You are on page 1of 1

EDITORYAL - Kampanya ng DOH laban sa sigarilyo

(Pilipino Star Ngayon) | Updated June 9, 2013 - 12:00am

SA kabila na marami nang namatay sa sakit dahil sa paninigarilyo, marami pa rin ang ayaw huminto sa bisyong ito.
Sa kabila rin na itinaas nang malaki ang presyo ng sigarilyo, marami pa rin ang naninigarilyo at walang epekto ang
presyo. Ang nakaaalarma, maraming menor-de-edad ang nalululong na sa bisyong ito. Pabata nang pabata ang mga
naninigarilyo.
Ayon sa World Health Organization (WHO), limang milyong tao ang namamatay taun-taon dahil sa paninigarilyo at
maaari umano itong umabot sa walong milyon sa 2030 kung hindi magkakaroon nang matibay na kampanya laban
sa paggamit ng tabako o paninigarilyo. Ayon sa WHO, ang masigasig na kampanya laban sa paninigarilyo ang
magliligtas sa mga tao.
Ayon sa Department of Health (DOH) maraming sakit na nakukuha dahil sa paninigarilyo at ang mga ito ang dahilan
ng pagkamatay nang nga Pinoy. Karamihan sa mga sakit ay ang hypertension, heart attack, stroke, cancer at lung
disease. Ayon pa sa DOH, tinatatayang 14 na milyong Pinoy ang may hypertension at ito ay dahil sa paninigarilyo. At
sa rami ng mga Pinoy na may mataas na blood pressure, hindi nila alam na kabilang sila rito. Ang chronic obstruction
pulmonary disease (COPD) ay isa sa mga sakit na dulot ng paninigarilyo. Habambuhay na ang sakit na ito na
kinapapalooban ng mahirap na paghinga.
Nararapat paigtingin ng DOH ang kampanya laban sa paninigarilyo. Alam namin, na hindi tumitigil ang DOH para
mahikayat ang marami na huwag manigarilyo. Nararapat isulong ng DOH ang paglalagay ng mga retrato ng sakit na
nakukuha sa paninigarilyo sa kaha mismo nito. Kapag na kita ang mga sakit, maaaring matakot ang magyoyosi.
Paigtingin din naman ang pagbabawal sa pani-nigarilyo sa mga publikong lugar. Parusahan ang mga lalabag. Hulihin
din naman ang mga nagtitinda ng sigarilyo sa paligid ng paaralan o mga unibersidad. Magkaroon din ng kampanya
sa mga school para mapagbawalan ang mga estudyanteng nalululong sa yosi. Ipaunawa sa kanila ang masamang
dulot ng paninigarilyo.

You might also like