You are on page 1of 22

Ang Popular at Kultural sa Espasyo ng Neoliberalismo

Ang kulturang popular ay malakihang negosyo na nangangailangan ng


malakihang bilang ng mga individual na tumatangkilik. Walang
mabebenta--produkto, karanasan, serbisyo, brand, kwento, sandali, o
panahon--kung walang bibili--literal, at figuratibo para sa walang
kapasidad na tumangkilik, ang idea pa lamang na ang ibinebenta ay
isang kanasa-nasang bagay. Kahit pa sinasabi na ang kulturang
popular ay mga produkto at serbisyong ipinapataw ng mga nasa itaas--
ng mga negosyo at kapitalismo--ang paratihang challenge ay kung
paano ito gagawing katanggaptanggap sa mga nasa ibaba para ang
want ay maging need, ang luho ay maging batayang pangangailangan
ng malaking bilang, at ang mga produkto at serbisyo ay maging
measure ng individual na fulfillment. Ang kapangyarihan ng kulturang
popular ay lumikha ng kultura na popular sa labas ng sakop ng loob ng
aktwal na produkto at serbisyo nito, o kung paano ang produkto at
serbisyo ng kulturang popular ay nagiging bahagi ng mga kolektibo ng
individual--nag-uusap, nakikitungo, nakikipagkapwa sa aktwal at virtual
na mundo, magkakilala man o hindi--o sa madaling salita, kung paano
ang kulturang popular ay nagiging vital sa pagkanilalang (becoming,
being) ng mga individual na tumatangkilik sa karanasan nito.

Ang pagkanilalang ay nakabatay sa gitnang uring panuntunan na may


global na dimensyon: gitnang uri bilang tagpuan ng maykayang
kayang bumaba sa popular na panlasa at ng abang uri na abot-tanaw,
abot-kaya (kahit sa sachet o paminsanminsan lamang) na madanas; at
global dahil sa yugto ng neoliberal na globalisasyon, ang mga
pangarap ay pawang nakapaloob lamang sa inaalok nito, lalo na ng
mga brand para sa global na hanay ng mga kabataan. Ang akses sa
cellphone na I-phone o Samsung Galaxy, Mac computer at Air Mac,
kanluraning fastfood at resto bars, 24/7 na establsyimento, portable
wifi connection, at kulturang mall, halimbawa, ay pangarap ng lahat ng
mga kabataan sa lahat ng bansa at teritoryo sa mundo. Ang ganitong
panuntunan at peg ang siyang magbibigay-substansya sa
pagkanilalalang at ng pagdanas ng pagiging global na kabataan: kung
paano umibig, malaglag, mag-Valentine's date, lumigaya, gumimik sa
barkada, at tumanda, pati maging rebelde, magkaroon ng premarital
at extramarital affairs, magdroga, magpatiwakal, at magbagong
buhay, o sa madaling salita, kung paano hip, fashionable, young, at
youthful na mabuhay at mamatay.

Kabataan ang panuntunan ng kulturang popular, kaya intermittent,


revivalist, retrospektibo at may shelf life lang ang mga produkto at
serbisyo ng kulturang popular. Pabago-bago dahil tumatawid ang
pangkalahatang nosyon ng kulturang popular sa iba't ibang
henerasyon ng mga kabataan. Pabago-bago kahit hindi naman talaga
(nag-uulit, nag-a-update, nanghihiram, kumukuha sa nakaraan, at iba
pa) para hindi magmukhang nauubusan ng maaring ihain na produkto
at serbisyo. Nagbabago dahil walang katiyakan na tatangkilikin ang
mga variasyon ng global na kulturang popular sa pagsapi nito sa mga
pambansang kontexto--kahit na benchmark na ang cellphone, iba-iba
ang kalakaran sa pagdanas nito: sa Filipino, halimbawa, texting, pagbili
ng load sa suking tindahan o pwesto, siste ng pasa-load, G-cash o ang
kumbersyon ng load sa credit na makakabili ng produkto at serbisyo,
at iba pa, na nagpapatangi sa kontexto ng bansa kahit hindi naman
talaga pangkalahatang naiiba sa global na gamit at kontexto nito.
Nagpapahintulot ng variasyon pero hindi pwedeng ibang-iba, tulad ng
lokal na offering sa standardisadong menu ng McDonalds.

Ang kabataang pagkanilalang ay nakatuon sa pagdanas sa karanasan


ng kulturang popular sa isang sado-masokistang relasyon. Hindi
kailanman may paglapat sa ninanais ng individual sa inaalok na
produkto at serbisyo ng kulturang popular. Parating kulang, parating
hindi nakakasapat kaya regular na dinadanas. Sa ritwalisasyon
naanigan ang kalidad ng pagkanilalang. Ang sine, halimbawa, kahit
naantig na ang damdamin sa isang napakamakabagbag-damdaming
pelikula, hindi ito nakakasapat. Manonood at manonood muli't muli ang
individual. Sa ritwalisasyon ng karanasan--mula pagkabata hanggang
sa pagtanda--nabubuo ang pangangailangang muli't muling gawin ang
mga takdang gawain sa kulturang popular. Pero sadlak ang pagkakasa
sa kulturang popular dahil parating kulang at hindi nakakasapat ang
pagtimbang sa karanasan nito. Hindi mabibili ng mga individual ang
lahat ng modelong lumalabas sa I-phone at Samsung Galaxy, at sa
akto ng kanyang aktwal na pagbili, minamarkahan na ang produktong
tinangkilik niya bilang paluma na, pawalang-bisa na dahil ilang buwan
at taon lamang, may mas bagong ilalabas ang malalaking negosyo.
Ang sado-masokismo ay ang relasyon ng individual sa produkto at
serbisyo ng kulturang popular. Self-flagellation na nakangiti ang
ginagawa ng individual sa pagtutumbas ng makakayanan para sa
makasabay na global na panuntunan. Dinaranas niya ang karanasan sa
ligaya (pleasure) mode, hindi sa aktwal na moda ng pasakit at pighati.
Alam niyang nagdusa ang individual para makasabay, na kahit na
mabili na ay may peryodikong karagdagang halaga pa na kailangang
kitain at pagkagastusan (load at postpaid sa cellphone, at monthly sa
cable at wifi service, halimbawa) pero magpapaubaya na lamang ang
individual sa pagpaloob sa karanasan ng pagtangkilik. Sa pangako ng
figuratibong pag-akyat , kung mayroon man, sa maliliit na mundong
kinapapalooban ng mga social ladder nakatuon ang kanyang
motibasyon na ipagpatuloy. May ngiti bilang artifice ng nakatagaong
pagdurusa dahil sa artificial na negotiated na ligaya lamang
magkakaroon ng katuturan--ng kultural na lohika--kung bakit niya
tinatangkilik ang produkto at serbisyo.

Sadista ang individual dahil siya mismo ang nagbibigay ng latay sa


kanyang pagkanilalang, at natutuwa siya na ang kanyang
subhetibismo ay may ngiti itong tinatanggap. Tulad sa maraming sado-
masokistang relasyon maliban sa hardcore, walang aktwal na latay,
wala namang namamatay sa pagtangkilik sa madalas (kahit pa marami
ang biktima ng karahasan sa nakawan ng cellphone, date rapes, sex
eyeballs, at iba pa, o kahit pa may namamatay sa aktwal na
konstruksyon ng malls, ipinaglalaho ito ng mismong negosyo at estado
para manatiling wagas at dalisay ang pagdanas). Sa isang banda,
sinasaad na mahal ko ang produkto dahil mahal ko ang sarili na
nagpakahirap para makamit ang produkto, at para matumbas ang
pagmamahal sa ligaya, kailangan kong burahin ang mga bahid ng
pasakit at pighati. Sa kabilang banda, sinasaad din ng sarili na
kinamumuhian ko ang produkto dahil kinamumuhian ko ang sarili na
pumayag na magpakahirap para makamit ang produkto (hindi naman
ikamamatay ng sarili kapag hindi), at para matumbas ang pagkamuhi
sa pasakit at pighati, kailang kong burahin ang mga bahid ng pasakit
at pighati. Sa madaling salita, walang KJ (kill joy) sa pagdanas ng
kulturang popular dahil hindi masaya--kaya nga KJ--na tumangkilik na
nababalisa kung bakit nga ba tumangkilik at patuloy na tumatangkilik.
Para hindi mabalisa, voluntaryo man o hindi, pinipilit ang sarili na
iwaksi ang pasakit at pighati, at danasin lamang ang karanasan sa
modalidad ng ligaya.

Ang dialetiko ng ligaya at pasakit ay matagal na pinanday ng individual


sa kanyang sarili. Sa pamamagitan ng panlipunan, pampamilya at
sariling pag-ako na sosyalisasyon natutunan niya ang mekanismo ng
pagsasabuhay ng nekropolitika--dahil sa depolitisasyon ng pagtangkilik
at pagdanas, pinapatay ng neoliberal na kapitalismo ang pagka-
individual niya, ang kanyang subhetibididad. Ang pagsasabuhay ay
nagsimula pa lamang sa konsepsyon sa individual, ang mga
produktong tinangkilik, ang karanasang dinanas, ang syensya at
kultura ng sex para mabuo ng magulang, makapagdalangtao ang at
maipanganak siya ng kanyang ina. Matapos, ang pag-alaga sa kanya
ng mga produkto ng negosyong unti-unting nagmamarka sa kanyang
pagkatao: baby books, diapers, powedered milk, Gerber baby food,
anti-rash lotion, bakuna, baby albums, at iba pa. Maraming sanggol
ang dinadala na sa malls ng mga buryong na magulang, kontraryo sa
alituntunin na huwag munang i-expose ang sanggol sa malalaking
publikong espasyo.

Ang kanyang kamusmusan ay tatadtarin ng cartoon channels, Disney


films, fastfood, at iba pa. Sa katunayan, kahit pre-literate ang bata,
marunong na itong kumilala ng branded na pagkain, pati ng karakter
ng mga palabas sa telebisyon at pelikula. Sa fastfood, halimbawa, ang
musmos ay daranasin sa ligaya ang pagpunta rito bilang
manifestasyon ng afeksyon ng magulang dahil sa maalat at mainit na
french fries, matamis na sundae at spaghetti, langhap sarap na
Chicken Joy. Maligaya ang pagbihis sa musmos, pagdala sa lugar na
maari siyang maglaro sa playground ng outlet, o mas maganda,
makapag-birthday party rito, gusto man ng sanggol o umiiyak ito sa
takot sa pagdalaw ng at pagkarga sa kanya ng higanteng maskot dahil
inakala ng magulang na ito ang alaalang gusto nilang ipasa--sa
pamamagitan ng souvenir photos, video, at Skype (kung overseas
contract worker ang magulang)--sa anak bilang integral na bahagi ng
imahinasyon ng nakakatanda na childhood memory. Hanggang sa
pagdadalaga't pagbibinata, mapapansin ng individual na regular
niyang tinatangkilik ang fastfood kahit pa matutunan niya ang deadly
health issues na kaakibat ng pagtangkilik na ito.

At sa kangyang sariling pagtanda tungo sa pagiging magulang, siya


naman ang magbibigay-sosyalisasyon sa kanyang sanggol at musmos
para sa pagsasaulit ng life cycle ng kanyang kapamilya sa pagtangkilik
sa global brand ng fastfood. Kahit pa siya lolo at lola na, gaya ng
pagtampok sa mga figurang ito sa komersyal ng fastfood, dahil may
kapasidad sila ng personal savings at kahit bawal na rin sa kanilang
edad, sila naman--bilang doting na lolo at lola--ang patuloy na
magsusustina ng ganitong taliwas na habit. Itong pagkatagos ng
kulturang popular sa iba't ibang yugto ng buhay ng individual, at ang
sosyalisasyon sa kanya ng mga entidad na malapit--familial at
familiar--sa kanya ang nagtitiyak sa sustainabilidad ng pagdanas ng
individual at ng kita ng negosyo ng kulturang popular.

Ang personalisasyon ng pagdanas ang nagbibigay-preferensya at


paninindigan na pumapabor sa kulturang popular. Bakit naman hindi,
ang sinimulan paborableng alaala sa kanyang pagkasanggol at
kamusmusan sa pagtangkilik ay patuloy na sinusustina sa kanyang
pagtanda? Sa tuwing dadalaw siya at muli't muling makikibahagi ng
pagtangkilik sa sityo ng kulturang popular--sa fastfood, halimbawa--ay
may impit na alaala ng ligaya ng kamusmusan, at sa kanyang
pagtanda, ang pagkawalay at pagkawala nito. May pangungulila na
mabubuo ang individual sa kanyang nawawalang kamusmusan bilang
integral na kaganapan sa naratibo ng individual na buhay sa
kapitalismo. Nawawala kaya patuloy na hinahanap, nawawala dahil
mahalaga, nawawala pero hindi na muling matatagpuan,
permanenteng nawawala kaya permanente ang paghahanap: win-win
sa mga global na negosyo na sa kabuuan at bahabagi ng life cycles,
may kitang mahihita sa mga individual. Kung iisipin, personal ang
relasyon ng individual sa mga produkto: Coke, Disney cartoons, anime,
sine, malling, fastfood, birthday party at gimik, debut at kasal. Kahit pa
may template ang mga ito, ang individual na pagdanas--kasama ang
residue ng pagdanas: litrato, video, Facebook posts and tweets,
halimbawa--ay nagmimistulang natatangi ang naging pagdanas kahit
pa nga mass ang saklaw ng mga produkto at serbisyo ng kulturang
popular. Paano iisiping sa habit ng pag-inom ng Coke simula musmos
pa lang na ito ang isa sa mga dahilan kung bakit marami ang nagkaka-
diabetes? O ang maling pagtangkilik ng pagkaing fastfood na ito ang
simulain ng high blood na maaring dumiretso sa atake sa puso at
stroke? Na wala namang aktwal na pagbabagong nagaganap sa
kinetisismo ng narsisistikong paglahok sa mga plataporma Facebook at
Twitter? Kung naging bff (best friend forever) mo ang mga ito sa
napakatagal na panahon, kahit pa sabihin ng liberal na edukasyon at
panlipunang aktibismo ang mga kakulangan at kalabisan ng mga ito,
hindi maiisip ng individual na masama ang nagpapaligaya sa kanya,
ang mga bagay na tinangkilik niya at ipinatangkilik ng mga mahal niya
sa kanya. Na kahit pa nga mass ang produkto't serbisyo ng kulturang
popular, may personalisadong ritwal ang individual na nasustina sa
mahabang panahon ng pagtangkilik na nagtitiyak na ang ritwalisasyon
ng pagdanas ang parati kaysa madalang na magpapatagumpay sa
negosyo kaysa sa individual sa kulturang popular.

Figuratibong hawak sa leeg ng neoliberal na kapitalismo ang


mamamayan at konsumerista--ang dalawang pangunahing identidad
ng indvidual bilang politikal at ekonomikong nilalang ng estado. Hawak
ang kaluluwa ng individual dahil kailangang dumaan sa rigor ng
pagdanas, primaryo sa kulturang popular, para madulas na ipatanggap
ang kalakaran para sa substansasyon ng individual sa kaayusan ng
neoliberal na kapitalismo: kung paano maging tao, makipagkapwa tao
(mga panlipunang relasyon), at ang pagkatao (pagiging nilalang).
Walang ligaya sa labas ng inaalok ng neoliberal na kapitalismo ang
inilalako mismo ng neoliberal na kapitalismo. Ito ang parametro ng
ligaya na efektibong iniaalok para sa publiko ng individual at paghulma
ng individual na publiko (na tulad sa social networks ay nakakawing pa
rin sa negosyong namamayagpag sa neoliberal na kapitalismo). Kaya
ang isinasaad ng neoliberal na kapitalismo, walang ligaya na hindi
maaring madanas dahil ang ligaya ay matutunghayan sa pagtangkilik--
pangangarap, aktwal sa bawat akto, ritwal sa pagsasaulit ng aktwal sa
panahon--kundi man, walang ligaya na hindi nabibili, walang hindi
mabibili para makamit ang ligaya sa kulturang popular. Ito ang
hiwagang nakakapanghimok na tumangkilik sa neoliberal na
kapitalismo kahit pa ang ligaya ay hindi naman talaga nakaugat sa
anumang may yamang-balon, o mga ligayang dulot ng instant
gratifikasyon lamang, ang ligaya sa sandali ng akto ng pagtangkilik na
matapos ay kagyat na nawawalay at nawawala rin.

Kagyat ang pagkawalay at pagkawala dahil kung matagalan ang


sandali--naging panahon--hindi na ito saklob ng kulturang popular na
walang pangako na aratihan itong available kahit pa sa habambuhay
na pagkatagos nito sa individual: una, kailangan ng aktwal na konsumo
at partisipasyon, at kung gayon pag-ayon sa referendum na
bumobotong paborable sa pagdanas, para matiyak ang akses sa
ligaya; at ikalawa, kinakailangang maikli lang ang self-life--ang
mismong sandali lamang ng pagdanas--ang buhay para muli't muli
itong hanapin para ala-tsamba na mahagilap. Kaya naglalaho sa ere
matapos ng sandali dahil mas may kita ang negosyo at may
kumpyansa sa estado ang individual sa ritwalisasyon ng konsumpsyon.
Sa panahon ng post-World War II na magulang, mabubuhay at
mamamatay sila na kakailanganin lang ng isang kotse, ref at iba pang
appliances. Sa kontemporaryong panahon, peryodiko ang pagpapalit
ng gamit. Walang lifetime guaranty ang binili maliban sa aktwal na
shelf life ng mga bagay.

Ito ang kultura ng pagkalaos (obsolescence) sa kapitalismo, lalo na sa


neoliberal na yugto nito. Gaya nga ng isinasaad, ang sityo ng ligaya ay
nasa sandali ng gratifikasyon nito. Matapos nito, hindi na natin
maalaala dahil nga winalay at winala na ito para muling hanapin at
tangkilikin. Ano ang ikatlo sa huling sine na napanood mo? Ano ang
ikalawang huling text at tawag na natanggap? May pause muna bago
masagot ito. Matapos ng pagdanas sa sandali, wala na itong halaga.
Ang ikalawa pang manifestasyon ng kultura ng pagkalaos sa
kapitalismo na efisyenteng pinapadaloy ng pinaka-epektibong galamay
nito, ang kulturang popular, ay ang rekisitong pagiging papalitpalit
nito. Basta hindi na bebenta, laos na, luma kaya kailangang palitan na
ng iba. Kahit ano. Ang bawat paglabas ng bersyon ng operating system
ng kompyuter, cellphone o ay may karagdagang feature lang naman,
hindi naman reimbensyon ng siste. Maging ang retail outlet sa mall ay
kinakailangang magpalit ng display window kada ilang buwan para
kolektibong makapanghimok ng patuloy na pangtangkilik.

At ito ang paradoxikong indikasyon ng pag-agnas ng kulturang popular


sa ahensyang integral sa liberalismong pinag-ugatan nito: mas
madalas lumahok at tumangkilik, mas normalisado sa pang-araw-araw,
mas wala nang pagtatanong sa ritwal ng pagtunghay at partisipasyon,
mas pinapaimbabaw ang modalidad ng ligaya, at kung maligaya ang
tampok na modalidad ng pagdanas, may pagtagos sa individual na
may ahensya sa ginawang pagpili, paglahok at pagtangkilik sa
kulturang popular. Samakatuwid, hindi narerealisa ng individual na sa
depolisadong akto ng pagtangkilik--kahit pa politisado naman ang
aktong ito dahil hinakayat ng negosyo at estado na maging docile ang
katawan at tinig ng individual--siya ay nawawalan ng ahensya ng sarili.
Lahat ng pinili ay overdetermined na o inilatag na ang posibilidad ng
pagpipilian sa mismong pagpaloob sa mga diskurso ng produkto at
serbisyong tinatangkilik. Hindi pwedeng umorder ng adobo sa
McDonalds o banana split sa Jollibee, halimbawa, dahil hindi ka naman
papasok sa mga establisymentong ito kung malinaw, una pa man, na
wala ito sa kanilang menu na kinatatampukan ng burgers, fries at
colas. Hindi individual ang mapagpasya dahil maging ang kapasidad
niyang pumili bilang individual ay nahimok nang umalinsabay sa
itinataguyod ng negosyo at estado. Paano iisipin na mapanupil sa
manggagawa ang kalakaran ng SM malls, ang pinakamalaking mall
developer sa bansa, sa subkontrakwalisasyon--na ang buhay ng
manggagawa sa mall ay limang buwan lamang para hindi ma-hire ito
at makakamit ng benefisyo--kung ang alaalang historikal ng
pagkamulat sa malls at ng kasalukuyang patuloy na malling ay sa
modalidad nga ng ligaya dinanas? Paano iisiping racista at patriyarkal
ang Disney films kung nangarap ka noong bata ka at pinapatunghay
pa ang mga pelikula sa mismong mga anak ang mga imahen ng
sirena, damsel in distress, prince charming, pananakop sa Africa at
Latin Amerika? Nilikha ang kulturang popular na exonerhado ang
lumikha at nagpapalaganap ng mga ito. Walang nagpipiket o mass
action na matutunghayan sa mall o theme park. Hindi maaring tukuyin
si Henry Sy, mga Gokongwei at Ayala Corporation bilang salarin sa
depolitisasyon ng mga nagmamalling sa kanilang mga establisymento.
Sasabihan ka ng public relations ng mga ito, may choice naman ang
tumatangkilik kung tatangkilik ba sila o hindi. At kahit pa sa
masigabong konsumerist na boykot ang maaring gawin para
semplangin ang mga ito, walang mayorya na makikilahok. Kaya nga
mahina rin ang kilusang konsumerist sa bansa dahil walang bisa ang
pagtatangkang magtaguyod ng solidaridad sa mga naagrabyado sa
pamamagitan ng pagboykot sa mga negosyong simbolo at direktang
salarin nito.

Ang tagumpay sa kapitalismo, kahit pa malinaw ang panlipunang


akawntabilidad ng mga negosyo sa mga akto at epekto ng
depolitisasyon, hindi krimeng maging tanga (mas krimen pa nga ang
maging kritikal), at epektibo rin nalikha ng mga negosyo ang sariling
abstraksyon dahil hindi naman isinasaalang-alang ng mga konsumerist
ang moda ng produksyon. Tanging sa tail-end lang sila lumalahok,
kung saan nabura na ang lohika ng mapanupil na paggawa, at ang
tapos na produkto ay natransforma na sa mamahalin at mahikang
komoditi.

Sa kalidad ng personal na investment at interes sa mga produkto at


serbisyo ng kulturang popular, walang ibang rekurso na iniaalok
maliban sa sapilitang pagtangkilik. Kahit pa, sa pamamagitan ng liberal
na edukasyon, alam na ang katiwalian at kahayupang pagmaniobra ng
mga industriya ng kulturang popular, hindi naman isusuko ang mga
kalakaran ng pagtangkilik sa mga ito. Sino ang handang itapon ang
cellphone sa basuran, o manindigan na hindi na sila mag-a-update sa
mga bagong modelo hanggat hindi nasisira ang laos nilang gadget? O
huwag nang magmalling? Maging maging vegetarian na lamang dahil
sa siste ng industrial na pagpaslang sa mga hayop na pinagmumulan
ng kinakaing karne? Sino ang makaka-afford na kumain ng mamahalin
na organikong pagkain? Sino ang handang hindi na kumain sa
fastfood? Ang individual na negasyon sa politikal--ang kapasidad ng
individual na magpasyang may alam, at makapili nang pinakamabuti
sa kanyang interes--ay isinagawa na mismo sa antas ng individualidad,
sa naipatagos na individualismo at individualista ng individual. Walang
ligaya sa makitid na loob nito. Kung gustong maging maligaya, piliin
ang ligaya sa nagsisikipang loob ng kawalan-pagpili at aktwal na
kawalan-ligaya sa kawalan-pagpipilian naman talagang kalakaran sa
kulturang popular.

Ang Nosyon ng Kolektibo at Popular

Walang kolektib--o ang transformadong kabuuan ng mga individual


napagbuklod para sa transformasyong politikal--sa kulturang popular
kahit ang simulain ng nosyon ay nanggaling sa kolektibo ng folk, o ang
katipunan ng mga rural na paniniwala, idea, gawi, tradisyon, at praxis.
May pagbabalikwas ang folk dahil sinasambit nito, at least sa Filipinas,
ang aktibong transformasyon ng kolonialismo at katolisismong Kastila
sa naunang katutubong gawi. Binabago at sa inobasyon ay naiiba,
kundi man natatangi, mula sa orihinal ang pagbabalikwas. Hindi na ito
matutunghayan bilang kalakaran ng gahum kundi bilang kultural na
idiom ng sinakop. Ang kulturang folk ang nagpasulong ng ebolusyon ng
katutubong kultura tungo sa kultura ng at hindi ng mananakop, na siya
ring magiging punla tungo sa pagdadalumat ng postkolonyal na
kultura, at sa pihit ng nasyonalistang kilusan, tungo sa paghahagilap
ng etikal na panuntunan ng pambansang kultura, o ang pag-aninag ng
kontraryong kontemporaryong kultura ng bansa na may diin sa
politikal na produktibo nitong pagbubuo at natatanging pagkakaiba ng
mga grupong nakapaloob dito. Masisipat na ang politikal na agenda ng
kolektibo ang siyang nagpaiba sa iba pang anyo ng kabuuang sinipat
ng negosyo. Ipinakilala ang konsepto ng mass bilang pag-aninag sa
media at komunikasyong isinisiwalat para sa nakararami. At dulot nito,
ang kinakailangang teoretikal na balangkas, metodolohiya at pagsusuri
na makakapag-aproximisa sa tinutumbok na kabuuang odyens,
konsumerista, at mamamayang tinatarget na ipaloob ng pag-aaral na
pinopondohan ng negosyo at estado. Simula sa pagtaguyod nito noong
1960s, empirisismo ang naging simulain, tulad ng maraming disiplina
sa sensyang panlipunan. May mga disiplina't partikular na unibersidad
na nakawala rito, naging referensyal na kakayahan ng mga ito na higit
na maging kapaki-pakinabang sa interes ng mas malaking publiko,
kundi man, nang higit na kabuluhan ng akademikong disiplina at
departamento. Ang politikal na tradisyon sa akademiko ay napihit ng
mas malaking politikal na kilusan sa labas ng akademya.

Naghahanap ng kolektibong tinig ang mga mamamayan at mga sektor


nito noong 1960s din. At ang mass ay nagsimula na agad maging
walang kabuluhang politikal na termino. Ang ipinantapat ng kilusan--
batay sa pagpaloob ng teorya ni Mao Zedong na nagdiin ng papel ng
pesante at masa sa rebolusyonaryong gawain at pagbabagong hinawi
nina Marx at Lenin--ay ang nosyon ng masa o ang batayang kabuuang
may paratihang potensyal para sa gawain at pagpapayaman ng kilusan
tungo sa panlipunang pagbabago. "Mula sa masa, tungo sa masa," ang
idea ng mass line ni Mao na naging batayan ng gawaing pagmumulat,
pagpapakilos, at pag-oorganisa ng kilusang pagbabago. May batayang
teoryang marxismo na sinasandalan ang masa bilang nagpapabukod-
tangi na konsepto ng kolektibo at ng katangian na politikal na
trasformasyon ng kabuuan at bansa na itinataguyod ng kilusang
nasyonalistiko noong 1960s at 70s, na nagsilbing tulay sa diwa ng
taumbayan na sinasambit ni Bonifacio at rebolusyonaryong kilusan ng
Katipunan noong 1890s tungo sa muling pagsasabuhay at
transformasyon nito sa pambansa at bagong tipong antas ng
Communist Party of the Philippines simula pa sa muling pagkakatatag
nito noong 1968.

Nananatiling may popularidad ang kolektibo ng masa dahil ito ay


tumutukoy sa aktibong paglahok at pagkilos para sa pambansang
pagbabago. Magkagayon pa man, sa prente ng kulturang industriya,
nagpatuloy pa rin ang motibo ng kita at malawakang depolitisasyon
para sa pagpapaunlad ng market na tatangkilik sa mga ipinapakilala at
ipinapalaganap na produkto at serbisyo ng kulturang popular. Noong
1980s na nagsimula at 1990s na naramdaman ang mayor na hidwaan
sa pangunahing kilusan ng politikal na pagbabago, nagkaroon ng
hidwaan (biyakan) sa pagitan ng dalawang grupo: ang reaffirmist (RA)
na nanalig sa batayang marxistang teorya at sa pagpapatuloy ng
rebolusyonaryong kilusang nakaugat sa mga prinsipal na teorya; at
ang rejectionist (RJ) na sa paghalaw sa kondisyon ng biktimisasyon at
trauma ay pumihit naman sa higit pang integrasyon sa estado.
Nanghina ang kolektibo ng masa dahil sa pagkahiwalay na resulta ng
hidwaan. Dalawang beses na nakapagpatalsik ng pangulo ang
mamamayan, kabilang ang masa at kilusang masa. Pero hindi pa rin
nakakapagtagumpay ng rebolusyonaryong layon ng pambansang
pagbabago matapos ng ilang dekadang pakikibaka. Ito ang naging isa
sa mga susing isyu sa pagkakaroon ng rekonseptwalisasyon ng masa
batay sa susunod na politikal at non-politikal na proyekto ng kilusan at
mga faksyon nito. Muling nagsimula ang RA na mag-organisa at
magpalawak ng hanay, batay sa mas referensyal na kalakaran ng
pamumuno at pag-oorganisa. Ang RJ naman ay nagkaroon ng
epektong nawalay at nawala ang masa dahil sa pagnanasa at
kinalabasan higit na integrasyon sa estado. Kaya ang muling
umusbong na kolektibong masa ay nagmula sa RA, na patuloy pa rin
sa gabay nina Marx, Lenin at Mao sa pagpolitisa ng kabuuan para sa
pambansang pagbabago. Ang isang nangyari rin sa 1980s at 90s na
hidwaan ay natunghayan din sa rekonseptwalisasyon ng masa sa
sining na praxis at akademya. Sa sining na praxis, nabura ang
premium ng social realism sa tipo ng 1970s at 80s na ang masa ay
integral sa mga mural, dula, panitikan at pelikula. Nagkaroon ng pihit
na higit na matutunghayan sa 2000s, kung saan ang masa ay nabuo sa
idea ng subalternong identidad sa indie cinema, o postmodernistang
kilusan sa iba pang sining na may pagdiin sa individual na hindi lubos
na napapaloob sa hanay ng kabuuang masa kundi sa laylayan ng
mismong dating itinangi na masa. At hindi nakakapagtaka na ipinaloob
sa hanay ng laylayan ang mismong artista at intelektwal.

Patuloy pa rin ang masa bilang politikal na expresyon ng kolektibo.


Patuloy ang masigabong pagtuklas ng bago at pag-aninag sa dati nang
nagtatagumpay na paninipat sa masa bilang pwersa ng pambansang
pagbabago. May kontraryong pihit ang negosyo ng kulturang popular,
at ang sintomatikong manifestasyon nito sa diskursong akademikong
nagbura't naghayag sa papel ng masa at popular. Ang popular sa
kolektibo ay yaong makauring pagsusuri at pagkilos na
makakapagpalawak ng saklaw ng kaisahan at solidaridad para sa
pambansang pagbabago. Sa kulturang industriya, ito ang konseptong
makakapagbenta nang higit pang produkto at serbisyo ng kulturang
popular sa tinarget at pinapaunlad na market nito. Sa akademya,
naglaho na ang masa maliban sa pagsisilbi sa interes ng negosyo at
gobyerno na makapagtukoy ng agenda at programang makakalahok
ang target market na ito, at ang popular ay nakabatay sa
postmodernong kalakaran nito: kung ano ang hip, fashionable, young
at youthful na teorya, metodo, aralin, disiplina sa kinapapaloobang
sistemang edukasyon na hindi hiwalay sa real life situation, o ang
mismong market na ang presensya sa akademya ay higit lalong
nagiging visible at paborable.

Ang Kultura at Araling Kultural


Ang objek at sabjek ng pag-aaral sa akademya ang siyang naglatag ng
kondisyon para mabura at matalaga ang masa at popular. Kung gayon,
sa larangan ng kultura ang mas malaking teryn ng pag-aninag kung
ano ang naging kondisyon ng masa at napaunlad ang popular. Gaya
nang nabanggit, ang nasyonalistikong kilusan at ang kilusang
pambansa ang naghudyat ng paradigm shift sa pag-aninag sa masa at
popular. Sa kanilang mga publikasyong popular, tulad ng mga pahayag
at newsletter, at proceedings matutunghayan ang advokasi para sa
pambansang paglaya, ang puwang ng masa, at ang pagpapaunlad ng
kontraryong kultura, maging ang pagpasok ng debate sa teoretikal na
usapin ni Mao: ang debate na naresolba ng dialektika ng pagtataas ng
standard at popularisasyon. Sa popular press at libro lumabas naman
ang diskusyon ng paninipat ng nasyonalistikong identidad sa pagka-
Filipino at makabansa na integral na salik sa pagbabago ng popular na
diskurso sa kulturang popular. Lumabas ang isyu ng Filipinisasyon,
maging ng pagbabalik sa kasaysayan ng popular na media at kultura,
at features sa mga direktor, artista, produser sa pelikula, maging ang
mga isyu na paano naisa-Filipino ang media ng pelikula sa mga sulatin
noong 1970s at 80s. Ang mga unang kritiko ng popular na media ay
mga akademiko, malikhaing manunulat at peryodista, tulad nina
Bienvenido Lumbera, Nicanor Tiongson, Petronilo Bn. Daroy, Soledad
Reyes, Valerio Nofuente, T.D. Agcaoili, Nick Joaquin, at Pete Lacaba.
Sila rin ang magpapasok ng diskurso ng kulturang popular sa
akademya.

Gamit ang pelikula sa pangunahin bilang tampok sa paglalatag ng


kulturang popular, maging ng iba pang bagay tulad ng jeep at jeans,
bakya crowd at syudad, ang diskursong kulturang popular na mabubuo
ay magkakaroon ng alindog sa akademiko't intelektwal na
makakapaglatag ng mas malaking kultural na kontexto ng
penomenong sinusuri. Naipasok ang usapin ng kultura sa popular na
kultura, maging ang simulang pagtatangka na ipaloob din ang
kulturang popular sa mga pag-aninag ng mga akademikong teorya,
lalo na ng marxistang Frankfurt School sa simula nito. Hindi nagtagal
ang pagbatikos ng teorya dahil sa simula pa lang din, nakinita na
napakalawak ng saklaw ng kulturang popular, kasama ng kulturang
folk at katutubo sa pagdalumat ng kulturang Filipino at ng Pilipinas o
Filipinas. Dekada 1990 at 2000 nang magsimulang mabitak ang kultura
sa fasinasyon ng mga kabataang skolar sa postmodernismo bilang mas
makabuluhang rekurso sa pagsaklaw sa kultural na penomenong
pinag-aaralan, lampas sa lawak ng kultura at tungo sa mas spesipikong
aspekto ng kasarian at sexualidad, lahi at etnisidad, at henerasyonal.
Ang araling kultural (cultural studies) ang siyang natunghayan comfort
zone sa inaakalang ortodoxiyang mula sa marxismo. Sa
postmodernistang hamig sa araling kultural, ang mga akda ay naging
pagtunghay sa pagsusuri sa negosiasyon, pagbabalikwas, pagbibigay-
kahulugan, inobasyon, reinterpretasyon, reteritorialisasyon, at making
do tactics bilang alternatibong paglulunan sa hegemoniya ng
penomenon. May metodong penomenolohikal na sinasambit ang mga
pagsusuri, na siya ring rasyonal kung bakit ang idea ng pagbabalikwas
at negosiasyon ay madalas nakaangkla lamang sa usaping textual,
individual, at ang propensidad na ipamayagpag ang isyu sa politika ng
identidad (identity politics) na spesifiko sa mga usapin at teorya ng
formasyong identidad (identity formation). Nakaangkla rito ang
pagbubuo ng spesifikong identidad sa labas ng gahum ng penomenon,
o kung paano naaninag ang kontraryong politika ng identidad mula sa
penomenong sinusuri. Dito nagsimulang mawalay at mawala ang
usapin ng mass at masa sa kulturang popular. Ang politikal na
proyekto ay nakatuon sa mikropolitikal na identidad, na inakalang
tumutunggali sa represibong usapin ng nasyonal, nasyonalismo at
formasyong bansa (nation formation) na tinuligsa dahil sa pagkabura
rin sa akademikong diskurso ng prinipribilehiyong mga politika ng
identidad.

Nagkaroon ng pihit noong 2010s na dulot ng pagkilala sa pag-igting ng


neoliberalismo sa ekonomiya, politika at kultura sa tila pagkakawalang-
bisa ng politika ng identidad at formasyong identidad, maging ng
formasyong bansa, kung hindi nakakawing sa mas malawig na kritikal
ng kapital at kapitalismo, at ng papel ng kultura sa neoliberalismo sa
formasyong estado (state formation). Lumaki muli ang lente ng
pagsisipat na teoretikal na ikinakawing

ang penomenong pinag-aaralan sa formasyon ng kulturang ineendorso


at nakapanghihina sa estado. Ang estado ay tinitignan bilang
amalgamasyon ng pwersa ng malalaking negosyo at gobyerno bilang
gahum sa paglalatag ng kondisyon ng kultura sa mismong masaklaw
na politika at ekonomiya, at kung paano ang mamamayan at mga
katawan ay pinapanday tungo sa formasyon nito.

Kulturang Popular sa Espasyo ng Neoliberalismo

Mas may linaw sa papel ng kulturang popular bilang pinakaswabeng


daluyan ng kultura ng estadong nagtitiyak ng kapitalismo sa bansa.
Ang pihit na nangyari ay politikal na pilosopiya at panlipunang
sysensya--sosyolohiya, politikang sysensya, sikolohiya, antropolohiya,
linggwistika, at iba pa--at ang naunang humanidades bilang
mobilisasyon ng muling akademikong pagtugon sa imperatibo ng
kulturang popular sa espasyo ng neoliberalismo. Simula pa lang sa
panahon nina Ronald Reagan sa U.S. at Margaret Thatcher sa U.K.
noong 1980s, ang neoliberalismo ay wala nang pagtatatwa na
nakasakop na ng mga global at pambansang formasyon, at maging ng
mga lokal at individual na formasyon ng pagkatao at pagkanilalang.
Hindi na lamang kumpleto ang pagkalatag ng neoliberalismo kundi
epektibo itong nalatag sa malakihan at individual na formasyon, o na-
integrate na ang espasyo ng individual at ang mga bansa ang muling
bastardisasyon ng liberalismo sa porma ng neoliberalismo.

Kung sa liberalismo, ang individual ay may rekurso pa sa kamulatan sa


pamamagitan ng sistemang edukasyon at ng iba pang politikal na
institusyon at welfare ng safety mechanisms, sa neoliberalismo, wala
nang safety nets. Kanya-kanya na lamang--sa antas ng individual--na
paghahagilap ng kamulatang magdudulot ng rekurso sa panlipunang
mobilidad. Ang sabwatan ng malalaking negosyo ang siyang
nagdidikta ng politika ng integrasyon sa kapitalismo sa bansa. Ang
mga pinuno, kundi man representatibo ng maykayang politika o
nanggagaling sa mismong nagpapatakbo ng malalaking negosyo, ay
isanasangkapan ang gobyerno at pamamahala (governance) para sa
higit na pagkiling sa interes ng kita at kapital. Sa pamamagitan ng
malawakang polisiya ng pribatisasyon o pagtalaga ng serbisyong
publiko sa kamay ng malalaking negosyo, ang naging papel ng
gobyerno ay deregularisasyon o pagbubukas ng mga susing industriya
at ng safety features nito para sa disenfrantsisadong mamamayan at
sektor sa poder ng negosyo na inaakalang maglalatag ng patas na
kumpetisyon sa mga nagnanasang magkaroon ng bahagi sa mga
industriya. Sa kalaunan, ang mga binuksang negosyo ay nauwi sa
kamay ng iilan o ang oligopoliya na nakakapagdikta ng presyo sa
pamilihan, at ng kalidad o kawalan nito sa produkto at serbisyo, na
siya namang magdidikta ng ninanais na kita ng iilan.

Kaya mahina ang wifi, kuripot sa channels sa telebisyon, wala pang


kabuuang siste ng mass transit, at iba pa, halimbawa, ay hindi dahil sa
kawalan ng kapasidad ng gobyerno na mapondohan ito dahil sa
espasyo ng neoliberalismo, ang serbisyo ay ipinasa na sa kamay ng
pribadong negosyo na nagdidikta ng kalakaran--hindi pa ito kakikitaan
kaya hindi pa ito papasukin. Unahin muna ang higit na pasisikip ng
malls sa mga sentro at iba pang panig ng syudad, mga pocket
development hubs, gusali para sa BPO (business process outsourcing),
condos at expressway na pagmamay-ari ng pribadong sektor na may
katiyakan ang kita sa 2010s. At nagsimulang mamukadkad ang
kaakibat na kultura mula sa pihit sa ekonomiya at politika: mas
maraming maralitang lungsod sa mas tagong lugar, mas paghihikahos
sa agrikultural na sektor sa malawakang transformasyon ng sakahan
sa iba pang mas komersyal na gamit, subkontraktwalisasyon, gitnang
uring fantasya, 24/7 na establisymento, door-to-door delivery ng mga
bagay, mas trafiko, mas hindi maganda ang kalidad ng pambansang
buhay, at ang pamamayagpag ng mito ng individual na ahensya. May
dalawa pang epekto ang pribatisasyon at deregularisasyon: ang
komersyalisasyon o ang lampaslampasang pag-akyat ng halaga ng
produkto at serbisyo sa mamimili--matrikula sa edukasyon, value meal
sa fastfood, designer burgers, toll fee sa expressways, at iba pa--na
nagtitiyak ng patuloy na higit na kita ng mga negosyo; at
marketisasyon o ang pamilihan ang magdidikta ng mga produkto at
serbisyong tatangkilikin ng individual, tulad ng nursing bilang dating
tampok na kurso sa kolehiyo dahil sa inaakalang madaling makakuha
ng trabaho sa ibang bansa, ang preferensiya sa pagpapaunlad ng mas
marami pang expressways kaysa mass transit system, at iba pa. Ang
individual at nosyon ng popular ay nilamon sa espasyo ng
neoliberalismo para maging tail-end ng epekto nito (sa individual) at
transformadong nilalang kundi man advocate (mas konserbatibo, mas
reaksyonaryo) nito; at ang popular, ang anti-politika (anti-politics) ng
kabuuang entidad ng depolitisadong individual. Sinasaad lang ng anti-
politikal ang uri at kalidad ng disavowal sa anumang malawakang
politika ng transformasyon at transformatibo, o ang etika ng
pambansang pagbabago na may kilusan at rebolusyonaryong adhika,
lampas sa antas ng politisadong individual at individualidad lamang.
Hindi laos ang mangarap ng sistema sa labas ng kapitalismo at ng
yugto nito sa neoliberalismo. Ang rebolusyonaryo ang skolar na
nakikisangkot at malikhaing lumilikha ng posibilidad ng panlipunan at
historikal na pagbabago. Sinasaad ng antipolitikal ang anti-politika na
panuntunan sa pagsusuri sa kulturang popular, maging sa kultura
mismo. Wala na raw teorya dahil ang teorya ay manggagaling sa
inaakalang otentikong hanay ng mga individual at grupo sa kanilang
pang-araw-araw na pagdanas. Madilim ang pangitain sa neoliberalismo
dahil tinatanggap na lamang ang natural nitong pagdanas sa pang-
araw-araw. Ibinabalik ng kritika ng kapitalismo at formasyong estado
ang komplisidad ng negosyo at gobyerno sa depolitisasyon ng
individual. Kaya sa muling pagkasalanlan ng politika at politikal na
transformasyon maaring magkaroon ng pagkaunawa sa historikal at
panlipunang kondisyon ng individual sa neoliberalismo: na hindi ito
maganda, hindi ito maningning, hindi ito nakakapag-unlad ng pagkatao
maliban sa pagkanilalang ng neoliberalismo. Sa usapin ng pagsusuri sa
kulturang popular higit na mababanaag ang kondisyon ng individual at
estado sa neoliberalismo, at maaring lumikha sa aktwal na malikhaing
artikulasyon ng individual, mamamayan at grupo ng kontraryong
kaayusan.

Ang politikal ay makapangyarihang konsepto dahil naglalayon ito ng


malawakang transformasyon, lampas sa individual at kanyang
individualidad at individualismo. Maaring muling sipatin ang kultural sa
araling kultural bilang reinstrumentalisasyon sa politikal, o kung paano
magiging bahagi ang kultura at kultural na gawain para sa politikal na
pagbabago. Inilalatag ng mga sanaysay ang korelasyon ng espasyo at
kulturang popular. At ito ang nilalayong tunguhin ng pagkakalatag ng
mga ito, ang muling pagbabasa at pagsusuri tungo sa
kontemporaryong pagkakasalansan ng individual, mamamayan,
kultura, at kulturang popular sa espasyo ng neoliberalismo, at sa
katumbas na espasyo ng politikal dito.

You might also like