Professional Documents
Culture Documents
Ibang uri ang edukasyon mula sa kulturang popular. Ito ay informal na kaalaman
dulot ng media (telebisyon, radyo, sine, DVD, cell phone, internet, videoke, cable at
iba pa) o kasangkapang pangmedia (mall, coffee shops, shawarma, sago drinks, gin
pomelo, gimik na lugar, droga, prom nights, at iba pa). Sa katunayan, may shelf life
ang anumang artifact ng kulturang popular, sikat lamang ito sa kasalukuyang
pagdanas ng fad kahit pa may paratihang media at genre na nagsisiwalat nito. Pero
hindi mauubusan ng bagong uso, at sa pagtangkilik ng bago, minamarkahan na rin
ang pagkaluma at obsolete ng mga komoditi ng kulturang popular. Si Martin Nievera
at Ariel Rivera ng malayong noon, si Sam Milby ngayon—mga Filipino Amerikanong
naging phenomenal ang pagkatanyag pero minarkahan din ng fans ng taning ang
career. Hanggang dito na lamang at maraming salamat. Hindi nauubusan ng hot
pandesal ang 24/7 na Pugon de Manila o ang ating friendly neighborhood
panederya.
Magpakagayunman, ang kulturang popular ay nilalahukan na may kaakibat na
paninindigan sa katotohanang sinisiwalat nito. Hindi man natin mapagpag ang ating
nakaraan, lalo na ang mga ginawa sa ngalan ng pagtangkilik ng mga komoditi ng
kulturang popular—mula shoplifting hanggang pagmamaktol sa di pagtangkilik sa
Jollibee, mula adiksyon sa droga hanggang sa otentikong pagkapukaw sa nostalgia
ng mga McDonalds na komersyal—ay ginagawa pa nating konstityutib o bumubuo
ang mga ito ng ating pagkatao. Maaring makilanlan ang ating pagkatao hindi na
lamang sa pamamagitan ng ating mga piniling mga kaibigan, kundi pati na rin nga
mga tinangkilik na komoditi ng kulturang popular. Henerasyonal ang pagtangkilik na
ito na lumilikha ng malay at di-malay na balon ng kolektibisasyon. Ito ang text
generation na generation Y na kaiba sa low-waist gang ng kabataang nagrerebelde
ng 1960s, o ang henerasyon ng biyakan at nagwasto ng dekada 80 at 90. Kung
buburahin ang mga komoditi at ekonomiya ng kulturang popular na pinapalaganap
rin naman ng mismong estado, ano pa ang matitira sa ating pagkatao? Ano pa ang
katotohanang nabuhay tayo sa isang partikular na lipunan at kasaysayan?
Ang afinidad ng kulturang popular at formal na edukasyon ay pareho tayong
nagbabayad para sa inaakalang mabibiling katotohanan tungkol sa pagkatao,
rekisito ng pagiging gitnang uring mamamayan. Nag-aaral ka at malamang,
nagdurusa at binibili mo ang ethos na ito para sa pangako ng posibilidad—hindi na
mangyayari ang inaasam-asam na mangyari kundi, tulad ng finansya ng investment
at pagsusugal, binabawasan mo ang risk factor para sa posibilidad na mangyari nga
ang inaasahang mangyari. Sa adbentura ng pambansang kaunlaran sa global na
ICT (Information and Communication Technology) na naglulugar sa bansa at ang
kanyang lakas paggawa sa mababang antas ng bagong global at sexual na dibisyon
ng paggawa, partikular sa gawaing call center, ang tertiaryong edukasyon ay hindi
na nangangako ng katubusan. Bagkus, spesipiko ang vocational na kahilingan—ang
kanluraning gamit ng wikang ingles—na maaring matutunan dahil sa uring
pinagmulan (mga tahanan na nakapagturo ng wika sa pagpapalaki ng mga bata),
debating team at speech clubs, o panonood ng ingles na cartoons sa cartoon
channel sa cable—para umangat sa gitnang uring status. Samakatuwid, hindi na
lamang formal na edukasyon ang pasaporte sa panlipunang mobilidad, maging ang
pagkababad sa kulturang popular ay bahagi na rin ng pagtatakda ng pangako ng
posibilidad. Ito ang bagong uri ng intelektwal na kapital sa kagyat na kasalukuyang
pambansang panahon.
Ang pagbibigay-pribilehiyo sa bagong kapital ay matutunghayan kung gaano
nakadiin ang kulturang popular bilang hulmahan ng inaasam na gitnang uring buhay.
Mayroong sinisiwalat na katotohanan ang akto ng pagtangkilik at pag-asam na
makatangkilik (na kasing bigat itong pag-aantay sa mismong akto ng pagtangkilik)
ng kulturang popular. Itong katotohanan ay nakapoder sa pagdanas ng gitnang uring
estadong pang-indibidwal sa pang-araw-araw. Walang gustong umalaalang
naghihirap siya. Na sa predikamento ng gitnang uri, hindi lamang dahil nakakasapat
ang kanyang panggastos sa pang-araw-araw na pangangailangan, kundi walang
paghahanda sa inebitableng maaring mangyari—pagkakasakit nang malala,
aksidente, pagkasunog, pagkanakaw ng ari-arian--na makakapilay sa finansyal na
lagay. Walang konsepto ng insurance o certainty ng uncertainty kaya hindi ito
inilalahok bilang inkrementong pangangailangan na paglaanan ng tustos-gastos.
Ano pa kaya sa nakararaming naghihikahos na uri na said sa batayang
pangangailangan? Samakatuwid, ang pang-uring posisyon ng mababa at gitnang uri
ang nagiging kasalukuyang aparato ng estado at industriyang pangkultura na
magpatangkilik nang labis sa pangkasalukuyang antas. Walang motibasyong mag-
invest sa panghinaharap dahil una, hindi kaya itong sakupin ng predikamento at
finansyal na lagay ng kasalukuyan; ikalawa, huthutan ng koraptibong praktis din
naman ang pribado at publikong negosyo ng panghinaharap (mula anomalya sa
GSIS hanggang sa naglipanang pyramid schemes ng mga AFP cooperatives at pati
na rin ng daan-daang magulang na nagbayad ng prepaid educational plan sa CAP
Assurance); at ikatlo, ang pakiwari ng malawakang pagtangkilik sa kulturang popular
(isipin na lamang ang sampu-sampung produktong ginamit pagkagising, paliligo at
paggagayak bago makarating sa patutunguhan) ay nakaangkla sa pangkasalukuyan
lamang. Hindi ka gumagamit ng deodorant ngayon para tanggalin ang masangsang
na amoy o pawis ng kilikili bukas o sa isang buwan. Hindi ka nanonood ng sine para
iimbak ang kaalaman at epiphanies sa panahong magagamit mo ito sa akmang
sitwasyon sa hinaharap. Hindi rin naman ito carpe diem (seize the day) mode dahil
ano naman ang mapapasaiyo sa paggamit ng deodorant o panonood ng sine,
pagsagot ng tama sa klase, kundi ang kasiyahang dulot ng sandali. Hindi lamang
mailap itong sandali, pamandalian pa ang sandali. Kung pangmatagalan ito, hindi na
ito sandali. Ito na ang soundtrack ng buhay mo.
Sapagkat ang kulturang popular ay kultura ng gitnang uri. Ito ang handang tanggapin
ng nakakataas na uri bilang lehitimong kultura o ang kanilang pwedeng ibaba at
nang magkaroon ng malawakang kolektibong karanasan kumpara sa pwesto sa
tuktok ng tatsulok. Hindi ito ang “Bumtarat-tarat” at “Itaktak mo” bilang regular na
pinapanood at isinasayaw pero nagiging bahagi kapag ginamit sa electoral na
kampanya (tulad sa kandidatura sa pagka-senado ni Miguel Zubiri), sa mga alta-
sosyedad na party bilang novelty, o kapag kinanta ng UP Madrigal Singers. Ang
kulturang popular rin ang kaabot-abot o nagmistulang abot-kamay abot-tanaw na di
hamak na mas maraming bilang ng naghihikahos na mamamayan, ang karot sa dulo
ng patpat na nagbibigay motibasyon para mangarap, magpursigi at manatiling
nagsisikap. Ito ang impetus para maging bahagi ng inaakalang mas angkop na uring
kolektibo. Hindi ito diamond jewelry at lifestyles of the rich-and-famous, kundi ito ang
normalisasyon ng mga di-pangkaraniwang bagay sa pang-araw-araw na realidad ng
paghihikahos, tulad ng texting, usong pananamit, Jollibee at McDonald’s, malling sa
loob ng mall at labas ng mall, sa mga tematikong konsumeristang lunan (Baywalk,
Starbucks, Quiapo para sa piratang media, at maging Luneta).
Ito ang dulot ng neoliberalismo sa pribadong indibidwal. Para siyang may powers
kahit sa aktwal naman ay dinudusta ito, at kung gayon, wala naman talaga o walang
makakasapat para isipin niyang lumaban at matalo ang mas malaking kaayusan sa
labas niya. Sa paglikha niya ng magandang uniberso ng pagiging gitnang uri,
naiigpawan niya ang pang-araw-araw na buhay. Sa isang banda, ito ang moda ng
kulturang popular—ang pagdanas ng pamandaliang ligaya sa pagdanas sa
kasalukuyan—na parang isang kahig, isang tuka na panuntunan. Sa kabilang banda,
itong pakiwari ay nagkakaroon na nga ng semi-permanenteng pag-aanino sa
kanyang buhay. Pantakas na fantasya sa aktwal na realidad na hindi matatakasan.
Hindi niya maiisip lumaban dahil ang sinasambulat ng kulturang popular, sa
pangunahin at sa huling pagsusuri, ay kultura ng naghaharing uri; kung gayon,
depolisado ang kulturang popular at ang pagsasalin nito sa indibidwal at
panlipunang kamalayan.
Sa isang banda, ang aparato ng kulturang popular ay nililikha para magsambulat
lamang ng “true, good and beautiful” ng naghaharing uri. At ito ang nagkokondisyon
para wala tayong isipin at danasin na lampas sa pangkasalukuyang kasiyahan ng
fantasyang bumabalot sa kondisyon ng tunay. Party pooper naman na malamang
nakaw ang binili ninyong cell phone. O maliligwak kada limang buwan ang mga
nagsisilbi sa inyong paboritong fastfood o mall. O wala nang trabaho ang mabait na
manong at manang na nagbabantay at naglilinis ng banyo, nagtitinda ng taho at
monay. Na mayroong matinding pagsasamantalang nagaganap sa mga
nagtratrabaho sa SM malls. Na kahit magwelga ang mga manggagawa nito sa
kanilang unyon, pipiliin pa rin nating tumawid ng piket at ipagpatuloy ang karanasan
sa malling. Ano pa ang matitirang sanktwaryo sa idea ng SM, McDonald’s, Globe at
Smart, kung sa aktwal na labas ng mga poder na ito ay malawakan ang pagtunghay
sa kahirapan na nagsisiwalat ng relatibong kadaliang paigtingin ang neoliberalismo
at fasismo ng estado? Paano ka pa magiging masaya kapag namulat ka na sa
politikal na katotohanang hindi masaya ang pambansang buhay? Kaya sa
kadalasan, wala nang ginagawa kahit may rekurso sa mismong politikal para
matransforma ang panlipunang buhay. Sa kabilang banda, inaako ng sarili bilang
historikal na katotohanan ang sinasambulat ng aparato ng kulturang popular.
Pakyawan ang pagtanggap ng sarili sa sistema ng pagpapahalaga ng aparato, na
hindi na nagpapalahok sa indibidwal sa larangan ng rasyonalismo (mga matwid at
nararapat na gawin batay sa lohika ng argumento) kundi sa larangan na ng politikal
na kapangyarihan (sino ba ang aktwal na humahawak nito?). Ang bagong
rasyonalismo ay ang irasyonalismo ng pakiwaring gitnang uri—hindi ng angkop at
tamang dapat gawin, kundi ng inaakalang pang-indibidwal na ikakapamuhay ng
matiwasay. Paano ba mamuhay na parang walang isang libong politikal na
pinapaslang sa administrasyon ni Gloria Macapagal Arroyo at pinapaigting ang
neoliberalismo sa edukasyon? Eh di parang wala ang mga ito, tulad ng pagtingin sa
malawakang kahirapan, na nandiyan pero wala riyan. Para rin itong paano
nakakapanungkulan si Arroyo nang hindi sinasagot ang akusasyon nang
malawakang pandaraya sa eleksyon ng 2004. Parang walang nangyari, ipagpatuloy
lamang ang panunungkulan.
Ang pribatisasyon ay ang internalisasyon ng kapangyarihang pang-estado, kabilang
ang paglulugar sa atin sa akmang espasyo at kondisyong magpapatanggap sa
pinakamalupit na hagupit ng neoliberalismo at fasismo na may ngiti at halakhak,
kahit nervous laughter pa ito. Ang pribatisasyon ay sabayang pagkakahon sa
indibidwal sa pribadong larangan bilang publikong spero (pinagkakapitan ng iba
pang mga indibidwal bilang kani-kanilang mundo ng pagrerekurso) sa malawakan sa
isang banda, at ang pribadong larangan na ito bilang publikong domain
(mapapakailaman, tulad ng sinasaad sa Anti-Terrorism bill, ng gobyerno bilang
pang-estadong interes) sa kabilang banda. Ito ang tinatawag ni Michel Foucault na
biopolitics o ang pagpapaubaya ng indibidwal sa estado ng mga pribadong aspekto
ng kanyang buhay, kundi man ng kanyang mismong buhay.
Ang isinasaad ng biopolitics ay ang pagmapa ng pribatisasyon ng larangan ng buhay
ng indibidwal at panlipunang pamumuhay at kung gayon, ng kapangyarihang pang-
estadong mahalagang kinabibilangan ng kulturang popular. Kung ang estado ay
gumamit ng pagbabalanse ng karahasan at panghihikayat--ng dispersal ng
nagproprotesta sa pagtaas ng presyo ng gasoline at ang pagbaba ng ilang sentimo
nito—ang kulturang popular ay arena ng purong kasiyahan. Ito ang nagpapalasang
matamis at makakain ang inihahapag ng estado ng kapaitang ubod ng malawakang
kahirapan at pandarambong sa karapatan. Kung paano, tulad ng mga tauhan sa
palabas pangtelebisyon na Big Brother, ay natututong magsamba at gumawa ng
kastilyong buhangin sa bawat akmang tugtog na marinig, kundi ay may kaakibat na
parusang disresyonaryo at subhetibo lang naman. Pero marami sa atin ay
sasabihing manonood lang naman. Hindi naman tayo ang aktwal na inuuto at
pinaparusahan, na di tulad sa Big Brother na boluntaryong piniling mapailalim sa
marahas pero magandang estetikang telebiswal naman na realidad. Pero ito ang
kakaiba sa mga komoditi ng kulturang popular—na ang pagiging mamamayan sa
bansang ito ay paglulugar na sa mga kondisyong bumubuo ng tatsulok na realidad
ng bansa. Walang ibang pagpipilian kundi ang maging mamamayan ng bansa, at
walang madlang nanonood sa indibidwal na buhay natin.
http://rolandotolentino.blogspot.com/2007/11/kulturang-popular-at-pakiwaring-
gitnang.html