You are on page 1of 4

Mensahe

Wilhelmino M. Sy-Alvarado
Gintong Kabataan Awards 2017
22 Setyembre 2017

(Batiin at kilalanin ang mga panauhin)

Isang mapagpapalang araw po sa inyong lahat!

Ang pagkakataong matunghayan natin ang ating mga kabataan, sa kabila ng


kanilang kamusmusan na nagpupunyagi at matagumpay sa larangan kanilang
kinabibilangan ang pinakanatatanging kapurihang maaring taglayin ng isang
henerasyon, sapagkat sila ang pinakamaningning na larawan ng ating dalisay na
pagsusumikap na sumpungin ang kabutihan ng ating inang bayan.

Sa pagtatalaga ng kanilang mga murang buhay sa mga makabuluhang


adhikain, isinabuhay nila ang dakilang tagubilin ng ating Pambansang Bayani na si
Gat. Jose P. Rizal at ganap silang maituturing na mga batong bumuo sa isang
katangi-tanging edipisyo, kagaya ng kanyang nawika sa katauhan ni Simoun sa
kanyang obrang El Filibusterismo, aniya,

Walang halaga ang buhay na hindi nauukol sa isang layuning dakila,


parang isang bato sa linang, sa halip na maging sangkap ng isang
gusali.

Ang pagtatampok sa kanilang mga nagawa at pagkilala sa kanilang mga natatanging


katagumpayan ay hindi lamang pagtangkilikik sa kanilang kahinaan, kamusmusan o
kapusukan, sapagkat batid nating lahat na namumutawi sa kanilang mga kaluluwa
ang husay, talino at kakayahang maging katuwang sa pagtataguyod ng
pangkalahatang kabutihan. Lubos na naniniwala ang inyong lingkod, na ang taglay
nilang mga katangian ito, ang marapat na maging pamantayan ng lipunan, sa
pamamahala o maging sa anumang layuning ating isinusulong. Sa pahayag nga ng
dating senador na si Robert Kennedy,

This world demands the qualities of youth: not a time of life but a state
of mind, a temper of the will, a quality of imagination, a predominance of
courage over timidity, of the appetite for adventure over the love of ease.

1
Wala na marahil na dadakila pa, sa mga madugong pahina ng ating
kasaysayan, na pinatingkad ng mga tala ng kagitingan ng ating mga kabataang,
hinubad ang anumang bahid ng kamusmusan upang balikatin ang pagpasan sa
mabigat na kalagayan ng bayan at lunasan ang mga karamdaman malaon ng
nagpapahirap sa lipunan. Ang Balintawak, ang Paso ng Tirad, ang mga lansangan
ng Madrid, Barcelona at iba pang lunsod sa Europa, ang Luneta, at ang dambana ng
Barasoain sa Malolos at ang EDSA ay ilan lamang sa mga naging maalamat na saksi
sa pangingibabaw ng kanilang talino, kagitingan at higit sa lahat, dalisay na
pagmamahal sa inang bayan.

Ang Lalawigan ng Bulacan ay mapalad na biniyayaan ng mga natatanging


kabataan, at ang kanilang mga sinag ay hindi lamang nagbigay liwanag sa mga sulok
nito, bagkus ay tinanglawan ang buong bansa lalot higit sa mga mapanglaw na
kabanata ng kanyang kasaysayan. Nariyan si Gat. Marcelo H. Del Pilar, ang kanyang
pamangkin na si Hen. Gregorio del Pilar, Mariano Ponce, Pio Valenzuela at marami
pang iba. Sa kabila ng kanilang murang gulang, naging bukal sila ng pag-asa at
inspirasyon para sa mga mamamayang lugmok sa pighati at pagmamamalabis. Salat
man sa mga laya at karapatang ipinagkait ng mga mananakop, pinagsumakitan
nilang sumpungin ang mahahalagan kaalaman sa pamamagitan ng edukasyon
sapagkat batid nila na ito lamang ang tanging paraan upang mapatatag ang kanilang
marupok na kalagayan sa lipunan.

Hindi lamang sa larangang ito nila ipinadama ang kanilang pag-ibig sa bayan.
Marami ding mga kabataang Bulakenyo ang nangibabaw sa sining, pamamahala,
panitikan at iba pang larangan at propesyon. Patunay ito sa mayamang legasiyang
taglay ng ating lipi at tuwirang nananalaytay sa ating dugo ang likas na
pagkamakabayan

Sa maraming panahong ring binalot ng kadiliman ang sambayanan, pinagalab


ng mga kabataang Pilipino ang kanilang mga pusot damdamin na nagsilbing
maliwanag na tanglaw na nagluwal ng pag-asa, upang maitawid muli ang minamahal
nating republika patungo sa mapagpalayang sinag ng demokrasya, katarungan at
katuwiran.

Ang pagkilala at parangal na igagawad natin ngayon sa mga natatanging


kabataan ng ating lalawigan ay hindi lamang papalamuti sa kanilang mga indibidwal
na pagkatao, bagkus ay maningning ring putong sa kadakilaan ng ating lalawigan na
kanilang kinakatawan sa kasalukuyan at ganap na pamumunuan sa malapit na
hinaharap. Ang mga medalya o tropeyong ito, payak mang maituturing ang sagisag

2
ng kanilang natatanging katagumpayan na hangad nating maging habambuhay na
paalala sa ating mga kabataan, upang katulad ni Rizal ay maitalaga nila ang kani-
kanilang lakas, talino at husay sa mga makabuluhang bagay na magpapayabong
hindi lamang sa kanilang sarili, bagkus ay tatangkilik din sa pangkalahatang
kapakanan ng ating minamahal na lalawigan.

Sa diwang ito ay taus pusong binabati at nagpupugay ang inyong lingkod sa


lahat ng mga kabataang tatanggap ng parangal sa araw na ito at naway patuloy
ninyong tahakin ang landas patungo sa tunay na pagbabago upang ganap ninyong
makamtan sa malapit na hinaharap ang lahat ng inyong nilulunggating pangarap.

Bilang pangwakas, ay hayaan po ninyong halawin kong muli ang ilang kataga
mula kay Dr. Rizal, sa katauhan ni Pari Florentino, mula sa kanyang obrang El
Filibusterismo, upang pukawin ang inyong diwa, sa animoy hamon niya sa ating mga
kabataan, aniya

Nasaan ang kabataang naglalaan ng magagandang sandali, ng kanilang


mga pangarap at kasiglahan alang-alang sa ikabubuti ng kanilang
bayan? Saan naroon ang handang magpakamatay upang hugasan ng
dugo ang napakaraming pagkakasala? Upang karapatdapat ang
pagpapakasakit itoy kailangang malinis at busilak. Nasaan ang
kabataang may lakas na tumanan na sa aming mga ugat, ng kalinisan ng
diwa na narumihan na sa amin, ng apoy ng sigla na patay na sa aming
puso? O kabataan, kayoy aming hinihintay!

Maraming salamat po.

Mabuhay ang mga kabataang Bulakenyo!

Sa punto pong ito, ay akin rin ang karangalang ipakilala sa inyo ang ating
pinagpipitaganang panauhing pandangal. Bagaman ang kanyang kabantugan ay
nahihigitan lamang ng kanyang mga katangitanging nagawa sa larangan ng
paglilingkod bayan ay hayaan ninyo po ang inyong lingkod na bigyan siya ng angkop
na karangalan sa pamamagitan ng pormal na pagpapakilala.

Ang ating pong pinagpipitaganang ginoo ay maituturing na isang matibay at


maasahang kapanalig ng taong bayan sa loob ng Senado na dalisay na nagsusulong
ng kapakanan at pangkalahatang kabutihan ng sambayanan, lalot higit yaong mga
karaniwang mamamayang salat sa pagkalinga ng lipunan.

3
Ilan lamang po sa mga batas na kanyang inakda at masugid na isinulong sa
Senado ang Anti-Agricultural Smuggling Law, Sangguniang Kabataan Reform Law,
Balancing Housing Law, Creation of the Department of Information and
Communications Law, Sugarcane Industry Development Law, Road Limiter Law at
ang Foreign Investment Liberalization Act. Buong sigasig rin po niyang patuloy na
isinusulong sa Senado ang pagpasa ng ilan pang mahahalagang piraso ng
lehislasyon na batid nating lahat na lubhang magpapabuti sa kalagayan ng bayan,
katulad ng Freedom of Information Act, Train Protection Act at ang malaon nang
nilulunggating modernisasyon ng Philippine National Railways.

Samantala, ang pagkakatalaga po niya bilang Taga-Pangulo ng Senate


Committee on Urban Development, Housing and Resettlement ang nagbigay daan
sa kauna-unahang pagdaraos ng National Housing and Urban Development Summit,
na binubuo ng siyam na buwang konsultasyon at pag-aaral na kinabibilangan ng 111
ahensya ng pamahalaan at naglalayong ganap na matugunan ang 5.5 milyong bilang
ng kakulangan sa disenteng pabahay.

Dalisay rin pong itinataguyod ng ating pinagpipitaganang ginoo ang sektor ng


transportasyon, kung saan kanyang masugid na isinusulong ang pananatili ng
kaligtasan sa mga lansangan at ang pagpapabuti ng mga pampublikong
transportasyon sa pamamagitan ng tren at riles upang maging maginhawa ang
paglalakbay ng ating mga mamamayan at maibsan na rin ang lumalalang daloy ng
trapiko sa ating bansa. Isinusulong rin po niya ang mahahalagang reporma sa sektor
ng agrikultura at ang kapakanan ng ating mga kabataan sa pamamagitan ng Free
Higher Education Act.

Bago po mahalal na Senador ng Republika, Siya po ay nanungkulan Bilang


Punong Lungsod ng San Juan mula 2001 hanggang 2010 at kalaunanay Kinatawan
ng Unang Distrito mula 2010 hanggang 2013.

Mga kalalawigan, karangalan ko pong ipakilala sa inyo, ang ating panauhing


pandangal, IGG. JV EJERCITO, Senador ng Republika ng Pilipinas!

You might also like