama, lamang ay napakarami nito
upang maubos niya nang mag-isa; pagkatapos ay naroong magkagulo sa tira ang mga bata na kangina pa aali-
aligid sa mesa. Kundi sa pakikialam ng ina na mabigyan ng kaniya-kaniyang parte ang lahat - kahit ito'y sansubo
lang ng masarap na pagkain, sa mga pinakamatanda at malakas na bata lamang mapupunta ang lahat, at ni
katiting ay walang maiiwan sa maliliit.
Anim lahat ang mga bata. Ang dalawang pinakamatanda ay isang lalaki, dose anyos, at isang babae,
onse; matatapang ang mga ito kahit na payat, at nagagawang sila lang lagi ang maghati sa lahat ng bagay kung
wala ang ina, upang tiyaking may parte rin ang maliliit. May dalawang lalaki, kambal, na nuwebe anyos, isang
maliit na babae, otso anyos at isang dos anyos na paslit pa, katulad ng iba, ay maingay na naghahangad ng
marapat niyang parte sa mga pinag-aagawan.
Natatandaan ng mga bata ang isa o dalawang okasyon na sinorpresa sila ng ama ng kaluwagang-palad
nito - sadyang nag-uwi ito para sa kanila ng dalawang supot na puno ng pansit guisado, at masaya nilang
pinagsaluhan ang pagkain na hirap nilang ubusin. Kahit na ang ina nila'y masayang nakiupo sa kanila't kumain
ng kaunti.
Pero hindi na naulit ang masayang okasyong ito, at ngayo'y hindi nag-uuwi ng pagkain ang ama; ang
katunaya'y ipinapalagay ng mga batang mapalad sila kung hindi ito umuuwing lasing at nanggugulpi ng kanilang
ina. Sa kabila niyo'y umaasa pa rin sila, at kung gising pa sila pag-uwi sa gabi ng ama, naninipat ang mga
matang titingnan nila kung may brown na supot na nakabitin sa tali sa mga daliri nito. Kung umuuwi itong
pasigaw-sigaw at padabug-dabog, tiyak na walang pagkain, at ang mga bata'y magsisiksikan, takot na anumang
ingay na gawa nila ay makainis sa ama at umakit sa malaking kamay nito upang pasuntok na dumapo sa
kanilang mukha. Madalas na masapok ang mukha ng kanilang ina; madalas iyong marinig ng mga bata na
humihikbi sa mga gabing tulad nito, at kinabukasan ang mga pisngi at mata niyon ay mamamaga, kaya't
mahihiya itong lumabas upang maglaba sa malalaking bahay na katabi nila. Sa ibang mga gabi, hindi paghikbi
ang maririnig ng mga bata mula sa kanilang ina, kundi isang uri ng nagmamakaawa at ninenerbiyos na pagtawa
at malakas na bulalas na pag-ungol mula sa kanilang ama at sila'y magtatanong kung ano ang ginagawa nito.
Kapag umuuwi ang ama ng mas gabi kaysa dati at mas lasing kaysa dati, may pagkakataong ilalayo ng
mga bata si Mui Mui. Ang dahila'y si Mui Mui, otso anyos at sakitin at palahalinghing na parang kuting, ay
madalas kainisan ng ama. Uhugin, pangiwi-ngiwi, ito ay mahilig magtuklap ng langib sa galis na nagkalat sa
kanyang mga binti, na nag-iiwan ng mapula-pulang mga paste, gayong pauli-ulit siyang pinagbabawalan ng ina.
Pero ang nakakainis talaga ay ang kanyang halinghing. Mahaba at matinis, iyon ay tumatagal ng ilang oras,
habang siya ay nakaupo sa bangko sa isang sulok ng bahay, namamaluktot ng pahiga sa banig kasama ang
ibang mga bata, na di-makatulog. Walang pasensiya sa kanya ang pinakamatandang lalaki at babae, na
malakas siyang irereklamo sa ina na pagagalitan naman siya sa pagod na boses; pero sa gabing naroon ang
ama, napapaligiran ng bote ng beer na nakaupo sa mesa, iniingatan nilang mabuti na hindi humalinghing si Mui
Mui. Alam nila na ang halinghing niyon ay parang kudkuran na nagpapangilo sa nerbiyos ng ama at ito'y
nakakabulahaw na sisigaw, at kung hindi pa iyon huminto, ito'y tatayo, lalapit sa bata at hahampasin iyon ng
buong lakas. Pagkatapos ay haharapin nito at papaluin din ang ibang bata na sa tingin nito, sa kabuuan, ay ang
sanhi ng kanyang kabuwisitan.
Noong gabing umuwi ang ama na masamang-masama ang timpla dahil nasisante sa kanyang trabaho
sa lagarian, si Mui Mui ay nasa gitna ng isang mahabang halinghing at di mapatahan ng dalawang
pinakamatandang bata gayung binalaan nilang papaluin ito. Walang anu-ano, ang kamao ng ama ay bumagsak
sa nakangusong mukha ng bata na tumalsik sa kabila ng kuwarto, kung saan ito nanatiling walang kagalaw-
galaw. Mabilis na naglabasan ng bahay ang ibang mga bata sa inaasahang gulo. Nahimasmasan ng ina ang
bata sa pamamagitan ng malamig na tubig.
Pero pagkaraan ng dalawang araw, si Mui Mui ay namatay, at ang ina lamang ang umiyak habang ang
bangkay ay inihahandang ilibing sa sementeryo ng nayon may isang kilometro ang layo doon sa tabi ng gulod.
Ilan sa taga-nayon na nakakatanda sa sakiting bata ay dumating upang makiramay. Sa ama na buong araw na
nakaupong nagmumukmok ay doble ang kanilang pakikiramay dahil alam nilang nawalan ito ng trabaho.
Nangolekta ng abuloy ang isang babae at pilit niya itong inilagay sa mga palad ng ama na di-kawasa, puno ng
awa sa sarili, ay nagsimulang humagulgol. Ang balita tungkol sa malungkot niyang kinahinatnan ay madaling
nakarating sa kanyang amo, isang matigas ang loob pero mabait na tao, na noon di'y nagdesisyong kunin siya
uli, para sa kapakanan ng kanyang asawa at mga anak. Dala ng kagandahang-loob, ito ay nagbigay ng sariling
pakikiramay, kalakip ang munting abuloy (na minabuti nitong iabot sa asawa ng lalaki imbes sa lalaki mismo).
Nang makita niya ang dati niyang amo at marinig ang magaganda nitong sinabi bilang pakikiramay sa
pagkamatay ng kanyang anak, ang lalaki ay napaiyak at kinailangang muling libangin. Ngayo'y naging
napakalawak ang kanyang awa sa sarili bilang isang malupit na inulilang ama na ipinaglalamay ang wala-sa-
panahong pagkamatay ng kanyang dugo at laman. Mula sa kanyang awa sa sarili ay bumulwak ang wagas na
pagmamahal sa patay na bata, kaya't madalamhati siyang nagtatawag, "Kaawa-awa kong Mui Mui! Kaawa-awa
kong anak!" Nakita niya ito sa libingan sa tabi ng gulod - payat, maputla, at napakaliit - at ang mga alon ng
lungkot at awa na nagpayanig sa matipuno niyang mga balikat at brasong kayumanggi ay nakakatakot tingnan.
Pinilit siyang aluin ng mga kapit-bahay, na ang iba'y lumayo na may luha sa mga mata at bubulong-bulong,
"Maaring lasenggo nga siya at iresponsable, pero tunay na mahal niya ang bata".
Tinuyo ng nagdadalamhating ama ang kanyang mga luha at saka tumayo. Mayroon siyang naisip. Mula
ngayon, magiging mabuti na siyang ama. Dinukot niya sa bulsa ang perang ibinigay ng kanyang amo sa asawa
(na kiming iniabot naman ito agad sa kanya, tulad ng nararapat). Binilang niya ang papel-de-bangko. Isa man
dito ay hindi niya gagastahin sa alak. Hindi na kailanman. Matibay ang pasiya na lumabas siya ng bahay.
Pinagmasdan siya ng mga bata. Saan kayo pupunta, tanong nila. Sinundan nila ito ng tingin. Papunta ito sa
bayan. Nalungkot sila, dahil tiyak nila na uuwi itong dalang muli ang mga bote ng beer. Pagkalipas ng isang
oras, bumalik ang ama. May bitbit itong malaking supot na may mas maliit na supot sa loob. Inilapag nito ang
dala sa mesa. Hindi makapaniwala ang mga bata sa kanilang nakita, pero iyon ba'y kahon ng mga tsokolate?
Tumingin silang mabuti. Mayroong supot ng ubas at isang kahon yata ng biskwit; Nagtaka ang mga bata kung
ano nga ang laman niyon. Sabi ng pinakamatandang lalaki'y biskwit; nakakita na siyang maraming kahon tulad
niyon sa tindahan ni Ho Chek sa bayan. Ang giit naman ng pinakamatandang babae ay kendi, 'yong katulad ng
minsa'y ibinigay nila ni Lau Soh, na nakatira doon sa malaking bahay na pinaglalabhan ng nanay. Ang kambal
ay nagkasiya sa pangdidilat at pagngisi sa pananabik; masaya na sila ano man ang laman niyon. Kaya't nagtalo
at nanghula ang mga bata. Takot na hipuin ang yaman na walang senyas sa ama. Inip silang lumabas ito ng
kanyang kwarto.
Di nagtagal ay lumabas ito, nakapagpalit na ng damit, at dumiretso sa mesa. Hindi dumating ang senyas
na nagpapahintulot sa mga batang ilapat ang mga kamay sa pinag-iinteresang yaman. Kinuha nito ang malaking
supot at muling lumabas ng bahay. Hindi matiis na mawala sa mata ang yaman na wari'y kanila na sana,
nagbulingan ang dalawang pinakamatanda nang matiyak na hindi sila maririnig ng ama. "Tingnan natin kung
saan siya pupunta." Nagpumilit na sumama ang kambal at ang apat ay sumunod nang malayu-layo sa ama. Sa
karaniwang pagkakataon, tiyak na makikita sila nito at sisigawang bumalik sa bahay, pero ngayo'y isang bagay
lamang ang nasa isip nito at hindi man lang sila napuna.
Dumating ito sa libingan sa tabing-gulod. Kahuhukay pa lamang ng puntod na kaniyang hinintuan.
Lumuhod at dinukot ang mga laman ng supot na dahandahang inilapag sa puntod, habang pahikbing nagsalita,
"Pinakamamahal kong anak, walang maiaalay sa iyo ang iyong ama kundi ang mga ito. Sana'y tanggapin mo."
Nagpatuloy itong nakipag-usap sa anak, habang nagmamasid sa pinagkukublihang mga halaman ang mga bata.
Madilim na ang langit at ang maitim na ulap ay nagbabantang mapunit anumang saglit, pero patuloy sa
pagdarasal at pag-iyak ang ama. Naiwan sa katawan ang basang kamisadentro. Sa isang iglap, ang kanina
pang inip na inip na mga bata ay dumagsa sa yaman. Sinira ng ulan ang malaking bahagi niyon, pero sa natira
sa kanilang nailigtas nagsalu-salo sila tulad sa isang piging na alam nilang di nila mararanasang muli.
SAINTS JOHN AND PAUL EDUCATIONAL FOUNDATION, INC.
Pamana Compound, National Highway, Brgy.Halang
Calamba City, Laguna, Philippines

K-12 BASIC EDUCATION CURRICULUM


SENIOR HIGH SCHOOL-CORE SUBJECT

Subject Title: Wika at Panitikang Filipino sa Makabagong Panahon


Grade: 9
Semester: 1st Semester
No. of Hours/Semester: 80hrs. (4 hrs. /week)

Subject Description: Naipamamalas ng mag-aaral ang kakayahang komunikatibo, mapanuring pag-iisip, at


pag-unawa at pagpapahalagang pampanitikan gamit ang teknolohiya at iba’t ibang uri ng teksto at mga akdang
pampanitikang rehiyunal, pambansa, saling-akdang Asyano at pandaigdig tungo sa pagtatamo ng kultural na
literasi.
Pangalawang Linggo
October 12-16

Content Panitikan: Timawa-Nobela ng Pilipinas, Takipsilim Sa


Dyakarta-Nobela ng Indonesia Gramatika/Retorika: Pahayag
na Ginagamit sa Pagbibigay ng Opinyon
Learning Objectives/Outcomes 1. Nakapagbibigay ng sariling interpretasyon sa mga
pahiwatig na ginamit sa akda.
2. Nauuri mo ang mga tiyak na bahagi sa akda na
nagpapakita ng katotohanan, kabutihan at kagandahan
batay sa napakinggang bahagi ng nobela.
3. Nasusuri mo ang tunggaliang tao vs sarili sa binasang
nobela.
4. Naisusulat mo ang isang pangyayari na nagpapakita ng
tunggaliang tao laban sa sarili.
5. Nagagamit mo ang mga pahayag na ginagamit sa
pagbibigay-opinyon (sa tingin/akala/ pahayag/ ko, iba pa).
9. Nasusuri mo ang pinanood na teleseryeng Asyano batay sa
itinakdang pamantay
Materials
• Lecture notes (3 pages)
• Activity Sheets (4 pages)
• Vsmart/Zoom para sa lingguhang lagumang diskusyon at
pagsusulit

Tasks • Pag-aralan ang tatlong(3) pahina ng modyul


• Sagutan ang mga post-test bago basahin ang lecture
notes. Ito ay ibibigay nang iyong gurong-takda bago
sumapit ang susunod na linggo.
• Makalipas ang isang linggo muling magbibigay ang
gurong-takda ng pagsusulit alinsunod sa buong linggong
tinalakay
• Susuriin ng mga mag-aaral ang pinanood na
teleseryeng Asyano na ibibigay ng guro
Note • Unawain at basahing mabuti ang modyul na nakatakda sa
inyo. Maaaring humingi ng tulong sa magulang/guro kung
kuinakailangan ng paglilinaw
• Maaari din basahin ng advans ang inyong mga modyul
para sa ikakaganda ng inyong perpormans sa lektyur,
pagsusulit at mga aktibidades.
• Ipasa ang mga sagutang papel sa itinakdang araw ng
iyong guro.

Unang Markahan – Modyul 2:


Panitikang Asyano- Nobela ng Indonesia/Pilipinas

TAKIPSILIM SA DYAKARTA Indonesia


ni Mochtar Lubis (Salin ni Aurora E. Batnag)

ISINARA ni Raden Kaslan, director ng Bumi Aju Corporation at miyembro ng Indonesian Party,
ang pinto ng kanyang opisina sa bahay at bumaling sa kanyang bisita, si Huslin Limbara, tagapangulo
ng Indonesian Party. “Hayan”, sabi niya, “wala nang makaririnig ng usapan natin. Maupo ka.” Naupo si
Husin Limbara sa isang silyon na kulay tsokolate na gawa sa balat, sumandal, saka nagsabing, “Aray,
masakit pa rin ang balikat ko. Wala pa ring doctor ang nakapagpagaling nito.” Kinuha ni Raden Kaslan
ang kahon ng tabako sa kanyang mesa at may sinabing pakikiramay sa sakit sa balikat ni Husin Limbara.
Kumuha ang bisita ng isang ‘555’ na sinindihan ni Raden Kaslan sa kanyang pilak na layter na gawa ng
Jogja Silverworks. Humithit ang malalim si Husin Limbara, marahang nagbuga ng usok habang
matamang nakatingin sa mukha ni Raden Kaslan. Saglit na hindi mapalagay si Raden Kaslan sa
pagkakatingin sa kanya, ngunit iwinaksi niya ang pag-aalala matapos makapag-isip: kailangan na naman
ng partido ng pera, at sa pagkakataong ito, hindi na siya nag-abot ng hihigit pa sa isa o dalawang libong
rupiah. Gumaan ang kanyang pakiramdam nang mabuo ang ganitong pasya. Sinabi niya kay Huslin
Limbara .
“Ano ba’ng atin?” Parang napakaimportante at napakabigat ng problema noong magkausap tayo
sa telepono.” May bahagyang ungol na umayos ng upo si Husin Limbara bago marahang nagsabi,“Isang
mahalagang desisyon ang binuo ng lupong tagapagpaganap. Gaya ng alam mo na, malapit na naman
ang eleksiyon. Kailangan ng ating partido ng maraming pera. Kailangan magtayo tayo ng organisasyong
pangkalakalan para makalikom ng malaking pera. Sa lahat, ikaw ang napili para maghanda ng plano
dahil mahaba na ang karanasan mo sa negosyo. Gusto naming maghanda ka ng malawakang plano,
nasasaklaw sa lahat ng gawaing pang-ekonomiya. Huwag kang mag-alala tungkol sa pera mo. Hindi
natin intensyong magnegosyo. Pero kung magiging pangmatagalan ang ilang kasunduan, mas mabuti
may tagubilin na sa mga miyembrong may mataas na puwesto para suportahan ang mga gawain ng
partido. Anong palagay mo?” Pinagmasdan ni Raden Kaslan si Husin Limbara. Nakabalita na siya
tungkol sa plano ng partido na lumikom ng pondo; matagal niyang hinintay na maimbitahan siyang sumali
sa paglikom na ito. Nakapasok na ang pangalan niya sa mga piling miyembro, ngunit hinihingi pa rin niya
ang suporta ng mga kaibigan niyang miyembro ng konseho para makasiguro at nagkagasta na siya ng
ilang libong rupiah para rito. “Kung susuporta ang mga miyembro ng partido na nasa puwesto, walang
problema.” Sabi ni Raden Kaslan. “Sa lahat ng sector ng ekonomiya, pinakamadaling hingan ng pera
ang mga nag-iimport. Ang ibang sektor ay hihingi pa ng palugit na panahon, hihingi ng organisasyon, ng
tauhan – tulad ng transportasyon, eksport o industriya – pero walang hinihinging ano man ang mga nag-
iimport.” “Ang kakailanganin lamang ay pangalan ng isang korporasyon, ‘yon lang. Ibebenta lang naming
ang mga makukuha naming lisensiya sa pag-import. Maghanda tayo ng dalawang plano. Ang isa’y para
sa mabilisang resulta, sa pamamagitan ng mga nag-iimport. Ang isa pa, na pangmatagalan, ay para sa
pagbubukas ng mga bangko, industriya, at iba.” “A, hindi nagkamali ang marami sa pagsasabing
eksperto si Raden Kaslan sa ekonomiya,” natatawang sabi ni Husin Limbara. “Madali lang ‘yon,” sabi ni
Raden Kaslan. “handang bumili ng lisensiya ang mga importer, lalo na kung para sa mga ordinaryong
bagay na kailangang bilhin ng tao, kahit patungan natin ng dos siyentos porsiyento. Kaya, halimbawang
sandaang libong rupiah ang halaga ng bawat lisensiya, mabebenta ang mga ito ng tatlong daang libong
rupiah. Kikita tayo ng buong-buong tatlong daang libong rupiah nang walang puhunan kahit sampera.”
“Okey!” sabi ni Husin Limbara at natutuwang tinapik ang mesa. “Sa kalkulasyon ng ating partido,
kailangan natin ng hindi kukulangin sa tatlong milyon para mabalo sa darating na eleksiyon. Palagay mo
ba, kaya nating likumin ito sa loob ng anim na buwan?” Sandaling di kumibo si Raden Kaslan habang
nagkukuwenta.
“Walang problema” sabi niya. “Okey,” ulit ni Husin Limbara. “Ikaw na’ng bahalang maghanda ng
plano.” “Pero may isa pang bagay na kailangang ayusin,” sabi ni Raden Kaslan. “Ilang porsiyento ang
mapupunta sa partido, at ilan sa mga gagamiting taong magpapatupad ng plano? May peligro ‘to kahit
pa’no, kaya …” “A, tungkol sa peligro, bahala ang mga ministro natin.” “Hindi iyon ang sinasabi ko.”
Mahinang sabi ni Raden Kaslan. “Kahit huwad ang mga korporasyong itatayo natin, meron pa rin
pagkakagastuhan, tulad ng buwis, mga sertipiko, at marami pang iba.” “Ano ang marapat sa opinyon
mo, Bung Raden Kaslan?” “Okey na ang tigsisingkwenta porsiyento, singkuwenta sa partido at
singkuwenta sa mga taong gagamitin natin ang pangalan.” “Di ba sobra naman yata ‘yan?”
nagsususpetsang tanong ni Husin Limbara. “Bakit naman sobra? Sigurado naming makukuha ng partido
ang kuwarta sa loob ng anim na buwan,” tugon ni Raden Kaslan. “Bung Raden Kaslan, alam mo naman,
siyempre, na kailangang lihim na lihim ito,” sabi ni Husin Limbara. “Siyempre pa! Magiging maingat na
maingat ako. Ba, hindi ba nakataya rin ang reputasyon ko?” Tumayo si Husin Limbara, bahagyang
yumuko upang di sumakit ang balikat, humakbang patungong pinto, bago nagtanong kay Raden Kaslan,
“Kailan mo kaya madadala sa akin ang plano?” “Sa loob ng isang linggo,” sagot ni Raden Kaslan. “Sige,
isang linggo. Tawagan mo na lang ako.” Sa beranda sa harapan, nakita nila si Fatma na nakaupo at
nagbabasa, at sa harap ng piyano sa sulok ay naroon si Suryono, parang tinatamad na humihimig ng
ilang tono. “Aalis na ba kayo?” tanong ni Fatma. “Hindi ba muna kayo iinom ng kahit ano?” “Salamat.
Saka na lang. Sobrang dami ng trabaho.” “Suryono, halika rito sandal. Ito si Park Husin Limbara,
tagapangulo ng Indonesian Party. Ito ang anak kong si Suryono. Kararating lang niya mula sa ibang
bansa. Sa Ministri ng Ugnayang Panlabas siya pumapasok.” “Kumusta, hijo? Miyembro ka na rin ba ng
partido?” tanong ni Husin Limbara habang kinakamayan si Suryono. “Tama na ho ang isa sa partido –
si Bapak na lang,” sagot ni Saryono. Malakas silang nagtawanan. Pagkaraan, inigatid ni Raden Kaslan
si Husin Limbara sa kotse ng huli na nakaparada sa bakuran.
Nang bumalik sa bahay si Raden Kaslan, isinara niya ang pinto, pinagkiskis ang mga kamay, at
pinaglipat ang tingin kina Saryono at Fatma. Pagkaraan, tumawa siya nang malakas. “Pasok na tayo!”
bulalas niya sa wikang Dutch. “Ayos na tayo,” dugtong pa. Naupo si Raden Kaslan sa tabi ni Fatma, saka
pinalapit si Saryono at nagsalitang parang may ibubunyag na lihim. “Sikreto ito, atin-atin lang. Malaking
pagkakakuwartahan ito!” At mabilis niyang ipinaliwanag sa asawa’t anak ang mga plano sa paglikom ng
pera para sa partido. Matapos magpaliwanag, sinabi ni Raden Kaslan, “Balak kong magtayo ng iba’t
ibang korporasyon, at ilalagay ko si Fatma, at ikaw, Saryono, na direktor ng mga ito. At sa bawat
korporasyon. Kahati tayo sa tubo, kaya sa hatian, mapapasakamay natin ang pinakamalaking kita.” “A,
hindi ako puwede,” sagot ni Suryono. “Empleyado ako ng gobyerno.” “Walang problema, magbitiw ka o
magbakasyon nang matagal. Sasabihin ko sa partido. Maaayos natin ‘yan.” Matagal na nag-usap ang
tatlo at marami silang nabuong plano. May kung anong naramdaman si Suryono, na minsan ma’y di niya
inaakalang mararamdaman, ang galak sa pagkakaroon ng pagkakataong makahawak ng ganoong
kalaking pera. “A,” sabi niya, “bakit nga hindi?” Nagpasya na akong gusto ko ‘yon. ‘Pag nagsawa ako,
di magbabago ako ng isip, iba naman ang gugustuhin ko.” Nang matapos silang mag-usap, nakumbinse
na ni Saryono ang sarili na walang masama sa kanilang gagawin. Ganyan din naman ang ginawa ng
ibang partido, naisip niya. Bakit hindi rin ako gumawa ng gayon? Nakahiga sa Pak Idjo sa madilim na
kuwarto sa kanyang dampa. Mula nang bumangga ang kanyang kalesa sa kotse, nilagnat na siya at hindi
na nakabangon. Laging sumasakit ang kanyang mga pigsa, at bawat sandali’y bumubulong siya, “La illa
haillallah – la illa haillallah”, kasabay ng mga daing; wala siyang kinakain at humihingi lamang ng tubig
na maiinom. Kapag mataas na mataas ang kanyang lagnat, nagdidiliryo siya at sumisigaw, “Naku,
sasagasaan ako ng kotse. Maawa po kayo sa matandang kabayo. Saklolo!” Halos magkasakit na rin si
Ibu Idjo, ang asawa ni Pak Idjo, sa pag-aalaga sa kanyang asawa. “Ang kabayo?” tanong ni Pak Idjo na
nag-aalala. “Bahala si Amat. Naghahanap nga siya ng damo.”
“Sampung taon na si Amat. Pahanapin mo na siya ng trabaho,” sabi ni Pak Idjo. “Sayang nga at
napakabata pa niya. Kung hindi’y pwede nang siya ang maglabas ng kalesa,” sabi ng babae. “Oo nga,
puwede lang siya sa mga magaang trabaho. Sabihin mong kahit anong trabaho. May pera pa ba tayo?”
“Nagbayad na sa kuwato sina Saimun at Itam. May natira pag konti.” “Tipirin mo. Hindi natin alam kung
kalian ako gagaling.” Lumabas si Ibu Idjo at tinwag si Amat. “Mat, sabi ng tatay mo, maghanap ka na
raw ng trabaho para makatulong. May sakit pa si tatay.” Malalim ang iniisip ni Sugeng habang
nakasalampak sa silya. Ninenerbiyos siya at namumutla. Nagkukulong si Hasnah, ang kanyang asawa
sa kuwarto. Nag-away na naman sila. Iyon pa ring dati. Ang tungkol sa paglipat ng bahay.
Umaalingawngaw pa sa kanyang tainga ang mga tiil ni Hasnah. “Puro pangakong napako. Buwan-
buwan, pangako. Malaki na’ng tiyan ko. Malapit na ‘kong manganak. Gusto mong gumawa ng bata, hindi
mo naman mabigyan ng disenteng tirahan. Patayin mo na lang ang batang ‘to!” Hindi nagtagal ang
kanilang galak sa pagkakataas ng puwesto ni Sugeng. Ang bagong puwesto ni Sugeng ay naghatid ng
bagong pag-asang magkakabahay na sila, ngunit wala pa ring nangyari. “Gusto mo bang maging
masama ako, gaya ng iba?” sigaw ni Sugeng. Pabalik-balik sa kanyang pandinig ang sigaw niyang iyon.
Alaah, sa loob-loob niya, nilalabanan ko nang husto ang lahat ng tukso. Pero kung kailangan mabigyan
ng buhay si Hasnah, at pagpapakasama lamang ang tanging paraan para makuha ang buhay na ‘yon,
sige, magiging masama na rin ako. Para kay Hasnah, para sa kanyang isisilang, para sa beybi ko.
Nangalumbaba siya. Walang katarungan sa mundong ito. Hindi binibigyan ng pagkakataong manatiling
tapat ang mga taong gustong maging tapat. Isang munting bahay, iyon lang, at hindi na kailangang isugal
pa ang karangalan. Hindi, ayoko, ayoko, E, ano kung magalit si Hasnah, hamo siya! Pero alam niya,
susuko rin siya sa gusto ni Hasnah. Hindi niya kayang makipag-away kay Hasnah bawat minute tungkol
sa bahay. Tumayo siya at nagtuloy sa kuwarto, sa kamang kinahihigaan ng umiiyak pang si Hasnah.
Niyakap ni Sugeng ang asawa at bumulong, “Sori, Has, ako’ng mali. Pero pangako, ngayon ay totoo na.
Magkakabahay na tayo.” Nadama ni Hasnah ang katapatan sa kanyang pagsasalita, kaya yumakap din
ito sa asawa. Matagal silang nagyakap.
Naglalakad si Dahlia sa harap ng mga tindahan sa Pasar Baru. Hindi na niya mabilang kung ilang
tindahan na ang napasok niya. Sa bawat tindahan, tinitingnan niya ang lahat ng paninda ngunitwala pa
siyang nabibili. Nawawalan na siya na pag-asa. Kamuntik na sana sa isang tindahan. Habang tumitingin
siya ng tela, nakatabi niya ang isang lalaki na mukhang mapera. Tinapunan niya ang lalaki ng mapang-
akit na sulyap at nakita niya ang sagot sa mga mata nito. Pero hindi malaman ni Dahlia kung bakit hindi
kumagat ang lalaki sa kanyang pasimula, at habang kunwari’y nakikipagtawaran si Dahlia, biglang
lumabas ang lalaki. Baka walang pera, naisaloob ni Dahlia. Hindi nagtagal at lumabas na rin si Dahlia.
Tinitingnan siya ng halos lahat ng lalaking nagdaraan, ngunit ni isa ma’y walang naakit sa kanya. Mabagal
na naglakad si Dahlia, pahintu-hinto sa bawat bintana para ayusin ang sarili at tumingin sa mga
panindang nakadispley, habang abala sa mga iniisip. Dalawang linggong wala ang kanyang asawa, at
dalawang lingo siyang mapag-iisa, at libre. Walang ano-ano, nagulat siya at napatili nang mabangga ng
isang lalaki, na nagsabing, “Sori, Donya, hindi ko kayo napansin.” Nang tingnan ni Dahlia ang nagsalita,
ang nakita niya ay isang kabataang lalaki, ismarteng magdamit, at may dalang pakete. Nagtama ang
kanilang mga tingin at kapwa sila napangiti. “Ihahatid na kita,” walang pag-aalinlangang sabi ng lalaki.
“Salamat, kung hindi makaaabala …” “Hindi naman. Hayun lang ang kotse ko sa kabilang kalye.”
Hinawakan ng lalaki si Dahlia sa siko, tumawid sila at lumapit sa isang Dodge sedan Binuksan ng lalaki
ang unahang pinto para kay Dahlia bago ito naupo sa harap ng manibela. Matapos paandarin ang kotse,
tiningnan nito si Dahlia at natatawang nagsabi, “Teka, hindi pa nga pala tayo magkakilala. Ako si
Suryono.” “Ako si Dahlia.” Napangiting sagot ng babae. “Kaygandang pangalan, singganda ng bulaklak
na dahlia ang may’ari,” gumigiring sabi ni Suryono. “Bola!” sagot ni Dahlia. “Hindi k aba nagtatrabaho?
Pa’no ka nakapamimili sa katanghalian?” “Pumapasok ako sa Ministri ng Ugnayang Panlabas pero
nagbabakasyon ako nang matagal. Nagnenegosyo muna. Sa Import N.V. Timur Besar ang opisina ko sa
lunsod.” Paglampas sa Pasar Beru Street tumuloy ang kotse papuntang Gunung Sahari Avenue.
“Kung hindi ka nagmamadali, mamasyal muna tayo sa Tandjong Priok,” sagot Suryono. “Nagmamadali
k aba, Dahlia?” tanong ni Suryono. “Bakit mo naman naitanong?” tugon ni Dahlia.
“Nasa probinsiya ang asawa ko. Dalawang lingo siyang mawawala. Pareho lang, magmadali man
ako o hindi.” “Okey, a. E di mamasyal muna tayo. Negosyante rin ba ang mister mo?” “Ay, naku, kung
negosyante siya, di laking tuwa ko sana.” Sagot ni Dahlia. “Empleyado siya sa gobyerno, mataas na
opisyal sa P.P. & K. Napakahirap maging empleyado ng gobyerno ngayon. Alam mo na siguro, Tuan,
kasya lang sa sanlinggong gastos ang sambuwang suweldo.” “Totoo ‘yan,” ayon si Suryono. “Hnagal na
lang ang magkakagustong magtrabaho sa gobyerno sa panahong ito. Pero kung marunong siya,
makakaraos din kung tatanggap ng suhol.” “’Yan na nga ang lagi kong sinasabi sa mister ko. Pero sabi
niya, kung magiging masama ang lahat ng opisyal ng gobyerno, saan patutungo ang bayan natin? Sa
kapahamakan.” “Pambihira ang mister mo,” sagot ni Suryono. “Masyadong mabait. Hindi niya nakikita
ang katotohanan sa mundong ito – na ang matapat ang siya pang napapahamak. Ang iba’y sumisige
lang.” “Ayaw niyang tanggapin na ganyan ang kalakaran.” Nnag maparaan sila sa electric power station
sa Antjol, hinawakan ni Suryono ang kamay ni Dahlia. “Kay lambot ng kamay mo. At kay ganda mo,
bagay na bagay sa iyo’ng pangalan mo. Napakaganda mo.” “Bola,” sabi ni Dahlia na malanding
sumulyap kay Suryono. “Bakit pa tayo pupunta sa Priok, di ba mas mainam kung ihatid na lang kita sa
inyo, wala rin lang ang mister mo?” “Sa bahay? Huwag,” tugon ni Dahlia. “Hindi puwede! Dadalawa ang
kuwarto roon. Baka may makakita.” “Sa hotel na lang sa lunsod?” tanong ni Suryono. “Takot ako sa
hotel,” sabi ni Dahlia. “Hindi pa ‘ko nakapapasok sa hotel.” “Ow, totoo?” “Totoo. Doon na lang tayo sa
bahay ni Tante Bep sa Petodjo.” Iniliko ni Suryono ang kotse pabalik sa Dyakarta. Walang katarungan
sa mundong ito. Hindi binibigyan ng pagkakataong manatiling tapat ang mga taong gusting maging tapat.
Isang munting bahay, iyon lang, at hindi na kailangang isugal pa ang karangalan. Hindi, ayoko, ayoko,
E, ano kung magalit si Hasnah, hamo siya! Pero alam niya, susuko rin siya sa gusto ni Hasnah. Hindi
niya kayang makipag-away kay Hasnah bawat minute tungkol sa bahay.

You might also like