You are on page 1of 3

Ang Dalawang Simbahan Ng Santisima Trinidad

Santisima Trinidad, iyan ang madalas na naririnig ko noon sa mga tao kapag muntik na
sila madulas o kapag may biglang nahulog na bagay. Noong bata pa ako, hindi ko pa alam ang
ibig sabihin nito hanggang sa matutunan kong Holy Trinity pala ang katumbas nito sa ingles.
Nang lumipat kami dito sa Bulacan ay nalaman kong may dalawang simbahan na Santisima
Trinidad ang pangalan, di ko na inalam kung bakit dahil sa hindi rin alam ng mga magulang ko at
sa pagaakalang magkaibang simbahan ang dalawa. Sa paglipas ng panahon ay wala akong ideya
kung ano ang kwento ng dalawang simbahan na ito maliban sa sinabi ng nanay ko na milagroso
ang imahe na nasa simbahan. Nasubukan ko na noon magsimba sa maliit na simbahan ng
Santisima Trinidad o ang Bisita ng Santisima Trinidad at napansin ko ang kaibahan nito sa
nakasanayan kong misa. Hindi ko inalintana ang pagkakaibang ito at naisip na baka sadyang
ganun lang ang paraan nila.
Napagalaman ko na ang dalawang simbahan o ang Bisita at Parokya ng Santisima
Trinidad ay iisa lang ang pinapaniwalaan at sinasamba na imahe/santo. Ang nakakapagtaka lang
ay kung bakit pa sila magkahiwalay at hindi na lang gawing iisa ang simbahan?
Noon ay iisa lamang talaga ang simbahan ng Santisima Trinidad na tinawag nilang Bisita
ng Santisima Trinidad. Ito ay natatag noong 1863 sa pagtutulungan ng 3 baranggay noon, ang
Santisima Trinidad, Barihan at Pinagbakahan. Mula ng itatag ang bisita noong 1863 ay walang
ibang namamahala noon sa bisita kung hindi ang mga katandaan sa lugar na iyon. Taong 1901 ay
pormal na nagkaroon ng Samahan ng Katandaan na namuno sa pagpapatakbo at pangangalaga sa
Bisita ng Santisima Trinidad.
Umabot sa panahong naging mala-parokya ang gampanin ng bisita dahil sa tulong ng
mga pari tulad nina Msgr. Angel Pengson at dating Obispo Cirilo Almario. Dumami ang deboto

ng bisita at nakita ng Diyosesis ng Malolos ang potensyal nito kayat pinayagan din ang bisita na
magdaos ng mga kasal doon.
Taong 1996 ay ipinanukala ng Diyosesis ng Malolos na gawing Parokya ang Bisita ng
Santisima Trinidad na sinang-ayunan naman ng Samahan ng Katandaan ngunit ay gumawa pa rin
sila ng botohan upang malaman ang kagustuhan ng mga tao kung saan nanalo ang desisyong
panatilihing Bisita ang Santisima Trinidad.
Inakala ng mga taga Bisita na maayos na ang lahat ngunit biglang ipinatanggal ng
Diyosesis ng Malolos ang paring nagmimisa sa Bisita at naglabas ng dekreto ang Obispo noon na
si Rolando Tria Tirona na isang misa na lamang ang puwedeng gawin sa bisita. Kumuha ng
ibang pari ang Samahan ng Katandaan upang magmisa sa bisita ngunit ay pinigilan din naman
ito.
Nagsampa ng demanda ang Diyosesis ng Malolos sa Samahan ng Katandaan taong 1999
sa kasong Ejectment at Trespassing. Sinasabi ng Diyosesis na hindi pag-aari ng Samahan ng
Katandaan ang lupang kinatatayuan ng Bisita na siya namang itinanggi nila na ang lupang
kinatatayuan ng Bisita ay nakapangalan kay Ireneo Roque na anak ng isa sa kasapi ng Samahan
ng Katandaan at ang lupa ay pinamana sa kanya at kanyang idinonate sa Bisita noon.
Kontrobersyal nga talaga ang kuwento at dahilan ng pagkakaroon ng dalawang simbahan
ng Santisima Trinidad dito sa Malolos. Ang dalawang simbahan na ito ay naipalabas pa sa isang
dokyumentaryo sa GMA, ang i-witness. Napanood ko ang dokyumentaryong ito at napatunayan
kong totoo nga ang ibang nakalap kong impormasyon ukol sa Bisita at Parokya ng Santisima
Trinidad. Tinawag nilang The Fallen Church ang Bisita ng Santisima Trinidad sa
dokyumentaryo sa di ko malaman na dahilan. Sa dulo ng dokyumentaryo ay isang tanong ang
kanilang iniwan na pati kami ay napaisip kung ano ang sagot, kung parehas naman ang
pinaniniwalaan ng dalawang simbahan at iisa lang ang sinasamba nilang patron ay bakit di pa rin
magkasundo o magkaisa ang dalawang simbahan?

Marami ang nagsasabi na ang simbahan ay parang pulitika rin, maraming may gusto ng
kapangyarihan, at maraming ring may gustong makaupo sa itaas, pero tulad din ng pulitika may
mga bagay sila na sinasabi at ipinapakita pero di ka sigurado kung maniniwala ka ba o hindi.
Hindi mo malaman kung ano ang totoo sa kasinungalingan at di ka makapili kung kanino ka mas
magtitiwala. Ano nga ba talaga ang katotohanan sa likod ng pagkakaroon ng dalawang simbahan
ng Santisima Trinidad at bakit hanggang ngayon ay tila may namumuo pa ring alitan sa
magkabilang panig?

You might also like