You are on page 1of 3

Gamitin ang Espirituwal na mga Tunguhin Upang Luwalhatiin ang Iyong Maylalang KUNG hindi alam ng isang tao

ang daungan na kaniyang patutunguhan, walang hangin ang tamang hangin. Ipinakikita ng pananalitang ito, na ipinalalagay na sinabi ng isang pilosopong Romano noong unang siglo, na upang magkaroon ng direksiyon ang buhay, mahalaga ang mga tunguhin. Ang Bibliya ay nagbibigay ng mga halimbawa ng mga indibiduwal na palaisip sa pagtatakda ng mga tunguhin. Nagpagal nang mga 50 taon, si Noe ay nagtayo ng arka ukol sa pagliligtas ng kaniyang sambahayan. Tuminging mabuti sa gantimpalang kabayaran ang propetang si Moises. (Hebreo 11:7, 26) Tinanggap ng kahalili ni Moises, si Josue, ang bigay-Diyos na tunguhing lupigin ang lupain ng Canaan.Deuteronomio 3:21, 22, 28; Josue 12:7-24. Noong unang siglo C.E., tiyak na lubhang naimpluwensiyahan ang espirituwal na mga tunguhin ni apostol Pablo ng mga pananalita ni Jesus na ang mabuting balitang ito ng kaharian ay ipangangaral sa buong tinatahanang lupa. (Mateo 24:14) Palibhasay napatibay ng personal na mga mensahe at mga pangitain mula sa Panginoong Jesus, kalakip na ang atas na dalhin ang . . . pangalan [ni Jesus] sa mga bansa, gumanap ng mahalagang bahagi si Pablo sa pagtatatag ng maraming kongregasyong Kristiyano sa buong Asia Minor at hanggang sa Europa.Gawa 9:15; Colosas 1:23. Oo, ang mga lingkod ni Jehova ay laging nagtatakda ng mararangal na tunguhin at tinutupad ang mga ito, sa kaluwalhatian ng Diyos. Paano tayo maaaring magtakda ng espirituwal na mga tunguhin sa ngayon? Anu-anong mga tunguhin ang maaari nating pagsikapan, at anu-anong praktikal na mga hakbang ang maaari nating gawin upang maabot ang mga ito? Mahalaga ang Tamang mga Motibo Maaaring magtakda ng mga tunguhin sa halos anumang gawain sa buhay, at mayroon ding mga taong palaisip sa pagtatakda ng tunguhin sa sanlibutang ito. Gayunman, ang teokratikong mga tunguhin ay hindi katulad ng makasanlibutang mga ambisyon. Ang pangunahing mga motibo sa likuran ng maraming tunguhin sa sanlibutan ay ang labis-labis na pagnanasa sa kayamanan at ang sakim na paghahangad ng posisyon at kapangyarihan. Isang pagkakamali nga na magtaguyod ng isang tunguhin upang magtamo ng kapangyarihan at maging prominente! Ang mga tunguhin na nagbibigay ng kaluwalhatian sa Diyos na Jehova ay tuwirang nauugnay sa ating pagsamba sa kaniya at sa mga kapakanan ng Kaharian. (Mateo 6:33) Ang gayong mga tunguhin ay nagmumula sa pag-ibig sa Diyos at sa kapuwa, at makadiyos na debosyon ang layunin nito.Mateo 22:37-39; 1 Timoteo 4:7. Maging dalisay nawa ang ating mga motibo habang nagtatakda at nagtataguyod tayo ng espirituwal na mga tunguhin, ito man ay para sa higit pang mga pribilehiyo sa paglilingkod o sa paggawa ng personal na pagsulong sa espirituwal. Gayunman, kung minsan ay hindi nakakamit kahit na ang mga tunguhing may tamang motibo. Paano tayo makapagtatakda ng mga tunguhin at gawing mas malamang na maabot ang mga ito? Kailangan ang Masidhing Hangarin Isaalang-alang kung paano isinagawa ni Jehova ang paglalang ng uniberso. Sa pananalitang nagkaroon ng gabi at nagkaroon ng umaga, ibinukod ni Jehova ang sunud-sunod na mga yugto ng paglalang. (Genesis 1:5, 8, 13, 19, 23, 31) Sa pasimula ng bawat yugto ng panahon ng paglalang, alam na alam niya ang kaniyang tunguhin, o layunin, para sa araw na iyon. At isinagawa ng Diyos ang kaniyang layunin na lumalang ng mga bagay. (Apocalipsis 4:11) Ang . . . kaluluwa [ni Jehova] ay may ninanasa, at gagawin niya iyon, ang sabi ng patriyarkang si Job. (Job 23:13) Tiyak na nagbigaykasiyahan kay Jehova na makita ang bawat bagay na ginawa niya at ipahayag na ito ay napakabuti! Genesis 1:31. Upang magkatotoo ang ating mga tunguhin, dapat din tayong magkaroon ng masidhing hangarin na matamo ang mga ito. Ano ang tutulong sa atin na magkaroon ng gayong matinding hangarin? Kahit na ang lupa noon ay walang anyo at tiwangwang, patiunang nakikita ni Jehova ang kalalabasan nitoisang magandang hiyas sa kalawakan, na nagbibigay sa kaniya ng kaluwalhatian at karangalan. Sa katulad na paraan, maaaring malinang ang ating hangaring magawa ang ating binabalak gawin sa pamamagitan ng pagbubulay-bulay sa mga resulta at kapakinabangan sa pag-abot ng tunguhin. Iyan ang naging karanasan ng 19-anyos na si Tony. Hinding-hindi niya nakalimutan ang kaniyang unang impresyon sa pagdalaw sa isang tanggapang pansangay ng mga Saksi ni Jehova sa Kanlurang Europa. Mula noon, ang katanungang laging nasa isipan ni Tony ay, Ano kaya ang pakiramdam ng tumira at maglingkod sa

isang lugar na gaya nito? Hindi maalis sa isipan ni Tony ang posibilidad, at nagpatuloy siyang abutin ito. Tuwang-tuwa siya nang pagkaraan ng ilang taon, ang kaniyang aplikasyon na maglingkod sa sangay ay inaprobahan! Ang pakikisama natin sa iba na nakaabot na ng isang tunguhin ay maaari ring lumikha sa atin ng hangarin na makamit ito. Hindi nasisiyahan si Jayson, edad 30, sa pakikibahagi sa ministeryo sa larangan noong tin-edyer pa siya. Subalit nang matapos siya ng haiskul, buong pananabik siyang pumasok sa paglilingkod bilang payunir, sa gayoy naging isang buong-panahong tagapaghayag ng Kaharian. Ano ang tumulong kay Jayson upang malinang ang hangaring magpayunir? Ang sagot niya: Lubhang nakaimpluwensiya sa akin ang pakikipag-usap sa iba na nakapagpayunir na at ang paggawang kasama nila sa ministeryo. Makatutulong na Isulat ang Ating mga Tunguhin Ang isang malabong ideya ay lumilinaw at nakikita kapag ipinahayag natin ito sa salita. Binanggit ni Solomon na ang wastong pananalita ay maaaring maging mabisa na gaya ng mga pantaboy ng baka sa pagbibigay ng direksiyon sa buhay. (Eclesiastes 12:11) Kapag isinulat ang mga salitang iyon, bumabaon ang mga ito sa isip at puso. Bakit nga ba iniutos ni Jehova sa mga hari ng Israel na gumawa ng isang personal at nasusulat na kopya ng Kautusan? (Deuteronomio 17:18) Baka gusto nating isulat sa papel ang ating mga tunguhin at ang mga paraan upang maabot ang mga ito, anupat itinatala ang mga hadlang na maaasahan natin kalakip na ang mga paraan upang mapagtagumpayan ang mga ito. Makatutulong din na kilalanin ang mga paksa na dooy dapat tayong magkaroon ng kabatiran, mga kasanayan na kailangan nating matamo, at ang mga indibiduwal na makatutulong at aalalay sa atin. Ang pagtatakda ng espirituwal na mga tunguhin para sa kaniyang sarili ay nagkaroon ng nakapagpapatatag na epekto kay Geoffrey, isang matagal nang special pioneer sa isang nabubukod na teritoryo sa isang bansa sa Asia. Kalunus-lunos nga, namatay ang kaniyang asawa nang di-inaasahan. Pagkatapos ng isang yugto ng pagbabago, nagpasiya si Geoffrey na gawing lubhang abala ang sarili sa kaniyang ministeryo bilang payunir sa pamamagitan ng pagtatakda ng mga tunguhin. Pagkatapos isulat sa papel ang kaniyang mga plano, may-pananalangin siyang nagtakda ng tunguhin na magsimula ng tatlong bagong mga pag-aaral sa Bibliya sa katapusan ng buwan. Bawat araw, nirerepaso niya ang kaniyang gawain, at tuwing ikasampung araw, sinusuri niya ang kaniyang pagsulong. Naabot ba niya ang kaniyang tunguhin? Sa pag-uulat ng apat na bagong mga pag-aaral sa Bibliya, buong-kagalakan siyang sumasagot ng oo! Magtakda ng Panandaliang mga Tunguhin Bilang Palatandaan Sa simula, ang ilang tunguhin ay maaaring magtinging napakahirap matamo. Para kay Tony, na nabanggit kanina, ang paglilingkod sa isang tanggapang pansangay ng mga Saksi ni Jehova ay waring isang panaginip. Kasi suwail siya noon, at hindi pa siya nakaalay sa Diyos. Subalit nagpasiya si Tony na iayon ang kaniyang buhay sa mga daan ni Jehova at naging tunguhin niya na maging kuwalipikado para sa bautismo. Pagkatapos matamo ang tunguhing iyan, nagtakda siya ng tunguhin na maging auxiliary pioneer at regular pioneer, anupat minamarkahan sa kaniyang kalendaryo ang mga petsang balak niyang magsimula. Pagkaraang makapagpayunir sa loob ng ilang panahon, ang paglilingkod sa tanggapang pansangay ay hindi na waring isang di-makatotohanang tunguhin. Makabubuti rin sa atin na hatiin ang ating pangmatagalang mga tunguhin sa ilang panandaliang mga tunguhin. Ang panggitnang mga tunguhin ay maaaring magsilbing maaabot na mga palatandaan samantalang sinisikap na maabot ang isang pangmatagalang tunguhin. Ang regular na pagsusuri sa ating pagsulong may kinalaman sa gayong mga palatandaan ay makatutulong sa atin upang mapanatili nating nakapokus ang ating isipan. Tutulong din sa atin na manatili sa landas ang paulit-ulit na pananalangin kay Jehova tungkol sa ating mga plano. Manalangin kayo nang walang lubay, ang payo ni apostol Pablo. 1 Tesalonica 5:17. Kailangan ang Determinasyon at Pagtitiyaga Sa kabila ng pagkakaroon natin ng mga planong pinag-isipang mabuti at ng masidhing hangaring isagawa ang mga ito, nananatiling di-maabot ang ilang tunguhin. Gayon na lamang marahil ang pagkasiphayo ng alagad na si Juan Marcos nang ayaw siyang isama ni apostol Pablo sa ikalawang paglalakbay misyonero ni Pablo! (Gawa 15:37-40) Kinailangang matuto si Marcos ng isang leksiyon mula sa kabiguang ito at baguhin ang kaniyang tunguhin para sa higit pang paglilingkod. Maliwanag na gayon nga ang ginawa niya. Nang maglaon, may-pagsang-ayon na binanggit ni Pablo si Marcos at nagkaroon

siya ng malapt na pakikisama kay apostol Pedro sa Babilonya. (2 Timoteo 4:11; 1 Pedro 5:13) Marahil ang kaniyang pinakadakilang pribilehiyo ay ang pagsulat niya ng isang kinasihang ulat ng buhay at ministeryo ni Jesus. Sa ating pagtataguyod ng espirituwal na mga tunguhin, maaari rin tayong dumanas ng mga balakid. Sa halip na sumuko, dapat nating repasuhin, muling suriin, at baguhin ang ating tunguhin. Kapag bumangon ang mga hadlang, magsikap na sumulong na may determinasyon at pagtitiyaga. Igulong mo ang iyong mga gawain kay Jehova at ang iyong mga plano ay matibay na matatatag, iyan ang tinitiyak sa atin ng pantas na haring si Solomon.Kawikaan 16:3. Gayunman, kung minsan ay maaaring gawing di-makatotohanan ng mga kalagayan ang pagtataguyod ng ilang tunguhin. Halimbawa, maaaring hindi natin maabot ang ating mga tunguhin dahil sa mahinang kalusugan o mga pananagutan sa pamilya. Huwag nawa nating kalilimutan ang bagay na ang pinakasukdulang gantimpala ay buhay na walang hanggansa langit o sa Paraiso sa lupa. (Lucas 23:43; Filipos 3:13, 14) Paano ito natatamo? Siya na gumagawa ng kalooban ng Diyos ay nananatili magpakailanman, ang sulat ni apostol Juan. (1 Juan 2:17) Bagaman maaaring hindi ipahintulot ng ating kalagayan na maabot ang isang partikular na tunguhin, maaari pa rin tayong matakot sa tunay na Diyos at tuparin ang kaniyang mga utos. (Eclesiastes 12:13) Tinutulungan tayo ng espirituwal na mga tunguhin na manatiling nakatuon ang pansin sa paggawa ng kalooban ng Diyos. Kaya, gamitin natin ang mga ito upang luwalhatiin ang ating Maylalang. [Kahon sa pahina 22] Espirituwal na mga Tunguhin na Dapat Isaalang-alang Pagbabasa ng Bibliya araw-araw Pagbabasa sa bawat labas ng Ang Bantayan at Gumising! Pagpapasulong sa kalidad ng ating mga panalangin Pagpapamalas ng mga bunga ng espiritu Pag-abot sa tunguhin ng higit na paglilingkod Pagiging higit na mabisa sa pangangaral at pagtuturo Pagpapaunlad sa mga kasanayang gaya ng pagpapatotoo sa telepono, sa impormal na paraan, at sa negosyo

You might also like