You are on page 1of 20

9

Filipino
Ikaapat na Markahan – Modyul 5:
Kasiyahan, Kahirapan at Panlilibak
(Kabanata 23-33 ng Noli Me Tangere)

AIRs - LM
Filipino 9 (Noli Me Tangere sa Puso ng mga Asyano)
Ikaapat na Markahan – Modyul 5: Kasiyahan, Kahirapan at Panlilibak
(Kabanata 23-33 ng Noli Me Tangere)
Unang Edisyon, 2021

Karapatang sipi © 2021


La Union Schools Division
Region I

Ang lahat ng karapatan ay ibinibigay sa may-akda. Anomang paggamit o


pagkuha ng bahagi nang walang pahintulot ay hindi pinapayagan.

Bumuo sa Pagsulat ng Modyul

Manunulat: Krizlle Mary E. Canave, Tubao National High School


Editor: SDO La Union, Learning Resource Quality Assurance Team
Tagaguhit: Ernesto F. Ramos Jr., P II

Tagapamahala:

Atty. Donato D. Balderas, Jr.


Schools Division Superintendent

Vivian Luz S. Pagatpatan, Ph.D


Assistant Schools Division Superintendent

German E. Flora, Ph. D, CID Chief

Virgilio C. Boado, Ph. D, EPS in Charge of LRMS

Luisito V. Libatique, Ph. D, EPS in Charge of Filipino

Michael Jason D. Morales, PDO II

Claire P. Toluyen, Librarian II


Sapulin

Mahal kong mag-aaral, kumusta ka? Batid kong maraming tumatak na


pangyayari at aral sa iyo sa nakaraang modyul at alam ko ring buong husay mong
natapos ang mga gawain. Nawa’y magpatuloy ka lamang sa madibdibang pag-aaral
dahil alam kong nasasabik ka nang ipagpatuloy ang mga kasunod na kabanata.
Kung kaya’t narito akong muli upang gabayan ka sa kasanayan para sa modyul na
ito.
Kabilang sa mapag-aaralan mo sa Modyul 5 ay ang mga mahahalagang
kaganapan sa Kabanata 23-33 ng Noli Me Tangere. Bahagi rin ng pag-aaral ang
pagpapangkat ng mga salita ayon sa antas ng pormalidad nito, gayondin ang
pagsulat ng iskrip para sa isang mock trial. Dagdag pa ay ang pag-aaral natin sa
mga angkop na ekspresiyon sa pagpapahayag ng damdamin at matibay na
paninindigan.

Sa pag-aaral sa modyul na ito, inaasahang matatamo mo ang sumusunod na:


Mga Pinakamahahalagang Kasanayang Pampagkatuto (MELCs):

1. Napapangkat ang mga salita ayon sa antas ng pormalidad ng gamit nito (level
of formality). (F9PT-IVd-58)
2. Nakasusulat ng iskrip ng Mock Trial tungkol sa tunggalian ng mga tauhan sa
akda. (F9PU-IVd-60)
3. Nagagamit ang mga angkop na ekspresiyon sa pagpapahayag ng damdamin
at matibay na paninindigan. (F9WG-IVd-60)

Handa ka na ba mahal kong mag-aaral? Kung oo, tara na’t magsimula na


sa mga gawain at aralin.

1
Aralin Panitikan: Kasiyahan, Kahirapan

5.1 at Panlilibak (Kabanata 23-33 ng


Noli Me Tangere)

Simulan

Bago natin simulan ang malalimang talakayan, alamin muna natin


ang iyong kaalaman sa sumusunod na gawain.
Gawain 1: Alamin Natin!
Panuto: Sagutin ang tanong sa kahon. Gayahin ang pormat nito sa sagutang papel

Paano mo hinaharap ang mga pagsubok mo sa


buhay? Magtala ng dalawa sa bilog.

Gawain 2: Ipaliwanag Mo!


Panuto: Basahin at unawain ang mga tanong. Sagutin ito sa iyong sagutang papel.
1. Ano o sino ang kadalasang sumusubok sa iyong pagkatao?
___________________________________________________________________________
___________________________________________________________________________
2. Paano mo ito nahahanapan ng solusyon?
___________________________________________________________________________
___________________________________________________________________________
3. Ano ang katangiang dapat mong taglayin sa pagharap sa anomang
pagsubok sa buhay mo? Bakit?
___________________________________________________________________________
___________________________________________________________________________

Nagagalak ako’t matagumpay mong nasagutan ang mga gawain!


Magpatuloy ka pa upang mas mapayabong pa ang iyong kaalaman sa paksa.

2
Lakbayin

Oras na upang malaman mo ang mga mahahalagang pangyayari sa


pagpapatuloy ng Kabanata 23-33 ng nobelang ito. Tara na’t basahin at
unawain natin itong mabuti.

Kasiyahan, Kahirapan at Panlilibak


(Kabanata 23-33 ng Noli Me Tangere)
ni Jose P. Rizal

Kabanata 23: Ang Piknik


Madilim-dilim pa nagsigayak na ang mga kabataan, kadalagahan at ilang
matatandang babaeng patungo sa dalawang Bangkang nakahinto sa pasigan. Ang
mga kawaksing babae ay mayroong sunong-sunong na mga bakol na kinalalagyan
ng mga pagkain at pinggan. Ang mga bangka ay nagagayakan ng mga bulaklak,
mga iba’t ibang kulay na kagaya ng gitara, alpa, akurdiyon at tambuli.
Si Maria Clara ay kaagapay ang mga matatalik nitong kaibigan na sina Iday,
Victoria, Sinang at Neneng. Habang naglalakad masaya silang nagkukuwentuhan
at nagbibiruan. Paminsan-minsan ay binabawalan sila ng mga matatandang
babae sa pangunguna ni Tiya Isabel. Pero, sige pa rin ang kanilang kuwentuhan.
Nagtig-isang bangka ang mga dalaga sapagkat lulubog daw ang kanilang
sinasakyan. Maya-maya, nagkaroon naman ng butas ang bangkang sinasakyan
ng mga kalalakihan. Dahil dito, mabilis na lumipat ang ilang kabinataan sa
bangkang sinasakyan ng mga dalagang kanilang pinipintuho. Si Ibarra ay
napatabi kay Maria Clara. Si Albino ay kay Victoria. Tumahimik tuloy ang mga
dalaga sapagkat sila ay inatake ng hiya.
Ang piloto o ang sumasagwan sa dalawang bangka para umusad sa tubig
ay isang binatang may matikas na anyo, matipuno ang pangangatawan, maitim,
mahaba ang buhok at siksik sa laman. Ito ay si Elias. Habang hinihintay na
maluto ang agahan at upang hindi sila mainip, si Maria Clara ay umawit ng
Kundiman. Lahat ay hindi nakaimik. Sinabi ni Andeng na nakahanda na ang
sabaw para sa isisigang na isda. Ang mga nagpipiknik ay nasa may baklad na ni
Kapitan Tiyago. Ang magbibinatang anak ng isang mangingisda ay namandaw sa
baklad. Ngunit, kaliskis man ng isda ay walang nasalok. Si Leon na katipan ni
Iday ang kumuha ng panalok. Isinalok niya ito ngunit, wala ring nahuling isda
dahil may buwayang biglang lumitaw.
Pero pinayapa sila ng ilang mga kalalakihan sa pagsasabing sanay si Elias
na humuli ng buwaya. Ilang saglit lang, nahuli na ni Elias ang buwaya. Pero higit
na malakas ang buwaya, nagagapi si Elias. Dahil dito, kumuha ng isang punyal si
Ibarra at lumundag din sa lawa. Biglang umalimbukay ang pulang tubig.
Lumundag pa ang isang anak ng mangingisda na may tangang gulok. Maya-
maya’y lumitaw si si Elias na nagligtas sa tiyak na kapahamakan ni Ibarra, utang
niya ang kaniyang buhay rito. Natauhan mula sa pagkapatda si Maria Clara nang
lumapit sa kaniya si Ibarra. Nagpatuloy ang mga magkakaibigan sa pangingisda
at nakahuli naman nang marami. Nagpatuloy sila sa gubat na pag-aari ni Ibarra.
Nananghalian sila sa lilim ng mayayabong na punong-kahoy na tumutunghay sa
batisan.
3
Kabanata 24: Sa Kagubatan
Pagkatapos na makapagmisa nang maaga si Padre Salvi, tumuloy ito sa
kumbento upang kumain ng almusal. May inabot na sulat ang kaniyang kawaksi.
Binasa niya ito. Kapagdaka’y nilamutak ang liham at hindi na nag-almusal.
Ipinahanda niya ang kaniyang karwahe at nagpahatid sa piknikan.
Sa may di-kalayuan, pinahinto niya ang karwahe. Pinabalik niya sa
kumbento. Namaybay siya sa mga latian hanggang sa maulinigan niya si Maria
Clara na naghahanap ng pugad ng gansa. Tuwang-tuwa si Pari Salvi sa panonood
sa papalayong mga dalaga. Nais niyang sundan ang mga ito. Pero, ipinasya niyang
hanapin na lamang ang mga kasama nito. Nang punahin ng mga kasama nito
tungkol sa kaniyang galos, sinabi niyang siya ay naligaw.
Pagkaraang makapananghali, napag-usapan nina Padre Salvi ang taong
tumatampalasan kay Padre Damaso na naging dahilan ng pagkakasakit nito. ‘Di
nagtagal, dumating si Sisa. Nakita siya ni Ibarra, kaya kaagad na iniutos na
pakainin ito. Ngunit, mabilis na tumakbo si Sisa. Napunta ang usapan sa
pagkawala nina Crispin at Basilio, mga sakristan ni Padre Salvi. Naging maigting
ang pagtatalo nina Padre Salvi at Don Felipo sapagkat sinabi ng Don na higit pang
mahalaga sa kura ang paghahanap sa nawawalang onsa kaysa sa kaniyang
dalawang sakristan. Si Ibarra nama’y pumagitna na sa dalawa upang hindi na
umabot sa sakitan ang mga ito.
Maya-maya’y nakiumpok si Ibarra sa mga binata at dalagang naglalaro ng
Gulong ng Kapalaran. Itinanong ng binata sa gulong kung may mga katuparan
ang kaniyang binabalak. Ngunit natapat naman ang dais sa sagot na pangarap
lamang, bagay na hindi sinang-ayunan ni Ibarra. Aniya, mayroon na siyang
katibayan at pahintulot sa pagpapatayo ng bahay-paaralan. Hinati ni Ibarra ang
sulat, ang kalahati ay ibinigay kay Maria Clara at ang natitirang kalahati ay kay
Sinang na nagtamo ng pinakamasamang sagot sa kanilang paglalaro. At iniwanan
na ni Ibarra sa paglalaro ang mga kaibigan.
Walang ano-ano’y dumating si Padre Salvi. Walang sabi-sabing hinablot ang
aklat at pinagpunit-punit ito. Malaking kasalanan aniya ang maniwala sa aklat
sapagkat ang mga nilalaman nito’y pawang kasinungalingan. Si Albino nama’y
nainis at sinagot ang kura na mas malaking kasalanan ang kaniyang pakikialam
sa pag-aari ng iba. Kaagad na lumayas ang kura at padabog na bumalik sa
kumbento.
Dumating naman ang apat na sibil at ang sarhento. Hinahanap nila si Elias
na siya umanong tumampalasan kay Padre Damaso. Inusig nila si Ibarra dahil sa
pag-aanyaya at pagkupkop sa masamang tao. Pero, tinugon sila ni Ibarra sa
pagsasabing walang sinoman ang maaring makialam sa mga taong kaniyang
inaanyayahan sa piging kahit na sinoman ang mga taong ito. Ginagulad ng mga
sibil at sarhento ang gubat upang hanapin si Elias na umano’y nagtapon din sa
labak sa alperes. Ni bakas ni Elias ay wala silang nakita. Nagpasyang umalis na
sa gubat ang mga dalaga at binata nang unti-unting lumalaganap ang dilim sa
paligid. Magtatakipsilim na.

Kabanata 25: Sa Tahanan ng Pilosopo


Sa sumunod na araw, nagsadya si Ibarra sa bahay ni Pilosopo Tasyo.
Inabutan niya itong nagsusulat ng heroglipiko sa wikang Filipino. Abala ito, kaya
ninais niyang huwag ng gambalain ang matanda. Pero napuna nito nang siya ay
papanaog na. Pinigilan si Ibarra, sinabi ni Pilosopo Tasyo na ang sinusulat niya ay
hindi mauunawaan ngayon. Ngunit, ang mga susunod na salin-lahi ay
maiintindihan ito sapagkat ang mga ito ay higit na matalino at malamang hindi
nahihimbing sa panahon ng kanilang mga ninuno.
4
Ipinalagay ni Ibarra na siya ay dayuhan sa sariling bayan at higit namang
kilala si Pilosopo Tasyo ng mga tao. Kung kaya’t isinangguni niya ang kaniyang
balak tungkol sa pagpapatayo ng paaralan. Pero sinabi ng matanda na huwag
siyang sangguniin sapagkat itinuturing siyang baliw ng mga tao, at sa halip ay
kaniyang itinuro sa binata ang Kura, ang kapitan ng bayan at ang lahat ng
mayayaman sa bayan.
Ayon pa rin sa kaniya, ang mga taong kaniyang tinutukoy ay magbibigay
ng masasamang payo subalit ang pagsangguni ay hindi nangangahulugan ng
pagsunod. Sundin lamang kunwari ang payo at ipakita ni Ibarrang ang kaniyang
ginagawa ay ayon sa mga pinagsanggunian.
Tinugon ni Ibarra si Pilosopo Tasyo na maganda ang kaniyang payo pero
mahirap gawin sapagkat kinakailangan pang bihisan ng kasinungalingan ang
isang katotohanan. Matindi ang paniniwala ni Ibarrang siya ay tutulungan ng
bayan at pamahalaan.
Nagpatuloy na magkaroon ng tunggalian ng paniniwala sina Pilosopo Tasyo
at Ibarra. Ayon pa rin kay Pilosopo Tasyo ang gobyerno ay kasangkapan lamang
ng simbahan. Na ito ay matatag sapagkat nakasandig sa pader ng kumbento at ito
ay kusang babagsak sa sandaling iwan ng simbahan. Ito ay hindi naghihirap tulad
ng sa isang bansa sapagkat dati-rati, tinatangkilik tayo ng relihiyon at ng
pamahalaan.
Pero, sinabi naman ni Pilosopo Tasyo na pipi ang bayan kaya hindi
dumaraing. Katunayan aniya darating ang panahong magliliwanag ang kadiliman
at ang mga tinimping buntong-hininga’y magsisiklab. Ang bayan ay maniningil ng
pautang at sa gayo’y isusulat sa dugo ang kaniyang kasaysayan. Inimungkahi ng
matanda na habang buhay sa alaala ng binata ang sinapit ng kaniyang ama ay
limutin muna niya ang tungkol sa kaniyang balak na pagpapatayo ng paaralan.
Kinakailangang gumawa na lamang siya ng ibang paraan na ikagagaling ng
kaniyang mga kababayan.
Naunawaan ni Ibarra ang payo ng matanda, pero kailangang gawin niya
ang naipangakong handog sa kasintahang si Maria Clara. Humingi pa si Ibarra ng
payo kay Pilosopo Tasyo. Isinama ng matanda ang binata sa may tabi ng bintana.
Itinuro ni Pilosopo Tasyo kay Ibarra ang isang rosas na sa dami ng bulaklak ay
yumuyuko sa lakas ng hangin. Kung ito ay magpapakatigas ng tayo, ang tangkay
niya ay tiyak na mababali. Ang sinunod niyang itinuro ay matayog na puno ng
makopa.
Dati-rati aniya, ay isang maliit na puno ang itinanim. Ito ay tinukuran niya
ng mga patpat hanggang sa kumapit ang mga ugat nito sa lupa. Kung ang puno
ay itinanim niya ito ng malaki ay hindi mabubuhay sapagkat ibubuwal ng hangin.
Ito ay ipinaparis niya kay Ibarra na parang isang punong inilipat sa isang lupaing
mabato mula sa Europa. Kaya, kailangan nito ang sandalan.
Isa pa, hindi karuwagan ang pagyuko sa dumarating na punlo. Ang
masama ay sumalubong sa punlong iyon, upang hindi na muling makabangon.
Tinanong ng binata kung malilimot ng kura ang ginawa niya. Nag-aalala na baka
pakitang-tao lamang ang pagtulong sa kaniya dahil ang pagtuturo ay magiging
kaagaw ng kumbento sa kayamanan ng bayan.
Binigyan-diin ni Pilosopo Tasyo na hindi man magtatagumpay si Ibarra, ito
ay maroon ding mapapala sapagkat tiyak na may lalabas na bagong pananim mula
sa mga itinanim nito. At ang binata ay magsisilbing isang mabuting halimbawa sa
ibang natatakot lang magsimula. Kinamayan ni Ibarra si Pilosopo Tasyo at
sinabing kakausapin niya ang kura na marahil ay hindi naman katulad ng umusig
sa kaniyang ama. Ipakikiusap din niya sa kura na tangkilikin ang kaawa-awang
balo at ang mga anak. Ilang saglit pa, tuluyang umalis na si Ibarra.

5
Kabanata 26: Ang Bisperas ng Pista
Tuwing ika-sampu ng Nobyembre ay bisperas ng pista sa San Diego. Handa
na ang lahat sa bisperas pa lamang kaya nakagayak na ang kani-kanilang mga
bahay ng pinakagarbong palamuti, kurtina at iba’t ibang dekorasyon pati na mga
minana at antigong kagamitan.
Punong-puno ng iba’t ibang masasarap na putahe ang hapag kainan ng
mga mayayaman. Nariyan ang mga kakanin, panghimagas at mga inangkat na
mamahaling mga alak mula pa sa Europa. Para sa lahat ang mga pagkain dito
upang kahit na mga taga ibang bayan ay maging masaya rin sa kapistahan.
Panay rin ang pagpapaputok ng mga kuwitis, batingaw ng kampana at
tugtugan ng mga banda ng musiko. Ang mga matataong lugar kabilang na ang
plasa ng San Diego ay pinalamutian ng arkong kawayan. Nilagyan din ng tolda
ang harapan ng simbahan para sa prusisyon. May nakalaan ding tanghalan para
sa komedya at iba pang palatuntunan.
Sina Kapitan Tiyago, Kapitan Joaquin, ang intsik na si Carlos at iba pang
mayayaman sa bayan ng San Diego ay may partisipasyon din sa kasayahan.
Nakalaan namang magmisa si Padre Damaso sa umaga. Iginayak na rin ng mga
magsasaka at mahihirap ang kanilang mga pinakamainam na ani upang ihandog
sa mga may-ari ng kanilang bukirin.
Samantala, tinatapos na ang bahay-paaralan na pinapagawa ni Ibarra
malapit sa kaniyang tahanan sa pamamatnubay ni Nol Juan. Ang lahat ng gastos
ay sagot ni Ibarra. Magalang namang tinanggihan ng binata ang alok na tulong ng
mga mayayaman at ng pari sa kaniya. Katumbas ng mga paaralan sa Europa ang
bahay-paaralan na ipinapatayo ni Ibarra kung saan hiwalay ang mga babae sa
lalaki. Mayroong lugar para sa pagtatanim ng puno at gulay pati na rin bodega.
May silid pang-disiplina din para sa mga batang mag-aaral. Sa ginawang ito ni
Ibarra ay maraming humanga sa kaniya ngunit sa kabilang banda nama’y marami
din ang kaniyang naging palihim na mga kaaway.

Kabanata 27: Sa Pagtatakipsilim


Sinasadya talagang higitan ni Kapitan Tiyago ang paghahanda sa
kapistahan dahil ikinatutuwa niya ang mabangong pagtanggap ng mga tao kay
Ibarra na kaniyang mamanugangin. Hindi lingid sa kaalaman ng Kapitan na
tanyag na tanyag ang binata sa Maynila kaya sinasamantala niya ang mga
ganitong pagkakataon upang kasama siyang mapuri sa mga pahayagan.
Sari-saring pagkain at inumin mula pa sa ibang bansa ang handa ni
Kapitan Tiyago. Si Maria Clara nama’y pinasalubungan niya ng isang agnos na
may brilyante at esmeralda at kapirasong kahoy na mula sa bangka ni San Pedro.
Bandang hapon na nang magkita sina Ibarra at Kapitan Tiyago. Si Maria Clara
nama’y nagpaalam na mamasyal kasama ang mga kaibigan nitong dalaga. Niyaya
ng mga ito si Ibarra at pinaunlakan naman ng binata ang paanyaya. Ang Kapitan
nama’y inanyayahan din si Ibarra na doon na sa kanila maghapunan dahil
darating daw si Padre Damaso ngunit magalang naman itong tinanggihan ng
binata.
Pumanaog na ng bahay si Ibarra kasunod ang mga dalaga. Si Maria Clara
ay napagitna kina Iday at Victoria at naglalakad siyang kasunod si Tiya Isabel.
Napadaan sila kina Sinang, kanila rin itong niyaya at kaagad namang sumama sa
kanila. Tuwang-tuwa si Maria sapagkat nakadama siya ng kalayaan sa labas ng
kumbento. Sa liwasang bayan ay sinalubong sila ng isang ketonging nakasalakot
at umaawit sa saliw ng kaniyang gitara. Siya ay pinandidirihan at nilalayuan ng
lahat ng tao. Si Maria’y naawa sa kaniya kaya ibinigay niya ang iniregalo ng ama
sa kabila ng pagtataka ng mga kaibigan. Lumapit naman si Sisa at kinausap ang
6
ketongin. Kaniyang itinuro ang kampanaryo at sinabing nandoon daw ang mga
anak nito. Umalis ng pakanta-kanta si Sisa samantalang ang ketongin nama’y
umalis na rin dala ang bigay sa kaniya ni Maria Clara. Napag-isip-isip ni Maria
Clarang marami palang mga mahihirap at kapus-palad at iyon ay naging lingid sa
kaniyang kaalaman.

Kabanata 28: Sulatan


Inilathala sa isang malaganap na pahayagan sa Maynila ang tungkol sa
pista. Ginawa ito upang malaman ng banyaga na interesadong mabatid ang mga
pamamaraan ng pagdaraos ng pista ng mga Pilipino. Nabalita rin ang mga pari at
ang komedyang naganap sa bayan pati na ang mga mahuhusay nitong mga
artista. Ang mga Kastila lamang ang nasiyahan sa komedya dahil ito ay idinaos sa
wikang Kastila. Nasiyahan naman ang mga Pilipino sa komedyang tagalog.
Samatala, si Ibarra’y walang dinaluhan sa mga palabas na iyon. Ang hindi pagdalo
ni Ibarra naman ay ipinagtaka ng lahat.
Alas onse ng umaga, kinabukasan, idinaos ang prusisyon ng birhen de la
Paz. Dumaan ito sa paligid ng simbahan, na kasama ang karong pilak nina Santo
Domingo at San Diego. Isinunod naman kaagad ang misa kantada sa saliw ng
orkestra at awit ng mga artista. Sayang-saya ang lahat sa sermon ni Padre Manuel
Martin. Nagkaroon din ng sayawan at ang pinakamaringal ay ang pagsayaw ni
Kapitan Tiyago at Maria Clara. Ang nakita kay Maria na nakasuot mestisa at
nagniningning sa brilyante ay humanga sa ganda. Isang liham naman ni Kapitan
Aristorenas kay Luis Chiquito ang nag-anyaya na ito’y dumalo sa pista upang
makipasya at makipaglaro ng monte sa mga batikang tahur na sina Kapitan
Tiyago, Padre Damaso, Kapitan Juaquin, Kabesang Manuel at ang konsul.
Samantala, Tumanggap din ng liham si Ibarra na dinala ni Andeng. Anang liham:
Crisostomo: Ilang araw na nang hindi tayo nagkita. Ikaw raw ay may sakit,
kaya’t ipinagdasal kita at ipinagtulos ng kandila kahit sinabi ni itay na hindi naman
malubha. Kagabi, pinilit nila akong tumugtog at sumayaw kaya nayamot ako. May
ganyan pa lang mga tao. Kung hindi lang talaga ako kuwinentuhan ni Padre
Damaso ay talagang iiwan ko sila. Ipaabot mo sa akin ang kaniyang kalagayan at
ipadadalaw kita kay Itay. Ipaubaya mo na kay Andeng ang paglalagay ng iyong
tsa, mahusay siya kaysa sa iyong katulong. Maria Clara:
Habol: Ako’y dalawin mo bukas, upang dumalo ako sa paglalagay ng unang
bato sa paaralan. Paalam

Kabanata 29: Ang Kapistahan


Handa na ang mga banda ng musiko umaga pa lang upang magbigay saya
at salubungin ang kapistahan. Isinabay pa ang tunog ng kampana at mga siklab
at pasabog ng paputok. Samantalang ang mga tao sa bayan ay nagising na at
nagsigayak para makiisa. Suot nila ang kanilang pinakamainan na kasuotan at
mga alahas. Hinatak nila ang mga tao upang tikman ang masasarap na pagkaing
kanilang hinanda.
Hindi naman sang-ayon dito si Pilosopo Tasyo. Aniya, paglulustay lamang
ng salapi at pagpapakitang-tao lamang ang pagsasaya sa araw na ito. Mas marami
umano ang may kabuluhang dapat pagkagastusan at isama pa riyan ang
maraming hinaing ng bayan na hindi natutugunan. Sang-ayon naman si Don
Filipo sa pananaw ng Pilosopo ngunit wala siyang lakas ng loob para salungatin
ang mga pari.
Naghihintay na ang mga tao sa simbahan pati na rin ang mga tanyag na
tao sa San Diego. Sinadya naman ni Padre Damaso na magkasakit upang higit na
makakuha ng importansya mula sa lahat. Ang taga-pangasiwa ng simbahan ang
7
nag-aalaga sa pari habang siya ay may sakit. Bandang alas-otso ng umaga,
sinimulan ang mahabang prusisyon ng iba’t ibang santo. Sa prusisyon ay makikita
ang pagkakaiba ng antas o diskriminasyon sa lipunan. Kahit na ang mga
nagpuprusisyon ay may mga ginggon. Sa tapat ng bahay ni Kapitan Tiyago natapos
ang prusisyon na inaabangan naman ng ibang mga Kastila pati na rin nina Maria
Clara at Ibarra.

Kabanata 30: Sa Simbahan


Ang simbahan ay dinumog ng mga taong nagsisiksikan sa kabila ng init at
iyakan ng mga bata. Ang misa ay bayad para sa kabanalan ng lahat sa halagang
dalawang daan at limampung piso. Pinaniniwalaan noon na mas mabuti ng
magbayad ng mahal sa misa kaysa sa komedya sapagkat ang misa ay
makapagdadala ng kaluluwa sa langit samantalang impyerno naman sa komedya.
Samantala, hindi sinimulan ang misa hangga’t hindi dumarating ang
alkalde mayor na sinadya namang magpahuli upang higit na mapansin ng lahat.
Nakasuot siya ng limang medalya na sagisag ng kaniyang tungkulin.
Nang dumating ang alkade mayor ay nagsimula ang pagmimisa ni Padre
Damaso. Pumanhik sa pulpito si Padre Damaso at Padre Sibyla. Sinamantala ng
walang pakundangang pari ang paglibak sa nagmisa kahapon na si Padre Manuel
Martin. Siya raw ay higit na mahusay magmisa kaysa Padre Manuel Martin.
Hangga’t ‘di siya natatapos magyabang ay hindi ito nagsimulang magsermon.

Kabanata 31: Ang Sermon


Si Padre Damaso ay nagsimulang magsermon sa wikang Tagalog at Kastila
mula sa isang sipi sa Bibliya. Ang kabuoan ng kaniyang sermon ay tumatalakay
sa kaniyang pagpupuri sa mga banal na santo ng simbahan, ang pagtulad kay
Haring David, ang mapagwaging si Gideon at si Roldan na isang tapat na
mananampalataya.
Ngunit higit sa lahat, kasama sa kaniyang sermon ang panlilibak ng pari sa
mga Pilipino na binigkas niya sa wikang Kastila kaya walang kamalay-malay ang
nakararami sa kahulugan ng kaniyang mga sinasabi. Nagpatutsada rin si Padre
Damaso sa mga taong hindi niya gusto para ipahiya ang mga ito sa karamihan.
Dahil marami sa mga naroon ay walang naiintindihan sa pinagsasasabi ng pari,
hindi na nila napigilang antukin at maghikab, kabilang sa mga ito si Kapitan
Tiyago.
Palihim namang nagsusulyapan sina Maria Clara at Ibarra na kapwa ang
mga mata’y nangungusap. Sa wakas ay sinimulan na rin ni Padre Damaso ang
kaniyang sermon sa wikang Tagalog. Dito’y walang pakundangan niyang tinuligsa
si Ibarra. Bagaman hindi niya pinangalanan kung sino ang kaniyang tinutukoy ay
halata namang si Ibarra ang kaniyang pinatatamaan. Lalo na nang turulin ng pari
ang tungkol sa makasalanang hindi nangungumpisal na namamatay sa
bilangguan na walang sakramento sa simbahan. Hindi rin nakaligtas sa pag-aglahi
ng pari ang mga mistisilyong hambog at mapagmataas, mga binatang salbahe at
pilosopo...ang mga parinig na ito ay nadadama ni Ibarra.
Hindi natuwa si Padre Salvi sa mga nagaganap kaya nagpakuliling na ito,
hudyat para tapusin na ng pari ang kaniyang sermon. Tila walang narinig si Padre
Damaso kaya nagpatuloy lamang ito sa kaniyang walang kuwentang sermon na
umabot pa ng kalahating oras.
Samantala, sa loob ng simbahan ay palihim na nakalapit si Elias kay Ibarra
at binalaan ito na mag-ingat at huwag lalapit sa bato na ibabaon sa hukay
sapagkat maaari niya itong ikamatay. Walang nakapansin ni isa sa pagdating at
pag-alis ni Elias.
8
Kabanata 32: Ang Panghugos
Ang taong dilaw ay nagkaroon ng demonstrasyon kay Nol Juan tungkol sa
paggamit ng panghugos bago ganapin ang pagpapasinaya sa paaralan. Ang
nasabing estruktura ay may walong metro ang taas at ang apat na haligi ay
nakabaon sa ilalim ng lupa. May apat na haligi ito na nasasabitan ng malalaking
lubid na kapag tiningnan ay para bang napakatibay ng pagkakayari.
Ang taong dilaw naman ay ipinagmamalaki na kaniyang natutuhan ang
ganitong paraan sa ninuno pa ni Ibarra na si Don Saturnino. Iminustra niya kung
papaano itinataas at ibinababa ang batong malaki na siyang ibabaon sa hukay na
napagigitnaan ng apat na haligi. Pinuri ito ng mga tao sa paligid at maging si Nol
Juan ay hinangaan siya.
Dumating ang araw ng pagpapasinaya sa bahay-paaralan. Naghanda ang
mga guro at mag-aaral ng mga pagkain para sa mga panauhin. May banda rin ng
musiko. Nagsimula nang basbasan ni Padre Salvi ang bahay-paaralan. Ang mga
mahahalagang kasulatan maging ang relikya at iba pang mahahalagang bagay ay
inilulan sa isang kahang bakal na ipinasok naman sa bumbong na yari sa tingga.
Ang nagkokontrol sa bato ay ang lubid na may hukay sa gitna kung saan
ilalagay ang tingga. Ang taong dilaw naman ang may hawak ng nasabing lubid.
Nagsibabaan ang lahat ng importanteng tao upang sumaksi nang magsimula na
ang pari sa seremonya. Isa sa mga taong naroroon upang sumaksi sa okasyon ay
si Elias at ‘di winaglit ang tingin sa taong dilaw.
Pagbaba ni Ibarra upang makiisa sa pagsaksi ay humulagpos ang lubid
mula sa kalo at kasabay nito ay ang pagkagiba ng balangkas. Ilang saglit lang ay
nasaksihan ng lahat na si Ibarra ay nakatayo sa pagitan ng nasirang kalo at ng
malaking bato ngunit ang taong dilaw ay namatay. Ipahuhuli sana ng alkalde si
Nol Juan ngunit pinigilan siya ni Ibarra at sinabing siya na ang bahala sa lahat.
Makaraang ipagtanong niya si Maria, kaagad na umuwi si Ibarra upang magpalit
ng damit. Isa si Pilosopo Tasyo sa nakasaksi sa naganap na pangyayari. Yaon daw
ay isang masamang simula.

Kabanata 33: Malayang Kaisipan


Si Elias ay palihim na dumating sa bahay ni Ibarra at sila’y nag-usap
tungkol sa kaniyang mga kaaway. Isa pa, si Elias ay nagbabayad lamang ng utang
na loob sa kaniya. Kahit na ang hangad ay kabutihan, pinayuhan ni Elias si Ibarra
dahil nagkalat ang kaniyang kaaway. Nasabi rin nito ang kaniyang pagkakatuklas
sa balak na pagpatay ng taong dilaw kay Ibarra sa araw ng pagpapasinaya ng
paaralan.
Lihim pa lang sinubaybayan ni Elias ang taong dilaw at nalaman niyang
prinisinta nito ang sarili kay Nol Juan kahit maliit ang sahod kapalit ng kaniyang
mga kaalaman. Si Ibarra nama’y nanghinayang sa maagang pagkawala ng taong
dilaw dahil marami pa raw sana siyang matutuklasan kung ito ay nabubuhay
lamang. Salungat naman dito si Elias dahil tiyak niyang makaliligtas sa hukuman
ang taong dilaw dahil sa kabalagan ng hustisya sa bayan.
Tila nagkaroon naman ng interes si Ibarra kay Elias dahil sa kaniyang mga
kaisipan na kakaiba kaysa ordinaryong mamamayan. Napadpad naman ang
kanilang usapan sa paniniwala sa Diyos na ‘di tinanggi ni Elias na siya’y
nawawalan na ng tiwala rito. Maya-maya pa’y nagpaalam na rin si Elias baon ang
kaniyang pangako ng katapatan kay Ibarra.

9
Gawain 3: Pag-unawa sa Binasa
Panuto: Basahin at sagutin ang sumusunod na tanong sa sagutang papel.
1. Sa kasalukuyan ba ay sinasamahan pa ng mga matatanda ang kanilang mga
anak kapag may lakad o piknik? Payag ka bang magkaroon ng tsaperon sa
iyong mga lakad? Bakit?
2. Alin sa mga ipinayo ni Pilosopo Tasyo ang may katotohanan sa kasalukuyang
panahon? Ipaliwanag.
3. Kung ikaw si Maria Clara, ibibigay mo ba bilang limos ang isang mahalagang
bagay na handog sa iyo ng isang mahal sa buhay? Bakit?
4. Bakit pinaaalalahanan at binigyan ng babala ni Elias si Ibarra? Ano sa
palagay mo ang dahilan at alam nito na may nagtatangka sa buhay ng binata?
5. Kung ikaw si Ibarra, bababa ka rin ba sa hukay sa kabila ng tagubilin ni
Elias? Bakit?

Humahanga ako sa’yo dahil nagawa mong muling sagutin nang buong
husay ang mga tanong. Ipagpatuloy mo lang ang pag-aaral.

Galugarin

Alam mo bang…
May iba’t ibang salita na ginagamit sa pakikipag-usap depende sa lugar, okasyon,
panahon gayondin sa taong kausap? Ipinakikita nito ang antas ng wika batay sa
pormalidad o “level of formality’’.

Mga Salitang Pormal – mga salitang istandard dahil ito’y kinikilala,


tinatanggap, ginagamit ng karamihang nakapag-aral sa wika. Ito ay nauuri sa
dalawa:
1. Pambansa – ang salitang ginagamit ng karaniwang manunulat sa aklat at
pambalarila para sa paaralan at pamahalaan.
Ilan sa mga halimbawa nito ay ama, ina, anak, tahanan, dalaga at iba pa.

2. Pampanitikan – ang mga salitang matatayog, malalalim, mabibigat,


makukulay at sadyang matataas ang uri. Ito ang mga salitang ginamit ng mga
malikhaing manunulat.
Ilan sa mga halimbawa nito ay mabulaklak ang dila, di-maliparang uwak,
katuturang dila, balat-sibuyas, taingang kawali, nagbukas ng dibdib atbp.

Mga Salitang Impormal o Di-pormal – mga salitang karaniwang ginagamit


sa pakikipag-usap o pakikipagtalastasan sa mga kakilala o kaibigan. Ito ay
nauuri sa tatlo:
1. Balbal – ang tawag sa mga salitang pangkalye o panlansangan. Ito ang
pinakamababang antas ng wika.
Halimbawa: gurang – matanda, bagets – kabataan

2. Kolokyal – ang ginagamit sa pang-araw-araw na pakikipag-usap.


Halimbawa: meron – mayroon, pa’no – paano, kelan – kailan, sa’kin – sa
akin

10
3. Lalawiganin – ang mga salitang karaniwang ginagamit sa mga lalawigan o
probinsiya o kaya’y partikular na pook kung saan nagmula o kilala ang wika.

Halimbawa
Tagalog Iloco Cebuano Bicol
Paa Saka Tiil Bitis
Kanin Inapoy Kan-on Maluto

Gawain 4: Ihanay Natin…


Panuto: Ihanay ang sumusunod na salitang nasa loob ng kahon sa kung anong
antas ng wika ito nabibilang. Gayahin ang pormat sa iyong sagutang papel.

musta pre takip-silim insan


meron chibog salamin yumao
erpat werpa mangan praning
ginoo manan kapatid

ANTAS NG WIKA BATAY SA PORMALIDAD


Balbal Kolokyal Lalawiganin Pormal

Magaling! Nagtagumpay kang muli sa gawain. Ngayon, mas palalimin


pa natin ang iyong kasanayang pampagkatuto sa pamamagitan ng
pagsasagawa ng inaasahang awtput sa araling ito.

Palalimin

Alam kong handang-handa ka na para sa gawaing ito. Natitiyak kong


kayang-kaya mo ng isagawa ang gawain.

Gawain 5: Gawin Mo!


Panuto: Pumili ng isang tauhan sa nobela at ang suliranin na kaniyang kinaharap.
Pagkatapos, sumulat ka ng iskrip tungkol sa kaniya na sa puntong siya ay
lilitisin sa kaniyang pagkakasala. Isaalang-alang ang mga gabay na
tuntunin. Isulat sa sagutang papel ang iyong sagot.

Pagsulat ng Iskrip sa isang Mock Trial


Ito ang ilan sa mga Gawain na dapat isalang-alang sa pagbuo ng iskrip sa
isang pagtatanghal:
1. Magsaliksik tungkol sa usapang lilitisin sa pagtatanghal upang mas lalong
maging kapani-paniwala ang deliberasyon ng mga dayalogo.
2. Magtanong o makipanayam sa mga taong nakaranas na ng paglilitis.
11
3. Magsagawa ng panayam o pakikipag-usap sa isang kakilala o kamag-anak
na abogado upang makakuha ng mga aktwal na karanasan sa naganap
niyang paglilitis.
4. Manood ng mga teleserye na ang pinapaksa ay patungkol sa paglilitis.
5. Isaalang-alang ang mga wasto at angkop na gramatika sa pagsulat.
Rubrik sa Pagtataya ng Awtput
1. Malinaw na usapan - 5 puntos
2. Kaangkupan ng mga salita – 5 puntos
3. May nabuong kuwento – 5 puntos
4. Orihinalidad – 5 puntos
KABUOAN: 20 PUNTOS

Aralin Wika at Gramatika: Mga


Ekspresiyon sa Pagpapahayag ng
5.2 Damdamin at Matibay na
Paninindigan

Simulan

Binabati kita sa matagumpay mong pagsagot sa mga gawain sa unang


bahagi ng modyul na ito. Ngayon, tayo’y magpapatuloy sa ating aralin.
Handa ka na ba? Sige magsimula ka na sa paunang gawain.

Gawain 1: Piliin Mo!


Panuto: Piliin sa loob ng kahon ang mga pahayag na ginamit sa pagbibigay ng
opinyon, matatag na paninindigan at mungkahi. Isulat ang iyong sagot sa
sagutang papel.

Kumbinsido akong…
Maaaring ganito ang gawin mo…
Buong igting kong sinusuportahan ang…
Kung ako ang tatanungin…
Makatutulong marahil kung…

Magaling! Halika, alamin natin kung ano-anong mga ekspresiyon sa


pagpapahayag ng damdamin at matibay na paninindigan ang maaring
gamitin.

12
Lakbayin

Alam mo bang…
May iba’t ibang ekspresiyon ang maaaring gamitin sa pagpapahayag ng layon o
damdamin? Ginagamit ang mga nasalungguhitang salita sa:
1. Pagpapayo / Pagmumungkahi
• Kung ako, ikaw, mas pipiliin ko ang magpahinga muna.
• Ano kaya kung pumanig ka na sa amin?
• Mas makatutulong sa iyo ang masusing pag-aaral.
• Siguro, makabubuting ibahin mo ang iyong panimula.
• Higit na mabuting ito ang unahin mo.
• Inaakala kong mas makabubuti kung ‘di susunugin ang mga basura.

2. Pag-aanyaya o Pag-iimbita / Panghihikayat


• Halika, tingnan mo ito’t napakarikit.
• Gusto mong sumang-ayon sa aking pinaniniwalaan?
• Puwede ka ba bukas sa ating pagpaplano?
• Inaanyayahan kitang pakatimbangin ang mga bagay-bagay.

3. Panunumpa o Pangako
• Pangako, hindi kita iiwan.
• Sumpa man, ang iyong paniniwala ay isang malaking pagkakamali.
• Itaga mo sa bato, ang aking winika ang katotohanan.
• Hindi ako nagsisinungaling, tamaan man ako ng kidlat.

4. Pagsang-ayon at Pagsalungat
• Tama, mahusay ang mga patakarang kaniyang ipinatupad.
• Ganyan din ang aking palagay, iyan ang solusyon sa suliraning ating
kinahaharap.
• Mali ang iyong ipinagdidiinang panukala.
• Walang pakinabang na maidudulot iyan.
• Ikinalulungkot ko ngunit ‘di yan magbubunga ng positibo.

5. Mga Pahayag sa Pagbibigay ng Matibay na Paninindigan


• Buong igting kong sinusuportahan ang…
• Kumbinsido akong…
• Labis akong naninindigan na…
• Lubos kong pinaniniwalaan na…
• Tiyak kong…
• Tunay na…
• Sadyang totoo…

Halimbawa:
Labis akong naninindigan na mali ang pagkakalat ng fake news dahil ito
ay maaaring makalikha ng kaguluhan.

Kumbinsido akong disiplina ang kailangan upang mapuksa ang virus.


13
Naniniwala akong naunawaan mo nang mabuti ang mga angkop na
ekspresiyon sa pagpapahayag ng damdamin at matibay na paninindigan.
Halika, linangin pa natin ang iyong kasanayang panggramatika sa
pamamagitan ng paggamit ng mga ito sa susunod na mga gawain.

Galugarin

Gawain 2: Gamitin Mo!


Panuto: Sa sagutang papel, ilahad ang iyong matuwid sa susunod na isyu. Gamitan
ito ng mga ekspresyong nagpapahayag ng layon o damdamin at matibay na
paninindigan ayon sa hinihingi dito.
1. Isyu: Kabutihan o Kasamaan ang tunay na kampeon?
Layon: Pag-aanyaya/Pag-iimbita/Paghihikayat
Matuwid: _________________________________________________________________
2. Isyu: Kailangan muna bang mamatay bago kilalaning bayani?
Layon: Pagsalungat/Pagsang-ayon
Matuwid: _________________________________________________________________
3. Isyu: Susi sa pagtatagumpay: Katalinuhan at Kalakasan?
Layon: Pagpapayo/Pagmumungkahi
Matuwid: _________________________________________________________________
4. Isyu: Pagdami ng kaso ng CoViD-19 dito sa ating bansa
Layon: Matibay na paninindigan
Matuwid: _________________________________________________________________
5. Isyu: Nasa palad ba ng tao ang kaniyang pag-unlad?
Layon: Panunumpa/Pangako
Matuwid: _________________________________________________________________

Palalimin

Gawain 3: Damdamin Mo, Ilahad Mo!


Panuto: Sumulat ng isang mensahe o liham na nagpapanumbalik ng pag-asa sa
iyong kaibigan, kaklase o kakilalang may pinagdaraanang suliranin
ngayon. Sikaping ipahayag sa mensahe ang positibong pananaw sa buhay
upang magpatuloy siyang harapin ito. Maaaring patula o tuluyan ang
isususlat na mensahe. Isulat sa sagutang papel o coupon bond ang iyong
gagawin.

Pamantayan sa Pagpupuntos
Orihinalidad - 10
Pagkakabuo ng mensahe/liham/tula - 5
Gramatika - 3
Kalinisan - 2

14
Sukatin

Mahusay! Binabati kita dahil nakaabot ka sa parteng ito. Tiyak


marami kang natutuhan sa ating aralin sa modyul na ito. Ngayon, tatayahin
mo ang iyong kaalaman sa nakalipas na mga aralin.

PANGWAKAS NA PAGTATAYA
Panuto: Basahin at unawain mo ang sumusunod na tanong o pahayag. Isulat sa
iyong sagutang papel ang letra ng tamang sagot.
_____ 1. Sino ang nakahuli sa buwaya?
A. Albino C. Ibarra
B. Elias D. Victoria

_____ 2. Saan ginanap ang piknik?


A. Dagat C. Ilog
B. Gubat D. Lawa

_____ 3. Kanino humingi ng payo si Ibarra patungkol sa pagpapatayo niya ng


paaralan sa kaniyang bayang San Diego?
A. Maria Clara C. Padre Salvi
B. Kapitan Tiyago D. Pilosopo Tasyo

_____ 4. Ano ang ibinigay na regalo ni Kapitan Tiyago kay Maria Clara bilang
pasalubong nito?
A. Alak C. Salamin
B. Piano D. Agnos

_____ 5. Ang ginawang paghahanda sa araw ng kapistahan ni Kapitan Tiyago


ay nagpapakita ng kaniyang pagiging ?
A. Bukas-palad C. Pakitang-tao
B. Mayaman D. Palalo

_____ 6. Sino ang paring nagsermon sa misa sa kapistahan ng San Diego?


A. Padre Damaso C. Padre Sibyla
B. Padre Salvi D. Padre Martin

_____ 7. Magkano ang ibinayad sa paring nagsermon sa misa?


A. 100 C. 200
B. 150 D. 250

_____ 8. Ito ay mga salitang karaniwang ginagamit sa pakikipag-usap o


pakikipagtalastasan sa mga kakilala o kaibigan.
A. Pambansa C. Pormal
B. Pampanitikan D. Di-pormal

15
_____ 9. Ito naman ay mga salitang istandard dahil ito’y kinikilala, tinatanggap,
ginagamit ng karamihang nakapag-aral sa wika.
A. Tiyak C. Pormal
B. Di-tiyak D. Di-pormal

_____ 10. Ano ang tawag sa mga salitang pangkalye o panlansangan?


A. Balbal C. Lalawiganin
B. Kolokyal D. Pambansa

_____ 11. Kung ako, ikaw, mas pipiliin ko ang magpahinga muna. Anong uri ng
damdamin ang nasalungguhitan?
A. Pag-aanyaya C. Pagpapayo
B. Pangako D. Pagsang-ayon

_____ 12. Halika, tingnan mo ito’t napakaganda. Anong damdamin ang


nangingibabaw sa pahayag?
A. Pag-aanyaya C. Pagpapayo
B. Pangako D. Pagsang-ayon

_____ 13. Tama, mahusay ang mga patakarang kaniyang ipinatupad. Ano ang
damdaming nakapaloob sa pangungusap?
A. Pag-aanyaya C. Pagpapayo
B. Pangako D. Pagsang-ayon

_____ 14. Kumbinsido akong disiplina ang kailangan upang mapuksa ang virus.
Ano ang damdaming nakapaloob dito?
A. Pag-aanyaya C. Pagpapayo
B. Pangako D. Paninindigan

_____ 15. Anong damdamin ang makikita sa pahayag? Itaga mo sa bato, ang
aking winika ang katotohanan.
A. Pag-aanyaya C. Pagpapayo
B. Pangako D. Paninindigan

Napakahusay mo! Binabati kita sa matiyaga


mong pagsama sa paglalakbay at
pagtalakay natin sa mga Buod ng Kabanata
23-33 ng Noli Me Tangere. Alam kong
nakapapagod maglakbay ngunit sulit
naman dahil matagumpay mong natutuhan
ang mga dapat mong malaman. Ihanda mo
ngayon ang iyong sarili sa kasunod na
modyul – Modyul 6: Pagtitimpi, Kalupitan at
Karamdaman (Kabanata 34-44 ng Noli Me
Tangere).

16
17
ARALIN 5.1: (Panitikan: Kabanata 23-33 ng Noli Me Tangere)
SIMULAN
Gawain 1: Alamin Natin! Iba-iba ang sagot
Gawain 2: Ipaliwanag Mo! Iba-iba ang sagot
LAKBAYIN
Gawain 3: Pag-unawa sa Binasa Iba-iba ang sagot
GALUGARIN
Gawain 4: Ihanay Natin…
Balbal Kolokyal Lalawiganin Pormal
erpat musta manan Ginoo
chibog meron mangan Takip-silim
werpa pre salamin
praning insan kapatid
yumao
PALALIMIN
Gawain 5: Gawin Mo! Iba-iba ang sagot
ARALIN 5.2: (Wika at Gramatika: Mga
Ekspresiyon sa Pagpapahayag ng Damdamin at Matibay na Paninindigan)
SIMULAN
Gawain 1: Piliin Mo! Iba-iba ang sagot
GALUGARIN
Gawain 2: Ipaliwanag Mo! Iba-iba ang sagot
PALALIMIN
Gawain 3: Damdamin Mo, Ilahad Mo! Iba-iba ang sagot
SUKATIN
PANGWAKAS NA PAGTATAYA
1. B 6. A 11. C
2. B 7. D 12. A
3. D 8. D 13. D
4. D 9. C 14. D
5. B 10.A 15. B
Susi sa Pagwawasto
Sanggunian
Department of Education – Curriculum and Instruction Strand (2020). Most
Essential Learning Competencies. p. 244

Lucila, M. T. et.al (2015). Daluyan (Modyul sa Filipino- Grade 9). Malabon City:
JIMCZYVILLE PUBLICATIONS

Salum, R. T. et.al (2015). Noli Me Tangere. Malabon City: JIMCZYVILLE


PUBLICATIONS

Magbaleta, C. G. et.al (1998). Noli Me Tangere. Metro Manila: MEGA-JESTA PRINTS,


Inc.

Buod ng Noli Me Tangere. Nahango noong Abril 20 mula sa


https://pinoycollection.com/noli-me-tangere-buod

18

You might also like