You are on page 1of 3

-1KAPISTAHAN

NI SAN LORENZO RUIZ SETYEMBRE 28

Unang Pagbasa: Sirak 2:1-18 Pagbasa mula sa Aklat ni Sirak ANAK, kung nais mong maglingkod sa Panginoon, humanda ka sa mga pagsubok. Maging tapat ka at magpakatatag, huwag kang masisiraan ng loob sa panahon ng kasawian. Manalig ka sa Panginoon at huwag kang lalayo sa kanya, upang ikaw ay parangalan sa katapusan ng iyong buhay. Tanggapin ang anumang ipagkaloob niya sa iyo, tiisin mo ang kabiguan kahit ano ang mangyari. Kung ang ginto ay dinadalisay sa apoy, ang banal ay sinusubok ng Panginoon sa apoy ng paghamak. Magtiwala ka at tutulungan ka niya, mamuhay ka sa katuwiran at umasa sa kanya. Kayong may paggalang sa Panginoon, maghintay kayo ng kanyang habag; huwag kayong lalayo sa kanya nang hindi kayo mapahamak. Kayong may paggalang sa Panginoon, magtiwala kayo sa kanya, at siguradong tatanggap kayo ng gantimpala. Kayong lahat na may paggalang sa Panginoon, umasa kayo sa kanyang pagpapala. Asahan ninyo ang kanyang pagkahabag at kagalakang walang hanggan. Tingnan ninyo ang nangyari sa ating mga ninuno: May nagtiwala ba sa Panginoon at nabigo? May nanatili bang naglilingkod sa kanya na kanyang pinabayaan? May tumawag ba sa kanya na hindi niya dininig? Sapagkat maawain at mapagpatawad ang Panginoon, pinatatawad niya tayo sa ating kasalanan at inililigtas sa kagipitan. Kawawa ang mahihinang-loob at mga tamad, kawawa ang makasalanang mapagkunwari. Kawawa ang mahihina ang loob! Ayaw nilang magtiwala, kaya hindi naman sila tatangkilikin. Kawawa kayong mga nawalan ng pag-asa at ayaw nang makibaka, ano ang gagawin ninyo kapag pinarusahan kayo ng Panginoon? Ang mga may paggalang sa Panginoon at di sumusuway sa kanyang utos, ang mga umiibig sa kanya'y namumuhay ayon sa kanyang kalooban. Ang mga may paggalang sa Panginoon ay nagsisikap na siya'y bigyang-lugod; ang kanyang Kautusan ang umiiral sa buhay ng mga umiibig sa kanya. Ang mga may paggalang sa Panginoon ay handang maglingkod sa kanya, nagpapakababa sila sa kanyang harapan. Sabi nila, "Ipinagkakatiwala natin ang ating buhay sa Panginoon sa halip na sa mga tao, sapagkat kapantay ng kanyang kamahalan ang kanyang habag." Ang Salita ng Diyos Salmong Tugunan: Salmo 116:1, 2-3, 4-5, 6-7, 8-9 T. Mahalaga sa Maykapal ang kamatayan ng Banal. Minamahal ko ang Poon, pagkat ako'y dinirinig, dinirinig niya ako, sa dalangin ko at hibik. (T) Ako'y kanyang dinirinig tuwing ako'y tumatawag, kaya nga't habang buhay ko'y sa iyo lagi tatawag. Noong ako'y mahuhulog sa bingit ng kamatayan, nadarama ko ang tindi ng

takot ko sa libingan; lipos ako ng pangamba at masidhing katakutan. (T) Sa ganoong kalagayan, ang Poon ang tinawag ko, at ako ay nagsumamo na iligtas niya ako. Ang Pooy napakabuti, mahal niya ang katuwiran, Diyos siyang mahabagin, sa awa ay mayaman. (T) Ang Poon ang nag-iingat sa wala nang sumaklolo; noong ako ay manganib, iniligtas niya ako. Manalig ka, O puso ko, sa Poon ka magtiwala, pagkat siya ay mabuti't hindi siya nagpapabaya. (T) Ako'y kanyang iniligtas sa kuko ng kamatayan, tinubos sa pagkatalo, at luha ko'y pinahiran. Sa presensya ng Poon doon ako mananahan, doon ako mananahan sa daigdig nitong buhay. (T) ALELUYA: Aleluya! Aleluya! Mapalad ang taong nananatiling tapat sa kabila ng mga pagsubok; sapagkat matapos siyang subukin, tatanggap siya ng gantimpala ng buhay. Aleluya! Aleluya! Mabuting Balita: Mateo 5:1-12a + Ang Mabuting Balita ng Panginoon ayon kay San Mateo NOONG panahong iyon, nang makita ni Jesus ang napakaraming tao, umakyat siya sa bundok. Pagkaupo niya lumapit ang kanyang mga alagad at sila'y tinuruan niya. "Mapalad ang mga taong walang inaasahan kundi ang Diyos, sapagkat mapapabilang sila sa kaharian ng langit. "Mapalad ang mga nagdadalamhati, sapagkat aaliwin sila ng Diyos. "Mapalad ang mga mapagpakumbaba, sapagkat mamanahin nila ang daigdig. "Mapalad ang mga nagugutom at nauuhaw sa katuwiran, sapagkat sila'y bubusugin. "Mapalad ang mga mahabagin, sapagkat kahahabagan sila ng Diyos. "Mapalad ang mga may malinis na puso, sapagkat makikita nila ang Diyos. "Mapalad ang mga gumagawa ng paraan para sa kapayapaan, sapagkat sila'y ituturing na mga anak ng Diyos. "Mapalad ang mga inuusig nang dahil sa kanilang pagsunod sa kalooban ng Diyos, sapagkat mapapabilang sila sa kaharian ng langit. "Mapalad ang mga nilalait at inuusig ng mga tao, at pinaparatangan ng lahat ng uri ng kasamaan na pawang kasinungalingan nang dahil sa akin. Magsaya kayo at magalak sapagkat malaki ang inyong gantimpala sa langit. Ang Mabuting Balita ng Panginoon

You might also like