You are on page 1of 20

9

Filipino
Ikalawang Markahan – Modyul 5:
Maikling Kuwento mula sa Japan
(Panitikan ng Silangang Asya)

LU_Q2_Filipino9_Module5
AIRs - LM
i
LU_Q2_Filipino9_Module5
FILIPINO 9 (Panitikan ng Silangang Asya)
Ikalawang Markahan - Modyul 5: Maikling Kuwento mula sa Japan
Unang Edisyon, 2021

Karapatang sipi © 2021


La Union Schools Division
Region I

Ang lahat ng karapatan ay ibinibigay sa may akda. Anomang paggamit o pagkuha ng bahagi
ng walang pahintulot ay hindi pinapayagan.

Bumuo sa Pagsulat ng Modyul

Manunulat: Alvin D. Mangaoang


Editor: SDO La Union, Learning Resource Quality Assurance Team
Tagasuri: Teresita D. Haduca at Joven M. Rivera
Tagaguhit: Ernesto F. Ramos Jr.
Tagalapat: Silvestre C. Estorco III

Tagapamahala:

Atty. Donato D. Balderas Jr.


Schools Division Superintendent
Vivian Luz S. Pagatpatan, PhD
Assistant Schools Division Superintendent
German E. Flora, PhD, CID Chief
Virgilio C. Boado, PhD, EPS in Charge of LRMS
Luisito V. Libatique, PhD, EPS in Charge of Filipino
Michael Jason D. Morales, PDO II
Claire P. Toluyen, Librarian II

Inilimbag sa Pilipinas ng: _________________________

Department of Education – SDO La Union


Office Address: Flores St. Catbangen, San Fernando City, La Union
Telefax: 072 – 205 – 0046
Email Address: launion@deped.gov.ph

ii
LU_Q2_Filipino9_Module5
9

Filipino
Ikalawang Markahan – Modyul 5:
Maikling Kuwento mula sa Japan
(Panitikan ng Silangang Asya)

iii
LU_Q2_Filipino9_Module5
Paunang Salita
Ang Self-Learning Module o SLM na ito ay maingat na inihanda para sa ating
mag-aaral sa kanilang pag-aaral sa tahanan. Binubuo ito ng iba’t ibang
bahagi na gagabay sa kanila upang maunawaan ang bawat aralin at
malinang ang mga kasanayang itinakda ng kurikulum.

Ang modyul na ito ay may inilaang Gabay sa Guro/Tagapagdaloy na


naglalaman ng mga paalala, pantulong o estratehiyang magagamit ng mga
magulang o kung sinumang gagabay at tutulong sa pag-aaral ng mga mag-
aaral sa kani-kanilang tahanan.

Ito ay may kalakip na paunang pagsusulit upang masukat ang nalalaman


ng mag-aaral na may kinalaman sa inihandang aralin. Ito ang magsasabi
kung kailangan niya ng ibayong tulong mula sa tagapagdaloy o sa guro.
Mayroon ding pagsusulit sa bawat pagtatapos ng aralin upang masukat
naman ang natutuhan. May susi ng pagwawasto upang makita kung tama
o mali ang mga sagot sa bawat gawain at pagsusulit. Inaasahan namin na
magiging matapat ang bawat isa sa paggamit nito.

Pinapaalalahanan din ang mga mag-aaral na ingatan ang SLM na ito upang
magamit pa ng ibang mangangailangan. Huwag susulatan o mamarkahan
ang anumang bahagi ng modyul. Gumamit lamang ng hiwalay na papel sa
pagsagot sa mga pagsasanay.

Hinihikayat ang mga mag-aaral na makipag-ugnayan agad sa kanilang guro


kung sila ay makararanas ng suliranin sa pag-unawa sa mga aralin at
paggamit ng SLM na ito.

Sa pamamagitan ng modyul na ito at sa tulong ng ating mga tagapagdaloy,


umaasa kami na matututo ang ating mag-aaral kahit wala sila sa paaralan.

iv
LU_Q2_Filipino9_Module5
Sapulin

Kumusta ka minamahal kong mag-aaral? Binabati kita sapagkat malayo-layo


na rin ang iyong nalakbay sa Panitikan ng Silangang Asya. Nawa’y magpatuloy pa
rin ang iyong kasabikan sa pag-aaral natin sa panibagong aralin.

Hindi matatawaran ang pagiging malikhain ng mga Hapones kaya naman


talagang mayaman ang bansang ito. Masasalamin ito sa kanilang kagalingan sa
sining at panitikan. Iginagalang sa buong Asya ang panitikang nasa anyo ng tula,
dula at maikling kuwento. Malaki rin ang impluwensiya ng relihiyong Shintoismo sa
kanilang panitikan. Bagaman itinuturing na pinakamodernong bansa, napananatili
nito ang impluwensiya ng tradisyon sa kanilang buhay.

Mapag-aaralan mo sa Modyul 5 ang tungkol sa maikling kuwentong may


pamagat na “Si Kesa at si Morito” na isinulat ni Ryunosuke Akutagawa at isinalin sa
Filipino ni Lualhati Bautista. Matutunghayan mo rito ang ugnayan ng dalawang
pangunahing tauhan. Sa kuwentong ito, mauunawaan mo ang dahilan ng matinding
pag-iisip ng mga tauhan sa akda. Naglalaban sa puso at isip nila ang tama at maling
gagawin. Tulad ng may-akda, nakaranas din sina Kesa at Morito ng matinding
suliranin sa buhay. Matutunghayan mo sa akdang ito ang pagtataksil ng
magkalaguyo at ang kanilang pagpaplanong pagkitil sa buhay ng asawa ng babae at
kung paano huhugasan ng babae ang kasalanang ito – bagay na napakahalaga sa
karangalan ng isang Hapones.

Sa pagtatapos ng modyul na ito, inaasahang malilinang mo ang sumusunod:

Mga Pinakamahahalagang Kasanayang Pampagkatuto (MELCs):


1. Naipaliliwanag ang pananaw ng may-akda tungkol sa paksa batay sa
napakinggan. (F9PN-IId-47);
2. Nabibigyang-kahulugan ang mga imahen at simbolo sa binasang kuwento
(F9PT-lle-f-48);
3. Naisasalaysay ang sariling karanasan na may kaugnayan sa kulturang
nabanggit sa nabasang kuwento (F9PS-lle-f-50);
4. Napaghahambing ang kultura ng ilang bansa sa Silangang Asya batay sa
napanood na bahagi ng teleserye o pelikula (F9PD-lle-f-48); at
5. Naisusulat ang isang paglalarawan ng sariling kultura na maaaring gamitin
sa isang pagsasalaysay. (F9PU-lle-f-50)

Mga Tiyak na Layunin:


1. Natutukoy ang mahahalagang impormasyon ukol sa kuwento;
2. Nasusuri ang kuwento batay sa pagtukoy sa tiyak na pangyayari;
3. Nakapagbibigay ng sariling opinyon tungkol sa paksa ng kuwento;
4. Napahahalagahan ang pag-iingat sa dangal o kapurihan ng isang tao;
at
5. Naisusulat ang tungkol sa kulturang Pilipino hinggil sa pagsasamang
mag-asawa o pamilya.

Kaibigan, handa ka na ba para sa unang gawain na iyong kahaharapin para


sa modyul na ito? Halika na at umpisahan na natin.

1 LU_Q2_Filipino9_Module5
Aralin Panitikan:
5 Si Kesa at Si Morito
ni Ryunosuke Akutagawa

Simulan

Bago natin simulan ang malalimang talakayan sa aralin, isagawa mo muna


ang paunang gawain upang malaman ang iyong inisyal na pag-unawa sa ating
matatalakay.

Gawain 1: Puso, Buoin Mo!


Panuto: Gayahin ang pormat ng puso sa iyong sagutang papel. Pagkatapos, sagutin
mo ang mga gabay na tanong.

Ang mag-asawa ay pinagbuklod ng Diyos. Ano-ano kaya ang sangkap sa


pagpapanatili nitong buo at matatag? Ilagay sa puso ang iyong mga sagot.

pagseselos oras
kalusugan

pamamasyal pananakit

regalo pag-ibig

kotse pagdarasal

tahanan trabaho

pagtataksi pera
l
katapatan pagsisinungaling

Diyos

Ano-anong salita ang naiwan mo? Ipaliwanag kung bakit hindi mo inilagay sa
gitna ng puso ang mga salitang ito.
__________________________________________________________________________________
__________________________________________________________________________________

Binabati kita sa matapat mong pagsagot. Alam kong ang karamihan sa mga ito
ay maaaring maiuugnay mo sa iyong sariling karanasan. Iyon ang iyong mababatid
sa kasunod na kuwento. Halika na’t magpatuloy na.

2 LU_Q2_Filipino9_Module5
Lakbayin

Ating tunghayan ang kuwentong Hapones na “Si Kesa at Si Morito” at kung


ano-anong mga isyung panlipunan at pangmag-asawa ang mailalahad dito. Basahin
mo ito nang may buong pang-unawa upang masagot ang mga gawaing kasunod.

Si Kesa at Si Morito
ni Ryunosuke Akutagawa
Salin ni Lualhati Bautista

UNANG BAHAGI: MONOLOGO NI MORITO


Sa pagkakatingin sa buwan habang nag-iisip, naglalakad si Morito sa
ibabaw ng mga lagas na dahon sa makalabas ng bakod ng kaniyang bahay:
Sumikat na ngayon ang buwan. Karaniwang hinihintay ko nang may
pagkainip ang pagsikat ng buwan. Pero ngayong gabi, ang maliwanag na sikat ng
buwan ay yanig na sumisindak sa akin. Kinikilabutan akong isipin na ang gabing
ito ay magwawasak sa aking kasalukuyang sarili at gagawin akong isang karumal-
dumal na mamamatay-tao. Isipin na lang kapag ang mga kamay na ito’y namula
sa dugo! Anong kasumpa-sumpang nilalang ang magiging tingin ko sa aking sarili
kapag nagkaganoon! Ang puso ko’y di mababagbag sa sakit kung papatay ako ng
isang kaaway na kinasusuklaman ko, pero ngayong gabi ay kailangan kong
patayin ang isang lalaking hindi ko kinasusuklaman.
Matagal ko na siyang kilala. Kahit kamakailan ko lang nalaman ang
kaniyang pangalan, Wataru Saemonno-jo, mula’t sapul pa’y kilala ko na ang
kaniyang magandang mukha. Nang natuklasan kong asawa siya ni Kesa, totoong
sandali rin akong nag-apoy sa panibugho. Pero ngayon, ang panibugho ko’y
napawi na, hindi nag-iwan ng anomang bakas sa aking isip o puso. Kaya para sa
aking karibal sa pag-ibig, wala akong pagkamuhi o masamang hangarin. Manapa,
mabuti ang isipin ko para sa kaniya. Nang sabihin sa akin ng tiya ko, si
Komorogawa, kung paano niya pinagsikapan at pinagsakitang makuha ang puso
ni Kesa, nakadama ako ng simpatiya sa kaniya. Naunawaan ko, na sa buong
hangarin niyang mapangasawa ito, pinaghirapan pa niyang matutong sumulat ng
tula. Hindi ko maisip na ang simple at nakababagot na lalaking iyon ay sumusulat
ng mga tula ng pag-ibig, at isang ngiti ang gumuguhit sa aking mga labi sa kabila
ng damdamin ko. Hindi ito ngiti ng pag-uyam; naaantig ako sa pagkamasuyo ng
isang lalaking ginagawa ang lahat para makuha ang isang babae. Posible pa ring
ang kaniyang masimbuyong pag-ibig ang nagtulak sa kaniyang sambahin ang
minamahal kong si Kesa ay nakapagdudulot sa akin ng kasiyahan.
Pero mahal ko ba talaga si Kesa? Ang aming pag-iibigan ay maaaring
paghiwalayin sa dalawang baitang, ang nakaraan at ang kasalukuyan. Minahal ko
siya bago siya ikinasal kay Wataru, o iyon ang aking palagay. Pero ngayong
tumitingin ako sa aking puso, nakikita kong marami akong motibo. Ano ang gusto
ko sa kaniya? Siya ang klase ng babaeng kinadaramahan ko ng mga hangaring
makalaman kahit noong mga panahong ako’y wala pang bahid-dungis. Kung
mapahihitulutan ang eksaheradong pahayag, ang pag-ibig ko sa kaniya’y hindi
hihigit pa sa isang sentimental na bersyon ng motibong nagtulak kay Adan sa
piling ni Eba. Malinaw ito sa mga pag-aalinlangan kong patuloy siyang mahalin
kung sakaling ang aking hangarin ay natupad. Bagaman nanatili siya sa isip ko

3 LU_Q2_Filipino9_Module5
sa sumunod na tatlong taon pagkaraang maputol ang aming ugnayan, hindi ko
tiyakang masasabi na mahal ko siya. Sa kasunod na pakikipag-ugnayan ko sa
kaniya, ang pinakamalaking ipinagsisisi ko ay iyong hindi ko siya nakilala nang
lubos. Pinarurusahan ng kawalang-kasiyahan, nahulog ako sa kasalukuyang
relasyon, na gumigimbal sa akin, gayonman, alam kong mangyayari. Ngayo’y
itinatanong kong muli sa aking sarili, “Mahal ko ba siya talaga?”
Nang makita ko uli siya tatlong taon pagkaraan, sa pagdiriwang na kaugnay
ng pagkakayari ng Tulay ng Watanabe, ginawa ko ang lahat ng paraan para makita
siya nang patago. Sa huli’y nagtagumpay ako. Hindi lang ako nagtagumpay na
makita siya, kundi inangkin ko pa ang kaniyang katawan na gaya ng
pinapangarap ko. Sa pagkakataong iyon, ang panghihinayang na ‘di ko siya
nakilala nang pisikal ay hindi ang tanging nangingibabaw sa akin. Nang maupo
ako sa tabi niya sa nababanigang silid ng bahay ni Koromogawa, napansin kong
malaking bahagi ng aking panghihinayang ang naglaho na. Malamang na ang
aking hangarin ay pinahina ng pangyayaring hindi na ako malinis. Pero ang
pinakapangunahing dahilan ay hindi siya ang inaasahan kong magiging siya.
Nang magkakaupo kaming magkaharap, natuklasan kong hindi siya ang imahen
ng malabantayog na kagandahang binuo ko sa isip sa nakaraang tatlong taon.
Malayo siya sa idolong pinakaasam-asam ko sa aking puso. Ang kaniyang mukha,
na makapal na nakukulapulan ng matingkad na pulbos, ay pinaglahuan na ng
malaking bahagi ng dating kasariwaan at makinis na panghalina. Sa ilalim ng mga
mata niya’y nakahugis ang nangingitim na guhit. Ang tanging hindi nagbago sa
kaniya ay ang kaniyang malilinaw, bilog, maiitim na mga mata. Nang makita ko
siya sa bagong paninging ito, nagimbal ako, at sa kabila ng aking damdamin ay ‘di
ko napigilang iiwas ang aking mga mata.
Kung gayo’y paano ko nagawang makipagtalik sa isang babaeng
napakanipis ng pagkakabigkis ko? Una’y itinulak ako ng kakatwang kagustuhang
mapangibabawan ang dating hangarin ng puso ko. Sa pagkakaupong
magkaharap, binigyan niya ako ng isang eksaheradong kuwento ng kaniyang pag-
ibig sa kaniyang asawa. Wala siyang iniwan kundi hungkag na alingawngaw sa
aking tainga. “Mayroon siyang hambog na idea tungkol sa kaniyang asawa”, naisip
ko. May hinala rin akong maaaring ito’y tulak ng kaniyang kagustuhang huwag
nang pagningasin pa ang aking pagnanasa. Kasabay nito, patindi nang patindi ang
dating hangarin kong ilantad ang kaniyang kasinungalingan. Bakit itinuturing ko
iyong kasinungalingan? Kung sasabihin ninyo sa akin, minamahal kong
mambabasa, na ang sariling kayabangan ko ang nagtulak sa akin para
maghinalang kasinungalingan ang kaniyang pahayag, hindi ko maitatatwa ang
inyong bintang. Ano’t anoman, pinaniniwalaan ko noon at pinaniniwalaan ko
hanggang ngayon, na iyon ay kasinungalingan.
Pero hindi ang hangaring makapanlupig ang tanging ngumangatngat sa
akin nang mga sandaling iyon. Pinamumulahan akong banggitin ito –
pinangingibabawan ako ng pagnanasa. Hindi iyon basta panghihinayang lang na
hindi ko nakilala ang kaniyang katawan. Iyon ay hamak na kalibugan mismo na
ni hindi nangangailangang ang kabilang panig ay maging ang babaeng iyon.
Marahil ay walang lalaking umarkila ng babae sa isang bahay-aliwang magiging
mas hamak pa sa akin nang mga sandaling iyon.
Ano’t anoman, batay sa ganyang iba’t ibang motibo, nagkaroon ako ng
relasyon kay Kesa. O, manapa, inalisan ko siya ng dangal. Bilang pagbalik sa
unang tanong na binitiwan ko, hindi ko na kailangang itanong pa ngayon sa aking
sarili kung mahal ko siya. Nang matapos ang lahat, sapilitang ibinangon ko siya
aking mga bisig – ang babaeng ito na umiiyak na ibinagsak ang kaniyang sarili. At
nagmukha siyang mas walang dangal kaysa sa akin. Ang kaniyang nakasabog na
buhok at nagpapawis na katawan, ang lahat ay indikasyon ng kapangitan ng

4 LU_Q2_Filipino9_Module5
kaniyang isip at katawan. Hindi kamaliang sabihing simula nang araw na iyon, sa
puso ko’y nagkaroon ako ng bagong pagkamuhi sa kaniya. At ngayong gabi’y
papatayin ko ang isang lalaking hindi ko kinamumuhian, para sa kapakanan ng
babaeng hindi ko iniibig.
“Patayin natin si Wataru”, bulong ko sa tainga ni Kesa. Baliw na nga ako
para gawin ang napakagarapal na mungkahing iyon. Wala sa loob na inihinga ko
sa tainga niya ang nakaraang hangarin kong hamunin ng labanan si Wataru at
pagwagian ang kaniyang pag-ibig. Ano’t anoman, “Patayin natin si Wataru”,
bulong ko, at tiyak na tiyak na bumulong ako nang nagtatagis ang mga ngipin, sa
kabila ng aking damdamin. Kapag naaalala ko ngayon, hindi ko masasabi kung
ano ang nag-udyok sa akin para gawin ang padalos-dalos na bagay na iyon. Ang
tanging naiisip ko bilang paliwanag dito ay ginusto kong tagpian ang relasyon sa
kasalukuyan, at habang tumitindi ang paghamak at pagkasuklam ko sa kaniya,
lalo kong kinaiinipang mawasak ko ang kaniyang dangal. Wala nang mas aangkop
pa sa mga layuning ito kundi patayin ang asawang ipinangangalandakan niyang
mahal niya, at makuha ang kaniyang pagsang-ayon mula sa kaniyang
pagpapatumpik-tumpik. Kaya tulad sa isang lalaking binabangungot, nakapanaig
ako sa kaniya na maisakatuparan naming dalawa ang pagpatay na hindi ko gusto.
Kung iyan ay hindi sapat para ipaliwanag ang aking motibo sa pagmumungkahing
patayin si Wataru, wala nang paliwanag na dapat tangkain, maliban sa isang
kapangyarihang banyaga sa mga mortal (marahil ay demonyo o diyablo) ang
nagtataboy sa akin sa makasalanang daan. Nagpupumilit at paulit-ulit na
ibinulong ko ang ganoo’t ganoon ding bagay sa tainga niya.
Sa huli’y nag-angat siya ng mukha at sinabi, “Oo, dapat mo ngang patayin
si Wataru”. Hindi lamang ako nasorpresa sa biglang pagsang-ayon niya, kundi
nakakita ako ng mahiwagang kinang sa kaniyang mga mata na hindi ko napansin
noon. Taksil na babae-iyon ang naging tingin ko sa kaniya. Gumuhit sa nag-iinit
na utak ko ang iglap na pagkabigo at paghihilakbot – at oo, pagkasuklam. Kung
maaaari lang ay babawiin ko ang pangako ko noon din. Sa gayo’y
mapangangalanan ko siyang mang-aapid, at ang aking konsensiya’y
makapagkakanlong sa makatuwirang pagngingitngit. Pero hindi ko nagawa.
Inaamin ko agad kong nakita na imposible iyon sa saglit na bigla siyang tumitig
sa akin. Nagbago na ang kaniyang anyo, na para bang nakita niya ang laman ng
aking puso. Nahulog ako sa malungkot na kalagayanng pakikipagtipan para
paslangin ang kaniyang asawa dahil sa takot kong paghigantihan niya ako kapag
nabigo akong tuparin ang aking bahagi sa usapan.
Ngayon, ang takot na ito’y mahigpit at matatag na dumaklot sa akin.
Magtawa kayo kung ibig ninyo, sa aking karuwagan. Ito ang gawa ng isang hindi
nakaaalam kung gaano kahamak ang kaniyang kalaguyo. “Kapag hindi ko pinatay
ang kaniyang asawa, papatayin niya ako sa kahit na anong paraan. Kailangan
kong patayin ang kaniyang asawa at kung hindi’y papatayin niya ako”,
desperadong naisip ko, sa pagkakatingin ko sa kaniyang walang luha pero umiiyak
na mga mata. Pagkatapos kong bitiwan ang aking pangako, hindi ba may nasilip
akong ngiti sa kaniyang bibig at biloy na gumuhit sa kaniyang maputlang pisngi?
Ay, dahil sa kasumpa-sumpang pangakong ito, idaragdag ko ang krimen na buktot
na pagpaslang sa pinakamaitim na pusong maaaring maisip. Kung tatalikuran ko
ang nakatakdang pakikipagtipang magaganap ngayong gabi…. Hindi,
ipinagbabawal iyon ng aking pangako. Lagpas ito sa kaya kong batahin. Isa pa,
natatakot ako sa kaniyang paghihiganti. Totoong-totoo ito. Pero may iba pang nag-
uudyok sa akin na gawin iyon. Ano ito? Ano ang malaking kapangyarihang iyon
na nagbubunsod sa akin, sa duwag na “ako”, para patayin ang isang inosenteng
lalaki? Hindi ko masasabi. Hindi ko masasabi. Pero posibleng… Hindi, hindi

5 LU_Q2_Filipino9_Module5
maaari. Pinandidirihan ko siya. Kinatatakutan ko siya. Kinasusuklaman ko siya.
Pero gayonpaman, maaari ding dahil mahal ko siya.
Si Morito, na patuloy sa paglalakad, ay hindi na nagsalita pa. Ang pag-awit
ng isang balada ay pumailanlang sa gabi. Ang isipan ng tao ay nasa dilim, walang
ilaw na makapagbigay-liwanag. Nagsisindi ito ng apoy ng makamundong
paghahangad, Upang humayo at lumitaw, sa loob lang ng isang iglap.

IKALAWANG BAHAGI: MONOLOGO NI KESA


Gabi, sa ilalim ng isang lampara, nakatayo si Kesa, nakatalikod sa ilawan,
nag-iisip nang malalim at kagat-kagat ang manggas ng kaniyang kimono.
Darating ba siya o hindi, ewan ko. Imposibleng hindi. Lumulubog na ang
buwan, pero walang marinig kahit isang yabag, kaya maaaring nagbago ang isip
niya. Kapag hindi siya dumating… Araw-araw akong mabubuhay sa kahihiyan,
tulad sa isang puta. Paano ako nalubog sa kahihiyan at kasamaan. Mawawalan
ako ng dangal at tatapak-tapakan na lang, sa pagkakabilad ng kahihiyan ko.
Gayonma’y kakailanganin kong manahimik na parang pipi. Kapag nagkagayon ay
dadalhin ko hanggang kabila ng libingan ang aking pagsisisi. Sigurado akong
darating siya. Mula noong nakaraang araw, iyon na ang aking pananalig.
Natatakot siya sa akin. Kinasusuklaman niya ako’t pinandidirihan, gayonpama’y
natatakot siya sa akin. Talaga, kung ang aasahan ko lang ay ang sarili ko, hindi
ako makasisiguro sa kaniya. Pero umaasa ako sa kaniya. Umaasa ako sa kaniyang
pagkamakasarili. Umaasa ako sa buktot na takot na pinipukaw ng
pagkamakasarili sa kaniya.
Pero ngayong hindi ko na magawang umasa sa sarili ko, napakahamak ko
nang nilalang! Hanggang noong tatlong taon na ang nakararaan ay may tiwala ako
sa aking sarili, at higit sa lahat, sa aking kagandahan. Mas matapat kung
sasabihin nating “hanggang noong araw na iyon” kaysa “noong tatlong taon na
nakararaan”. Noong araw na iyong makita ko siya sa silid ng bahay ng aking tiya,
isang sulyap sa kaniyang mga mata at nakita ko ang aking kapangitang
nasasalamin sa kaniyang isip. Kinausap niya ako nang masuyo at mapagmahal,
na akala mo’y walang problema. Pero paano pa maaaliw ang puso ng isang babae
sa sandaling matuklasan niya ang kapangitan ng kaniyang pagkatao? Nagimbal
ako, nayanig, nagdalamhati. Di-hamak na mabuti pa ang nakasisindak na
pagkabalisang dala ng paglalaho ng buwan na nakita ko sa aking kamusmusan
sa mga bisig ng aking tagapag-alaga, kung ihahambing sa malamultong
pagkalunos na nagpakulimlim sa isipan ko nang mga sandaling iyon.
Naglahong lahat ng pangarap at pangitain sa aking puso. Ang kalungkutan
ng isang maunos na madaling-araw ay tahimik na bumalot sa akin. Ngatal sa
kalungkutan, sa huli ay isinuko ko ang aking katawan, na para na ring patay, sa
mga bisig ng lalaking hindi ko iniibig – sa mga bisig ng isang makamundong
lalaking nasusuklam at nandidiri sa akin. Hindi ko na ba makakaya ang aking
kalungkutan mula nang buong linaw na maipamukha sa akin ang aking
kapangitan? Sinikap ko bang mailibing ang lahat sa hibang na sandaling iyon na
sumubsob ako sa kaniyang dibdib? O itinutulak din ako ng kahiya-hiyang
paghahangad lang na gaya rin niya? Maisip ko lang iyon ay nilulukob na ako ng
kahihiyan! Kahihiyan! Kahihiyan! Lalo na noong ilayo ko na ang aking sarili sa
kaniyang mga bisig, hiyang-hiya ako.
Ang pagkainis at kalungkutan ay naghatid ng walang katapusang luha sa
aking mga mata sa kabila ng pagsisikap kong huwag umiyak. Hindi lamang ako
nagdadalamhati sapagkat nawalan ako ng dangal, higit sa lahat ay nahihirapan
ako’t nagdurusa dahil ako’y pinabdidirihang tulad sa isang asong ketonging
kinasusuklaman at pinarurusahan. Ano ang aking nagawa mula noon? Ang
mayroon lang ako’y ang pinakamalabong alaala niyon na para bang isa iyong

6 LU_Q2_Filipino9_Module5
bagay sa malayong nakalipas. Natatandaan ko lang ang kaniyang mahabang tinig
na bumubulong, “Patayin natin si Wataru”, at dumampi sa aking tainga ang
kaniyang bigote habang ako’y humihikbi. Pagkarinig sa mga salitang ito,
kakatwang nakadama ako ng sigla. Oo, sumigla ako’t lumiwanag na tulad ng sinag
ng buwan, kung ang sinag ng buwan ay matatawag na maliwanag. Bakit hindi,
hindi ba ako inaliw ng mga salitang ito? Ay, hindi ba ako – hindi ba ang isang
babae’y isang nilalang na nakadarama ng kaligayahan sa pag-ibig ng isang lalaki
sukdulang patayin niya ang sarili niyang asawa?
Nagpatuloy ako sa pagluha sa loob nang may malungkot at masiglang
pakiramdam na tulad sa sinag ng buwan. Kailan ako nangakong makipagtulungan
sa pagpaslang sa aking asawa? Noon lamang pumasok sa isip ko ang aking asawa.
Matapat kong sinasabing “noon lang”. Hanggang sa mga oras na iyon, ang isip ko’y
buong-buong nakatuon sa aking sarili at sa aking kahihiyan. Pagkaraa’y nakita
ko ang larawan ng nakangiting mukha ng aking asawa. Malamang na nang
sandaling maalala ko ang kaniyang mukha, gumuhit sa isip ko ang plano. Nang
mga sandaling iyon ay disidido na akong mamatay, at ikinagagalak ko ang aking
desisyon. Pero nang huminto na ako sa pag-iyak, nang magtaas ako ng mukha, at
tumingala sa kaniyang mukha para matagpuan ang kapangitan kong nasasalamin
doon, dama ko’y naglahong lahat ang aking kaligayahan. Ipinagunita nito sa akin
ang kadiliman ng paglalaho ng buwan na nakita ko kasama ang aking tagapag-
alaga. Iyon, tulad ng nangyari, ay iglap na nagpalaya sa lahat ng masamang
ispiritung nagtatago sa ilalim ng aking kaligayahan. Dahil nga ba sa pagmamahal
ko sa aking asawa kaya mamamatay ako para sa kaniya? Hindi, kundi dahil lang
sa resonableng pangangatuwirang ito, ibig kong pagbayaran ang pagkakasala
kong pakikipagtalik sa iba. Dahil walang tapang na magpakamatay, nasa akin ang
buktot na hangaring makapag-iwan ng magandang impresyon sa mga tao. Ang
kabuktutan kong ito ay maaari na rin sigurong palampasin. Sa ilalim ng
pagkukunwaring mamamatay ako sa aking asawa, hindi ba ako nagpaplanong
ipaghiganti ang aking sarili laban sa pagkamuhi sa akin ng aking kalaguyo, sa
kaniyang pandidiri sa akin, sa kaniyang buhong na pagnanasa? Pinatutunayan
ito ng isang sulyap sa kaniyang mukha na pumawi ng mahiwagang kislap na tulad
sa mapulang liwanag ng buwan, at nagpalamig sa aking puso sa matinding
pagdadalamhati. Mamamatay ako, hindi para sa aking asawa kundi para sa aking
sarili. Mamamatay ako, para parusahan ang aking kalaguyo sa pananakit niya sa
aking puso at para sa aking hinanakit sa pagdungis niya sa aking katawan. Ay,
hindi lang ako ang walang karapatang mabuhay kundi wala ring karapatang
mamatay.
Pero ngayon, gaano kainam pang mamatay na lang kahit sa pinakakahiya-
hiyang paraan, kaysa mabuhay. Nakangiti nang pilit, paulit-ulit kong ipinangako
na papatayin namin ang aking asawa. Dahil matalas ang pakiramdam niya,
marahil ay natunugan niya sa mga salita ko kung ano ang mangyayari kapag hindi
niya tinupad ang kaniyang pangako. Kaya mukhang imposible na pagkatapos
niyang mangako ng ganoon ay aatrasan niya iyon. Tunog ba iyon ng hangin?
Kapag naiisip ko na ang mga dinaramdam ko mula noong araw na iyon ay
matatapos na sa wakas ngayong gabi, nakakahinga ako. Tiyak na ang bukas ay
maghuhunos ng kaniyang malamig na liwanag sa aking katawang walang ulo.
Kapag nakita iyon ng aking asawa, siya’y… hindi, hindi ko siya iisip. Mahal ako
ng aking asawa. Pero wala akong lakas na gantihan ang kaniyang pag-ibig. Isang
lalaki lang ang maaari kong mahalin. At ang lalaki iyon ay darating ngayong gabi
para patayin ako. Kahit ang gaserang ito’y napakaliwanag para sa akin, akong
pinahihirapan ng aking mangingibig. Hinipan ni Kesa ang ilawan. Hindi nagtagal
at narinig ang mahinang tunog ng isang nabuksang kandado, at bumaha sa loob
ang maputlang sinag ng buwan.

7 LU_Q2_Filipino9_Module5
Gawain 2: Paglinang ng Talasalitaan
Panuto: Basahing maigi ang bawat pangungusap. Tukuyin ang kasingkahulugan ng
mga salitang nakasalungguhit. Piliin sa kahon ang tamang sagot at isulat
ang letra sa iyong sagutang papel.

_____ 1. Inisip niya ang karumal-dumal na gagawing pagpaslang sa asawa ng


kaniyang kalaguyo.
_____ 2. Matinding pagkamuhi ang naramdaman niya sa sarili at sa kalaguyo
nang sila ay magtaksil.
_____ 3. Hindi ako mapanatag sa pag-uuyam ng aking konsensiya dahil sa
aking kasalanan.
_____ 4. Posible ring ang masimbuyo kong pag-ibig ang nagtutulak sa aking
sambahin si Kesa.
_____ 5. Walang pag-aalinlangan, ako’y lubos na nagkasala sa kaniyang asawa.
_____ 6. Gumimbal sa akin ang sarili kong pahayag na pagpaslang sa kaniyang
kabiyak.
_____ 7. Nais kong makapagkanlong sa mga pagngingitngit ko sa kaniyang
kataksilan.
_____ 8. Ang mga takot ko’y mahigpit na dumaklot sa akin.
_____ 9. Ayaw kong ituloy ang masamang balak subalit malakas ang puwersang
nag-uudyok sa aking gawin ito.
_____ 10. Hirap akong isagawa ang buktot naming plano laban sa inosenteng
kalaban.

A. masama E. nagtutulak I. makapagtago


B. panghahamak F. pagkasuklam J. karima-rimarim
C. maapoy G. yumanig K. pagmamahal
D. pagdadalawang-isip H. bumalot

Gawain 3: Sagutin Mo!


Panuto: Sagutin ang sumusunod na mga tanong sa sagutang papel.

1. Sino-sino ang nagkukuwento sa akda?

2. Ano ang naging ugnayan nila sa isa’t isa?

3. Hanggang saan humantong ang kanilang usapan?

4. Ano-anong damdamin ang naglalaban sa isip at puso ni Morito?


a. noong una niyang makilala si Kesa; at
b. nang makita niyang muli si Kesa

5. Ano ang iyong masasabi sa bawal na ugnayan nina Kesa at Morito at sa


planong pagpaslang kay Wataru?

6. Ano ang naging motibo ni Morito sa maitim niyang balak kay Wataru?

7. Bakit kaya pagkatapos ng ilang taon ay mabilis na nagbago ang pisikal na


anyo ni Kesa? Bakit napabuyong magtaksil siya sa asawa?

8 LU_Q2_Filipino9_Module5
8. Paano nawakasan ang relasyon ng magkalaguyo at ng mag-asawa? Anong
kultura ng bansang Japan ang makikita rito?

9. Paano maiiwasan ang ganitong suliranin ng mag-asawa? Paano maibabalik


ang nasirang relasyon ng mag-asawa?

10. Anong bisa sa isip at damdamin ang ikinikintal ng may-akda sa mambabasa?

Mahusay mahal kong mag-aaral. Matagumpay mong nasagutan ang mga


gawain. Ipagpatuloy pa ang pagsagot sa iba pang gawaing lilinang sa iyong pag-
unawa sa akda at kultura ng Japan.

Galugarin

Gawain 4: Pagtukoy sa Tiyak na Pangyayari


Panuto: Basahin ang mga pahayag na nagtataglay ng imahen o simbolo sa bawat
bilang. Ibigay ang patunay o pagpapakahulugan sa pamamagitan ng
paglalahad ng mga pangyayari mula sa akda. Isulat ang sagot sa sagutang
papel.

1. Naiba ang damdamin ni Morito kay Kesa sa muli nilang pagkikita.


2. Hinangaan ni Morito ang laki ng pag-ibig ni Wataru sa asawang si Kesa
3. Ikinahihiya ni Kesa ang ginawa niyang pagtataksil sa asawa.
4. Mababahiran ng dugo ang kamay ni Morito.
5. Gustong pagbayaran ni Kesa ang kasalanang ginawa sa asawa – mamamatay
si Kesa.

Gawain 5: Kung Sakali Lang


Panuto: Kahit saang nasyon ay may mga pamilyang nawawasak dahil sa tukso.
Bilang isang mamamayang may moral, alam mong kasalanan ang
pakikiapid. Sagutin ang sumusunod na mga sitwasyong magpapatunay ng
mabuting pamantayang moral sa sagutang papel.

1. Ipagpalagay na may asawa ka na at mga anak. Naramdaman mong


nanlalamig sa pakikitungo sa iyo ang iyong asawa. Ano ang gagawin mo?

2. Inamin niyang nagkamali siya at nangakong ‘di na muling magpapatukso.


Ano ang gagawin mo?

3. Ipagpalagay na isa kang pari, ministro, pastor o kaibigan. Paano mo


papayuhan ang isang taong humihingi ng iyong tulong dahil sa pagtataksil sa
asawa
4. Sa iyong palagay, ano-ano ang mabisang paraan upang mapanatiling buo at
maganda ang samahan ng mag-asawa?

5. Para sa iyo, sagot ba ang pagpapakamatay bilang solusyon sa paglutas ng


problema at makaiwas sa kahihiyan? Ipaliwanag ang sagot.

9 LU_Q2_Filipino9_Module5
Gawain 6: Nood-kultura sa Silangang Asya
Panuto: Ang Silangang Asya ay kilala sa mga sikat na palabas hindi lamang sa
kanilang rehiyon, maging sa buong mundo. Ang Japan ay kilala sa Animé,
samantalang ang South Korea, China at Taiwan ay kilala sa mga Drama.
Panoorin ang sumusunod na video clips sa link mula sa piling bansa sa
Silangang Asya saka paghambingin ang kulturang napanood mula rito.
Gayahin ang pormat at isulat ang sagot sa sagutang papel. Para sa mga
walang access sa internet, maaaring pumili ng ibang animé o kdrama na
napanood na.

Palabas Pagkakatulad Pagkakaiba


Kimi No Na Wa (Your Name)
Mula sa Japan
https://www.youtube.com/watch?v=r-nIsWEs7Rk

Mr. Queen
Mula sa South Korea
https://www.facebook.com/watch/?v=264265695137755

Napakahusay mo! Nagtagumpay ka sa paggawa ng mga gawain at batid kong


marami kang natutuhang kaalaman sa napag-aralang aralin. Ngayon, mas linangin
mo pa ang iyong pagkatuto sa pamamagitan ng pagsasagawa ng inaasahang awtput
sa modyul na ito.

Palalimin

Gawain 7: Kabiyak ng Dibdib, Akrostik


Panuto: Bawat isa sa atin ay naghahangad ng isang buo at maligayang pamilya
pagdating ng tamang panahon. May mga pamantayan ka sa pagpili ng iyong
magiging kabiyak ng dibdib upang matiyak na hindi masisira ang iyong
pamilya. Gawin ang akrostik sa sagutang papel upang maisa-isa ang
katangian ng gusto mo sa iyong pakakasalan balang araw.
K – ___________________________________________________________________________
A – ___________________________________________________________________________
B – ___________________________________________________________________________
I – ___________________________________________________________________________
Y – ___________________________________________________________________________
A – ___________________________________________________________________________
K – ___________________________________________________________________________

N – ___________________________________________________________________________
G – ___________________________________________________________________________

D – ___________________________________________________________________________
I – ___________________________________________________________________________
B – ___________________________________________________________________________
D – ___________________________________________________________________________
I – ___________________________________________________________________________
B – ___________________________________________________________________________
10 LU_Q2_Filipino9_Module5
Gawain 8: Sariling Kultura, Isalaysay Mo
Panuto: Sumulat ng isang salaysay na naglalarawan sa sariling kultura ng mga
Pilipino tungkol sa pagsasamang pampamilya o mag-asawa. Isulat ang sagot
sa sagutang papel. Maging gabay ang rubrik sa pagtataya ng awtput.

Rubrik sa Pagtataya ng Awtput


Krayterya Napakahusay Papaunlad Nangangailangan
(20) (14) ng gabay (7)
Nilalaman Natumbok nangNakasulat ng ilang Hindi natumbok
buong husay ang pahayag na ang paksa maging
paksa maging ang tumumbok sa paksa ang
pangkalahatang temamaging ang pangkalahatang
ng salaysay. pangkalahatang tema ng salaysay.
tema ng salaysay.
Paglalarawan Nakagamit nang Nakagamit ng ilang Hindi nakagamit ng
buong husay ng mga mga salitang mga salitang
salitang naglalarawan naglalarawan
naglalarawan.
Gramatika Mahusay na nailapat Nailapat ang Hindi nailapat ang
ang wastong wastong gramatika wastong gramatika
gramatika sa sa kabuoan ng sa salaysay.
kabuoan ng salaysay. salaysay nang may
kakaunting
kamalian.

11 LU_Q2_Filipino9_Module5
Sukatin

Mahusay! Binabati kita dahil nakaabot ka sa bahaging ito. Tiyak na marami


kang natutuhan sa iba’t ibang mga aralin sa modyul na ito. Ngayon, tatayahin mo ang
iyong kaalaman sa nakalipas na aralin.

PANGWAKAS NA PAGTATAYA
A. Panuto: Basahin at unawain mo ang sumusunod na tanong. Isulat sa iyong
sagutang papel ang letra ng tamang sagot.

_____ 1. Sino ang may-akda ng maikling kuwentong Si Kesa at Si Morito?


A. Mauro Avena B. Lualhati Bautista
C. Pin Yathay D. Ryunosure Akutagawa

_____ 2. Ano ang binabalak nina Kesa at Morito kay Wataru?


A. maging masaya B. ihulog sa tulay
C. patayin D. magkautang

_____ 3. Anong damdamin ang napaloloob sa pahayag ni Morito na “Papatayin


ko ang lalaking ‘di ko kinamumuhian”?

A. pagkagalit B. pagkamuhi
C. kalungkutan D. panghihinayang

_____ 4. Ano ang nangingibabaw na damdamin sa akda?


A. pag-ibig B. kalungkutan
C. pagkaapi D. pagkaawa

_____ 5. Ilang taon ang lumipas bago muling nagkita sina Kesa at Morito?
A. 2 taon B. 3 taon
C. 4 taon D. 10 taon

_____ 6. Ano lamang ang hindi nagbago kay Kesa makalipas ang ilang taon?
A. ilong B. mata
C. bibig D. dibdib

_____ 7. Anong kahinaan ang ipinakita o ipinamalas ni Kesa sa akda?


A. mahina sa tukso
B. mahina sa tawag ng laman
C. mahina sa paglutas ng suliranin
D. lahat ng nasa itaas

_____ 8. “Sa huli’y isinuko ko ang aking katawan, na para ring patay, sa mga
bisig ng isang lalaking hindi ko inibig.” Anong uri ng pagkatao mayroon
si Kesa batay sa pahayag?
A. marupok B. mahinahon
C. mapagbigay D. mapusok

12 LU_Q2_Filipino9_Module5
_____ 9. Paano mapag-iingatan ang dangal ng isang babaeng may-asawa?
A. asikasuhin ang mga gawaing bahay
B. ikulong ang sarili sa loob ng bahay
C. dumalo sa mga sosyalan upang ‘di mainip sa bahay
D. makipag-textmate at huwag na lang lumabas ng bahay

_____ 10. Anong aral o kaisipan ang makukuha sa akda?


A. kung saan ka maligaya iyon ang dapat mong gawin
B. ingatan ang pisikal na anyo upang mapanatili ang kasariwaan
C. makasampung beses mo munang isipin bago gawin ang isang
bagay
D. wala sa nabanggit

B. Panuto: Basahing mabuti ang bawat pangungusap. Sa sagutang papel, isulat


ang FACT kung ito ay nagpapahayag ng tamang kaisipan at BLUFF
naman kung mali.

_____ 1. Kung ako si Kesa, iiwan ko na ang aking asawa at sasama na ako nang
tuluyan kay Morito.
_____ 2. Kung ako si Morito, kalilimutan ko na ang usapan namin ni Kesa at
lalayo na lang ako.
_____ 3. Kung ako si Wataru, bibigyan ko ng isa pang pagkakataon si Kesa sa
pangakong ‘di na mauulit ang pagkakamali.
_____ 4. Kung ako si Wataru, palalayasin ko na si Kesa at uunahang patayin si
Morito.
_____ 5. Kung ako si Kesa, ipagtatapat ko ang lahat sa aking asawa at hihingi
ako ng tawad sa aking pagkakamali.

Ang galing-galing mo! Binabati kita sa


matiyaga mong pag-unawa sa maikling
kuwentong sumasalamin sa mga isyung
pampamilya at panlipunan. Nawa’y
maitanim sa iyong isipan ang kahalagahan
ng paggawa ng tama kaysa sa mali at ang
esensya ng pagkakaroon ng masayang
pamilya balang araw. Ihanda mo ngayon ang
iyong sarili sa kasunod na modyul – Modyul
6: Dula mula sa Mongolia.

13 LU_Q2_Filipino9_Module5
LU_Q2_Filipino9_Module5 14
ARALIN 5 (Panitikan: Si Kesa at Si Morito ni Ryunosuke Akutagawa)
SIMULAN
Gawain 1: Puso, Buoin Mo! Iba-iba ang sagot.
LAKBAYIN
Gawain 2: Paglinang ng Talasalitaan Iba-iba ang sagot.
1. J 6. G
2. F 7. I
3. B 8. H
4. C 9. E
5. D 10. A
Gawain 3: Sagutin Mo! Iba-iba ang sagot.
GALUGARIN
Gawain 4: Pagtukoy sa Tiyak na Pangyayari Iba-iba ang sagot.
Gawain 5: Kung Sakali Lang Iba-iba ang sagot.
Gawain 6: Nood-kultura sa Silangang Asya Iba-iba ang sagot.
PALALIMIN
Gawain 7: Kabiyak ng Dibdib, Akrostik Iba-iba ang sagot.
Gawain 8: Sariling Kultura, Isalaysay Mo Iba-iba ang sagot.
SUKATIN
PANGWAKAS NA PAGTATAYA
A. B.
1. D 6. B 1. BLUFF
2. C 7. D 2. FACT
3. D 8. A 3. FACT
4. B 9. A 4. BLUFF
5. B 10. C 5. FACT
Susi sa Pagwawasto
Sanggunian
Department of Education – Curriculum and Instruction Strand (2020). Most
Essential Learning Competencies. p. 239-240

Marasigan, E. V., et. al (2013). Pluma IV (Ikalawang Edisyon). Quezon City: Phoenix
Publishing House, Inc. pp. 170-185

Project EASE Philippines (2010). Filipino Modyul 7 Pagsusuri ng Akda Batay sa


Teoryang Feminismo. Pasig City: Department of Education, Bureau of Secondary
Education. Mula sa https://lrmds.deped.gov.ph/

Sanchez, L., et. al (2015). Baybayin: Paglalayag sa Wika at Panitikan Baitang 9.


Quezon City: Rex Printing Company, Inc. pp. 157

Si Kesa at si Morito. Nahango noong Oktubre 3, 2021 mula sa


https://kadipanvalsci.blogspot.com/2010/08/si-kesa-at-si-morito-salin-ni-
lualhati.html.

Kimi No Na Wa (Your Name). Nahango noong Oktubre 5, 2021 mula sa


https://www.youtube.com/watch?v=r-nIsWEs7Rk

Mr. Queen. Nahango noong Oktubre 5, 2021 mula sa


https://www.facebook.com/watch/?v=264265695137755

15 LU_Q2_Filipino9_Module5
Para sa mga katanungan o puna, sumulat o tumawag sa:

Department of Education – SDO La Union


Curriculum Implementation Division
Learning Resource Management Section
Flores St. Catbangen, City of San Fernando, La Union 2500
Telefax: 072-205-0046
Email Address:
launion@deped.gov.ph
lrm.launion@deped.gov.ph

You might also like