You are on page 1of 1

Mga Kasanayang Komunikatibo na Nagagamit sa Klase

Ang kasanayang komunikatibo ay ang wastong paggamit ng mga salita na angkop sa isang
sitwasyon. May apat na pangunahing elemento ang kasanayang komunikatibo. Ito ang kakayahang
linggwistik, kakayahang sosyo-linggwistik, kakayahang diskorsal, at kakayahang istratedyik.

Kakayahang Linggwistik

Ito ang pagkakaroon ng sapat na kaalaman sa wastong paggamit ng balarila (wastong pagbuo at
paggamit ng mga salita), syntax (tamang ayos at ugnayan ng mga salita sa isang pangungusap),
at bokabularyo (kahulugan ng mga salita).

Ang mag-aaral na may ganitong kakayahan ay nakapagbubuo ng mga pahayag na may malinaw na
mensahe dahil sa paggamit ng wasto at angkop na mga salita. Sinasagot ng kakayahang ito ang mga
tanong na:

Anong mga salita ang dapat kong gamitin?


Paano ko pagsasama-samahin ang mga salita upang makabuo ng isang pangungusap na
nagpapahayag ng isang buong diwa?

Kakayahang Sosyo-linggwistik

Ito ang pagkakaroon ng kaalaman kung paano gagamitin ang mga salita batay sa kontekstong sosyal ng
salita.

Ang mag-aaral na may ganitong kakayahan ay nakapagbubuo ng mga pahayag na may pakahulugang
sosyal na angkop sa kaniyang kausap. Sinasagot ng kakayahang ito ang mga tanong na:

Anong mga salita ang angkop gamitin kung ang kausap ay taga-ibang bansa? taga-probinsiya?
Paano ko ipahahayag ang aking saloobin tungkol sa isang isyu na hindi makakasakit sa
damdamin ng kausap?
Ano ang mga salitang gagamitin na angkop sa kahalagahang kultural ng kausap?
Paano ko malalaman ang tiyak na mensahe ng kausap na hindi magkakaroon ng hindi
pagkakaunawaan dahil sa pagkakaiba ng sosyal na pakahulugan?

Kakayahang Diskorsal

Ito ang pagkakaroon ng kaalaman kung paano mapag-uugnay-ugnay ang mga pahayag upang makabuo
ng isang malawak at pangkalahatang mensahe o diskurso.

Ang mag-aaral na may ganitong kakayahan ay makapagbubuo ng isang sanaysay tungkol sa isang isyu at
naipahahayag ang sariling saloobin o opinyon tungkol dito. Sinasagot ng kakayahang ito ang mga tanong
na:

Paano mapag-uugnay-ugnay ang mga salita at pangungusap upang makabuo ng isang sanaysay,
talumpati, o artikulo?
Paano maipapahayag ang saloobin o opinyon tungkol sa isang isyu?

Kakayahang Istratedyik

Ito ang kakayahang gamitin ang mga salita upang makapagpahayag ng isang mensahe kahit pa kulang
ang kaalaman sa wika o sa konteksto nito.

Ginagamit din ito upang maitama ang isang pahayag na maaaring pagmulan ng hindi pagkakaunawaan
dahil sa maling paggamit o pagsasakonteksto ng salita. Ang mag-aaral na may ganitong kakayahan ay
nakapagbubuo ng pahayag na nauunawaan ng kausap kahit magkaiba ang kanilang pinanggalingang
konteksto. Sinasagot nito ang mga tanong na:

Paano malalaman na hindi naunawaan ng kausap ang mensaheng nais ipahayag?


Paano ipahahayag ang sarili kung hindi pamilyar sa gagamiting wika?

You might also like