You are on page 1of 3

Panitikan Hinggil sa Diaspora at Migrasyon

Manipesto ng Migrante

Sa ganitong oras,

sa mga sandaling ang mga titik

na ito ay iyong binabaybay sa isipan.

Ang iyong ina, ama, anak, kapatid,

kaibigan, o kababayan

ay kasulukuyang nakahalukipkip

ang pagal na katawan sa lamig

O kaya’y nagsasalansan ng bakal

sa gitna ng init

at hindi nag-iinda sa tila apoy na asarong

tumutupok sa kanyang balat.

Sa pagkisap ng iyong mata,

singbililis ng pangyayari

Isa sa iyong kapatid o kadugo na babae,

o baka ang iyong ina

ang hinalay nang walang pakundangan

ng kanyang amo o sinumang

walang budhing ganid sa laman,

sa pagkakataong ibinigay na siya

ay banyagang-manggagawa

sa lupang kinatatayuan.

Pilitin huwag ikurap ang iyong mga mata

at baka muling halayin ang iyong

bunso o ang iyong sinisinta.

Sa iyong paglunok,

bago matapos basahin ang susunod na salita.

Sabay nito,

may ginigilitan ng leeg sa gitnang silangan.

Batas nila ang nangingibabaw


sa kung ano mang salang ginawa,

kapalit ay hindi lang ang ulo ng biktima

kundi na rin ang buhay ng supling

na naghihintay sa kanilang pagdating.

Pigilin na huwag bumara ang laway sa lalamunan,

tulad ng pagpigil sa tilamsik

ng dugong manggaling sa putol na katawan,

tulad ng pagputol sa pangarap ng mga abang giliw.

Sa paglipat mo ng pahina

sa pagbasa ng mga katagang nakatipa,

ilan kaya ang iniuuwi sa kanilang tahanan

na baliw o bangkay

na biktima ng lupit ng karanasan ng mangibang-bayan.

Impit na palahaw

ang bati ng mga sumalubong

sa pinakahihintay sa nalayong mahal

sa pagtanggap sa kinahatnan.

At sa pagwawakas mo,

sa pagkakatitig mo sa tuldok ng huling pahina

Ilan muli ang mangangarap

at aalis sa lupang-sinilangan

upang sumagupa sa karanasang naghihintay.

May bakasakali sa puso ng isang tagumpay

at may kakambal na kaba at takot

sa tatahakin sa landas na paroroonan

May binubuong pangarap,

may pangakong tutupdin para sa lahat.

At sa paglisan,

sa kanyang pagpa-paalam,

may baon na pag-asa sa muling palayong-hakbang.

Ngunit, kung bakit may balakid

sa kanyang daraanan

Ay sanhi ng lupit ng batas na pipigil

sa pagusad ng kanyang buhay.

Lupit na magbabadya ng kanyang hangganan,


lupit na magtitiyak na

pagiging alipin ang kanyang patutunguhan.

At sa iyong pagbitiw

sa manipestong ngayong hawak mo.

Nakatimo na sa isang sulok ng iyong puso

ang lungkot, hirap, pagod,

saya, ligaya at pag-asa.

Lahat ng karanasan at damdamin

ng isang migrante.

At sa sandali rin na ito,

ang pagpupuyos ng iyong damdamin

Ay madarama sa pagharap sa katotohanang

ang migrasyon ay karapatang

binibigyang hangganan,

may bakuran sa ibang bayang

nagtatakda ng kanilang kinabukasan.

Banyagang manggagawa ang taguri,

di tatanggapin maging kasing-bayan man lang.

At sa muling pag-inog ng iyong buhay,

sa bawat hakbang mo

sa iyong galaw,

sa iyong damdamin at isipan,

kasabay nang muling paghugot

ng iyong hininga,

kasama mo na siya,

kapiling ng iyong kaluluwa

sa pakikipaglaban sa pagkamit

ng kalayaan ng sangkatauhan.

Mula sa mga tula ni Corazon Amaya-Canete

Editor’s Note: Ang tulang Kalayaan (Ng Isang Migrante) at Manipesto ng Migrante ay nagwagi
ng pangatlo at unang gantimpala sa Gawad Ka Amado V. Hernandez.

You might also like