You are on page 1of 3

Dampil, Dale Angelo S.

II-AB EC

141136

Fil14 - W

Tayo ang Hari ng Tralala: Isang Pagsusuri sa Sandaang Panaginip


Sa araw ng ika-25 ng Septyembre taong 1986, unang sumikat ang bagong araw sa bayan ng
malayang Pilipino. Umiral ang mapayapang katahimikan sa mga kalsada ng Metro Manila - isang
pagtatabi-tabi sa mga hiyaw ng mga nakalipas na araw, at gulo ng mga nagdaang taon. Nagising ang
mga Pilipino sa dating bangungot na batas militar, ang pagpatay ng kababayan, ang pagtakip sa bibig
ng naaapi, at paglinlang sa bayan. Lumaya sila muli upang mangarap sa mas maliwanag na
kinabukasan. Nagwagi ang demokrasya. Ngunit, lumipas ang tatlumpung dekada at tila nakalimutan
na ng ating bayan ang bangungot. Itinaas ang dating mga kontrabida bilang mga bayani. Nalunod ang
mga kabataan, na hindi dumaan sa batas militar, sa mga piling mga numero na nagpapanggap bilang
masasayang katotohanan ng nakalipas na gintong panahong kathang-isip. Ito rin ang mga kabataan na
boboto sa papalapit na halalan. Uulit lamang ang mga pagkakamali ng kasaysayan hanggat hindi
natututo ang bayan. Kaya naman napapanahon na itinanghal ng Ateneo Entablado ang Sandaang
Panaginip sa mga kabataan upang sumunod sa adhikain na gawing malay ang kanilang manonood sa
panlipunang kalagayan. Ganap na pinagsamantalahan ng Sandaang Panaginip, gamit ang kaniyang
ibat ibang mga elemento, ang mga kumbensyon ng komedya upang maipakita sa manonood ang
paglalapat ng dula sa kalagayan ng Pilipinas noong dekada otsenta, at tulakin ang manononood na
tanungin ang sarili nila: ano ang papel ko bilang aktor sa dula ng aking bayan ngayon?
Sa disenyong pamproduksyon, agad naharap ang manonood sa isang malaking telang tumakip
sa entablado. Sa kumbensyon ng komedya, itoy tinatawag na tela de boca. Itoy nagamit upang
mahati ang paniniwala ng manonood sa kung ano ang realidad ng kaniyang sariling buhay, at ano ang
realidad na ipapakita sa entablado sa isang prosesong tinatawag na suspension of disbelief. Sa paraang
ito isinantabi ng manonood ang kaniyang sariling paniniwala, at binuksan ang kaniyang isipan sa
kung ano man ang inihain ng dula, kumbensyon man o mensahe. Ngayon at nabuksan na ang isipan
ng manonood, kahit na hiwalay at malayong lugar ang itinatanghal na kuwento, nagpakita pa rin
naman ang dula ng mga pamilyar na mga imahe at gawi na madaling paghawakan ng manonood
upang maitali sa napapanood ang kaniyang kaalaman o karanasan. Sa isang subersibong paraan,
napapagsamantalahan ng dula ang pansamantalang kabukasan ng isip ng manonood upang maitulak
ang mensahe at mga katanungan na nais nitong maibaon para sa kanila. Dahil napaka importante ng
suspension of disbelief sa matagumpay na paghatid at pagtanggap ng mensahe, pilit ginamit ng dula

ang mga elemento ng komedya at katuwaan upang maipanatili itong kondisyon na ito. Mapapansin
natin ito sa maraming paraan.
Una ay ang paggamit ng mga kulay ng damit ng mga tauhan. Makikita na ang kampon ni
Reyna Leona, Prinsesa Leontiting, Prinsesa Leontina, at Heneral Tulume ay nakasuot ng mapupulang
kadamitan, si Prinsesa Yasmin naman ay nakadilaw, at sina Haring Carlos, Reyna Dayang-Dayang,
Ministro Lucio, at Prinsipe Anshari naman ay nakabughaw. Para sa isang Filipino na may kaalaman
ukol sa kasaysayan ng kaniyang bansa, madaling makita ang pagtatabi nito sa imahe ng mga Marcos
na pula ang pangkampanyang kulay,

ang mga Aquino na dilaw naman ang ng pangkampanyang

kulay, at ang mga Americano o banyaga na madaling nakatali sa kulay na bughaw. Ang pula at
kahubaran din ng mga mangagawa sa kuwento ay madaling maitatali sa pulang bandila ng
komunismo na kakatawan sa mga rebelde ng panahon na iyon.
Ikalawa, kung titignan ang direksyon at iskrip, mahahalata rin na ang mga kaugalian at ang
mga nangyari sa mga tauhan ay sumasalamin din sa mga pangyayari noong dekada otsenta. Ang dula
ay gumamit ng komedyang kumbensyon ng Batalyon o Moro Moro kung saan mayroong labanan sa
pagitan ng dalawang kampo sa paraang sayawan. Sa paggamit ng anyong sayaw, naaaliw ang
manonood at hindi bumibigat ang tensyon sa dula na magpapanganib sa kanilang suspension of
disbelief. Nakikita ng manonood ang dalawang antas ng tunggalian: ang hidwaan ng gobyerno sa
kaniyang sarili, at ang hidwaan ng gobyerno at ng mamamayan. Makikita ito ng manonood hindi
lamang sa dula; lantad din ito sa panahon ng batas militar kung saan ang ilang mga sektor o politiko
ay nag-aaway laban sa pamamahala ng bayan, at ang mga mamamayan mismo ay tumutunggali sa ulo
ng gobyerno. Katulad ng mga Marcos, si Reyna Leona at ang kaniyangmga anak ay naglustay ng
kaban ng bayan, at mapaglinlang; sila rin ay nagtatago ng kanilang kasakiman sa may hari. Katulad
ng mga Aquino, si Prinsesa Yasmin ay mapagkumbaba at makamasa; sila rin ay may koneksyon sa
isang sobernatural - diwata o panginoon, at pinatapon sa labas ng kaniyang tahanan pero bumalik
naman upang labanan ang mga tiwali. Katulad ng mga Amerikano at iba pang mga banyaga, sina ang
kaharian ng Parachibum rin ay sumisingil ng utang sa kahariaan ng Tralala, at patuloy na nilililang
nila Reyna Leona upang maiwasan ang pagkahuli ng kanilang kasakiman. Mas napahalata rin ang
kanilang pagkabanyaga gamit ang kaibahan ng kanilang dyalekto.
Ikatlo, ang pagkamalikhain ng dula sa paggamit naman ng ilaw at musika, ay makikita sa
ilang mga punto ng kuwento, at ang estilo rin nito mismo ang nagpaparomatiko sa konsepto ng

pagpapangarap. Sa kasalukuyang panahon, ang pagpapangarap ay nakikita bilang aksaya ng oras, at


ang pagsubok upang maabot nito ay nakareserba lamang sa mga piling tao. Kaya naman isang
pagsubok sa Ateneo Entablado ang pagpapabalik ng romantisismo sa pagpapangarap. Ang pinakaangat na pagtangka ng dula sa adhikain na ito ay ang eksena ni Prinsesa Yasmin at ni Inang Diwata sa
hardin. Dito pinuno ang buong teatro ng kadiliman, at ang tunog ay matikas at nakapapawi. Itoy
hanggat ang maliliit na ilaw ay sumayaw sa entablado at humati sa kadiliman. Dahan-dahang
lumiwanag ang teatro at pati rin ang kisame ay natuldukan ng maliliit na ilaw at kumatawan sa
kalangitan ng gabi. Ang kombinasyon ng parehong madalubhasang gamit ng ilaw at tunog ay nagatag
ng lugar kung saan pagdidisesyonan ni Prinsesa Yasmin na sundan ang pangarap at hangarin niya para
sa ikabubuti ng kaharian.
Dinidiin ng dula ang katangian ng isang gobyerno na maging tapat hindi lamang sa kaniyang
mga mamamayan, ngunti pati na rin sa mga institusyon sa loob nito. Pinapakita na hindi naman ang
kabuuan ng gobyerno ang tiwali sa bayan, mga pili lamang na mga indibidwal sa tuktok. Kaya naman
ang responsibilidad ng mga tapat at matinong mga tao sa gobyerno ay na paniguraduhin na
malalamangan nila ang puwersa ng mga tiwali. Lahat ito ay totoo at lantad na mga mensahe sa dula.
Ngunit, may iniwan ding katanungan ang dula sa manonood: nakasalamin ako sa kaininong tauhan sa
dula? Alam na natin ang mga sinasalamin ng mga reyna, prinsesa, rebeldeng mamamayan, at mga
banyaga. Natitira na lamang ngayon ay ang hari ng Tralala. Kahit na siya ang may kapangniyarihan sa
piyudalismong kahariaan, ang hari ng Tralala ay walang kaalaman sa mga totoong pangyayari sa loob
ng kaniyang sariling kaharian. Doon na rin mismo naka-ugat ang problema ng kuwento - ang
kawalang malay sa kalagayan ng lipunan. Sa demokrasya, ang mga mamamayan ang may
kapangniyarihan upang baguhin ang kaniyang sariling lipunan. Ang gobyerno ay hindi nandiyaan
upang diktahan tayo, kung hindi paglinkuran lamang ang kagustuhan ng bayan. Tayo ang hari ng
demokrasya, pero tayo rin ang hari ng Tralala.
Sa paglalahat, ginamit ng Sandaang Panaginip ang mga kumbensyon ng komedya at
katuwaan sa direksyon, iskrip, disenyong pamproduksyon, ilaw, musika, at pagtatanghal ng mga aktor
upang maipanatili ang suspension of disbelief ng manonood. Itoy dahil ang pagpapanatili nito ay
nakatutulong sa atin na matanggap ang mensahe ng dula ukol sa papel natin sa susunod na halalan at
kinabukasan ng bayan, sa konteksto ng mga pangyayari at ipinaglaban sa dekada otsenta.

You might also like