You are on page 1of 2

Alamat ng Alikabok

Ang karaniwang alam ng tao ay ang alikabok ay maliliit na namuong dumi na kinakailangang
linisin ngunit hindi niyo ba alam na mayroon itong pangyayaring pinagmulan?

Kilala ang isang grupo ng magkakaibigan na sina Aloy, Mika at Bokbok sa maliit na bayan ng
Kapitbisig sa pagkakaroon ng mabuting loob at pagiging bukas-palad. Lahat sila ay handang tumulong sa
kanilang kapwa sa abot ng makakaya nang walang hinihintay na kapalit. Dahil dito, palagi silang pinupuri
ng mga tao at pinasasalamatan sa pamamagitan ng pagbibigay ng mga munting regalo na malugod
naman nilang tinatanggap. Tila isa silang bayani para sa mga mamamayan doon, subalit hindi lahat ay
may pare-parehong pagtingin. May isang misterysosong tao na kinaiinggitan ang magkakaibigang ito sa
pagiging tanyag sa bayan nila at sa paghanga sa kanila ng karamihan.

Habang naglalakad ang grupo, isang lumang papel ang tila lumipad patungo sa kanila. Nagtataka
man ay binasa ng isa ang nakasulat rito, “Sa oras na kayo ay tumulong sa ibang tao, onti onti kanyong
maglalaho hanggang sa hindi na kayo umiiral pa sa mundong ito,” wika ni Aloy. Lahat sila’y napatindig
ang balahibo dahil sa takot at kabang nadarama. Lumingon-lingon sila sa paligid kung sino o anuman ang
posibleng nagpadala ng papel subalit wala silang ibang makita na maaaring pinanggalingan nito.

Pumunta sila sa isang matanda upang tanungin kung ano ang meron sa papel na iyon. Nanlaki
ang mga mata nito sa gulat saka sinabing may isang taong nagsumpa sa kanila at pagkainggit ang dahilan
kung bakit ito nagawa. Nagpaumanhin ang matanda sa tatlong magkakaibigan sapagkat wala siyang
magagawa para matanggal ang sumpa.

Isang araw, nagkaroon ng sunog sa sampung kabahayan at natupok lahat ng mga kagamitan ng
mga taong naninirahan dito. Sa kabila ng sumpa sa grupo, ninais nilang tulungan ang mga taong
nasunugan sa pamamagitan ng pagbibigay ng mga lumang damit, mga pagkain at ibang bagay na
maaaring mapakinabangan. Pagkatapos, napansin nila ang onti onting paglaho ng mga daliri nila sa paa
at kamay at nakaramdam silang muli ng takot at pangangamba. Hindi nila mawari kung ipagpapatuloy pa
rin nila ang kanilang pagtulong sa iba kahit ang buhay nila ang nakataya.

Kasunod ng insidenteng iyon ay ang pagkalat ng isang malubhang sakit. Iilan lamang ang
naapektuhan nito at dumalaw sila sa mga taong maysakit at naghandog ng mga prutas na makakatulong
sa kanilang paggaling at sinuportahan ang pagpapagamot ng mga ito. Dahil rito, tuluyang naglaho ang
mga daliri nila. Napansin na rin ng mga tao ang paglalaho ng ilang parte ng kanilang katawan sa tuwing
tumutulong ang tatlo at nag-alala sila sa kalagayan ng mga ito ngunit sinabi na lamang ng magkakaibigan
na gusto pa rin nilang tumulong hanggang sa araw na tuluyan silang mawawala sa mundo.

Sa kanilang huling araw na kung saan mukha na lamang nila ang natitira, sinabihan nila ang mga
tao na huwag silang malulungkot sa kanilang pagkawala. “Lahat tayo ay lilisan din sa mundo, kaya
habang may oras pa, gumawa tayo ng kabutihan sa ating kapwa at ipakita ang pagmamahal natin sa isa’t
isa,” sambit ni Mika. “May mga oras na kailangan nating isakripisyo ang ating sarili para sa ikabubuti ng
nakararami,” wika naman ni Bokbok.
Ang mgat taong nakikinig ay lubhang nalulungkot at ang iba’y napapaluha na sapagkat
pagkaraan ng ilang sandali, tuluyan nang maglalaho ang tatlo. “Nagsilbi sana kaming inspirasyon para
tumulong kayo sa ibang tao bukod sa sarili niyo,” sabi ni Aloy at ito na ang mga huling kataga ng tatlo
hanggang sa tuluyan na silang naglaho. Nakita ng mga tao ang tila maliliit na tuldok na bagay sa lugar
kung saan sila naglaho at tinawag itong Alikabok na kung saan ay resulta ng pinagsama-samang
pangalan ng tatlo na sina Aloy, Mika, at Bokbok. Simula noon hanggang ngayon, kapag nakakakita sila ng
alikabok, nagpapaalala ito ng mga kabutihang ginawa ng magkakaibigan at pagsasakrispisyo ng mga ito.

You might also like