You are on page 1of 7

SAINTS JOHN AND PAUL EDUCATIONAL FOUNDATION, INC.

Pamana Compound, National Highway, Brgy.Halang


Calamba City, Laguna, Philippines

K-12 BASIC EDUCATION CURRICULUM


SENIOR HIGH SCHOOL-CORE SUBJECT

Subject Title: Komunikasyon at Pananaliksik sa Wika at Kulturang Pilipino


Grade: 11
Strand: All Strand
Semester: 1st Semester
No. of Units: 4 units

Subject Description: Pag-aaral tungo sa pananaliksik ukol sa kalikasan, katangian, pag-unlad, gamit at
paggamit ng Wikang Filipino sa mga sitwasyong komunikatibo at kultural sa lipunang Pilipino.
Ikasiyam- Ikalabindalawang Linggo

Content Modyul 9: Kasaysayan ng Wikang Pambansa


Modyul 10: Pagtalakay ng Iba’t ibang Indibidwal Ukol sa Wikang Pambansa
Modyul 11: Pananaw ng iba’t ibang awtor sa Wikang Pambansa
Modyul 12: Sanaysay

Learning 1. Sa modyul na ito, inaasahang matutukoy ng mga mag-aaral ang


Objectives/Outcomes mahahalagang pangyayari sa wika mula sa panahon ng Kastila hanggang sa
kasalukuyan.
2. Natatamasa ang pag-unawa sa mga Kautusan, Proklamasyong pinaiiral sa
pagpapaunlad ng Wikang Pambansa: Tagalog/Pilipino/Filipino. Maaari ring
makilala ang panahong kaganapan sa pagbuo at pag-unlad ng wikang
pambansa.
3. Mapahalagahan ang kasaysayan ng wikang pambansa sa pamamagitan ng
pagbuo ng talata.
4. Natutukoy ng mga mag-aaral ang sariling opinyon o pananaw sa mga
pahayag na ibinigay.
5. Nabibigyang-kahulugan ang mga salitang mayroong kaugnayan sa Wikang
Pambansa.
6. Nakabubuo ng sanaysay na nagpapakita ng opinyon tungkol sa
7. napakinggang panayam.
8. Natutukoy ang pananaw ng iba’t ibang awtor mula sa sanaysay tungkol sa
kasaysayan ng wika
9. Nakapagbibigay ng sariling pag-unawa sa tekstong binasa mula sa
pananaw ng awtor.
10. Nakabubuo ng sanaysay mula sa tekstong binasa tungkol sa wikang
11. pambansa
Materials
• Lecture notes (3 pages)
• Activity Sheets (4 pages)
• Vsmart/Zoom para sa lingguhang lagumang diskusyon at pagsusulit
• Bumuo ng Timeline ng maikling kasaysayan ng Wikang Pambansa

Tasks • Pag-aralan ang tatlong(3) pahina ng modyul


• Sagutan ang mga post-test bago basahin ang lecture notes. Ito ay ibibigay
nang iyong gurong-takda bago sumapit ang susunod na linggo.
• Makalipas ang isang linggo muling magbibigay ang gurong-takda ng
pagsusulit alinsunod sa buong linggong tinalakay

Note • Unawain at basahing mabuti ang modyul na nakatakda sa inyo. Maaaring


humingi ng tulong sa magulang/guro kung kuinakailangan ng paglilinaw
• Maaari din basahin ng advans ang inyong mga modyul para sa ikakaganda
ng inyong perpormans sa lektyur, pagsusulit at mga aktibidades.
• Ipasa ang mga sagutang papel sa itinakdang araw ng iyong guro.

Unang Markahan – Modyul 9:


Kasaysayan ng Wikang Pambansa

Ang araling ito ay makatutulong sa mga mag-aaral upang matukoy ang kasaysayan ng Wikang
Pambansa. Bago ipagpatuloy ang pagtalakay sa paksa ay sagutan mo muna ang mga susunod na
gawain.
Kasaysayan ng Wika sa Iba’t ibang Panahon
Ang isinasaalang-alang na ang unang pananakop ng mga kastila sa ating kapuluan ay ang
pananatili rito ni Miguel Lopez De Legaspi noong 1565. Siya ang kauna-unahang kastilang gobernador-
heneral sa Pilipinas. Kalaunan napasailalim naman ang kapuluan sa pamumuno ni Villalobos na
nagbigay ng ngalang Felipinas bilang parangal sa Haring Felipe II na naunang namuno noong panahong
iyon. Naging Filipinas ang Felipinas dahil sa maling pagbigkas ng mga tao rito.
Ayon sa mga Espanyol, nasa kalagayang barbariko, di sibilisado o pagano ang mga katutubo
noon. Itinuro ng mga Kastila ang Kristiyanismo sa mga katutubo upang maging sibilisado diumano ang
mga ito. Naniniwala ang mga Espanyol noong mga panahong iyon na mabisa ang paggamit ng
katutubong wika sa pagpapatahimik sa mamamayan kaysa sa libong sundalong Espanyol. Hinatihati sa
apat na ordeng misyonerong Espanyol ang pamayanan kaya’t ito’y nagkaroon nang malaking epekto sa
pakikipagtalastasan ng mga katutubo.
Upang mas maging epektibo ang pagpapalagananp ng Kristiyanismo, ang mga misyonerong
Espanyol ay nag-aral ng wikang katutubo upang madaling matutunan ang wika ng isang rehiyon kaysa
sa ituro sa lahat ang wikang Espanyol. Mas magiging kapani-paniwala kung ang mismong banyaga ang
nagsasalita ng wikang katutubo. Dahil dito, ang mga prayle ay nagsulat ng mga diskyunaryo at aklat-
panggramatika, katekismo at mga kumpensyonal para mas mapabilis ang pagkatuto nila ng katutubong
wika.
Nang sakupin ng Amerikano ang Pilipinas, sa simula ay dalawa ang wikang ginagamit ng mga
bagong mananakop sa maga kautusan at proklamasyong Ingles at Espanyol. Sa kalaunan napalitan ng
Ingles ang Espanyol bilang wikang opisyal. Dumami ang natutong bumasa at magsulat sa wikang Ingles
dahil ito ang naging wikang panturo sa rekomendasyon ni Komisyong Schurman noong Marso 4, 1899.
Ngunit sa simula pa lamang ng pakikibaka para sa kalayaan, ginamit ng mga Katipunero ang wikang
Tagalog sa mga opisyal na kasulatan. Sa Konstitusyong Probinsyal ng Biak- na- Bato noong 1897,
itinadhanang ang Tagalog ang opisyal na wika. Noong Marso 24, 1934, pinagtibay ni Franklin Roosebelt
ang Batas Tyding McDuffie na nagtatadhanang pagkalooban ng kalayaan ang Pilipinas matapos ang
sampung taong pag-aaral ng Pamahalaang Komonwelt.
Nang lumunsad sa dalampasigan ng Pilipinas ang mga Hapon noong 1942, nabuo ang isang
grupong tinatawag na “purista” Sila ang nagnanais na gawing Tagalog na mismo ang gawing wikang
pambansa at hindi na batayan lamang. Malaking tulong ang nagawang pananakop ng mga Hapon sa
kilusang nabanggit.
Ayon kay Prof Leopoldo Yabes, ang pangangasiwa ng Hapon ang nag-utos na baguhin ang
probisyon sa konstitusyon at gawing Tagalog ang pambansang wika. Sa layunin ng mga Hapon na
burahin sa mga Pilipino ang anumang kaisipang Pang-Amerika at mawala ang impluwensya ng mga ito
kaya Tagalog ang kanilang itinaguyod. Nang panahong iyon, Niponggo at Tagalog ang naging opisyal
na mga wika. Sa panahong ito namulaklak ang Panitikang Tagalog sapagkat maraming manunulat sa
Ingles ang gumamit ng Tagalog sa kanilang tula, maikling kuwento, nobela at iba pa.

Ilang batas Kautusan, Proklamasyong Pinairal sa pagpapaunlad ng Wikang Pambansa:


Tagalog/Pilipino/ Filipino

• Kautusang Tagapagpaganap Blg 134 (1937)- ipinahayag na ang tagalog ang siyang magiging
batayan ng wikang Pambansa sa Pilipinas
• Kautusang Tagapagpaganap Blg.263 (Abril 1, 1940)- isinaad ang pagpapalimbag ng “A tagalog
English Vocabulary” at``Ang Balarila ng Wikang Pambansa”. Inihayag din ang pagtuturo ng wikang
pambansa (Tagalog) sa mga paaralang pampubliko at pribado simula Hunyo 19, 1940.
• Kautusang Tagapagpaganap Blg 60 (1960) – nilagdaan ng Pangulong Diosdado Macapagal na nag-
uutos na awitin ang Pambansang Awit sa titik nitong Filipino.
• Kautusang Tagapagpaganap Blg 96 (1967) – nilagdaan ng Pangulong Marcos at nagtatadhana na
ang lahat ng edisyon, gusali at tanggapan ng pamahalaan ay pangalanan sa Filipino
• Kautusang Tagapagpaganap Blg 87 (1969) – nilagdaan ng Pangulong Marcos at nag-utos sa lahat
ng kagawaran, kawanihan at tanggapan at iba pang sangay ng pamahalaan na gamitin ang wikang
Filipino hanggat maaari sa Linggo ng Wikang Pambansa at pagkaraan man nito sa lahat ng opisyal na
komunikasyon at transaksyon.
• Kautusang Pangkagawaran Blg.7- Ipinalabas noong Agosto 13, 1959 ng noo`y kalihim ng kagawaran
ng Edukasyon na Si Jose E. Romero na nagaatas na tawagin ang wikang pambansa na Pilipino.
• Kautusang Pangkagawaran Blg. 24 (1962) – nilagdaan ni Kalihim Alejandro Roces at nag-utos na
simulan sa taong-aralan 1963-64 ang mga sertipiko at diploma ng magtatapos ay ipalimbag sa Wikang
Filipino
• Kautusang Pangkagawaran Blg. 25 (1974) – nilagdaan ni Kalihim Juan Manuel na itinagubilin sa mga
guro ang mga bagong tuntunin na Ortograpiyang Pilipino
• Kautusang Pangkagawaran Blg. 203 (1978) – paggamit ng katagang Filipino sa pagtukoy sa wikang
pambansang Pilipino. Nilagdaan ni Lourdes Quisumbing ng Kagawaran ng Edukasyon, Kultura at Isports.
• Kautusang Pangkagawaran Blg. 54 (1987)- Panuntunan ng implementasyon ng patakaran sa
Edukasyong Bilinggwal 1987.
• Batas ng Komonwelt Blg. 570- ipinahayag na isa sa wikang opisyal ang wikang pambansa (Tagalog)
simula Hulyo 4, 1946
• Proklamasyon Blg, 12- ipinalabas noong Marso 26, 1954 ni Pang. Ramon Magsaysay ang
pagkakaroon ng pagdiriwang ng Linggo ng Wika mula Marso 29- Abril 4 (kapanganakan ni Franciso
Balagtas.)
• Proklamasyon Blg. 186 (1955)- Inilahad ang paglilipat ng pagdiriwang ng Linggo ng Wika sa Agosto
13-19 kapanganakan ni Manuel L Quezon.)
• Saligang-Batas ng 1987, Artikulo XIV, Seksyon 6- Filipino ang wikang pambansa ng Pilipinas.
• Proklamasyon Blg. 1041 (1997) – Nilagdaan at ipinalabas ni Pangulong Fidel V. Ramos na nagtatakda
na ang buwan ng Agosto, ang buwan ng wikang Filipino.

Unang Markahan – Modyul 10:


Pagtalakay ng Iba’t ibang Indibidwal Ukol sa Wikang Pambansa

Sa modyul na ito ay tatalakayin ang Kasaysayan ng Wikang Pambansa. Nakapokus ito sa mga
pananaw na inilahad ng mga partikular na indibidwal. Isa na rito si Ginoong Efren R. Abueg na nagbigay
linaw sa kanyang naging saloobin sa pinagdaanan ng wikang pambansa. May ilan pang kilalang tao na
nagbigay ng kanilang mga opinyon tungkol dito. Mga opinyon na magbibigay linaw sa ating aralin.

ANG DEPINISYON NG WIKANG FILIPINO: Ang Katawan at Kaluluwa....


(Bahagi ng pagtalakay ni Efren R. Abueg)

Ang ating wikang pambansa ay napag-uusapan. Sasabihing ito'y Tagalog, Pilipino o Filipino.
Makikilala sa mga sagot na ito ang oryentasyon sa wika ng mga mamamayang Pilipino. At kung masagot
namang Filipino ang wikang pambansa natin, hindi naman ito mabigyan ng angkop na depinisyon.
Tatlong komisyoner ng Komisyong Konstitusyonal (Concom) ang nagbigaylinaw sa katangian ng
Filipino bilang wikang pambansa. Sa katitikan ng pulong ng subkomite sa wika ng Concom noong
Setyembre 10, 1987, ganito ang salin ng kanilang palitan ng mga pangungusap:
Ayon kay Komisyoner Wilfredo Villacorta: Ito ang isang umiiral na wikang pambansa, at ang
nukleo nito ay Pilipino...sapagkat ito ay isa nang malaganap na umiiral na wika, na Pilipino na P. Sinabi
rin natin na mayroong isang wikang umiiral na pinalawak at pinaunlad na tinatawag na Filipino at ang
pormalisasyon nito ay kailangang isagawa sa sistemang pang-edukasyon at iba pa, subalit hindi
nangangahulugan na dahil hindi pa ito pormalisado ay hindi umiiral. Ito ay isang lingua franca."
Tinalakay ni Ponciano Bennagen: Kailangan nating magkaroon ng isang midyum ng
komunikasyong magbibigkis sa atin at iyon ay ang Filipino, na binigyang-kahulugan ng isang pangkat ng
mga pantas sa wika at mga organisasyong pangwika bilang isang lumalawak na bersyon ng Pilipino."
Nilinaw ni Komisyoner Francisco Rodrigo: Itong Filipino ay hindi isang bagong kinatha o
kakathaing lenggwahe. Ito ay batay sa Pilipino. Palalawakin lamang ang saklaw ng Pilipino. Kaya nga't
ang Pilipino ay batay sa Tagalog, at ang Filipino ay batay sa Pilipino.
" Binigyan din nila ng historikal na perspektibo ang Filipino. Binanggit ni Rodrigo na "ang Pilipino
ay batay sa Tagalog", samantalang sinabi naman ni Bennagen na " ang Pilipino....bilang isang lumalawak
na bersyon ng Filipino." Mula kay Rodrigo na sinabing "Itong Filipino ay hindi isang bagong kinatha o
kakathaing lenggwahe" hanggang sa winika ni Villacorta na "subalit hindi nangangahulugan na dahil hindi
pa ito pormalisado ay hindi ito umiiral." At ipinanghuli niya: "Ito ay isang lingua franca." Kaya mula sa
Tagalog (sa panahon ng Pangulong Quezon) hanggang sa Pilipino (sa panahon ni Kalihim Romero ng
Edukasyon) hanggang sa Filipino (sa panahon ni Presidente Aquino), nakompleto ang ebolusyon ng
wikang Pambansa

Unang Markahan – Modyul 11:


Pananaw ng iba’t ibang awtor sa Wikang Pambansa

Sa modyul na ito ay tatalakayin ang Kasaysayan ng Wikang Pambansa. Nakapokus ito sa mga pananaw
na inilahad ng mga partikular na mga awtor. Inilahad dito ang siyang pinagdaanan ng Wikang Filipino sa
pamamagitan ng pagbibigay ng kanikanilang opinyon na siyang magbibigay-linaw sa aralin.

Wikang Filipino, sangkap sa pagpapakilala ng kultura


Sa pamamagitan ng pagsusuri sa mga makabagong uri ng komunikasyon tulad ng social media,
maaaring matagpuan ang mga pagbabago sa kultura at lingguwistika ng ating lipunan, ayon sa mga
dalubhasa.
“Ang social media ay pangunahing ginagamit natin sa paghahatid ng mensahe. Isa ito sa mga
pangunahing proseso ng komunikasyon at hindi kailan man maihihiwalay sa kultura ng lipunang
ginagalawan natin,” wika ni April Perez, propesor sa Unibersidad ng Pilipinas-Diliman, sa ikalawang araw
ng Pandaigdigang Kongreso sa Araling Filipinas sa Wikang Filipino. Lumabas sa pananaliksik ni Perez
na higit na binibigyang-pansin ng mga mag-aaral ang nilalaman ng mga Facebook status ngunit
tinitingnan pa rin nila ang wikang ginamit sa pagpapahayag dito.
Ayon naman kay Ma. Althea Enriquez, isang propesor sa Unibersidad ng Pilipinas-Diliman, “sa
pagtuturo ng wika, kailangang ituon ang atensiyon ng mga guro sa anyo ng mga salitang ginagamit kaysa
sa tungkulin nito sa pangungusap”. Iminungkahi rin niyang pagtuunan ng pansin ang ugnayan ng mga
salita sa isa’t isa.
Nabanggit naman ni Imelda De Castro, propesor sa Unibersidad ng Santo Tomas, ang
kahalagahan ng tamang estruktura at gramatika sa Filipino upang makamit ang estandardisasiyon ng
wika tungo sa mas progresibo at modernisadong Filipino.“Ang wika ay kailangang sumulong sa tinatawag
na transpormasyon para maka-adapt ito sa pagbabago ng panahon,” ani De Castro. Paliwanag niya,
hindi lamang wikang Filipino ang ginagamit upang mapaigting ang ugnayan sa mga mamamayan kundi
lahat ng wika sa Pilipinas upang magkaroon ng koneksyon sa iba’t ibang sektor ng lipunan. Dagdag pa
niya, “mayroong tungkulin ang pamahalaan na manguna sa paggamit at pagpapalaganap ng wikang
pambansa. Dapat gawing competent sa Ingles at Filipino ang mga opisyal upang mahikayat ang iba na
sumulat at gumawa ng pananaliksik ng sa gayon ay maitanghal ang wikang Filipino bilang
intelektuwalisado at modernisado”, aniya.

Wikang Pambansa: Ang magpapalaya sa bansa sa trahedya ng pagkawala


Ang wika ay may kaugnayan sa lahat ng aspekto sa lipunan – pulitikal, sosyal, kultural, at
ekonomikal. Hindi maaaring umusbong ang isang penomenon sa bansa na hindi dulot o
iniimpluwensiyahan ng wika. Sa ganitong pananaw, mahihinuha natin na lahat ng kaganapan sa bansa
– mabuti man o hindi – ay naguugat sa wika.
Ang sistema ng edukasyon, ang mga pulitikal na pagpapasya, ang namamayaning kaisipan at
paradigm sa lipunan, komunikasyon sa loob at labas ng bansa, nauusong mga gawaing kultural o
“cultural trends” at ang estado ng ekonomiya sa bansa – ito ay ilan lamang sa mga penomenong
bumabalot sa bansa na hindi maipagkakailang tumubo mula sa ugat ng diskusyong may kaugnayan sa
wika. Ang mga sumusunod na pahayag ay naaayon sa kritikal na obserbasyon at pananaw nina De
Quiros (1996), Constantino (1996), Arao (2007; 2010) at Geronimo (2012).
Inilarawan ni Conrado de Quiros (1996) ang wika bilang isang instrumento para makapaghari.
Ang paglaganap ng wikang Ingles ay lumilikha ng dibisyon sa pagitan ng mga naghaharing uri at
pinaghaharian, at ng mga binabansagang “elite” sa lipunan at mga tinaguriang kabilang sa mababang
estado sa lipunan. Hinahati nito ang mga mamamayan sa dalawang kategorya na pinangalanang
“superior” at “inferior”. Ang konsepto ng wika bilang isang simbolo ng kapangyarihan ay matagal nang
naka-ukit sa kasaysayan ng Pilipinas. Isang katibayan ang pagkakait ng mga Kastila ng wikang Espanyol
sa mga Pilipino upang maipuwera sa alta sosyedad at mapigilan ang anumang pag-aaklas na maaaring
umusbong kapag naunawaan ng mga mamamayan ang kanilang wika. Gayundin magiging hadlang ang
pagkatutuo ng mga Pilipino ng wikang Espanyol sa kanilang plano na maghari, yumaman at maayos na
pamumuhay sa bansang Pilipinas. Sa kabaliktaran, ibinahagi ng mga Amerikano ang kanilang wika
upang magkaroon ng malinaw na ugnayan sa pagitan nila at ng mga mamamayan. Sa ganitong
pagpapasya, hindi nag-aklas ang mga Pilipino laban sa Amerika kundi sila pa ay naging masunurin.
Isa pang suliranin ang pagsasabatas ng mga anti-Filipino o antimamamayang polisiya. Ayon nga
kay Jonathan Vergara Geronimo (2012), kung walang makitang pagkamakabayan sa mga opisyal ng
pamahalaan, hindi dapat asahang agad sisibol ang binhing nasyonalismo sa puso ng mga Pilipino na
siyangmagbubuklod sa kanila. Ayon kay Arao (2007), dahil idineklara ang Ingles bilang midyum ng
pagtuturo sa eskwelahan, nariyan ang inaasahang pagtaas ng English proficiency ng mga mag-aaral.
Sa pangangampanya ng mga eskwelahan ng mga kaisipang kanluranin, nawala ang pokus sa pag-aaral
sa pambansang kasaysayan at mga ambag sa daigdig ng kaisipan ng mga pantas ng sariling bansa
(Constantino, 1996). Sa madaling salita, nawala ang intellectual tradition ng mamamayang Pilipino.
Naghari ang kolonyal – partikular na ang Kanluranin – na pag-iisip na lumilikha ng mga “mental
educators” o mga misedukado. Ipinaliwanag din ni Arao (2007), sa isang panig naman, ang Ingles ay
magbibigay daan sa isang matagumpay na “export economy”.
Sa kabuuan, may iba’t ibang mukha ang wika na ipinakita ang mga awtor: Ang wika bilang
instrumento sa kapangyarihan (De Quiros, 1996), Ang wika bilang susi sa pagbubuklod ng sambayanan
(Arao, 2010), ang wika bilang instrumento sa pagpayayaman ng edukasyon at kaalaman (Constantino,
1996), ang wika bilang instrumento sa pamamahayag (Arao, 2007), at sa kabuuan, ang wika bilang isang
tagapag-unlad at tagapalaya (Geronimo, 2012). Nakakatawang isipin na ang wika – na pangunahing
instrumento sa komunikasyon, ang siya pang nagiging dahilan upang mahati, mawalan ng pag-
uunawaan, at mawalan ng komunikasyon ang mga mamamayang Pilipino.
Unang Markahan – Modyul 12:
Sanaysay

Katulad ng ibang anyo ng panitikan, ang sanaysay ay may uri rin. Ito ay ang pormal at impormal.
Ito ay nagpapahayag ng kuro-kuro ng may akda hinggil sa isang bagay. Naghahatid din ito ng
mahahalagang kaalaman o impormasyon, kaisipang makaagham, at lohikal na pagkakasunod-sunod ng
mga ideya. Maingat na pinipili ang mga salita at maanyo ang pagkakasulat. Maaari itong maging
makahulugan, matalinhaga at matayutay. Ang tono ng pormal na sanaysay ay seryoso at di- nagbibiro.

Samantalang sa impormal na sanaysay, nagbibigay ito ng kasiyahan sa pamamagitan ng


pagtalakay sa mga karaniwan at pang-araw-araw na paksa. Gumagamit din ng mga salitang sinasambit
sa araw-araw na pakikipag-usap sa kapwa. Palakaibigan ang tono sapagkat pumapanig sa damdamin
at paniniwala ng may akda ang pananaw dito.

Bahagi ng Sanaysay

Simula – Karaniwang naglalagay ng pang-akit, atensyon ang nagsusulat ng sanaysay. Dapat makuha
ng akda ang atensyon at damdamin ng mambabasa at sa bahaging ito makakapag-isip ang mambabasa
kung magpapatuloy pa sa pagpabasa.

Katawan o Gitna - Dito naman nakalagay ang malaking bahagi ng nilalaman ng sanaysay. Nakasaad
din ang mga mahahalagang impormasyon o ideya ng may akda tungkol sa paksa
.
Wakas – Ito ang pansarang bahagi ng sanaysay. Dito maaaring magsulat ng konklusyon, buod ng
sanaysay o mensaheng habilin ng manunulat sa mambabasa. Maaari ring maglagay ng pahayag na
hahamon sa pag-iisip ng babasa ng akda.

Elemento ng Sanaysay

Tema/Paksa – Sa bahaging ito ipinapahayag ng may-akda ang layunin ng kanyang pagsulat ng


sanaysay. Anyo at Istruktura- Ito ay isang mahalagang sangkap sapagkat nakakaapekto ito sa
pagkaunawa ng mambabasa, ang maayos na pagkakasunod-sunod ng ideya opangyayari ay
makakatulong sa mambabasa sa pag-unawa sa sanaysay.

Wika at Istilo- Elemento ng sanaysay na higit na nagpapayaman sa kaisipan ng mga mambabasa kung
kaya`t higit na mas mabuting gumamit ng simple, natural at matapat na mga pahayag.

Kaisipan – Mga ideyang nagpapalinaw sa tema. Nailalarawan ang buhay sa isang makatotohanang
salaysay. May masining na paglalahad na ginagamitan ng sariling himig ng may-akda.

Damdamin – Naipapahayag ng isang magaling na may-akda ang kanyang damdamin nang may
kaangkupan at kawastuhan sa paraang may kalawakan at kaganapan.

You might also like