Professional Documents
Culture Documents
Gayon ang nangyari kamakailan. Sa tulong ng mga kampanya ng SELDA, KARAPATAN at mga
organisasyong internasyonal, pansumandaling nakalaya si Ka Eric, mahigit 23 buwang nakapiit,
upang maikonsulta ang kalusugan. Nagkaroon siya ng malubhang sakit na bunga ng tortyur at
matinding parusa na ipinataw ng rehimeng Aquino buhat hulihin siya noong Pebrero 13, 2011 nang
walang warrant at ilagak sa Calbayog City jail, Samar. Sakdal sa kanya: “illegal possession of
explosives,” hinalang lihim na nakipagtalik sa kinumpiskang laptop kompyuter.
Hintay, mga awtoridad ng Estadong palalo, nagsasaliksik noon ang makata tungkol sa karapatang
pantao at kondisyon ng pamumuhay sa San Jorge, Samar. Krimen ba ‘yon? Gamit ang kanyang
mayamang karanasan at bihasang dunong bilang mamamahayag (UP Collegian; Manila Times; ABS-
CBN, atbp), pinag-aaralan ni Ka Eric ang sitwasyon ng mga mamamayan kaakibat ng paglilingkod sa
kolektibong pagsisikap umunlad. Ngunit tulad noong panahon ng panananakop ng tropang
Amerikano sa Balangiga circa 1901 (tingnan ang tulang “Jacob 1901”), ang pulo’y arena ng
madugong tunggalian ng mga uri. Napagitna ang makata; sa gipit at gulo dumagsa ang mga “ibong
mandaragit”… Walang pakundangan sa batas, katuwiran, at karapatang pantao, ikinulong ang iskolar
ng bayan at inabuso siya–hanggang sumiklab ang galit at protesta ng libulibong nakiramay, mula
Amnesty sa London hanggang PEN International at United Nations, mga samahang inireklamo ang
masahol at walang katarungang pagpaparusa sa taong walang sala kundi pag-alay ng kakayahan at
talino sa ikabubuti ng bayan.
Nagmamadali ang takbo ng globalisasyon, ngunit sadyang makupad ang andar ng makina ng
hustisya sa ating bansa. Pwede tayong maghintay bago arestohin ang sarili, siyasatin ang
prehuwisyo’t haka-haka, bago tasahin at lasapin ang nakapaloob. Itinatampok dito ang katotohanan
ng danas ng isang tao sa piitan at sa iba’t ibang sitwasyon, bago makipagsapalaran sa Samar at
laruin doon ng tadhana. Testimonyong personal at pakikipagtalastasang tipikal kapwa ang naihulma
dito. Tiyak na makakadaupang-palad natin ang manlilikha, ang protagonista, pati na ang kanyang
kinakausap. Di na dapat magpalaboy pa, tuwiran nang sagupain at subuking alamin ang kariktan at
gambala ng panitik. Ngunit may ilang habilin na baka makapagpatalas sa pag-unawa’t pagkilatis.
. Ipalagay na lang itong interbensiyon ko bilang dagdag sa kapanabikan. Lahat tayo’y sabik
makibahagi sa anumang naranasan ng kasamang humamon sa dambuhalang imperyalismo at
nakaligtas. Ang pakikiksangkot kong ito ay pagpupugay mula sa isang “survivor” ng dekada 1950-
1960, panahon ng muling pagbabanyuhay ng nasyonalismo sa patnubay nina Claro Recto, Lorenzo
Tanada, Renato Constantino, Teodoro Agoncillo at Amado V. Hernandez (ang dalawang huli’y
kolaboreytor ko sa ilang proyekto noon). Saksi ako sa unang sabog ng titis sa Unibersidad ng
Pilipinas, ang tagisan hinggil sa Rizal Bill at dokumentong “Peasant War,” at unang hakbang tungo sa
paglulunsad ng Kabataang Makabayan. At gayundin, sa pagbuo ng kilusan laban sa diktaduryang
Marcos sa Estados Unidos at pagsuporta sa masigasig na pagtatanggol at pagtataguyod sa
karapatang-pantao, kasarinlan at demokrasyang pambansa sa lupang tinubuan.
Kaalinsabay nito, sumigla ang kilusang makabayan at lumaganap ang kolektibong demanda para sa
katarungan, pag-uusig sa krimen ni Arroyo at pasistang militar, at tunay na kasarinlan. Dahil sa
matipunong pagsulong ng progresibong kilusan, napilitan ang mga naghaharing uri, kakutsaba ng
mga imperyalistang bansa, na palalain ang Oplan Bayanihan at iba pang taktikang katambal ng
pagsupil sa mga demokratiko’t mapagkandiling pangkat ng binansagang “civil society.” Malinaw ang
resulta sa pag-iwas ni Aquino na tanggapin ang karumal-dumal na paglabag sa karapatang-pantao
gawa ng kanyang mga bayarang alagad: bukod sa 401 bilanggong pulitikal, nagkaroon ng 114
“extrajudicial killing” at 11 taong dinukot /”enforced disappearances” (isiniwalat ng KARAPATAN).
Walang humpay ang paninila ng kultura ng “impunity,” ang pamamayani ng barbarismong kabuktutan
ng Estado, sampu ng galamay ng aparatong ideolohikal-pedagohikal. Tinalakay ito ni Ka Eric sa
kaniyang artikulo, “Some notes on people’s culture and the International Day of Solidarity with
Political Prisoners” (Bulatlat 14 Dec. 2012),
Ito ang klima’t katayuan ng lipunan nang pumalaot ang makata mula sa kampus ng Unibersidad ng
Pilipinas. Hinarap ang nag-iiba’t nagbabagong mukha ng lipunan sa pusod ng mga pangyayaring
naging pretext/subtext sa mga tulang “Kalampag,” “Isang Kontra-Apidabit, “Half Hip-Hop Jailhouse
Rap,” atbp. Sa “Dinidiretso,” ipinarangalan ang mga biktimang sina Fernando Baldemor, Pops
Tenorio at Feliciano Infante. Maigting at nakapupukaw ang paglalarawan ng sakuna, kasawian at
pagdurusa ng mga biktima, ngunit bumabalot sa lahat at nagkapagkakawing sa mga detalye ang
diwa ng kontradiksiyon, na pangunahing tema ng ilang tula: “Awit ng Kasaysayan,” “Pasensya,”
“Dahil,” “Manindigan,” “Haranang Bayan,” “Magsasama, Magkasama,” “Hanggang Huling Patak,”
“Takipsilim,” atbp. Sa “Kawayanan,” ang metamorposis ng dalamhati’y tumutumbok sa “sulo” na
tangan ng naglalamay. Sa “Astig,” “Rehas,” “Mula Tarima Hanggang…” at maraming tula, ang
bilanggo ay di lamang simbolo ng kahirapan kundi ng katatagan sa paninindigan at pananalig sa
katwiran. Laging idinidiin ang “kumulatibong proseso” ng kamalayan, ang “dayalektikal” na pagsulong
ng hidwaan at alitan. Ito ang katas-diwa, ang maselang buod ng isinalaysay na aralin, na hindi
maihihiwalay sa mabisang multi-determinasyon ng ekonomya at politika sa buhay ng tao.
Lampas ito sa paniwalang kapag naibunyag na ang mga kabalintunaan o ipokrisya sa lipunan, tapos
na ang tungkulin at pananagutan natin. Tiyak na mag-aakay ito sa pag-aalinlangan at oportunismo;
madalas, dekadensiya at sinisismo ang hantungan ng demistipikasyon kung walang bisyon ng
kinabukasang hahalili. Ang kalayaan ay bunga ng pagtanggap at kabatiran sa nesesidad, ang
pagkalkula sa papel na ginaganap ng kinakailangan at pangangailangan. Ito ang motibasyong
umuugit sa ritmo, talinghaga at paghahanay ng mga salita sa tulang “Pitong Sundang,” isang
halimbawa ng makatuturang paglalakip ng retorika ng damdamin at didaktikong paghugot ng hiwatig
at panuto sa pagsalikop ng kilos at kamalayan, isip at gawa. Suriin ang direksiyon ng haraya sa
bigkis ng mga imahen, himig-dasal, at bighani ng talinghagang isiniksik sa mga taludtod na ito :
Mapapansin na tahasang taliwas ang gawi ng mga tula’t awit dito sa elitistang estilo ng “art-for-art’s
sake,” isang manipestasyon ng komoditi-petisismo. Ang sining ni Ka Eric ay masasabing isang anyo
ng praktikang hango sa proseso ng relasyong panlipunan. Hindi ito representasyong muslak o
imitasyon ng kapaligiran. Hindi rin repleksiyon ng ulilang kaluluwa, kundi siya mismong produksiyon
ng isang kinakailangang porma ng kamalayang sosyal sa isang tiyak na yugto ng kasaysayan
(kaugnay ng paghubog ng “tipikal” na karakter at insidenteng isinusog ni Fredrick Engels sa kanyang
diskurso tungkol sa estetika ng nobela). Ang birtud ng sining dito ay masisinag sa pakikisangkot ng
“Ako” o pansariling atitudo sa kolektibong budhi/bait sa daluyan ng malingap na kolaborasyon at
pagdaramayan. Marahil, ang “sikmura ng ina/na nagsubo ng sundang” ang emblematikong
sangkalan ng matris ng rebolusyon, ang sisidlan ng nagtagong “explosives,” ang hindi nakumpiskang
TNT na hitik sa malikhai’t mapagpalayang potensyal na kapangyarihan ng sambayanan.
Ang panitik ni Ka Eric, bagama’t nakasandig sa ordinaryong buhay ng mga manggagawa’t pesante,
ay hindi nakukulong sa taguring “proletarian literature” na kinahumalingan ng mga pangkating “ultra-
left’ sa Bolshevik rebolusyon. Tinuligsa ni Lenin ang dogmatiko’t sektaryang pananaw na bukal ng
garapal na kategoryang Tendenzkunst. Natugon ng mapaglarong imahinasyon dito ang hinihingi ng
Yenan Forum: popularisasyon ng diwang radikal, pag-angat sa pamantayan. Higit pa rito, ang
sintesis ng popular na laman (pabalbal na salita, reperensiya sa operasyong seksuwal, satirikong
tawa, makalupang aliw) at realistikong paghahabi (kasanayang halaw sa burgesyang pangitaing
empirisista’t naturalistiko) ay katibayan na nag-aangkin ng sosyalistang oryentasyon ang mga akdang
naiambag dito.
Walang dudang kumplikado ang paglalakbay ng diwa ng may-akda. Nag-umpisa sa petiburgesyang
saray–sino ba ang organikong intelektuwal ng istrukturang neokolonyal na hindi nakaangkla o
nakiangkas sa uring ito?–nahulma ang saloobin ng makata sa masalimuot na pakikibaka sa iba’t
ibang larangan, laluna sa daluyong ng mobilisasyon sa “Nagkakaisang Hanay.” Ito ang lohika ng
edukasyon ng manunulat sa atin. Gayunman, hindi populista ang katuturan nito sapagkat may tiyak
na hangad: pagdurog sa sistema ng pribadong pag-aari ng mga kagamitan sa produksiyon, pag-
tanggal sa base ng alyenasyon: lakas-paggawa bilang komoditi (exchange-value). Samakatwid, hindi
ito nakabuntot o sumasakay lamang, bagkus namumuno’t nagtuturo. Ang importante ay kung saan ka
papunta, anong layon o mithiin ang iyong ipinaglalaban sa ngalan ng radikal na transpormasyon ng
lipunan, ng pamumuhay ng bawat tao. Laluna, pangunahin ang matalinong pagbubuklod ng teorya at
praktika.
Sa ganitong perspektiba, paglimiin ang pinakabuod ng ars poetica ng bilanggong politikal dito at sa
testimonyo ng iba pang pinagbangisan ng Estado (tulad nina Angie Ipong, Alex Pinpin, Alan
Jazmines–di na mabilang ang mga saksi). Bakit makahulugan ang mga akda ni Ka Eric sa paglinang
ng ideya’t damdamin ng biktima, sa pag-untag at pagpapatingkad ng konsiyensiya, sa artikulasyon ng
makatwirang pagbubunyag ng isip at damdamin? Sapagkat sinikap niyang labanan ang
obskurantismo, kasamaan at inhustisya na naghihiwahiwalay, sumusugat, pumapaslang. Kuro ni
Berger: “The moment of truth is now….Poetry addresses language in such a way as to close this
indifference and to incite a caring” (Selected Essays, 2001, p. 450).
Ang pinag-uukulang awdyens dito ay walang iba kundi ang komunidad ng mga karaniwang tao
saanmang lugar. Kaya hindi ka pwedeng magtago o tumiwalag. Huwag na nating intindihin ang mga
kagalang-galang na pantas sa akademya na nagbibigay-pribilehyo sa halaga ng porma at estilo, sa
iskolastikong istandard hango sa mga idinikta nina Aristotel, Kant, Arnold, I.A. Richards, Harold
Bloom, Northrop Frye at mga disipulo nila. Namamayani pa rin ang neoliberalismong paradigma sa
mapanggayumang dikonstraksiyon, sa mga teorya nina Foucault, Deleuze, Negri, atbp. Subalit
yumao na sina Derrida at Jose Garcia Villa–hayaang iburol ng patay ang patay.
Ang sandali ng katotohanan, ang saglit ng pagtutuos, ay dumating na. Sumabog na ang “moment of
truth” sa gitna ng interegnum kung saan nalulusaw ang mga idolo at bulag na ritwal ng pagsunud-
sunuran. O kaya’y nagiging multo o ispiritung nakaluklok sa erotikong kindat ng mga nilalako sa
iskaparate sa megamall, sa TV, sa pelikula, sa nakahuhumaling na “ukay-ukay” sa Internet. Pati na
ipinagbibiling utak at kaluluwa. Ang komoditi-petisismo, konsumerismo, at pribatisasyon ng kahit
anuman ay mahirap takasan. Lahat tayo ay biktima nito, humigit-kumulang. Paano tayo makaiiwas
dito, makahuhulagpos, makababalikwas sa egemonya ng anarkistang kapital?
Natukoy na natin ang pinanggalangin ng awtor, ang organikong saligan ng kanyang pakikitungo sa
kapwa. Di lang pakikipagkapwa sa kadugo (Mabuhay, pantayong pananaw!) kundi taos-pusong
solidaridad (sa radikal na pakahulugan sa salitang ito) ng mga busabos, alipin, mga taong
pinagmalupitan at pinagsamantalahan saanman. Naibaling na sa unahan ang pagmumuni sa
sitwasyong pampolitika at pasistang programa ng mga makapangyarihang may-ari, ang tunay na
kriminal sa hatol ng taumbayan. Ipagpaubaya na natin ang masusi’t masinop na analisis ng teksto at
hugis ng mga akda rito sa ibang kasama, gayundin ang dalubhasang pagbubusisi sa bawat salik ng
balangkas ng pagsasalaysay. Pagnilayin natin ngayon ang reaksyon ng mambabasa o awdyens
sapagkat kung wala ito, anong halaga ng sining? Sa katunayan, ang sining ay isang
produkto/prosesong sosyal, isang praktikang tahasang nakalaan upang ikalugod ng komunidad–ang
kaalaman ay ligaya, sabi ng pilosopo–o, kung minarapat, ikabagabag nito. Walang saysay o
kabuluhan ang likhang-sining kung hindi magagamit na maiging kasangkapan para sa ginhawa’t
kasaganaan ng komunidad.
Sa pabirong panukala, maaaring ipagmalaki na, totoo, walang silbi ang tula para sa ordeng umiiral.
Pagkikitaan ba iyon? Bakit pag-aaksayahan ng panahon? (Magugunita ang tugon ni Balagtas sa
“pula’t pag-ayop”: “Tubo ko’y dakila sa sariling pagod.” ) Di mapagkakaila, tayo’y nabubuhay sa gitna
ng karahasan at kabulukan, halos matabunan ng naglipanang dokumento ng sibilisasyon at
barbarismo na pawang instrumento na rin ng negosyo at burokrasya. Pwedeng tanggapin sa Europa
at Norte Amerika na pagkatapos ng Auschwitz at mga “incinerator” ng pasismo (ibilang na rin ngayon
ang bantog na bartolina sa Gunatanamo), ayon kay Theodor Adorno, hindi na makasusulat muli ng
lirikong awit gaya nang dati. At dagdag pa ni Roland Barthes, patay na ang awtor.
Diyata? Ngunit sandali lamang, may pagkakaiba: sa mga nasasakop at inaaliping bansa–mga
kolonya (halimbawa: Puerto Rico) o neokolonya tulad ng Pilipiinas–nagbabanta pa ang oras ng
katotohanan. Malayo pa ang wakas ng naratibo, ang denouement ng dula. Hinagap natin na hindi pa
ganap na napawi ang bukal ng matalisik at pagkamaparaang diwa ng mga katutubo’t uring pesante,
trabahador, kababaihan, artisano–ang nakararami. Ang maalamat na taga-igib at mangangahoy,
bumubungkal ng lupa at yumayari ng mga kagamitan–nariyan pa rin sila’t nag-iisip, nag-iistratehiya.
Sila ang ultimong awtor ng mga akda rito. Bakit umaasa pa? Sapagkat may lakas-paggawa pang
pinipigil, dinuduhagi, umaalsa, bumabaligtad, lumalaban. Oo, nakaimbak pa’t nahihimlay ang
nagbabagang binhi ng kinabukasan, ang dangal at puri ng sambayanang unti-unting bumabangon.
Mayaman at malusog ang ating tradisyon ng pakikibaka at pagsisikap na mapalaya’t mapaunlad ang
ating bayan. Mula pa noong mga rebelyon nina Dagohoy at Gabriela Silang hanggang sa 1896
rebolusyon ng mga Propagandista, Katipunan, at mga gerilya nina Sakay at Ricarte, sampu ng mga
Morong nagtanggol sa kanilang tahanan sa Mindanao at Sulu mula noong Digmaang Filipino-
Amerikano (1899-1913), walang tigil ang pagpupunyagi ng taumbayan upang mapatalsik ang
mananakop. Nagkaisa tayo laban sa rasistang pag-alipusta ng Espanya, ng Estados Unidos, ng
Hapon at ngayon, ng korporasyong transnayosnal, World Bank-IMF, kaagapay ng mga taksil sa
bayan, ang mga asendero, burokrata-kapitalitasta at malalaking kumprador, at mga bayarang
intelektuwal. Ang tradisyong mapanghimagsik ay hindi katumbas ng “holocaust” sa Europa kundi ng
rebolusyong anti-pyudal sa Pransiya, mas kahawig ng anti-imperyalistang pakikibaka sa Tsina, Cuba,
Algeria, atbp. Naging pagkakataon iyon sa pagsibol at pamumulaklak ng iba’t ibang uri ng likhang-
sining at panitikan kaakibat ng paglago’t paghinog ng kamalayang siyentipiko, mapanuri’t
mapagpalaya.
May tradisyon din tayo na isingkaw ang karanasan sa bilangguan sa gawaing pagmumulat at pag-
oorganisa sa kamalayang inalipin. Kabilang na rito ang pakikipagsapalaran nina Balagtas, Rizal,
Isabelo de los Reyes, mga mandudulang “seditious,” hanggang kina Benigno Ramos, Amado V.
Hernandez, Jose Maria Sison, Maria Lorena Barros, atbp. (Kamakailan, nabanggit nga ni Ka Eric,
isang babaeng detenido, si Charity Dino, ay natutong magsulat sa loob ng kulungan.) Sa nangyaring
pagkapiit kay Ka Eric, naging partisano na siya sa kapatirang ito. Katibayan siya sa katotohanan ng
tortyur at paglapastangan. Saksi din siya sa pagtangkilik ng kapakanan ng mayoryang gumagawa’t
nagsisilbi. Sa bisa ng pagmamalasakit, kinatawanan niya (sa literal na himaton nito) ang pagsasalita
sa panig ng karaniwang tao: isinatinig niya rito ang pangarap, kaisipan at damdamin ng bayang
naghihimagsik. Samakatwid, ang kasaling awtor dito ay kayo rin, madlang sumsubaybay, at ito’y
maigting na alegorya ng inyong buhay. Paano naisakatuparan ang adhika’t lunggati ng masang anak-
pawis?
Sa dalumat ni Boris Pasternak, ang bigkas ng damdamin ay tahasang alegorikal: “The ineluctable
language of all art is the movement of the allegorizing itself, and this language symbolically speaks of
force” (sinipi ni F.D. Reeve, “On Some Scientific Concepts in Russian Poetry,” 1966). Idako muli ang
isip sa tulang “Halaw ng Buyonero,” o “Isang Minutong Katahimikan” o “Ang Mga Baliw” o “National
Geographic Revolution.” Paglimiin kung paano naisaayos at nabuo ang mga kathang ito, anong
sagabal at kamyerdahang ginalugad at sinala upang mailuwal ito. Maingat o mapusok man ang
indayog ng sensibilidad, masugid o matipid man ang paglinang ng paksain, walang kinalaman ito sa
matimping pagsudlong ng tula sa mabagsik na praktika ng araw-araw na paghinga sa selda.
Mapapakiramdaman ang saloobin sa “Pagpupugay” na matagumpay na naisakatuparan ang
mapagpasiyang eksperimento: ang “kontradiksyong/ang iyong isinabuhay.”
Masaklaw at malalim ang ramipikasyon ng buong proyektong inilunsad ni Ka Eric sa librong ito. Tulad
ng “Panata sa Kalayaan” ni Amado V. Hernandez o ng “Bayan Ko” ni Jose Corazon de Jesus
(koleksiyong pinamatnugutan ni Monico Atienza), ang militanteng daloy ng mga akda ay hindi
limitado ng ideolohiya ng proletaryo o uring petiburgis, hangga’t ito’y nagsisikap bumaklas sa kwadro
ng minanang kumbensyon at isinuob na ugali’t istandard. Bagamat nakatuon sa partikular na
karanasan, ang paghabi ng tula ay may di-pangkaraniwang udyok ng lakas na dumadaloy rito, may
natatanging sigla at enerhiyang nagbubuhat sa imahen, himig, tugma, talinghaga. Ang mirakulong
lakas na iyon ay lumulundag palayo–tungo sa isang mithi, simbuyo ng tuwa, intuwisyon ng alindog sa
mukha o panooring kaiba, kakatwa, o nakamamangha. Ang lakas ng imahinasyon ay nakaluklok sa
dibdib ng posibilidad, sa pugad ng pagkamaaari. Ito ay katangiang taglay ng di pa nasusubukang
kakayahan ng sangkatauhan, nakabungad sa pangil ng lagim ng tortyur at kilabot ng digmaan.